Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

INIHATID si Shaira nina William at Zeny sa Silang. Hindi naman kasi siya marunong magmaneho. Ni hindi na siya nagtangkang mag-aral mag-drive dahil siya mismo’y aminadong madali siyang ma-distract. Baka habang nasa manibela siya’y kung anu-anong mathematical theories ang kanyang pinagtutuunan ng atensyon.

Ang destinasyon nila’y ang maliit na halfway house ng pamilya Montelibano sa Silang, Cavite — katabi lang ng Tagaytay. Halfway house ang tawag nila roon dahil iyon ang ginagawa nilang stop-over point at tulugan kapag dinadayo nila ang mga beaches sa Batangas kung summer.

        Maliit at simple lang ang bahay na iyon. Single detached pero halos kadikit na ng katabing bahay. Nasa isang middle class subdivision.

        Pagtigil ng kanilang van sa harap ng halfway house, ang agad na tiningnan ng mag-anak ay ang mga katabing bahay.

        Last summer kasi, nag-iisa pa lang ang bahay nila sa blokeng ito. Last month lang nakita ni William — nang mag-check ito rito kasabay ng pagdalo sa isang conference sa Tagaytay — na may mga bago na silang kapitbahay. Iyon ang naging dahilan kung bakit pinayagan si Shaira ng mga magulang na tumira muna sa halfway house. Safe daw siya rito kung ganoong may mga katabi na sila.

Balak nina William at Zeny na makipagkilala na sa mga bago nilang kapitbahay. Ihahabilin ng mga ito si Shaira sa mga iyon.

        “Bakit parehong sarado?” pagtataka ni Zeny. “Akala ko ba, Daddy, nakita mong may mga nakatira na rito?”

        “Meron nga,” giit ni William. “Tingnan ninyo ang mga plantboxes nila, parehong maayos na natatamnan ng flowering plants. At kita n’yo nga, naaaninag sa mga salamin ng bintana na may mga kurtina sila sa loob. Nagkataon lang sigurong sabay na wala sa bahay ang neighbors natin.”

        “Sana nakipagkilala ka na sa kanila noong dumaan ka rito last month,” sabi ni Zeny. “Sayang ‘yong opportunity.”

        “Nagmamadali kasi ako noon kaya nag-drive through lang ako at ni hindi na ako bumaba,” sagot ng asawa. “Pero may tao sa dalawang bahay na iyan at that time. Parehong nakabukas ang mga front doors, e. Screen doors lang ang nakasara.”

        “Bakit kaya hanggang ngayon, itong tatatlong bahay pa lang ang naitatayo sa blokeng ito?” pansin ni Shaira. “Pati itong mga katabi nating blocks, hindi pa pinagpapatayuan ng bahay. Sold out na rin naman.”

        “Inabutan kasi ng krisis,” katwiran ng Daddy niya. “Kahit mga overseas workers, hindi basta naglalabas ng pera these days. Nag-iipon muna nang husto bago sumubo sa alanganin. Ako man, kung nagkataong hindi pa natin nabibili itong unit na ito, hindi ko rin ito bibilhin sa mga panahong ito.”

        “Tena na sa loob,” sabi ni Zeny. “Mai-on na ang ref para lumamig agad. Baka naman maya-maya lang darating na ang neighbors natin.”

        Pumasok na sila sa bahay.

        Malaki lang iyon nang kaunti sa office/library ni Shaira. Mga 54 square meters ang sukat, six meters ang lapad at nine meters ang haba. Dirediretso lang sa loob. Iisang parihabang espasyo ang sala, komedor at kitchenette. Ang tanging naka-wall-in ay ang maliit na toilet and bath. Open mezzanine naman ang sleeping area. Sadyang ginawang one-and-a-half storeys high ang kisame kaya presko hanggang sa tulugan.

        “Dito ko na sa dining table isi-set-up ang computer ko,” pahayag ng dalaga. “Sa kitchen counter na lang ako kakain ng meals.”

        Tinulungan siya ng mga magulang sa pagbababa ng kanyang mga gamit. Habang sine-set-up nilang mag-ama ang kanyang kumpletong computer system, iniayos naman ng kanyang mommy sa ref at sa kitchen shelves ang dala nilang grocery items at toiletries.

        “Anak, pag naubos itong mga binili nating fruits and vegetables, bumili ka uli ng replenishment, ha?” paalala ni Zeny. “Ayokong panay de lata lang ang lagi mong kinakain. Baka ka magkasakit. Magluto ka rin ng homecooked meals na fresh ang ingredients. In good working condition naman ang lahat ng kitchen appliances at kitchenware natin dito.”

        “Mommy, alam mo namang hindi ko linya ang magluto o magbusisi sa kusina,” sagot ng dalaga. “Si Via lang ang ganoon. Pero don’t worry about me. Fruit and vegetable country ito, di ba? Magtatanong na lang ako sa neighbors natin kung saan sila namimili. Doon na ako bibili ng aking fresh fruits and vegetables sa susunod. Isa-salad ko na lang ang gulay. Kaya ko na iyon. May binili naman ako kaninang salad dressing.”

        “Hindi ka ba talaga magkakanin?” tanong ni Zeny. “Puwede mo naman sanang dalhin dito ‘yong rice cooker sa bahay. Makakapagsaing naman kami roon the traditional way.”

        “Hassle pa,” iling niya. “Dagdag trabaho. Bibili na lang uli ako ng sandwich bread pag naubos iyang loaf na dala natin. I can live on sandwiches and salads and fruits. At kapag nasimulan ko na ang momentum ko sa trabaho, I won’t have time for anything else. Talagang seryosong trabaho na ito.”

        “Papasyalan ka na lang namin dito nang madalas,” sabi ni Zeny.

        “Huwag na lang kaya, Mommy,” iling uli ni Shaira. “Umiiwas nga kasi ako sa distractions, di ba? Mas maganda kung tuluy-tuloy ang pagtatrabaho ko.”

        “Hindi na baby iyang anak natin, Mommy,” sabad ni William. “She’s 23 with an IQ of 200. It’s about time na matuto na siya ng kahit konting independence. Tutal, hindi naman ito kasinlayo ng Amerika. We’ll be just a few hours away.”

        Pabuntonghiningang tumango si Zeny.

        “Oo nga naman pala,” sagot nito. “At saka may cellphone ka naman, anak. Just call us if you need anything.”

        “I will,” pangako niya.

        Mga ala-una ng hapon nang dumating sila sa Silang. Nagtuloy kasi muna sila sa Tagaytay para mag-lunch at mamili.

        Alas-singko na ng hapon ay wala pa ang mga kapitbahay nila. Balisa na sina William.

        “Umuwi na kaya kayo?” sabi naman ni Shaira. “Para hindi kayo masyadong gabihin sa daan. Magwo-worry pa ako sa inyo niyan, e. Tutal naman, siguradong uuwi at uuwi rin dito itong mga neighbors natin. Ako na ang bahalang makipagkilala sa kanila.”

        “Sus, ikaw?” nakataas ang kilay na pakli ni Zeny. “E numero uno kang mailap sa tao, lalo na sa hindi mo pa kakilala.”

        Napakagat-labi ang dalaga. Aminado rin naman kasi siyang totoo iyon.

        “Pero palagay ko, it’s time na matuto ka na ring mag-socialize sa mga bagong kakilala,” sabi naman ni William. “Sige nga, dito mo simulan. Lubus-lubusin mo na itong bagong experience na ito. Marami ka pang kailangang matutunan sa buhay, e. Kung hindi natin sisimulan ngayon, baka makatandaan mo nang marami kang hindi kayang gawin.”

        Tinamaan na naman si Shaira. Bull’s eye pa.

        “I’ll do it, Dad,” pangako niya. “You’ll see. Pagsundo ninyo sa akin, ako pa ang magpapakilala sa inyo sa neighbors natin. But you have to go now to give me a chance to prove myself.”

        Bago mag-alas-singko y media ay nakaalis na sina Zeny at William.

        Naiwan si Shaira na nakatayo sa kanilang open driveway. Wala kasing bakod o gate ang bawat unit sa komunidad na iyon.

        Medyo kinakabahan na rin naman siya. Ayaw lang niyang ipahalata kanina sa kanyang mga magulang. Magmula ba naman noong 16 siya ay ngayon lang siya uli nahiwalay sa pamilya. Pakiramdam tuloy niya, teenager na naman siya.

        Papadilim na pa naman. Magdadapithapon na. At madilim pa ang dalawang bahay sa magkabila niya. Ang kasunod na ng mga iyon at ang hilerang katapat at katalikuran nila ay mga bakanteng lote.

        May natatanaw ding ibang mga bahay si Shaira, maliwanag at halatang may tao, pero ang pinakamalapit ay two blocks away pa.

        Pumasok na lang uli siya at nag-lock-up. Siniguro niyang bukas ang lahat ng ilaw sa loob at labas ng maliit na bahay.

        Ang hindi niya naisip, habang dumidilim sa labas ay para siyang naging on display sa loob ng maliwanag na bahay na wala pa namang mga kurtina.

        Basta’t habang palalim nang palalim ang kadiliman sa labas ay ayaw nang tumingin ni Shaira sa paligid. At para mabasag ang nakakapangilabot na katahimikan, nagsalang siya ng CD sa dala niyang mini-component system. Pinili niya iyong mga masasayang classical waltzes. Nilakasan niya nang husto ang pagpapatugtog.

        Pumasok siya sa banyo para maligo at magbihis. Conscious pa rin naman siya na hindi siya dapat na magbihis sa sleeping loft dahil wala iyong privacy. Iyon din ang dahilan kung bakit ang mga dala niyang pantulog ay panay maluluwang na tshirt at capri leggings. Pupuwede ngang isuot hanggang sa supermarket.

        Hanggang sa banyo, dinig na dinig pa ni Shaira ang musika.

        Hindi tuloy niya narinig ang pagdating at pagparada ng pulang box-type Lancer sa driveway ng isa sa kanyang dalawang kapitbahay.

 

NAGULAT si Jigger nang makitang pagkaliwaliwanag ng katabi niyang bahay. Ang alam niya’y hindi iyon tinitirhan ng may-ari. Ginagawa lang daw na bakasyunan tuwing summer, ayon sa kanyang real estate broker.

        Paglabas niya ng kotse, nayanig siya sa lakas ng musikang nagmumula sa bahay na iyon. Pero ang kakatwa’y hindi naman rock music ang pinatutugtog. Classical. Waltz pa.

        “Weird,” naiiling na sabi ng binata.

        Naisip niya, baka mag-asawang matanda ang bagong-dating sa bahay na iyon. Nasabi nga sa kanya ng broker na parehong professor sa UP ang may-ari ng bahay. Baka nagretiro na’t nagpasyang dumito sa Silang.

        Hawak na ni Jigger ang susi ng bahay at bubuksan na lamang niya ang kanyang front door nang matanaw niyang may naglalakad sa loob ng katabing bahay. Kitang-kita niya ang buong kabahayan dahil nga pagkaliwaliwanag nito at walang kurtina ang mga bintana. Nakabukas pa ang mga clear glass sliding windows kaya’t screen lang ang nakaharang sa kanyang line of sight.

        Natigilan ang binata sa kanyang nakita. Napakagandang babae. May hawak na tuwalyang ipinantutuyo sa mahabang buhok.

        Maluwang man ang suot nitong t-shirt ay halata namang slim ito. At may soft curves pa ring hindi maitago ng malambot na bagsak ng cotton tee.

        Upper half lang ng katawan ng babae ang natatanaw ni Jigger dahil hindi naman floor-to-ceiling ang mga bintana ng bahay. Pero sapat na iyon para mabatobalani siya.

        Agad niyang nirikisa ng tingin ang iba pang bahagi ng kabahayang iyon. Lahat naman liban sa banyo ay nakikita niya. Kung walang naiwang tao sa banyo, ibig sabihi’y nag-iisa rin ang babae sa bahay na iyon. Tulad niya.

        Single and unattached din kaya ang babaeng ito? Na-excite na nang husto si Jigger.

        Pumasok siya sa bahay at nagbukas ng ilaw. Hustong pagbaha ng liwanag sa kabahayan ay nakita niyang gulat na tumingin sa kanyang direksyon ang babae.

        Hinawi niya ang kurtina sa bintanang kaharap ng bahay nito at nagbukas siya sliding window.

        “Good evening,” nakangiting tawag niya.

        Halos sumigaw na siya para marinig siya nito sa kabila ng blaring music.

        Bahagyang nangiti ang babae at nagtaas ng kamay na parang sumesenyas nang “sandali lang.” Pagkatapos, hininaan nito ang musika bago lumapit sa bintanang kaharap na kaharap ng bintana niya.

        Dalawang metro lang ang nakapagitan sa kanilang mga bahay. Kung ganitong wala nang istorbong musika, makakapag-usap sila nang hindi na kailangang magsigawan pa.

        “Hi. Good evening,” nakangiti pa ring ulit ni Jigger sa normal na niyang boses. “May kapitbahay na pala ako. Ako nga pala si Jigger. Jigger Rosales.”

        “Hi,” bahagya pa rin ang pagkakangiting sagot ng babae. “I’m Shaira Montelibano.”

        Ang ganda namang pangalan, naisip agad ng binata. Bagay na bagay sa may-ari. Pero hindi niya sinabi iyon. Corny pakinggan, e.

        “Anak ka ng mga professors na may-ari ng bahay na iyan?” tanong na lang niya.

        Tumango si Shaira.

        “Dito ka na titira for good?” interesadong tanong pa ng binata.

        “Hindi,” iling ni Shaira. “May gagawin lang akong book project dito.”

        “Writer ka?” tanong pa rin ni Jigger.

        Umiling uli ang dalaga.

        “Math professor,” sagot nito.

        Napamulagat si Jigger.

        “Talaga?” sabi niya. “Hindi ka mukhang teacher. Ang suwerte naman ng mga students mo. Hindi ka rin mukhang terror, e.”

        “Graduate students na ang tinuturuan ko,” sagot ni Shaira. “Doctoral level. Hindi ko na sila kailangan pang i-terrorize.”

        Lalong namilog ang mga mata ng binata.

        “Ibig sabihin niyon, may Ph.D. ka na rin,” sabi niya. “Wow!”

        “Actually, Doctor of Science hindi Doctor of Philosophy,” malumanay na pagtatama ni Shaira.

        “Oo nga naman pala,” sabi ni Jigger. “So, mag-isa ka riyan habang ginagawa mo ang iyong book project?”

        Tumango ang dalaga.

        “Pero nandito ang parents ko kanina,” dagdag na sabi nito. “Gusto nga sanang makilala ang family ninyo.”

        “Nag-iisa lang ako rito,” pahayag ni Jigger. “Ulila na ako, e. Wala rin akong mga kapatid. Lalo namang wala pang asawa.”

        “G-Ganoon ba?” sagot ni Shaira. “E ‘yong bahay sa kabila? Bakit kaya wala pa ang mga nakatira roon?”

        “Hindi na siguro babalik ang mga iyon,” sagot ni Jigger. “Iyon kasing husband, overseas worker sa Middle East. Naiwan diyan ‘yong wife at dalawang anak. Kaso, nahuli yata ‘yong wife na nakikipag-boyfriend. Kaya two days ago, biglang dumating diyan ‘yong husband at kinuha ‘yong dalawang anak. Iuuwi na lang daw niya sa parents niya sa Davao. Bahala na raw ang misis niya riyan sa bahay, pero hindi na rin niya huhulugan ang monthly amortization.

“Wala ‘yong misis n’ong dumating si mister. Katulong lang ang dinatnan na kasama n’ong mga bata. Pero kahapon, dumating naman ‘yong misis. Nag-empake lang at umalis din, kasama na ‘yong katulong. Palagay ko, one of these days, malalaman na lang nating for sale na iyang bahay na iyan.”

        “Di wala na rin palang nakatira riyan,” parang problemadong sabi ni Shaira.

        “Bakit, problema ba iyon?” tanong ni Jigger.

        “Kasi...kasi akala namin magiging safe ako rito dahil may mga pamilya nang nakatira sa magkabila nitong bahay na ito,” bulalas ng dalaga.

        “Aba, safe ka pa rin naman dito, a,” mabilis na sagot ni Jigger. “Nandito naman ako. Ako’ng magiging bodyguard mo.”

        Napatingin sa kanya si Shaira nang nakataas ang kilay.

        “Oo, pangangatawanan ko iyon,” giit ni Jigger. “Kanina lang naman ako nawala nang matagal dahil may kinausap akong supplier sa Binondo. Kadalasan, itong mga buwang ito, nandito lang ako sa paligid ng subdivision. Dito ang mga projects ko ngayon, e. May ongoing at may pinaplano pa lang. Oo nga pala, construction contractor kasi ako. Ilan sa mga bagong-tayong bahay dito, project ko. Ang ibig kong sabihin, nandito lang ako palagi. Kung hindi man dito sa bahay, nandiyan lang sa malapit. Puwede mo akong tawagin any time kung may kailangan ka.”

        Nilubus-lubos na talaga niya ang pagpaparami ng pogi points.

        Unti-unti ngang bumaba ang kilay ni Shaira.

        “Thank you,” sagot nito. “But I think I’ll be fine. O sige, ha? Good night. Nice meeting you.”

        At nakangiti pa ring lumayo na ito sa bintana pagkatapos siyang kawayan nang saglit.

        Dismayadung-dismayado si Jigger.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento