Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Abril 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Odette Chapter 5

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 5

NGINGITI-NGITI si Ben habang nagmamaneho pauwi.

        Masakit pa rin nang kaunti ang ilong niya. Napuruhan naman talaga ito ng siko ni Odette. Mabuti na nga lang at hindi nabali ang kanyang nose bridge. Sa pakiramdam naman niya ay hindi.

        Kung tutuusin, disaster ang nangyari. Ang balak niya sanang gawin kanina ay nakawan ng halik si Odette. Kahit sa pisngi lang. Pero hayun, bago pa siya nakaporma ay nadale na siya ng siko ng dalaga.

        Pero sulit na sulit naman.

        Kahit totoong namilipit siya sa sakit kanina at kamuntik na ngang mawalan ng malay, papayag pa rin siyang maulit ang pangyayari. Paano’y ngayon lang niya naranasan ang mataranta si Odette sa kanya nang ganoon.

        Sa kabila ng matinding sakit na tinitiis niya kanina, kaysarap pa ring pakiramdam ang paghaplus-haplos ni Odette sa kanyang braso. Kaysarap pakinggan ang pag-usal nito sa kanyang pangalan nang buong lambing at paulit-ulit, punung-puno ng pag-aalala.

        At ngayong bago sila maghiwalay... a, heaven. Iyon lang ang maitatawag niya sa kanyang naramdaman nang haplusin siya nito sa pisngi. Alam niyang hindi iyon sinasadya ni Odette. Hindi napag-isipan. Isa lang ‘yong natural na ekspresyon ng pag-aalala nito. Kaya nga nagulat din ang dalaga sa sarili at biglang umatras.

        Hindi bale. Ang importante, nakita niya kung paano mag-alala si Odette sa kanya. Such concern. Such tenderness. Nakakatunaw ng puso.

        Lalo pa siyang na-in love sa dalaga. Lalong tumibay ang kanyang determinasyong mapaibig ito.

        After all, may bago siyang nalaman ngayon. Anuman ang ipahayag ni Odette, ang totoo’y may natatangi siyang pitak sa puso nito.

        Maaaring hindi iyon aminin ni Odette. Maaaring ipinagkaila nito maging sa sarili ang katotohanan. Kaya naman kailangan niyang ilantad ang katotohang iyon sa paraang hindi na maitatanggi ng mahal niya.

 

NAGPASALAMAT si Odette na alas-nuwebe y medya na uli ng umaga nang sunduin siya ni Ben kinabukasan. Hindi kasi niya alam kung paano pakikiharapan ang binata sakaling maisipan uli nitong mag-almusal nang kasabay niya.

        Medyo nako-conscious pa siya sa nangyari kagabi, noong ihatid siya nito pauwi.

        Hindi pa rin niya maipaliwanag ang nangyari. Noong balik-balikan niya sa kanyang isip ang eksena, nagsisi siya kung bakit nag-react siya nang ganoon.

        Kung tutuusin, hindi naman dapat nabigyang kulay iyong concern niya kay Ben. Natural lang naman na mag-alala siya sa kanyang kababata’t kinakapatid. Maano bang natapik niya ito sa pisngi? Gusto lang naman niyang tingnan nang mas mabuti ang lagay ng ilong nitong natamaan niya.

        Pero bakit para siyang nakuryente? Bakit natigilan siya’t nataranta nang mamalayan niya ang kanyang ginawa? Bakit nang makasalubong niya ang titig ni Ben ay para siyang napaso na hindi niya mawari?

        Mali. Hindi siya dapat na-conscious. Hindi niya dapat nilagyan ng malisya ang mga sandaling iyon. Nakakailang tuloy.

        Isa lang ang puwede niyang gawin para makabawi. Dedma. Parang walang nangyari.

        Kaya nang sunduin siya ni Ben nang umagang iyon, kunwa’y cool na cool uli si Odette. Lumabas na agad siya ng bahay paghimpil pa lang ng kotse nito sa may gate. Sumakay na siya agad para hindi na ito kailangan pang umibis.

        “How’s your nose?” Inunahan na niya ito ng tanong pag-upo niya sa kotse.

        “Okay na,” sagot ni Ben habang pinaaandar uli ang sasakyan. “Hindi mangangailangan ng plastic surgery.”

        “Mabuti naman,” sabi ng dalaga. “Mahal din iyon, e. Siyempre, pag nagkataon, ako ang magbabayad.”
        “Kaya pala ganoon na lang ang concern mo sa akin,” kantiyaw ni Ben.

        “Wala kasi akong pambayad,” kunwa’y balewalang sagot niya.

        “Aba, just because I won’t need surgery doesn’t mean you’re off the hook,” sabi ng binata. “Kailangan mo pa rin akong bayaran for all the pain you caused me. Idagdag pa ‘yung kawalan ko ng poise kahapon.”

        “At ano naman ang hihingin mong kabayaran, aber?” pataray na tanong ni Odette.

        “Don’t worry, kayang-kaya mo,” sabi ni Ben. “Samahan mo na lang akong manood ng special rerun ng Titanic sa Cinerama mamayang gabi.”

        “Manonood tayo ng sine?” nakataas ang kilay na bulalas niya. “Ano ka? Ang baduy mo, ha?”

        “Ano naman kaya ang baduy sa panonood ng sine?” sagot ng binata. “Hindi ba paborito mo ang Titanic?”

        “And I’ve seen it more than a dozen times,” tango ni Odette. “May tape ako niyon, e. So, bakit ko pa papanoorin sa sinehan?”

        “Dahil iba pag pinapanood mo sa big screen,” katwiran ni Ben. “Ibang-iba ang dating. At dahil din gusto kong panoorin ang Titanic sa big screen, pero nakakailang naman kung papanoorin ko iyon nang mag-isa. So, dahil may atraso ka rin lang sa ilong ko, sasamahan mo ako.”

        “Bakit naman nakakailang kung papanoorin mo iyon nang mag-isa?” tanong ni Odette.

        “Because it’s a date movie,” sagot ni Ben.

        “At gusto mong mag-date tayo?” bulalas ni Odette. “Excuse mo. Ayoko nga.”

        “It’s not a date,” atras ni Ben. “Pambayad utang lang. Sige na, o. I’m sure you’ll enjoy it. One night lang itong special rerun na ito, e. Sayang kung ma-miss natin. Pareho na nga nating hindi napanood ito no’ng regular run. May flu ka noon, hindi ba? Ako naman, may seminar sa Maynila noon. Nagkasalisi pa kami no’ng movie. Tapos na ang palabas niya sa Metro Manila no’ng nandoon ako. Pagbalik ko rito, tapos na rin siya rito. So this is our last chance.”

        “Bakit ba biglang magkakaroon ng special rerun mamayang gabi – at bakit one night lang?” tanong ng dalaga.

        “Fund-raising yata ito ng isang youth organization,” sagot ni Ben. “Hindi ko nalinawan kung alin. Narinig ko lang kasi ang announcement kaninang pag-alis ko ng bahay. Naka-public address system sila. Umiikut-ikot sa bayan nang naka-Fierra.”

        “Baka naman mahal ang tickets dahil fund-raising,” sabi ni Odette. “Magkano ba ang gagastusin ko riyan?”

        “Wala,” sagot ng binata. “My treat. ‘Yung pagsama mo lang sa akin ang pambayad-utang mo.”

        “Mas maganda ba talagang panoorin iyon sa big screen?” tanong pa niya.

        “Siyempre,” sagot agad ni Ben. “Iyong ganoon ka-spectacular na movie, dapat talaga napapanood sa big screen.”

        Napabuntonghininga si Odette.

        “Ano’ng oras ang screening?” tanong niya pagkaraka.

        “Seven-thirty,” sagot ng binata. “Tamang-tama lang. Pagkasara natin ng The Book Shop, puwede pa tayong mag-dinner.”

        “Dinner?” nakakunot-noong ulit ni Odette. “Pati dinner?”

        “Treat ko pa rin siyempre,” agap ni Ben. “Dapat lang naman, mag-dinner muna tayo. Ang haba-haba ng pelikulang iyon. Gugutumin tayo.”

        “Saan naman tayo magdi-dinner?” tanong niya.

        “Ikaw,” pakibit-balikat na sagot ni Ben. “I was thinking of Abuela’s Kitchen.”

        “Para namang pang-date iyon,” reklamo niya. “At saka masyadong de numero ang service doon. Baka mahuli pa tayo sa screening. Dumaan na lang tayo sa Chicken House. Mas komportable doon at mas mabilis ang service.”

        “Okay,” tango ni Ben. “Pero aagahan ko pa rin ang dating mamaya para matulungan uli kita sa stockroom.”

        “Huwag na,” tanggi ni Odette. “Pinapupunta ko si Pining after lunch para tumulong sa akin sa pagbubukas ng stocks, e. Kayang-kaya na naming dalawa iyon. Wala na namang ibababang mga kahon. Naibaba mo nang lahat.”

        Isa sa mga katulong nila sa bahay ang tinutukoy niyang si Pining. Kasama ng kanyang Yaya Munding at ng asawa nitong si Mang Tomas.

        “Ayaw mo na yata akong patulungin sa bookstore,” sabi ni Ben. “Nadala ka na.”

        Nangiti si Odette.

        “Hindi naman,” tanggi niya. “Pero kaya na talaga namin iyon. At saka kung tutuloy tayo sa Titanic, hindi ka dapat pagpawisan. Ako nga, hahayaan ko na lang kay Pining ‘yung pagbubukas ng stocks sa stockroom. Doon na lang ako sa pag-aayos ng books sa display racks. Nakakahiya  naman sa iyo kung marungis na ako mamaya pagsundo mo sa akin.”

        “So it’s a date then,” sabi ni Ben, sabay sa pagtigil ng kotse sa harap ng Castillo Building.

        “Anong date?” mabilis na sagot ni Odette. “Akala ko ba, hindi date ito?”

        “Oops,” tumatawang bawi ng binata. “Sorry. Figure of speech lang iyon. What I really meant was... so it’s settled then. Manonood tayo ng Titanic mamaya. But it’s not a date.”

        “Ganyan,” tango ni Odette. “Dapat maliwanag.”

 

NAKABIHIS na si Ben nang sunduin siya. Hindi na nakauniporme nang polo-barong. Sa halip, naka-t-shirt ito na walang kuwelyo – mas hapit sa katawan kaysa sa dati nitong mga isinusuot – at pantalong maong. Naka-casual moccasins na rin sa halip na pormal na sapatos na pang-opisina.

        “Hip na hip ka ngayon, a,” pansin ni Odette. “Mukhang tinototoo mo ang iyong mga resolutions. Mas relaxed ka ngang tingnan.”

        “Kailangang bumagay sa iyo, e,” nakangiting sagot ng binata. “Hip na hip ka palagi.”

        “Sus, ordinaryo lang naman itong mga suot ko,” pagkikibit-balikat niya.

        Pero ang totoo, flattered si Odette.

        Lagi nga naman siyang may style kung manamit. Kahit simple lang ang kanyang mga outfits at hindi naman mamahalin, may dating.

        Katulad ngayon. kahit hindi naman niya alam kaninang umaga na may lalakarin sila ngayong gabi, bagay pa rin sa kanilang paglabas ang kanyang kasuotan. Itim na tank top na may spaghetti straps, light gray na stretch capri pants, platform sandals at maliit na shoulder bag.

        Kapag nakauniporme si Ben nang polo barong, mukha silang magkuya. Pero ngayong nakabihis ito nang casual, puwede na silang mapagkamalang magka-date.

        “Bakit nag-iisa ka rito? tanong ni Ben. “Akala ko ba, magpapatulong ka kay Pining?”

        “Pinauwi ko na,” sagot ng dalaga. “Kanina pang alas-singko, para hindi gabihin.”

        “Si Lorraine?” tanong pa ni Ben.

        “Dumaan na rin, pero hindi gaanong nagtagal,” niya. “Tutuloy pa raw sa grocery store bago umuwi, e.”

        “So, shall we go?” yaya ng binata.

        “Okay,” tango niya.

        Maraming tao sa pinuntahan nilang restaurant. Dahil casual ang ambience sa Chicken House, mas bata ang crowd doon kaysa sa mas pormal na Abuela’s Kitchen.

        Nasa pinto pa lang sila nang mamataan ni Odette ang isang mesa ng mga dating kaklase sa Colegio Del Paraiso.

        “Sina Bettina,” sabi niya kay Ben.

        Hustung-husto namang nakita rin sila ng mga kaibigan niya.

        “Hi, Odette!” tawag ng mga ito, sabay kaway.

        Nilapitan niya ang mga ito, kasunod si Ben.
        “Hi, Bettina,” sagot niya. “O, Carl, Jen, kumusta na?”

        Nakipag-high-five siya sa mga kaibigan.

        Nakipagbatian din si Ben dahil kakilala rin naman nito ang tatlo.

        “Join us na lang,” anyaya ni Bettina.

        “Naku, baka naman mas gusto nila ng privacy, Bet,” nanunuksong sabad ni Jen. “On a date yata sila, e.”

        “Hoy, hindi kami magka-date, ha?” mabilis na pahayag ni Odette. “At talagang dito na kami makikiupo sa table n’yo para mas masaya. Hindi ba, Ben?”

        “Sure,” sagot naman ng binata.

        Hindi pa sila nagkatabi sa upuan. Naging magkaharap lang sila.

        “Hindi kami puwedeng magtagal,” pagpapauna na ni Odette. “Eat and run lang ito. Hahabulin kasi namin ang one night rerun ng Titanic diyan sa Cinerama. Pareho naming hindi napanood iyon sa regular run, e. Iba pa rin daw sa big screen kaysa sa video lang.”

        “Ay, oo,” tango ni Jen. “Totoo ‘yan.”

        “Tatlong beses nga naming pinanood iyan noong regular run,” natatawang kuwento ni Carlo. “Twice naming inulit no’ng unang panood, pagkatapos nagyaya pa  uling bumalik itong si Jen two days after.”

        “At iyak pa rin ako nang iyak,” tumatawang amin ni Jen.

        Katulad ng inaasahan ni Odette, mabilis silang nakapag-order at mabilis na nai-serve ang kanilang pagkain. Kasabay ng pakikipagkuwentuhan sa kanyang dating mga kaklase, mabilis silang nakatapos ng dinner.

        Hindi rin naman naging out-of-place si Ben dahil nakasama nito noon sa ilang clubs sa high school si Carl. May mga napagkuwentuhan din ang dalawa.

        “O, paano, kami na rin ang mauunang umalis,” paalam ni Odette nang matapos silang kumain.

        “Ikumusta mo na lang si Jen kay Jack,” biro pa ni Bettina.

        “That was fun,” sabi ni Odette nang makalabas sila ng kainan. “Matagal ko na ring hindi nakakakuwento ang mga kaibigan kong iyon. Mabuti na lang nakasabay natin. Pero okay lang ba iyon sa iyo? Hindi na ako humiwalay ng mesa para hindi tayo tuksuhin.

        “No problem,” sagot ni Ben. “Nag-enjoy din naman ako with their company.”

        “Alam mo, mabuti ka pa kaysa kay Kuya,” pansin ni Odette. “You can get along with my batchmates kahit pa hindi ka dito nag-college. Siya aloof sa kanila, e. Para bang ang layu-layo na ng batch namin sa inyo samantalang one year lang naman ang difference natin.”

        “Marami lang kasi akong nasalihang activities sa campus noong high school kaya marami rin akong nakaibigan na hindi ko ka-batch,” paliwanag ni Ben. “At saka kahit after college, nakaka-deal ko pa rin ang marami sa kanila sa business.”
        “And you’re a nice guy,” dagdag ni Odette. “Iyon ang main reason.”

        Nakita niyang namula nang bahagya si Ben.

        “Well, thank you for the compliment,” sagot nito. 

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento