Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Lunes, Hunyo 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna Chapter 1

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca

Abakada ng Pag-ibig: Gwen

Abakada ng Pag-ibig: Hiyas

Abakada ng Pag-ibig: Irene

Abakada ng Pag-ibig: Julianna

Abakada ng Pag-ibig: Krizha

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine

Abakada ng Pag-ibig: Monique

Abakada ng Pag-ibig: Niandra

Abakada ng Pag-ibig: Odette

Abakada ng Pag-ibig: Paula

Abakada ng Pag-ibig: Queenie


ABAKADA NG PAG-IBIG: RHIANNA

by Maia Jose


Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 2000

 ISBN: 971-824-044-6

Teaser:

FIVE years ago, sa Colegio del Paraiso, hinamak ni Rhianna ang suitor niyang si Anto. Akalain ba naman niyang isang araw ay magiging boss niya ito sa Makati? At kung kailan naging very professional na lamang ang pakikitungo sa kanya ng binata ay saka pa na-in love si Rhianna kay Anto. Gusto niyang patunayan na mahal pa rin siya nito sa likod ng nasaktang pride. May naiisip siyang pilyang paraan. But will she dare?

CHAPTER 1

 

“THANK you very much everyone,” nakangiting pagtatapos ni Sandra Montes sa meeting. “I’ll miss working with you.”

        “Kami rin, Sandra, we’ll miss you,” sagot ni Rhianna. “Baka sa bago naming boss, hindi na kami makapaglambing tulad ng ginagawa namin sa iyo.”

        Natawa ang dalagang vice president ng Exalt Publishing, Inc. “Ayan kasi, na-spoil yata kayo sa akin.”

        “Talaga,” tango ni Tina. “Hiyang na hiyang kami sa `yo.”

        “Makakasanayan n’yo rin si Anto,” sagot ni Sandra.

        “Anto?” nakakunot-noong ulit ni Rhianna. “Bakit, ano’ng full name ng bago naming boss? Antonio?”

        “Antonio Durano,” tugon ni Sandra. “Bata pa siya. Ka-age lang natin. So, I’m sure, makakagaanan n’yo rin siya ng loob. At ang advantage pa niya, mas may experience na siya sa magazine publishing, unlike me. Alam n’yo namang mas bihasa ako sa books. Baka nga mas maging hiyang pa kayo sa management style niya dahil doon.”

        Hindi na kumibo si Rhianna.

        “Sana nga,” malungkot namang pahayag ni Tina.

        “That remains to be seen,” pagkikibit-balikat ni Megan.

        “We’ll just have to hope for the best,” nakangiting salo ni Gizelle.

        “O, paano, I have to go,” paalam ni Sandra. “Sorry kung hindi na ako makakasama sa paglabas ninyo, ha? May family reunion pa kasi akong pupuntahan mamaya.”

        “Sayang nga, e, pero okay lang,” sagot ni Rhianna. “Sana, later, makasama ka pa rin sa amin.”

        “Of course naman,” nakangiting pangako ni Sandra. “And I’m sure, makakasama rin natin si Anto. Mas madadagdagan pa nga tayo, di ba?”

        Nakaalis na ito ay malungkot pa rin ang atmosphere sa kuwarto ng magazine division ng Exalt Publishing, Inc. Parang hindi Biyernes ng hapon kung titingnan ang mukha ng apat na dalagang bumubuo ng division staff. Parang hindi ganado ang mga ito na ituloy ang kanilang  tradisyonal na TGIF (Thank God It’s Friday) night out.

        Palibhasa wala silang pasok tuwing Sabado, liban na lang sa bibihirang pagkakataong kinakailangan nilang mag-overtime, nakasanayan na nila ang paglabas kapag Biyernes nang gabi. Kadalasan nga ay kasama nila si Sandra.

        Nakawilihan na talaga nila ang boss na si Sandra Montes. Nang buuin ng Exalt ang Places, Manila Magazine two years ago, silang apat na ang naging original staff nito at si Sandra na ang kanilang naging immediate superior.

        Totoong hindi pa noon gamay ni Sandra Montes ang pagpapatakbo ng isang magazine. Magmula kasi noong nag-aaral pa ito sa kolehiyo ay sa book publishing na ng Exalt ito nag-on-the-job-training. Pagka-graduate naman ay pinaupo na agad ang dalaga as vice president ng family corporation na pinamumunuan ng uncle nitong matandang binata. Naging trabaho nito ang pag-manage hindi lamang sa book division kundi pati na rin sa bagong tatag na magazine division.

        Pero game si Sandra. Handang matuto na kasabay nila. Handa ring matuto mula sa kanila sa mga pagkakataong mas nakalalamang ang kanilang kasanayan sa partikular na bagay. Mahirap makakita ng boss na tulad nito.

        Malaking tulong din nga siguro na halos magkakaedad lang sila. Fresh graduates din silang apat nang makuha ng Exalt.

        Ang advantage ni Rhianna, kahit sa probinsiya siya nakapagtapos ng college ay naging editor-in-chief naman siya ng Colegio del Paraiso Journal at naging professional staff writer pa ng Paraiso Family Magazine habang nag-aaral ng Communication Arts. Siya ang inilagay ni Sandra bilang editor-in-chief ng Places, Manila Magazine. Siya rin ang kaisa-isa nitong full-time writer.

        Si Tina, na nagtapos ng Fine Arts, ang kanilang art director, photographer at lay-out artist, all-in-one. Si Megan, na isang Marketing major, ang kanilang advertising account executive na taga-solicit at tagasingil ng ads. Si Gizelle naman, na tapos ng Office Administration sa isang kilalang finishing school, ang kanilang all-around administrative assistant.

        Sinadya raw ni Sandra na kumuha ng mga fresh graduates para maging fresh din ang dating ng magazine na kanilang pagtutulungang buuin. Hindi naman ito nagkamali ng strategy.

Glossy at sosyal ang Places, Manila Magazine. Mukhang imported. Ang naka-feature dito ay mga places-to-visit in Metro Manila - pang-foreign and local tourists. Ang kakaiba ay hindi for sale ang magazine. Ipinamimigay ito nang libre sa mga five star hotels and restaurants. Tanging sa advertising lang kumikita ang lathalain.

        “Lean and mean” ang tawag nina Rhianna sa kanilang maliit na grupo. Aapat lang sila’y pupuwedeng ilaban nang sabayan ang kanilang produkto kahit sa imported magazines.

        Kaya nga proud na proud si Sandra sa kanilang accomplishments. Kaya rin hindi na si Sandra ang magiging boss nila simula sa Lunes.

        Napagdesisyonan daw ng upper management – ng uncle ni Sandra Montes, to be exact – na seryosohin na ang dati ay experimental pa lamang na magazine division ng kompanya. May nakuha itong kasosyo na handang maglagay pa ng karagdagang pondo sa proyekto. Bilang kapalit, hiniling daw ng bago nitong business partner ang pag-manage sa magazine. At ang ilalagay nga bilang boss nila ay itong darating na si Antonio Durano.

Si Sandra naman ay maa-assign na lang sa book division ng Exalt.

        Hindi pa man nakaka-recover si Rhianna sa balitang magkakaroon sila ng bagong boss ay lalo pa siyang nawindang nang marinig ang pangalan nito.

        “Sana hindi siya iyon,” tahimik niyang usal sa sarili. “I hope I’m wrong.”

        “Come on, girls,” biglang pahayag ni Tina. “Useless itong ginagawa nating pagmumukmok dito. Para tayong namatayan, a. Let’s just take Sandra’s word na hindi naman niya tayo totally ia-abandon. Nandiyan pa rin siya sa dati niyang office. Puwede natin siyang takbuhan at pagsumbungan kung sakali. So let’s just keep our fingers crossed about this new boss. Tara, labas na tayo. Doon na natin sa pagkain ibuhos ang mga anxieties natin.”

        “Oo nga,” sang-ayon ni Gizelle. “Kung tutuusin, ako ang dapat na nerbiyosin nang husto. Ako naman ang laging naiiwan dito sa office at ako ang mapupuruhan niyang bago nating boss kung sakali. Kaya huwag n’yo namang dagdagan ang kaba ko. Let’s go out na.”

        Sa Pizza Kitchen sila nagtuloy. Pizza and pasta daw kasi ang craving ni Megan nang mga oras na iyon.

        “O, hindi ka pa rin kumikibo riyan,” sumbat ni Tina kay Rhianna nang nakaupo na sila sa restaurant at nakapag-order.

        Nagpasiya siyang magsabi na ng totoo. Kanino pa ba naman niya ibubuhos ang kanina pa gumugulo sa kanyang isip? Ang tatlong ito lang naman ang pinakamalalapit niyang kaibigan dito sa Manila.

        “Inaalala ko kasi `yong binanggit ni Sandra na pangalan ng magiging boss natin,” sagot niya. “Ewan ko kung kapangalan lang, pero may naging classmate ako sa province na Antonio Durano ang pangalan. Anto rin ang palayaw.”

        Gumuhit agad ang interes sa mukha ng tatlo niyang kasama.

        “Uy, baka siya na nga iyon,” sabi ni Megan. “Di mabuti. Kilala mo na pala. Okay ba siya?”

        “Worried nga ako, e,” iling ni Rhianna. “I’m hoping na hindi siya iyon.”

        “Bakit?” kunot-noong tanong ni Gizelle. “Bad news ba iyong classmate mong iyon?”

        “Let’s just say na hindi maganda ang naging interaction namin,” nakangiwi ang mukhang sagot niya.

        “Uh-oh,” sabi ni Tina. “I think you need to tell us the whole story. Every detail, ha? Magiging boss din namin ang taong iyan kaya kailangang malaman namin ang lahat-lahat.”

        Napabuntonghininga si Rhianna bago nagsimulang magkuwento.

        “Kababata ko siya sa Paraiso,” pagsisimula niya. “Classmates kami mula pa sa elementary. Pero high school freshmen na kami noong una kong narinig na may crush daw siya sa akin.”

        “Uuy!” singit agad ni Gizelle. “This sounds interesting…”

        Umirap si Rhianna.

        “Hindi ko naman siya type, `no?” sabi niya.

        “Bakit, ano’ng problema niya?” tanong ni Megan. “Hindi ba siya cute? O baka masama ang ugali? Bad boy ba? Baka naman bobo?”

        “None of the above,” iling ni Rhianna. “Actually, mestisuhin nga siya. Matangkad pa. Kaya nga lang, masyadong payat. E good boy pa. Sobrang bait nga. Tingin ko tuloy ka sa kanya, totoy na totoy kahit matanda siya sa akin by almost a year. Nagkataon pang consistent class topnotcher namin siya. Ayun, lalong nagmukhang nerd. Ay, basta. Allergic ako sa kanya noon.”

        “Naku, para ngang nai-imagine ko na,” natatawang tango ni Tina. “Isang binatilyong mestisuhin at matangkad pero patpatin, goody-goody at maypagka-genius. Parang nerd nga.”

        “Bakit naman?” kontra ni Megan. “What’s wrong with being payat, considering na teenagers pa lang naman sila noon? Karamihan naman talaga sa high school guys, payat pa. At saka plus points nga dapat `yong pagiging good boy at pagiging smart sa klase, `di ba?”

        “Naiisip mo iyan ngayon dahil mature ka na,” sagot ni Rhianna. “Pero balikan mo nga kung paano ka mag-isip noong nasa high school ka? Ewan ko sa inyo, pero may kababawan pa ako noong mga panahong iyon. Kaya inis na inis ako noon sa kanya.”

        “So what happened?” parang nagmamadaling tanong ni Gizelle. “Niligawan ka niya?”

        “Hindi naman marunong manligaw iyon,” ismid ni Rhianna. “Panay lang ang titig sa akin. Panay ang pagpapa-publish ng love poems niya sa school paper. Ngiii, ang corny.”

        “Ay, ang sweet nga, e,” kinikilig na sagot ni Megan.

         Tawanan sina Tina at Gizelle.

        “Lalo ko naman siyang dinedma,” pagkukuwento pa ni Rhianna. “In fact, sa tuwing may pagkakataon, tinatarayan ko talaga siya.”

        “Kawawa naman si totoy,” natatawa pa ring sabi ni Tina.

        “Mas grabe noong seniors na kami,” sabi pa ni Rhianna. “Editor-in-chief na siya noon ng high school paper. Class valedictorian pa rin namin. Medyo lumakas na ang loob ng loko. Sumulat ba naman ng essay para sa literary page - all about his secret love, na obvious na obvious naman na tungkol sa akin. Grabe, nakakahiya talaga sa buong school. Gusto ko siyang hambalusin ng silya pagkabasa ko ng issue na iyon.”

        Sabay-sabay na nagtawanan ang tatlo niyang kaibigan.

        “Mabuti hindi mo nga ginawa,” sabi pa ni Tina.

        “Ayoko rin namang masuspindi, ano?” sagot niya. “Pero gumanti pa rin ako sa ibang paraan. Sumulat din ako ng sarili kong essay - all about my dream guy naman. Siyempre, ginawa ko ring obvious na obvious na hindi siya qualified sa mga hinahanap kong traits sa lalaki.

“Sabi ko, I want a guy who’s intelligent but not bookish. Ang gusto ko `ka ko ay iyong street smart din bukod sa intellectual. Iyong mataas ang self-confidence at hindi totorpe-torpe. Of course, my dream guy has both a healthy mind and a healthy body. Fit at buff na buff. Magaling pa sa sports. Finally, sinabi kong hindi ko pa nakikilala ang lalaking kumakatawan sa hinahanap kong dream guy – and I don’t think I’ll meet him in the near future. Ang hinahanap ko kasi ay isang mature man, hindi isang awkward teenager na hindi pa alam ang mga sinasabi tungkol sa love. Ayun, supalpal siya.”

        “Aray ko, sapul na sapul nga,” sabi ni Tina.

        “Panay ang kantiyaw sa kanya sa buong school noong lumabas ang essay ko,” natatawang dugtong ni Rhianna. “Sabi ng mga boys sa klase namin, iyon daw ang napala niya sa kanyang public declaration of love. Naging napaka-public din ng kanyang pagka-busted.”

        “Ang lupit n’yo naman,” iling ni Megan. “Di lalong nawasak ang self-confidence n’ong tao.”

        “At least hindi na niya ako kinulit after that,” pagkikibit-balikat ni Rhianna. “Pati `yong mga patingin-tingin niya sa akin, natigil na rin. Natauhan yata. And then, after high school, nawala na siya sa town namin. Dito na raw sa Manila nag-college. Good riddance.”

        “At natatakot ka ngayon na siya itong si Antonio Durano na magiging boss natin,” paalala ni Gizelle.

        Nalukot uli ang mukha ni Rhianna.

        “Hindi naman kasi ganoon ka-common ang pangalang iyon para maging kapangalan lang niya ito,” sabi niya. “And besides, old rich sa Paraiso ang pamilya nila. Kayang-kaya nga nilang makisosyo sa Exalt. In fact, kung assets at assets din lang ang pag-uusapan, kaya nilang i-buy out kahit buong kompanya. Therefore, may posibilidad talagang siya na nga ito. At patay ako pag nagkataon.”

        “Aba, hindi naman siguro fair kung ngayon ka niya gagantihan sa mga nangyari sa inyo noong high school,” pahumindig na pahayag ni Tina. “No way na palalampasin natin iyon.”

        “Teka, malay naman ninyo kung kabaligtaran ang mangyari,” sabad ni Megan. “Paano kung sa muli niyang pagkakita kay Rhianna, tumibok uli ang puso niya? First love never dies nga raw, di ba?”

        “Aaay!” kinikilig na sabi ni Gizelle. “How exciting naman.”      
        Pero lalo pang sumama ang mukha ni Rhianna.

        “Isa pa nga iyan, e,” sagot niya. “Problema pa rin iyan kung sakali. Mas mahirap yata ang sitwasyon pag ganitong magiging boss ko siya. Aah, huwag na huwag niya akong popormahan at kakasuhan ko siya ng sexual harassment.”

        “Hindi na siguro kailangan, `day,” singit ni Tina. “Sabi mo nga, payatot iyang taong iyan, di ba? And look at you. Alaga sa gym iyang katawan mo. Recently, nahilig ka pa sa taebo. Naku, baka isang jab mo lang sa bago nating boss, knock-out na. Ingat ka lang. Baka ikaw pa ang makasuhan pag nabugbog mo siya.”

        Tawanan silang apat.

       

PAGDATING niya sa kanyang studio pad kinagabihan, magaan na uli ang pakiramdam ni Rhianna. Nagawang burahin ng kanyang tatlong kaibigan ang lahat ng kanyang mga alalahanin.

        Iyon ang gusto niya sa samahan nila sa opisina. Naging solid na talaga ang kanilang pagkakaibigan kahit dadalawang taon pa lang silang magkakasama.

        Malaking bagay iyon kay Rhianna dahil nag-iisa siya sa Metro Manila. Nasa hometown nila sa Paraiso ang kanyang mga magulang at ang kanyang Ate Odette. Nasa States naman ang kanyang Kuya Rhett at ang dalawa nilang nakababatang kapatid na sina Odin at Rhadu.

        Kung tutuusin, hindi na sana niya kailangan pang lumuwas sa Metro Manila para magtrabaho. Maykaya ang pamilya nila sa Paraiso. Kanila ang pinakamalaking supermarket at department store doon. May sarili na ring bookstore ang ate niya.

        Ineengganyo nga si Rhianna ng pamilya niya na magtayo na lang din ng sarili niyang business sa hometown nila. Maging entrepreneur.

        Pero iba ang gusto ng dalaga. Bata pa siya’y ambisyon na niyang magtrabaho sa lunsod. Nasisikipan siya sa nakagisnan niyang bayan na kung saan halos magkakakilala na ang lahat ng tao. Gusto niyang makalabas sa mas malawak na mundo.

        Pagka-graduate ay agad siyang naghanap ng mapapasukan sa Makati o sa Ortigas. Sa isang internet job search niya nakita ang opening sa Exalt. Nang ipadala niya ang kanyang resume ay agad naman siyang tinawag for interview.

        Pumayag na rin ang kanyang pamilya na magsarili siya sa Makati. Kaysa nga naman maisipan pa niyang sa States maghanap ng trabaho. Mas malayo iyon.

        May nakuha siyang paupahang studio pad na malapit lang sa building ng Exalt. Niregaluhan pa siya ng mga magulang niya ng cute na Kia Pride. Mabuti na raw iyon at hindi takaw-carnap.

        Masaya na si Rhianna sa kanyang buhay sa Makati. Sina Tina, Megan at Gizelle ang pumupuno sa kawalan niya ng kasamang kapamilya. Ang mga ito na rin ang napagbabalingan niya kapag nami-miss niya ang best friend niyang naiwan sa Paraiso - si Urielle.

        Bago matulog, naisip ni Rhianna na kailangang matawagan niya si Urielle sa Lunes ng gabi – pagkatapos niyang masiguro kung si Antonio Durano nga ba na taga-Paraiso ang magiging bago niyang boss. Naku, marami na naman silang mapagkukuwentuhan ng best friend niyang nagtiyatiyaga pa ring mamuhay sa kanilang dear old hometown. Matutuwa iyon sigurado sa kanyang ire-report na update.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna Chapter 2

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2

POWER dressing ang ginawa ni Rhianna pagdating ng Lunes. Kung dati ay napaka-casual lang ng kanyang office get-up, nang umagang iyon ay bigla siyang nagsuot ng business suit. Ang intensiyon niya ay unahan ng gitla si Antonio Durano.

        Hindi palda ang pang-ibaba ng kanyang suit. Talagang nagpantalon siya. Dark gray pa ang kulay ng magkaterno niyang slacks at blazer. Yari nga lang sa malambot na seda. Ganoon din ang material ng inner blouse niya. Old rose naman ang kulay niyon, tama lang para palambutin nang kaunti ang timpla ng kanyang over-all look.

        Actually, naka-spaghetti straps lang ang kanyang inner blouse. Hindi bale, sabi niya sa sarili. Natatakpan naman ng blazer.

        Ang sapatos niya, black leather ankle boots na may three-inch-high chunky heels at squared toes. Sophisticated na siga ang dating. Lalo na kapag tinernuhan ng kanyang black leather briefcase.

        Hindi na siya kailangang mag-make-up. Dati nang flawless ang kanyang complexion. Well-defined ang kanyang maiitim na kilay at deep-set eyes. Mamula-mula naman ang kanyang mga labi.

        Pero kailangan niyang ayusin ang kanyang buhok. Kapag kasi hinayaan niya iyong nakalugay na tulad ng madalas niyang gawin, masisira ang impact ng kanyang power suit. Paano’y very soft and feminine talaga ang impression na ibinibigay ng kanyang lampas-balikat na buhok na may natural curls. Kahit nga ganitong ipinusod na niya iyon sa may batok ay kumakawala pa rin ang maraming spiral strands sa paligid ng kanyang mukha.

        “Wow!” sabi ni Tina pagpasok niya sa office nila. “Talagang dressed to kill ka, ha? Just don’t do it literally, tita.”

        Tinawanan niya ito, sabay thumbs up.

        Bihis na bihis din naman ang tatlo niyang kasama. Panay naka-business attire. Pare-pareho silang handang magharap ng no-nonsense na first impression sa kanilang magiging boss.

        “Alam mo ba ang nabalitaan namin sa labas?” sabi ni Gizelle. “Over the weekend pala, pinaayos iyong conference room diyan sa kabila. Ipina-rush sa interior decorator. Ginawang private office para sa magiging boss man natin. Ang ganda-ganda raw.”

        “Ang laki niyon, a,” pahumindig na puna ni Rhianna, nakataas pa ang kilay. “Mas malaki nang di hamak kaysa sa office ni Sandra. Bakit naman ganoon, samantalang pareho lang sila ng job title – vice president. That’s unfair.”

        “Pumapapel siyempre si Uncle dito sa bago niyang kasosyo,” sagot ni Megan. “That office represents the new business partner, di ba? Kailangan, bongga ang dating.”

        “Uncle” ang tawag nila kay C.P. Montes, ang big boss ng Exalt, kapag sila-sila lang ang nag-uusap. Ni hindi nila ito ipinaririnig kay Sandra.

        “Paano iyan, wala nang conference room,” sabi ni Tina.

        “Magpa-partition na lang daw ng panibagong kuwarto sa dulo, ibabawas sa area ng stockroom,” pagkukuwento pa ni Gizelle. “Inuna lang talaga nila itong para kay Mr. Durano. Isa pa, tamang-tama para sa kanya ang location nito dahil katabi lang natin.”

        “Well, at least hindi siya dito mismo sa kuwarto natin inilagay,” sabi ni Rhianna. “Can you imagine kung kasama natin siya rito the whole day, everyday? Baka hindi tayo makapagtrabaho nang matino.”

        Alas-diyes na nang tawagan sila ng sekretarya ni Sandra. Pinapupunta na raw sila nito sa opisina ng bago nilang boss.

        “Nandiyan na pala,” sabi ni Rhianna. “O, ready na ba tayo, girls?”

        “Ready as we can ever be,” sagot ni Tina.

        Pero ang hindi pala ganap na handa ay si Rhianna. Ang pinaghandaan kasi niya ay iyong Antonio Durano na natatandaan niya five years ago. Hindi ang lalaking nakaharap niya sa newly-furnished office na iyon.

        Hindi na nga niya nagawang usyosohin ang mga pagbabagong ginawa sa dating conference room. Natuon na lamang ang kanyang pansin sa lalaking ipinakilala ni Sandra sa kanila.

        Sa unang tingin ay estranghero sa kanya ang lalaking ito. Ang una nga niyang impresyon ay mukha itong basketball player. Matangkad at matipuno ang pangangatawan. Mestisuhin, guwapo, simpatiko. Clean cut ang gupit, maputi at makinis ang kutis, mukhang kaylinis at kaybango ng kabuuang anyo. Sa kabila niyon, may ere ito ng authority kahit nakangiti at kahit casual lang ang suot na khaki pants at puting t-shirt na de kuwelyo.

        Gusto na sana niyang maniwala na nagkamali siya ng akala. Na hindi ito ang Antonio Durano na nakaklase niya sa Colegio Del Paraiso Elementary and High School.

        Pero nang tumutok sa kanya ang tingin ng binata, nakilala niya ang mga matang iyon. Ang mga matang noong araw ay madalas niyang mahuling nakatitig sa kanya na puno ng pagsamba’t pag-asam.

        Ngayon nga lang ay wala ang mga emosyong ganoon sa mga mata ng binatang kanyang kaharap. Cool na cool ito sa pagkakatitig sa kanya. Detached kahit nakangiti. Polite pero impersonal.

        Isa-isa silang ipinakilala ni Sandra kay Antonio Durano. Isa-isa rin silang binigyan nito ng karampatang acknowledgement.

        “Please call me Anto,” mapagpakumbabang sabi pa nito. “Natuwa nga ako noong sabihin ni Sandra na on first name basis kayong lahat dito. Let’s continue that tradition. I believe it creates a better working atmosphere.”

        Pagkatapos, muling tumutok ang pansin ng binata sa kanya.

        “Remember me, Rhianna?” sabi nitong nakangiti pa rin. “Nabanggit ko na kay Sandra na dati tayong magkaklase sa elementary at high school. What a small world, ano? Nagulat ako noong makita ko ang pangalan mo sa files na ipinadala sa akin ng personnel department.”

        Bago pa man siya nakasagot ay bumaling na ang tingin ni Anto sa tatlo niyang mga kasama.

        “Please don’t misunderstand my enthusiasm,” paliwanag nito sa tatlong babae. “Maaaring dati na kaming magkakilala ni Rhianna pero that doesn’t mean na magkakaroon ng pagkakaiba ang pagtingin ko sa kanya compared sa inyong lahat. I firmly believe in professionalism in the workplace. Incidental lang iyong pagiging former classmates namin.”

        “Of course,” tango ni Tina, maliwanag ang ngiti.

        “Well, now that I’ve introduced all of you to each other, I think I better go,” sabi ni Sandra. “Marami pa kayong pag-uusapan. Anyway, if you need to ask me about anything, Anto, nasa kabilang office lang ako. Kayo rin, girls. Remember, I’ll always be available for any of you.”

        “Thank you, Sandra,” sagot ng binata.

        Sina Rhianna naman ay sabay-sabay na nagsipagngitian at nagsipagtanguan sa kanilang former boss.

        Kumaway pa ito sa kanilang lahat bago tuluyang umalis.

        “Please take your seats, ladies,” sabi ni Anto nang magsara ang pinto sa likod ni Sandra.

        Nagmuwestra ito patungo sa kinaroroonan ng pang-anim katao na bilugang conference table. Nasa isang sulok iyon ng malaking silid, malayo sa malapad na executive desk.

        Noon lang naigala ni Rhianna ang kanyang tingin sa kabuuan ng opisina. Palibhasa lahat ng gamit doon ay bagung-bago, sa tantiya niya’y mas maganda pa iyon kaysa sa mismong opisina ni C.P. Montes. Naisip tuloy niya na pati ang matandang binata ay na-impress marahil nang husto kay Anto kaya nagpa-impress din sa pagpapaayos ng magiging tanggapan ng binata.

        Hinintay muna ni Anto na makaupo silang apat nang paikot sa conference table bago nito kinuha ang isa sa dalawang natitirang silyang naroon.

        “There’s going to be some pretty big changes in our division,” bungad agad nito pagkaupung-pagkaupo pa lamang. “Especially with regard to personnel.”

        Nagkatinginan sina Rhianna.

        Napangiti naman ang boss nila.

        “Don’t be scared,” sabi nito. “In fact, ikatutuwa ninyo ang ibabalita ko. Magdadagdag tayo ng tao. And, of course, that means promotions for all of you.”

        Muling nagkasulyapan ang apat na babae, may pigil nang excitement.

        Tiningnan ni Anto si Rhianna.

        “I noticed na ikaw lang ang full-time writer ngayon, Rhianna,” sabi nito. “Nakakatawa naman yata iyon. Paano ka matatawag na editor-in-chief kung ikaw rin ang kaisa-isang staff writer. But we’ll fix that. Kukuha tayo ng tatlo pang staff writers. Of course, tatanggap din tayo ng articles mula sa contributors at freelancers. Magiging tunay na editor-in-chief ka na talaga.”

        Tumango siya, bahagyang nakangiti.

        Binalingan naman ng binata si Tina.

        “Tina, Ms. Art Director,” sabi nito. “Kukuha rin tayo ng dalawa pang artist-photographers na idi-direct mo.”

        “Hay, salamat naman,” bulalas ni Tina.

        Bahagya silang nagkatawanan.

        “Ganoon din sa advertising,” tango ni Anto kay Megan. “We’ll hire two more people to help you out, Megan. As the new advertising accounts manager, hindi mo na kailangang balikatin pati ang paniningil. Ibigay mo na sa magiging tao mo ang trabahong iyon. You concentrate on bringing in the accounts.”

        Tuwang-tuwang tumango nang tumango si Megan. Hindi makapagsalita.

        “And, finally, on the administrative side,” sabi ni Anto na tumitingin kay Gizelle, “we will be needing an all-around secretary as well as a messenger-gopher. You, Gizelle, as the new administrative officer, will be supervising them. You will be handling the bigger administrative responsibilities, okay?”

        “Okay na okay,” masayang sagot ni Gizelle.

        “Siyempre pa, your new responsibilities come with a corresponding salary increase,” dagdag pa ng binata. “Ngayon, para mapondohan natin ang lahat ng ito, kailangang doblehin natin ang number of pages ng magazine. Magiging monthly na rin ang labas natin instead of every other month. Furthermore, hindi na lang ito pang-turista. Magiging trendy lifestyle magazine na ito para mas malawak ang readership. This means we will be covering practically everything. Naroon pa rin ang places-to-visit including eating places and other night spots, pero kasama na ngayon pati ibang lifestyle needs - mga health spas, grooming places, clothes shops, cosmetics and toiletries, pati home furnishing. We will be distributing the magazine for free in the bigger department stores aside from the usual hotels and restaurants. At siguradong pag-aagawan tayo ng mga tao dahil nga libre. Incidentally, we will be renaming the magazine as People and Places, Manila.”

        “Maganda iyan,” sabi agad ni Megan. “Lahat din halos ng klase ng kompanya, mahihingian na natin ng ads. Puwera na lang siguro punerarya.”

        Tawanan sila. Pati si Rhianna ay hindi nakapagpigil.

        Napansin naman niyang walang hang-up si Anto na makipagtawanan sa kanila.

        Napansin din niyang parang kaybilis na nakagaanan ng loob ng mga kasama niya ang binata. Siya lang yata ang hindi pa rin kumportable rito.

        May naalala siyang banggitin bago pa magkalimutan ang lahat sa excitement of the moment. Ayaw niyang palabasing pati siya ay silaw na silaw sa paghanga sa bagong-sulpot na golden boy ng kompanya.

        “Due na next month ang next issue natin,” sabi niya nang mamatay ang tawanan. “Halfway-done na ang pages. Sayang naman kung ibabasura natin iyon. Kailan ba natin babaguhin ang magazine? Matagal na proseso rin ang hiring ng bagong staff. Ano ba ang timetable natin? Is it doable?”

          Kampanteng-kampante ang ngiting ibinaling ni Anto sa kanya.

        “You can go ahead with this issue,” sagot nito. “In the meantime, I’ll do the hiring. Sa kasunod na issue natin sisimulan ang bagong format. I assure you, this is definitely doable. Last year, after graduation, I flew to Hongkong. Mag-isa. I set up a magazine for Asia-wide distribution. Doon na ako nag-hire ng tao. Doon na ako naghanap ng printer. Doon na rin ako nag-establish ng contacts for advertising, distribution, and marketing. In two months, we were out in the market all over Asia. By the time I left the magazine to my staff eight months later, we were among the top-selling Asian magazines in Hongkong and Singapore. I intend to do the same for this magazine.”

        Halatang impressed na impressed pang lalo sina Tina, Megan at Gizelle. Panay-panay ang tango ng mga ito.

        Napilitan na ring tumango si Rhianna.

        Sa totoo lang, nayayabangan siya kay Anto. Kahit pa impressive naman talaga ang ikinuwento nito. At kahit wala na siyang makitang butas sa mga plano nito.

        Pero si Anto pala mismo ay may nakikitang posibleng maging problema.

        “May kailangan lang tayong pakaingatan,” sabi pa nito. “Mabuti ngayong aapat lang kayo, streamlined ang trabaho. Kanya-kanya kayo ng linya at malinaw ang hatian ng tasks. Pag nadagdagan na tayo, kailangang maging mas efficient pa tayo. Mahirap maging kampante. Baka magkapasahan ng trabaho, magkaturuan o magkasisihan. Puwede rin namang maging OA at mag-overlap unnecessarily ang trabaho. Sayang din iyon. Waste of time and effort. Para maiwasan ang alinman sa mga possible problems na ganoon, gagawa tayo ng malinaw na flowchart at job assignments. Kailangang maging maliwanag kung sino ang responsable sa aling gawain. We have to be very professional about everything.”

        Muling napatango si Rhianna.

        Unti-unti na niyang nakikita kung bakit kinuha ni C.P. Montes si Antonio Durano. Kahit pa ka-batch lang niya itong nag-graduate, malayo na nga ang narating ng karanasan ng binata kung ikukumpara sa kanya. Anumang pagtaas ng kilay ang gawin niya, hindi niya maitatangging magaling nga ang bago niyang boss.

        Magaling na, guwapo pa.

Sa halip na matuwa siya ay kung bakit parang lalong hindi mapakali si Rhianna sa kanyang kinauupuan.

        At hindi pa pala tapos si Anto. Nakangiting gumala ang tingin nito sa kanilang apat.

        “Oo nga pala, ladies,” sabi nito. “I appreciate your dressing up this morning to welcome me. Pero, huwag kayong mag-alala, nabanggit na rin sa akin ni Sandra na casual lang ang dress code n’yo rito. I don’t intend to change that. Let’s just be comfortable in the office para maging mas productive din tayo. Siguro, i-reserve na lang natin ang ating dressier attire kapag may kailangan tayong haraping mga kliyente.”

        Dismayadung-dismayado si Rhianna. Useless lang pala ang matagal niyang pagpili ng isusuot kaninang umaga. Sa halip na magitla o ma-impress, parang natatawa pa sa kanila si Anto. So much for power dressing. Wala yata talagang makakasindak sa lalaking ito.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

 

“ANG suwerte mo, Rhianna,” pigil na tili ni Gizelle pagbalik nilang apat sa office nila. “Ang guwapo na ng dati mong suitor. Ang galing-galing pa. Aay, idol!”

        “Paano naman kaya ako sinuwerte roon?” nakataas ang kilay na tanong niya rito. “Narinig mo ba ang sinabi niya kanina? Incidental lang na dati kaming magkaklase. Sa hitsura niya ngayon, nakakagulat nga na naalala pa niya ako. Ang laki ng ipinagbago niya.”

        “O, bigla kang atras ngayon, ano?” kantiyaw ni Megan. “Your frog turned into a prince. Hindi na totoy na payatot si Mr. Antonio Durano.”

        “Oo nga,” sang-ayon ni Tina. “Paano na ngayon, Rhianna? Blessing in disguise pa pala na siya nga ang naging boss natin. Biglang-bigla, masaya ka na sa muli ninyong pagkikita, ano?”

        “At sino naman ang nagsabi niyan?” irap niya. “Kayo lang naman itong impressed na impressed sa bago nating boss, a. Sa totoo lang, nagbago nga siya but not necessarily for the better. Noong araw, very humble siya. Ngayon naman, yumabang na.”

        “Kasi naman, marami na siyang maipagmamayabang,” pagtatanggol ni Gizelle sa binata. “Sa looks at looks na lang, o. Kung payat nga siya noong araw, tingnan mo naman ang body niya ngayon, tita. Mukhang athlete. Bagay na bagay sa mukha niyang pang-glamour boy naman. And to top it all, may ibubuga siya sa brains at sa diskarte. Hindi na siya bookish intellectual lang. Street smart na rin at overflowing with self-confidence. O, di ba iyon ang sinabi mo sa iyong essay na hinahanap mo sa isang dream guy?”

        Nagtatawanang nag-high-five pa sina Gizelle at Megan.

        “Sige, ganyan kayo,” pagmamaktol naman ni Rhianna. “Pagkaisahan ninyo ako. Porke nakakita lang kayo ng guwapo.”

         “Ayan, aminado ka rin namang guwapo si Boss Anto, a,” kantiyaw pa rin ni Tina.

        “Guwapo na nga kung guwapo,” pagkikibit-balikat ni Rhianna. “Sige, athletic nga ang physique niya ngayon. Granted din na magaling siya and he knows the business. So what? Dapat lang naman na maging magaling ang boss natin, di ba? And like he said, dapat lang na maging professional ang turing natin sa kanya.”

        “Hmm, baka naman nagseselos ka na sa admiration namin sa iyong high school suitor,” tukso ni Tina. “Hindi naman namin siya aangkinin, e. Ang sinasabi nga namin, now is the right time para sa inyong reunion and reconciliation. Bagay na bagay na kayong dalawa.”

        “He! Tigilan n’yo nga ako,” sagot ni Rhianna. “Baka may makarinig sa inyo niyan, sige. Nakakahiya. Baka sabihin niya, ako naman ngayon ang may interes sa kanya. Excuse me. Trabaho lang ito, ano. Walang personalan.”

        Padabog niyang tinungo ang kanyang desk sa pinakadulo ng kuwarto. Hinubad niya ang kanyang blazer at isinampay sa likod ng kanyang swivel chair. Pagkatapos, mabilis niyang kinalas ang pagkakapusod ng kanyang buhok. Sinuklay lang niya iyon ng kanyang mga daliri para muling bumagsak hanggang sa kanyang balikat.

        “O, bakit?” pagtataka ni Megan sa kanyang ginagawa. “Ano iyang ginagawa mo? Japorms na japorms ka pa naman.”

        “Hindi mo ba narinig ang boss natin?” paalala niya rito. “Maraming salamat daw sa pagbibihis natin para sa kanya pero hindi na raw kailangan. Let’s just be comfortable na lang daw in the workplace. The nerve! Ang conceited talaga. Nag-assume agad siya na nagbihis tayo’t nag-ayos nang ganito para lang sa kanya. As if!”

        “E hindi nga ba?” natatawang sagot ni Gizelle. “Talaga namang intensyon nating magpa-impress sa bago nating boss kaya naka-business attire tayong lahat ngayong umaga.”

        “Oo nga, gusto nating magpa-impress but in the professional sense,” katwiran ni Rhianna. “Parang pagpapakita na rin iyon ng respeto sa isang bagong boss. But the way he said it, para bang nagpaganda pa tayo para lang sa kanya personally. Nakakainis. Well, I’ll take his word literally. Bahala siya. From now on, isusuot ko kung ano ang kumportable sa akin.”

        At inayos pa niya ang kanyang spaghetti straps.

        “You go, girl,” tumatawang sang-ayon ni Tina.

        “Ay, oo, mag-aalis na rin ako ng blazer,” tumatawang sabi ni Gizelle. “Baka dumaan dito si Boss Anto, e. Mas sexy tayo kung wala tayong mga blazer.”

        “Oo nga, ano,” nakikitawang sagot ni Megan. “Ako rin.”

        “Aba, hindi ako pahuhuli,” sabi naman ni Tina.

        “Mga lukaret,” irap ni Rhianna. “Ako, pupunta muna sa ladies’ room.”

        Pero nang mapag-isa siya roon, nag-isip-isip ang dalaga. Ano nga ba ang ikinaiinis niya?

Kung ang inaalala niya ay baka gantihan siya ni Anto dahil sa kanilang nakaraan, dapat naman siguro ay bigyan muna niya ito ng pagkakataon. Baka naman kaya nitong patunayan ang katotohanan ng ipinahayag nitong pagiging professional sa trabaho.

At sa nakita niya kaninang asta at personalidad ng binata, malamang ngang mapangatawanan nito ang binitiwang pahayag.

Natigilan si Rhianna.

Hindi nga kaya iyon mismo ang ipinagmamaktol niya? Iyong pagiging napaka-professional ng attitude ni Anto sa kanya kanina? Kinilala nga siya bilang former classmate pero hanggang doon lang - at may kasunod pa agad na pasubali na hindi siya makakaasa ng ano mang special treatment mula rito.

 Oo nga’t iyon mismo ang sinabi niyang gusto niyang mangyari - pero noon iyon. Noong ang inaasahan niyang darating ay iyong Anto na kilala niya five years ago.

Ibang-iba na si Anto ngayon. Tama si Megan. Her frog turned into a prince. At tama rin si Gizelle. Lahat nga ng mga katangiang dinetalye niya sa kanyang high school essay tungkol sa kanyang dream guy ay kinakatawan na ngayon ng kanilang boss.

At heto siya ngayon, head-over-heels sa paghanga.

Nabaligtad na nga nang husto ang sitwasyon. Kung kailan bilib na bilib na siya kay Anto, saka naman napakalamig na ng tinging iniuukol nito sa kanya.

Hayun na. Natumbok na niya. Iyon na mismo ang dahilan kung bakit hindi siya magkandatuto sa pagkainis. Kung bakit gusto niyang kunin ang buong rolyo ng toilet paper para ibalibag sa dingding.

Lumabas ng cubicle si Rhianna. Humarap sa salamin.

Tinitigan niya ang kanyang repleksyon. Aba, mas maganda rin naman siya ngayon kaysa noong high school, a. Mas tumangkad siya. Nadagdagan ang curves niya in the right places. Naging mas defined ang contours ng kanyang mukha. Pero napanatili niya ang kanyang schoolgirl complexion.

At hindi lang din siya sa looks nag-improve. Mas sopistikada na siya ngayon sa maraming bagay. Isa nang full-fledged Makati yuppie. Hindi na matatawag na probinsiyana.

Sa trabaho naman, walang maipipintas sa kanya. Bigay-todo siya kung magtrabaho. Quality work. Napatunayan naman niya sa naging track record ng magazine.

Ah, taas-noo siyang makakaharap kay Anto. May maipagmamalaki rin naman siya.

Muling inayos ni Rhianna ang mga strap ng blouse niya. Saka niya sinuklay uli ng mga daliri ang kanyang buhok. Bahagya na siyang nakangiti habang nakatingin sa kanyang repleksyon.    

        Hindi pa lang kasi siya nakikita ni Anto sa ayos niyang ito. Kailangang makapag-isip siya ng dahilan para makabalik sa opisina ng binata. Tingnan lang niya kung hindi masira ang cool na cool na maskara ng bago niyang boss.

 

KUMATOK si Rhianna sa pinto ng opisina ni Anto.

        “Come in,” sabi nito.

        Pumasok siya.

        “Excuse me,” sabi niya sa may pinto pa lang. “Dinala ko itong materials ng next issue. Baka kasi may gusto kang ihabol na changes. At this point, puwede pa nating ipasok kung hindi naman gaanong drastic.”

        Sinadya niyang tumigil muna sa may pinto. Nakangiti. Parang naka-pose.

        Nagtaas ng mukha si Anto pero saglit lang.

        “O, Rhianna, come in,” sabi lang nito bago uli ibinalik ang tingin sa papeles na nasa desk nito. “Upo ka,” dagdag pa nito na parang wala sa sariling iminuwestra ang visitor’s chair na nasa tapat ng mesa nito.

        Sumunod si Rhianna matapos maisara ang pinto sa likuran niya. Inilapag niya ang hawak na folder sa mesa ng binata kasabay ng pag-upo.

        Saka lang siya muling tiningnan ni Anto.

        “I’m sorry,” sabi nito. “Binabasa ko kasi itong mga draft ko ng proposals para sa mga lalapitan ni Megan na bagong advertising prospects natin. Crucial ito, e. Ano nga uli iyong kailangan mo?”

        Nakatingin na si Anto nang diretso sa kanya pero wala pa ring nagbago sa ekspresyon ng mukha nito. Napaka-neutral. Parang ni hindi nito napansin na naka-blouse na lang siya ngayon na may spaghetti straps. O na nakalugay na ang kanyang buhok.

        Parang inip na inip pa nga ang binata na makabalik na sa dinatnan niyang pagbabasa nito.

        Inulit ni Rhianna ang kanyang kunwa-kunwariang pakay. Kulang na sa enthusiasm ang kanyang boses.

        “Iiwanan ko na lang sa iyo,” pagtatapos niya. “Bahala ka na kung kailan mo mabigyan ng time. Basta huwag lang lalampas sa Friday ang pagsabi mo sa amin kung may gusto kang gawing changes.”

        “Okay,” tango ni Anto. “I’ll remember that. Thank you.”

        May finality ang huli nitong mga salita. Nakuha na agad ni Rhianna na tapos na ang kanilang pag-uusap.

        “Sige,” sabi na lang niya habang papatayo na. “Just let us know if you need anything more.”

        Tumango si Anto.

        Bago pa man nakatayo nang diretso si Rhianna ay nakatutok na uli ang mga mata ng binata sa mga papeles nito sa desk.

        Sambakol ang mukha ng dalaga nang makatalikod. Kung hindi siya nakapagpigil ay baka naibalibag pa niya nang pasara ang pinto ni Anto.

 

PAGSARA na pagsara ng pinto ay napasandal si Anto sa kanyang swivel chair.

        “Whew!” sabi niya bago ipinunas ang dalawang palad sa mukha.

        Pagkatapos ay napatingala siya sa kisame.

        Hindi niya akalaing ganito kahirap. Akala niya, na-outgrow na niya ang teenage crush niya kay Rhianna.

        Hindi naman niya talaga inaasahang magkikita sila rito sa Manila. At magkakasama pa sa trabaho.

        Nagkataon lang na magkaibigan si C.P. Montes at ang isa rin niyang uncle. Nang mapabalitang naghahanap ang Exalt ng makakasosyo sa magazine business, tinimbrehan siya ng uncle niya. Alam palibhasa nitong may nailunsad na rin siyang magazine sa Hongkong. Agad naman niyang sinunggaban ang oportunidad. Gustung-gusto niya ang ganitong challenge.

        Kahit na nang makita niya ang pangalan ni Rhianna sa past issue ng Places, Manila Magazine, hindi iyon nakaapekto sa kanyang pakikipag-negotiate kay C.P.

        Natuwa siya nang makilala niya ang pangalan ni Rhianna, oo. Natuwa siya na malayo na rin pala ang narating ng dalaga.

        Okay, siguro nga sumagi rin sa isip niya ang tuwa na magiging subordinate niya ito. Na siya ang magiging boss nito. Siyempre, he’s only human. Pagkatapos ng ginawa ng dalaga noong nasa high school sila, parang makakabawi nga naman siya sa magiging sitwasyon nila ngayon.

        Pero kung naisip man ni Anto ang tungkol doon, sasandali lang. At siya na rin mismo ang agad na nagbura niyon sa kanyang isipan.

        Ang pinagtuunan niya ng pansin ay ang terms ng deal. Kung pantay ba ang benepisyo sa kanilang dalawa ni C.P. Ganoon kasi siya sa negosyo. Ang gusto niya ay iyong tinatawag niyang win-win situation. Iyong both sides, panalo. Walang talo. Lalo pa kung ganitong long-term business partnership ang pinag-uusapan.

        Iyong nagkataong editor-in-chief ng magazine si Rhianna, incidental lang iyon. Walang kinalaman sa desisyon niya. Intensyon niyang maging napaka-professional sa trabahong ito. Walang personalan.

        Tutal naman, sabi niya sa sarili, five years ago pa iyon. Napakarami nang nangyari magmula noon. Nag-aral na siya’t nakapagtapos sa UP. Nakapaglunsad ng magazine abroad. Marami nang nagbago sa kanya. Kasama na roon ang pag-iwan niya sa kanyang teenage infatuation.

        Oo, inaamin niyang kapag binabalikan niya ang mismong mga pangyayari five years ago, masakit pa rin. Para sa kanya, understandable iyon. First time kasi siyang nasaktan nang malalim. First heartache niya iyon. Siyempre, malakas ang impact at mahirap makalimutan ang sakit.

        Pero hindi ibig sabihin niyon na ganoon pa rin ang feelings niya para kay Rhianna. Sinubukan nga niyang alalahanin ang dalagitang naging sentro ng buhay niya mula elementary hanggang fourth year high school. At natawa na lamang siya sa kanyang sarili.

        Maganda nga si Rhianna noon. Hindi matatawaran iyon, kahit sa alaala na lang. Pero napaka-childish ng dalagita. Siguro, dahil iyon sa mas bata ito nang halos isang taon sa kanilang magkakaklase. Seven years old silang lahat nag-grade one samantalang ito ay six years old pa lang noon. Kaya rin siguro nakawilihan na ng klase nilang ituring ito na baby ng batch. Naging spoiled tuloy.

        Dapat sana ay hindi na siya nagulat sa pang-ii-snob sa kanya noon ni Rhianna. Dapat ay nakita na niya na sa napakabata pa nitong pananaw ay wala nga siyang binatbat. Pero palibhasa teenager din siya noon at talagang tinamaan sa puso, nagsumige siya. Hanggang sa masaktan nga siya nang husto.

        Ah, ngayon nama’y nasa wastong pagkahinog na ang kanyang pag-iisip. Hindi na niya papatulan ang mga alaalang iyon. Hindi na niya iindahin kahit kumukurot pa rin sa kanyang puso.

        Ang mahalaga, nailinaw na niya sa kanyang sarili na tapos na ang episode na iyon ng kanyang buhay. Isang dating kaklase na lang niya si Rhianna. Mahaharap na niya ito at mapakikitunguhan professionally bilang subordinate sa trabaho.

        Iyon ang kampante niyang inakala bago niya muling nakaharap ang dalaga. Hindi niya akalaing mayayanig ang kanyang buong mundo sa muli nilang pagkikita.

        Mas gumanda pa kasi si Rhianna. At hindi na mukhang nene. Sophisticated na.

        Sa unang pagkakita pa lang niya rito kanina, kamuntik na niyang nakalimutan ang mga pangako niya sa sarili. Kamuntik na siyang nabalik sa dati niyang katorpehan. Mabuti na lang, nagawa pa niyang panghawakan ang kanyang sarili.

        Noong ipahayag niyang magiging professional ang pakikitungo niya sa lahat kahit pa naging kaklase niya si Rhianna, sinasabi niya iyon pati sa kanyang sarili. Paalala.

        Kung bakit bumalik pa si Rhianna sa kuwarto niya. Mag-isa. At iba na ang ayos.

        Halos ayaw na nga niya itong tingnan. Ganoong-ganoon na kasi ang buhok nito kapag nakalugay kahit noong elementary at high school. Mahaba na may malalaking curls. Gandang-ganda siya roon, noon pa man. Tingin niya’y babaeng-babae si Rhianna kapag nakalugay nang ganoon ang buhok nito.

        Pero noon ay hindi ito nagsusuot ng gaya ng suot nito ngayon. Si Rhianna - naka-spaghetti straps? Kamuntik nang lumuwa ang mga mata niya. Lalo tuloy niyang pinakaiwas-iwasang matingnan nang matagal ang dalaga.

        May bumabagabag pa kay Anto. Hindi naman kaya siya nagmukhang suplado kanina? Bahala na. Hindi na baleng mapagkamalan siyang suplado, basta mapanatili niya ang pagiging professional.

        Mas nakakahiya kung ngayon pa siya bibigay. Kung ngayon pa siya muling masupalpal ni Rhianna. Hinding-hindi na niya papayagang maulit iyon.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)