Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Marso 29, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ELAINE Chapter 10

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 10

TUWANG-TUWA ang pamilya ni Elaine sa kanyang desisyong mamalagi na sa General Santos City. Lagi na lang kasing nag-aalala noon ang kanyang Mommy at Daddy sa bunsong anak na nasa malayo.

        Tuwang-tuwa rin naman siyang makapiling na muli ang kanyang pamilya. Masarap nga palang tumira uli sa bahay nila. Iyong bini-baby siya ng kanyang Mommy at Daddy. Araw-araw ay ipinagluluto siya ng Daddy niyang si Emong na espesyal na ulam. Siyempre, hindi magpapatalo ang Mommy niyang si Yolly. Ipinagluluto naman siya nito ng mga espesyal na dessert at pangmeryenda.

        Araw-araw rin tuloy ay bumibisita roon ang mga kapatid niya, bitbit ang kanya-kanyang pamilya.

        “Masarap pala kapag nandito si Elaine,” sabi ng Ate Eunice niya. “Parang laging piyesta.”

        Noon lang din napalapit nang husto si Elaine sa kanyang mga pamangkin. Pito na pala – apat sa panganay nilang si Eunice, dalawa sa sumunod na si Edong at isa sa pangatlong si Emmy. Magkakasunod ang mga edad, mula anim na taong gulang hanggang walong buwan.

        Masaya – hangga’t hindi siya nag-iisa sa kanyang kuwarto sa gabi.

        Akala niya, kapag wala na siya sa silid niya sa barko  o sa kuwarto niya sa apartment, mawawala na rin ang masasakit na alaala. Hindi pala. Dahil ang mga alaala ni Arman ay hindi nakaukit sa mga dingding ng mga silid na iyon. Nasa kanyang puso.

        At gabi-gabi ay nagbabalik sa kanya ang lahat. Gabi-gabi ay umiiyak siya nang patago.

        Dito pa naman ay wala siyang mapaghingahan ng kanyang damdamin. Nahihiya siyang magtapat sa kanyang mga magulang at kapatid.

        Naisip ni Elaine na kailangan na niya ng mapagkakaabalahan. Kailangan na niyang simulan ang pagtatatag ng kanyang women’s fitness studio.

        Tinulungan siya ng Daddy niya sa pag-aasikaso ng mga kakailanganing permit. Madali naman silang nakakita ng puwesto na nasa sentro ng downtown.

        Nakatulong nga sa dalaga ang pagiging abala sa pag-aasikaso sa proyektong iyon nang mga sumunod na araw. Marami palang kailangang gawin. Ang pagpapa-renovate sa kanyang inupahang puwesto. Ang pag-order ng mga exercise equipment sa Estados Unidos. Ang paghahanap ng mga makakatulong niyang fitness trainers at mga masseuse.

        Tatlo ang kanyang napiling maging fitness trainers mula sa mga nag-apply. Isang dating P.E. teacher, isang nurse at isang dating athlete na maagang nagretiro dahil nag-asawa na’t nagkaanak.

        Kumuha rin siya ng dalawang hilot na maalam sa reflexology.

        Sinimulan na agad ni Elaine ang training ng lima. Araw-araw, mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali ay nagkaklase sila sa garahe ng bahay ng kanyang mga magulang. Ibinabahagi niya sa mga ito ang lahat ng kanyang kaalaman sa ehersisyo’t pangkabuuang kalusugan.

        Dalawang buwan mula sa kanyang pagdating, pagkatapos ng isang buwang paghahanda, ay binuksan na ang Elaine’s Fitness Center for Women.

        Katuwang ni Elaine ang kanyang Ate Connie – asawa ni Edong – na biglang ginanahan uling magtrabaho sa labas ng bahay nang malaman ang plano ng dalaga. Ito ang tumatayong manager ng center. Tapos ito ng Business Administration at siyang mangangasiwa ng pampinansiyang bahagi ng kompanya.

        Siyempre, aalalayan sila ng Daddy niya na isang retiradong Certified Public Accountant.

        May kinuha rin silang administrative assistant-receptionist at maintenance staff.

        Nagdagsaan ang mga nagparehistro sa Elaine’s. Napuno agad ang mga klaseng yoga, taichi, dance aerobics, step aerobics, strength training, cross-training at individualized programs.

        Nagsimula na muli ang araw-araw na pagkaklase ni Elaine.

        Pag-uwi niya sa gabi ay pagod na pagod na siya. Madalas ay nakakatulog na agad siya.

        Pero hindi pa rin niya ganap na nakalimutan si Arman.

        Hindi na nga siya umiiyak nang gabi-gabi. Pero araw-araw naman, sa mga sandaling hindi niya inaasahan, ay bigla na lang itong sumusulpot sa kanyang alaala.

        Kung minsan, paggising niya sa umaga. O kapag naliligo siya. Kahit nga nasa gitna siya ng isang klase. O, kumakain.

        Kung minsan, parang bigla na lang niyang nalalanghap ang pabango ni Arman kahit wala naman ito.

        Kung minsan, parang naririnig niya ang pagtawa nito.

        At paminsan-minsan ay napapanaginipan niya ang mga namagitan sa kanila. Kung minsa’y higit pa roon. Kung minsa’y natutuloy sa kanyang panaginip ang hindi nagkaroon ng kaganapan sa realidad. At nagigising siyang nangangatal pa ang katawan sa kasiyahan. Para lang muling mabigo.

        Pero hindi pinanghihinaan ng loob si Elaine. Kakayanin niya ang lahat. Umaasa siyang isang araw ay matatapos din ang kanyang paghihirap. Huhupa rin ang sakit. Hihilom din ang sugat. Kailangan lang niyang maging matatag.

        Ano pa ba ang kanyang irereklamo sa tadhana? Matagumpay na agad ang itinayo niyang fitness center. At ni hindi nasaid ang kanyang naipong pondo. Ang natira ay na-invest pa niya sa mga piling stocks.

        Wala na siyang aalalahanin sa kanyang hinaharap. Kayang-kaya niyang suportahan ang kanyang sarili. Hindi na siya kailangang umasa kaninuman.

        At nakapaligid sa kanya ang kanyang pamilya. Ang mga mahal niya sa buhay na nagmamahal din sa kanya. Hindi siya dapat malungkot.

        Taas-noong sinuong ni Elaine ang bawat araw. Hanggang sa lumipas ang anim na buwan.

 

“HI, Elaine!”

        Akala ng dalaga ay namamalikmata lang uli siya. Nakakarinig ng boses na nagmula lang sa alaala.

        Imposibleng nakatayo si Arman sa reception area ng Elaine’s, nakatingin nang matiim sa kanya.

        Malamang ay ibang lalaki ito. May susunduin lang sigurong nanay o kapatid o asawa o girlfriend.

        “Yes?” kumukurap-kurap na sagot niya. “May I help you?”

        “Elaine...” mahinahong sabi ng binata. “It’s me.”

        Hindi nagbago ang hitsura ng lalaking nasa kanyang harapan. Hindi nagbago ang tinig na kilalang-kilala niya.

        “Arman!” singhap ni Elaine.

        “Kumusta ka na?” nakangiting sabi nito. Pero ang ngiting iyon ay may pag-aalangan. Nananantiya.

        Nang masiguro niya kung sino nga ang kanyang kaharap ay hindi natuwa ang dalaga. Sa halip ay umakyat sa ulo niya ang lahat ng naipon niyang sama ng loob. Ang kanyang galit.

        “Ano’ng ginagawa mo rito?” pataray na tanong niya. “Paano mong nalamang narito ako?”

        “Nagmakaawa ako kina Gerry at Gretchen para ibigay ang address mo noong hindi na kita abutan sa Fort Lauderdale,” sagot ni Arman. “Dumiretso na ako rito sa GenSan magmula roon. Lumipat agad ako sa domestic airport mula sa NAIA. Kararating ko nga lang. I just stopped by the nearest hotel to leave my bags.”

        “Nagsayang ka lang ng pagod, panahon at pera,” singhal niya. “This is a big mistake. Wala na tayong dapat na pag-usapan pa. In fact, I never want to see you again.”

        Ganap na napalis ang ngiti ng binata. Sumeryoso ito.

        “Alam kong galit ka pa,” sabi nito. “I can understand that. Malaki ang kasalanan ko sa iyo. Gusto ko lang sanang makapagpaliwanag.”

        “Nagawa mo na iyon noon,” hindi pa rin natitinag na sagot ni Elaine. “Malinaw na sa akin ang posisyon mo. Wala ka nang kailangang ipaliwanag pa.”

        “Marami,” giit ni Arman. “These past six months, marami akong nalinawan sa sarili ko. Sa atin.”

        Natawa nang mapakla ang dalaga.

        “Huwag mo na akong isali sa soul-searching mo,” sagot niya. “Nananahimik na ako rito. Bakit ginugulo mo pa ako?”

        “Nananahimik ka na nga ba, Elaine?” marahang tanong ni Arman. “I don’t think so.”

        Napikon na siya nang tuluyan.

        “Wala kang pakialam sa buhay ko,” mariing sabi niya. “Wala rin akong pakialam sa buhay mo. Huwag ka lang magpapakita sa akin. Just go away. Iniistorbo mo pati ang  business ko.”

        Pinagtitinginan na nga sila ng mga nagsisidatingang miyembro ng fitness center. Kahit kasi mahina lang ang kanilang pag-uusap sa isang tabi ng reception area ay halatang-halata ang galit na nasa mukha ni Elaine.

        “Okay,” sagot ni Arman. “Hindi nga ito ang tamang lugar para makapag-usap tayo nang masinsinan. I’ll see you later.”

        “Ayoko nang makita ka uli,” sabi ng dalaga.

        Pero tinalikuran na siya ni Arman na parang walang narinig. Tuluy-tuloy na itong lumabas ng center.

        Saka lang napansin ni Elaine na nanginginig ang kanyang buong katawan sa emosyon. Ipinalagay niyang galit lang ang emosyong iyon.

        “Sino iyon?” tanong ni Connie pagbalik niya sa loob.

        Ito lang ang may lakas ng loob na mag-usisa sa kanya.

        “Wala,” sagot ni Elaine. “Dati kong kasama sa barko.”

        “Parang galit ka yata sa kanya,” pansin ni Connie.

        “Wala iyon,” iwas ng dalaga. “Mga lumang isyu lang. Hindi na dapat pag-aksayahan ng panahon.”

        Nanahimik na lang si Connie kahit na lalo pang naintriga.

        Pero pag-uwi ni Elaine sa bahay nang gabing iyon ay hindi na niya naiwasan ang magpaliwanag.

        Dahil inabutan niya roon si Arman, kakuwentuhan ng mismong Daddy niya.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento