FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
NAGING panata
na ni Krizha ang kanyang “pakikipaglaban” sa kalalakihan. At ang alam nga
niyang pinakamabisang armas ay ang kanyang kagandahan at kaseksihan.
Habang nag-aaral siya ng MassComm sa UP
ay nag-ipon siya nang nag-ipon. Tinipid niya ang kanyang allowance.
Simpleng-simple pa lang noon ang kanyang hitsura’t pananamit.
Pero noon pa ma’y pinangalagaan na
niyang mabuti ang kanyang sarili. Nagsimula na siyang mag-ehersisyo nang
regular. Pinag-aralan niya’t sinunod ang tamang sistema ng pagkain para
mapanatiling malusog pero mahubog pa rin ang kanyang katawan. Inalagaan niya
ang kanyang balat, buhok, ngipin at pati
mga kuko.
Nang malapit na siyang magtapos ay
nangolekta siya ng mga fashion magazines. Pinag-aralan niya ang tamang
pananamit. Ang paglalagay ng make-up. Ang pag-aayos ng buhok.
Ang gusto niya’y isang bagong Krizha
Coronel na ang lalabas mula sa unibersidad patungo sa mas malawak na mundo.
Magsisimula iyon sa kanyang pag-a-apply sa trabaho.
Noong una’y mumurahin pa ang kanyang mga
damit, make-up, sapatos, bag at mga accessories. Pero dahil marunong siyang
pumili, class na rin agad ang naging dating ni Krizha. Class na sexy.
Sa pagsisimula niya sa pagtatrabaho sa
mundo ng advertising ay nagsimula na rin ang kanyang vendetta. At habang pataas
nang pataas ang kanyang kinikita ay lalo pang gumanda at sumeksi si Krizha.
Palibhasa’y ipinakita rin niya mula sa
simula ang kanyang talino’t galing, nakilala agad siya’t nakabilang sa
pinakamataas na sirkulo ng industriya.
Ngayon nga’y isa na siya sa
pinakamakapangyarihang mga executive sa advertising industry, kilala sa kanyang
husay at sa kanya na ring hitsura.
Ilang daang lalaki na ba ang naakit sa
kanya’t nasupalpal niya? Ilan pa ang hindi nagkalakas-loob na lumapit pero tahimik
lang na umasam sa wala?
Ni minsan ay hindi pa nangyari ang
kabaligtaran – iyong siya ang naakit sa lalaki.
Hinangaan
niya noon ang boss niyang si GM, oo. At sinubukan niyang madiskubre kung sa
kauna-unahang pagkakataon ay tutugon ang kanyang pandama at katawan dito.
Sinubukan niya itong i-seduce noong binata pa ito. At doon niya napatunayan na
naging frigid na nga talaga siya maging sa lalaking hinahangaan niya.
Mabuti
na lang at matinong lalaki si GM. Nang maramdaman nitong walang katugon mula sa
kanyang katawan ay kusang tumigil at kumalas sa simula pa lamang. At pagkatapos
niyang ipagtapat ang kanyang kawalan ng kakayahang tumugon kaninumang lalaki ay
naging malapit na lamang silang magkaibigan.
Sa
kaso ba ni Gabriel ay masisira ang rekord niya?
Napabuntonghininga si Krizha. Napabiling
sa kanyang higaan.
Gabi na’y hindi pa siya makatulog.
Ang dapat siguro’y huwag na niyang
makitang muli si Gabriel Celestial. Huwag na niyang ipakipagsapalarang lumago
pa ang nadarama niyang atraksiyon sa binata.
Sayang. Ang sarap pa naman nitong
kausap. Ang dami na agad niyang natutunan. At napakarami pa sana niyang
maaaring matutunan.
Paano na rin nga pala ang kanyang
pagpapagaling?
Paano kung epektibo pala sana ang
sistema ni Gabriel laban sa kanyang mga karamdaman?
Bakit nga ba hindi niya subukan?
Inabot ni Krizha mula sa side table ang
computer printout na ipinabaon sa kanya ni Garbiel. Saglit niyang nirepaso ang
mga instruksiyong nakasulat doon.
Medyo napapangawi nga siya nang muling mabasa
ang mga katanungang tumatama sa mismong mga problema niya. Kaya ba niyang
sagutin nang makatotohanan ang mga iyon?
Bahala na.
Ibinaba niya ang hawak na mga papel.
Umayos siya ng higa sa kama.
Pero pagpikit ni Krizha, ang imaheng
nabuo sa kanyang isip ay ang mukha ni Gabriel.
“Gabriel,” bulong ng dalaga. “Tulungan
mo ako. Samahan mo ako tulad ng ginawa mo kanina.”
Parang lalong luminaw ang mukha ng
binata sa kanyang guniguni. Ngumiti pa ito. Nakapagbigay iyon ng karagdagang
lakas-loob kay Krizha.
Sinimulan niya ang relaxation techniques
na itinuro ni Gabriel bilang paghahanda sa meditasyon. Maya-maya lang ay naroon
na uli siya sa dalampasigang pinuntahan din niya sa kanyang meditasyon kanina.
Nakahiga siya sa buhanginan.
Sa kanyang guni-guni ay kasama niya si
Gabriel. Nakaluhod sa kanyang tabi. Naka-pajama nang guhitang asul. Nakatapat
na muli ang mga palad anim na pulgada mula sa kanyang katawan. Mula sa
sugpungan ng kanyang mga hita.
Nag-iinit na naman ang bahaging iyon.
“Ang unang chakra,” sinasabi ni Gabriel.
“May isu ka ba na kaugnay sa iyong pamilya? May hindi ka ba matanggap sa mga
patakaran ng lipunan?
“Wala naman akong pamilya,” sagot
ni Krizha. “Iyong lalaking gumahasa sa aking ina – matatawag ko ba siyang ama?
Iyon namang babaing nagsilang sa akin para lang ako ipamigay – magpapasalamat
ba ako sa pagsabi niya sa komadrona na puwede na ako nitong lunurin sa ilog?”
“Galit ka pa rin sa kanila,” sabi ni
Gabriel.
“Alangan namang matuwa ako’t gawin ko
silang huwaran,” sagot niya. “Sila ba ang magiging mga modelo ng itataguyod
kong pamilya sa hinaharap? Hindi na nga lang ako magpapamilya.”
“Pero hindi ka rin ba umaasam sana na
magkaroon ng sarili mong masayang pamilya?” tanong ni Gabriel.
“Hanggang pangarap na lang iyon,” sagot
ni Krizha.
“Bakit naman?” pakli ni Gabriel. “Hindi
naman kailangang gayahin mo ang ginawa ng iyong mga magulang. Maaaring maiba
ang iyong kasaysayan. Nasa iyong mga kamay ang sarili mong kinabukasan. Ikaw na
rin mismo ang nagtatakda ng mga limitasyon sa iyong sarili. Nagiging biktima ka
ng sarili mong kimkim na galit.”
“Hindi lang naman ako,” giit ng dalaga.
“Mismong ang lipunan na rin natin ang nagtakda ng mga limitasyon sa akin. Paano
namang makapagtataguyod ng disenteng pamilya ang isang tulad ko ang background?
Sino ang ihaharap kong mga magulang o kamag-anak sa aking mapapangasawa at sa
partido niya? Matatanggap ba nila ang kuwento ng buhay ko?”
“Depende iyon sa tao,” sagot ni Gabriel.
“Kung hindi mo sila bibigyan ng pagkakataon, kung hindi ka makikipagsapalaran,
hindi mo mapapatunayang may mga tao ring malawak ang pang-unawa at bukas ang
puso’t isipan.”
“Pero kung mag-aasawa ako, iibig ako,”
sabi ni Krizha. “Ayokong umibig. Ayokong magpaalipin sa lalaki. Magsasamantala
lang siya sa pagkahumaling ko sa kanya. Tulad ng ginawa ni Tito Bert kay Tita
Diding.”
“Pag-ibig nga ba iyon?” ganting tanong
ni Gabriel. “Bakit ka nga naman papayag sa ganoong klase ng relasyon? Pero ang
tunay na pag-ibig, hindi mapagsamantala. Hindi nang-aalipin. Ang tunay na
pag-ibig, may give and take. Nagbibigayan. May respeto sa isa’t isa.
Pinahahalagahan ang isa’t isa.”
“May lalaki bang papayag sa ganoon?”
tanong naman ni Krizha. “Hindi ba’t ang mga lalaki, iisa lang ang gusto? Iyong
sarili lang nilang kasiyahan.”
“May mga nakilala ka nang lalaki na
hindi ganoon, hindi ba?” sagot ni Gabriel. “Si GM, hindi ganoon. Ako, hindi
ganoon. Marami pang mga lalaking tulad namin.”
Wala nang maitugon si Krizha.
Lumipat ang mga palad ni Gabriel sa
tapat ng kanyang puson.
“Ang ikalawang chakra,” sabi nito. “May
problema ka bang kaugnay ng iyong sensuwalidad? O ‘yung kaugnay ng iyong
personal code of honor? Kaugnay ng pagbibigay-galang sa kapwa?”
Napabuntonghininga si Krizha.
“Ginusto ko ang problema ng aking
sensuwalidad,” sagot niya. “Mabuti nga’t sumunod ang aking katawan at isipan.
Iyon ang mismong proteksiyon ko laban sa pang-akit ng kalalakihan. Kaya nga
hindi dapat mabago iyon. Kailangang manatili akong frigid. Malamig. Sila lang
ang dapat na maakit sa akin. Hindi ako dapat magpadala.”
“Paano mo iyon naiuugnay sa pagbibigay-galang
sa kapwa?” tanong ni Gabriel. “Alam mo nang hindi lahat ng lalaki ay
mapagsamantala. Bakit kailangang lahat ng lalaki ay akitin mo at pagkatapos ay
pahirapan? Sa kaibuturan ng iyong puso, alam mong mali ang iyong ginagawa.
Paano na ang iyong personal code of honor?
Natahimik uli si Krizha.
Tumapat ang mga palad ni Gabriel sa
kanyang sikmura.
“Ang pangatlong chakra,” sabi nito.
“Gaano mo kakilala ang iyong sarili? Gaano ka katapat sa iyong sarili? Wala ka
bang itinatagong mga katotohanan? Mga pagdadalawang-isip? Mga sinusupil na
pangarap?”
Naalala ni Krizha ang nabanggit na
kaninang pangarap niya na magkaroon ng masayang pamilya.
“Kung minsan kasi, may mga pangarap na
kasalungat ng iba kong mga pinaniniwalaan,” sagot niya.
“Baka panahon na para baguhin ang iyong
mga dating pinaniniwalaan,” pakli ni Gabriel. “Baka ang mga paniniwala mo ang
hindi na nakabatay sa iyong katotohanan.”
“Kung minsan nga, may pagdadalawang-isip
na rin ako,” amin ni Krizha. “Pero kung bibigay naman ako, parang ako ang talo.
Kahinaan iyon, e.”
“Kung kinakalaban mo ang sarili mo, kahit
inaakala mong panalo ka, ikaw rin naman ang talo,” sabi ni Gabriel. “Bakit
hindi mo kilalanin ang talagang gusto mo? Ang talagang minimithi mo? At huwag
mo iyong kontrahin. Kung patungo iyon sa pagbabago, huwag kang matakot na
magbago.”
Napakagat-labi si Krizha.
Tumapat ang mga palad ni Gabriel sa
kanyang puso.
“Ang pang-apat na chakra,” sabi nito.
“Marunong ka bang umibig? Ang pag-ibig ay marunong umunawa. Marunong magpatawad.
Walang mga kondisyon o limitasyon. Kailangang matuto tayong umibig sa ating
sarili at sa ating kapwa. Kung kaya natin iyon, kaya rin nating umibig sa isang
kabiyak.”
“Mahirap magpatawad kung masyadong
nasaktan,” sabad ni Krizha.
“Pag-usapan natin ang iyong ina,” sabi
ni Gabriel. “Kaya mo bang unawain ang kanyang nadama noong ginahasa siya? Noong
hindi siya nakakuha ng katarungan? Noong kinukutya siya sa kanilang baryo dahil
sa nangyari? Kaya mo bang unawain na ang naging tingin niya sa iyo noon ay
simbolo ng kanyang pinagdaanan?”
“Alam kong nagdusa siya,” sagot ni
Krizha. “Pero hindi ko naman iyon kasalanan. Inosente ako.”
“Marami ring mga taong inosente na
napagbuntunan mo ng iyong mga naipong hinanakit, hindi ba?” paalala ni Gabriel.
“Hindi mo ba kayang unawain na ganoon din ang naging kahinaan ng iyong ina?”
Napalunok si Krizha.
Nagpatuloy si Gabriel.
“Kung magagawa mo siyang patawarin,
gagaan din ang loob mo,” sabi ng binata. “Isipin mo na lang na mas makitid ang
kanyang kaalaman nang mga panahong iyon kung ikukumpara sa iyo ngayon. Biktima
siya ng kanyang kinalakhang kahirapan at kagipitan. Hindi rin siya gaanong
naturuan nang maayos na mga alintuntunin sa buhay.”
Nag-isip si Krizha. Parang lumalambot na
nga ang kanyang damdamin.
“Mapapatawad mo rin ba ang iyong ama?”
tanong ni Gabriel pagkaraka.
Muling nagdilim ang mukha ng dalaga.
“Paano naman maipapaliwanag ang ginawa
niya?” sagot niya. “May kapatawaran ba iyon?”
“Mabigat talaga ang kasalanan niya sa
inyong mag-ina at sa lipunan,” sagot ni Gabriel. “Hindi ko iyon dinedepensahan.
Pero kailangan bang ikaw ang magpasan ng walang hanggang galit? Parang
pinarurusahan mo na rin ang iyong sarili sa ginagawa mo. Hindi naman
nakakaapekto sa kanya ang patuloy mong pagpupuyos. Pwede mong palayain ang iyong
sarili mula sa galit.”
“Isa siyang kriminal,” mariing giit ni
Krizha.
“Totoo,” sagot ni Gabriel.
“Dapat bang patawarin ang isang krimen?”
tanong ni Krizha.
“Kung kayang habulin pa ng batas ang
kanyang ginawa, dapat mo iyong ipaglaban, oo. Pero hindi na maaari. Isipin mo
na lang na uusigin din siya ng kapalaran. At malay mo kung nangyari na nga,”
sagot ng binata. “Mas gagaan ang iyong dibdib. Kasabay niyon, makakaalpas ka sa
pagkakatali sa iyong nakaraan. Tapos na iyon. Iba na ang buhay mo ngayon. Ito
ang pagtutuunan mo ng pansin.”
Natigilan si Krizha. Hindi pa siya tapos
sa pagrepaso sa kanyang nakaraan.
“Naiisip mo sina Diding at Bert,” sabi
ni Gabriel.
“Dahil kay Tito Bert, pinahirapan ako ni
Tita Diding,” sabi ng dalaga.
“Hindi tunay na pag-ibig ang namagitan
sa kanila,” paliwanag ni Gabriel. “Kapag mapagsamantala ang bawat isa sa loob
ng relasyon, marami ang napapasama. Nadamay ka. Nasagasaan ka. Pero alalahanin
mong sinaktan din nila ang kanilang mga sarili. Isipin mo na lang kung anong
klaseng buhay ang patuloy nilang binuno kahit noong wala ka na. Para silang mga
addict na nagumon sa isa’t isa at lalong nagbulid sa isa’t isa sa kanilang
obsesyon. Patawarin mo sila’t matuto ka sa kanilang karanasan. Nakaalpas ka na
sa piling nila, huwag mong patuloy na itali ang sarili mo roon.”
Natahimik na naman si Krizha.
Tumapat ang mga palad ni Gabriel sa
kanyang lalamunan.
“Ang panlimang chakra,” sabi nito. “Dito
ka magpasya. Patuloy ka bang magpapaalipin sa nakaraan? Sa iyong galit at paghihiganti?
O pipiliin mong magpatawad? Pipiliin mo ba ang isang bagong landas para sa
iyong sarili? Iyong malaya na sa anumang anino ng nakaraan.”
“Kailangan ko bang magpasya kaagad?”
tanong ni Krizha.
Nanghihina na ang kanyang tinig. Parang
pagod na pagod.
“Nasa sa iyo rin iyan,” sagot ni
Gabriel. “Pero hindi ka makakalaya hangga’t hindi ka nagpapasya.”
Humugot uli si Krizha ng malalim na buntonghininga.
Naghahanap ng lakas.
Tumapat ang mga palad ni Gabriel sa kanyang
noo.
“Ang pang-anim na chakra,” sabi nito. “Ano
ang ibinubulong ng iyong pandama? Anu-ano ang mga natuklasan mong katotohanan?
Ano ang narating mong bagong kaalaman? Huwag mong talikuran ang ganap na
kamulatan.”
“Alam ko, pero mahirap,” amin ni Krizha.
“Masakit. Parang hindi ko pa kaya.”
Tumapat ang palad ni Gabriel sa ituktok
ng kanyang ulo.
“Ang ikapitong chakra,” sabi ng binata.
“Bakit hindi mo subuking gamitin ang channel na ito? Tumawag ka. Kumonekta.
Siya ang Walang Hanggang Pag-ibig. Ganap na Pang-unawa. Perpektong Kapayapaan.
Just tune in and open your heart and mind. Feel Unconditional Love. Full
Understanding. Perfect Peace. It will set you free.”
Naglaho si Gabriel. Naiwan si Krizha na
nakamasid sa kulay asul na langit.
Dahil wala namang nagturo sa kanya ng
tungkol sa Diyos, hindi naging mahalagang bahagi ng kanyang buhay ang
konseptong ito. Pero, siyempre, may alam din siya. Matalino siya. Malawak ang
pagbabasa.
Iyon nga lang, hindi pa niya
napag-isipan ang tungkol sa konsepto ng Diyos. Wala tuloy siyang malinaw na
paninindigan. Hindi niya ipakikipaglabang may Diyos nga. Hindi rin naman niya
paninindigang wala.
Hindi niya alam.
Ang alam lang niya’y parang sasabog na
ang kanyang dibdib sa mga sandaling ito. Kailangan niyang buksan ang kanyang
puso.
Tumawag si Krizha sa langit. Sa kawalan.
“Kung nariyan Ka, dinggin Mo ako. Kung
nariyan Ka, at totoong nauunawaan Mo ang lahat, napapatawad Mo ang lahat at
iniibig Mo ang lahat, tanggapin Mo ang pagdurusa at galit na nakadagan sa aking
pagkatao. Tanggapin Mo at ituro Mo sa akin kung paano kong mauunawaan,
mapapatawad at mamahalin ang lahat ng ito. Ipadama Mo sa akin ang Iyong
pang-unawa, kapatawaran, pag-ibig at kapayapaan. Please God. I beg You.”
Tunay na pinangiliran ng luha ang dalaga
habang sinasambit ang mga salitang iyon.
Ang nakapagtataka’y eksaktong pagkatapos
ng kanyang pahayag ay parang biglang nagluwag ang kanyang dibdib.
Gulat na gulat si Krizha.
“Diyos ko!” sambit uli niya.
At sa mismong mga sandaling iyon ay
nakadama naman siya ng hindi pa niya nadama
sa buong buhay niya. Kusang napangiti ang kanyang mga labi. Lalong dumaloy ang
kanyang mga luha. At may di-mailarawang tuwa na parang sumagitsit sa kanyang
buong pagkatao, pataas nang pataas.
Parang gusto nga niyang sundan pataas
ang nagdaang tuwa. Parang gusto niyang liparin.
Pero hindi man niya iyon nahabol ay may
kakaibang kaligayahan namang naiwan sa kanyang puso. Kaligayahan at kapayapaan
ng loob.
Biglang-bigla, parang hindi na mabigat
ang kanyang nakaraan. Parang malulungkot na kuwento na lamang ang mga iyon sa
kasaysayan. Kaya na niyang tingnan nang mas obhetibo.
“I’m free,” bulalas ni Krizha. “Totoo
nga. Hindi Mo ako pinababayaan.”
Nang dumilat si Krizha ay napatunayan
niyang hindi lamang panaginip ang lahat. Nagtagumpay ang kanyang meditasyon. At
baon pa niya ang nakamtang kakaibang kaligayahan at kapayapaan ng loob.
Kung ibabatay niya sa psychology ang mga
naganap, maaari niyang ipaliwanag na wala naman talaga siyang kausap kanina
kundi ang kanyang sarili. Ginamit lang ng kanyang isip ang larawan ni Gabriel,
ang tinig nito at ang mga ibinigay nitong katanungan. Tumulong nang malaki ang
kanyang imahinasyon at pagkamalikhain. Sumatotal, siya rin ang bumusisi at
nag-analisa sa kanyang mga nakabaong damdamin at kaisipan.
Marahil nga.
Pero may naganap na higit pa roon.
Dahil kung siya lang, matapos niyang
mabusisi at maanalisa ang lahat ay hindi pa rin niya kayang maigpawan ang
kanyang galit. Hindi pa rin niya kayang magpatawad. Masyadong masakit. Hirap na
hirap na nga ang loob niya kanina.
Kaya nga sumuko na siya sa Diyos – kahit
pa mayroon siyang mga pagdududa.
At doon na nga naganap ang itinuturing
niya ngayong milagro.
Marami na siyang nabasa na mga
karanasang tulad nito. Akala niya noon ay eksaherado lang ang mga salaysay.
Totoo pala.
Kahit sa isang iglap lang ay maaaring
mawala ang napakabigat na pasanin sa dibdib. Puwedeng maresolba ang problemang
halos buong buhay nang dala-dala. Posibleng mapatawad ang anumang pagkakasala.
Isang tawag lang sa Maykapal. Isang buong pusong pagdedeklara.
Tama pala si Gabriel.
Tuluy-tuloy pa rin ang daloy ng mga luha
ni Krizha. Hindi naman mapalis ang ngiti sa kanyang mga labi.
Nakatulog na lang siyang nakangiti pa
rin. Basa pa ng kanyang mga luha ang kanyang unan.
Hindi siya nanaginip nang magdamag. Malalim pero mapayapa ang kanyang tulog. Parang sadyang nilulubos ang pagpapahinga sa kanyang pagod na damdamin.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento