Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Krizha Chapter 7

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 7

 

HIYANG-HIYA si Krizha kay Gabriel. Balak nga niyang sumbatan si Manang Susan. Sana man lang ay sinabi nitong hindi pala karaniwang tumatanggap ang binata ng pasyente sa araw ng Linggo. Naistorbo pa tuloy niya ang tanging araw nito ng pamamahinga.

        Hiyang-hiya rin siya sa nangyari noong isang linggo. Iyong umabot pala kay Gabriel ang pagtawag niya rito sa kanyang guniguni. Parang hindi pa rin siya makapaniwalang si Gabriel nga iyong nakasama niya sa kanyang meditasyon.

        Pero totoo nga pala. Kung hindi ay paanong nalaman ni Gabriel na beach ang napili niyang puntahang lugar? Tama pati ang pagkakaulat ng binata ng kung kailan nito nilisan ang kanyang meditasyon. Eksakto ang inilarawang kasuotan.

        At siya, paano naman niya malalaman sa mga oras na iyon na ang suot ni Gabriel ay padyamang puti na may guhit na asul?

        Hindi kapani-paniwala pero nagaganap nga pala ang ganoong koneksiyon sa pagitan ng dalawang tao.

        Biruin mong nananahimik ang binata noong Sabado ng gabi at bigla na lang niyang nahatak sa kanyang meditasyon. Natangay sa kung saang dalampasigan ng kanyang imahinasyon.

        Ang nakakahiya ay iyong nalaman ni Gabriel na tinawag niya ito. Samakatuwid, nasa isip niya ito.

        Ano na lang kaya ang iniisip ni Gabriel ngayon tungkol sa kanya?

        Kunsabagay, mabuting tao si Gabriel. Tiwala siyang hindi siya nito kukutyain. Malaman man nito ang kanyang nadarama’y hindi ito magsasamantala. Nakasisiguro siya.

        Pagdating ni Krizha sa bahay ay nagbasa na lamang siya nang nagbasa sa buong maghapon. Nang masimulan niya ang mga librong ipinahiram ng binata ay hindi na niya mabitiwan. Paano’y parang naroon ang karamihan ng kasagutan sa kanyang mga katanungan. Sa kanyang mga ipinagtataka.

        Nalaman niyang hindi lang pala sa kanila ni Gabriel naganap ang ganoong kababalaghan. May kakayahan pala talaga ang tao na makipag-ugnayan sa kapwa sa pamamagitan ng kamalayan.

        Lahat daw ng tao’y may ganoong kakayahan. Sa ilan ay likas na malakas. Sa iba nama’y kailangan pa ng ibayong pagsasanay.

        Naisip ni Krizha, marahil ay likas ngang malakas ang kanyang kakayahan. Ni hindi nga niya sinasadya’y nakaabot kay Gabriel ang kanyang pagtawag. At sabi nga ng binata’y hindi nito nagawang kontrahin ang kanyang hiling.

        Pero ayon sa mga libro, imposibleng mahatak ang isang kamalayan nang labag sa kanyang kalooban. Kailangan pa rin ang kanyang pagsang-ayon at kooperasyon.

        Kung gayo’y hindi naman pala labag sa kalooban ni Gabriel na tumugon sa kanyang pagtawag. Sumang-ayon din ito’t nagbigay ng kooperasyon.

        Kung sabagay, hindi nga ba’t sinabi ng binata kanina na puwede naman niya itong tawagin uli sa kanyang meditasyon kung kinakailangan?

        Naku, hindi na niya gagawin uli iyon. Nakakahiya na talaga.

 

NANG gabing iyon, habang naghahanda si Krizha para sa kanyang meditasyon, heto na naman ang larawan ni Gabriel sa kanyang kamalayan.”

        “Huwag mo kasing isipin si Gabriel,” saway niya sa kanyang sarili. “Huwag mong isipin si Gabriel.”

        Kaso, lalo namang lumilinaw ang larawan ng binata sa kanyang balintataw.

        “Ano ka ba naman, Krizha?” nababahala nang sabi niya sa kanyang sarili. “Alisin mo na kasi sa isip mo si Gabriel.”

        Nang ayaw pa ring mabura ng kanyang pangitain, kinausap na niya ang binata.

        “Naku, Gabriel, in case aabot na naman ito sa iyo, huwag mo na lang akong pansinin, please. Hindi ko sinasadyang istorbohin ka uli. Huwag naman sanang umabot ito sa iyo. Huwag naman sana.”

        Pero pagdating ng kamalayan ng dalaga sa paborito niyang dalampasigan, naroon din si Gabriel. Nakangiti.

        “Oh, no,” iling ni Krizha. “Huwag mong sabihing tinawag na naman kita? Hindi ko sinasadya. Hindi mo ba narinig na sinabi kong huwag mo na lang akong pansinin? Naistorbo na naman kita.”

        Natawa ang binata.

        “No problem,” sagot nito. “Natuwa nga ako sa sinabi mo kaya lalo akong sumunod dito.”

        “Totoo ba talaga ito?” hindi pa rin makapaniwalang sabi ni Krizha. “Baka this time imahinasyon ko na lang.”

        “Gusto mong mag-experiment tayo?” tanong din ni Gabriel.
        “Experiment?” ulit ni Krizha.

        “Para malubos ang paniniwala mo, gisingin mo ang sarili mo,” sabi ni Gabriel. “Paggising ko naman dito, tatawagan kita. Fair enough?”

        “Ngayon mismo?” tanong ng dalaga.

        “Ngayon mismo,” tango ni Gabriel. “Sige, wait for my call.”

        Bigla itong naglaho.

        Sinimulan naman ni Krizha ang pagbibilang nang pabalik sa realidad.

        Kamumulat pa lang niya ng kanyang mga mata nang tumunog ang telepono.

        Kinakabahang sumagot ang dalaga.

        “H-hello?

        “Krizha? Si Gabriel.”

        Nanlamig ang dalaga. Pero humirit pa siya.

        “O, natawag ka?” kunwa’y napakakaswal na tanong niya.

        Natawa ang binata.

        “Hinuhuli mo ako, ano?” sagot nito. “Hindi ba’t nag-e-experiment tayo? Sabi ko sa iyo, tatawag ako. So here I am. Ngayon, naniniwala ka nang ako nga iyong kausap mo kani-kanina lang sa beach?”

        Nanlupaypay na nang tuluyan si Krizha.

        “Oh no,” sambit niya. “Sinasabi ko na nga ba. Sorry talaga, Gabriel. Siguro masyado lang akong conscious na hindi dapat maulit ’yong nangyari last Saturday. Sinasabi ko sa sarili ko na hindi kita dapat mapagtuunan ng atensiyon. Lalo ka namang nasesentro sa kamalayan ko.”

        “Ganoon lang talaga ‘yon,” sagot ng binata. “Habang sinasadya mong iwasan, lalong nagiging focus ng iyong consciousness. Parang nakakaloko, ano?”

        “Naistorbo na naman tuloy kita,” sabi ni Krizha.

        “Hindi,” sagot ni Gabriel. “Actually, nakahiga na rin ako kanina. Nagre-relax na. I was about to drift off to sleep, I guess. Then I heard your call. Ang linaw-linaw. Pati nga ‘yung pag-a-apologize mo. Naramdaman ko talaga na natataranta ka. Natawa ako kaya lalo kitang pinuntahan.

        “Sira ka rin pala, e,” sabi ni Krizha.

        “Baka ikaw ang naistorbo ko,” sabi ng binata. “Hindi natuloy ang meditation mo. Sorry.”

        “Naku, okey lang ‘yon. Puwede ko namang ulitin,” sagot niya.

        “Alam mo, maganda ‘yung beach na iyon,” sabi ni Gabriel. “Nakapunta ka na ba sa actual na lugar na iyon?”

        “Hindi,” iling ni Krizha. “Kathang-isip ko lang ‘yon. Pinagtagpi-tagpi ko lang ang images na nakita ko noon sa mga documentaries o ads.”

        “Kaya pala,” sabi ng binata. “It’s perfect. Parang gusto ko na rin tuloy gamitin ang image na iyon.”

        “Puwede naman, di ba?” sagot niya. “Wala namang copyright sa meditation imagery.”

        Natawa si Gabriel.

        “Wala nga,” sagot nito. “Kaya lang baka lagi kong maistorbo ang pamamasyal mo roon.”

        “Ganoon ba ‘yon?” tanoong ng dalaga.

        “Hindi,” bawi ni Gabriel. “I was just kidding. Actually, kahit ilang tao puwedeng sabay-sabay na mag-meditate na iisang scene ang ginagamit pero magkakahiwalay ang meditation. Hindi sila magkikita-kita. Unless of course, pagkakasunduan nilang magkita-kita. O kung tawagin nila ang isa’t isa at tutugon naman ang tinatawag.”

        “Ganoon naman pala, e,” sabi ni Krizha. “So feel free to use my beach any time.”

        “Paminsan-minsan, tawagin mo rin uli ako para doon na tayo magkuwentuhan sa halip na sa telepono,” hiling ni Gabriel. “Mas maganda ang atmosphere doon, hindi ba?”

        “Seryoso ka?” tanong ni Krizha. “Kandahirap akong umiwas na makaistorbo sa iyo, pagkatapos type mo rin pala na mamasyal sa beach ko.”

        “Kaya nga alisto ako kung sumagot sa mga tawag mo, e,” sagot ng binata.

        “E, bakit dito pa tayo nag-uusap sa telepono?”  tanong ni Krizha.

        “Okey lang ba sa iyo na bumalik ngayon sa beach?” tanong naman ni Gabriel.

        “Siyempre,” sagot niya. “Hindi pa nga ako nakakapag-meditate, e.”

        “Okey lang din kaya sa iyo kung sabayan kita sa pag-meditate doon?” tanong ng binata. “Can we be comfortable just being silent together?”

        “Sa akin, okey lang,” sagot ni Krizha. “Sanay na akong kasama ka sa meditation ko, e. Baka ikaw ang manibago.”

        “Oo nga pala,” sabi ni Gabriel. “Sige, see you there.”

        “See you,” paalam din ni Krizha.

        Pero napapailing siya habang ibinababa ang telepono. Ano ba itong pinaggagagawa nila?

        Gayunpama’y nagmamadali siyang umayos ng higa para makapunta na agad sa kanilang dalampasigan.

        “Hello again,” nakangiting sabi ni Gabriel pagdating niya roon.

        “Daig pa pala nito ang video phone ano?” sabi ni Krizha. “Talo pati virtual reality.”

        “Oo naman,” sagot ng binata. “Dito, nararamdaman mo ang ihip ng hangin. Naaamoy mo ang dagat. Lahat ng senses mo, buhay na buhay.”

        Naglahad ng kamay si Krizha. Hinaplos niya si Gabriel sa pisngi.

        Napakislot ang binata.

        Agad ding nagbawi ng kamay ang dalaga.

        “I can feel you,” manghang sabi niya.

        “I feel that, too,” sagot ni Gabriel. “Mas sensitive pa nga ang senses natin sa ganitong estado. Ang ginagamit kasi natin ngayon, pure consciousness.”

        “Amazing,” sambit ni Krizha.

        “Handa ka na bang magnilay-nilay?” tanong ni Gabriel.

        “Ha? A... oo,” sagot niya. “That’s what we came here for, hindi ba?”

        Sabay silang naupo sa buhangin, nakaharap sa dagat.

        “Basta i-relax mo lang ang sarili mo,” sabi ni Gabriel. “Enjoy the beach. Ang kagandahan ng kalikasan. Feel the moment. Stay in the moment...”

        Sumunod si Krizha. Ano pa nga ba ang hihilingin niya? Kasama niya si Gabriel. Narito sila sa pinakamagandang lokasyon na kaya niyang ilarawan sa kanyang isip. Kaysarap ngang namnamin ng sandaling ito.

        Kung maaari lang sanang hindi na matapos ang sandaling iyon.

        Pero di naglaon at si Gabriel na rin ang dahan-dahang bumaling kay Krizha.

        “It’s time to go home, Krizh,” sabi ng binata.

        “Agad?” sagot niya.

        “Mag-iisang oras na tayong narito,” sabi ni Gabriel. “Hindi mo lang napapansin.”

        “G-ganoon ba?” sagot niya. “Good night.”

        Dumilat si Krizha sa sariling kama nang nakangiti. Agad din naman siyang nakatulog nang mahimbing. Naroon pa rin ang ngiti sa kanyang mga labi.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento