FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: QUEENIE
by Maia
Jose
Copyright Maria Teresa
C. San Diego
All Rights Reserved
Published in print by Valentine Romances
Books for Pleasure,
Inc.
First published in
print - 2000
ISBN: 971-824-043-8
Teaser:
WALANG
pakialam si Queenie sa sinasabi ng iba. Balewala sa dalaga
kahit natitsismis siyang golddigger dahil sa pagiging malapit sa biyudong si
Don Jose Del Oro. Pero nang kumprontahin siya ng anak
na binata ng don, napikon si Queenie. Lalo pa dahil kay Joed naman talaga siya
may gusto. Paano niya ngayon babaguhin ang mga
CHAPTER 1
SUNOD-SUNOD ang dating
ng mga socialites sa New Haven Spa Hotel sa Makati. Alas-siyete ang nakasaad sa
dala nilang mga imbitasyon at alas-siyete impunto ay naroon na sila. Walang
sadyang nagpa-late na tulad ng kanilang nakagawian. Hindi pupuwede iyon sa affair
na kanilang pupuntahan. Baka kapag na-late sila’y mawalan sila ng pagkakataong
makakuha ng choice picks. Baka tira-tira na lang ang abutan nila.
Naka-formal gown ang mga socialites. Naka-tuxedo
ang kanilang mga escorts. Dire-diretso sila sa pinakamalaking ballroom ng
five-star hotel. Doon idaraos ang Diamond Gala Night ng Del Oro Jewelers. By
invitation only.
Isa sa pinaka-exclusive na jewelers of the rich and famous
ang Del Oro Jewelers. Iisa nga ang shop nito, na ngayo’y nasa 6750 - ang
gusaling kinaroroonan ng mga pinaka-exclusive at pinakamamahaling boutiques sa
Makati. Walang alahas sa shop na bababa ang presyo sa several hundred thousand
pesos. At yellow, white, o rose gold hairpin na may tiny diamond stud lang ang
may pinakamababang presyo.
Very limited ang clientele ng Del Oro Jewelers. Pero sa
iilang mga milyonaryong iyon, buhay na buhay na ang kompanya.
Lalo na magmula nang madiskubre ni Don Jose Del Oro ang napakahusay
na jewelry designer na si Queenie Estrella.
Very innovative ang mga designs ng dalaga. Original, bold,
and daring. Kakaiba talaga.
Hindi kataka-takang nakuha niya ang grand prize sa tatlong international
jewelry design competitions. Hindi rin kataka-takang pinag-aagawan ngayon ng Manila’s
rich and famous ang kanyang mga one-of-a-kind pieces.
Ang mga iyon ang ilalabas ng Del Oro Jewelers sa Diamond Gala
Night. Isandaang piraso ng mga alahas na makikita ng publiko sa kauna-unahang
pagkakataon. Irarampa ng mga supermodels na pawang nakasuot ng magkakatulad na strapless
black velvet gowns - sinadya para maging dramatic backdrop ng mga flawless na
brilyante.
Dahil sa lakas ng demand, by auction ang bentahan. To the
highest bidder. Pero ang Del Oro Jewelers ang magtatakda ng opening price. At
sa gabing iyon, ang pinakamababang opening price ay isang milyong piso.
Iyon ang hinahabol ng
mga socialites na nagsisipagdatingan. Ang makauna sa bidding. Ang makapagbigay
ng highest bid sa makukursunadahan nilang mga alahas.
ANG saya-saya ni
Queenie. Pakiramdam niya, ngayon pa lang siya nagde-debut. Kung
kailan pa 22 years old na siya.
Hindi naman talaga niya naranasan ang
mag-debut. Kumain lang silang mag-anak sa Don Henrico’s sa Baguio noong 18th
birthday niya. Maluho na nga iyon para sa kanila. Hindi naman sila nagkakakain sa
ganoong mga lugar. Hindi kaya ng regular nilang budget.
Pero ngayon, heto siya. Nasa sentro ng marangyang gala night
na ito. Ipinagbubunyi ng mga taong ang mga pangalan at mukha’y natutunghayan
lang niya noon sa lifestyle pages ng mga dyaryo.
Kahit naman sino ang makakita kay Queenie ngayong gabi -
kahit pa iyong hindi nakakakilala sa kanya bilang designer of the night - ay
maaakit pa rin at hahanga.
Unang-una, maganda siya. Natural na gandang hindi
nangangailangan ng makapal na make-up. Kaunting lipstick lang ay polished na
ang kanyang look.
Pangalawa, sexy siya. Matangkad. Slim pero voluptuous. May
mga kaakit-akit na curves in the right places.
Ang maganda niyang mukha at pangangatawan ay nababalot pa ng
napakakinis na kutis kayumanggi.
Hindi iilan ang nagsasabing pang-beauty queen material si
Queenie. Na pinagtatawanan lang niya.
Siguro, kung hindi siya naging successful sa kanyang chosen
career, baka nga sinubukan niyang sumali sa ganoong competition. Pero ngayon ay
malayo na iyon sa kanyang mga plano.
Gayunpama’y pang-beauty queen nga ang tindig at porma ng
dalaga. Hindi na niya kailangan ng korona o kahit na anupamang
pang-adorno sa katawan.
Simpleng gown lang ang
suot niya. Plain white stretch velvet na sleeveless at may di-kalalimang V-neckline.
At wala siyang suot na kahit na anong alahas. Ni wala siyang
butas sa tainga para sa hikaw.
Oo nga’t may suot siyang mamahaling relo - white gold na Piaget, without diamonds. Pero regalo iyon sa
kanya ni Don Jose Del Oro kaya hindi niya magawang hindi isuot.
Ang gusto pa ngang ibigay sa kanya ng matandang biyudo ay
isang diamond-studded na
Piaget, pero tinanggihan niya.
“Wala naman akong mapaggagamitan
niyan,” sabi niya. “Sayang lang.”
Nang palitan iyon ni Don Jose ng plain white gold Piaget na inorder pa sa Hongkong, hindi na siya
nakatanggi. Magtatampo na talaga ito.
Hindi niya maaatim na magtampo sa kanya ang may-ari ng Del
Oro Jewels. Ang lalaking kung tawagin niya ngayon ay “Papa.”
Mahal na rin niya si Don Jose.
Tulad ng isa pang lalaking mahalaga sa kanyang puso. Ang
tunay niyang ama.
“If only you could see me now, Daddy,” palihim na pahayag ni
Queenie habang nakangiti sa gitna ng Diamond Gala Night. “Pero alam kong masaya ka ngayon diyan sa kinaroroonan mo. Mapapanatag
ka na dahil may nag-aalaga uli sa akin na tulad ng pag-aalaga mo sa akin noon.”
Nilapitan siya ni Don
Jose. Inakbayan.
“Happy?” nakangiti ring tanong nito.
“Of course,” tango ng dalaga. “Sino ba naman ang hindi matutuwa?
Everyone we invited came, and right on time, too. May mga gusto pang mag-gatecrash
na media people sa labas. Talagang big event pala pag ikaw ang nagplano.”
“Pero ikaw ang pangunahing ipinunta nila rito,” sagot ni Don
Jose. “At sorry na lang sa mga media people na gustong mag-cover nitong event.
Naipangako ko sa mga bisita natin na private affair ito. Anyway, kinakausap na
ni William ang media. Kung gusto nila ng interview, they have to ask for an
appointment. Hindi ngayong gabi.”
Publicist ng mga Del
Oro ang tinutukoy nitong si William. Liaison nila sa advertising companies at
sa media.
“Kahit ano pa ang sabihin
ni William, siguradong nakunan na ng mga photographers ang pagdating ng mga
bisita natin,” paalala ni Queenie. “At sigurado rin na nailista na nila ang mga
identities ng mga nagsidating. Lalabas at lalabas pa rin iyon sa mga lifestyle columns
bukas.”
“Well, hindi na natin responsibility
iyon,” pagkikibit-balikat ng don. “Isa pa, gusto rin naman ng iba nating guests
ang ganoong publicity. They want people to know that they can afford to be here.”
“Paano kung tayo nanaman
ang mapag-initang itsismis?” tanong ni Queenie.
“Are you bothered already?”
may pag-aalalang ganting-tanong ni Don Jose.
Agad na umiling ang dalaga.
“Not at all,” sagot niya. “Alam mong wala akong pakialam sa
sasabihin nila. I only care about what my family thinks - and my family knows
all about us. Ikaw nga ang inaalala ko. Ikaw ang may reputasyong dapat
ingatan.”
Natawa lang ang matanda.
“Iha, at my age, it’s an honor to be linked with you,” sabi nito.
“Aba, siguradong kinaiinggitan ako ng lahat. Even by men who are less than half
my age.”
Natawa na rin si Queenie.
Hindi na nga bago sa kanila ang makarinig at makabasa ng
tsismis na tungkol sa kanilang dalawa. Marami ang nangungutya sa dalaga. Tinatawag
siyang golddigger. Marami rin ang nangungutya kay Don Jose. Tinatawag itong cradle-snatcher.
Nagmumurang-kamias daw.
Balewala pa rin sa kanila. Basta ba nagkakaunawaan silang
dalawa. Masaya sila sa kanilang kakaibang relasyon.
“Wala na tayong magagawa sa mga tsismoso’t tsismosang iyan,”
sabi ni Don Jose. “Ilang ulit na tayong nagpaliwanag pero kahit na ano pa ang
sabihin natin, useless lang. They will still believe whatever they want to
believe. Pag makitid kasi ang utak ng tao, mahirap umunawa. Di hayaan na natin
sila.”
Noon ay nagtanong pa si Queenie. “Hindi ka man lang ba
magsasalita uli for the sake of your son? Baka
kung ano na ang isipin ni Joed. Nasa malayo pa naman siya.”
“Dito ko malalaman what
kind of a man he turned out to be,” katwiran ng matanda. “Let’s just say that
this could be a test for us. Dito matitimbang kung ano na ba ang status ng
relasyon naming mag-ama. Makikita natin kung ano ang tingin niya sa pagkatao
ko.”
“I’m sure he loves you,” sabi ni Queenie. “Ama ka niya, e.”
“Hindi ko na alam,” iling ng don. “That’s the saddest part. I
don’t think I can assume anything about my son anymore.”
Awang-awa dito si Queenie.
Naisip tuloy niya, kahit gaano pa kayaman si Don Jose Del
Oro, mas masuwerte pa rin kaysa rito ang yumao niyang ama. At least, namatay
ang kanyang daddy na baon ang kaalamang mahal na mahal ito ng iniwang asawa at
mga anak.
Kaya nga kahit paano, sa abot ng kanyang makakaya, ay
sinisikap niyang punuan ang mga pagkukulang sa buhay ng don. Lalo na sa usapin
ng pagmamahal.
Oo, mahal niya si Don Jose Del Oro. Sa kabaitan ba naman ng
matanda’y paanong hindi siya matututong mahalin ito?
Pero
mali ang mga tsismis. Ang relasyon nila ni Don Jose ay walang ikinaiba sa tunay
na mag-ama. Ang turing nito sa kanya ay bilang “the daughter he never had.” Ang
turing naman niya rito ay parang pangalawang daddy. At hindi sugar daddy.
Mapapagkamalan nga sila. Lalo pa’t nagmula sa hindi mayamang
pamilya si Queenie. Matatawag na lower middle class ang pamumuhay nila sa
Baguio. Kahit noong nabubuhay pa ang kanyang ama.
Silversmith si Mateo Estrella. Naaalala pa ni Queenie na lagi
niya itong pinapanood noon sa paggawa ng silver filligree jewelry. Doon siya
unang naging fascinated sa jewelry making.
Mahusay si Mang Mateo. Tunay na artist. Marami itong
nalikhang mga original designs na basta na lamang ginaya ng iba pang mga silversmiths.
Palibhasa hindi naman nito naisipang iparehistro ang mga naimbentong disenyo,
hindi ito yumaman sa napiling trabaho. Hanggang namatay ay isang simpleng suwelduhang
worker lamang.
Nasa third year high school si Queenie nang inatake sa puso
ang kanyang daddy. First attack pero fatal na agad. Ni hindi na ito umabot sa
ospital.
Tumulong naman sa kanila ang pinagtrabahuhan
ng kanyang daddy. Pagkaraan ng libing ay kinuhang saleslady ang kanyang ina -
si Linda. Hindi sila nagutom.
Panganay sa apat na magkakapatid si
Queenie. Nang
makapagtapos siya ng high school, gusto sana niyang tumulong na lang din sa
paghahanapbuhay ng mommy nila. Pero pinilit siya nito na tanggapin ang scholarship
na kanyang nakuha sa UP Diliman. Fine Arts.
“Mas makakatulong ka kung may natapos ka, at sa UP pa,”
katwiran ni Linda. “Isa pa, sayang ang talent na namana mo kay Mateo kung
matutulad ka rin sa kanya na magiging skilled worker lang. Ituloy mo ang hindi
niya natupad - ang maging tunay na artist.”
Para sa alaala ng ama, sumunod si Queenie sa payo ng ina.
Kahit scholar siya, mahirap pa rin. Wala na kasing maiaambag
pa sa kanya sina Linda. Husto lang ang kinikita nito para sa pamilya sa Baguio.
Para makapagtapos, kung anu-anong part-time jobs ang pinasok
ni Queenie. Naging student assistant siya sa pamantasan. Nagtrabaho sa iba’t
ibang fastfood chains. Naging artist sa school paper - ang Philippine Collegian.
Magtatapos na siya nang makita niya sa isang magazine ang announcement
tungkol sa isang jewelry design contest sa Japan. Pearls ang gagamitin. At ang
maganda, hindi kailangang gawin mismo ang piece. Artwork lang ang hinihingi.
Gumawa siya. Pagbabakasakali lang. Hindi niya akalaing bago pa siya magmartsa
sa graduation ay makakatanggap siya ng balita na nanalo siya. Grand prize.
Hindi na siya nakapagmartsa. Kasama kasi sa prize ang six
months scholarship sa jewelry designing sa Japan. Libre lahat pati pamasahe at living
expenses. May allowance pa. Kailangan lang na umalis siya agad.
Doon nagsimula ang pagbulusok ng career ni Queenie paitaas.
Nang matapos ang kanyang six-month course, ang mga propesor
na niya ang mismong nag-nominate sa kanya bilang kalahok sa isa nanamang jewelry
design competition sa Italy. Panalo uli.
Dahil doon, nakatanggap siya ng imbitasyong sumali sa
panibagong jewelry design competition sa France. Doon niya nakamtan ang
pangatlo niyang international grand prize.
Pagbalik niya sa Pilipinas, hinahanap na siya ni Don Jose Del
Oro. At sa husay nitong magpahanap ng tao, nang makauwi si Queenie sa Baguio ay
may naghihintay na roong sulat mula sa may-ari ng Del Oro Jewelers. May isang almost-too-good-to-be-true
offer para siya maging exclusive designer ng kumpanya nito.
Paano siya tatanggi? Sinabi ng don na ang mga ipapadisenyo sa
kanya ay pawang mga flawless diamonds na hindi bababa sa one carat ang bawat
isa, at ang magiging final selling price ng kanyang mga ididisenyo ay hindi bababa
sa isang milyong piso. Pagkatapos pa lang na maisagawa niya ang disenyo,
babayaran na siya ng ten percent ng magiging selling price ng piece. May guarantee
pa na hindi bababa sa one piece a month ang kanyang gagawin at walang limit sa
kaya niyang matapos. Kapag nabenta ang bawat piyesa may dagdag pang 20 percent
na ibabayad sa kanya.
Guaranteed income iyon na at least one hundred thousand pesos
a month. Hindi na kakailanganin pang magtrabaho ng kanyang mommy. Mapapag-aral
niya sa mabuting mga eskuwelahan ang kanyang mga kapatid. Maipagpapatayo ng
bahay ang kanyang pamilya. Maipagpupundar ng kanilang ikabubuhay hanggang sa
malayong hinaharap.
Noong simula, siyempre, pinakiramdaman muna niya si Don Jose.
Kinilatis. Kung nagkataong nakitaan niya ito ng masamang intensiyon, hindi siya
magdadalawang-isip na ibasura ang almost-too-good-to-be-true na offer nito.
Mabuti na lang at napatunayan niyang mabuting tao pala si Don
Jose. Maging ang kontrata nitong pinapirmahan sa kanya ay hindi nagtatali sa
kanya sa kumpanya nito. Exclusive lang siya hangga’t gusto niya. Kung ayaw na
niya, puwedeng-puwede siyang mag-resign anytime. No strings attached.
Tinulungan pa nga siya nitong makapaghanap ng kanyang
matitirhan sa Metro Manila. Tinawagan nito ang isang kakilalang realtor.
Nabigyan siya ng listahan ng mga maaayos na townhouses for rent. Napili niya
iyong nasa Sikatuna Village sa Quezon City. Kabisado na kasi niya ang area
dahil malapit sa UP.
Binigyan din siya ni Don Jose ng car loan. Inabonohan muna ng
Del Oro Jewels ang pagbili sa isang Toyota Corolla - cash. Mas magagastusan pa
raw siya kung idadaan iyon sa financing company. Mas
makakatipid siya kung huhulugan niya ang kotse sa Del Oro nang walang interes.
Iyon lang naman ang
naging pinakamalalaking gastos ni Queenie na pansarili - ang buwanang upa sa fully
furnished townhouse at ang buwanang hulog sa kotse. Liban pa roon, ang pamilya
na niya sa Baguio ang kanyang sinusustinihan.
Napagpasyahan nilang mag-anak na lisanin na ang Baguio.
Masyado kasi silang ninerbiyos noong lumindol doon nang malakas. Ayaw ni
Queenie na maging pabigat pa sa loob ng kanyang ina ang palagiang pagkatakot na
baka maulit ang trahedyang iyon.
Nagkaisa din naman sila na maghanap
ng lugar na halos katulad din ng Baguio sa klima at kapaligiran. Ang
napagtuunan nila ng pansin ay ang Tagaytay. Pero sa halip na doon mismo
makabili ng lupa ay sa kalapit na Silang, Cavite sila nakadiskubre ng magandang
property.
Kahilera ng kilala nang mga kainan na
tulad ng Gourmet Café ang kanilang nabiling lupa. Katapat mismo ng highway
ang bungad at may lawak na one thousand square meters.
Hinihintay lang nila na makapagtapos sa UP Baguio sa susunod
na buwan ang kasunod niyang si Tatin bago ganap nang lilipat ang mag-anak sa
Silang. Nakapagpatayo na sila ng simple lang na bahay doon.
Liban sa halagang ipinambili sa lupa at ipinagpatayo sa
bahay, sa buwanang ikinabubuhay ng pamilya sa Baguio, at sa personal na
gastusin ng dalaga, sa bangko na ang uwi ng iba pang kinita ni Queenie. At
hindi birong halaga iyon.
Sa loob ng unang sampung buwan niya sa Del Oro Jewelers ay
nagawa na niya ang isandaang disenyong ipiprisinta sa Diamond Gala Night.
Pahinga na nga siya nitong nakaraang dalawang buwan. Patulong-tulong na lang sa
pagkikinis sa mga detalye ng presentasyon.
Samakatuwid, sa huling sampung buwan ay nabayaran na siya ng
sampung milyong pisong tumataginting. At downpayment pa lamang iyon. Ibinatay
sa turing na isang milyong pisong minimum final selling price per piece dahil
hindi pa alam kung magkano aktuwal na maibebenta sa auction ang mga alahas.
Pagkatapos ng Gala Night ay siguradong may malaki pang maidadagdag sa bayad kay
Queenie.
Ni sa hinagap ay hindi inakala ng dalaga na magkakamit siya
ng ganoon kalaking kita. At ngayo’y napasakanya iyon sa wala pang isang taong
pagtatrabaho.
Pero dahil nga nagmula sa wala, mahigpit ang hawak niya sa
pera. Hindi siya waldas. Kasama sa mahusay niyang pagpaplano ang pagkuha ng
lupa sa Silang sa halip na sa mismong Tagaytay kung saan mas mataas na nang di
hamak ang presyo ng lupa. Naroon din naman sa
Silang ang lahat ng mga katangiang hinahanap nila sa Tagaytay.
Maging ang bahay na
ipinagawa niya ay hindi matatawag na marangya. Rustic
pa nga ang dating niyon. Umaayon sa berdeng kapaligiran. Pero naroon
ang lahat ng pangangailangan ng kanyang mommy at tatlong kapatid.
Simple pa rin ang pansariling lifestyle ni Queenie. Kung hindi rin lang sa ganitong okasyon, simple lang siyang manamit.
Marunong naman siyang pumili ng damit na mura pero elegante ang dating. In good
taste at laging in style.
Kahit naman yata ano ang isuot niya, nagmumukhang mamahalin.
Kaya kahit simple lang siya, akala ng mga tsismoso’t tsismosa’y lagi siyang
naka-designer clothes. Akala, panay ang huthot niya kay Don Jose.
Nakakapagpalago pa sa tsismis iyong lagi silang magkasama, at
ang kitang-kita namang closeness nila sa isa’t-isa.
Katwiran naman kasi ni Queenie, bakit niya ipagkakait sa
matanda ang kanyang pagtingin dahil lang sa malisyosong palagay ng iba? Wala
siyang pakialam sa mga taong marurumi ang isip.
Pero nang gabing iyon - sa Diamond Gala Night ng Del Oro Jewelers
- kung kailan pa naman sineselebra nina Queenie at Don Jose ang kanilang
magkaugnay na tagumpay, ay saka pa unang tinamaan ng problema ang dalaga.
Nagsimula
iyon nang di-inaasahang bumungad sa pinto ng bulwagan ang nag-iisang hindi
imbitadong bisita - si Joed Del Oro.
At agad nitong itinuon ang nang-uusig na titig
kay Queenie.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento