Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Marso 31, 2023

Abakada ng Pag-ibig: GWEN Chapter 1

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca


ABAKADA NG PAG-IBIG: Gwen

by Maia Jose

 


Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 1998

ISBN: 971-502-899-3 

TEASER:

        Si Gwen Garchitorena – prinsesa. Napakagandang heredera. Sosyal na miyembro ng international jetset.

        Si Lyon Llamanzares – tinaguriang gigolo. Mula sa na-bankrupt na angkan. Hinahangad ng mayayamang matrona ang mala-Adonis na mukha’t katawan. Ayaw ng commitment kaya’t umiiwas sa mga separada, biyuda’t dalaga.

        Paano nangyari na ang prinsesa ay nabaliw sa isang itinuturing na gigolo? At pangangahasan ni Gwen ang lahat, isusuko ang lahat, makapiling lang si Lyon – kahit walang kasiguruhan ang bukas.

CHAPTER 1

ALAS-DIYES ng umaga sa New York City. Lumabas mula sa kanyang silid si Gwen. Naka-lounging robe, tuluy-tuloy siya pababa sa main floor ng apartment loft ng pinsan niyang si Darla sa Greenwich Village.

        Kahit bagong gising, wala pang make-up at ni hindi pa nakakapagsuklay, kitang-kita ang likas na kagandahan ni Gwen. Mas maganda pa nga yata siya kapag ganoong walang anumang nakapahid sa mukha. Nawawala ang supladang dating na dala ng sopistikadang make-up. Lumalabas ang pagiging maamo ng kanyang mukha.

        Nakaupo na si Darla sa harap ng hapag-kainan. Nagkakape na ang maganda ring dalaga.

        “Good morning,” nakangiting pagbati nito sa papalapit na pinsan.

        “’Morning,” matamlay na sagot ni Gwen habang humihila ng sariling mauupuan.

        “Hindi yata masaya ang gising mo,” pansin ni Darla.

        “Nakakatamad bumangon, e,” sagot niya. “Ayoko pa nga sanang tumayo. Kaya lang, I need my morning coffee.”

        Para namang on cue, lumapit mula sa kusina ang mayordoma ni Darla na si Nacing, na yaya na nito mula pa pagkabata. May dalang umuusok na tasa ng brewed coffee ang mahigit singkuwenta anyos na matandang dalaga. Inilapag nito ang tasa sa harap ni Gwen.

        “Thanks, Manang Nacing,” sabi ng dalaga.

        “Ipag-iinit kita ng croissant?” alok ng mayordoma.

        Umiling si Gwen.

        “Mabigat sa tiyan,” sagot niya. “Okay na sa akin itong fruits.”

        Itinuro niya ang mga mansanas, ubas at kahel na nakalagay sa isang mababaw na basket sa gitna ng mesa.

        “Sige,” sabi ni Nacing bago bumalik sa kusina.

        “Napuyat ka lang kagabi kaya ka nanlalata,” sabi ni Darla sa pinsang-buo. “Another all-night ball. Next time, tanggihan na natin ang imbitasyon ni Mommy. Puro matatanda naman ang mga dumadalo sa mga charity ball na ganoon.”

        “Sinabi mo,” sang-ayon ni Gwen. “Pero kahit pa nga hindi charity ball, e. Sawang-sawa na rin ako sa mga parties natin sa Broadway, sa kung saan-saan. I want a change of atmosphere.”

        “Oh, then I think I’ve got something that might interest you,” sabi ni Darla. “Natatandaan mo ba iyong Pinay na ipinakilala ko sa iyo kagabi – si Geraldine Boyer?”

        “Of course,” sagot ni Gwen. “How could I forget? Ang ganda-ganda niya, only twenty-nine, and she’s married to that old man. Aba, six years lang ang tanda niya sa akin. Four years lang ang tanda niya sa iyo. Pero iyong asawa niya, parang matanda pa kay Daddy.”

        “Loka, mas mayaman pa nang di-hamak sa Daddy mo at kay Uncle Harry ko si Bolton Boyer,” sagot ni Darla. “So what if he’s sixty eight? Just think of what Geraldine will inherit. At saka makikita mo, she can still enjoy her life. And we’re about to join her.”

        “Join her?” pagtataka ni Gwen.

        “Nabanggit niya sa akin kagabi na papunta siya sa kanyang vacation villa sa Carribean next week,” pagkukuwento ni Darla. “And, as always, inulit niya ang open invitation niya sa amin ni Pete na sumama roon. Isama ka rin daw namin. All we have to do is confirm if we’re going. O, ano, shall we go? Alam mo namang isang tawag ko lang kay Pete, he’ll drop everything to come with us.”

        “Ganoon ka ba ka-close kay Geraldine?” tanong ni Gwen.

        Natawa si Darla.

        “Not really,” sagot nito. “But we’ll be doing her a favor by going. Alam mo kasi, laging nagyayaya iyang babaing iyan ng mga kakilala na maisasama sa kanyang vacation houses all over the world. Para nga naman hindi masyadong obvious na kasama sa grupong iyon ang kanyang current flavor of the month. You know...”

        Naintindihan agad ni Gwen ang ipinahihiwatig ng pinsan.

        “Iyon pala ang sinasabi mong she can still enjoy life,” mapaklang sagot niya. “Mabuti’t hindi siya nahuhuli ng asawa niya.”

        “Aba, nagkalat din naman ang mistresses ni Bolton Boyer,” sabi ni Darla. “Ang number one rule lang nito kay Geraldine, she has to be very discreet. Huwag ibabalandra sa madla – which means the media. At huwag na huwag sa harap ni Bolton.”

        “So, magsisilbi tayo bilang props niya, ganoon ba?” tanong ni Gwen.

        “We don’t have to do anything except be there and enjoy ourselves,” paliwanag ni Darla. “At nasa isang very exclusive island resort ang villa ng mga Boyer. It’s called St. Francois. Another playground of the rich and famous. Fabulous ang beach doon at ang ganda-ganda ng dagat.”

        “Okay,” pagkikibit-balikat ni Gwen. “Miss na miss ko na nga ang beach. Pati na rin ang hanging presko na walang smog. That would be a welcome change. Sige, tawagan mo ang sweetheart mo para mai-confirm mo na kay Geraldine na sasama tayo.”

 

MAHIGIT isang taon nang nakikipisan si Gwen sa pinsan niyang si Darla sa New York City. Pinapunta siya roon ng kanyang mga magulang matapos pagtangkaang kidnapin sa Pilipinas.

        Ang pamilya kasi ni Gwen – ang mga Garchitorena – ay isa sa pinakamayayaman sa Pilipinas. Sila ang may-ari ng Garchitorena Industries, isang group of companies na gumagawa ng mga home appliances at industrial machinery.

        Bunso ang dalaga sa tatlong magkakapatid, at nag-iisang babae.

        Ang kanyang Kuya George at Kuya Gary ay may kanya-kanya nang mga pamilya at tumutulong sa kanilang amang si Greg sa pangangasiwa ng negosyo.

        Si Gwen naman, mula’t sapul, ay hinubog nang sumunod sa yapak ng inang si Nedy na isang socialite.

        Pareho sila ng pinsan niyang si Darla.

        Paano’y katulad din ni Nedy ang ina ni Darla na si Diana, na bunsong kapatid naman ni Greg Garchitorena.

        Pilipino rin ang ama ni Darla kaya lumaki ang dalaga sa Pilipinas. Pero nagkahiwalay ang mga magulang nito. Isinama ang dalaga ng ina sa Estados Unidos nang mapangasawa ni Diana ang Amerikanong multi-millionaire na si Harry Dossett.

        Palibhasa’y walang anak si Harry, sunod din nito ang layaw ni Darla.

        May mansiyon sina Harry at Diana sa New York pero humiling si Darla na magkaroon ng sariling pad. Ibinili naman ito ng amain ng loft sa Greenwich Village.

        Ang lugar na iyon ang sentro ng mga creative people ng New York – mga designers, artists, musicians. Ang mga naglalakihang lumang warehouses sa lugar na iyon ay nausong i-convert sa mga tinatawag na apartment loft – maluluwang na tirahang halos walang mga dibisyon at minimalist ang decor. Sa madaling sabi, halos walang laman. Panay malalawak na espasyo lang. Ang iilan namang accent pieces ay siguradong mamahalin kahit simpleng-simple kung titingnan.

        Masasabing ang magkaroon ng apartment loft sa Greenwich Village ay isa sa mga pinaka-prestihiyosong status symbol ng mga young creative professionals sa New York.

        At kahit hindi naman isang propesyunal si Darla kundi socialite na walang pinagkakaabalahan kundi sosyalan, isa ito sa mga pinakakilalang residente ng lugar na iyon.

        Sa kaso ni Darla, hindi lang isang apartment loft ang binili ni Harry kundi isang buong tatlong palapag na gusali.

        Nasa unang palapag ang garahe para sa sportscar ng dalaga at van na ginagamit ni Manang Nacing sa pamimili.

        Naroon din ang service kitchen, laundry area at ang apartment ni Manang Nacing.

        Kasama ng matandang dalaga sa quarters ang dalawa nitong pamangkin – sina Fe at Lingling – na siya naman nitong katulong sa lahat ng gawain sa loft. Sadyang kinuha ang mga ito mula sa Maynila para makasama nina Darla at Nacing sa New York.

        Ang pangalawa’t pangatlong palapag ng gusali ay pinag-isa. Kaytaas tuloy ng kisame ng espasyong mahigit anim na raang metro kuwadrado ang luwang. Naroon ang mismong apartment ni Darla.

        Sa magkabilang dulo ng apartment, may makikitid na hagdang paakyat sa dalawang parihabang mezzanine-type na silid-tulugan na may kanya-kanyang banyo.

        Nasa ilalim ng kuwartong natoka kay Gwen ang bukas na kusina – na ginagamit lang naman sa paggawa ng kape, juice at iba pang light snacks. Ang totohanang paghahanda ng pagkain ay ginagawa sa service kitchen sa ibaba.

        Nasa ilalim naman ng kuwarto ni Darla ang powder room.

        Ang bilugang mesang kainan ay parang islang nakalutang sa isang bahagi ng malawak na espasyo. Ganoon din ang tatlong sopa na nagkorte namang bukas na parisukat sa kabilang bahagi ng apartment. Nakaharap ang mga iyon sa dingding na kung saan may built-in TV at stereo system.

        “Puwedeng mag-ballroom dancing dito sa apartment mo, a,” sabi nga ni Gwen nang una siyang makarating sa loft ng pinsan. “Puwede pa nga yatang magpalaro ng soccer.”

        “Hindi malayo iyang iniisip mo,” tumatawang sagot ni Darla. “Doon sa loft ni Pete, may basketball court siya sa isang bahagi ng salas. At talagang nagpapraktis siya roon, ha? Hindi pangdekorasyon lang.”

        Si Pete Murray, ang kasalukuyang boyfriend ni Darla, ay Fil-American. Pilipina ang ina at Amerikano ang ama. Ipinanganak at lumaki sa Estados Unidos. Pero siniguro ng ina nito na matutong mag-Pilipino ang magkakapatid. Panay Pilipina ang mga nakalakhang yaya ng mga ito.

        Pintor si Pete. Hindi ito gaanong sikat pero hindi rin naman nito kailangang ikabuhay ang pagbebenta ng mga obra. Heredero rin kasi itong ang tanging kailangang gawin ay tumawag nang regular sa stock broker para i-monitor ang milyun-milyong dolyar na naka-invest sa walang kalugi-luging blue chip stocks.

        Kung prinsesa ang naging buhay ni Gwen Garchitorena sa Pilipinas, hindi siya nanibago sa dinatnan niyang buhay nina Darla sa New York.

        Noong simula, naaliw siya sa pagsasarili nila ni Darla. Ang kalayaang iyon ang wala sa kanya sa Maynila. Nakapisan pa rin kasi siya roon sa mga magulang.

        Pero nang lumaon, napatunayan ni Gwen na wala rin naman pala halos pagkakaiba ang kalagayan nilang magpinsan – liban sa napapatulog nito sa apartment ang nobyong si Pete anumang oras nito naisin.

        Kunsabagay, hindi naman naiinggit si Gwen.

        Wala pa siyang boyfriend pero hindi dahil pinagbabawalan siya ng pamilya. Ang tanging bilin lang nina Greg at Nedy ay piliin niya nang mabuti ang lalaking kanyang makakarelasyon. Dapat daw ay karapatdapat ang kanyang maging boyfriend at mapapangasawa.

        Alam na ni Gwen ang kahulugan niyon. Na ang lalaking karapat-dapat na mapangasawa ay iyon siyempreng hindi nalalayo ang mga kuwalipikasyon sa kanyang ama at mga kuya. Galing sa buena familia. Matalino. Magaling sa paghawak ng negosyo.

        Ang dami-daming nanliligaw sa kanya sa Maynila, at maging dito sa New York. Pero isa man sa kanila ay walang matipuhan si Gwen na sa tingin niya ay puwede niyang makasama nang habambuhay. O kahit man lang sana iyong puwede niyang pangahasang isugal ang kanyang sarili sa pakikipagrelasyon.

        May iba pa kasing hinahanap si Gwen bukod sa mga kuwalipikasyong itinakda ng kanyang pamilya.

        Naghahanap siya ng lalaki na makakapagpaibig sa kanya nang todo-todo. Iyong tipo ng pag-ibig na puwede niyang isugal ang kanyang sarii nang walang pasubali. Iyong kahit masaktan siya sa huli, kahit magkahiwalay sila sa huli, ay sulit.

        Sa isang tulad ni Gwen Garchitorena na sanay nang nakakamtan ang lahat ng magustuhan, ganoon katinding pag-ibig lang ang maaaring makaantig ng damdamin.

        Iyon ang kanyang hinihintay.  Ang tinatawag niya sa kanyang sarili na “my one great love.”

        At hindi siya naiingit kay Darla dahil ang tingin naman niya rito ay hindi gaanong in love sa katipan. Ganoon din si Pete sa pinsan niya. Hindi seryoso ang dalawa sa relasyong iyon. Nag-e-enjoy lang nang pansamantala.

        Ang kaso, nakadarama na ng pagkainip si Gwen para sa kanyang sarili.

        Sa Maynila pa lang, nagsimula na itong nadarama niyang pagkabalisa. Bored na bored na siya sa walang katapusang pagpunta sa gym, sa salon, sa mall, sa mga party. Pare-pareho lang naman ang mga taong kanyang nakakasama. Pare-pareho lang din ang pinag-uusapan.

        Akala niya, mapapawi ang kanyang pagkabagot sa New York. Pero sa simula lang pala exciting ang lifestyle ni Darla. Noong bago pa lang sa kanya ang lahat. Ngayong mahigit isang taon na siyang narito, napapansin na niyang iyon at iyon din ang kanilang ginagawa. Iyon at iyon din ang mga taong kanilang nakakasama.

        Tinatanong niya ang kanyang sarili, ano pa ba ang gusto ko? Ano pa ba ang hinahanap ko?

        Ang pinakamadaling sagot ay iyon, ang kanyang pinakahihintay-hintay na pag-ibig. Iyon na lang ang hindi pa niya nararanasan.

        Pero para matagpuan niya ang lalaking kanyang hinahanap, kailangang makihalubilo siya sa mas maraming tao. Kailangang may mga makilala siyang bago.

        At bakasakaling mangyari iyon sa pagbabakasyon nila ni Darla sa isla ng St. Francois sa Caribbean.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)


Abakada ng Pag-ibig: GWEN Chapter 2

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2

INIHATID sina Gwen ng private jet nina Pete sa Haiti. Magmula roon ay nag-helicopter naman sila patungong St. Francois. Wala kasing malaking airport ang island resort. Helipad lamang ang kasya roon.

        Maliit lang pala ang isla. Parang Boracay lang. Pero mas maganda nang di-hamak ang dalampasigan ng St. Francois na nalalatagan ng nakasisilaw na pinong puting buhangin. Asul na asul naman ang pagkalinis-linis na tubig-dagat.

        Nangakahilera nang paikot sa isla, nakaharap sa dagat, ang mga pribadong grand villa ng mga eksklusibong miyembro ng island resort.

        Nasa gitna naman ng isla ang clubhouse kung saan naroon ang helipad, ang clinic, ang gym at sauna, ang tatlong restaurant, ang shopping center, ang salon at barber shop, at iba pang serbisyong para sa mga miyembro. Naroon din ang may limang palapag na resort hotel para sa mga panauhing hindi na magkasya sa mga villa ng mga miyembro.

        Mula sa helipad, inihatid sila ng service van ng resort patungo sa Villa Boyer.

        Sinalubong sila ni Geraldine sa pinto ng villa. Naka-bikini ito na pinatungan lang ng sarong na itinapi sa balakang.

        “Welcome,” nakangiting sabi ng napakaganda nilang hostess. “I’m glad you made it.”

        “It’s really nice to be here,” sagot ni Darla. “Ang sarap ng hangin at ang ganda-ganda ng beach lalo na mula sa chopper.”

        “Mabuti’t kumpleto kayong tatlo,” sabi ni Geraldine na kay Gwen naman nakatuon ang ngiti.

        “Thanks for inviting me, too,” sagot ng dalaga. “I really need this break. Nako-claustrophobia na ako sa sikip at smog ng New York.”

        “Well, you can relax and enjoy yourself here, dear,” sabi ni Geraldine. “Ako rin nga, I never stay in New York for long. Nagpupunta lang ako roon kapag may kailangang daluhang social function. I’d rather bring my friends to these beautiful havens.”

        May limang panauhing nauna na raw sa kanilang dumating doon, dagdag na pagkukuwento nito. Ang Pilipinong negosyanteng si Johnny Andante at ang asawa nitong Amerikana na si Summer. Ang Aleman na si Baron Karl Von Geiss at ang asawa nitong Pilipina na si Baroness Zaida. At ang Pilipinong si Lyon Llamanzares.

        Palihim na sinulyapan ni Darla ang pinsan nang mabanggit ang pinakahuling pangalan.

        Nakuha ni Gwen ang mensahe. Si Lyon Llamanzares ang kasalukuyang kalaguyo ni Geraldine Boyer. Iyong tinawag ni Darla na “flavor of the month.”

        “Nasa yacht sina Johnny, Summer, Karl at Zaida,” sabi pa ni Geraldine. “You’ll meet them later. Pero nariyan sa loob si Lyon. He kept me company while waiting for you.”

        At kumindat ito, pilyang-pilya, bago humalakhak.

        Pagpasok nila sa marangyang salas ng villa, may inabutan nga sila roong lalaking nakahiga nang prenteng-prente sa sopa.

        Natigilan si Gwen pagkakita sa lalaki.

        Wala itong pang-itaas. Nakapantalon lang na puti, malambot ang tela at maluwang ang tabas. Walang sapin ang mga paa.

        Lantad ang matipunong dibdib ng lalaki. Ganoon din ang mga maskuladong bisig at ang patag na tiyan – iyong tinatawag na washboard abs dahil defined ang bawat muscle.

        Ang mala-Adonis na kabuuang iyon ay nababalutan ng makinis na balat na kakulay ng malapot na tsokolateng hinaluan ng gatas.

        Ang profile ng mukha ng lalaki ay hindi rin alangan sa katawan nito. Malago ang mga kilay. Makapal ang pilikmata sa mga matang nakapikit. Matangos ang ilong. Prominente ang panga. Parang iginuhit ang korte ng mga labi.

        Hindi malaman ni Gwen kung saan niya pagtatagalin ang kanyang mga mata. Nakakabatubalani ang mga labing iyon, pero nakakahatak din ng atensiyon ang mga maskuladong bisig, matipunong dibdib at patag na patag na sikmurang iyon...

        “Lyon...” malambing na tawag ni Geraldine. “They’re here...”

        Dumilat ang lalaki. At sa isang mabilis na pagkilos, na hindi nalalayo sa paggalaw ng kapangalan nitong leon, nakatayo na ito’t nakangiti sa kanila.

        Nakalimutan na ni Gwen ang huminga.

        Ito pala si Lyon Llamanzares.

        Mas guwapo pa pala ito kapag nakaharap. At gising. Pero bakit ganoon ito kung kumilos? At tumayo? At ngumiti?

        Parang ang buong katauhan nito’y may ere ng sensuwalidad. Maging ang bagsak ng buhok nito sa noo ay may pang-akit na sensuwal.

        Sa kabilang banda, ang ngiti nito’y kalkulado. Hindi umaabot sa mga mata. Sa halip, may balot ng misteryo ang mga mata nitong kaytiim kung makatitig.

        Pakiramdam ni Gwen, para siyang nakaharap sa isang makapangyarihang panganib na nakakatuksong suungin.

        Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakadama siya ng sensuwal na atraksiyon sa isang lalaki. At sobra ang tindi. Nanuyo ang kanyang bibig at lalamunan. Nag-init ang kanyang mga pisngi. Kinapos siya ng hininga. At ang talagang ikinahiya niya sa kanyang sarili ay nang magtama ang kanilang paningin at naramdaman niya ang isang kaysarap na pagkislot sa kaibuturan ng kanyang pagkababae.

        Kasabay pa naman iyon ng pagpapakilala ni Geraldine sa kanila. Mabuti na lang pinakahuli siyang ipinakilala. Kahit paano ay nakabawi muna siya ng balanse.   

        “And this is Darla’s cousin, Gwen Garchitorena,” sabi ni Geraldine sa binata. “Manila-based siya, tulad mo. Nagbabakasyon lang din kina Darla.”

        Ayaw sana ni Gwen na maglahad ng kamay. Mabibistong nanlalamig ang kanyang mga palad. Lalo pa’t nakita niyang hinagkan ni Lyon ang kamay ni Darla kaninang ang pinsan niya ang ipinakilala rito.

        Pero hinihiling ng kabutihang-asal na maglahad din siya ng kamay. Wala siyang magawa.

        “Hello,” simpleng sabi niya.

        “Enchanted to meet you,” sabi ni Lyon habang kinukuha ang kanyang  palad.

        Nanatili itong nakatitig sa kanya habang dahan-dahang ginagawaran ng mainit na halik ang likod ng kanyang mga daliri.

        Para siyang kinuryente sa paglapat ng mga labi ng binata sa kanyang laman. Sa parang paghaplos ng mainit nitong hininga sa kanyang balat.

        “Isn’t he just to die for?” pabuntonghiningang sabi ni Geraldine.

        Saka lang natauhan si Gwen. Agad siyang nagbawi ng kamay, sabay ngiti nang alanganin kay Geraldine.

        “Oh, it doesn’t bother me,” tumatawang sabi nito sa kanya. “Lyon is really such a flirt with everyone. It’s part of his charm.”

        At humahalakhak na kumapit ito sa braso ng binata.

        “Come, darling, ihatid natin sila sa kanilang mga kuwarto,” anyaya ni Geraldine.

        Nasa ikalawang palapag ang kanilang mga silid. Naihatid na roon ng mga kawaksi ang kanilang mga bagahe.

        May tigalawang silid-tulugan sa tatlong gilid ng kuwadradong villa. Lahat ay nakabungad sa maliit na salas na nasa gitna ng pangalawang palapag.

        Ang salas na iyon ay binibigyang-liwanag ng clear glass sliding doors na nasa ikaapat na gilid ng bahay – iyong nakaharap sa Silangan. Patungo ang mga pinto sa terasang may hagdang pababa sa swimming pool at dalampasigan. Sa ganoong disenyo ng villa, madaling makakapanhik nang diretso sa mga silid-tulugan mula sa pool o sa beach.

        Itinuro ni Geraldine ang mga magkakatabing silid-tulugan.

        “Diyan sa south wing ang kuwarto nina Johnny at Summer, katabi ang kina Karl at Zaida,” sabi nito. “Dito sa west wing ang kuwarto ni Lyon. Katabi ang kuwarto mo, Gwen. Sa kabila mo naman, pero sa north wing, sina Darla at Pete. Katabi nila ang kuwarto ko. Kasi, it would be scandalous kung kami ni Lyon ang magtatabi, hindi ba?”

        At muling humalakhak si Geraldine.

        Namula si Gwen.

        Naisip niya, ano ba namang babae ito? Ipinangangalandakan ang pakikipag-ulayaw sa kalaguyo. Nasaan na ang sinasabi ni Darla na pagiging “discreet” nito?

        Kunsabagay, naisip din ng dalaga, kampante siguro ito sa piling ng mga kumbidadong panauhin. Lumalabas nga naman na parang mga kakutsaba na rin sila sa ginagawa nito.

        Nakadama si Gwen ng matinding pagkabalisa. Parang gusto na niyang bumalik na lang sa New York.

        Sa kabilang banda, kapag napapagawi ang mga sulyap ni Lyon sa dako niya ay muling nagkakabuhul-buhol ang paghinga ni Gwen. At may kung anong puwersang humahatak sa kanyang manatili roon.

 

HAPON na, pagkapananghalian, nang muling magkasarinlan sina Gwen at Darla.

        Wala pa ang mga panauhing naglayag sa yate. Si Geraldine naman ay magsisiyesta raw muna. At nayaya ni Lyon si Pete na mag-tennis sa clubhouse.

        Siniguro muna ni Gwen na nasa silid na niya silang magpinsan bago niya ito inusisa. Napakarami niyang gustong malaman tungkol sa misteryosong si Lyon Llamanzares.

        “Totoo pala, ano?” sabi niya. “Tell me more about Geraldine and Lyon. Naiintriga ako.”

        “Para namang ngayon ka lang nakakita ng ganyan,” sagot ni Darla. “Kahit pa sa Manila, nangyayari iyan. It’s an old refrain – the rich matron and the handsome gigolo.”

        “Of course, I’ve heard of it before,” sabi ni Gwen. “Pero ni minsan, hindi ko pa nakita nang aktuwal. Hindi naman isinasama ng mga kaibigan ni Mommy sa mga social functions ang kanilang mga toy boys.”

        “Kunsabagay,” sagot ni Darla. “Okay, this is what I know about Llamanzares. Old rich ang pamilya ng mother niya – ang mga Alejo. Only child si Alliona. Dati namang family driver ng mga Alejo ang Daddy niyang si King Llamanzares – formerly known as Francisco ‘Paking’ Llamanzares.”

        “Oh?” naiintrigang sambit ni Gwen.

        “Parang fairy tale, ano?” sabi ni Darla. “Unfortunately, it didn’t have a happy ending. Kahit pinag-aral ng mga Alejo si King Llamanzares, they couldn’t really transform him into someone of their own kind. Walang alam si King sa paghawak sa negosyo. Nang mamatay ang parents ni Alliona, naipalugi ni King ang mga negosyo ng mga Alejo. Na-bankrupt sila. Nagsugal din kasi ito at nambabae. Kaya nga siguro nagka-kanser si Alliona – dahil sa tensiyon at kunsumisyon. Namatay rin nang maaga.”

        “How sad,” iling ni Gwen.

        “That’s the story behind our handsome gigolo,” pagtatapos ni Darla.

        “Ano’ng ibig mong sabihin na gigolo?” paglilinaw ni Gwen. “H-hindi ba, that’s just another word for... a male prostitute?”

        Parang ayaw niyang maniwalang ganoon si Lyon. Naghihimagsik ang loob niya.

        “Well, not in his case, dear” iling ni Darla. “Hindi siya bayaran. In fact, hindi siya tumatanggap ng kahit regalo mula sa kanyang mga nagiging ka-affair. Except, of course, for free board and lodging pag tulad nito, just like us din naman na invited guests. In other words, he’s not in it for the money.”

        “Ganoon?” nakataas ang kilay na sabi ni Gwen. “E saan siya kumukuha ng ikinabubuhay niya?”

        “It seems na may minana rin siya kahit paano from his grandparents na hindi nagalaw ng Daddy niya,” sagot ni Darla. “Enough to keep him going without working. If you observe him, wala siyang mga maluhong gamit.”

        “At saka hindi basta-basta nakukuha si Lyon ng kahit na sinong magkagusto sa kanya,” dagdag pa ni Darla. “Unang-una, he has made it clear that he won’t get into any gay relationship. Hanggang kaibigan lang niya ang mga gay. The women, on the other hand, can only make propositions but he still does the choosing. Kailangang may certain something na mag-a-appeal sa kanya para pumayag siyang makipag-fling sa babae. Si Geraldine, nakuha yata ang atensyon niya dahil dating stage actress. She can act, sing and dance. Nag-e-enjoy si Lyon na makipag-jamming sa kanya. He’s one hell of a guitar player, you know.”

        “Siya pa ang namimili ng babae?” natatawang ulit ni Gwen. “Kunsabagay, he’s gorgeous. Pila siguro ang mga rich matrons na may gusto sa kanya.”

        “You bet,” tango ni Darla. “At hindi lang matrona. All kinds of women. Iyon nga lang, hands off daw si Lyon sa mga biyuda, divorcees, separated women and singles. Ayaw kasi ng commitment. He prefers married women para talagang panandaliang fling lang.”

        “Bastard,” iling ni Gwen.

        Natawa si Darla.

        “Bakit? Dahil hindi siya pumapatol sa dalaga?” kantiyaw nito. “Pero ingat ka pa rin, my dear cousin. He’s such a bad boy. He may still seduce you just for the fun of it. Alam mo namang novelty dito ang tulad mong virgin.”

        At humalakhak ito na parang nakakaloka.

 

NANG gabing iyon, sa hapunan, nakilala nina Gwen ang iba pa nilang kasama sa Villa Boyer.

        Mapagbiro pala si Baron Karl. Madaling makapalagayang-loob. Parang ordinaryong tao lang ang apatnapu’t limang taong gulang na Aleman kahit may dugo itong bughaw.

        “I’m always glad to meet Filipinos,” sabi ni Baron Karl sa kanila. “After all, our children are going to be half-Filipino. Actually, I already feel like a Filipino myself. I love eating adobo and tinapa and kare-kare with bagoong.”

        Kakatwang ang umaasta pang aristokrata ay ang asawa nitong si Zaida. Sa pagkakakuwento ni Darla kay Gwen, nagmula lang naman sa middle class na pamilya ang Pilipina bago naging baronesa. Natatawa tuloy ang magpinsan sa mayabang na kababayan.

        “Ay naku, I hate it when he asks for bagoong in the winter,” reklamo pa nito sa sinabi ng asawa. “The whole house stinks. Me, I’d rather have caviar.”

        Sa kabilang banda, parehong mapagpakumbaba ang mag-asawang Andante. Halatang mahal na mahal ni Johnny ang misis na dating commercial model. Napaka-sweet naman kasi ng napakaganda ring si Summer.

        “There was a time when I craved green mangoes and bagoong,” pagkukuwento ng babae. “We had just gone back to New York from our Philippine vacation. Johnny thought I was already pregnant.”

        “I had to go to all the Asian grocers in New York, looking for green mangoes and bagoong,” dugtong ni Johnny. “Sadly, it was a false alarm. She wasn’t pregnant, after all. Just matakaw.”

        At nagkabungisngisan ang mag-asawa.

        Nakadama ng kaunting inggit si Gwen. Naisip niya, sana, ganoon din ang maging kapalaran niya sa pag-aasawa. Iyong magkatugmang-magkatugma ang kanilang mga personalidad. Iyong lagi silang masaya sa piling ng isa’t isa. Friends and lovers.

        Sa tingin niya, magtatagal nang habambuhay ang pagsasama ng mag-asawang Johnny at Summer. Hindi magkakasawaan ang mga ito dahil may matibay na pundasyon. Pag-ibig at pagkakaibigan.

        Sana’y ganoon din ang mamagitan sa kanila ng kanyang pinakahihintay-hintay na “one great love.”

        Naramdaman ni Gwen na may nakatitig sa kanya. Awtomatikong napasulyap siya sa gawing iyon.

        Si Lyon pala. Matiim ang pagkakatitig nito sa kanya. Parang gustong arukin ang laman ng kanyang isip. Ng kanyang damdamin.

        Namula si Gwen. Nag-init hindi lamang ang kanyang mga pisngi kundi ang kanyang buong katawan.

        Agad siyang nag-iwas ng tingin. Napapahiya. Inis na inis.

        Bakit ba kasi ganito ang kanyang reaksiyon sa lalaking iyon? Bakit hindi niya makontrol ang kanyang sarili? Alam na alam naman niya kung anong klaseng lalaki si Lyon Llamanzares. At malayung-malayo ito sa tipo ng lalaki na hinahangad niyang maging bahagi ng kanyang buhay.

 

NANG mga sumunod na araw, may iba pang nakilala si Gwen.

        Ang may-ari ng villa na katabi ng kina Geraldine ay ang sikat na Amerikanong gay international fashion designer na si Tom Thierry. Kasama nitong nagbabakasyon doon ang Greek-American boyfriend na si Kyle Bylos.

        Madalas makasama ng grupo nila sa beach ang dalawa. Madalas ding kinukumbida ang mga ito ni Geraldine sa paglalayag nila sa yate o sa hapunan sa Villa Boyer.

        Kahit pilit ikinukubli ni Kyle, halatang-halata na matindi ang crush nito kay Lyon. Malalagkit ang mga tinging ipinupukol nito sa binata kapag inaakalang hindi nakamasid si Tom.

        Paano naman kasi, naisip ni Gwen, si Lyon Llamanzares ay talagang isang malaking temtasyon sa babae man o sa gay.

        Ang ipinagtataka ni Gwen ay kung bakit parang sa kanya itinututok ni Lyon ang nakakapanghina nitong charms. Hindi ba’t umiiwas daw ito sa dalaga?

        Magmula pa noong unang araw niya sa Villa Boyer, lagi na niyang nahuhuli si Lyon na nakatitig sa kanya. Noong simula, ipinalagay niyang ganoon lang ito sa lahat ng babae. Pero nang lumaon, naobserbahan niyang hindi naman ito tumititig nang ganoon kina Darla, Summer at Zaida, o maging sa kalaguyo nitong si Geraldine.

        Bakit siya lang ang pinagtutuunan ng binata ng ganoong pansin?

        Kung tutuusin, wala nang kailangan pang gawin si Lyon para siya matuliro sa pang-akit nito. Kahit hindi siya nito pansinin ay imposibleng hindi siya matukso sa taglay nitong mga pisikal na katangian at ere ng sensuwalidad.

        Pero parang lalo pa siya nitong tinutukso.

        Sa tuwing nahuhuli niya itong nakatitig sa kanya, sa halip na mapahiya ay ngumingiti pa ito nang nakakaloko. Iyong ngiti nitong hindi naman umaabot sa mga mata. Gustung-gusto tuloy niyang madiskubre kung ano ba ang misteryo sa likod ng mga matang iyon.

Para namang may inihahatid na hamon ang ngiting nasa mga labi ni Lyon: “Kailangang lumapit ka kung gusto mong madiskubre ang mga lihim ko.”

        Madalas din, sa tuwing may pagkakataon, sinasadya ng binata na halos magdikit na sila o halos magkiskis na ang kanilang mga balat. Sa pag-aabot nito sa kanya ng pagkain o ng kahit na ano. Sa pagdaan nito sa tabi niya. Sa pagkakaupo nila nang magkatabi sa terasa, sa yate o kahit saan. Pero laging may kahit na isang pulgadang espasyong hindi nito tinatawid.

        At sa beach, kapag din lang naroon si Gwen, siguradong hihiga na si Lyon sa mismong tabi niya. Naka-swimming trunks lang. Mag-iinat pa ito nang bigay na bigay. Pagkatapos ay prenteng-prenteng matutulog.

        Dapat sana’y iiwan niya ito sa mga pagkakataong ganoon. Siya na dapat ang iiwas. Pero kung bakit naman hindi niya magawa. Hindi niya malabanan ang tukso na manatili sa tabi ni Lyon at palihim na pagsawain ang kanyang mga mata sa kakisigan nito.

        Ang sinasabi na lang niya sa kanyang sarili, wala namang masama sa tumingin, hindi ba? Marunong lang siyang mag-appreciate ng male beauty. At ang kabuuan ni Lyon ay halos walang pinagkaiba sa mga klasikong male nudes ni Michaelangelo.

        Pero naiilang na nang ganap si Gwen nang mapansin niyang napapansin na rin ni Geraldine ang mga ginagawa ni Lyon. At ang hindi niya maunawaan ay ang reaksiyon ng babae. Sa halip na mainis at magselos ay parang aliw na aliw pa ito sa nagaganap.

        Bakit ganoon? Hindi ba’t magkarelasyon ang dalawa?

        Hindi na niya natiis na hindi magsumbong kay Darla.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: GWEN Chapter 3

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

 CHAPTER 3

 

PINAGTAWANAN lang siya ng pinsan niya.

        “They’re just having fun at your expense,” paliwanag nito. “Obvious kasi ang pagkainosente mo, e. At saka ikaw ang pinakabata’t pinaka-conservative dito.”

        “Hindi naman ako prude, ano?” pahumandig na sagot ni Gwen. “At saka hindi na ako inosenteng teenager. I’m twenty-three. And I’m a woman of the nineties.”

        “But still a virgin,” nakangiting tukso ni Darla.

        “Hindi naman nila alam iyon,” irap ni Gwen.

        “Anong hindi?” natatawang batikos ni Darla. “Halatang-halata ka, e. Kapag pumupulupot si Geraldine kay Lyon, o kapag naghahalikan iyong dalawa, mapula ka pa sa lobster.”

        “Bakit kasi ginagawa nila iyon sa mismong harap ko,” reklamo ni Gwen. “Parang nananadya pa sila.”

        “Exactly,” tango ni Darla. “Noong una, hindi nila sinasadya iyon. Talagang demonstrative lang si Geraldine. Pero no’ng nakita nila ni Lyon ang reaction mo sa lambutsingan nila, na-amuse siguro iyong dalawa. Kaya magmula noon, sinasadya ka na nilang i-shock. Patindi nang patindi. You never fail to react naman kaya enjoy sila.”

        “Pero bakit parang pati ako, sini-seduce ni Lyon?” nagugulumihanang tanong ng dalaga.

        “Nakakapagtaka bang ma-attract siya sa iyo?” ganting tanong ni Darla. “You’re beautiful. Mas maganda nang di-hamak kaysa kay Geraldine. Mas sexy. Lalo na ngayong hindi ka nagme-make-up dito sa isla. Lagi kang mukhang fresh na fresh.”

        “Akala ko ba, umiiwas siya sa dalaga dahil takot siya sa commitment?” tanong pa rin ni Gwen.

        “Hindi naman porke’t sine-seduce ka niya, payag na siyang mag-commit sa iyo,” sagot ng pinsan. “Nagbabakasakali lang iyon na maka-score.”

        “E bakit kinukunsinti siya ni Geraldine?” pagtataka ni Gwen. “Parang tuwang-tuwa pa nga si Geraldine kapag nakikitang nilalandi ako ng boyfriend niya.”

        “Alam mo bang may tsismis na bisexual si Geraldine?” pabulong na sabi ni Darla. “May rumors din na mahilig siya sa sexual deviations. Iyong mga kakaibang eksperimento sa sex.”

        Napakurap si Gwen.

        “So may posibilidad na attracted din sa iyo si Geraldine,” pagpapatuloy ng pinsan niya. “Baka sine-set up ka nila for a menage a trois. You know, iyong tatluhan.”

        “No way!” bulalas agad ni Gwen.

        “Hey, relax,” sabi ni Darla. “All you have to do is say no. Nandito kami ni Pete. Hindi namin hahayaang may mangyari sa iyo kung ayaw mo.”

        Magmula noon ay lalo pang nailang si Gwen kina Lyon at Geraldine.

        Pero ewan kung bakit kahit na anong tanggi ang gawin niya sa kanyang sarili, ang totoo’y attracted pa rin siya kay Lyon.

 

MINSAN nang nabanggit ni Darla kay Gwen na napakagaling ni Lyon maggitara. Pero hindi naman niya akalaing ganito kagaling.

        Tapos na silang maghapunan kanina at nagkakasayahan ang grupo sa patio na nasa gilid ng villa. Kasama uli nila sina Tom at Kyle.

        Biglang hinilingan ni Geraldine ang kalaguyo.

        “Lyon, why don’t you play your guitar for us? I’ll dance for you. We haven’t done that for some time.”

        “Sure,” pakibit-balikat na sagot ng binata.

        Nag-utos si Geraldine sa isang kawaksi. Ipinakuha ang gitara.

        At nang magsimulang tumugtog si Lyon, biglang pinanindigan ng balahibo si Gwen.

        Ang inaasahan lang kasi niyang marinig ay iyong mga simpleng pop tunes, mellow rock o folk songs. Iyong tinatawag na unplugged music o iyong mga karaniwang naririnig niya na tinutugtog ng mga live band.

        Hindi niya inaasahang ang mapapakinggan niya ay katulad niyong napanood niya sa pelikula ni Antonio Banderas na Desperado. Tugtuging may ereng Latino. Dramatic. Makapangyarihan. Seductive.

        At ibang-iba si Lyon kapag tumutugtog. Mula sa unang pagkalabit pa lang nito sa mga kuwerdas, parang napaloob na ang binata sa kakaibang mundo. Isang mundo na kung saan walang anumang mga tumatabing sa damdamin. Isang mundo ng purong damdamin.

        Ang mukha nito’y naging salamin ng samutsaring emosyon. Ang mga mata nito’y nagkabuhay. Nagningning. Nag-apoy.

        At kahit nanatili lang itong nakaupo sa maliit na bangkong bilugan, ang buong katawan nito’y kumilos nang ayon sa musika ng gitara. Ayon sa emosyon ng musika.

        Hindi maalis ang mga mata ni Gwen kay Lyon. Kahit nang magsimulang sumayaw si Geraldine – interpretative jazz na may indak at galaw na mala-flamenco.

        Hindi naman kasi napapansin ni Lyon si Geraldine. Tumutugtog lang ang binata para sa sarili.

        At sa pakiramdam ni Gwen ay para sa kanya.

        Dahil nanunuot sa bawat himaymay ng kanyang pagkatao ang musika ni Lyon. Tumatagos sa kanyang puso’t kaluluwa ang mga emosyong ipinaaabot ng binata.

        Sa mga sandaling iyon, dahil sa musikang iyon, parang bumagsak na rin ang lahat ng mga nakatabing sa damdamin ni Gwen. Nalantad nang ganap ang nilalaman ng kanyang puso.

        Hindi na niya maikaila sa kanyang sarili kung gaano katindi ang kanyang paghahangad kay Lyon Llamanzares.

        Sa kabila ng lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa binata. Sa kabila ng lahat ng kanyang hindi alam tungkol sa binata.

        Para itong isang obsesyon na hindi niya matanggihan. Hindi matalikuran.

        Gusto niya si Lyon.

        Kailangan niya si Lyon.

        Kasabay ng pagtanggap ni Gwen sa katotohanang iyon, natapos ang pagtugtog ng binata.

        At sa mismong pagtigil ng musika ay dumilat ito. Tumitig nang diretsong-diretso kay Gwen.

        Huling-huli siya sa sandali ng kanyang kahinaan. Kung kailan lantad na lantad ang kanyang damdamin. Ang kanyang pangangailangan.

        At hindi niya nagawang ikubli iyon kay Lyon.

        Ni hindi niya nagawang mag-iwas ng tingin.

        Naputol lang ang pagkakahinang ng kanilang mga tingin nang magpalakpakan ang kanilang mga kasamahan.

        “Bravo! Bravo!” sabi ni Baron Karl.

        “Magnifico!” sang-ayon ng maybahay nito.

        “That was breathtaking,” sabi ni Summer.

        “Absolutely!” tango ni Johnny.

        “I never thought the guitar could be such a powerful and sexy instrument,” halos padaing na sabi ni Kyle.

        “Just as powerful and sexy as Geraldine’s body while dancing,” dugtong ni Tom.

        “Aren’t we the perfect pair?” may pagmamalaking pahayag ni Geraldine. “We always make beautiful music together. Any time. Anywhere.”

        At pinukulan nito ng mapanuksong ngiti ang kalaguyo.

        Ngumiti rin si Lyon – pero iyong dati na nitong ngiti.

        “You know what? This puts me in the mood for a midnight cruise,” sabi ni Baron Karl.

        “That’s a wonderful idea,” sang-ayon agad ni Johnny. “Some moonlight dancing on the yacht would be perfect.”

        “Oooh, that would be so romantic,” pabuntong-hiningang sabi ni Darla.

        Pero mabilis na sumingit si Gwen.

        Masyado pa kasi siyang apektado ng naganap kanina. Hindi na yata niya kayang humarap pa nang mas matagal kay Lyon.

        “I think I’ll pass,” sabi niya. “I’d rather go straight to bed.”

        “Us, too,” biglang sabi ni Geraldine na ikinakawit ang braso sa braso ni Lyon. “I think it’s time for us to go to bed. But feel free to use the yacht, friends. You can sail all night and sleep over if you want. That would be fun.”

        “Count us out,” sabi rin ni Tom. “Kyle and I are going home.”

        Mabilis na nagkasundo ang grupo. Nagkanya-kanya nang panhik para kumuha ng mga bihisang babaunin ang mga pupunta sa yate.

        “Sigurado kang ayaw mong sumama?” tanong ni Darla sa pinsan.

        “Inaantok na ako, e,” pagdadahilan ni Gwen. “Isa pa, ano naman ang gagawin ko roon? It’s supposed to be a romantic dancing cruise at pares-pares na kayo. Magiging wallflower lang ako.”

        “Of course not,” sagot ni Darla. “Sa dancing naman, we always change partners.”

        “E pagkatapos?” pakli ni Gwen.

        Napahagikhik si Darla.

        “Kunsabagay,” amin nito. “Sige, bahala ka. Sleep tight and sweet dreams.”

        Para naman hindi siya magmukhang killjoy hindi muna pumanhik si Gwen hangga’t hindi pa nakakaalis ang mga kasama. Masaya niyang inihatid ang mga ito hanggang sa pinto.

        Ganoon din naman ang ginawa ng magkalingkis na sina Geraldine at Lyon.

        Nang makalayo ang grupo, tumalikod na si Gwen para pumanhik.

        “Gwen, won’t you join us?” narinig niyang tawag ni Geraldine.

        Nilingon niya ang dalawa.

        Akala niya’y niyayaya siya ng mga ito na manatili sa salas para makipagkuwentuhan pa o uminom.

        “Thanks, but I’m going to bed,” nakangiting tanggi niya.

        “Well, doon din naman ang punta namin,” sagot ni Geraldine. “Why don’t the three of us go to bed together? That would be fun, don’t you think?”

        Umakyat yata ang lahat ng dugo ni Gwen sa ulo. Aktuwal na naramdaman niyang parang lumalaki ang ulo niya sa pangingilabot.

        Pulang-pula siya. Hindi na niya magawang magsalita.

        Lalo pa’t parang nanunudyo ang ngiti ni Geraldine.

        At tulad ng dati ay nakangiti lang nang malamig si Lyon. Naghihintay.

        Mabilis na umiling lang si Gwen. At tumalikod na siya’t patakbong tumalilis papanhik sa kanyang silid.

        Pagdating doon ay siniguro niyang mai-lock ang barrel bolt ng pinto. Hindi siya nagtitiwala sa susian lamang dahil malamang ay may susi si Geraldine sa bawat pinto ng villa.

        Alam naman niyang hindi siya pipilitin ng dalawa sa ayaw niya. Pero mahirap na. Walang masama kung magsisiguro siya.

        Dumiretso si Gwen sa banyo. Dali-dali siyang naghubad at tumapat sa mainit na shower. Para bang maaari niyang alisin sa pagpaligo ang masamang pakiramdam na idinulot ng paanyayang iyon.

        Pero paglabas niya ng banyo, narinig naman niyang nasa kabilang kuwarto na ang dalawa. Nasa kuwarto ni Lyon na katabi ng kuwarto niya.

        At parang nananadya pa ang mga ito. Panay ang halakhakan. Kumakalabog ang kung anu-ano na parang naghahabulan ang mga ito, o may mga naglalaglagan sa sahig. Binilisan ni Gwen ang pagsusuot ng pantulog. Pagkatapos ay sumubsob na siya sa kama.

Mayamaya nama’y umingit ang kama sa kabilang kwarto. Parang bumundol nang bumundol ang headboard niyon sa dingding. Paulit-ulit. Pagkatagal-tagal. Itinakip ni Gwen ang unan sa kanyang tainga.

        Paano pa ba siya makakatulog nito? Mabuti pa siguro kung sumama na lang siya sa yate.

 

MADALING-ARAW na nang makatulog ang dalaga. Noon lang kasi tumahimik ang kabilang kuwarto.

        Gayunpaman, balisa ang kanyang pagtulog. At maagang-maaga siyang nagising.

        Pakiramdam ni Gwen, pagdilat niya ay hindi pa rin siya nakapagpahinga nang sapat. Kailangan niya ng preskong hangin.

        Bumangon siya’t nagsuot ng robang seda. Pagkatapos ay nagtuloy siya sa munting balkonahe ng silid.

        Pagbungad pa lamang niya ng balkonahe ay tumingala na ang dalaga nang nakapikit. Kaysarap ng banayad na init ng araw sa kanyang balat, lalo pa’t  may kasabay na mabining ihip ng hanging dagat. Humugot siya ng malalim na hininga.

        Saka siya dumilat at tumingin sa paligid.

        Para lang matigilan.

        Dahil naroon din pala si Lyon. Nasa kabilang  balkonahe nga ito – sa balkonahe ng sarili nitong silid. Pero wala pang isang metro ang espasyong nakapagitan sa dalawang balkonahe. Pupuwede nga silang dumukwang at maghalikan sa espasyong iyon.

        Napakurap si Gwen. Bakit ba pakikipaghalikan na agad kay Lyon ang pumasok sa isip niya?

        Mabuti na lang at nakatingala rin ang lalaki’t nakapikit. Hindi siya nakikita.

        Nakasandal ito sa barandilya ng balkon, nakatalikod sa dagat at nakaharap sa pintong papasok sa silid. Nakaroba rin ito nang seda, panlalaki nga lang. At nakabukas sa harap ang roba. Lantad ang matipuno nitong dibdib.

        Awtomatikong gumala ang paningin ni Gwen sa dibdib ng binata. Awtomatikong bumaba. Bumaba nang bumaba.

        At napasinghap siya.

        Dahil naroon din pala si Geraldine. Nakaluhod sa harap ni Lyon. Abalang-abala.

        Lumipad ang paningin ni Gwen pabalik sa mukha ng binata.

        At nakasalubong niya ang titig nito. Na may kasabay na nanghahamong ngiti.

        Muli, namula si Gwen. Pulang-pula.

        At muli, tumalikod siya’t tumalilis. Pumasok sa silid.

        Tuluy-tuloy na naman siya sa banyo. Naghubad at tumapat sa shower.

        Pero sa pagkakataong ito’y parang hindi kayang pawiin ng tubig ang init na lumulukob sa kanyang buong katawan. Kahit pa malamig na tubig na ang kanyang ipinapaligo.

        At nakadama siya ng paninibugho kay Geraldine Boyer.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)