Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Abakada ng Pag-ibig: HIYAS. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Abakada ng Pag-ibig: HIYAS. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Abril 1, 2023

Abakada ng Pag-ibig: HIYAS Chapter 1

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca

Abakada ng Pag-ibig: Gwen


ABAKADA NG PAG-IBIG: Hiyas

by Maia Jose


 

Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 1998

ISBN: 971-502-909-4 

TEASER:


        Sa edad na 30, subsob sa trabaho at kumportable sa malayang buhay-binata si GM. Kaya naman ganoon na lang ang pagkainis nito nang maatasang ‘mag-babysit’ sa balikbayang family friend – ang 19 taong gulang na si Hiyas.

        Ayaw na ayaw rin naman ng dalaga na magkaroon ng tagapagbantay. Lalo pa’t isang itinuturing niyang matandang binata.

        Pero magkakagulatan sina GM at Hiyas.

        Dahil dalagang-dalaga na at napakaganda ng dating makulit na batang natatandaan ni GM. At hindi makapaniwala si Hiyas na ang guwapo’t makisig na binatang nakapagpapabilis sa kanyang pulso ay ang inaasahan niyang dadatnang matanda.


CHAPTER 1

ALAS-OTSO ng gabi sa Maynila, alas-siyete ng umaga sa Chicago.

        Tumunog ang telepono sa condominium unit ni GM sa Ortigas Center.

        Kalalabas lang ng binata mula sa banyo. Basa pa siya’t walang anumang saplot nang damputin ang cordless phone mula sa sidetable ng kama. Ang kabilang kamay niya’y may hawak na tuwalyang ipinangtutuyo ng buhok.

        “Hello. GM here,” sabi niya.

        Sa pamilya man, sa mga kaibigan o sa trabaho, kilala ang binata bilang simpleng GM. Hango ang palayaw na iyon sa buong pangalan niyang George Marron Milan, na hango naman sa pangalan ng amang si Geronimo o Gerry at inang si Marina.

        Si Marina ang agad na nabosesan ng anak sa kabilang linya. Tumatawag ito mula pa sa Chicago.

        “’Ma!” masayang sambit ng binata. “Good to hear from you.”

        At parang naku-conscious na itinapi agad niya sa beywang ang hawak na tuwalya. Para bang makikita siya ng ina mula sa ibayong dagat.

        “Mabuti naman at nasa bahay ka na,” sabi ni Marina. “Nagbabakasakali nga lang ako.”

        “Maaga akong umuwi ngayon mula sa opisina,” sagot ni GM. “Tumuloy lang muna ako nang sandali sa gym para mag-unwind at makapagpa-deep massage. Ilang gabi rin kasi naming pinaglamayan iyong presentation na dinala namin sa kliyente kanina. Mukha namang ma-a-approve. Malalaman namin bukas.”

        “You work too hard, iho,” saway ni Marina. “Kailangan bang kasama ka pa sa paglalamay sa trabaho? My goodness, you own that company.”

        “Precisely, ‘Ma,” paliwanag ni GM. “Kaya kailangan kong magpakita  ng magandang halimbawa sa mga tao ko. I believe in leadership by example. I have to show them the right work ethic, attitude and drive. Kung ako mismo na may-ari ng kompanya ay papatay-patay, how can I expect them to give their best?”

        “Hay naku, kaya tuloy hanggang ngayon ay hindi mo pa kami mabigyan ng apo,” parang pagtatampo ng matanda.

        Tumawa lang ang binata.

        “Lumang tugtugin na ‘yan, ‘Ma,” sagot niya. “Ano’ng bago? What’s up? Kumusta na kayo?”

        “Okey naman kami ng Papa’t kapatid mo,” sabi ni Marina. “In fact, kababalik lang namin from a week-long trip to New York, kasama ang mga Deltierro. Dinalaw namin si Mutya. Hayun, nagpaiwan pa nga roon si Gina. Next week na uuwi rito ang kapatid mong iyon.”

        “Ganoon ba?” sagot ni GM. “Hayaan lang ninyo siya. Si Mutya naman pala ang kasama, e.”

        Alam niyang hanggang ngayon ay pinakamatalik na mga kaibigan pa rin nina Gerry at Marina Milan ang mag-asawang Lando at Puri Deltierro na dati nilang kapitbahay sa Greenhills.

        Lilimang taong gulang pa lamang si GM at ipinagbubuntis naman ni Marina ang kaisa-isang kapatid niyang si Gina nang lumipat sa katabi nilang bahay ang mga Deltierro.

        Buntis din noon si Puri sa panganay ng mga ito na si Mutya. Kaya nga lumaking matalik na magkaibigan sina Gina at Mutya.

        Nagkaroon pa ng pangalawang anak sina Lando at Puri – si Hiyas, na anim na taong mas bata kay Mutya.

        Walang kaedad si GM sa pamilyang iyon kaya hindi siya gaanong naging malapit sa mga Deltierro.

        Anim na taon na ang nakararaan mula nang magpunta sa Estados Unidos ang pamilya Deltierro para doon na manirahan. Pinaupahan na lamang ang bahay ng mga ito sa Greenhills.

        Pagkaraan lang ng dalawang taon ay sumunod naman ang pamilya Milan – liban kay GM. Pinaupahan na rin ang bahay nila sa Greenhills.

        Lumipat naman sa condominium unit ang binata.

        Maging sa Chicago ay magkapitbahay pa rin ang mga Milan at mga Deltierro. Doon din kasi naghanap ng bahay sina Marina kung saan nakabili ng bahay sina Puri.

        Naging magkaklase rin uli sina Gina at Mutya sa Northwestern University. Nagkahiwalay lang ang dalawa nang maka-graduate at magkatrabaho si Mutya sa New York. Sa Chicago naman nagtrabaho si Gina.

        “Mabuti at nag-enjoy kayo sa New York,” sabi ni GM sa ina. “Nanood ba kayo ng play sa Broadway?”

        “Of course,” sagot ni Marina. “Palalampasin ba namin iyon gayong nasa Big Apple na rin lang kami?”

        “Ganyan nga,” pabirong sabi ng binata. “Maglibang kayo para hindi na ninyo ako hinahanapan ng kung anu-ano.”

        Iyong iniuungot ng ina na apo ang tinutukoy niya.

        “Malapit na nga akong mawalan ng pag-asa sa iyo,” sagot ni Marina. “Baka maunahan ka pa ni Gina.”

        “Di mabuti,” sabi naman ni GM. “That will take the pressure off me.”

        “Pero may iba akong ire-request ngayon sa iyo,” habol ng ina. “This time, hindi ka na tatanggi.”

        “What about?” medyo kinakabahang tanong ng binata.

        Ano naman kasing klase ng “request” iyon? May kabuntot agad na “This time, hindi ka na tatanggi.

        “Tungkol kay Hiyas,” sagot ni Marina. “Kaga-graduate lang niya sa high school. Ang hininging regalo kina Puri ay iyong pagsama sa isang youth tour para sa Filipino-Americans. Parang exposure and immersion trip daw ito diyan sa Maynila. They’ll be staying for two months.”

        “Kabagu-bago pa lang naman ng mga Deltierro diyan sa States, a,” sabi ni GM. “Six years pa lang. Ganoon ba kabilis na-Americanize ang batang iyan at kailangan na niya uli ng exposure trip dito?”

        “Well, thirteen years old lang si Hiyas noong pumunta sila rito,” paalala ni Marina. “Nineteen na siya ngayon. Iba nga lang ang school system dito at kinailangan pa niyang mag catch up noon kaya katatapos pa lang niya ng high school. At siyempre, dahil dito siya nagdalaga, nag-iba rin ang kanyang personalidad. Very American na siya to some extent. Pero Pilipinong-Pilipino naman ang parenting style nina Puri kaya Pinay pa rin sina Hiyas at Mutya in many ways.”

        “So why does she need this trip?” tanong ni GM.

        “For a lot of reasons,” sagot ni Marina. “Maaaring gusto lang din niyang makita uli ang Maynila after six years. See it through more grown-up eyes this time. Alam mo namang hindi na sila uli nakapagbakasyon diyan magmula noon. Wala na palibhasa silang babalikang kamag-anak diyan. Narito nang lahat. O baka rin gusto lang ni Hiyas na magka-adventure. Masaya siyempre itong ganitong trip na panay magkaka-edad silang magkakasama. Anyway, it will be a very educational trip for her. Very enriching.”

        “So, ano’ng koneksiyon nito sa akin?” tanong ng binata.

        “I want you to take care of her while she’s there,” sagot ng ina.

        “Ako?” bulalas ni GM. “Akala ko ba, group tour iyan? Hindi ba, package deal ang ganyan? Everything should be taken care of.”

        “Oo nga,” sagot ng ina. “Pero siyempre, mas panatag ang loob namin dito kung alam naming sinusubaybayan mo siya riyan. Maraming puwedeng mangyari, e. Unexpected things. Alam mo na. So keep in close touch with her. Make sure she’s all right all the time. Give her any assistance she might need. Be there for her ‘round the clock. Isipin mo na lang na si Gina siya. Everything you would do for your own sister, you should do for her. Nothing less.”

        “Whew!” iling ni GM. “Kailan ba darating ang batang iyan?”

        “Next week,” sagot ni Marina. “They’ll be staying at the UP Hostel. Isa kasi sa mga sponsors ng programa ang University. Convenient nga iyon sa iyo, hindi ba? Before or after your classes, you can drop by and see her.”

        “Sigurado namang hindi ko siya aabutan sa hostel,” pangangatwiran ng binata. “Kung exposure at immersion trip ang sinalihan niya, I expect they would be going all over Metro Manila. Dapat nga, pati sa mga probinsiya. Hindi pipirmi ang mga iyon sa hostel.”

        “Basta, get in touch with her,” giit ni Marina. “You’ll be responsible for her well-being. Tandaan mo iyan.”

        “Okay, okay,” sagot ni GM. “I’ll do it.”

        Marami pa silang napagkuwentuhan bago natapos ang kanilang pag-uusap. Pero hindi na naalis sa isip ng binata ang napasok na kompromiso. At bago sila nagpaalamang mag-ina ay muling ipinaalala ni Marina sa kanya ang bago niyang obligasyon.

        “Take care of Hiyas, okay, son?”

        Habang ibinababa ang awditibo ay napapailing si GM.

        Ang bigat ng hiniling sa kanya ng kanyang mama. Wala siyang tiyaga na mag-babysit sa isang teenager. Pero makakatanggi ba siya?

        Kahit paano nama’y naaalala pa niya si Hiyas. Ito noon ang baby ng dalawang pamilya. Mula’t sapul ay tabachingching na ito na maganda. Listang-lista pa. Napanggigilan tuloy maging ng mama’t papa niya.

        Noong umalis ang mga Deltierro ay trese anyos lang daw si Hiyas, ayon sa mama niya. Ang naaalala lang ni GM ay kahawig ito ng batang babaeng nag-a-advertise ng hotdog sa TV. Si “again, again, again...” Parang kayumangging bersiyon ni Chantal Umali si Hiyas noong mga panahong iyon.

        Maging ngayong sinasabi ng mama niyang disinuwebe anyos na ito ay bata pa rin ang turing ni GM sa bunso ng mga Deltierro. Paano namang hindi ay labing-isang taon ang tanda niya rito? Kung hanggang ngayong beinte-singko anyos na sina Gina at Mutya ay baby sisters pa rin ang turing niya sa dalawa, paano pa kaya si Hiyas?

        At ngayon, kung kailan nasanay na siya sa pamumuhay nang mag-isa rito sa Maynila ay saka naman siya biglang padadalhan ng bata na kailangan niyang i-babysit. Nakakainis.

        Apat na taon na siyang nag-iisa.

        Noong una, noong sabay-sabay na umalis ang kanyang mga magulang at kaisa-isang kapatid para manirahan sa Estados Unidos, lungkot na lungkot siya.

        Isinasama naman talaga siya ng mga ito. Siya ang umaayaw. Paano’y naitatag na niya noon ang kanyang dream project – ang Millennium Advertising. Hindi niya iyon puwedeng iwan.

        Kahit noong estudyante pa lang siya ng Fine Arts sa UP, binubuo na niya sa kanyang isip ang Millennium Advertising. Kung paanong magiging kaiba ito sa mga tradisyunal na advertising agencies. Magiging unconventional. Abante sa lahat ng bagay. Mapanlikha. Walang mga ideyang de-kahon.

        Nang makapagtapos ay nagtrabaho muna siya nang sandali sa ibang advertising agency. Kumuha ng karanasan. Nagtatag ng mga contact.

        Pagkaraan ng tatlong taon ay handa na si GM na itayo ang sariling kompanya. Ang pondo ay nagmula sa perang minana niya sa yumaong Lolo’t Lola.

        Kasabay ng pagtatatag ng Millennium Advertising ay nagturo siya sa College of Fine Arts at College of Mass Communications sa UP. Iyon ang kanyang paraan para manatiling nakatutok sa pulso ng mga bagong-sibol na talento sa larangan ng sining, paglikha at komunikasyon. At para rin may direkta siyang mapagkukunan ng mga bagong recruit para sa kanyang kompanya. “The best and the brightest” ang kanyang gustong makasama.

        Ngayo’y isa na nga sa pinaka-abanteng advertising agencies sa bansa ang Millennium Advertising. Gayunpama’y sadya niyang pinanatiling maliit lang ang kompanya. Naniniwala kasi siyang mas mapapanatili rin nila ang kalidad ng kanilang trabaho sa ganoon.

        At patuloy pa ring nagtuturo sa pamantasan si GM.

        Nakasanayan na niya ang kanyang partikular na lifestyle.

        Nakatira siya sa condominium sa Ortigas Center na maaaring lakarin mula sa Hexagon Towers kung saan naroon ang tanggapan ng kanyang kompanya.

        Dalawang residential units sa iisang palapag ang binili niya sa condominium. Ipina-renovate niya ang mga iyon para mapag-isa. Nasisikipan kasi siya sa isang unit lang. Gusto niyang magkaroon ng maluwang na silid-tulugan na maaari niyang paglagyan ng kanyang mga fitness equipment, isang guest room at isang library na maaari rin niyang gamitin bilang art studio.

        Mag-isa siyang nakatira roon. Mayroon lang siyang katulong na dumarating nang tatlong araw sa bawat linggo para maglinis, maglaba’t mamalantsa. Binigyan na niya ng sariling susi si Manang Thelma para makalabas-pasok sa unit kahit wala siya roon. Panatag ang loob niya palighasa’y dati naman nila itong katiwala sa bahay nila sa Greenhills.

        Hindi na siya nalulungkot sa pag-iisa niya ngayon.

        Minsan lang niyang nadalaw ang mga magulang at kapatid sa Estados Unidos – dalawang taon na ang nakakaraan. Kung tutuusin, masasabing siya pa nga ang dinalaw ng mga ito sa pagkakataong iyon.

        May dinaluhan kasi siyang international advertising conference sa San Francisco. Tinawagan niya sina Marina at sinabing hindi na niya magagawang pumunta pa sa Chicago mula roon dahil kailangan niyang umuwi agad sa Manila pagkatapos ng komperensiya. May naghihintay na project na minamadali ng kliyente. Tuloy, sina Marina, Gerry at Gina na lamang ang lumipad sa San Francisco para makasama siya nang kahit sandali.

        Magmula noo’y nagkakasya na lang siya sa mga regular na pagtawag ng tatlo sa telepono. Ang pananabik niya sa mga ito ay napupunuan na ng kanyang obsesyon sa pagpapaunlad sa kanyang kompanya.

        Hindi naman pera ang habol ni GM sa pagpupursige niyang maging pangunahing advertising agency ng bansa ang Millennium Advertising. Ipinanganak na siyang may-kaya at para sa binata’y instrumento lang ang pera para maipatupad ang tunay niyang hangarin – ang mabigyan ang mga propesyunal na kabataang Pilipino ng pagkakataon para higit pang mapaunlad ang kanilang pagkamalikhain at iba pang kakayahan sa larangan ng advertising.

        Naniniwala si GM na world class ang galing ng Pilipino. Ang pangarap niya’y gawing pang-international ang serbisyo ng Millennium Advertising, kasabay ng mga multinational advertising agencies.

        Ayon sa kanya, kung nagagawa ng mga advertising agencies sa Singapore at Japan na makakuha ng international clientele at makapaglabas ng ads sa iba’t ibang bansa sa First World, kaya rin iyong gawin ng isang lokal na Pilipinong advertising agency.

        Kaisa niya sa paniniwala’t hangaring ito ang buong staff ng Millennium Advertising.

        Pero ang pinakamalapit sa kanya ngayon ay si Krizha – ang kanilang executive vice president.

        Naalala ni GM, kailangan nga pala niyang tawagan ang dalaga. Agad niyang dinampot uli ang telepono.

        “Hi, Krizh,” sabi niya nang sumagot na ang dalaga.

        “O, GM, how did it go?” tanong agad nito.

        Ang presentation niya kanina sa kliyente ang tinutukoy ni Krizha.

        “I think they were impressed,” sagot niya. “Siyempre, hindi pa nagbitiw ng commitment. Pag-uusapan daw muna. Pero nangako silang magbababa ng desisyon bukas. They’ll call us.”

        “Well, we did our best,” sabi ng dalaga. “Palagay ko, maaaprubahan iyon. Kinabahan lang ako nang kaunti noong hindi ka agad tumawag. Akala ko tuloy, na-disapprove ang project at nagpapakalunod ka na sa frustration in some bar – at hindi mo ako isinama.”

        “Sorry kung nag-worry ka,” agad na salo ni GM. “Tumuloy kasi ako sa gym. Then nagpa-shiatsu. Pag-uwi ko naman dito, kalalabas ko pa lang sa banyo nang tumawag si Mama. Kabababa ko nga lang ng telepono nang maalala kong tatawagan nga pala kita.”

        “So, ngayong nakatawag at nakapagkuwento ka na, puwede na akong matulog nang mahimbing,” sagot ni Krizha.

        Tumawa si GM.

        “You do that,” sabi niya. “Pareho tayong kulang na kulang sa tulog. We deserve to rest.

        “Okay, good night,” paalam ng dalaga.

        “Good night, Krizh,” sagot ng binata.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: HIYAS Chapter 2

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2

BUONG akala ng lahat ay magnobyo sina GM at Krizha.

        Bagay na bagay naman kasi sila. Kung ang binata ay guwapo, makisig, matalino at sopistikado, ang dalaga nama’y napakaganda, napakaseksi, matalino rin at sopistikada.

        Kung si GM ay kilala sa kanyang pagka-unconventional, higit pa roon si Krizha.

        Kung manamit ito ay kakaiba. Hindi lang daring kundi sadyang provocative. Parang laging nanghahamon ng lalaki.

        Kung hindi malalim ang ukab ng damit sa harapan ay backless naman. Kung hindi micro-mini ay hanggang balakang naman ang slit ng damit sa gilid.

        Malakas lang talaga ang personalidad nito’t kayang-kayang dalhin ang ganoong image nang hindi nagmumukhang cheap. Sa halip, lalo pa ngang nagiging para itong supermodel na hinahangaan ng mga lalaki pero hindi maabot.

        Sa lakas din ng personalidad ni GM, inakala ng lahat na siya lang ang may kakayahang magdala kay Krizha.

        Noong isang taon lang sila nagkakilala. Si Krizha ang unang lumapit kay GM.

        Nagulat ang binata nang tawagan siya ng nababalitaan na niyang magaling na senior vice president ng isa sa mga pinakamalalaking multinational advertising agencies sa bansa. Humingi ito ng appointment, pero sa labas ng opisina at beyond office hours. Confidential daw kasi ang kanilang pag-uusapan.

        Naintriga si GM at agad na pumayag.

        Nagkita sila nang gabing iyon. Inanyayahan niyang mag-dinner ang dalaga sa isang mamahaling restaurant sa El Pueblo sa Ortigas.

        “That would be fine,” sagot ni Krizha sa telepono. “Kahit makita tayong magkasama, we can make it look like we’re on a date. Wala bang magagalit?”

        “I’m unattached,” nangingiti sa sariling pahayag ni GM.

        At dahil ayaw niyang padaig sa pagka-agresibo ng kausap, idinugtong din niya ang sariling katanungan.

        “How about you?”

        “Oh, happily unattached,” humahalakhak na sagot ng dalaga.

        Hindi ito nagpasundo sa kanya. Magkita na lang daw sila sa kainan sa takdang oras na napag-usapan.

        Doon pa lang ay may palatandaan na si GM sa personalidad ni Krizha Coronel. Pero namilog pa rin ang kanyang mga mata nang dumating ito sa Chateu 1771.

        Matangkad si Krizha. Parang modelo ang height pero hindi ang katawan. Hindi ito payat. Voluptous ang salitang makapaglalarawan sa kaseksihan nito.

        Marami naman sigurong mga babaing kasingtangkad ni Krizha at may ganoon ding mga vital statistics, pero iba pa rin talaga ito sa karamihan. Iba dahil nagagawa nitong patingkarin pang lalo ang mga katangiang iyon hanggang sa maging larger-than-life. Parang artista. Parang si Marilyn Monroe.

        Katulad nang gabing iyon. Ang suot nito’y simpleng itim na sedang mini na may makikitid na spaghetti straps. Ang kaibahan nga lang ay malalim ang cleavage nitong nakalantad sa harap at hanggang beywang naman ang nakalantad sa likod. At pagkaikli-ikli na nga ng damit ay may slit pa ito sa magkabilang gilid.

        Mabibilog din ang mga hita ng dalaga. At maganda ang hubog ng mga binti na walang nakasaping stockings. Bakit pa nga ba nito tatakpan ang pagkaputi-puti at pagkakinis-kinis na balat na flawless? Lalo pa nga iyong lumutang sa itim na kulay ng damit nito’t mataas na stilleto slingback sandals.

        Mabibilog rin ang mga braso ng dalaga na nagtatapos sa pagkalalambot na mga kamay na may malakandilang mga daliri. Ang mahahaba nitong mga kuko ay naka-French manicure – clear polish na may platinum tips.

        At kung kaakit-akit tingnan sa mga hita nito’t braso ang makinis kutis, paano pa kaya sa mga balikat nito’t dibdib? Ganoon din sa leeg nito’t mukhang may klasikong kagandahan.

        Itim na itim ang makakapal, mahaba at kulot na mga pilikmata ni Krizha. Ganoon din ang buhok nitong hindi kinulayan at laging parang magulo ang ayos, nakalugay man o nakataas.

        Nang gabing iyon ay nakataas sa isang maluwang na pagkakapusod ang buhok ng dalaga, pero maraming mga hiblang naglalaglagan sa magkabila ng mukha nito. Para bang kababangon lang nito mula sa pakikipag-ulayaw.

        Nakangiti si Krizha Coronel habang papalapit sa mesa ni GM. Punung-puno ng kumpiyansa sa paglalakad. Alam na alam na lahat ng mga mata sa restawran ay nakatutok dito.

        Tumayo si GM para batiin ang dalaga.

        “Miss Krizha Coronel?” paniniguro niya.

        “Yes,” tango. “And you’re Mr. George Milan, I presume.”

        “At your service,” sagot niyang naglalahad ng kamay. “I’m very pleased to meet you.”

        “Call me Krizha,” sabi nitong nakikipagkamay. “And I’ll call you, GM.”

        “Deal,” sagot ng binata.

        Nakaupo na sila ay tuliro pa rin si GM sa kakaibang kariktan ng kaharap.

        “Naintriga ka ba sa tawag ko?” nakangiti pa ring tanong ng dalaga.

        “I must admit, oo,” sagot niya. “We’ve never met but I’ve heard about you. Maliit lang naman ang advertising circle. I know you’re one of the best ad executives in town.”

        “I should be saying that about you,” pakli ng dalaga. “No. Let me change that. Ang totoo, ayon sa aking research, you’re currently the best.”

        Natatawang napailing si GM.

        “Hindi naman,” tanggi niya. “That’s an exaggeration.”

        “No, it’s not,” giit ni Krizha. “You’re the youngest top man in the business. You’re also the most innovative. The most creative. The most unconventional. Sa advertising, that’s what counts.”

        “Nakakalasing ka namang pumuri,” sabi ng binata.

        “Totoong lahat ang sinabi ko,” sagot ni Krizha. “Pero baka nga akalain mong nagpapalapad ako ng papel kapag narinig mo ang susunod kong sasabihin. I’m here to ask you for a job. I’d like to join your company, Millennium Advertising.”

        Napamaang si GM.

        “Bakit?” tanong niya nang mahimasmasan. “Senior vice-president ka na sa kompanya ninyo, a.”

        Nagkibit-balikat ang dalaga.

        “Senior vice-president nga,” sagot nito. “Pero sawang-sawa na ako sa pagkakonserbatibo ng kompanyang iyon. Lagi na lang silang natatakot na sumugal sa mga hindi pa tried and tested na ideya. Nakakabobo na.”

        Nagsalubong ang mga kilay ng binata.

        “Sa posisyon mo, wala ka bang authority para magpatupad ng innovations?” tanong niya.

        “Are you kidding?” sagot ni Krizha. “I always try to do that pero lagi naman akong outvoted. I’m not the only senior vice-president there, you know. Tatlo kami. At puro sila konserbatibo. Mas lalo pa ang aming presidente. Sabi nila, iyon daw mismo ang trademark ng kompanya. Iyon daw ang dahilan kaya kami pinupuntahan ng kliyente. Reliable daw kami. Sa opinyon ko naman, boring na kami. Tingnan mo ang mga ads ng sabong panlaba. Lahat ng brands, pare-pareho ang dating. Ganoon din sa bath soaps. Kung ano ang thrust ng isa, gaya-gaya na ang lahat. Pati mga models na kinukuha, iisa ang tipo. They all look the same. They all act the same. Parang mga clone.”

        Natawa si GM. Ganoong-ganoon din kasi ang pintas niya sa karamihan sa mga napapanood na ads sa TV.

        “Alam kong hindi pa mainstream ang mga hawak ninyong accounts sa Millennium,”  pagpapatuloy ni Krizha. “Hindi pa iyong mga laundry and bath soaps and toothpastes. Pero malalaki na rin ang accounts n’yo. Tulad na lang ng New Haven Spa chain. At iyong Destiny Insurance. At saka iyong sa Philippine Republic Bank. Impressed ako sa mga ad campaigns ninyong iyon. Bago ang approach. At hindi nakakainsulto sa viewers. I’d like to be a part of the team that did those campaigns. That is, kung papasa ako.”

        Napailing si GM.

        “I’m speechless,” amin niya. Hindi ko inaasahan ito.”

        “Hindi naman kita pinasasagot ngayon,” sabi ng dalaga. “Parang suntok sa buwan nga lang itong ginawa kong ito. Actually, I haven’t even resigned from my job yet. Hindi ako nagsasabi sa kanila na may ganito akong balak. Sigurista rin ako, e. I wanted to test the waters first. Get your initial reaction. Of course, I’ll be sending you my complete resume later. Pati na rin ang portfolio ng mga projects na ginawa with my active participation.”

        Kumumpas ang kamay ng binata.

        “Alam ko na ang kalibre mo sa trabaho,” sagot niya. “You don’t have to prove anything to me. Kaya nga nagugulat ako na gusto mong maging bahagi ng Millennium. Hindi ako makapaniwala. Baka nga ang dapat pang mangyari ay makita mo muna ang buong set-up namin. Ikaw ang magtantiya kung sa palagay mo ay gugustuhin mo talagang lumipat sa amin. Maliit lang kami. We do things differently. Simple lang. Baka manibago ka.”

        “That’s exactly what I’m looking for,” sabi ni Krizha. “Iyong walang gaanong red tape. Iyong mas madaling kausapin ang mga tao. Iyong lahat sa kompanya, may boses, may kontribusyon. Dynamic ang interaction. And that’s what I’ve been hearing about Millennium.”

        Nangiti si GM.

        “Ganoon nga kami,” sagot niya. “Why don’t you drop by the office one of these days and see us at work? Pag-usapan natin where you can fit in.”

        Naging napakabilis na ng mga pangyayari pagkatapos noon. Hindi nagtagal at naging executive vice president na ng Millennium Advertising si Krizha Coronel.

        Dati ay walang ganoong posisyon sa Millennium. Mula kay GM ay diretso na sa mga ispesipikong trabaho na tulad ng art director, artists, photographers, copywriters, public relations manager, public relations staff, personnel officer, administrative manager at administrative staff. Kung ano lang ang talagang kailangan ay iyon lang ang mayroon.

        Pero pinulong ni GM ang buong staff at lahat sila’y nagkaisa na malaki ang maibibigay na kontribusyon ni Krizha Coronel sa kompanya. At hindi lang iisang ispesipikong trabaho ang magagawa ng dalaga. Malawak ang karanasan nito at maalam sa halos lahat ng bahagi ng kompanya. Sa staff na mismo nanggaling ang suhestiyon na gumawa ng bagong puwesto para sa bago nilang makakasama – iyong katapat din ng iiwanan nitong puwesto sa dating ad agency.

        Iyon ang kainaman sa grupong tulad ng binuo ni GM sa Millennium Advertising. Ang lahat ay nagkakaunawaan dahil ang lahat ay pinakikinggan. Tuloy, walang mga intrigahan. Walang inggitan. Tiwala ang bawat isa na basta’t ibinibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya ay siguradong matatanggap din niya ang kaukulang pagkilala at benepisyo. Kaya naman ganoon din ang ginawa nilang pagtanggap kay Krizha.

        Wala namang nagsisi sa kanila. Agad na naging mahalagang bahagi ng team ang dalaga. Tugmang-tugma ang personalidad nito sa makulay at halu-halong mga personalidad sa Millennium. Ganoon din sa estilo ng trabaho.

        Si GM, higit sa lahat, ang nakadama sa kahalagahan ng dalaga sa kompanya. Naging kanang-kamay niya ito sa lahat ng bagay.

        Nanatili ang matinding atraksiyon niya sa dalaga. Bagay na laging lumilikha ng kakaibang tensiyon sa pagitan nila.

        Paano naman kasi niyang maiiwasang makita ang kaseksihan nito gayong araw-araw ay laging kakarampot ang suot ng dalaga?

        Lagi tuloy naliligaw ang kanyang mga mata – sa dibdib nito, sa mga hita, sa mga binti. Lagi rin naman siyang nahuhuli ni Krizha. Natatawa lang naman ito.

        Bakit nga naman ito magagalit samantalang kusa naman nitong idinidispley ang mga kariktang iyon?

        Pero may nangyari na naging kritikal na bahagi ng kanilang relasyon sa isa’t isa.

        May minamadali rin silang tapusin nang araw na iyon kaya kahit linggo ay nag-overtime ang isang grupo ng staff sa opisina. Kasama siyempre sina GM at Krizha.

        Alas-sais na ng gabi nang matapos sila. Tulad ng dati, niyaya ni GM ang lahat para maghapunan sa labas. Ganoon ang ginagawa ng binata sa tuwing nag-o-overtime sila. Sagot ng kompanya ang pagkain.

        Nang mag-uuwian na, nilapitan ni Krizha si GM.

        “May I offer you dessert and coffee at my place?” nakangiting anyaya nito.

        Tatanggi ba naman ang binata?

        “Sure,” alistong sagot niya.

        Ang dating sa kanya ng alok na iyon ay higit pa sa “dessert and coffee.”

        At hindi siya nagkamali.

        Pagkatapos magsalo sa black forest cake at brewed coffee, nagsayaw sila ni Krizha sa saliw ng mellow jazz music.

        Sinimulan ni GM na hagkan ang dalaga. Hindi ito tumanggi.

        Itinuloy niya. Hindi pa rin ito pumalag.

        Pero mayamaya ay may napansin na si GM. Hindi nga umaayaw si Krizha pero hindi rin tumutugon. Napakalamig nito. Para siyang humahalik sa estatwa.

        Natigilan ang binata. Bahagyang kumalas bago nagtanong.

        “Krizh? What’s wrong?”

        “Wala,” iling ng dalagang bahagyang nakangiti. “Nothing’s wrong. I-ituloy mo...”

        Umiling si GM.

        “I can’t,” sagot niya. “Kung ayaw mo, bakit ko pa itutuloy?”

        “H-hindi naman sa ayaw ko, e,” sabi ng dalaga. “G-ganito lang talaga ako, GM.”

        Hinatak ito ng binata nang paupo sa sofa.

        “Mag-usap nga muna tayo,” sabi niya.

        Biglang nag-iba si Krizha. Mula sa pagiging agresibo ay parang bata itong sumunod sa kanya.

        “Now tell me what this is all about,” marahang tanong ni GM nang nakaupo na sila nang magkatabi. “I’m sorry kung naging padalus-dalos ako sa aking interpretasyon sa mga pangyayari. Akala ko kasi, doon patungo ang lahat ng ito. But now, it’s obvious na hindi magkapareho ang nararamdaman natin.”

        “I’m sorry,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Krizha. “A-akala ko rin kasi, kaya ko. Or, at least, na okey lang sa iyo kahit ganoon. Kahit... kahit ikaw lang.”

        “Anong kahit ako lang?” tanong ni GM.

        “Kahit ikaw lang ang turned on,” sagot ng dalaga. “Hindi ba, usually, hindi naman importante sa lalaki kung gusto rin ng babae? Basta pumapayag ang babae, okey na.”

        “That’s bullshit,” galit na bulalas ni GM. “Of course not. Hindi okay sa akin iyon. At napakaliit ng tingin ko sa lalaking ganoon ang point of view. Isa pa, bakit ka naman papayag kung ayaw mo? Anong klaseng set-up ito?”

        “GM... please...” awat ni Krizha.

        Unti-unting huminahon ang binata.

        “Hindi kita maintindihan,” iling niyang isinusuklay ang mga daliri ng isang kamay sa buhok. “You invited me here. Bakit? Para ano?”

        “Inaamin ko, para dito,” sagot ni Krizha.

        “But it’s obvious that I don’t turn you on,” parang panunumbat ng binata.

        “H-hindi mo kasalanan ‘yon,’ sagot ni Krizha. “I mean, there’s nothing wrong with you. Ako ang may diprensiya. Kahit kaninong lalaki, hindi ako maka-respond. I’m... I’m frigid.”

        Napamaang si GM.

        “I don’t believe this,” iling niya kapagdaka.

        “Napatunayan mo na, hindi ba?” paalala ni Krizha. “And you’re a very desirable man. Kahit na sinong babae, madadala sa ganoong halik. Lalo na sa ganitong sitwasyon. Sa ganitong surroundings, with dim lights and seductive music in the background...”

        Muling natigilan ang binata.

        Totoo ang mga sinabi ni Krizha. Hindi siya mayabang pero alam niyang malakas ang appeal niya sa mga babae. At ni minsan, wala pang babaing hindi tumugon sa kanya. Ngayon pa lang.

        Tumingin siya kay Krizha.

        Pagkaganda-gandang babae. Ubod ng sexy. Pero napatunayan nga niyang malamig pa ito sa yelo. Ni hindi nagbago ang tempo ng paghinga nito sa ginawa niyang paghalik sa mga labi nito. Nakarating na siya hanggang leeg ay wala pa rin itong anumang reaksiyon.

        Hindi man kapani-paniwala ay totoo nga ang sinabi ni Krizha.

        At sa sandaling iyon ay ganap na naglaho ang lahat ng pagnanasa ni GM sa dalaga. Hindi pala siya maaakit sa isang babaing walang kakayahang tumugon sa kanya.

        “Pero kung alam mo nang frigid ka, bakit mo pa ako dinala rito?” pagtataka ng binata. “At inamin mo pa kanina na ito rin mismo ang pakay mo.”

        “Noong hindi mo pa alam na frigid ako, you wanted me, right?” sagot ni Krizha. “And I like you, GM. Hanga ako sa iyo sa lahat ng bagay. I want to keep you as a friend. So, naisip ko, why not? Hindi rin lang ako maa-attract sa kahit kaninong lalaki, bakit hindi kita pagbigyan? Ang alam ko nga kasi, okay lang sa mga lalaki kahit frigid ang babae. Enjoy pa rin kayo. I was willing to let you use my body. Wala naman sa akin iyon, e. I was willing to get into a relationship with you. At least, I can enjoy all the other parts of the relationship, except for the sex.”

        Nagpakailing-iling si GM.

        “Wow, ibang klase ka rin, ano?” sabi niya.

        “May tensiyon na sa pagitan natin, e,” paalalang muli ni Krizha. “Sooner or later, maapektuhan na ang pakikitungo natin sa isa’t isa. Ayokong mangyari iyon. Kaya ginawa ko ito.”

        “Okay, I think I understand now,” tango na rin ni GM. “Pero, Krizh, hindi ako ang tipo ng lalaki na puwedeng manggamit lang ng babae. No way. Hindi ako ganoon. If my partner doesn’t enjoy it, I can’t enjoy it either. Kailangang pareho kaming ready and willing at may mutual satisfaction. That’s the point of the whole thing, hindi ba?”

        “Well, hindi ko alam na may mga lalaking katulad mo,” sagot ni Krizha.

        Napakunot-noo ang binata.

        “I’m sorry kung napakasama ng naging karanasan mo sa ibang lalaki,” sabi niya.

        Nagkibit-balikat si Krizha.

        “Let’s not talk about that,” sagot nito.

        Kinuha ni GM ang isang kamay ng dalaga.

        “Krizh, I still want to be your friend,” pahayag niya. “I admit, talagang attracted ako sa iyo noon. Sino ba namang lalaki ang hindi? Everytime I saw you, I got turned on. Pero sa nangyaring ito, biglang nagbago iyon. Siguro, natauhan din ang ego ko. Hindi pala lahat ng babae, kaya kong i-seduce. So now, puwede na tayong maging tunay na magkaibigan. Wala nang tensiyon. Now I can look at you and not get turned on.”

        Natawa si Krizha.

        “That’s a relief,” sagot nito.

        “Ikaw naman kasi, e,” sabi ni GM. “Parang nananadya ka naman kasi. Kung manamit ka, parang gusto mong i-seduce ang lahat ng lalaki sa mundo.”

        Biglang nag-iba ang mukha ng dalaga. Tumigas ang ekspresyon nito.

        “Maybe that’s true,” sagot ni Krizha. “Maybe I want them to suffer. Maghangad sila sa hindi nila kailanman makakamtan. Kasi, hindi ba, ganoon naman ang tingin ng karamihan sa mga lalaki sa aming mga babae? Sex objects. So I’m giving them what they think they want. But the big joke is that I’m frigid. No man can satisfy me. Hindi ba malaking insulto iyon sa kalalakihan?”

        Sumeryoso si GM.

        “May problema ka ba, Krizh?” nag-aalalang tanong niya. “Is there anything I can do to help you? Sa tingin ko, malalim ang pinagmulan ng mga sinabi mong iyon, e.”

        “Don’t worry, matagal na iyon,” nakangiting sagot ng dalaga. “I can handle it. Siguro nga, masasabi nating itong ganitong attitude at ayos ko ang aking paraan para i-handle ang aking mga pinagdaanan. So I’m okay now.”

        “Huwag mo lang sanang lalahatin ang mga lalaki,” paalala ni GM. “Katulad ngayon. At least, napatunayan mong may mga lalaki ring katulad ko. And I want to be your friend.”

        “Siguro nga, deep inside, I was hoping na ganito ang mangyayari sa atin,” amin ni Krizha. “Siguro, may kutob na akong iba ka. Kaya nga ginusto kong mapalapit sa iyo, whatever the cost. Your friendship means so much to me. Lalung-lalo na ngayon.”

        Doon nabuo ang isang pagkakaibigang kakaiba sa lahat.

        “Ikaw lang ang nakakaalam sa kalagayan ko,” pagtatapat ni Krizha. “I’d like to keep it that way.”

        “Of course,” sagot ni GM. “I never talk about my women friends anyway.”

        “Pero iisipin ng karamihan na may namamagitan sa atin,” sabi ng dalaga. “Ako, wala akong pakialam. Pero baka masira ang diskarte mo sa ibang babae.”

        “Don’t worry about me,” sagot ni GM. “Dati nang kung anu-ano ang mga tsismis tungkol sa akin. Ganoon talaga kapag umaabot sa edad at posisyon ko na walang steady girlfriend. It’s either nababansagang babaero o bakla.”

        Tawanan sila.

        Magmula noon, kahit diretsahan silang tinatanong kung may ugnayan nga ba sila, idinadaan na lang nila sa tawa.

        “We have no commitment to each other,” isasagot nina GM at Krizha, “but we enjoy each other’s company... immensely.”

        Na siya namang totoo – hindi nga lang sa paraang iniisip ng mga malisyoso.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: HIYAS Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

HINDI halos makapaniwala si Hiyas. Narito na nga siya sa Pilipinas. At nag-iisa.

        Sa tanang buhay ng dalaga, ngayon lang siya nalayo nang ganito sa kanyang pamilya. Ang sarap pala ng pakiramdam ng malaya.

        Mahal na mahal ni Hiyas ang kanyang mga magulang at Ate Mutya. Alam din niyang mahal na mahal siya ng mga ito. Wala naman silang problema sa bagay na iyon.

        Pero ang isang disinuwebe anyos na dalaga, lalo pa’t nagdalaga sa Estados Unidos, ay talagang naghahanap ng kalayaan.

        Kalayaang hindi yata maunawaan nina Puri at Lando Deltierro – ang kanyang mga magulang.

        Oo nga’t nauunawaan siya ng kanyang Ate Mutya. Pero wala rin naman itong magawa. Katulad niya’y kinailangan din nitong sumunod sa mga patakaran ng mga magulang hanggang sa makapagtapos. Nang maganap na iyon ay ora-orada itong lumipad mula Chicago patungong New York. Doon ang pinili nitong pasukang trabaho at alam ni Hiyas ang pangunahing dahilan – para makalaya.

        Samantalang siya, katatapos pa lang sa high school. At kung tulad ni Mutya ay sa Chicago rin siya magkokolehiyo at apat na taong kurso ang kanyang pipiliin, ang ibig sabihin ay apat na taon pa rin siyang mapapasailalim sa mahigpit na mga patakaran ng kanyang mga magulang.

        Sino ba namang disinuwebe anyos na dalaga sa States ang hindi maaaring makipag-date nang walang chaperone sa hindi kakilala ng kanyang mga magulang? At kahit na kakilala na nina Puri at Lando ang binatang kanyang makakasama sa lakad, kung mag-usisa ang mga ito sa kanilang pupuntahan ay daig pa ang mga imbestigador. Pag-uwi naman niya ng bahay pagkatapos, ni hindi siya mahingian ng good night kiss ng kanyang ka-date dahil siguradong papahinto pa lang ang sasakyan sa harap ng tarangkahan nila ay bubukas na ang pinto ng bahay at bubulaga ang nakangiti niyang mga magulang.

        Punding-pundi na talaga si Hiyas.

        Ang laging idinadahilan sa kanya nina Puri at Lando ay Filipino customs. Iba raw ang pamantayan ng mga Pilipino sa buhay. Iyon ang kailangan nilang sundin.

        Pero hindi naniniwala si Hiyas na ganoon pa rin kakonserbatibo ang lahat ng mga Pilipino. Malaki na rin naman siya nang umalis sila ng Maynila. Nakapagtapos na siya noon ng grade six. At alam na niya noon ang nagaganap sa paligid. Makabago na ang Maynila. Kahit noon pa.

        Sobra lang talaga ang kanyang mga magulang.

        Dapat ay alam nilang hindi naman siya ang tipo ng babae na magwawala kapag hindi nirerendahan. Hindi naman niya balak na tumulad sa iba niyang kaklaseng Amerikana na kabi-kabila na ang mga boyfriend at kung anu-ano na ang pinaggagagawa. May mga kaibigan din naman siyang Amerikana na matitino at hindi ganoon.

        Gusto lang ni Hiyas ng kaunting kalayaan para ma-enjoy ang kanyang pagiging teenager.

        Suntok sa buwan nga ang ginawa niyang pagpapaalam para sa tour na ito.  Hindi niya akalaing papayagan siya.

        Huli na nang malaman niya kung bakit siya pinayagan. May kakabit palang kondisyon. May inaasahan palang chaperone ang kanyang mga magulang pagdating niya sa Manila. Si GM – iyong kapitbahay nila noon sa Greenhills.

        Inis na inis si Hiyas nang sabihin sa kanya ng Mommy niya ang tungkol kay GM.

        “Make sure to call him as soon as you get there. Call him right after you call us, okay?” mahigpit na bilin nito.

        Kay GM daw siya magpapaalam sa mga lakad niyang labas sa schedule ng tour group. Si GM daw ang bahala sa kanya.

        Pinayagan nga siyang maglakbay nang mag-isa pero hanggang eroplano lang pala ang kalayaang iyon. Pagdating pala sa dulo ay may nag-aabang na sa kanya na babysitter.

        Naaalala pa ni Hiyas ang GM na iyon.

        Kahit noong maliit na maliit pa siya, mga tatlong taong gulang siguro, binatilyo na ito at antipatiko na sa kanya.

        Naalala niyang pinagkakaguluhan na ng lahat ang kanyang kakyutan ay balewala pa rin siya sa supladong ito.

        Noong minsan ngang nakatuwaan niyang paglaruan ang basketball ni GM noong naroon sila sa bahay ng mga Milan, tinangka agad nitong bawiin sa kanya ang bola. Siyempre, umiyak siya. Siyempre rin, inawat ng kanyang Tita Marina at Tito Gerry ang anak at pinagsabihang pagbigyan muna siya. Sumunod naman ang binatilyo. Pero habang ibinabalik nito sa kanya ang bola ay pinandilatan siya nito at pinagsabihan ng “You’re a spoiled brat!”

        Magmula noon ay naging ilag na siya kay GM kahit gaano man siya kalapit sa kanyang Tita Marina, Tito Gerry at Ate Gina.

        Hindi naman mahirap iwasan ang binata. Bihira itong sumasama sa pamilya Milan kapag pumupunta ang mga ito sa kanila. Kapag sila naman ang nasa bahay ng mga Milan, madalas ay wala ito roon.

        Noong umalis sila ng Pilipinas, tanda niya ay may sarili nang kompanya si GM. Kaya ang impresyon niya ay matanda na talaga ito. Labing-isang taon ba naman ang itinanda sa kanya.

        Pero hanggang ngayon daw ay binata pa rin ito kahit treinta anyos na. Aba, matandang binata na pala. Naku, pihadong lalong naging masungit. Baka mas grabe pa ang pagkakonserbatibo kaysa sa Mommy at Daddy niya.

        Pikon na pikon talaga si Hiyas sa sitwasyon.

        Pagdating na pagdating nga ng grupo nila sa hostel sa UP campus, may inianunsiyo agad ang receptionist.

        “Message for Miss Deltierro.”

        Tumawag daw ang isang Mr. George Milan. Nagpapa-return call. Iniwan ang numero ng telepono.

        Napaismid si Hiyas. Para namang hindi nito alam na ibinigay na sa kanya ng Mommy niya ang lahat ng  mga numero ng mga telepono nito – sa bahay, sa opisina, sa cellphone. Alam din niya ang kumpletong address ng tinitirhan nito.

        Pero wala siyang balak na tawagan ang lalaking iyon.

        Ang hindi niya puwedeng iwasang tawagan ay ang mga magulang niya. Kabilin-bilinan ng mga ito na tumawag siya pagdating na pagdating niya sa hostel. Kailangang malaman ng mga ito na nakarating siya roon nang maluwalhati.

        Pagkatapos maiayos ang kanyang mga gamit sa kuwarto ay nagbihis lang si Hiyas bago bumaba para tumawag nang long distance.

        “Hi, Mom. I’m here. Safe and sound,” sabi niya sa telepono.

        Maraming itinatanong si Puri. Inalam ang tungkol sa biyahe. Inalam ang klase ng dinatnan niyang tirahan.

        “Everything’s okay, Mom,” sagot ng dalaga.

        “Call GM,” pinakahuling bilin ni Puri.

        Hindi pala talaga niya malulusutan iyon.

        Nakasimangot si Hiyas habang idina-dial ang pager ng binata. Pager ang tinatawagan niya dahil ayaw pa rin niya itong kausapin. Mag-iiwan lang siya ng mensahe.

        “Message from Hiyas Deltierro. I have arrived safely. However, I have a horrible case of jet lag. I think I’ll sleep it off for the next twelve hours. Thank you.”

        Nakangiti na siya pagkatapos. Alam niyang hindi siya tatawagan ni GM habang siya’y natutulog.

        “Hey, Hiyas,” tawag ng isang kasama niya sa grupo. “Wanna come with us? We’re gonna check out the nearest Subway and Baskin Robbins outlet at Katipunan.”

        “Count me in!” masiglang sagot ng dalaga bago patakbong sumunod sa grupo.

 

NASA opisina si GM nang matanggap niya ang mensahe sa kanyang pager.

        Dumating na pala ang batang iyon, sabi niya sa sarili. Mabuti naman at hindi pa pala niya kailangang puntahan o kausapin man lamang. Bukas na niya ito kukumustahin. Nakalibre siya nang isang araw. Nakahinga siya nang maluwag.

        Pero kinagabihan, tumawag uli sa kanya si Marina.

        “Nariyan na raw si Hiyas. Nagkita na ba kayo?”

        “Hindi pa, ‘Ma,” kampanteng sagot niya. “Grabe raw ang jet lag no’ng bata kaya matutulog muna for the next twelve hours.”

        “Mabuti naman at nagkausap na kayo kahit sa telepono man lang muna,” sabi ni Marina.

        Hindi na itinama ni GM ang impresyon nito.

        Gayunpaman, nakonsensiya rin siya. Ipinangako niya sa sarili na kinabukasan ay talagang tatawagan uli si Hiyas.

 

NAPAGKASUNDUAN nina Hiyas at Puri na para makatipid ay sa e-mail na lang regular na magpapadala ng mensahe ang dalaga, na sabay na maipapadala kina Puri sa Chicago at kay Mutya sa New York.

        Nalaman nila mula sa mga organizers ng tour na marami na ring mga internet cafe sa Maynila na kung saan maaari siyang makapagpadala ng e-mail sa mga magulang at kapatid. Maaari rin siyang kumuha roon ng sariling mailbox para tumanggap naman ng e-mail mula kina Puri at Mutya. Mayroon nga raw mga ganoong establisimyento na malapit lang sa UP Campus.

        Kaya naman pagkatapos nilang mag-city tour sa unang araw na iyon ay niyaya ni Hiyas ang ilang kasamahan sa pinakamalapit na internet cafe doon uli sa Katipunan. Agad namang sumama ang kanyang mga kagrupo na gusto ring mag-e-mail sa kanilang mga pamilya at kaibigan sa States.

        Sa kanyang mensahe, ikinuwento ni Hiyas sa mga magulang at kapatid ang mga naganap sa araw na iyon.

        “I think our facilitator wanted to give us culture shock. Sinadya nila na ang unang pagdalhan sa amin ay isang urban poor community. Of course na-shock ang mga kasama ko. Ako lang yata ang hindi. Paano, alam ko na iyon. Dati na akong na-expose sa ganoon. Mabuti na lang pala, pinayagan ninyo ako noong mag-outreach program kami sa ganoong depressed community noong grade six pa ako rito. Nakakapanibago nga lang uli ngayon, lalo na after all those years in the States na wala akong nakikitang ganoong klase ng kahirapan.

        “Iba pa rin pala talaga ang level of poverty dito kaysa diyan. Iyong tinatawag na poor sa States ay maaari pa ring tawaging middle class kung ikukumpara rito. Dito, kapag sinabing pinakamahirap, talagang sagad-sagarang walang-wala. Halos nakapagtataka kung paano sila nakaka-survive. Naaawa ako sa kanila pero humahanga rin. Hindi ko kaya ang ginagawa nilang struggle for survival.

        “Pagkatapos, pinag-lunch kami sa sidewalk. You can just imagine the group’s reaction to barbecued chicken heads, chicken feet, etcetera. We survived on regular pork barbecue, though. But right after we came back to the hostel, everyone rushed to the cafeteria for some more food. Ginutom kami. And right now. I’m munching on a burger.

        “Mom, Dad, thank you so much for allowing me to experience all these again. Unang araw pa lang, ang dami ko nang nakuha sa trip na ito. And there’s so much more to come.

        “By the way, I got in touch with GM last night.”

        Tinapos ni Hiyas ang mensahe nang hindi nililinaw kung paano niyang kinontak si GM. Sinadya niya iyon. Sigurado kasing mapapagalitan siya ni Puri kapag nalamang iniwasan niyang makausap ang binata.

        Wala pa rin naman siyang balak na kausapin si GM. Sa katunayan, nag-iwan pa siya ng instruksiyon sa reception desk ng hostel na anumang tawag para sa kanya ay hindi niya tatanggapin. Kahit naroon siya ay ipinasasabi niyang nasa meeting siya o nasa labas. Mag-iwan na lang ng mensahe ang tumatawag.

        Hindi na siya nagtaka nang may madatnan uling mensahe pagbalik sa hostel. Tumawag na naman daw si GM.

        “Welcome back to Manila. I hope you’re over the jet lag now. Please call me anytime if you need anything.”

        Nagkibit-balikat lang ang dalaga. Wala naman siyang kailangan kay GM kaya hindi na niya ito kailangan pang tawagan.

 

DALAWANG buwan ang exposure and immersion trip ni Hiyas sa Pilipinas. At bawat araw na nagdaraan ay punung-puno ng iba’t ibang makukulay na mga karanasan para sa dalaga.

        Lahat ng bahagi ng kulturang Pilipino ay ipinatikim sa grupo nila. At kahit hindi siya katulad ng mga kagrupo na pawang mga Pilipinong ipinanganak at lumaki sa Estados Unidos, nanibago pa rin siya sa maraming bagay. Iba pa rin pala kapag malayo sa sariling bayan nang matagal na panahon. Iba na ang paningin niya ngayon sa mga bagay-bagay kung ikukumpara sa naging paningin niya noong siya’y batambata pa.

        Pagkatapos silang dalhin sa depressed area, dinala naman sila sa mga pinakamalalaking shopping mall sa Ortigas Center at sa mga five star hotels sa Makati. Hindi mahuhuli ang mga lugar na iyon sa mga mall at hotel sa Estados Unidos. Lalo lang tuloy tumingkad para sa kanila kung gaano kamiserable ang buhay ng mga pinakamahihirap na mamamayan sa lunsod.

        Dinala sila sa mga disco at music lounge. Pinapanood ng mga pelikulang Pilipino – may drama, may action at may comedy. Pinaupo sa gallery ng isang noontime show at isang panggabing public affairs talk show sa telebisyon. Pinapanood ng PBA game sa Cuneta Astrodome.

        Namalengke sila sa Divisoria. Nag-shopping sa Tutuban. Namili ng souvenirs sa ilalim ng tulay ng Quiapo. Nagsimba sa Baclaran.

        Nakipagkumperensiya sila sa mga estudyanteng mula sa mga eksklusibong  paaralan. Sumunod ay mga estudyanteng mula sa mga public school naman ang nakahalubilo nila.

        Dinala sila sa Batasang Pambansa para mag-obserba sa isang sesyon ng kongreso at sa Old  Congress Building para mag-obserba sa isang sesyon ng senado.

        Nag-beach sila sa Batangas. Natulala sa mga obra ng mga pintor at eskultor sa Angono. Nagpista sa masasarap na sariwang lamang-dagat sa paligid ng Laguna de Bay.

        Nagitla sila sa epekto ng lahar sa Pampanga at Zambales. Humanga sa mga hinabing tela at basket sa Baguio. Nalula sa kagandahan ng mga rice terraces sa Banaue.

        “Mga pasilip lang ang mga ito,” sabi ng kanilang mga facilitator. “Kulang ang dalawang buwan para madama ninyo nang ganap ang pagiging Pilipino. Sana, ang mga karanasang ito ay magsilbing pampagana para gustuhin ninyong bumalik at manatili rito nang mas matagal.”

        Nag-e-enjoy si Hiyas. Kakatwang kung kailan pa siya isa nang balikbayan ay saka pa niya naranasan ang lahat ng ito. Noong dito pa sila nakatira ay Greenhills at Makati lang ang iniikutan niya. At dahil bata pa nga siya noon, limitado ang mga lugar na pinagdadalhan sa kanya ng mga magulang.

        Ngayon, sa kabila ng ilang nakapanlulumong katotohanang kanyang nakita, lalong napamahal sa kanya ang sariling bayan. Dito pala niya matatagpuan ang isang bagay na hinahanap-hanap niya sa Estados Unidos – ang pakiramdam na siya ay tunay na kaisa at bahagi ng lipunan.

        Pero may isang bagay na hindi niya natagpuan. Akala kasi niya, sa trip na ito ay may makikilala na siyang lalaking makakapagpatibok sa kanyang puso. Kahit man lang sana para sa isang maikling summer romance.

        Sa pagdadalaga kasi ni Hiyas sa Estados Unidos, wala pa siyang naging boyfriend. Wala pa siyang nakilalang lalaki na talagang gustung-gusto niya.

        Oo nga’t nagkaroon na siya ng crush – pero hanggang doon lang. Kapag nakikilala na niya nang mas mabuti ang mga ito ay napapatunayan niya palagi na hindi naman niya gustong maging boyfriend ang sinuman sa kanyang mga crush.

        Naisip tuloy niya na baka ang hinahanap pa rin niya ay Pilipino.

        May mga kaibigan din naman siyang Pilipino sa States. Pero Amerikanung-amerikano na rin ang mga ito. Tulad na lang ng mga kasama niya ngayon sa grupo. Parang wala nang bago.

        Nagbabakasakali siyang sa Maynila makatagpo ng lalaking  kanyang magugustuhan. Iyong Pilipinong laking-Pilipinas. Baka iyon ang kanyang hinahanap.

        Bakasakaling magka-boyfriend na rin siya. Lalo pa’t wala ang kanyang mga bantay.

        Pero nabigo si Hiyas. Kahi marami siyang nakilalang mga lalaki sa trip, at marami rin sa mga ito ang nagpakita ng interes sa kanya, wala pa rin siyang natipuhan.

        Marami naman sa kanila ang mga guwapo. Mababait. Masasayang kasama. Matatalinong kausap. Pero hindi pa rin naging sapat iyon para maakit siya nang husto.

        Iba kasi ang pamantayan ni Hiyas sa sarili para siya magka-boyfriend. Palibahasa’y ipinagbabawal pa ito sa kanya ng mga magulang, kailangang talagang in-love na in love siya sa lalaki para niya magawang suwayin ang pagbabawal na iyon.

        Sa isang banda ay pabor sa kanya na hindi pa niya nadarama ang pangangailangang suwayin ang kanyang Mommy at Daddy. Kahit paano’y nakakatakot din naman para sa kanya ang gawin ang bagay na hindi niya nakasanayang gawin sa kanyang paglaki.

        Sa kabilang banda’y inip na inip siyang makaranas ng kung paano ang ma-in love at magka-boyfriend. Ayon sa kanyang mga nababasa at naririnig sa mga kaibigan, wala nang mas sasarap pa sa karanasang iyon.

        Ang nakakainis lang, matatapos yata ang dalawang buwan niyang tour nang walang nangyayaring ganoon kay Hiyas.

        Hindi niya akalaing magbabago ang lahat sa unang pagkikita nila ni GM.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)