Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 10

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 10

 

BASTA ang alam ni Shaira, kailangan niyang magpaliwanag kay Jigger. Humingi ng tawad. Bahala na kung tanggapin ba nito ang kanyang paliwanag o hindi. Gagawin niya ang lahat, makabawi lang siya.

        Halos patakbong lumabas ng bahay ang dalaga. Pagbukas niya ng pinto, bumangga siya sa papasok namang si Jigger. Mabuti na lang, agad siya nitong nahawakan sa magkabilang balikat. Pareho silang hindi natumba.

        Pareho rin silang hindi agad nakapagsalita. Nagkatitigan lang.

        Doon nakita ni Shaira ang lalim ng hinanakit sa mga mata ng binata. Muling bumulwak ang mga luha sa namumugto na niyang mga mata.

        “I’m sorry,” pahikbi niyang pahayag.

        Kaybilis namang lumambot ng ekspresyon ng mukha ng binata.

        “Shhh,” sagot nito sa kanya. “Tama na. Okay na.”

        Sinapo pa nito ng mga palad ang kanyang mukha. Pinahid ng mga hinlalaki ang bumabagsak niyang mga luha.

        Nang hindi pa rin maampat ang mga iyon ay hinagkan na siya nito sa labi. Malalim. Punong-puno ng damdamin.

        Yumakap siya nang buong higpit kay Jigger. Natatakot pa rin siyang baka bigla itong mawala.

        Tinangka niyang ipaabot sa pamamagitan ng kanyang halik ang hindi pa niya naipapahayag sa mga salita.

        Tumalab nga yata dahil nang kumalas ang binata’y iyon din mismo ang unang idineklara nito.

        “I love you, Shai...”

        Napahikbi na naman siya.

        “I love you, Jigger,” sagot niya habang nagsusumiksik uli sa dibdib nito. “Thank you for coming back.”

        “Hindi naman talaga kita puwedeng pabayaan sa ganoong kalagayan kahit pa paulit-ulit mo akong ipagtabuyan,” sagot ng binata. “Babalik at babalik ako hanggang masiguro kong okay ka na.”

        “At hindi naman ako magiging okay kung wala ka,” tumitingalang pahayag ni Shaira. “I’m sorry if I shut you out kanina. Hindi ko kasi matanggap na naging napakabobo ko sa pagpaniwala kay Dr. Malabanot. Ang linaw-linaw nga naman pala ng panlolokong ginagawa niya, hindi ko pa nakita.”

        “Masyado ka lang kasing loyal,” sagot ni Jigger. “Hindi naman masama iyon. Sumobra nga lang.”

        “Well, from now on, ibibigay ko lang ang loyalty ko sa taong deserving,” pangako ng dalaga. “Along with all my love.”

        “At sino naman kaya ang masuwerteng taong iyon?” tanong ni Jigger.

        “E di, siyempre, ang magiging husband ko,” sagot ni Shaira. “Will you marry me?”

        Namilog ang mga mata ng binata.

        “Kailangan pa bang itanong iyon?” sagot nito pagkaraka. “Siyempre, I’ll marry you. Pagkatapos mo ba naman akong pagsamantalahan nang ilang ulit.”

        Napahumindig si Shaira.

        “Ako pa pala ang nagsamantala, ha?”

        “Aba, tingnan mo naman ang sitwasyon, your honor,” katwiran ni Jigger. “Isa kang establisadong university professor samantalang ako’y isa lang inosenteng college dropout...”

        “Huuu...,” sagot ni Shaira, sabay kiliti sa katipan.

        Gumanti naman si Jigger. Hanggang sa nakarating na sila sa gitna ng bahay sa paghaharutan. Hanggang sa bumagsak na sila sa sahig ng salas.

        “Teka...teka...,” sabi ni Shaira nang mapansin niya ang pinatutunguhan nila. “Tatawagan ko muna uli sina Mommy. Pag hindi raw kasi nila natanggap ang pangalawang tawag ko, pupunta sila rito ngayon din. Baka abutan na naman tayo, sige ka.”

        “Sabihin mo, huwag na silang umalis,” sagot ni Jigger. “Tayo na lang ang luluwas. Tayong dalawa na. Kakausapin ko na sila nang pormal.”

        “Ngayon?” tanong niya.

        “Well, pagkaraan ng isang oras...,” nakangiting sagot ng binata.

 

“ANO naman ang balak ninyo tungkol kay Malabanot?” tanong ni Connie. “Kung ako ang tatanungin, dapat sa kanya sampahan ng demanda. Kanina na nga lang, noong nag-iingay siya rito, parang gusto ko nang ipadampot sa mga barangay tanod, e. Sinasabi ko na nga ba, talagang hindi mapagkakatiwalaan ang taong iyon. Noon pa, mainit na ang dugo ko roon.”

        Kasalo na ng buong mag-anak sina Shaira at Jigger sa isang late dinner nang gabing iyon. Talagang hinintay sila ng mga ito nang magpasabi silang darating.

        Pati ang mag-asawang Paula at Richard ay tinawagan ni Zeny para makilala si Jigger.

Sa harap ng buong pamilya, kasama si Connie (tulog na nga lang ang tatlong Chipmunks), ay nagsabi na sina Shaira at Jigger ng tungkol sa balak nilang pagpapakasal as soon as possible.

Wala namang kumontra.

Wala ring naging negatibong reaksyon ang mag-anak kay Jigger. Kahit pa nalaman ng mga itong hindi college graduate ang binata.

Kung tutuusin, alam na ni Shaira na ganoon ang mangyayari. Kilala naman niyang malawak ang pag-iisip ng kanyang mga kapamilya.

Hindi lang kasi siya naging ganap na tapat sa mga ito noon kaya hindi tuloy nakita ng mga ito ang panloloko sa kanya ni Dr. Malabanot. Hanggang kasungitan lang ng propesor ang nagawang tuligsain ng mga ito.

Nang ipagtapat niya kanina ang lahat-lahat ay galit na galit ang kanyang pamilya.

“Bakit naman hindi mo sinabi sa amin ang totoo,” sumbat pa sa kanya ni Zeny. “Buong akala tuloy namin, talagang kanya iyong theory na iyon. Hindi ka namin naprotektahan.”

“He doesn’t deserve his place at UP,” pahayag ni William. “Connie’s right. Kung gusto ninyo, puwede natin siyang ireklamo.”

        “Hindi na namin pag-aaksayahan ng panahon si Dr. Malabanot,” sagot naman ni Shaira. “Hassle pa iyon, e. Pero hindi ko rin ibibigay sa kanya ang trabaho ko. Bahala siyang gumawa ng sarili niyang paper para sa hiningi niyang grant. Kapag naman wala siyang nai-submit na matinong results sa deadline, tiyak na hahabulin siya ng MIT.

        “Ako naman, itutuloy ko ang project ko kahit walang research grant. Susuportahan naman daw ako ni Jigger, e. Afterwards, sabay-sabay ko itong ipapadala sa MIT at sa iba pang institutions. Ipo-post ko rin sa internet. Bale free contribution ko na lang ito sa buong mundo bago ako tuluyang mag-retire sa field na iyon.”

        “Talaga bang desidido ka nang umalis sa pagtuturo sa UP?” tanong ni Via.

        Tumango si Shaira.

        “Pagkatapos nitong project na ito, aasikasuhin ko naman ang pagbabalanse sa ibang parte ng buhay ko,” sagot niya. “Gusto ko namang maging well-rounded.”

        At nakangiting nagmuwestra siya nang pabilog sa may bahagi ng kanyang tiyan.

        “Naku, uunahan pa yata tayo, Rich,” angal ni Paula.

        “A, diyan kami magkakapaligsahan ni Jigger,” tumatawang sagot ng mister nitong si Richard. “Kapag ganyan pa namang may challenge, lalo akong ginaganahang lumaban.”

        “E di mabuti at nang dumami agad ang mga apo namin,” sabad ni William. “Magkaroon na pati ng dagdag na kalaro sina Alvin, Theodore at Simon.”

       

“SHAI, hindi mo kaya ma-miss ang academic world?” tanong ni Jigger nang dadalawa na lang silang nakaupo sa garden ng mga Montelibano. “Alam mo, okay lang naman sa akin kung ano ang maging desisyon mo. Kahit magbalik ka sa university. O kung gusto mong lumipat ng trabaho.”

        “Gusto ko rin naman munang lumayo roon,” sagot niya. “Liban kay Dr. Malabanot, gusto ko ring iwanan muna ang field na iyon pagkatapos nitong isinusulat ko. Naisip kong hindi lang naman Mathematics ang mahalaga sa mundo o sa buhay. Marami pang iba na gusto ko naman ngayong pagtuunan ng pansin.”

“Hindi ka kaya ma-bore pag hindi ka na nagtuturo?” tanong ni Jigger. “Sa income, wala tayong magiging problema. Ikaw ang inaalala ko. Hindi ka sanay na hindi nag-aaral o nagtuturo.”

        “Paano naman ako mabo-bore samantalang ang dami-dami ko pang kailangang pag-aralan,” sagot niya. “Mag-aaral pa akong magluto at mag-asikaso ng pamamahay. Mag-aaral ako ng tungkol sa pregnancy at panganganak. Pagkatapos niyon, mag-aaral ako ng tungkol sa pag-aalaga ng baby, ng toddler, ng pre-schooler. Aba, never-ending yatang pag-aaral ang gagawin ko. Later on naman, magiging teacher na rin ako. Exclusive na nga lang muna sa mga anak natin. Pag malalaki na sila, saka ko babalikan uli ang professional na pagtuturo. Gusto kong tumulong sa mga programs para sa gifted children para magabayan sila na maging mas well-balanced ang buhay.”

        “May nakakalimutan ka pa sa mga tututukan mo,” pilyo ang pagkakangiting paalala ni Jigger. “’Yong sinimulan nating pag-aralan. Mamasterin pa natin iyon, di ba?”

        “O, huwag kang magsisimula riyan Mr. Rosales at narito ka sa pamamahay ni Dr. William Montelibano,” nakataas ang kilay na sagot ni Shaira.

        “Ito nga ang mahirap kapag naging official na, e,” iling ni Jigger. “Nasasakop na tayo ngayon ng rules of the court ng Daddy mo. Ibig sabihin, kailangan nating mag-behave hanggang sa wedding. Ang tagal naman.”

        “Kaya nga simulan na agad natin bukas ang paglakad sa papeles,” sagot ni Shaira. “Mabilis lang iyon pag katulad ng pinaplano nating no frills wedding. Mula sa court, diretso sa simbahan. Tayu-tayo lang. Wala nang entourage, wala nang mga trahe de boda. Basta maghahanap lang ako ng dress na noon ko pa gustong isuot just for you. Kailangang naka-spaghetti straps, skin-tight at micro-mini. O, okay bang wedding outfit iyon?”

        Kumislap ang mga mata ni Jigger.

        “Magsusuot ka ng ganoon?” sabi nito habang hinahagod siya nang tingin mula ulo hanggang paa. “Parang nai-imagine ko na.”

        Tumawa si Shaira.

        “Keep that in mind,” sabi niya.

        “Torture naman, e,” reklamo ni Jigger. “Teka nga pala, puwede bang ipakita mo uli sa akin ‘yong office/library mo riyan sa likod-bahay?”

        “Loko ka, mahalata tayo,” tumatawang tanggi ni Shaira.

        “Hindi kung ten minutes lang tayo,” sagot ni Jigger. “Emergency lang talaga ito.”

        “Ten minutes lang?” nakataas ang kilay na ulit niya. “Well...kunsabagay, napatunayan mo na nga pala na you can work wonders in ten minutes.”

        At binuntutan niya iyon ng pigil na bungisngis.

        Tumayo na si Jigger at hinatak siya papunta sa likod-bahay.

 

MULA sa bintana ng master’s bedroom sa pangalawang palapag ng bahay, nagsara ng kurtina si Zeny, napapangiti.

        “Pumasok na ba sina Shaira?” tanong ni William.

        “Hayun, patungo silang dalawa sa office niya sa likod,” sagot ng ginang.

        Umangat ang kilay ni William.

        “O, hayaan mo na sila,” awat ni Zeny. “Nasa edad na ang mga iyon at ikakasal na nga, e.”

        “Hindi naman sila ang nasa isip ko, a,” nakangiting sagot ni William. “Tayo. I just had a brilliant idea...”

        Maya-maya lang ay namatay na ang ilaw sa silid. Pero ang kakatwa’y sumindi naman ang table lamp sa library ng main house ng mga Montelibano. Halos kasunod lang ng pagsindi ng table lamp sa office/library sa likod-bahay.

        Malamang ay mayroong mga magpupuyat sa pag-o-overtime sa bahay na iyon. May in-depth studies na isinasagawa...

WAKAS

Basahin ang kwento ng pag-ibig ng

kapatid nina Shaira at Paula sa

Abakada ng Pag-ibig: Virginia

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento