FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 11
“O,
HAYAN ka na pala,” nakangiting sabi ni Emong pagpasok niya. “Tumuloy rito si
Arman pagkagaling sa center, e. Kanina pa nga kami nagkakasarapan ng
kuwentuhan.”
“Good evening, Elaine,” sabi ng binatang
agad na tumayo pagkakita sa kanya.
Hindi nakasagot ang dalaga sa
pagkabigla.
“Dito ko na pinaghahapunan si Arman,”
papapatuloy ni Emong. “Kaya pumanhik ka na muna’t magbihis bago mo siya
harapin.”
“S-sige, Dad,” nakuhang isagot ni Elaine
matapos humalik sa pisngi ng ama.
At tumalilis na siyang papanhik.
Sinalubong naman siya ni Yolly sa
pasilyo ng pangalawang palapag ng bahay.
“Elaine, bakit hindi mo man lang
ikinuwento sa amin si Arman?” parang nagtatampong sumbat nito pagbalik niya.
“W-wala na namang dapat ikuwento,
Mommy,” sagot niya.
Pero sinundan siya ng ina hanggang sa
kuwarto. Naupo ito sa kanyang kama.
Naupo naman si Elaine sa harap ng
tokador.
“O, magbihis ka na habang nag-uusap
tayo,” untag ni Yolly. “Hinihintay ka sa ibaba. Nakakahiya naman kung magpapatagal-tagal
ka pa.”
“Kailangan ko pa ba siyang harapin,
Mommy?” nagawa na niyang ireklamo. “Hindi naman maganda ang naging paghihiwalay
namin. Ayoko na siyang makaharap.”
“Kaya nga mas dapat na mag-usap man lang
kayo nang masinsinan,” sagot ni Yolly. “Anumang gusot ang dinaanan ninyo, mas
mabuting napapag-usapan nang mahusay at mahinahon. Maayos namang pumarito ‘yung
tao. Disente namang kausap. And your Dad and I feel that he’s sincere. Nagtapat
siya sa amin, e.”
Kinabahan si Elaine.
“A-anong nagtapat?” tanong niya.
“Tungkol sa inyo,” sagot ng ina. “Kung
paanong nagkaloko-loko ang relasyon n’yo. Excuse me, hindi pa nga pala kayo
pormal na nagkakarelasyon.”
Nataranta na talaga si Elaine.
“Mommy, ano ba talaga ang ikinuwento ng
lalaking iyon sa inyo ni Daddy?”
“The whole story – or at least, the
general outline,” sagot ni Yolly. “Iyong may girlfriend siya dati sa Manila. Kaya
kahit daw attracted kayo sa isa’t isa, iniwasan ka niya. By the way, that was
very decent of him. Pagkatapos, naghiwalay sila nu’ng girlfriend niya because
they realized that they weren’t in love. Dahil daw doon, nawalan siya ng tiwala
sa pag-ibig. So when he went back to you, iba na siya. Cynical na. Inalok ka
raw niya ng relasyong walang commitment pero, of course, ayaw mo because you
believe in love. Which makes us very proud of you, anak. Ngayon, nandito siya
para ligawan ka uli. This time, for real. Dahil na-realize daw niyang he’s
actually in love with you.”
“Ganoon?” sarkastikong bulalas ni
Elaine. “Bolahin niya ang lelang niya.”
“Elaine!” saway ni Yolly. “Hindi naman
kami naive para basta maniwala sa kanya if we think he’s a fraud. Ilang oras na
namin siyang kausap. Na-interrogate na siya nang husto ng Daddy mo. At kahit
pagbali-baligtarin, consistent pa rin siya sa mga sinasabi niya. And besides,
kung balak ka lang niyang bolahin, dapat noon pa. Puwede namang sinabi niya sa
iyo noon na mahal ka niya even if he didn’t really feel that way. Instead, he
close to be honest with you even if it meant that you would turn him down. At
ngayong napatunayan niya sa sarili niyang mahal ka nga pala niya, he had the
guts to come here to tell you. At malakas ang loob niyang kausapin kami. Hindi
gagawin iyon ng isang nambobola lang.”
Umiling si Elaine.
“Ayoko na, Mommy,” sabi niya. “I’ve tried
so hard to get over him. Ayoko na.”
“Well, desisyon mo iyan,” sagot ni
Yolly. “Hindi ka naman namin didiktahan sa bagay na iyan. Kaya lang, huwag mo
naman kaming ipapahiya. Umakyat siya nang mahusay sa pamamahay natin, harapin
mo siya nang mahusay. Mag-usap kayo nang mahinahon. Pakinggan mo muna siya.
And then tell him whatever it is you
want to tell him – pero sa maayos ding paraan. Okay?”
Napilitang tumango si Elaine.
“O-okay, Mommy,” pabuntonghiningang
sagot niya.
“Oo nga pala, we invited him to dinner,”
dagdag ni Yolly. “Maghapunan na muna tayo bago kayo mag-usap. Hahayaan na namin
kayong magkasarilinan sa salas pagkatapos nating kumain. Pero please naman,
ayusin mo ang pagharap sa kanya sa hapunan, ha?”
“Yes, Mommy,” parang batang sagot niya.
“O, sige, sumunod ka na agad sa ibaba,”
bilin ni Yolly habang papalabas ng silid.
Nagngingitngit si Elaine nang mapag-isa.
Ang tusong Arman na iyon, dumiretso pala
sa mga magulang niya. At nakapagpalapad na agad ng papel.
Kung alam lang ng Daddy at Mommy niya
ang buong katotohanan – ang mga ginawa nito sa kanya.
Pero alam ni Arman na hindi niya maipagtatapat
iyon sa mga magulang niya. Hindi niya mailalahad na siya pa noon ang humiling
kay Arman na bigyan siya ng isang gabi nang walang anumang pananagutan.
General outline nga lang ang ikinuwento
ni Arman sa Mommy niya. At sa kuwentong iyon ay pareho silang nagmukhang santo
at santa.
Baka akala nito’y magpapasalamat pa siya
sa pagtatakip na iyon. Hudas talaga.
Kahit na galit, nagmadali pa rin ang dalaga
sa pagbibihis. Kapag ganoong seryoso na ang tono ng Mommy niya ay hindi niya
kayang suwayin ito.
Pero sinadya niyang ang isuot ay lumang
t-shirt na maluwang at medyo kupas nang leggings. Mabuti nang malaman na agad
ni Arman na wala itong halaga sa kanya. Na hindi niya ito pagpapagandahan.
SI
Emong ang nagtaas ng kilay pagkakita sa suot ng bunso.
“O, wala ka na bang ibang damit,
Elaine?” pansin nito. “Nakakahiya naman sa bisita mo.”
“Wala ho ‘yon,” salo agad ni Arman. “Hindi
na naman ako ibang tao. Kumportable lang ho talaga si Elaine sa akin. Hindi na
namin kailangang magpa-impress sa isa’t isa.”
“Kunsabagay,” tango ng matanda.
Lumabas agad sa salas si Yolly.
“Ikaw na lang ang hinihintay namin,
Elaine,” sabi nito. “Tayo na. Let’s eat.”
Silang apat lang ang nagsalo. Magmula
kasi noong maitayo ang center ni Elaine ay tuwing Sabado’t Linggo na lamang
dumadalaw ang mga kapatid niya’t mga pamilya ng mga ito.
Inis na inis ang dalaga dahil pagdulog
nila sa hapag ay parang mas kumportable pa si Arman kaysa sa kanya. Ni hindi
nga ito nangingilag sa kanyang mga magulang. Mukhang kasundung-kasundo nito ang
dalawang matanda.
Samantalang siya,
tensiyonadang-tensiyonada. Paano’y hindi niya maipakita ang kanyang galit.
Nangako siya sa kanyang Mommy na magpapakatao sa harap ng pagkain.
Kahit na ang totoo’y ni ayaw na sana
niyang kumain. Hindi niya malasahan ang kanyang isinusubo. Parang may bikig sa
kanyang lalamunan. May nagliliparang mga paruparo sa kanyang sikmura. At
pakiramdam niya’y hindi siya matutunawan.
Huling kanlungan na nga niya ang bahay na
ito. Ang kanyang pamilya. Pati ba naman ito’y sinakop na ng kapangyarihan ni Arman?
Hanggang dito’y madadaig pa rin siya?
Hindi siya papayag.
Paninindigan na talaga niya ang kanyang
sarili.
Sinulyapan siya ni Arman at nginitian.
Kamuntik nang mabulunan si Elaine.
KATULAD
ng ipinangako ni Yolly, iniwan nga sina Arman at Elaine sa salas pagkatapos ng
hapunan.
Mukhang pinagsabihan ng matatanda pati
ang mga katulong. Napansin ng dalaga na matapos maitabi ang kanilang pinagkanan
ay dumilim at tumahimik na agad sa gawing kusina. Ipinagpabukas na siguro ang paghuhugas.
Nagsipasok na sa kanilang kuwarto ang lahat ng kanyang mga kasama sa bahay.
Ito na ang hinihintay niyang
pagkakataon.
“Pumapel ka nang husto sa parents ko,
ano?” sumbat agad ni Elaine kay Arman. “Akala mo, nakaisa ka na? Wala kang
karapatang pumunta rito. At tapos na ang kahibangan ko sa iyo.”
“Just hear me out, Elaine,” pakiusap ng
binata. “Please...”
Nagkibit-balikat siya.
“Wala akong choice,” sagot niya. “Inutusan
ako ng Mommy ko na pakinggan ka. Sige. Pero kuwidaw ka, hindi nila pakikialaman
ang desisyon ko tungkol dito. So balewala rin ang pagpapalakas mo sa kanila.”
“Nagtapat ako sa kanila bilang
paggalang,” paglilinaw ni Arman. “At para patunayan ang aking sinseridad. Hindi
para sa anupaman.”
“Iyan lang ba ang ipapaliwanag mo?”
patutsada ng dalaga. “Tapos ka na?”
“Elaine, I was wrong,” sagot ni Arman.
“Maling-mali ako noon. Magulung-magulo pa kasi ang isip ko noong mga panahong
iyon. Inakala kong physical attraction lang ang namamagitan sa atin. Hindi ako
makapaniwalang there’s such a thing as love. Dahil nga hindi naman pala
pag-ibig iyong nadama ko sa girlfriend ko noon. After that disaster with her, I
thought I was incapable of falling in love. Hindi pala.
“These past six months
without you, napatunayan kong umiibig pala ako. I love you. I can’t live
without you. Ikaw ang gusto kong pakasalan at makasama sa habambuhay. Ikaw ang
gusto kong maging ina ng aking mga anak. I want us to live happily ever after.
I know we will.”
“Ang yabang mo pa rin talaga, ano?”
sagot ni Elaine. “Akala mo, ganoon lang kadali iyon? Basta’t magbabago ka ng
isip at susugurin mo ako rito. Akala mo, magtatatalon ako sa tuwa at hahalik sa
iyong mga paa? Akala mo, these past six months, hinihintay kita? Actually,
Arman, kinalimutan na kita. I’ve gotten over you. Sorry ka na lang.”
“Hindi mo ako mapapaniwala riyan,”
matatag na sagot ng binata. “Alam kong galit ka pa. And you’re still hurting.
And I’m really sorry for hurting you, Elaine. Pero huwag mong sasabihing
kinalimutan mo na ako. That you’ve gotten over me. That’s a lie. Dahil habang
narito ka pa rin sa puso ko, alam kong nariyan pa rin ako sa puso mo. I love
you, and I know you love me. Pareho lang tayong nagdurusa, at pareho nating
hindi makakalimutan nang ganoon lang ang isa’t isa. Magkarugtong na ang buhay
natin. Ang kaligayahan natin.”
“Ang kapal mo,” sagot niya. “Bahala ka
kung ayaw mong maniwala sa akin. Paniwalaan mo ang gusto mong paniwalaan.”
“Unang-una, narito ako para hingin ang iyong
kapatawaran,” sabi ni Arman. “Pangalawa, para ilahad sa iyo ang aking pag-ibig
at yayain kang pakasal. Pero alam ko rin namang hindi ko makukuha ang iyong
tunay na kasagutan hangga’t hindi humuhupa ang galit mo. Hangga’t hindi mo
napapatunayan ang sinseridad ko. So, I’m ready and willing to prove myself to
you. At handa rin akong maghintay.”
“I don’t care,” sagot ni Elaine. “Bahala
ka sa buhay mo.”
Tumayo na siya.
“Pinakinggan na kita,” pagpapatuloy
niya. “Siguro naman, puwede na akong magpahinga.”
“Okay,” sagot ni Arman na tumatayo na
rin.
“Kailangan kitang ihatid sa gate para
mai-lock ko iyon sa paglabas mo,” paliwanag ni Elaine. “Baka isipin mong
special treatment iyon. Huwag kang mag-ilusyon.”
“Okay,” natatawang ulit ng binata.
Pero bago tuluyang lumabas ng gate ay binalingan
siya.
“Good night,” sabi nitong nakatitig sa
kanya. “I love you.”
Kinabig agad niya ang tarangkahan nang
pasara.
Pero nanuot hanggang puso’t kaluluwa ni
Elaine ang mga salita ni Arman. Ang titig ni Arman.
At hindi na siya nakatulog nang gabing
iyon.
Hindi niya malaman ang gagawin. Ang
mararamdaman.
Sa kaibuturan ng puso niya’y kinikilig
siya. Gusto niyang magtitili sa tuwa. Magsasayaw. Marinig ba naman niya mula
kay Arman ang mga salitang “I love you”. Iniibig daw siya. Gusto siyang pakasalan.
Maging ina ng mga anak nito. Makasama nito habambuhay.
Damang-dama niya ang sinseridad sa tinig
ng binata. Kitang-kita niya ang katotohanan sa mga mata nito.
At walang nagbago sa kanyang damdamin
para kay Arman. Sa kanyang reaksiyon sa pagtitig nito.
Pero nagrerebelde pa rin ang kanyang
nasaktang puso. Hindi pa rin niya magawang ipakita sa binata o kaninuman ang
kanyang tunay na nadarama. Masakit pa ang sugat.
Pagkatapos ng lahat ng pagdurusa niya, ganoon
na lang ba iyon?
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento