Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Marso 30, 2023

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 1

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine 


ABAKADA NG PAG-IBIG: FRANCESCA 

by Maia Jose

 


Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 1998 

ISBN: 971-502-888-8 

TEASER:

        Nag-artista si Francesca at na-in love sa ka-loveteam na si Bobby Bauzon. Mabait ito at maasikaso pero hindi naman siya niligawan. Lumabas pa sa showbiz magazines na may itinatago raw itong girlfriend na kolehiyala.

Madali para kay Francesca ang humarap sa camera dahil totoo ang damdaming kanyang ipinapakita. Pero naging napakasakit para sa kanya ang isiping umaarte lang si Bobby sa tuwing sinasabi sa bawat eksena na minamahal siya.

CHAPTER 1

IKAWALO pa lamang ng umaga at kabubukas lang ni Francesca ng kanilang real estate booth sa bukana ng Emerald View Resort sa Cebu.

        Napabuntonghininga ang dalaga.

        “Isa na namang nakakabagot na araw,” bulong niya sa sarili.

        Palibhasa’y tapos na ang tag-init ay halos wala nang dumadayo sa naturang resort. At lalong wala nang nagagawi sa maliit na booth ng Golden Vista Real Estate Company.

        Kung ilang ulit na ngang kinukumbinse ni Francesca ang Lolo Frank niya na isara na muna ang booth nila sa Emerald. O kaya’y palitan man lang siya ng ibang ahente sa pagbabantay roon.

        Pero hindi pumayag ang matanda.

        Hindi na siya nadala. Kailan ba naman siya nanalo sa diskusyon sa lolo’t lola niya? O maging sa mommy niya?

        Lagi namang ganoon. Sunud-sunuran siya sa kagustuhan ng kanyang pamilya. Sila raw ang higit na nakakaalam sa ikabubuti niya.

        Lolo niya ang pumili ng kurso niyang Business Management. Pagka-graduate naman niya noong isang taon ay agad siyang itinalaga nito sa sariling real estate company. Walang  kahit anong posibilidad na magtrabaho siya sa ibang larangan o kompanya.

        Muli, may kumirot sa puso ni Francesca sa alaalang iyon. Pero pilit niyang ibinaon uli ang nagising na emosyon. Natuto na siyang huwag pagbigyan ang sarili na mag-self pity. Wala rin namang mangyayari. Magiging miserable lang ang araw niya.

        Konsolasyon na niyang kumportable naman ang maliit niyang booth. Hindi iyon katulad ng ibang mga di-permanenteng istruktura na kadalasang itinatayo ng mga real estate agencies sa tabi ng daan.

        Palibhasa’y opisyal na marketing arm ng Emerald View Resort ang Golden Vista Real Estate Company, binigyan sila ng maliit na puwesto sa mismong bukana ng marangyang lobby nito. Kaya naman kahit tatlong metro kuwadrado lang ang booth na iyon ay air-conditioned naman at de-carpet.

        May babaing pumasok sa lobby. Pinay. Mga kaedad lang niya.  Nag-iisa. Nakapantalong maong at polo na nakalilis ang mga manggas. Naka-moccasins.

        Mabilis na umikot ang paningin nito sa lobby. At tumigil sa poster na nakapaskel sa gilid ng booth ni Francesca.    

 

Do you want to be a lifetime member of the Emerald View Resort Club?

Or do you want to own a cottage by the sea?

Please inquire here.

We’ll be happy to help you.

 

        Lumipat ang tingin ng babae sa kanya.

        Ngumiti si Francesca.

        “Yes? May I help you?” tanong niya nang agad itong lumapit.

        Naupo ang babae sa silyang nasa harap ng mesa niya.

        “Taga-Grande Films ako,” nakangiti ring sagot ng babae. “Mag-i-inquire sana ako kung paano ang puwedeng arrangement if we shoot some parts of our latest movie here. Puwede bang makipag-exchange deal? I mean, puwede bang wala nang charges dahil magkakaroon naman kayo ng free advertising sa pelikula?”

        Napakurap si Francesca.

        “Grande Films?” ulit niya. “Shooting?”

        Bagung-bago sa kanya ang konseptong iyon. At exciting.

        Hindi pa siya nakakapanood ng shooting. Hindi pa rin siya nakakakita ng artista sa personal.

        Maunawain naman ang ngiti ng babaing kaharap niya. Halatang sanay na sa reaksiyong tulad ng sa kanya.

        “Pelikula nina Laila Gomez at Robert Bauzon,” paliwanag nito. “Introducing their son, Bobby Bauzon. Finally, mag-aartista na rin si Bobby.”

        “Buong pamilya?” nangingislap ang mga matang singhap ni Francesca. “Wow! Idol ko sina Laila at Robert, noong araw pa. Ang gagaling nila. At saka nakakatuwa ang love story nila. Ang tibay. Hindi tulad ng ibang marriages sa showbiz.”

        Hindi niya idinugtong na hindi tulad ng mga magulang niyang naghiwalay noong maliit pa siyang bata.

        Halos kaedad ng mga magulang ni Francesca ang mga sikat na artistang sina Laila Gomez at Robert Bauzon. At noon pa ma’y naging parang fairy tale na sa kanya ang magandang kuwento ng pag-ibig ng magka-loveteam na nagkatuluyan at nakapagmintine ng maligayang pagsasama sa kalagitnaan ng kaguluhan ng showbiz.

        Ang alam nga niya ay matanda lang sa kanya nang kaunti ang kaisa-isang anak ng mga ito na si Bobby Bauzon. At kahit hindi naman nag-artista ang binata ay nasundan niya ang maraming write-ups tungkol dito. Para sa kanya’y parang isang napakasuwerteng prinsipe si Bobby. Ngayo’y mag-aartista na rin pala ito.

        Tumango ang babaing kaharap niya.

        “Family affair ang pelikulang ito,” sagot nito.

        “I’m sure na maganda ang kalalabasan niyan,” tango rin ni Francesca. “Panonoorin ko.”

        Natawa ang kaharap niya.

        “Bago mo mapanood, kailangan munang matapos na i-shoot,” paalala nito. “Paano? Puwede ba iyong proposal ko? Puwede ba kaming mag-shoot dito nang exchange deal?”

        “Ay, naku, sorry,” sagot niya. “Hindi ko na sakop iyan, e. Wala akong authority para sagutin ka riyan. Pero alam ko kung sino ang puwede mong lapitan. Dito rin naman nag-oopisina ang magkapatid na nagma-manage nitong resort. Mga anak sila ng may-ari nito. Sina Ma’am Loida at Ma’am Luisa Ferales. Ang suggestion ko, kay Ma’am Luisa ka lumapit. Mas bata siya at mas approachable. Maya-maya lang darating na iyon.”

        “Ganoon ba?” sagot ng babae.

        “Sasamahan kitang lumapit sa kanya,” pagbuboluntaryo ni Francesca. “Madaling kausapin iyon. Walang kaere-ere.”

        “Sige, thank you,” sagot ng babae. “Teka, kanina pa tayo nag-uusap pero hindi pa nga pala tayo magkakilala. I’m Alice. Alice De Vera.”

        “Francesca,” sabi naman niya. “Francesca Fortuna.”

        “Ay, ang sosyal naman ng pangalan mo,” pansin ni Alice. “I like it. Francesca Fortuna. Iba ang dating, ha? Pero bagay naman sa beauty mo.”

        Natawa lang siya.

        “Ang sarap naman ng trabaho mo,” pag-iiba niya ng paksa. “Napaka-exciting.”

        Nagkibit-balikat si Alice.

        “Exciting, oo,” sagot nito. “Pero napaka-demanding din. Gaya nito, bigla na lang akong pinalipad dito para mag-scout ng mga location. Ora-orada. Kailangang makakuha ako ng lahat ng necessary permits within three days. Ay, nakakaloka.”

        Inggit na inggit si Francesca sa inirereklamong trabaho ng kaharap niya. Marami pa siyang gustong itanong pero namataan na niyang tumigil sa may entrance ng lobby ang itim na Mercedes Benz ni Luisa Ferales.

        “Nandiyan na si Ma’am Luisa,” sabi niya kay Alice.

 

WALA pang kalahating oras ay palabas na uli ng tanggapan ni Luisa Ferales sina Francesca at Alice.

        “I can’t believe it,” iling ng dalagang taga-Grande Films. “Napakadali naman pala talang kausapin ni Ms. Ferales. Walang kuskos-balungos.”

        “Mabait talaga iyon,” sagot ni Francesca. “At saka magaling sa business. Nakita agad niyang maganda ang deal na ino-offer ninyo. Malaking publicity para sa Emerald ang maging setting ng mga major scenes sa pelikula nina Robert Bauzon at Laila Gomez. Makakahatak iyon ng maraming guests sa resort sa susunod na bakasyon.”

        “Thank you sa tulong mo, ha?” sabi ni Alice.

        “Sus, wala iyon,” nahihiyang sagot ni Francesca, sabay kumpas ng kamay. “Mabuti nga at dumating ka. Bored na bored na ako sa kauupo roon sa puwesto ko. Lagi namang maghapon lang akong nakatanga. At least, ngayon, nagkabuhay ang umaga ko.”

        “Alam mo, nanghihinayang ako sa iyo,” sabi ni Alice. “With your looks and your personality, hindi ka bagay na nakatanga lang diyan at at naghihintay ng mapapadaang kliyente para sa inyong real estate company. Ang dapat sa iyo, mas challenging na career. Malayo pa ang mararating mo.”

        Nangiti nang alanganin si Francesca. Ngiting kinapapalooban ng lahat ng kanyang mga pangarap na matagal nang nabigo.

        Naglabas ng calling card si Alice.

        “Ito ang office address at phone number ko sa Maynila,” sabi nito. “Tawagan mo ako sakaling mapasyal ka roon. Matutulungan kita kung maiisipan mong maghanap ng trabaho roon. At saka pagbalik ko rito, kapag nag-shooting kami, kukumbidahin kita, ha? Isasama kita sa mga gimik ng tropa.”

        “Talaga?” tuwang-tuwang sambit ni Francesca. “Sige, thank you, ha?”

 

ISANG buwan pa ang nagdaan bago nakabalik sa Cebu si Alice.

        Parang kaytagal ng isang buwang iyon. Paano, araw-araw ay inaabangan ni Francesca ang pagbabalik ng bagong kaibigan. Sabik na sabik siyang muling magkaroon ng excitement ang kanyang boring na buhay. At inaasahan niyang napakaraming exciting na mga bagay ang magaganap kapag dumating na ang tropa ng Grande Films.

        Hanggang doon lang naman ang kaya niyang asahan. Iyong pangako ni Alice na isasama siya sa gimik ng grupo. Iyon lang ay napakalaking bagay na sa kanya.

        Iyong isang nabanggit nito – iyong tungkol sa pagtatrabaho sa Maynila – hindi na niya pinag-aaksayahang pag-isipan pa. Alam naman niyang hindi mangyayari. Hindi siya papayagan ng lolo’t lola niya.

        Nang muling sumipot si Alice sa lobby ng Emerald, kamuntik nang mapatili si Francesca sa tuwa.

        “Hi!” sa halip ay pagbati niya sa kaibigan. “Ano, tuloy na ba ang shooting ninyo?”

        “Oo,” tango nito. “Ayan, kasunod ko na silang lahat. Dumiretso na kami rito mula sa airport.”

        May tatlong malalaking van na tumigil sa tapat ng lobby.

        “Nandiyan na sina Laila Gomez at Robert Bauzon?” namimilog ang mga matang tanong ni Francesca.

        “Pati si Bobby,” sagot ni Alice. “Teka lang, ha, excuse me muna. Aayusin ko lang ang pag-check in namin. Pero babalikan kita mamaya. Hanggang five ka naman dito, hindi ba?”

        “Oo,” alistong tango niya.

        “Huwag kang uuwi agad, ha?” bilin ni Alice. “Iti-treat kita. At saka ipapakilala kita sa tropa. Baka kung bababa uli sina Bobby mula sa rooms nila, maipakilala na rin kita agad sa kanya. Kung hindi naman, siguradong maipapakilala kita sa kanila sa mga susunod na araw. Four days naman kami dito.”

        “Naku, sige,” tango uli ni Francesca.

        Iniwan na siya ni Alice.

        Dumako naman ang tingin niya sa mga nagsisipag-ibis mula sa tatlong sasakyan.

        Marami palang kasama sa tropang sinasabi ni Alice. Mga mahigit tatlumpung tao siguro ang naglabu-labo sa labas ng lobby.

        Pero hindi nahirapan si Francesca na mamataan ang dalawang taong hinahanap niya. Napakadali namang makilala ang mga sikat na sina Laila Gomez at Robert Bauzon.

        Nakaakbay si Robert kay Laila. Nagtatawanan ang dalawa. Larawan ng maligayang mag-asawa.

        Napabuntonghininga si Francesca.  Ang sarap namang panoorin ng ganoon. Mas masarap siguro kung sarili mong mga magulang ang nasasaksihan mo nang ganoon. Parang kinurot ang puso niya.

        May lumapit sa mag-asawa. Nakipagtawanan din. Lalaki. Binata – iyon ang unang impresyon niya. At kayguwapo. Maaliwalas ang mukha. Matangkad din at matikas ang pangangatawan. Kitang-kita sa suot nitong simpleng t-shirt na walang kuwelyo at pantalong maong na parehong namimintog sa siksik na kalamnan.

        Napaawang ang mga labi ni Francesca.

        Nakalimutan niyang bigla ang kanyang pagkakilig kina Laila at Robert.

        Ang buong pagkatao niya ngayo’y wala nang ibang pinagtutuunan ng atensyon kundi ang binatang alam niyang walang iba kundi si Bobby Bauzon.

        Tunay nga palang para itong prinsipe.

        At sa kauna-unahang pagkakataon ay nadama ni Francesca kung paano matuliro sa isang lalaki.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 2

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2 

LALONG nataranta si Francesca nang biglang dumako ang tingin ni Bobby Bauzon sa kinaroroonan niya. Bahagyang nakataas ang mga kilay nito na parang may narinig na tawag at hinahanap kung saan iyon nagmula.

        Bago siya nakaiwas ay nagtama ang kanilang paningin.

        Ngumiti ang binata.

        Namula si Francesca. Ni hindi nga niya nagawang gumanti ng ngiti.

        May kinuhang travelling bag ang binata mula sa likuran ng isang van. Isinukbit iyon sa balikat. Pagkatapos ay nagsimula na itong maglakad papasok sa lobby, kasabay ng mga magulang.

        Nanlamig ang mga palad ni Francesca. Dadaan ang mga ito sa harap mismo ng mesa niya.

        Malayo pa lang ay muli na siyang tiningnan ni Bobby. At muling nginitian.

        Nagawa na rin niyang ngumiti. Nangangatal nga lamang pati ang kanyang mga labi.

        Napansin nina Laila at Robert ang pagkakangitian nila. Tiningnan din siya ng mga ito at nginitian.

        Lalong na-conscious si Francesca.

        Pero lumampas din sa kanya ang mag-anak nang walang sinabi.

        Ang bumati sa kanya ay ang kasunod ng mga ito.

        “Hi!” sabi ng isang mukhang may-edad nang male model sa hitsura at bihis pero hindi itinatago ang pagiging gay sa kilos at pananalita.

        Mapanuri ang pagkakatitig nito sa kanya, pero hindi naman nakakaasiwa.

        “G-good afternoon,” sagot ni Francesca.

        “Ang ganda-ganda mo, iha,” biglang bulalas nito.

        Namula si Francesca. Hindi niya malaman ang isasagot.

        Pero hindi na rin naghintay ng kasagutan ang kausap. Nginitian lang siya nito at iniwan na.

        Nanatiling nagugulumihan ang dalaga.

        Ang tantiya niya sa taong iyon ay class na class. Mukhang hindi lang showbusiness ang iniikutang sirkulo kundi maging fashion at alta-sosyedad. Pagkatapos, sasabihan siya na, “Ang ganda-ganda mo, iha.”

        Maganda nga ba siya?

        Iyon din kaya ang tingin sa kanya ni Bobby Bauzon?

        Nakadama si Francesca ng kakaibang excitement. Mas malalim nang di hamak sa inaasahan niyang excitement sa pagdating ng grupo ng Grande Films.

 

ALAS-TRES Y MEDYA dumating sina Alice pero alas-singko na nito nabalikan si Francesca.

        “Pasensiya ka na,” sabi nito. “Ipinakilala ko pa sina Tita Laila, Tito Robert, Bobby, Direk at Woodsy kay Ma’am Luisa. Inasikaso ko pa rin iyong pag-settle down ng crew sa kanilang mga kuwarto.”

        “Okay lang,” sagot ni Francesca. “Iyong guwapong gay na mukhang model ba ang direktor?”

        “Ay, hindi,” natatawang sagot ni Alice. “Barakong-barako si Direk Caloy. Kung may napansin ka kaninang mukhang kontrabidang hoodlum, siya iyon. Madalas ngang mapagkamalang stuntman, e.”

        Parang may naalala ngang ganoong tipo ng lalaki si Francesca. Dumaan na kasabay ng iba pang miyembro ng tropa.

        “Malaking tao na may bigote at naka-shades?” paniniguro niya.

        “Iyon! Si Direk nga iyon,” tango ni Alice. “Iyon namang sinasabi mong  guwapong gay, si Woodsy Javier iyon. Manager ng mga Bauzon. One of the best and most powerful managers in the industry.”

        Tumango si Francesca.

        Hindi nga mahirap paniwalaan iyon. Malakas talaga ang dating ni Woodsy. At iyon pala ang taong pumuri sa kanya kanina. Nakakataba naman ng puso.

        “Halika, mag-snack tayo sa coffee shop,” yaya ni Alice. “Treat kita. Bababa raw mamaya si Bobby. Ipapakilala kita.”

        Muling sumikdo ang kaba sa dibdib ni Francesca.

        Tatlong mesa na ang okupado ng mga taga-Grande Films pagdating nila sa coffee shop.

        Sa ikatlong mesa siya dinala ni Alice.

        “O, mga Tita, heto na si Francesca,” pag-aanunsiyo nito.

        “Naikuwento na kita sa kanila,” baling nitong paliwanag sa kanya. “Itong sigang ito, si Ging – production designer. Ito namang bold star wannabe na ito, si Che-Che – production assistant. Iyang dalawang Miss Gay Universe aspirants, sina Melanie at Natalia – mga make-up artists.”

        “Hi, Francesca,” sabi ni Che-Che.

        “Hello,” sabi ni Ging. “Join us.”

        “Thanks,” sagot niya.

        Naupo siya sa silyang hinatak ni Alice, katabi nito.

        “Maganda ka, Tita,” sabi ni Natalia. “Puwede kang artista.”

        “Oo nga,” sang-ayon ni Melanie. “Halika sa Maynila, ilalapit kita kay Boss Bernie. Ako’ng manager mo, ha?”

        “Hoy, kolokay, malay mo namang mag-manage, ano?” sabad agad ni Alice. “Baka gawin mo lang bold star si Francesca. Kung mag-aartista rin lang siya, kay Woodsy ko na siya ire-refer.”

        “Ay, naku, ha?” natatawang sagot ni Francesca. “Hindi ako sanay sa ganyang bolahan. Mapaumpok nga lang ako sa inyo na mga taga-showbiz, nalulula na ako, e.”

        “Tama naman kasi sila, Francesca,” sabi ni Alice. “May tipo ka. Puwedeng-puwede kang artista. Hindi ba, sabi ko nga sa iyo noon, kung gugustuhin mong magtrabaho sa Maynila, matutulungan kitang maghanap ng trabaho? Iyong pag-aartista ang tinutukoy ko. At sigurado akong makikita ni Boss Bernie ang potential mo. Si Bernie Grande – siya ang big boss namin sa Grande Films.”

        “I agree,” tango ni Ging. “May star potential ka nga, Francesca. Kahit ganyang wala kang make-up at naka-casual wear ka lang, beauty ka talaga.”

        “Pati pangalan mo, may star appeal,” sabi rin ni Che-Che.

        Namula na nang tuluyan ang dalaga.

        “Naku naman,” sagot niya. “Tama na nga kayo.”

        May panibagong grupong pumasok sa coffee shop. Nang lingunin ito ni Francesca ay nakita niya agad na kasama si Bobby. Nanlamig siya.

        “Hayan na si Bobby,” sabi ni Alice, sabay kaway sa mga bagong dating. “Bobby!”

        Dumako sa kanila ang paningin ng binata, at agad itong nangiti. Hindi alam ni Francesca kung bakit sa kanya napako ang titig nito’t ngiti. Hindi rin tuloy niya malaman kung paano magre-react.

        Lumapit si Bobby, pati na ang mga kasama nito.

        “Hi!” sabi nito na sa kanya pa rin nakatuon ang kabuuang pansin. “I’m Bobby Bauzon.”

        Naglahad ito ng kamay.

        Napilitan siyang makipagkamay kahit na mabibistong parang yelo na sa lamig ang kanyang palad.

        Pero agad na nag-init iyon nang mapaloob sa kay-init na palad ng binata.

        “H-hi!” nauutal na sagot niya.

        “And you are?” tanong ni Bobby.

        “A... F-Francesca,” sagot niya na parang wala sa sarili.

        May ibang boses na pumutol sa pagkatulala ng dalaga.

        “So, the beautiful lady has an equally beautiful name.”

        Si Woodsy Javier na naman. Katabi ni Bobby. At nakamasid sa pagkakahawak pa rin ng binata sa kamay niya.

        Nagbawi agad si Francesca ng kamay.

        Itinuloy ni Alice ang pagpapakilala sa ibang kasama ni Bobby.

        “Francesca, this is the notorious Woodsy Javier,” pabirong sabi nito. “Ito naman ang multi-awarded na si Direk Caloy Durano. And our cinematographer, the ever-reliable Manong Ed Panabo.”

        “G-good afternoon, ho,” nahihiyang pagbati ng dalaga sa lahat.

        Nginitian at tinanguan siya nina Direk Caloy at Manong Ed. Pagkatapos ay naupo ang mga ito sa natitirang mga bakanteng silya sa mesa nila.

        Naupo naman si Woodsy sa silyang kaharap niya.

        “Nagtatrabaho ka sa resort?” tanong nito.

        “Hindi ho,” iling niya. “Nagtatrabaho ako sa real estate company na marketing arm ng resort.”

        “Lolo niya ang may-ari ng real estate company na iyon,” dagdag ni Alice.

        “Oh!” nakataas ang kilay na sambit ni Woodsy.

        “Maliit na kompanya lang kami,” paliwanag agad ni Francesca.

        “Si Francesca ang tumulong sa akin na makipag-usap kay Ms. Luisa Ferales noong nine-negotiate ko ang x-deal natin dito,” dagdag pa ni Alice.

        Sinulyapan niya ang kaibigan. Isang sulyap na nangangahulugang, “Hayan ka na naman.”

        Nginitian lang siya nito.

        “So we owe you a lot,” sabi ng malamig at baritonong tinig sa kanyang tabi.

        Paglingon ni Francesca ay nakita niyang naupo pala si Bobby sa kabilang silyang katabi niya. At sa kilos niyang iyon ay nagkiskis ang kanilang mga braso. Pinanindigan siya ng balahibo.

        “H-hindi naman,” sagot niya.

        “Kaya nga special guest natin si Francesca during the whole of our stay here,” may awtoridad na pahayag ni Alice.

        Bigla tuloy inisip ni Francesca kung ano ba ang posisyon ng kanyang bagong kaibigan sa Grande Films.

        “Dapat lang,” sang-ayon ni Bobby. “Let’s start with dinner tonight. Will you join us, please?”

        “Naku, hindi ako papayagan ng lolo’t lola ko,” sagot ng dalaga. “Dapat nga, pauwi na ako ngayon, e.”

        “Strict pala ang lolo’t lola mo,” sabi ni Woodsy. “E, ang parents mo?”

        “Nasa Italy ang mommy ko. Nasa Baguio naman ang father ko,” paliwanag niya. “Hiwalay na sila. May kanya-kanya nang pamilya. Lumaki ako sa lolo’t lola ko.”

        “E kung idahilan mo kaya sa lolo mo na interesado ako sa binebenta ninyong vacation cottages dito sa Emerald?” mungkahi ni Woodsy. “At siyempre, kailangan mo akong kumbinsihin during dinner.”

        “H-hindi ako sanay na nagsisinungaling sa kanila, e,” sagot ni Francesca. “At saka hindi pumapayag si Lolo na makipag-dinner ako sa kliyente. Puwede lang akong makipag-negotiate during office hours. At strictly business lang talaga.”

        “Mahusay palang mag-ingat sa apo ang lolo’t lola mo,” sabi ni Bobby. “Kung sabagay, naiintindihan ko sila. You must be very precious to them.”

        “Ako lang kasi ang apo na inalagaan nila nang personal,” namumulang paliwanag niya.

        “Pero siguro naman, puwede ka naming makumbida for lunch tomorrow?” pagpupursige ng binata. “Narito ka naman sa resort nang buong araw, hindi ba?”

        “Not just for lunch,” sabad ni Woodsy. “Kumbidahin na rin natin siyang manood ng shooting bukas. Interesado ka ba, Francesca?”

        “Ay, oho,” tango agad ng dalaga. “Hindi pa ako nakakapanood ng shooting, e. Kaya lang, maiiwan ko ang puwesto ko sa lobby.”

        “Sus, wala namang ibang guest ngayon sa resort,” sabi ni Alice. “At saka magbilin na lang tayo sa front desk na kung may mag-i-inquire ng tungkol sa club  membership o cottages, di ipatawag ka. Nandito lang naman tayo sa paligid.”

        “Puwede ko nga sigurong pakiusapan iyong mga kaibigan ko sa front desk,” amin ni Francesca. “Ngayon lang naman.”

        “Great!” tango ni Bobby. “Teka, bakit ba hindi pa tayo umoorder ng food? Waiter!”

 

HINDI alam ni Francesca kung paano siya nakakain nang katabi si Bobby Bauzon. Ni hindi na nga niya gaanong napansin kung ano ang inorder at kinain niya.

        Alas-sais na nang maigiit niya ang pamamaalam sa mga taga-Grande Films.

        “May sasakyan ka ba?” tanong ni Bobby.

        “Wala,” iling niya. “Pero may shuttle bus naman ang resort palabas sa downtown. Mula roon, madali nang kumuha ng taxi pauwi sa amin.”

        “Is that safe?” pag-aalala ng binata. “Madilim na, a.”

        “Safe dito sa Cebu,” sagot niya. “At saka matao naman iyong papunta sa amin.”

        “I’ll see you tomorrow then,” nakangiting paalam nito. “Mag-iingat ka.”

        Napakasarap naman na pabaon ng mga salitang iyon. Parang lumulutang tuloy si Francesca sa ulap habang papauwi.

 

“BILIB na talaga ako sa iyo, Alice,” sabi ni Woodsy pag-alis ni Francesca. “Ang husay mong makahanap ng star material. At nakaibigan mo na agad. She’s going to be a big star. I’m sure of that.”

        “Aba, hindi ko kinaibigan si Francesca para lang i-recruit, ha?” pagtatama ng dalaga sa manager. “Nagkataong talagang nagkapalagayan kami ng loob. Mabait siya, e. Matulungin. But you’re right, of course. Malaki ang potential niya sa showbiz. Anyone can see that.”

        “So, Bobby, natagpuan na rin natin ang magiging ka-love team mo,” pahayag ni Woodsy.

        “Ka-loveteam ko?” salubong ang mga kilay na ulit ng binata.

        “Si Francesca,” sagot ni Woodsy. “She’s perfect. A fresh and sweet face. Napakaganda pero hindi sobrang tisay o sopistikada. Girl-next-door pa rin ang appeal. At nasa tamang age group para sa iyo. Hindi na teen-ager na neneng-nene. A rose in bloom. Bagay na bagay kayo. Maganda ang inyong rapport. Nag-click na agad kayo, hindi ba? You like her very much, obviously. Magde-deny ka pa ba?”

        “Of course, I like her,” mabilis na sagot ni Bobby. “Pero hindi ko alam na ino-audition na pala ninyo siya sa lagay na iyon. I was relating to her on a purely personal basis. Walang halong showbiz iyon.”

        Nagkibit-balikat si Woodsy.

        “E ano?” sabi nito. “Mas mabuti nga iyon. Napatunayan nating totoong nagkakasundo kayo on a personal basis. Mas magiging smooth ang inyong professional relationship, hindi ba?”

        “Hindi naman tipong pang-showbiz si Francesca,” sabi ng binata. “Hindi iyon interesadong mag-artista. She has a career of her own. May sarili nga silang kompanya, hindi ba?”

        “Well, hindi porke maykaya na, ayaw nang mag-artista,” sagot ng manager. “Malakas pa rin ang attraction ng fame, my dear boy. So, let’s just hear her decision, okay? Kakausapin ko siya bukas at aalukin na maging ka-loveteam ng pinakabagong heartthrob ng showbiz. Pustahan tayo, she won’t refuse.”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 3

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3 

MAAGANG pumasok si Francesca.

        Hindi niya ikinuwento sa lolo’t lola niya ang naganap nang nakaraang araw, o ang magaganap pa sa araw na iyon. Alam palibhasa niya na ituturing ng lolo niyang paglalakwatsa ang gagawin niyang pagpanood ng shooting sa oras ng trabaho.

        Hindi siya sanay na nagsisinungaling sa dalawang matanda kaya hindi na lamang siya kumibo. Ang katwiran ng dalaga’y ngayon lang naman niya pagbibigyan ang kanyang sarili. At wala namang masama sa gagawin niya.

        Kalabisan na bang maglaan siya ng kaunting oras para sa kanyang sarili? Twenty-one na siya. Nasa tamang gulang at kaisipan na. At ngayon lang niya gagawin ang pumuslit na parang teen-ager. Karapatan din naman niyang maranasan ang ganito.

        Akala nga niya ay lilipasan na siya ng kanyang kabataan nang wala man lang napagdaanang excitement sa buhay. Na malalanta na lang siya sa puno, ‘ika nga, nang nakatunganga sa kanyang lolo’t lola.

        Hindi naman kasi siya ang tipo na kusang maghahanap ng excitement sa kung saan. Kahit noong nag-aaral pa siya, bahay-eskuwela lang ang ruta niya. Wala siyang mga extra-curricular activities kung hindi rin lang required ng eskuwela.

        Oo, noon pa’y alam na niyang maraming kulang sa buhay niya. Noon pa’y pinanghihinayangan na niya ang mga pagkakataong lumampas sa kanya. Pero laging  nanaig ang kanyang pagtalima sa mga kagustuhan ng kanyang lolo’t lola.

        Ngayon lang nangyari na nakadama si Francesca ng determinasyong kumapit sa pagkakataon bago ito mawala.

 

PAGDATING ni Francesca sa kanyang booth ay may lalaking naghihintay sa kanya.

        “Utility man ako sa Grande, Ma’am,” paliwanag ng lalaki. “Ipinagbilin ni Ma’am Alice na samahan ko kayo sa location. Diyan lang naman sa beach.”

        “Thank you sa paghihintay mo sa akin, ha?” sabi ni Francesca. “Ano nga pala ang pangalan mo?”

        “Roger, Ma’am,” sagot nito.

        “Francesca na lang ang itawag mo sa akin, Roger,” sabi ng dalaga. “Kanina ka pa Ma’am nang Ma’am, e. Hindi naman ako sanay sa ganyan. Parang tumatanda ako.”

        Nangiti si Roger pero napakamot sa batok. Halatang ito naman ang asiwa na sumunod sa kahilingan niya.

        Pagkatapos niyon ay nagmamadaling sumabay na siya kay Roger patungo sa tabing-dagat.

        “Alam mo, puwede naman sanang nagbilin na lang din kayo kanina sa front desk para ipaalam sa akin ang location ng shooting,” sabi niya sa kasama. “Hindi ka na sana naghintay pa. Tagarito naman ako.”

        “Ipinae-escort kayo ni Ma’am Alice, e,” sagot ni Roger.

        “Si Alice talaga,” iling niya. “Ang bait-bait. Ano nga ba talaga ang trabaho niya sa Grande Films?”

        “Naku, bale pinaka-second-in-command ni Boss Bernie si Ma’am Alice,” sagot ni Roger. “Kasi, pamangking buo siya ni Boss Bernie. Kapatid ni Boss ang mother niya.”

        “Ganoon ba?” gulat na sabi ni Francesca. “Pero bakit Boss Bernie rin ang tawag niya sa boss ninyo?”

        “Kung magkaharap sila, Uncle Bernie ang ginagamit ni Ma’am Alice,” pagkukuwento ng lalaki. “Pero humble kasi talaga si Ma’am, e. Ayaw niyang ipagmayabang na pamangkin siya ng big boss. Kaya kung hindi kaharap si Boss, nakiki-Boss Bernie rin siya.”

        “Ibang klase rin si Alice, ano?” sambit ni Francesca.

        Parang bigla tuloy siyang nailang sa bago niyang kaibigan. Hindi niya akalaing ganoon pala ito kaimportanteng tao. Napakasimple naman kasi kung magdamit, magsalita’t kumilos. At kung pakitunguhan nga siya’y parang magkapantay lang sila.

        Medyo nahiya tuloy uli si Francesca pagdating sa umpukan ng grupo ng Grande Films.

        Agad naman siyang sinalubong ng nakangiting si Alice.

        “Hi,” sabi nito.

        “Good morning,” sagot niya. “Nakakahiya naman, ipinahintay mo pa ako kay Roger.”

        “Aba, siyempre,” sabi ni Alice. “Special guest ka yata.”

        “Naku, ikaw nga itong big shot, e,” sagot niya.

        Natawa si Alice.

        “Nabanggit lang siguro sa iyo na pamangkin ako ng producer, naisip mo na iyan,” sabi nito.

        “Second-in-command ka pala, e,” sabi ni Francesca.

        May bahid panunumbat ang pahayag na iyon.

        “Sus, ang sabihin mo, ako ang laging kino-command,” pabalewalang sagot ni Alice. “Ako ang paboritong utusan ng uncle ko. Kaya nga ako nandito, e. Halika na nga roon. Nagbibihis pa si Bobby at nagse-set-up si Direk. Pero maipapakilala kita kina Tita Laila at Tito Robert.”

        Kinuha nito ang kamay niya’t hinatak na siyang patungo sa kinaroroonan ng mag-asawang artista.

        Kausap ng mga ito si Woodsy nang lapitan nila.

        “Tita Laila, Tito Robert, I’d like you to meet Francesca,” sabi ni Alice. “Francesca, kilalang-kilala mo na siguro sina Laila Gomez at Robert Bauzon, ano?”

        “Good morning, ho,” sabi ng dalaga. “N-naku, matagal ko na ho kayong idol na pareho,” pahayag pa niya.

        “Talaga?” nakangiting sagot ni Laila. “Nakakataba naman ng puso. I’m glad to meet you, iha.”

        “Me, too,” dagdag ni Robert. “Naikuwento ka na nga sa amin ni Woodsy. Na-meet mo na pala sila nina Bobby kahapon.”

        “Oho,” sagot niya.

        Bumaling siya kay Woodsy.

        “Good morning ho.”

        “Hello again, my dear,” sagot nito. “Naikuwento na nga kita kina Laila at Robert. Ang sabi ko sa kanila, I’ve found my newest baby. Ang magiging ka-loveteam ni Bobby. How would you like to be the newest baby and most exciting star of Philippine showbusiness, Francesca?”

        “H-ho?” nakakunot ang noong tanong ng dalaga.

        Hindi niya agad nasakyan ang mga sinabi ng manager.

        “Inaalok kitang mag-artista under my management,” paliwanag ni Woodsy. “Para maging ka-loveteam ni Bobby Bauzon.”

        Nag-init ang mukha ni Francesca. Pero pagkatapos ay unti-unti namang kumalat ang lamig sa kanyang pagkatao. Hindi siya makakibo. Ni hindi makakurap.

        Tama ba iyong narinig niya?

        Tumayo si Woodsy at inakay siyang paupo sa isa sa mga silyang naroon.

        “Maupo ka nga muna,” sabi nito. “Para kang hihimatayin diyan, e.”

        “Binigla mo naman kasi siya, Woodsy,” paninita ni Alice. “Wala ka man lang munang ibinigay na preparasyon.”

        Naupo rin ito sa silyang katabi niya.

        “Excited na ako, e,” katwiran ng manager. “Hindi na ako makapaghintay. And besides, gusto ko talaga siyang sorpresahin para hindi niya maitago ang tunay niyang reaksiyon. See? She can’t believe it. That’s a positive sign.”

        Dahan-dahan namang nahihimasmasan na si Francesca. Napatingin uli siya kay Woodsy. Puno ng mga katanungan ang kanyang mga mata.

        “I’m sorry kung nabigla ka, darling,” sabi nito. “Pero hindi ako nagbibiro. Kahit naman sina Laila at Robert, nag-a-agree sa akin. You have the looks of a star. You belong to the movies.”

        “Totoo iyon,” sang-ayon ni Robert. “Kahapon pa lang, napansin ka na namin, iha. Natatandaan mo ba noong nadaanan ka namin sa lobby? Naisip na rin agad naming mag-asawa na pang-artista ang ganda mo.”

        “Ordinaryong tao lang ako,” naiiling na sagot niya.

        “Iyon mismo ang hinahanap kong tipo ng babae para maging kapareha ni Bobby,” sabi ni Woodsy. “Parang girl-next-door. Simpleng-simple. Hindi sosyal o sopistikada. Pero may natural na kagandahan. Iyong kahit ano ang ipasuot mo, kahit basahan, lulutang at lulutang ang ganda. At kapag naman binihisan nang husto, magmumukha na talagang prinsesa. Parang si Cinderella. O, di ba?”

        Napatunganga si Francesca.

        Siya, si Cinderella? At si Bobby naman si Prince Charming? Naku, hihimatayin na yata talaga siya.

        “Hindi naman ako papayagan ng lolo’t lola ko, e,” parang kusang sagot ng bibig niya.

        Halatang-halata sa mga salitang iyon ang kanyang panghihinayang at pag-asam.

        “Iyon lang ba ang problema?” tanong ni Woodsy. “Pero ikaw mismo, gusto mo?”

        “Sino ba naman ang tatanggi sa ganyang offer?” sagot ng dalaga. “Parang dream come true.”

        “Well, hindi ka na rin naman minor, hindi ba?” sabi ni Woodsy. “Nasa sa iyo ang karapatan to make that dream come true. Hindi mo kailangan ng guardian’s consent para pumirma sa kontrata o pumili ng panibagong career.”

        Parang kidlat ang tama ng mga salitang iyon sa ulirat ni Francesca. Totoo, hindi na siya menor de edad. Totoo nga bang karapatan niyang pagdesisyunan ang ganito kahalagang bagay sa sarili niyang buhay?

        Oo naman. Alam niyang totoo rin iyon. Alam niya sa pinakatagong bahagi ng kanyang puso. Hindi lang nakasanayan ng kanyang kiming isip at damdamin.

        Kaya ba niyang sumagot nang ayon sa sariling kagustuhan, nang hindi muna kinukonsulta ang kanyang lolo’t lola? At kahit alam na alam na niya na ang kanyang kagustuhan ay magiging kabaligtaran ng kagustuhan ng kanyang lolo’t lola?

        “P-pero hindi naman ako marunong umarte,” bulalas ng dalaga.

        “Siyempre,” sagot ni Woodsy. “Hindi ka pa artista, e. Pero lahat ng tao, natuturuang umarte. Nasa galing na ng trainer iyon. And I tell you, lahat ng hinawakan kong talent, naging de-kalibreng artista. Hindi lang kasikatan ang ipinapangako ko kundi tamang paghasa ng lahat ng mga potentials mo.”

        “Maliit pa ako noong umalis kami sa Maynila,” pagtatapat ni Francesca. “Dito na ako lumaki sa Cebu. Hindi na ako nakabalik doon magmula noon.”

        Ibinitin niya ang kanyang mga salita.

        Naputol man ang pananalita ng dalaga ay malinaw pa ring nakarating ang kanyang mensahe sa mga kaharap. Atubili siyang iwan ang kinalakhang Cebu. Natatakot siyang bumalik sa Maynila na hindi na niya gamay.

        “Hindi ka naman mag-iisa sa Maynila,” sagot ni Woodsy. “Kung pipirma ka ng kontrata sa akin bilang talent at sa Grande Films bilang contract star, you’ll be part of a very concerned family. Magiging mother hen mo ako. Nariyan din si Alice. And, of course, ang magiging ka-loveteam mo – si Bobby. We’ll all be there for you.”

        Napatingin si Francesca kay Alice.

        Tumango ito nang nakangiti.

        “Yes, kasama rin ang Grande Films na nag-o-offer sa iyo ng kontrata,” paliwanag nito. “Contract star namin si Bobby, e. Natural, kailangang contract star din namin ang ka-loveteam niya. Talagang nakaplano nang i-build-up ang loveteam na iyan bilang pinakabagong premier project ng kompanya. Ibig sabihin, laging top priority ang mga pelikula ninyo at iba pang activities. Magkapareho kayo ng tatanggaping talent fees at benefits. Mag-a-advance ang production ng lahat ng kakailanganin para sa lifestyle ng isang artista. You’ll be financially independent and stable.”

        Nagtaka si Francesca.

        “I-a-advance iyon kahit hindi pa sigurado kung tatanggapin ako ng tao? Paano kung mag-flop ako?”

        Tumawa si Alice.

        “Nakasisiguro kami, Francesca,” sagot nito. “Dahil pareho kami nitong si Woodsy. We only bet on a sure thing. Iyong walang paltos. At ganoon ang assesment naming lahat sa iyo. You’re a natural star lalo na bilang ka-loveteam ni Bobby. You complement each other so well. Magtabi lang kayo, kikiligin na ang mga tao.”

        Napayuko si Francesca. Naisip niya, hindi kaya iyon dahil halatang-halata na kinikilig siya kay Bobby?

        “O, heto na pala ang magiging ka-loveteam mo, e,” biglang sabi ni Woodsy.

        Nang itaas niya ang kanyang paningin ay papalapit na si Bobby.

        Naka-swimming trunks ito na estilong boxer shorts. Naka-beach sando. Naka-sports sandals. Nakakunot ang noo.

        “Bobby, tamang-tama ang dating mo,” pagpapatuloy ni Woodsy. “Just in time to hear Francesca’s answer to our proposal.”

        Tumayo si Bobby sa harap niya’t tinitigan siya.

        “Papayag ka ba?” tanong nito.

        Iyon mismo ang naging mapagpasya sa pagdedesisyon ni Francesca. Si Bobby.

        Paano ba niya magagawang tanggihan ang maging prinsesa ng prinsipeng ito?

        Dahan-dahan siyang tumango.

        “Payag ako,” sagot niya sa mahina’t nangangatal na tinig.

        “Yes!” sigaw ni Woodsy nang nakataas pa ang dalawang kamao.

        “Great!” sabi ni Alice.

        “Good!” sabi ni Robert.

        Na tinanguan naman ng nakangiting si Laila.

        Pero si Bobby ang nanatiling nakatitig sa kanya nang hindi nagbabago ang seryosong ekspresyon ng mukha.

        Naupo si Bobby nang pa-squat sa buhangin sa harap ni Francesca. Hindi umaalis ang titig nito sa mukha niya.

        “Gusto kong siguruhing alam mo ang papasukin mo,” sabi nito. “Magulo ang showbusiness. Maraming intriga. Kadalasan, below the belt ang mga tira. Brutal. Walang sinasanto. Walang kinikilalang privacy. At napakaraming temtasyon. Ang mahina-hina ay maaaring mapahamak sa sari-saring bisyo. Kaya mo ba?”

        “Tinatakot mo naman siya, e,” sabad ni Woodsy.

        “Sinasabi ko lang ang totoo,” sagot ni Bobby. “Dapat niyang makita ang kabuuan bago siya magpasiya.”

        “Kung sabagay, tama si Bobby,” sang-ayon ni Alice. “Pero hindi ka naman namin pababayaan, Francesca.”

        “B-basta ba tutulungan ninyo ako,” nangangamba na ring sagot niya.

        Napasulyap siya kina Woodsy at Alice bago muling bumalik ang kanyang mga mata kay Bobby.

        Napabuntonghininga ang binata. Saglit na nagbaba ito ng paningin, pero agad ding tumitig uli sa kanya.

        “I’ll always stand by you,” pangako nito. “You can count on me.”

        Iyon lang ang kailangang marinig ni Francesca. Napanatag na muli ang loob niya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Abakada ng Pag-ibig: FRANCESCA Chapter 4

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 4

TAKOT na takot si Francesca habang papauwi. Para tuloy gusto na niyang pagsisihan ang kanyang ginawa. Parang gusto na lang niyang isiping isang magandang panaginip lang ang naganap sa buong maghapong iyon.

        Paano nga ba nangyaring manonood lang daw siya ng shooting ay nakasagot na siyang mag-aartista na sa Maynila.

        Mahirap tanggihan ang alok na iyon. Malaking atraksiyon ang maging kapareha ni Bobby Bauzon.

        Pero hindi lang iyon. Para rin siyang pinagmilagruhan na biglang mabigyan ng pagkakataong makatayo sa sarili niyang mga paa. Maging malaya. Magkaroon ng kasarinlan sa buhay.

        Iyon. Iyon ang bagay na pinakamimithi ni Francesca. Iyon ang pagkakataong agad niyang kinapitan kanina.

        At iyon din ang tanging nagbibigay sa kanya ngayon ng lakas ng loob na humarap sa kanyang Lolo Frank at Lola Luring.

        Nasa bahay ang main office ng Golden Vista kaya naroon ang dalawang matanda pag-uwi ng dalaga.

        “O, bakit narito ka?” tanong agad ni Frank. “Wala pang alas-singko, a.”

        “May sakit ka ba?” tanong naman ni Luring.

        Umiling si Francesca.

        “M-may ipagpapaalam ho sana ako, e,” sagot niya.

        “Hindi na ba makapaghihintay iyan hanggang after office hours?” nakakunot ang noong tanong ni Frank. “Gaano ba ka-urgent iyan para iwan mo ang trabaho mo?”

        Napipikon na si Francesca.

        “I-iyon na nga ho, ‘Lo,” sagot niya. “Magre-resign na kasi ako.”

        “Ano?!” pasigaw na sagot ng matanda.

        Napasinghap naman ang misis nito.

        Itinuluy-tuloy na ni Francesca ang pagtatapat.

        “May lilipatan kasi akong trabaho,” sabi niya. “Kinukuha akong contract star ng Grande Films. Isasama ako sa Maynila.”

        “Grande Films?” ulit ni Luring.

        “Ano iyon, mag-aartista ka?” sabi ni Frank. “Anong kalokohan ba ito, Francesca? Nasisiraan ka na ba ng ulo?”

        “Seryosong offer ho iyon,” sagot ng dalaga. “Maganda ang income. Disenteng trabaho. At saka magiging independent ako. Nasa edad na naman ho ako, e.”

        “Aalis ka? Pupunta ka sa Maynila? Iiwan mo kami?” natatarantang bulalas ni Luring. “Naku, alam ba ito ng Mommy mo?”

        “Hindi pa ho,” amin niya. “Pero ipaalam ko rin naman sa kanya. Tatawagan ko siya.”

        “Hindi ka rin papayagan niyon,” sagot ni Frank.

        “Ahm... nakapagdesisyon na ho kasi ako, e,” pahayag ni Francesca. “Itutuloy ko na ito. H-hindi na naman ho ako menor de edad.”

        Naningkit sa galit ang mga mata ni Frank.

        “Ang ibig mong sabihin, nagdedesisyon ka nang mag-isa mo at itutuloy mo ito whether we like it or not,” sabi nito. “Hindi ka man lang kumunsulta muna. Hindi mo man lang pakikinggan ang sasabihin namin ng Mommy mo. Ni hindi ka nagpaalam. Nagsasabi ka lang. Aba, magaling. Napakahusay pala ng resulta ng pagpapalaki namin sa iyo.”

        Bumagsak na ang mga luhang pinipigil ni Francesca. Pumiyok na rin ang kanyang boses sa emosyon nang sumagot siya.

        “Buong buhay ko naman, naging masunurin ako sa inyo at kay Mommy, ‘Lo. Laging kayo ang nagdedesisyon para sa akin. Tango lang ako nang tango. Wala akong boses. Wala akong opinyon. Kaya tuloy laging nababalewala ang mga gusto ko, ang mga pangangailangan ko, ang kaligayahan ko. Pero ni minsan, hindi ako kumibo. Magmula nang maghiwalay sina Mommy at Daddy at dalhin ako ni Mommy dito sa Cebu, hanggang noong iwan ako ni Mommy dito para magtrabaho siya sa States, hanggang noong bigla siyang nag-asawa ng Italyano at lumipat sa Italy. Magmula noong i-enrol ninyo ako sa prep, hanggang sa maka-graduate ako sa kursong pinili ninyo, hanggang sa magtrabaho ako sa kompanya ninyo.

        “Pero nasasakal na ho ako. Kailangan ko namang mabuo ang sarili ko. Kailangan kong matutong mag-isip, magsalita at kumilos ayon sa aking sariling pagkatao. Gusto ko namang makalaya. Gusto ko namang lumigaya.”

        “Sige, magpakaligaya ka,” galit na singhal ni Frank. “Mag-artista ka. Bumalik ka doon sa Maynila. Tingnan ko lang kung ano’ng mangyayari sa buhay mo.”

        “M-maayos naman hong kausap ang mga taga-Grande Films,” tangkang pagpapaliwanag pa rin ng dalaga. “Kung gusto ninyo, papupuntahin ko sila rito para makausap ninyo.”

        “Aba, huwag na huwag mo nga akong isasali diyan sa kalokohan mong iyan, ha?” sagot ng matandang lalaki. “Hindi ako kunsintidor. Ikaw ang nagdesisyon sa bagay na iyan, puwes, mag-isa mong pangahasan. Pero kapag umalis ka sa pamamahay ko, Francesca, wala na akong responsibilidad sa iyo. Kung gusto mong maging malaya, mag-isa, bahala ka. Mayabang ka na. Matigas na ang buto mo. Tingin mo’y nasa tamang pag-iisip ka na. Hala, sige. Bahala ka. Sasabihin ko sa Mommy mo na nagdesisyon ka nang mag-isa at wala kaming anumang magagawa pa.”

        Pagkasabi niyon ay tinalikuran na siya nito.

        Humihikbing sumunod si Luring sa asawa.

        Hindi na rin naghintay pa si Francesca. Alam niyang kapag nagbitiw ng salita si Frank Fortuna ay hinding-hindi na mababawi pa iyon.

        Kahit halos manlabo ang paningin sa luha, tuluy-tuloy siya sa kanyang kuwarto. Nagmamadaling nag-empake siya ng kanyang mga gamit.

        Hindi naman siya nagdala ng marami. Isang maliit na maleta lang. Kaunting damit. Mga personal na gamit. Panay basics lang.

        Hindi siya nahirapang pumili ng dadalhin at iiwan. Ibinatay lang niya sa kanyang pangangailangan. Wala naman kasi siyang naipong mga gamit na may sentimental value. Walang masasayang alaala ang kanyang paglaki.

        Bitbit ang maleta na lumabas siya ng bahay. Wala nang paalam. Walang lingun-lingon.

 

SHOCK ang naging reaksiyon ng mga taga-Grande Films sa kinahinatnan ni Francesca.

        “Tingnan mo ang ginawa mo, Woodsy,” panunumbat agad ni Bobby.

        “Hindi naman niya kasalanan ito,” sagot din agad ni Francesca. “Ako ang nagpasya, e. Desisyon ko ito.”

        “Right,” tango ng manager. “At walang katwiran iyong lolo’t lola mo. Aba, kalahi pala sila ni Hitler.”

        “Paano, itutuloy mo pa ba ang pag-aartista?” tanong ni Bobby sa dalaga. “Desidido ka na talaga?”

        “Wala na akong choice ngayon,” sagot niya. “Paninindigan ko na ang desisyon ko. Wala na akong babalikan.”

        “Nandito naman kami, Francesca,” pahayag ni Alice. “Pamilya mo na rin kami ngayon.”

        Ikinuha agad siya nito ng sarili niyang kuwarto sa Emerald. At kahit tumatanggi siya’y ibinili pa siya ng dagdag na mga damit at gamit sa boutique na naroon.

        “May dala naman ako,” sabi niya. “Puwede na muna ito.”

        “Anong puwede na?” sagot ni Alice. “Artista ka na ngayon. May image ka nang dapat ingatan. Sabi nga, hindi puwede ang puwede na. Huwag kang mag-alala, sagot ng kompanya ang mga iyan.”

        Nakipanood siya sa natitirang tatlong araw na shooting ng tropa sa resort.

        May ipinadala naman agad na ahente ang lolo niya para tumao sa booth ng Golden Vista sa lobby. Kilala niya iyon – isang matandang dalagang oldtimer na sa kompanya at tapat sa lolo niya. Kahit nag-aabot sila sa lobby ay iniiwasan siyang tingnan man lamang nito.

        Alam ni Francesca na nagre-report din ang babaing iyon sa lolo niya araw-araw. Kung ganoon ay nalaman nina Frank at Luring nang tuluyang umalis sa Emerald ang grupo para bumalik sa Maynila – na kasama na siya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)