FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: PAULA
by Maia Jose
Copyright
Maria Teresa C. San Diego
All
Right Reserved
Published
in print by Valentine Romances
Books
for Pleasure, Inc.
First printing 2000
ISBN 971-824-035-7
TEASER:
Hinahangaan si Paula sa
kanyang galing sa paglikha ng mga male nude sculpture. Sanay siyang sumipat ng lalaking
maganda ang pangangatawan. Balewala na sa kanya ang mga modelong walang saplot.
Pero nang kinomisyon siya
ng milyonaryong binatang si Richard para igawa ito ng nude sculpture, kinabahan
ang dalaga. Sa kauna-unahang pagkakataon, parang hindi siya makatingin sa
kanyang modelo. At nanginginig na yata ang kanyang ekspertong mga kamay.
CHAPTER 1
PAGGISING na paggising ni Richard, bago pa man bumangon mula sa kanyang
king-sized bed, dinampot na ng binata ang cordless phone mula sa kanyang side
table. Pinindot niya ang numero ng telepono ni Rica sa condo unit nito.
Isang pindot lang naman
ang kinailangan niyang gawin. Nakaprograma na sa memory ng lahat ng mga
telepono niya ang lahat din ng phone numbers ng kaisa-isang kapatid.
Nakaanim na ring ang kabilang
linya bago nakasimangot na pinutol ni Richard ang connection. Napakatagal na
paghihintay iyon para sa binata. Sinadya niyang maghintay nang ganoon katagal,
bigyan ang kapatid ng pagkakataon na sumagot sa phone, kahit sa totoo lang ay
hindi sanay si Richard Romero na maghintay at magpasensiya.
Kay-aga-aga tuloy ay
pagkadilim-dilim na ng mukha ng binata. Pinindot niya ang isa pang numerong
nakaprograma namang katugma ng cellphone number ni Rica.
Sa pangalawang ring ay
sinagot na ito ng dalaga.
“Hello? Good morning!”
masiglang bungad nito.
Napabuntonghininga si
Richard. Sa kabila ng pagkainis, malaki pa rin ang iniluwag ng kanyang dibdib
pagkarinig sa boses ng kapatid.
“Happy birthday, sis!”
sabi niya. “Saan ka ba nagtatago’t pagkahirap-hirap mong makontak? Kamakalawa
pa kita tinatawagan sa bahay mo at dito sa cellphone, pareho namang hindi mo
sinasagot.”
Halakhak ang naging tugon
ng dalaga.
“Thanks for the early
greeting, Rich,” sabi nito pagkatapos. “But it’s so typical of you. May kasabay
pang sermon ang birthday greeting mo.”
“Hindi pa naman ako
nagsesermon, a,” katwiran ni Richard. “Nagtatanong lang. Masama bang alamin ang
whereabouts ng only sister ko? Malay ko kung kailangan ko na palang mag-file ng
missing person report sa authorities.”
“Tatlong araw lang naman
akong nawala sa bahay,” sabi ni Rica. “Nandito kami ni Libby sa Tagaytay. We’re
attending a seminar workshop on soulmates. Very intense ang sessions namin at
panay ang meditate namin between sessions, kaya pinatay ko ang cellphone ko.”
Lalo pang nagdilim ang
mukha ng binata. Marinig lang ang pangalan ng girlfriend ng kapatid ay nasisira
na ang araw niya. Hindi pa rin niya matanggap na ang pagkaganda-ganda niyang
only sister ay isang lesbian.
“Kaya pala,” matabang
niyang sagot. “So you’re spending your birthday with her. I should have known.
Iimbitahan pa naman sana kita for dinner.”
Katulad ng dati, hindi
nagpadala si Rica sa masamang mood niya.
“Why don’t you join us for
dinner instead?” masiglang sabi pa nito. “Ngayong umaga matatapos itong
seminar-workshop namin. In fact, socials na nga lang ang naka-schedule ngayon
kaya naka-on na uli itong phone ko. We’ll be back in Manila after lunch. At may
naka-schedule akong birthday blow-out sa Arte’t Kape mamayang gabi, starting
about seven. Doon na tayo magkita.”
“Alam mo namang hindi ako
kumportable sa circle of friends mo,” paalala ni Richard.
“It’s my birthday, Rich,”
paglalambing ng dalaga. “Pagbigyan mo na ako. Love mo pa rin naman ako, hindi
ba? Pati ba ‘yon, nawala na?”
“You know that can never
happen,” halos pagalit na sagot ni Richard. “Kahit ano pa ang mangyari, you’re
my baby sister. I can’t help loving you kahit pa gusto na kitang ibitin nang
patiwarik.”
Napahalakhak uli si Rica.
Pero halakhak na may kahalong piyok ng emosyon.
“Ganoon naman pala, e,”
sabi nito. “So I’ll be expecting you tonight, ha? Kahit iyon na lang ang
birthday gift mo sa akin. Kahit huwag na lang ‘yung inaawitan kong antique
Rolex na nabili mo sa Hongkong last month.”
“Okey ka ring magparinig,
ano?” napapailing na tugon ni Richard.
Tumawa uli si Rica.
“Naku, teka,” sabi nito
pagkaraka, “nagtatawag na sila. Kasabay ng breakfast ang closing ceremonies, e.
So, see you tonight na lang, ha?”
“Kung hindi mo nga lang birthday...”
sagot ng binata. “O sige na.”
Nailapag na uli niya ang
telepono sa side table ay nakatitig pa rin dito ang binata.
Parang naririnig pa niya
ang malutong na halakhak ng kapatid. Babaing-babae ito kung pakikinggan lamang.
At kahit naman sa hitsura, napaka-feminine ni Rica kahit mula pagkabata. Ni
minsan ay hindi man lang ito nabansagang tomboy.
Hindi pa rin niya
maunawaan ang paliwanag ng kapatid na ang pagiging lesbian ay hindi
awtomatikong nangangahulugan ng pagiging kilos-lalaki o ayos lalaki. Hanggang
ngayon ay babaing-babae pa rin nga ito sa lahat ng panlabas na aspeto ng
pagkatao – liban na lamang sa katotohanang ang iniibig nito’y isa ring babae.
At tulad ni Rica ay hindi katulad
si Libby ng stereotype na alam ni Richard. Hindi ito gupit-lalaki, hindi nagdadamit-lalaki
at lalong hindi hitsurang lalaki. Napakaganda rin ni Libby, napaka-sexy at
napaka-feminine kumilos, magsalita at manamit.
Noon, tinanong pa nga ni
Richard si Rica, “Sino ba sa inyo ang nag-iilusyon na maging lalaki?”
“Wala,” iling ni Rica. “Iyan
ang hirap sa inyo, e. Akala n’yo, lahat kami gustong maging lalaki. Maaaring
mayroong mga lesbians na ganoon. Pero mayroon din namang hindi. Tulad namin.
Babae kami. We’re proud of our femininity. We celebrate our womanhood. Kaya nga
attracted din kami sa kapwa-babae. We see women as beautiful people. Kami nga
lang ni Libby, attracted exclusively sa isa’t isa. We’re two people in love. It
just so happens that we’re both women.”
Lalong naguluhan si
Richard.
Hindi talaga niya maunawaan.
Hindi niya matanggap.
Para sa kanya, ang babae
ay para sa lalaki. Hindi niya maintindihan kung paanong mas magugustuhan pa ng
isang babae ang kapwa-babae kaysa lalaki.
Tulad niya – hindi nga ba
nagkakandarapa sa kanya ang napakaraming naggagandahang mga babae na hindi rin
naman matatawaran ang mga credentials? Bakit hindi maghanap sina Rica at Libby
ng tulad niya? Hindi naman siya nag-iisa. Marami pang tulad niya. Mga tunay na
lalaki.
Kung sabagay,
kahanga-hanga naman talaga si Richard Romero. Sa edad na 26 ay siya na ang president
at CEO ng Romero Estates, ang matagumpay na kompanya ng kanilang pamilya. Real
estate ang kanilang linya.
At hindi lang isang
matinik na businessman ang binata. Napakaguwapo rin niya. Napakaganda ng
kanyang pangangatawang hinubog ng disiplinadong pag-eehersisyo at regular na
sports activities.
Ang kanyang personalidad
ay sa isang taong sanay na humawak ng kapangyarihan. Decision-maker.
Sanay na sanay din siyang
tumanggap ng papuri’t paghanga, lalo na mula sa mga babae.
Iyon nga lang yata ang kaisa-isang
kapintasan ni Richard Romero. Ang tingin niya sa kanyang sarili ay God’s gift
to women. Isa siyang certified male chauvinist. Isang typical macho man.
Sa kanyang karanasan, wala
pang babaing naging immune sa kanyang pang-akit. Kaya rin naman sa kanyang palagay,
kapag biniyayaan niya ng kahit karinggit na atensiyon ang isang babae, aba’y
dapat iyong ipagpasalamat nito.
Paano nga ba matatanggap
ng isang tulad niya ang magkaroon ng kapatid na lesbian? Paano niya matatanggap
na mismong kapatid niya ay in love sa kapwa babae kaysa sa lalaki?
Ipinagpapalagay na lang ni
Richard na ang pagkakaganoon ni Rica ay bunga ng kanilang family situation.
Tatatlong taong gulang pa
lamang si Rica at apat na taong gulang naman siya nang mamatay sa isang car
accident ang kanilang ina. Kaya iniisip niya na wala lang kasing nakagisnang
female role model ang kanyang kapatid liban sa mga naging yaya nila.
Sa palagay ni Richard,
masyado lang ina-idolize ni Rica ang kanilang Papa at maging siya, kung kaya
naghahangad itong maging lalaki. Iyon ang ipinipilit niya kahit itinatanggi ni
Rica.
“Bakit ba kasi gusto mong
maging lalaki? Hindi ka lalaki, babae ka,” lagi niyang ipinamumukha rito.
“Alam kong babae ako,”
lagi namang sagot ni Rica. “At ayoko talagang maging lalaki. Gusto kong maging
babae. Babaing lesbian. Ang hirap sa iyo, hindi ka nakikinig sa mga sinasabi
ko.”
Paulit-ulit na lang ang
kanilang mga argumento.
Sa tingin din ni Richard,
lalong umayaw si Rica sa pagiging tradisyunal na babae nang mag-asawa uli ang kanilang
papa.
Sixteen si Rica at
seventeen naman siya nang magkaroon sila ng stepmother. Hindi naman masamang
babae ang kanilang Tita Connie. Sa stereotypical din na paningin ni Richard sa
kababaihan ay typical lang ito na babae. Maarte. Maluho. Masyadong demanding sa
asawa. Siyempre, para sa kanila ni Rica ay nakakairita ang mga siste nito.
Naisip ni Richard, baka
nang makita ni Rica ang kanilang Tita Connie ay naging allergic na ito sa
pagiging typical na babae.
Kunsabagay, siya man ay
hindi nakatagal sa pakikisama sa kanilang stepmother. Nang maka-graduate sa
high school ay humiling siyang sa States na mag-college.
Nang sumunod na taon,
lumipad si Rica patungong Paris para doon naman mag-kolehiyo.
Iyon ang isa pang
pinagbibintangan ni Richard na maaaring nakaimpluwensiya sa kapatid niya. Masyadong
maraming bohemyo sa Paris. Lahat na yata ng klase ng alternative lifestyles,
nandoon.
Nang pareho silang
magbalik sa Pilipinas, nagkanya-kanya na ng bahay sina Richard at Rica.
Kanya-kanyang condominium units.
Si Richard, agad nang
isinabak ng kanilang Papa sa negosyo. Nagmamadali na itong makapagretiro nang
maaga para masamahan ang asawa sa pagliliwaliw sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Pero si Rica, ayaw
talagang patali sa kanilang kompanya. Mas ginusto pa nitong magturo sa
pamantasan, magsulat sa mga magazines at maging amateur artist na sumusubok ng
iba’t ibang art forms.
“I’d rather be a free
spirit,” sabi nito sa kanilang mag-ama. “Ayokong patali sa corporate world.”
Pinagbigyan nila ang
hiling ni Rica.
Hanggang magtapat ang
dalaga na hindi lamang hanggang doon ang pagiging non-traditional ng buhay
nito.
Na-shock silang mag-ama.
Pero ang kakatwa’y mas madali pang natanggap ng kanilang Papa ang katotohanan.
Si Richard na mas bata ang mas nahirapan. Hanggang ngayon ay hirap pa rin siya.
Lalo pa nga magmula nang
magpasya ang kanilang Papa at Tita Connie na manirahan na nang permanente sa
Provence, South of France. Dahil dadalawa na lamang silang magkapatid na nasa
Pilipinas, hindi na niya puwedeng iwasan ang katotohanan ng buhay ni Rica.
Katulad na lang ng pagdalo
niya mamayang gabi sa birthday party nito.
Alam na niya kung ano ang
daratnan niyang crowd sa Arte’t Kape. Hindi lang si Libby ang matatagpuan niya
roon kundi isang buong LGBTQ community – lesbian, gay, bisexual, transgender,
at queer.
Nayayanig ang buong mundo
ni Richard sa tuwing napapasok siya sa kakaibang mundong iyon ni Rica. Pero
dahil mahal na mahal pa rin niya ang kaisa-isang kapatid, pipilitin niyang
mag-survive sa ganoong atmosphere nang kahit ilang oras man lamang.
Pailing-iling na bumangon
na si Richard.
PUNO na ng tao ang Arte’t Kape nang dumating si Paula. May mga
nagkukumpulan at nagkakatawanan na nga maging sa side walk sa tapat ng kilalang
cafe cum art gallery.
“Aba, the special guest is
finally here,” salubong sa kanya ni Moncie sa may pinto. “Bakit ngayon ka lang?
Nauna pa ako sa iyo nang ten minutes.”
Nakalahad ang dalawang
kamay ng best friend niyang gay. Pero hindi nagtitikwasan ang mga daliri nito.
Hindi ito ganoon kung kumilos at magsalita.
Mahigpit na yakap at
beso-beso sa pisngi ang isinalubong naman dito ni Paula bago siya sumagot.
“Talagang hindi ko
inagahan ang pagdating dahil hindi naman ako ang dapat maging bida ngayong
gabi, ano?” paalala niya. “Kagabi pa ‘yung opening ng exhibit ko. Hindi na ‘yon
ang focus nitong affair na ito. This is Rica’s birthday party.”
“Sus, alam mo namang
sinadya ni Rica na isabay dito sa exhibit mo ang party niya,” pakli ni Moncie.
“Para nga naman bongga. Nandiyan at naka-backdrop ang mga sculpture mo. O, di
ba?”
“Kaya nga ako pa ang dapat
magpasalamat sa friend natin,” katwiran ni Paula. “Biro mong free publicity ito
para sa akin? Ang dami niyang bisitang makakakita sa sculpture pieces ko.”
“As if naman nilangaw ang
show ni Miss Paula Montelibano ever,” irap ni Moncie. “Lalo na kapag ganitong
solo exhibit. Tingnan mo nga, mahigit kalahati na sa naka-display na pieces ang
may tag na ‘sold’. Kaya tumigil ka riyan sa pagpapaka-humble. Sabi nga sa
commercial, magpakatotoo ka, sister.”
Natawa si Paula.
“Teka muna,” sabi na lang
niya. “Nasaan na ba ang birthday girl? Iaabot ko itong gift ko.”
“Nandiyan sa loob,” sagot
ni Moncie. “Halika...”
Sabay silang pumasok sa
cafe. Pero nahirapan silang mahanap agad ang may birthday. Kabi-kabila ang
namamataan nilang mga kaibigan na hindi puwedeng hindi batiin man lamang. Mas madalas, nasasabit sila sa kahit
sandaling chikahan.
Nagmistulang LGBTQ bar ang
cafe nang gabing iyon. Karamihan kasi sa mga bisita ay ganoon. May iilan lang
na straight.
Isa si Paula sa iilang
bisitang straight.
Babae si Paula. Pero hindi
rin ordinaryo at hindi tradisyunal na babae.
Maganda siya. Iyong tipo
ng ganda na halatang matalino’t lista. Malakas ang kumpiyansa sa sarili.
Malakas ang dating.
Sexy rin siya. Iyong tipo
ng sexy na hindi payat. Makurba ang kanyang katawan. Mga kurbang nilikha ng
regular na ehersisyo. Nagpapatunay ng disiplina’t lakas ng katawan.
At kung manamit si Paula,
may sariling estilo. Walang pinangingimian. Kung ano ang gusto niyang isuot sa
partikular na panahon, isusuot niya. Wala siyang pakialam sa moda o sa
sasabihin ng iba.
Katulad na lamang ngayong
gabi. Ang suot niya ay isang tie-dyed sarong na yari sa manipis at malambot na cotton,
inikot lang sa kanyang katawan at ibinuhol ang magkabilang dulo sa ibabaw ng
isa niyang balikat. Abot iyon sa kanyang alak-alakan pero hapit sa magandang
hubog ng kanyang katawan.
Pinarisan lang niya iyon
ng mala-tsinelas na flat thongs na kayninipis ng puting strap.
Bagay na bagay sa kanya
ang ganoong kasuotan. Walang bahid ng make-up – kahit man lang lipstick – ang
kanyang mukha. Ang kulot niyang buhok na hanggang batok ang haba ay natural na
natural ang bagsak. Para bang kababangon lang niya mula sa higaan.
Kahit sa ganoong
pagtitipon na halos lahat ng bisita ay outrageous ang porma, stand-out pa rin
si Paula.
Katulad din ni Paula ang
best friend niyang si Moncie. Hindi rin maikakahon ang kanyang pinakamatalik na
kaibigan. At dahil na rin kay Moncie, dumami pa ang mga kabarkada niya sa gay
community.
Isa na roon ang may
birthday na si Rica Romero.
Kunsabagay, hindi gaanong
nakapagtatakang kabilang si Paula sa ganoong mga sirkulo dahil isa siyang
artist. Isang kilalang sculptor.
At kakaiba rin ang kanyang
mga obra. Si Paula Montelibano ay nakilala bilang magaling na manlililok ng mga
male nude sculptures. Mga estatuwa ng hubad na katawan ng lalaki.
Patunay sa galing ng
dalaga ang kawalan ng malisya sa kanyang mga sculptured pieces. Kahit konserbatibo
pang tao ang makakita sa mga ito’y hindi maeeskandalo. Makasining ang kanyang
estilo. Lehitimo.
Kaya rin naman mataas ang
respeto kay Paula maging ng mga kapwa niya artist at mga kritiko. Nagagawa
niyang pag-isahin ang pagiging popular at de-kalidad.
Madalas siyang kasama sa
mga group exhibits dito sa art gallery ng Arte’t Kape. Pero kagabi ay binuksan
itong isa na naman niyang solo-exhibit. At tulad ng sinabi ni Moncie, sa
opening night pa lamang ay kayrami nang nabili sa kanyang mga obra.
“Rica!” tawag ni Paula
nang sa wakas ay mamataan ang kanyang pakay.
Nang makita siya ng
tinawag ay agad itong lumapit. Kasama na rin ang girlfriend na si Libby.
“There you are,” sabi ni
Rica kay Paula. “Akala ko’y hindi ka na darating.”
“Ang dami nang naghahanap
sa iyo, kanina pa,” dugtong ni Libby.
“Puwede ba namang hindi
ako dumating?” sagot niya. “Ito nga, may dala ako para sa birthday girl. Happy
birthday, Rica!”
Niyakap muna niya’t
hinagkan si Rica sa pisngi bago iniabot dito ang kanyang regalo.
“Naku, ha, ang bigat
nito,” tumatawang sabi ni Rica habang tinatanggap ang naka-giftwrap na kahon.
“Gawa ko ‘yan,” pagmamalaki
ni Paula. “A work of art made especially for you.”
“Talaga?” namimilog ang
mga matang sabi ni Rica. “Then this is very valuable. Puwede ko na bang
buksan?”
Para itong batang umungot kaya
tumatawang tumango si Paula.
“Siyempre naman,” sagot
niya. “Go ahead.”
“Dapat daw sa regalo,
pinupunit ang pagbubukas,” gatong naman ni Moncie. “Para mas exciting.”
Ipinatong muna ni Rica ang
kahon sa kalapit na mesa bago sinunod ang suhestiyong iyon.
Sa puntong iyon, marami
nang mga bisitang nakakulumpon sa paligid nila. Curious ang mga ito na malaman
kung ano nga ba ang misteryosong regalo ni Paula.
Nang mabuksan ang kahon,
ang inilabas ni Rica ay isang sculptured piece na nililok sa makintab at
makinis na kahoy. Dalawang kamay-babae na may hawak na dalawang bola.
“Hmm, this looks symbolic
and naughty,” nakangiting sabi ni Rica. “I love it.”
“Alam mo ba kung ano ang
title ng piece na ‘yan?” nakangiti ring pahayag ni Paula. “I call it ‘Woman
with Balls’. O, ano, bagay ba?”
Sabay-sabay na naghagalpakan
ng tawa ang lahat ng nakarinig sa kanya.
“Woman with Balls!”
humahalakhak na ulit ni Moncie. “Bagay na bagay nga. If ever there was a woman
who had balls – in the symbolic sense, ha – si Rica na ‘yon.”
“Oo nga,” tumatawang tango
ni Libby.
“Oh, I just love it!”
tumatawang pahayag ulit ni Rica.
Iyon ang eksenang dinatnan
ng naeeskandalong si Richard.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)