FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER
5
PAGGISING ni
Shaira, ang una niyang nakita ay ang multi-colored na mga kumot na nakadikit sa
dalawang bintana ng loft sa pamamagitan ng masking tape. Napangiwi ang mukha niya. Ang pangit kasing tingnan. Ni hindi man lang
neat ang pagkaka-tape niya. Eyesore talaga.
Isa pa, dumilim tuloy ang
loft. Kung hindi nga lang dahil sa kanyang alarm clock ay baka hindi pa niya
napansing umaga na.
Wala siyang magagawa, iyon
lang ang pinakamadaling solusyon sa problema niya kagabi.
Kung si Via ang nasa
kalagayan niya, siguradong may ibang paraang magagawa ang kapatid niya para sa
housekeeping problem na iyon. At siguradong artistic ang solusyon nito.
Aesthetically pleasing. Kahit hindi pinlano, puwedeng pang-House Beautiful.
Pero
hindi naman siya si Via.
Saka naalala ni Shaira ang
tungkol sa almusal. Sa bahay kasi nila, si Via rin ang tagapagluto at napakasarap
nitong magluto. Tuwing umaga, sinasalubong sila ng amoy ng freshly-brewed
coffee at anumang bagong recipe nito. Pero ngayon nga pala’y wala siyang
maaasahang ganoon. Instant coffee lang ang naghihintay sa ibaba. At kailangan
pa niyang mag-init ng tubig para doon. Siguro,
sa microwave na lang para mabilis. At magsa-sandwich na lang siya. Puwede na
ang palaman na peanut butter.
Lulugu-lugong bumangon ang
dalaga. Binitbit na niya ang kanyang panibagong bihisan pababa. Diretso siya sa
banyo.
Paglabas niya, medyo feeling
human na siya nang kaunti. Nakapaligo na. Bagong bihis. Presentable.
Nagugutom na nga lang.
Nagbukas na muna siya ng mga bintana. At
agad niyang nalanghap ang isang napakapamilyar na aroma. Freshly brewed coffee!
Napikit pa si Shaira habang humuhugot ng
malalim na hininga. Nananaginip ba siya?
Pero
agad siyang napadilat nang marinig ang isang pamilyar na ring boses.
“Good morning!”
nakangiting sabi ni Jigger mula sa katapat niyang bintana. “Puwede ba kitang
ma-invite na mag-breakfast dito sa bahay ko? Parang welcome ko na sa iyo.”
Itinaas pa nito ang hawak na coffee mug.
“H-Ha?” nabibigla’t nagdadalawang-isip
na sagot ni Shaira.
“Kanina, balak ko sanang dalhin diyan
ang food para hindi ka na kailangang lumipat dito,” pagpapatuloy ng binata. “Pero
naalala kong ginagamit mo nga pala bilang working table ang dining table mo. At
saka makakagulo pa ako riyan sa bahay mo. Naisip ko, mas mabuti pa yata kung
dito na lang tayo kumain. Sagot ko na pati cleaning up pagkatapos.”
Bahagyang nangiti si Shaira.
“Nakakahiya naman,” sagot niya. “At
saka, I can’t return the gesture. Hindi ako marunong magluto, e. Peanut butter
sandwich nga lang sana ang balak kong almusalin.”
“Huwag mo nang problemahin iyon,” sabi
ni Jigger. “Lipat na rito habang mainit pa itong mga niluto ko.”
Nagpapilit na rin si Shaira. Mahirap
tanggihan ang mahalimuyak na freshly brewed coffee, ang pangako ng
bagong-lutong almusal at, siyempre pa, ang ngiti ni Jigger.
Nakatayo ang binata sa front door
pagdating niya sa kabila. At hindi naiwasan ni Shaira ang mapansin ang ganda ng
pangangatawan nito sa suot na puting round-necked t-shirt at checkered na boxer
shorts na umaabot lang hanggang mid-thigh.
Nakayapak pa ito.
Hindi dating interesado si Shaira sa
pangangatawan ng lalaki pero ngayo’y detalyadong rumerehistro sa kamalayan niya
ang malalapad na balikat ni Jigger, ang mga braso nitong well-muscled, and
dibdib nitong bumabanat sa tela ng t-shirt at ang mga binti nitong mahahaba’t
mukhang solid na solid. Kapansin-pansin din sa kanya ang balat nitong sunog sa
araw pero makinis at malinis tingnan.
“Halika, tuloy ka,” sabi ng binata.
Pagtingin ni Shaira sa mukha nito ay
napatunayan niyang mas simpatiko pa pala ito up close. Parang kumikislap ang
mga mata nitong nakatitig sa kanya. Na-conscious tuloy siya.
Hindi rin normal para kay Shaira
Montelibano ang maging conscious sa ayos niya. Ang tanging pamantayan niya sa
araw-araw ay maging neat and clean. Hindi ang magmukhang attractive.
Ang
mga outfits niya ay nakahati lang sa dalawang classifications – pambahay at
pang-campus. Ang mga pambahay niya ay kumportableng t-shirt at leggings o
walking shorts o jeans na puwede na ring pang-casual wear sa paminsan-minsan
niyang pagsama sa pamilya sa pagpunta sa supermarket o sa mall. Kapag naman
papunta sa UP, kailangang magmukha siyang propesorang kagalang-galang kaya’t
lagi siyang naka-suit — magkaternong boxy jacket-styled tops at paldang
below-the-knee o kaya’y slacks. Parang uniporme na niya iyon, kasama ng kanyang
nakapusod na buhok at sensible flat shoes.
Ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon,
naisip ni Shaira na itanong sa sarili kung attractive ang ayos niya. Katulad
kagabi’y maluwang na t-shirt at capri leggings din ang napili niyang isuot
ngayong umaga, ibang kulay nga lang. Hindi kaya masyado siyang losyang?
Pero wala na siyang magagawa. Narito na
siya. Mas ginandahan na lang niya ang pagkakangiti.
“N-Naku, ang kintab naman
ng floor mo,” sabi niya pagpasok pa lang sa bahay. “Kaya ka pala nakayapak.
Iiwan ko na lang kaya sa labas ang slippers ko.”
“Huwag na,” iling ni
Jigger. “Kaya lang naman ako nakayapak dahil nakasanayan ko na ang ganito sa
loob ng bahay. Gustung-gusto kong nararamdaman ang texture ng kahoy.”
“Bakit nga pala iba itong
flooring mo kung magkapareho naman ang modelo ng bahay natin?” pagtataka ni
Shaira. “Iyong sa amin, marble. Ito naman parang antigong kahoy.”
“Iyong general style lang
naman ng bahay ang nire-require nila na maging magkatulad, e,” sagot ng binata.
“Puwedeng baguhin ang mga detalye. Since ako mismo ang gumawa ng finishing
nitong bahay ko, pinili ko nang gawing kahoy ang flooring kaysa marble. Mas
masarap apakan ang kahoy kahit mas maselan sa alaga. Sinuwerte nga lang ako.
Nabili ko itong narra slabs nang second-hand sa isang dine-demolish na lumang
bahay sa Cavite. Antigo na nga talaga ito. Wala nang ganito kalalapad na
wooden floor slabs ngayon.”
“Iba na talaga ang contractor, ano?”
sabi ni Shaira. “Are you an architect or an engineer? O baka both?”
“None of the above,” iling ni Jigger.
“Hanggang third year lang ako sa Archi. Tumigil na ako’t nagtrabaho nang full
time.”
Natigilan si Shaira. Napakunot-noo.
Parang hindi siya makapaniwala na ang
kaharap niya ay hindi isang college graduate.
“Wala naman akong regrets,”
pagkikibit-balikat ng binata. “Noong nag-full-time ako sa construction, mas
marami akong natutunan sa pasikut-sikot ng business na iyon. Dahil doon,
pinagkatiwalaan ako na gawing sub-contractor. Eventually, nakapagsarili na
ako.”
“Pero hindi ba kailangan ng architect at
engineer sa bawat construction project?” tanong ni Shaira.
Tumango si Jigger.
“Nagbabayad
ako para sa serbisyo ng isang licensed architect at isang licensed engineer sa
bawat project ko,” sagot nito. “Ang maipagmamalaki ko lang, nakasisiguro akong
naiintindihan ko rin ‘yong trabaho nila. Pinag-aralan ko rin naman kasi iyon sa
aktuwal na mga proyekto, e. Kung tutuusin, ako ang gumagawa ng preliminary
plans na pinagbabasehan ng mga ginagawa nila. Pagkatapos, dino-double check ko
ang trabaho nila. Kapag hindi ako kumbinsido, humihingi ako ng second opinion
sa ibang engineer o architect. ‘Yong mas experienced na sa construction work.
Kung minsan kasi, lalo na kapag hindi pa sanay ang engineer o architect sa
aktuwal na construction, may pagkakaiba sa pananaw nila at sa pananaw naming
mga hands-on workers.”
Tumango si Shaira kahit banyaga sa kanya
ang konseptong ipinapaliwanag ni Jigger. Hindi niya alam kung paanong
matututunan ng isang tao ang Engineering o Architecture sa labas ng classroom.
Lalo na sa mismong construction site.
“Halika na munang mag-almusal bago
lumamig ang coffee at ang food,” singit ni Jigger. “Doon na tayo magkuwentuhan
sa dining table.”
Nakahain na nga ang mesa.
Hinatak pa ng binata ang silyang uupuan
niya. Pagkatapos, sinalinan siya ng kape sa mug.
“Ang bango ng brewed coffee,” sabi ni
Shaira. “Ito ang hindi ko ma-resist.”
“Batangas coffee iyan,” sagot ni Jigger.
“May sikreto ako sa pag-brew para maximized ang flavor pero hindi mapait.
Mellow. Heto, timplahan mo ng brown sugar at fresh carabao’s milk. Iyan ang bagay
na bagay na magkaka-partner.”
“Talaga, ha?” sabi niya. “Sige nga.”
Sinunod niya ito.
“Hmmm, ang sarap,” sabi
niya matapos matikman ang natimplang kape. “Daig pa ang Starbucks. Puwede ka
nang magtayo ng coffee shop.”
Natawa lang si Jigger.
“Tikman mo rin muna
itong luto ko,” sabi nito.
Ang nakahanda sa mesa’y sinangag,
longganiza at omelette.
“Longganizang Batangas din iyan,”
pagmamalaki ni Jigger habang iniaabot sa kanya ang pagkain. “Pero special iyan
dahil walang taba. Garantisadong lean meat. Wala ring preservatives. Ginagawa
iyan habang fresh na fresh ang karne at pagkatimplang-pagkatimpla ay diretso na
sa freezer. From the freezer naman ay diretso na sa pagluluto. Hindi rin iyan
pinirito. Pinatuyuan ko lang sa kaunting tubig — just enough para maluto
hanggang sa kaloob-looban. Afterwards, hinayaan kong matusta nang kaunti sa
non-stick pan. No added oils.”
“Naks, healthy food, ha?” sabi ni
Shaira.
“At ang pambalanse riyan ay itong
vegetable omelette,” pagpapatuloy ni Jigger. “Fresh asparagus and tomatoes ang
halo nito. Binili ko kanina diyan sa may labasan lang ng subdivision. Bagong
harvest kaya manamis-namis pa.”
“Ganoon ba?” sabi ng dalaga.
“At
huwag kang mag-alala dito sa sinangag,” dagdag pa ni Jigger. “Hindi rin mamantika
ito. Kaunting-kaunting oil lang ang ginamit ko sa pagpapapula ng bawang. Hindi
naman kailangan ng maraming oil kung non-stick ang pinaglulutuang wok, e. At
saka panay gulay din ang halo nito — garlic, onion, bell peppers and fresh
button mushrooms.”
“Para namang pang-country
club na breakfast ito,” sabi ni Shaira.
“O,
tikman mo na,” untag ni Jigger.
Sumubo siya. Sinangag
muna at omelette.
“Mmm, this is good,” sabi niya
pagkatapos.
Sinubukan naman niya ang sinangag na may
kasabay na longganiza.
“Magtayo ka na nga ng restaurant,” sabi
niya pagkatapos. “Magpapa-home delivery na lang ako para sa lahat ng aking
meals.”
Tumawa na nang tuluyan si Jigger.
“Iyan lang ang hinihintay ko,” pahayag
nito. “Masaya na ako. Masarap kasing pakinggan na may pumupuri ng niluto ko, e.
Malungkot ‘yong pagkatapos kong paghandaan nang mabuti ang lahat, mag-isa lang
din akong kumakain."
“Paano ka ba natuto na magluto nang
ganito?” tanong ni Shaira.
“Natuto akong magluto dahil kailangan,”
sagot ni Jigger. “Namatay ang mother ko pagkapanganak sa akin kaya dadalawa
lang kami ng tatay ko noong nabubuhay pa siya. Pero noon, basics lang ang alam
ko. Magsaing. Magprito. Maglaga. Maggisa. Nitong medyo umasenso na ang buhay ko
at nagkaroon ako ng kaunting free time, nakahiligan ko na ang mag-experiment sa
kusina. Iyon nga lang, wala akong ka-share sa resulta. Kaya pasensiya ka na
kung sabik na sabik akong makarinig ng compliments.”
“Deserving
ka naman, e,” sabi ng dalaga. “Magkatulad kayo ng sister kong si Via. Mahilig
din siyang mag-experiment sa pagluluto. At saka maayos sa pamamahay. Ako, wala
akong alam sa mga bagay na iyan. Ang balak ko nga, habang ginagawa ko itong
project ko, panay sandwiches na lang muna ang ikabubuhay ko. Puwede na
iyon at saka fresh fruits. Paminsan-minsan, vegetable salads. Iyon lang ang alam kong ihanda, e.”
“E di sa akin ka na lang
lagi sumabay sa pagkain,” sabi ni Jigger. “Ganito.”
“Ha?” bulalas ni Shaira. “Naku, huwag.
Sobra na iyon.”
“Hindi,” iling ni Jigger. “Pag nagluluto
naman talaga ako, laging sobra-sobra. Mahirap magtantiya nang just enough for
one serving, hindi ba? So, saluhan mo na lang ako three times a day. Hindi na
ako mag-iisa sa pagkain. Ikaw naman, hindi ka na gaanong maaabala sa project
mo. Maglalaan ka na lang ng breaks for meals.”
Natawa si Shaira.
“Kagabi, nag-volunteer kang maging
bodyguard ko. Ngayon naman, cook,” sabi niya. “All-around ka pala, ano?”
“What are next-door neighbors for?” sagot
ni Jigger.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento