Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Abakada ng Pag-ibig: ODETTE. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Abakada ng Pag-ibig: ODETTE. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Abril 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 1

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca

Abakada ng Pag-ibig: Gwen

Abakada ng Pag-ibig: Hiyas

Abakada ng Pag-ibig: Irene

Abakada ng Pag-ibig: Julianna

Abakada ng Pag-ibig: Krizha

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine

Abakada ng Pag-ibig: Monique

Abakada ng Pag-ibig: Niandra


ABAKADA NG PAG-IBIG: ODETTE

by Maia Jose

 

Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved


 

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 2000 

ISBN 971-824-023-3

TEASER:

        Nangangarap si Odette ng isang typical romance novel hero – misteryoso, maporma, mapangahas, exciting. Ang problema’y wala naman yatang ganoong binata sa bayan ng Paraiso.

        Bata pa siya’y kilala na niya si Ben. Responsable, masipag, mabait, tahimik. At sa palagay ng dalaga, boring.

        Paano matatapatan ni Ben ang mga kathang-isip na pantasya ni Odette?


CHAPTER 1

NAGSALIN ng kape si Odette mula sa coffee maker na nasa counter. Dinala ng dalagang may-ari ng The Book Shop ang kanyang tasa sa bilugang coffee table na nasa tabi ng picture window ng bookstore. Doon siya naupo.

        Huling tasa na niya ito. Pasado alas-singko na rin kasi. Mamayang alas-sais ay isasara na niya ang The Book Shop.

        Iginala ni Odette ang kanyang paningin sa kabuuan ng kanyang bookstore. Kahit maliit lang iyon ay mahal na mahal niya. Repleksiyon iyon ng kanyang personalidad.

        Yari sa kahoy ang kabuuang interiors ng The Book Shop. Kahoy na barnisadong may antique finish.

        Maging  ang mga bookshelves at iba pang muwebles na naroon ay panay antique reproductions kahit hindi tunay na antigo. Pulidong-pulido naman ang pagkakagawa ng mga iyon kung kaya hindi halatang mahigit tatlong taon pa lamang mula nang mayari.

        Bilang pambalanse sa kahoy, pinuno rin ni Odette ng bulaklak ang Book Shop. Bulaklakin ang disenyo ng mga kurtinang nakatali sa magkabilang gilid ng picture window. Katerno niyon ang upholstery ng apat na silyang nakapaligid sa bilugang coffee table.

        May fresh flowers ding nagbibigay-sigla at nagpapabango sa lugar. Isang mahabang plorera ng iba’t ibang kulay ng rosas ang nakapatong sa gitna ng coffee table. Isang mataas na plorera naman ng long-stemmed red roses ang nasa tabi ng cash register at coffee maker sa counter.

        Halatang-halata na dalaga ang nagmamay-ari sa The Book Shop. Isang napakaromantikong dalaga.

        Maging ang chimes na nakasabit sa ibabaw ng pinto ay naghahatid ng masarap na musikang bagay na bagay sa kabuuang ambience ng lugar.

        Ang bawat pumapasok sa The Book Shop ay parang pumapasok sa isang pribadong library sa halip na sa isang commercial establishment. Lalo pa dahil agad na sasalubong si Odette para tumulong at mag-alok ng libreng kape.

        Tumunog ang chimes na nasa pinto. Lumingon si Odette.

        “Hi, Odette!” nakangiting bungad ni Lorraine.

        “Lorraine!” halos pasigaw na sagot ng dalaga, sabay tayo at salubong sa pinakamatalik na kaibigan. “Ano’ng ginagawa mo rito?”

        “Bakit?” sagot ng kaibigan niya. “Ano naman ang shocking sa pagparito ko? Nandiyan lang sa kabila ang flower shop ko, remember?”

        “And you’re also a new mother with a four-month-old baby, remember?” pakli ni Odette. “Nasaan ang inaanak ko? Breastfed baby si Den-Den, hindi ba? Paano ka nakawala?”

        “Iyon nga, e,” paliwanag ni Lorraine. “Kailangang sanayin na namin siyang dumede sa bote paminsan-minsan, although breastmilk ko pa rin ang laman ng bote. Mahirap kasi kung mawili siyang nakadikit na lang sa akin twenty four hours a day, seven days a week. So, nag-e-express na ako ng breastmilk na iniipon namin at isinasalin sa baby bottle. Kaso, ayaw niyang dumede sa bote kung nase-sense niyang nandoon lang ako sa malapit. Umiiyak. Gusto sa akin pa rin. Kaya, heto, kailangang lumayo muna ako. On duty muna si Dan para sa feeding niya. In the meantime, binisita ko  ang flower shop. Afterwards, heto, binibisita naman kita.”

        “Kailangan mong malibang, ano?” nakangiting hula ni Odette. “Otherwise, hangos ka nang uuwi agad sa baby mo.”

        Malungkot na napangiti si Lorraine.

        “Oo nga, e,” amin nito. “Kailangang palampasin ko ang five o-clock feeding niya bago ako umuwi. Ang hirap palang iwanan ang baby, ano? Actually, kung ako lang ang masusunod, okay lang na magkadikit kaming mag-ina twenty four hours a day, seven days a week. But, of course, hindi praktikal iyon. Paano nga naman kung magkasakit ako? Mas mahirap kung doon pa lang namin siya tuturuang dumede sa bote. Hay naku.”

        “You’re doing the right thing,” pang-aalo ni Odette. “It’s for her own good naman, e. Halika, magkuwentuhan muna tayo.”

        Hinatak niya ito patungo sa iniwan niyang coffee table. Pinaupo sa isa sa mga silyang naroon.

        Miss na miss na rin ni Odette si Lorraine.

        Magkaibigan na silang matalik mula nang maging magkaklase sa kindergarten hanggang makapagtapos sa Colegio Del Paraiso at makapagtayo ng magkatabi pa ring negosyo dito sa bayan nila ng Paraiso. Las Flores Del Cielo ang flower shop ni Lorraine na nasa gusali ring iyon. Ang totoo’y pamilya ni Lorraine ang nagmamay-ari ng Castillo Building na kinaroroonan nila.

        Nasanay silang magkaibigan na halos araw-araw na magkasama’t nagkukuwentuhan. Pero magmula nang mag-asawa’t magkaanak si Lorraine ay naging mas madalang na ang kanilang pagkikita.

        Nahihiya naman kasi si Odette na pumunta kina Lorraine nang araw-araw, kahit pa ninang siya ng anak nitong si Den-Den. Ayaw niyang makaistorbo sa privacy ng bagong pamilya lalo pa’t homebased ang trabaho ng asawa ni Lorraine na si Adan bilang isang romance novelist at film scriptwriter.

        Ngayon lang uli nakalabas si Lorraine at nakapunta sa flower shop nito mula nang makapangangak.

        “Ano’ng gusto mo, malamig na juice o hot chocolate?”  tanong pa niya rito. “Bawal pa sa iyo ang magkape, hindi ba?”

        “Cold water na lang,” sagot ni Lorraine. “Nagbabawas pa ako ng timbang, e. Hindi naman ako puwedeng magdiyeta sa meals dahil kailangan ko ng sustansiya para sa gatas ni Den. Kaya sa snacks na lang ako nagdidiyeta.”

        “Hindi ka naman gaanong tumaba,” pansin ni Odette habang kumukuha ng inumin mula sa mini ref na nasa likod lang ng counter.

        “Hindi pa rin ako magkasya sa mga dati kong damit,” sagot ni Lorraine. “Pero sabi nga ni Dan, mas gusto raw niyang ganito ako. Voluptuous.”

        At binuntunan pa nito ng pilyang bungisngis ang pahayag na iyon.

“Iyang asawa mo talaga...” natatawa ring iling ni Odette.

“Bakit ka nga pala nag-iisa?” tanong ni Lorraine nang ilapag niya sa harap nito ang baso ng malamig na tubig. “Nasaan ‘yung assistant mo?”

        “Nagbakasyon si Wilma,” sagot ni Odette habang nauupo sa tabi ng kaibigan. “Umuwi muna sa baryo nila dahil nanganak ‘yung kapatid at kailangan ng aalalay sa pag-aalaga no’ng sinundang mga anak. Maliliit pa rin daw, e.”

        Hinigop niya uli ang iniwan niyang kape.

        “Gaano siya katagal mawawala?” tanong ni Lorraine.

        “Mga isang buwan din siguro,” sagot ni Odette.

        “Hindi ka kukuha ng reliever?” tanong ng kaibigan.

        “Sus, kaya ko naman,” sagot ng dalaga.  “Wala namang mabigat na trabaho rito, e.”

        “Kung sabagay,” tango ni Lorraine. “Pero ngayong nasa States sina Tito Odilon at Tita Rhoda, hindi ka ba kinakailangan din sa kabilang tindahan ninyo?”

        “Para que pa na naging manager doon si Tito Onofre?” sagot ni Odette. “Kayang-kaya na niyang i-handle ang Orion. Isa pa, panay old timers naman ang staff doon. Marami sa kanila, nakagisnan ko nang  nagtatrabaho sa Orion Emporium. Mas alam nila ang trabaho roon kaysa sa akin.”

        “Talagang hindi mo type ang ganoon kalaking tindahan, ano?” sabi ni Lorraine.

        “Mas masaya ako rito, in my own little world,” nakangiting sagot niya.

        “Ay, talaga,” tango ni Lorraine. “Hindi tayo nagkamali sa ginawa nating pagtatayo ng sarili nating mga business.”

        “Iyan nga ang madalas kong sabihin kay Rhianna,” pagkukuwento ni Odette. “Pero ewan ko ba sa kanya. Mas gusto talagang doon pa sa Makati magtrabaho. Mas gustong maging empleyada roon.”

        “Nami-miss mo na si little sister,” pansin ni Lorraine. “Lalo na siguro ngayong wala sina Tito at Tita. Umalis pa pati si Rhadu.”

        “Nasanay na rin ako sa mga long vacations nina Mommy sa States,” sagot ni Odette. “Fourth time na nila ito, e. Una, no’ng ikinasal si Kuya Rhett. Pangalawa, no’ng ipinanganak ‘yung panganay niyang si Scarlet. ‘Tapos, last year, no’ng inihatid nila roon si Odin for college.”

        “And this year, si Rhadu naman,” dugtong ni Lorraine. “Ang susuwerte naman nitong dalawang youngest ninyo. Sa States pa magka-college. Tayo noon, hanggang dito lang sa Paraiso.”

        “Hindi ko rin naman talaga ginustong mag-aral sa States,” sagot niya. “Si Kuya Rhett lang naman ang nagsimula niyang obsession na iyan, e. Noong hindi siya pinayagang mag-college doon, he did the next best thing. Right after college here, doon siya nagtrabaho at nag-settle down. Nahawa tuloy itong sina Odin at Rhadu sa kanyang US obsession. Lumipad na silang lahat.”

        “Si Rhianna ba, balak ding sumunod doon?” tanong ni Lorraine.

        “Ewan lang,” pakibit-balikat na sagot ni Odette. “As of now, kuntento pa siyang  magtrabaho sa Makati. Nalalayuan na nga ako roon, e. Sana naman, hanggang doon na lang siya.  At least, nakakauwi pa siya rito nang once in three to six months.”

        “Lima nga kayong magkakapatid, nagkalayu-layo naman,” iling ni Lorraine.

        “Mabuti na nga lang at nagkakasama sa iisang campus sina Odin at Rhadu,” sabi niya. “Malapit lang din sila sa tinitirhan nina Kuya Rhett. If not for that, baka hindi sila pinayagan nina Daddy na doon mag-aral.”

        “E di si Manong Tomas uli ang naghahatid-sundo sa iyo rito habang wala si Tito Odilon?” sabi ni Lorraine.

        Umiling si Odette.

        “Hindi na makapag-drive si Manong Tomas,” sagot niya. “Naapektuhan ang kanang paa niya no’ng na-stroke siya, e. Hayun, nag-aalaga na lang ng roses at orchids ni Mommy sa garden at tumutulong kay Yaya Munding sa pagsisinop sa bahay. Nagkakairingan na nga madalas ‘yung mag-asawa magmula noong matigil sa bahay si Manong. Nagme-menopause naman kasi yata itong si Yaya.”

        “Ganoon ba?” nakakunot-noong sabi ni Lorraine. “Naku, kawawa naman pala si Manong. E paano ka umuuwi? Six ka na ng gabi nagsasara rito, a. Paano ka rin pumapasok sa umaga? Don’t tell me na nagkalakas-loob ka nang mag-aral uli  na mag-drive?”

        Umiling uli si Odette.      

        “No way,” sagot niya. “Hindi ko pa  rin makalimutan ‘yung muntik ko nang nasagasaan ‘yung tuta noon, ano? Baka next time, mas grabe pa ang madisgrasya ko. Ayoko nang subukan uli. I don’t think I can ever have enough guts to drive again.”

        “So, paano nga?” tanong ni Lorraine.

        “Si Ben,” sagot niya.

        “Si Ben?” gulat na ulit ni Lorraine.

        Pagkatapos, bumunghalit ito ng tawa.

        “Si Ben ang naghahatid-sundo sa iyo rito araw-araw?” pagpapatuloy pa nito. “Wow, ang suwerte naman niya. Bakit, sinagot mo na ba siya – finally?”

        “Anong sinagot?” irap ni Odette. “Masuwerte nga siya’t siya ang ni-request ni Daddy na maghatid-sundo sa akin, ano? Siyempre, malakas siya kay Daddy. Ninong niya, e.”

        “Alam mo, ang tiyaga naman talaga niyang si Ben sa iyo, Dette,” sabi ni Lorraine. “Mula elementary hanggang ngayon – hindi ka pa ba nade-develop?”

        “Please, ha?” sagot niya. “Lorraine naman, parang hindi mo ako kilala. Iyon nga mismo ang problema kay Ben, e. Like all my other suitors, kilala ko na siya since time immemorial. Wala nang mystery. Isa pa, he’s such a gentleman. Mabait, masipag, very responsible. In other words, boring. Very predictable. Walang kahit katiting na excitement.”

        “Naku, lumala pa yata ang iyong requirements for Mr. Right pagkatapos kong mapangasawa si Adan,” iling ni Lorraine. “Naghahanap ka na rin ng romance novel hero. E, sinabi ko naman sa iyo na kaya lang parang ganoon si Dan ay dahil siya mismo ang sumusulat ng mga nobelang iyon. It’s unfair to expect any other man to live up to those standards.”
        “I just want to be as happy as you are,” sagot ni Odette. “Siguro naman, may lalaki pa ring katulad ng nababasa nating romance novel heroes. I’m not yet giving up hope. Hihintayin ko pa rin ‘yung lalaking misteryoso, maporma, mapangahas at exciting.”

        “Ibig mong sabihin, wala talagang kapag-a-pag-asa si Ben?” tanong ni Lorraine.

        Napabuntonghininga si Odette.

        “I have nothing against him naman,” sagot niya. “Actually, kung tutuusin, he’s good looking. And so sweet. Magkasundo kami. Tahimik nga lang siya with other people, pero masarap namang kakuwento kung kami-kami na lang. Kumportable akong kasama siya. Iyon nga lang, too comfortable siguro. Walang sizzle. Walang magic. Baka sakali kung tumatanda na akong dalaga’t wala nang pag-asang makatagpo ng hinahanap kong romance novel hero, and Ben still happens to be around, then posibleng patulan ko na rin siya. Kahit just for companionship na lang.”

        Tumunog uli ang chimes sa may pinto.

        Sabay na napalingon ang magkaibigan. Pero hindi bumukas ang pinto. Walang pumasok.

        “Hangin lang siguro,” sabi ni Odette.

        “Akala ko, si Ben na,” sabi ni Lorraine.

        Sumulyap si Odette sa wallclock.

        “Alas-singko’y medya pa lang,” sabi niya. “Eksaktong alas-sais dumarating si Ben. Imposibleng siya iyon. Sabi ko nga sa iyo, he’s so predictable.”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2

NAGMAMADALI si Ben pabalik sa kotse. Ingat na ingat na hindi makita ni Odette sakaling sumilip ang dalaga sa labas ng bookstore.

        Hindi naman niya sinasadyang manubok kina Odette at Lorraine. Napaaga lang ang pagsundo niya sa dalaga dahil alam niyang hindi na papasok sa araw na ito si Wilma.

        Kahit vice-president siya ng rural bank na pagmamay-ari ng kanilang pamilya, hindi naging ugali ni Ben ang umalis sa opisina nang alas-singko. Lagi niyang sinasabayan ang mga empleyadong nag-o-overtime. Ngayon lang naiba ang kanyang routine. Gusto kasi sana niyang tulungan si Odette sa pagsasara ng bookstore.

        Hindi niya malaman kung matatawag bang suwerte o malas na napatigil siya sa labas ng nakasarang pinto ng shop bago tuluyang pumasok. Na narinig niya ang bahagi ng pag-uusap ng magkaibigan – iyong bahagi pa namang tungkol sa kanya.

        Umupo si Ben sa loob ng kotse pero hindi niya ito pinaandar. Naupo lang siya roon nang parang nakatulala sa kawalan.

        Natatandaan pa ng binata nang una niyang maramdamang espesyal sa kanya ang kinakapatid na si Odette. Apat na taong gulang siya noon at dalawang taong gulang naman ang batang babae. Birthday party pa ni Odette iyon.

        Kahit musmos pa ang kanyang isip at damdamin, alam na niya noon na pinakapaborito niya sa lahat ng bata si Odette. Gandang-ganda siya rito.

        Sa paglaki nila, lalo pang lumago ang kanyang damdamin sa kinakapatid. At dahil nga Ninong niya ang Daddy nito, nagkaroon siya ng lahat ng pagkakataon para maipakita ang kanyang espesyal na pagtingin sa kababata.

        Tahimik lang at dati nga’y may pagkamahiyain pa si Ben. Pero hindi niya nailihim ang kanyang damdamin sa kinakapatid. Kahit noong hindi pa niya ito pormal na nililigawan ay halatang-halata na ng lahat ng nakapaligid sa kanila ang kanyang nadarama.

        Nang makapagtapos siya ng high school sa Colegio Del Paraiso, ipinadala siya ng kanyang mga magulang sa Maynila para mag-college sa La Salle. Alalang-alala siya noon na baka pagbalik niya sa Paraiso ay may boyfriend na si Odette. Sa tuwing may pagkakataon tuloy ay umuuwi siya’t pumapasyal sa bahay ng kanyang Ninong.

        At maging ngayong mga propesyunal na sila, sa dami ng mga naging tagahanga’t manliligaw ni Odette ay si Ben pa rin ang pinakapanatiko. Siguro, dahil nga may partida na siya sa pagiging kinakapatid ng dalaga kung kaya mas masigasig siyang naghahanap ng paraang mapatunayan na hindi siya umaasa lamang sa partidang iyon.

        Tatlong beses isang linggo kung umakyat siya ng ligaw – Sabado, Martes, at Huwebes ng gabi. Hindi niya inaaraw-araw dahil baka masyado nang makaistorbo kay Odette.

        Dumarating siya nang alas-otso – iyong siguradong nakapaghapunan na ang mag-anak. At nagpapaalam na siya pagpatak nang alas-nuwebe ng gabi.

        Lagi siyang may dalang bulaklak o imported chocolates o special baked pastries. Kung minsan naman, ice cream o prutas.

        Sa pagkakaalam ni Ben, sa sarili niyang pamantayan, he has been the perfect suitor. Hindi nga ba’t iyon ang dahilan kung bakit ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang Ninong ang paghahatid-sundo kay Odette habang nasa States ang mag-asawa?

        Kaya nga kampanteng-kampante na siya.

        Buong akala niya, hindi lang ang basbas nina Ninong Odilon at Ninang Rhoda ang natanggap niya. Buong akala niya, okay na sila ni Odette. Hindi pa nga lang pormal.

        Paano naman kasing hindi niya iisipin iyon? Alam naman ni Odette ang kanyang damdamin mula’t sapul. At wala naman siyang narinig na reklamo mula kay Odette.

        Kahit noong sinimulan niya itong ligawan nang pormal, wala rin siyang natanggap na negatibong reaksiyon mula sa dalaga. Kung tutuusin ay naging mas komportable pa nga sila sa isa’t isa. Laging masaya ang kuwentuhan nila kapag dumadalaw siya. Walang anumang tensiyon.

        Oo nga’t ni minsan ay hindi pa siya nagtapat ng pag-ibig. Iyong matatawag na “in black and white”.

        Nananantiya rin naman kasi siya. Gusto muna niyang pahinugin nang husto ang pagkakataon. Iyon bang kapag nagsabi siya ay diretso na hanggang sa usapin ng kasalan.

        Kasi, hindi nga ba’t ganoon na ang estado nila? Siguro naman, kung ayaw sa kanya ni Odette, noon pa ito nagpahiwatig na ganoon nga.

        Hindi siya nag-aalala sa napakaraming iba pang naging manliligaw ng dalaga. Ikinatutuwa’t ikinararangal pa nga niya iyon. Siyempre, kahit na sinong binatang may taste, maa-attract sa mahal niya.

        Gusto niyang ma-enjoy ni Odette nang husto ang pagkadalaga kaya hindi niya ipinagkakait dito ang pagkakaroon ng maraming manliligaw. Kaya hindi rin niya minamadali ang kanyang pagtatapat.

        Tutal naman, napatunayan na niyang wala siyang dapat ikabahala. Isa-isang nalalagas ang mga manliligaw ni Odette. Pagkaraan ng isa o dalawang buwan, titigil ang mga ito. Isa lang ang maaaring maging paliwanag. Binasted na ang mga ito ni Odette.

        Nakailang batch na nga ang mga manliligaw ng dalaga. Heto pa rin siya. Hindi pa rin siya disqualified.  Masyado pala siyang naging kampante. Masyadong padalus-dalos sa kanyang mga akala.

        At sa mga narinig niya kanina, parang pinagsakluban si Ben ng langit at lupa.

        Iyon palang pagiging kumportable nila sa isa’t isa ay hindi positibong senyales. Iyon pa pala mismo ang naging kapintasan niya sa paningin ni Odette.

        Wala na raw kasi siyang mystery. Wala siyang excitement. At wala raw silang chemistry. Walang sizzle.

        Ang hinahanap pala ni Odette ay romance novel hero. Kailangan daw misteryoso, maporma, mapangahas, exciting.

        Hindi nga siya mapangahas. Masyado nga raw siyang responsable. Too much of a gentleman pa. Masyadong mabait.

        Lalo namang hindi siya maporma. Kapag ganitong galing siya sa opisina, ang suot niya’y  unipormeng short-sleeved polo-barong at itim na slacks. Kapag naman walang pasok, ang suot niya’y maluwang na t-shirt na may kuwelyo na nakapaloob sa pantalong khaki o maong. Simple lang. Ordinaryo. Basic. Generic.

        Paano nga ba niya mapapantayan ang hinahanap ni Odette na romance novel hero? Maikukumpara ba ang kanyang reyalidad sa mga pantasyang kathang-isip?

        Unfair, reklamo ng isip at puso ni Ben. Gusto niyang umalma. Magrebelde.

        Lalaban siya. Ipaglalaban niya ang kanyang pag-ibig. Hindi siya magpapatalo nang ganito lang.

        Kung naghahanap si Odette ng romance novel hero, magbabasa siya ng romance novels. Aalamin niya kung paano ba ang maging romance novel hero. At tatapatan niya ang mga ito.

        Matalino siya. Maabilidad. Isang senior bank executive. Higit sa lahat, a real flesh-and-blood male. Tunay na lalaki. Siguro naman, kaya niyang higitan pa ang mga kathang-isip na pantasyang iyon.

        Maya-maya’y napasulyap si Ben sa kanyang relo. Alas-sais na pala. Kalahating oras na siyang nagmumuni-muni.

        Paano niya ngayon haharapin si Odette? Parang bigla tuloy siyang kinapos ng tiwala sa sarili.

        Pero kailangang humarap siya sa dalaga. Kailangan niya itong ihatid pauwi. Ipinagkatiwala sa kanya ng kanyang Ninong ang gawaing iyon. At wala nang mas mahalaga pa kaysa sa kaligtasan ni Odette.

        Hindi siya magpapahalatang narinig niya ang mga sinabi nito kay Lorraine. Kaya ba niyang magkunwari?

        Bahala na.

 

BUMUKAS ang pinto ng bookstore. Sabay uling lumingon sina Odette at Lorraine.

        “Hi, Ben,” nakangiting sabi ni Lorraine. “Right on time, ha? Very reliable ka talaga.
        Napansin agad ni Odette na parang nangiwi ang ngiti ng binata. Inisip lang niyang hindi siguro nito inaasahang madatnan doon ang best friend niya.

        “Hi, Lorraine, nandito ka pala,” sagot ni Ben. “Hi, Odette. Ready to go?”

        Tumango ang dalaga, sabay tayo at kuha sa kanyang shoulder bag at lunch box mula sa ilalim ng counter.

        “Sumabay ka na sa amin, Lorraine,” alok ni Ben.

        “Thanks, pero may dala rin akong sasakyan,” sagot ni Lorraine. “Sinamahan ko lang si Odette habang wala ka pa.”

        “Let’s go,” sabi ni Odette.

        Nagkanya-kanyang sasakyan na nga sila pagdating sa parking lot.

        “See you tomorrow!” kaway ni Lorraine bago ito nauna na sa pag-alis.

        Nang dadalawa na lamang sila, napansin ni Odette na tahimik lang si Ben. Hindi tulad nang dati na makuwento sa kanya.

        Mayamaya’y hindi na siya nakatiis.

        “May sakit ka ba?” tanong niya nang nasa daan na sila.

        “H-Ha?” parang nagulat pang sagot ng binata. “Wala naman. Bakit?”

        “Masyado kang tahimik, e,” sabi niya. “Baka naman may problema ka. Sa banko ba?”

        “Wala,” iling ni Ben.

        “Imposible,” naiirita nang iling niya. “Iba ka ngayon, e. Sabihin mo na kasi. Para namang  ibang tao pa ako sa iyo. Huwag ka nang magpakamisteryoso.”

        Biglang napalingon sa kanya si Ben.

        “O, sa daan ka tumingin, huwag sa akin,” mabilis na saway ni Odette.

        Bumaling naman uli ang paningin ng binata sa daan.

        “Ano uli ‘yung sinabi mo?” tanong nito. “Misteryoso ako?”

        “Ang sabi ko, huwag ka nang magpakamisteryoso,” ulit niya. “Hindi bagay, e. Hindi ako kumportable na ganoon ka. Hindi ka naman talaga ganoon, e.”

        Dumilim ang mukha ni Ben.

        “Ayaw mong maging misteryoso ako?” sabi nito.

        “Hindi kasi ako sanay,” sagot niya. “Come on, ano ba talaga ang problema mo? Pati iyang ganyang nakasimangot ka, naninibago ako. So spill it out.”

        “Marami lang akong iniisip,” sabi ni Ben.

        “Tungkol saan?” pangungulit niya.

        Napabuntonghininga ang binata.

        “Sa lahat,” sagot nito pagkaraka. “Sa sarili ko. Sa mga nangyayari. Sa future.”

        Saglit na natigilan si Odette.

        “Wow,” iling niya pagkaraka. “Deep. Bakit naman bigla ka yatang philosophical?”

        “Hindi naman,” iling din ni Ben. “Hindi naman philosophical matters ‘yung iniisip ko. Malayo.”

        “Kung may pinoproblema ka, don’t hesitate to tell me,” ulit na naman ni Odette. “Gusto kong makatulong.”

        “Ang sarap namang malaman na concerned ka sa akin,” sagot ni Ben.

        Pero may nahagip siyang himig ng pagdaramdam sa tinig nito. Para bang hindi ito naniniwalang magiging concerned nga siya sa anumang problema nito.

        “Lagi naman akong concerned sa iyo, a,” giit ng dalaga.

        “Dahil kinakapatid mo ako,” dugtong ni Ben.

        “Precisely,” tango niya. “And because we practically grew up together. Kilalang-kilala na kita kaya nararamdaman ko kung something’s bothering you.”

        Ang binata naman ang napabuntonghininga.

        “Akala mo lang kilalang-kilala mo na ako,” pahayag nito. “Pero hindi. Paano mo ako makikilala nang ganoon kung kahit nga ako, hindi ko pa pala kilalang-kilala ang sarili ko.”

        Si Odette naman ang natahimik.

        Mayamaya, nagsalita uli si Ben.

        “Huwag kang magtatampo sa akin,” parang pang-aalo nito. “I just need to sort this out by myself. Pagkatapos, after I make sense of it, saka ko sasabihin sa iyo.”

        Nagkibit-balikat siya.

        “Oo ba,” sagot niya. “Bahala ka.”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

KUNG nasisiyahan si Odette sa pamamalagi sa The Book Shop sa araw-araw, lalo naman siyang nasisiyahan sa pamamalagi sa kanyang kuwarto gabi-gabi.

        Itinuturing ng dalaga na sanctuary ang kanyang bedroom. Isang private space na kung saan sariling-sarili niya ang mundo.

        Katulad ng The Book Shop, ang silid na iyon ay repleksiyon ng kanyang pagkatao. Napaka-romantic at napaka-feminine.

        Floral din ang main motiff ng kuwarto. Bulaklakin ang lahat ng bed linen, pati na ang kurtina. At laging may plorera ng fresh flowers sa kanyang bedside table. Pero kung ang mga bulaklak sa book shop ay mula sa Las Flores Del Cielo, ang mga ito nama’y mula sa mismong hardin ng bahay. Mula sa mga tanim ng Mommy niya.

        Sa silid na ito, sa sarili niyang higaan, dito lang tunay na nabibigyang-laya ni Odette ang kanyang imahinasyon. Dito niya nabibigyang-buhay sa kanyang mga pantasya ang mga kinagigiliwang romance novel heroes.

        Gabi-gabi, iba-t-ibang karakter ang kanyang kapiling. Depende sa kung aling nobela ang nabasa niya sa The Book Shop sa araw na iyon o naiuwi niya para basahin sa kanyang kuwarto.

        Ini-imagine niya na siya ‘yung bidang babae sa kuwento. Kaya iba’t-iba rin ang kanyang persona sa bawat pantasya.

        Kanina lang ay may natapos na naman siyang nobela. Kaya naman paghiga ni Odette ay sinimulan na niyang buuin sa kanyang imahinasyon ang bidang lalaki sa kuwento.

        Pero hindi niya magawa. Hindi siya makapag-concentrate.

        May ibang bagay na gumugulo sa kanyang isipan. Iyong tungkol kay Ben.

        Talagang naninibago siya kay Ben.

        Sa tinagal-tagal ng pagkakakilala niya rito, ngayon lang naging palaisipan sa kanya ang kababata. Hindi siya sanay sa ganito.

        Ang nakasanayan niyang Ben ay iyong laging parang open book sa kanya ang bawat naiisip at nadarama. Kaya nga kampanteng-kampante siya rito. Kumportableng-kumportable.

        Alam niyang mahal siya ni Ben. At sa isang sulok ng kanyang isipan, umaasa nga siyang kahit tumanda siyang dalaga sa paghihintay sa kanyang romance novel hero ay hindi siya mag-iisa dahil hihintayin siya ni Ben. Tulad ng sinabi niya kanina kay Lorraine, pagdating ng panahong iyon, malamang ay kay Ben din siya babaling kahit for companionship man lamang.

        Dahil sa ngayon ay ganoon lang talaga ang turing niya sa kababata. Companion. Kasama. Kaibigan.

        Espesyal namang kaibigan. Inaamin niya iyon. Kakaiba si Ben sa kanyang mga kaibigan at kakilalang lalaki.

        Kung tutuusin, mas malapit pa nga siya kay Ben kaysa sa kanyang Kuya Rhett at sa dalawa niyang nakababatang kapatid na lalaki na sina Odin at Rhadu.

        Magkaiba kasi sila ng ugali ng kanyang Kuya Rhett kahit na magkasunod sa edad. Mula noong maliliit pa sila, laging nasa galaan ang kanyang kuya. Si Ben naman, laging naroon sa bahay nila’t nakikipaglaro sa kanya at sa kasunod niyang kapatid na si Rhianna.

        Sina Odin at Rhadu, malayo na ang agwat ng edad sa kanila. Mas bata si Odin kay Rhianna nang limang taon. Kasunod naman ni Odin si Rhadu. Baby brothers pa rin tuloy ang turing niya sa dalawa kahit ngayong nasa kolehiyo na ang mga ito sa States.

        Si Ben, kahit matanda sa kanya ng isang taon at kaedad ng kanyang Kuya Rhett, mula’t sapul ay kasundo niya sa halos lahat ng bagay. O sadyang pinakikisamahan at pinakikibagayan siya nito.

        Nawili si Odette sa ganoon.

        Anuman ang gusto niya, ibinibigay ni Ben. Laging siya ang nasusunod. Laging siya ang tama.

        Alam niyang handa siyang ipagtanggol ni Ben kaninuman. Handa siya nitong ipaglaban kung iyon ang gusto niya. Handa rin itong magpaubaya, kung iyon ang gugustuhin niya.

        Alam niya ang lahat ng iyon. Nakasisiguro siya. Kilalang-kilala niya si Ben.

        Or so she thought.

        Nagkamali nga ba siya ng akala? Ano raw iyong sinabi ni Ben kanina?

        “Akala mo lang kilalang-kilala mo na ako. Pero hindi. Paano mo ako makikilala nang ganoon kung kahit nga ako, hindi ko pa pala kilalang-kilala ang sarili ko.”

        Ngayon lang niya narinig si Ben na nagsalita ng ganoon.

        At nakadama ng pangamba si Odette. Nagbabago na ba si Ben?

        E ano ngayon? sagot ng isip niya.

        Pero may kumurot sa puso ng dalaga.

        Hindi matatahimik si Odette hangga’t hindi nagbabalik sa dati si Ben.

        Inis na inis tuloy siya. Pati ang pagpapantasya niya, naunsiyami. Nawala na siya sa mood. Matutulog na lang siya.

 

NANG gabi ring iyon, naghalughog si Ben sa library ng kanilang bahay. Alam niyang may mga romance novels doon, iniwan ng kapatid niyang si Belle.

        Kaedad ni Rhianna si Belle, mas bata kay Odette nang isang taon. Maaga nga lamang itong nag-asawa at ngayo’y may anak na.

        Nang bumukod ng tirahan sina Belle ay hindi na nito dinala ang koleksiyon ng mga romance novels na nasa isang sulok pa rin ng kanilang basement library.

        Isang buong bookcase pala ang sinakop ng koleksiyong iyon, na noon lang talaga napagtuunan ng pansin ng binata. May mga nobelang English at marami ring local na Valentine Romances.

        Dahil wala naman siyang alam na pamantayan sa pagpili ng ganoong tipo ng babasahin, basta humugot na lamang si Ben ng ilan para iakyat sa kanyang silid.

        Napansin niyang may ilan doon na sinulat ni Dana Amor. Nitong nakaraang mga buwan ay naging malaking balita sa Paraiso na ang kilalang romance novelist na si Dana Amor ay walang iba kundi ang napangasawa ni Lorraine na si Adan Amor na isa ring premyadong scriptwriter sa pelikula.

        Napangiti sa sarili si Ben. Nakilala na rin kasi niya nang personal si Adan. Siguro naman, puwede niyang pagkatiwalaan bilang reference material ang mga nobelang sinulat nito.

 

MADALING-ARAW na’t apat na nobela na ni Dana Amor ang natapos niyang basahin pero hindi pa rin makapaniwala si Ben.

        Ito ba ang romance novels na binabasa ni Odette? Ito ba ang romance novel heroes na hinahanap ng dalaga?

        Hindi niya sukat akalain...

        Kahit nasa high cool na ang setting ng airconditioner sa kanyang silid ay pinagpapawisan nang malapot si Ben. Kumakabog ang kanyang dibdib.

        Ibang klase kasi ang mga nabasa niyang nobela. Nakakagising ng dugo. Nakapagpapainit ng laman. Pero higit sa lahat, nakakaantig ng damdamin. Tumatagos sa puso.

        Ganito rin kaya ang nadarama ni Odette kapag nagbabasa ito ng nobela?

        Kung sabagay, hindi na nga pala teenager ang babaing mahal niya. Twenty-four na si Odette. Hindi na bubot. Isa nang ganap na dalaga.

        Kung ganito ang mga binabasa ni Odette, hindi na nga nakapagtatakang mabansagan siya nitong “boring”. Ni minsan nga naman ay hindi siya naging mapangahas na tulad ng mga mga paborito nitong romance novel heroes.

        Paano naman kasi niyang pangangahasan ang mga bagay na iyon? Hindi ganoon ang kinalakhan niyang kalakaran sa bayan ng Paraiso. At buong akala niya’y katulad si Odette ng karaniwang dalaga sa Paraiso na mahigpit na nakakapit sa tradisyon.

        Hindi nga niya pinapayagan ang kanyang sarili  na magpantasya man lamang tungkol kay Odette. Kabawal-bawalan iyon. Pigil na pigil niya maging ang sariling imahinasyon.  Mahirap na kasi. Baka sa mga pagkakataong magkasama sila ay may makaalpas sa kanyang kinikimkim na pagnanais.

        Naging napakaingat niya kay Odette.

        Iyon pala’y iyon pa mismo ang naging kapintasan niya sa paningin ng dalaga.

        He should have known better. Hindi nga ba’t kilalang-kilala niya si Odette? Hindi nga ba’t matagal na niyang alam na hilig nitong magbasa ng romance novels?

        Kung bakit naman kasi ipinagwalang-bahala niya ang impormasyong iyon. Ni hindi man lang niya naisip na magbasa ng mga pocketbook na binabasa ng babaing mahal niya. Ang katwiran kasi niya noon, pambabae lang ang mga librong iyon. Walang relevance sa kanya. Heto tuloy ang napala niya.

        At noong ikasal si Lorraine kay Adan – dapat ay nag-isip-isip na siya noon pa man. Laganap ang tsismis sa bayan tungkol sa kakaibang whirlwind courtship ng dalawa bago ikinasal nang madalian.

        Hindi nga ba’t best friend ni Odette si Lorraine?

        Ngayon tuloy ay nangangarap na rin si Odette ng ganoong excitement. At inaakala nitong matatagpuan lang iyon mula sa isang estranghero.

        Kahit napuyat sa pagbabasa ay nakadama si Ben ng kakaibang pagsulak ng dugo. Isa itong hamon na hindi niya palalampasin. Marami siyang kailangang patunayan.

        Unang-una, hindi totoong wala na siyang misteryo kay Odette. A, may napakahalagang bahagi pa rin pala ng kanyang pagkatao na hindi pa man lang nahihigingan ng dalaga. Ang bahaging kaytagal na niyang tinimpi’t pinigil. Ang bahaging ngayong magdamag lang binigyang-laya ng mga nabasa niyang nobela.

        At sa paglaya ng bahaging ito ng kanyang pagkatao, parang binigyan na rin niya ang kanyang sarili ng permisong maging pangahas. Dahil kung ibabatay sa mga kalakaran sa bayan ng Paraiso, ang halos lahat ng bahay na kaugnay ng aspetong ito ay maituturing nang kapangahasan.

        Kung naghahanap si Odette ng excitement, bibigyan niya ito ng excitement.

        Hindi siya papayag na sa kung sinong estranghero pa nito ibabaling ang mga nabuong pantasya.

        Patutunayan niya kay Odette na kaya niyang maipadama rito ang init ng pag-ibig na nakalarawan sa mga paborito nitong romance novels.

        At sa mga natitirang mga oras ng madaling araw ay ganap nang pinakawalan ni Ben ang sarili niyang imahinasyon. Sa kauna-unahang pagkakataon, pinayagan niya ang kanyang sarili na pagpantasyahan si Odette – at kung paano niya ito mapaliligaya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)