Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Krizha Chapter 6

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 6

 

LUNES ng umaga kaya’t awtomatikong nagising si Krizha pagpatak ng alas-singko.

        Agad na nagbalik sa kanya ang lahat ng naganap nang nakaraang araw. Parang mahirap paniwalaan na ganoon karami ang nangyari sa loob lang ng beinte kuwatro oras.

        Pero hindi panaginip ang lahat. Nakikita niyang nakapatong sa kanyang bedside table ang mga computer printout na bigay ni Gabriel. At damang-dama pa niya ang kasiyahang nagmula sa kanyang meditasyon.

        Ganoon nga lang ba kadaling naangat mula sa kanyang mga balikat ang mabigat na pasanin ng kanyang nakaraan?

        Sinubok niyang isipin ang kanyang tunay na ama. Isa itong estrangherong walang mukha. Walang pangalan.

        Hinihintay niyang magbangong muli sa kanyang dibdib ang dating poot. Pero wala na nga.

        Sinubok naman niyang isipin ang kanyang ina. Ang alam lang niya ay ang pangalan nito – Lilay. Marahil ay kahawig niya. Pero magkaibang-magkaiba sila.

        Wala na siyang madama ngayon para sa babae kundi habag. Batambata pa nga ito nang mapahamak. Wala pang gaanong pinag-aralan. Wala pang nakamtang katarungan.

        Malay nga ba niya? Baka ang kinalakhan nitong pamilya ay hindi marunong magturo o magbigay ng pagmamahal. Baka hindi natuto ang kanyang ina kung paanong magmahal. Kaya ganoon na lang ang ginawa sa kanya.

        Malamang ay hindi na nga nakaahon sa kahirapan ang kanyang ina. Malamang ay mas kalunus-lunos  pa ang sinuong nitong buhay kung ikukumpara sa kanya.

        Sino nga ba sa kanila ang mas kaawa-awa?

        Ang kanya namang Tita Diding. Alam naman niyang ang lahat ng ginawa nito’y bunga ng malalim na takot na mawala si Bert. Alipin nga ito ng isang obsesyon. Nakalaya kaya ito o patuloy na nagtiis sa ganoong situwasyon? Paano ngayong matanda na ang kanyang Tita Diding? Hindi na kasingganda o kasingseksi ng dati. Hindi kaya ito iniwan din ni Bert?

        Kawawa naman.

        Maging ang lalaking tinatawag niya noong Tito Bert. Ang naging dahilan ng mga pagpapahirap sa kanya ni Diding. Kung susuriin niya ngayo’y napaka-pathetic rin nito. Isang lalaking walang paninindigan. Mahina. Nagmamahal daw sa asawa’t mga anak pero alipin din ng pagkarahuyo sa laman. Nabubuhay nang walang dignidad.

        Bakit ba nga ba siya magpapaapekto sa buhay ng apat na mga taong ito? Bakit niya ikakabit sa kanilang mga kahinaan ang kanyang kinabukasan?

        Naging mabait na nga sa kanya ang tadhana. Binigyan siya ng mga pagkakataon para maiangat niya ang kanyang sarili. At heto na siya ngayon. Napakaraming dapat na ipagpasalamat.

        Mabuti na lang at binigyan din siya ng pagkakataon para makilala nang personal ang Diyos – bago naging huli ang lahat.

        May biglang naisip si Krizha. Ito na nga ba ang tinatawag na “blessing in disguise”? Ang kanyang pagkakasakit na hindi naman magamot ng tradisyunal na medisina. Ang kanyang paghahanap ng lunas na siyang nagdala sa kanya kay Gabriel. Sinadya ba ng tadhana na makatagpo niya si Gabriel?

        Napapailing na bumangon na ang dalaga. Marami pa siyang kailangang malinawan tungkol sa papel ni Gabriel Celestial sa kanyang mundo. Samantala, tuloy pa rin ang takbo ng kanyang buhay. Kailangan na niyang maghanda para pumasok sa trabaho.

        Tumuloy siya sa banyo. Mas masigla kaysa sa dati ang kanyang kilos.

        Pero nagkaproblema si Krizha nang pumipili na siya ng isusuot.

        Biglang-bigla, ayaw na niya sa mga damit niyang sobrang ikli, sobra ang taas ng slit o sobra ang lalim ng neckline. Parang ngayon lang niya nakita ang kanyang sarili sa ganoong mga kasuotan. At hindi niya gusto ang kanyang nakikita.

        Isa-isa niyang iniitsa sa kama ang mga damit niyang ganoon. Ang natira ay iyong mga pupuwede pang gawan ng paraan. Kung tube ang estilo o mababa lang ang ukab sa likod, puwede pang patungan ng blazer. Yung mga paldang sobra ang ikli, puwedeng palitan ng slacks. Iyon namang mga simpleng spaghetti straps lang, puwede pa ring isuot nang ganoon lang.

        Nagpasya si Krizha. Mamayang hapon pagkagaling sa opisina ay kailangan niyang mag-shopping para sa mga bagong damit. Iyong mga sexy pa rin, siyempre. Hindi naman niya binabalak na magmukhang lelang. Pero ayaw na rin niya sa mga damit na OA.

        Ang kinuha nga niya para isuot sa araw na iyon ay isang blusang may spaghetti straps at malambot na slacks – parehong abuhin.

        Ngayon lang niya pagpaparisin ang blusa’t pantalong iyon. Dati-rati, isinusuot niya ng blusang iyon na katerno ang pagkaikli-ikling palda na may slit na halos hanggang balakang sa isang gilid. Ang pantalon naman ay tineternuhan lang niya ng pang-itaas ng bandeau – parang tube na iisang dangkal lang ang lapad.

        Binistahan ni Krizha ang kanyang sarili sa salamin. Mas gusto niya ang nakikita niya ngayon. Hindi na siya mukhang isang naglalakad na probokasyon sa mga kalalakihan.

 

BIYERNES na nang makarinig ang dalaga ng reaksiyon mula sa mga kasamahan sa trabaho.

        Kasalo niyang nanananghalian ang boss niyang si GM at ang misis nitong si Hiyas.

        “Krizh, you look different,” sabi ni Hiyas.

        Nakangiti siya.

        “More covered up?” tanong niya.

        “Well... oo,” tango ni Hiyas. “Pero hindi lang iyon. Glowing ka rin. At saka iba ang kilos mo. Mas relaxed.”

        “Napansin ko rin iyan,” sang-ayon ni GM. “Ilang araw na.
        “I’m glad it shows,” sabi ni Krizha. “Mas relaxed naman talaga ako these days. Mas masaya. Nagsimula lang ito nang matuto akong mag-meditate.”

        “Talaga?” namimilog ang mga matang sabi ni Hiyas. “Kami rin ni GM, ginagawa namin ‘yan. It’s a major part of our life.”

        At doon nagsimula ang diskusyong umabot na nang buong maghapon. Hindi naman kasi niya akalain na matagal na palang may hilig ang mag-asawa sa iba’t ibang paksa na kaugnay ng meditasyon.

        Ang ipinagtataka ni Krizha ay kung bakit parang ayaw pa niyang ikuwento sa mga kaibigan ang tungkol kay Gabriel. Sinabi lang niya na may pinuntahan siyang reflexologist na siyang nagturo sa kanya ng meditasyon.

        Hindi rin maintindihan ng dalaga kung bakit siya naglilihim. Para bang hangga’t hindi pa niya nalilinawan sa kanyang sarili ang lahat ng tungkol kay Gabriel ay hindi pa niya ito kayang ibahagi kahit kanino. Gusto na muna niyang sarilinin.

 

PERO hindi siya makapagkaila kay Manang Susan.

        Sa unang pagkakita pa lang nito sa kanya Sabado ng umaga ay nagpahayag agad ang matrona.

        “Nagpunta ka na kay Gabriel, ano?”

        “Noong Sunday,” amin niya.

        “Kaya lumiwanag na ang aura mo,” tango ni Susan. “Mabuti naman at nagawa mo ang ipinagagawa niya. Maraming hindi nagiging successful sa ganyan, e.”

        “Na-challenge nga yata ako,” sagot ni Krizha. “Sinubukan ko lang. Hindi ko nga akalain na matatapos ko. Hindi ko akalain na ganoon ang mararanasan ko.”

        “Bumalik ka kay Gabriel,” payo ng matrona.

        “Kailangan pa ba?” tanong niya. “Hindi na ako nagka-headache nang buong linggo.”

        “Hindi pa ganap ang paggaling mo,” sagot ni Susan. “Huwag kang magugulat kung bigla ka uling may maramdamang hindi maganda. Nasa proseso ka pa. Simula pa lang ‘yan.”

 

PINUNTAHAN nga niya uli si Gabriel kinabukasan.

        Noong una’y nag-aatubili pa si Krizha. Natatakot siya sa nadarama niyang atraksiyon sa binata. Pero naalala niyang hindi naman ito nagpahiwatig ng kahit kaunting interes sa kanya. Balewala sa binata ang kanyang pagkababae. Kung gayo’y wala siyang dapat ikabahala.

        Rerendahan na lamang niya ang kanyang sarili. Siguro nama’y may sapat siyang disiplina para hindi maipahalata ang kanyang damdamin.

        Ang isinuot niya’y mula na sa bagong bili niyang mga damit. Isang bulaklaking bestida na sleeveless at may scooped neckline, diretso lang ang tabas at hanggang bukung-bukong niya ang haba. Palibhasa’y malambot ang tela,  sumusunod pa rin sa hubog ng kanyang katawan ang bagsak ng damit kahit hindi ito masikip.

        Pagtigil pa lang ng kotse niya sa tapat ng tarangkahan ni Gabriel ay lumabas na agad ng bahay ang binata. Sinalubong siya nito at pinagbuksan ng gate.

        “I did it!” masayang bungad ni Krizha. “Nagawa ko ang ipinagagawa mo. Successful!”

        “I can see that,” nakangiti ring sagot ni Gabriel.

        “Lumiwanag na nga raw ang aura ko, sabi ni Manang Susan,” pagbabalita niya.

        “Totoo,” sang-ayon ng binata. “You’re positively glowing.”

        “I feel great,” tango niya. “Magaan na ang loob ko. Tama ka.”

        Pagkatapos, napansin niyang nakatayo lang silang dalawa sa tabi ng tarangkahan.

        “Hindi mo ba ako papapasukin?” pabirong tanong niya kay Gabriel.

        Namula ang binata.

        “A... oo nga pala... halika, tuloy ka,” sabi nito.

        Sabay uli silang pumasok ng bahay.

        “Matindi pala talaga ang self-examination na iyon,” sabi ni Krizha.  “Wala akong malusutang katanungan.”

        “Alam ko,” sagot ni Gabriel. “Maupo ka, Krizha. There’s something you need to know.”

        Sumunod siya.

        Naupo ang binata sa harap niya.

        “Nakahiga na ako last Sunday night,” pagkukuwento ni Gabriel, “nang maramdaman kong tinatawag mo ako.”

        Napamulagat si Krizha.

        “I went into meditation,” pagpapatuloy ni Gabriel. “Itinanong ko kung ano ang kailangan mo sa akin. Napunta ako sa kinaroroonan mo. I was there with you – sa beach.”

        “T-talagang ikaw ‘yon?” manghang sabi ng dalaga.

        Tumango si Gabriel.

        “Ano ang suot mo noon?” parang panghahamon pa ni Krizha.

        “Naka-pajama,” sagot ni Gabriel. “White with blue stripes.”

        “I-Ikaw nga iyon,” bulalas ng dalaga.

        Pagkatapos, naisip niya, mabuti na lang pala’t ang laging suot niyang pantulog ay higanteng t-shirt na lampas tuhod. Paano kung nagkataong siya iyong tipo ng babae na natutulog nang walang saplot? Kung si Gabriel ay nakita niya sa suot nitong pajama, kamuntik na rin pala siya nitong makita sa kahiyahiyang kalagayan.

        “I don’t usually do that,” paliwanag ng binata. “Hindi ako pumapasok sa consciousness ng iba. Invasion of privacy ‘yon, e. Kaya nga humihingi ako ng paumanhin sa iyo. I’m so sorry. Hindi ko lang talaga alam kung paanong nangyari iyon. I’m usually very strong. Hindi ako nahahatak nang ganon lang. Pero that night, para akong hinigop. Nagisnan ko na lang ang sarili ko na naroon na sa tabi mo.”

        “Akala ko pa naman, imagination ko lang iyon,” sabi ni Krizha.

        “Galit ka?” puno ng pag-aalalang tanong ni Gabriel.

        “Of course not,” mabilis na sagot ng dalaga. “Ang laki nga ng naitulong mo sa akin, e. Pati ‘yung sinasabi mong pagtawag ko sa Itaas.”

        “You were able to connect?” tanong ni Gabriel. “Hindi ko inabot ‘yon. Nag-suggest lang ako sa iyo pagdating natin sa seventh chakra. Nakita ko kasi na hirap na hirap ka na. Alam kong walang ibang makakatulong sa iyo kung hindi Siya. And then I was sent back to myself. Nagising na ako dito sa kama ko. Siguro nga para mag-takeover na Siya sa meditation mo. Sinalo ka Niya.”

        “Desperado lang talaga ako kaya ako tumawag sa Kanya,” amin ni Krizha. “Biruin mong sinagot Niya ako? Parang iniisip ko tuloy na hindi naman ako deserving.”

        “Lahat ng nilalang Niya ay deserving,” sagot ni Gabriel.

        May biglang naisip si Krizha.

        “Tuwing magme-meditate ba ako, sasamahan mo ako?” tanong niya.

        Namula na naman ang binata.

        “Huwag mo na kasi akong tatawagin,” sagot nito. “Hindi ko naman sinasadya iyon. Hindi ko alam kung paanong nangyari. Masyado yatang malakas ang tawag mo.”

        “Sorry,” sabi ni Krizha. “Naistorbo kita.”

        “Hindi iyon, e,” mabilis na paliwanag ni Gabriel. “Of course, I’d be happy to be with you... ahm...  to help you. A-ayoko lang na manghimasok sa privacy mo. Katulad noong time na iyon. Hindi mo naman alam na literal na dumating ako dahil sa tawag mo. Akala mo, ini-imagine mo lang ako.”

        “Next time, alam ko na,” sagot niya. “Mag-iingat na rin ako sa pag-iisip man lang sa pangalan mo.”
        “But anytime you really need me – kung gusto mo akong tawagin – darating ako, willingly,” pahayag ng binata. “Ang gusto ko lang, ‘yong malinaw sa iyo ang nangyayari.”

        “Nahihirapan ka ba kapag ganoon?” tanong ni Krizha. “Nakaka-drain ba sa energy mo?”

        “Hindi naman,” iling ni Gabriel. “Actually, parang energized pa nga ako noong magising ako, e. Iyon nga lang, nag-worry talaga ako sa iyo. Hirap ka pa kasi noong iniwan kita. Hindi ko alam kung kokonekta ka nga ba sa Kanya. Kung mareresolba mo ba ang lahat ng napag-usapan natin. Kung babalik ka pa ba rito.”

        “Hindi mo ba puwedeng malaman iyon sa pamamagitan ng isip mo?” tanong ni Krizha.

        “Hindi ko ginagawang mag-scan ng reyalidad ng ibang tao kung walang pahintulot,” sagot ni Gabriel. “Katulad ng karaniwang tao, naghihintay ako sa normal na paraan. Buong linggo kitang hinintay.”

        Natuwa naman si Krizha.

        “Sana tinawagan mo na lang ako,” sabi niya.

        “Hindi ka nag-iwan ng phone number or address,” sagot ng binata.

        “Hindi nga pala, ano?” naalala niya. “Hindi mo naman kasi hiningi.”

        “Naghintay lang ako kung ibibigay mo nang kusa,” paliwanag ni Gabriel. “Baka naman kasi hindi mo gustong ipaalam.”

        “Sus naman,” sagot niya.

        Humugot siya ng calling card mula sa kanyang bag.

        “Heto, o. Paano, di hindi ko rin puwedeng hingin ang phone number mo rito? Baka ayaw mong ipaalam.” Nanunukso ang ngiti ni Krizha.

        Natawa na rin si Gabriel.

        “Of course ipapaalam ko sa iyo,” sagot nito. “Akala ko lang, hindi mo gustong malaman.”

        Nagkatawanan sila.

        Naglabas si Krizha ng electronic diary. Sinabi sa kanya ng binata ang numero ng telepono nito’t inilagak niya roon.

        “Ikaw pa lang ang nakilala kong lalaki na ganito kasensitibo at kaingat sa privacy at kagustuhan ng kapwa,” pansin ng dalaga.

        “Kailangang maging maingat ako,” sagot ni Gabriel. “Masyadong matalas ang aking pandama. Nakikita ko at nalalaman ang higit pa sa nakikita at nalalaman ng karamihan. Ayokong makapanghimasok. Ayokong sumobra sa nararapat.”

        Nagtama ang kanilang paningin.

        Sabay rin silang mabilis na nagbawi.

        Pakiramdam ni Krizha, masyadong naipahayag ng kanyang mga mata ang kanyang mga nadarama. Sana naman ay hindi ganoon kabilis makapagbasa ng damdamin si Gabriel.

        “What next?” tanong niya. “I... mean... ano pa ang kailangan kong gawin aside from regular meditation? Ang sabi ni Manang Susan, kailangan ko pang bumalik sa iyo. Nagsisimula pa lang daw ako.”

        “Siguro... siguro huwag ka nang pumunta rito sa araw ng Linggo,” sagot ni Gabriel.

        “H-ha?” gulat na sabi ni Krizha.

        “Sabado ka na lang pumunta,” mabilis na dugtong ng binata. “Kuwan kasi... Monday to Saturday pumupunta rito ang mga nag-aaral. Iyong mga tulad ni Manang Susan. May mga schedule sila. Itinataon ko kapag wala akong klase sa UP. Pero alam kong may trabaho ka ng Monday to Friday. Kaya Saturday afternoon ka na lang pumunta rito.”

        “Naku, rest day mo nga pala itong Sunday,” sabi ni Krizha. “Sorry, ha? Dalawang Sunday na pala kitang naaabala.”

        “Hindi naman,” iling ni Gabriel. “Mabuti nga iyong sa unang pagpunta mo, nakapag-one-on-one na tayo. Mas nakapagpaliwanag ako sa iyo. Iniisip ko lang na baka mas makatulong sa iyo sa susunod kung may makaka-interact ka na ring iba.”

        Namumula na naman ang binata.

        “Okey lang,” tango ni Krizha. “Sige. No problem. Kung iyon ba ang mas makabubuti, e.”

        Tumayo siya.

        “Babalik na lang ako sa Sabado,” sabi niya.

        “Wait,” agap ni Gabriel.

        Hinawakan nito ang kamay niya.

        At kapwa sila nabigla. Para kasing sabay silang nakoryente sa pagkakadaiti ng kanilang mga balat.

        Binitiwan siya ni Gabriel.

        “M-may ibibigay ako sa iyo,” parang natatarantang sabi nito.

        At agad na tumalikod. Lumabas ng silid.

        Huminga nang malalim si Krizha. Hinipo niya ang kamay niyang hinawakan ng binata.

        Ano iyong nararamdaman niya?

        Pagbalik ni Gabriel, may dala na itong ilang libro.

        “Baka gusto mong basahin,” sabi ng binata. “Tungkol ito sa mga nagaganap sa iyo. Tungkol sa mga kakayahan ng ating consciousness. Para hindi mo katakutan ang mga nararanasan mo.”

        Tinanggap ni Krizha ang mga libro.

        “Sige, pahiram,” sabi niya. “Tutuloy na ako. See you next Saturday.”

        “I’ll be expecting you,” sagot ni Gabriel.

        Ang ipinagtataka ni Krizha ay kung bakit parang may lungkot at panghihinayang sa mga mata ng binata nang ihatid siya nito sa tarangkahan.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento