FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
Abakada
ng Pag-ibig: Francesca
ABAKADA NG PAG-IBIG: NIANDRA
by Maia Jose
Copyright
Maria Teresa C. San Diego
All Rights Reserved
Published
in print by Valentine Romances
Books
for Pleasure, Inc.
First printing 2000
ISBN 971-502-997-3
TEASER:
Sikat na sikat si Niandra
bilang sexy comedienne. Sosyal ang mga nanonood ng kanyang shows sa five-star
hotels. Pero nang umibig ang dalaga sa herederong si Matt, hinamak siya ng alta
sosyedad at tinawag na social climber. Hindi raw nababagay sa sirkulong iyon
ang isang entertainer. Paglalaruan lang daw siya ng binata.
Nasaling ang pride ni Niandra. “Nakikipaglaro lang din naman ako sa kanya,” taas-noong sagot niya sabay halakhak. Kahit lumuluha ang kanyang puso.
CHAPTER 1
“LIVIN’ la vida loca...”
Bigay na bigay ang
pagkanta at pagsayaw ni Niandra. Isang female version ni Ricky Martin. Kung
gaano kaguwapo at ka-sexy ang latinong singer, ganoon din kaganda at ka-sexy
ang Pilipinang performer. Pati boses niya ay puwedeng-puwedeng ilaban ng duweto
rito. Lalo naman ang mahusay na pag-indayog ng kanyang katawan sa musika.
Umugong ang palakpakan sa
pinakamalaking ballroom ng New Haven Spa Hotel kung saan idinaraos ang opening
night ng three day one-woman show ni Niandra Moran.
Kung opening number lang
ang pagbabatayan, mapapagkamalang isang pangkaraniwang concert ang show. Parang
concert ni Pops Fernandez o ni Regine Velasquez.
Pero nang matapos ang
song-and-dance number, napatunayan ang tunay na uri ng show ni Niandra. Isa
iyong one-woman comedy act.
Pagkatapos ng huling nota,
biglang nanlupaypay sa stage ang dalaga. Hingal na hingal. Tanggal ang lahat ng
poise.
“Hah... hah... tama na...
ayoko na... I can’t take it anymore... Next time, I swear, magli-lipsynch na
lang ako...”
Tawanan ang audience.
Pero kahit nagpapatawa na
ang dalaga, napakaganda pa rin niya. Para siyang si Meg Ryan o si Julia Roberts
na kahit nagkokomedya ay lalo pa yatang lumalakas ang appeal.
Kaya nga kaybilis na
sumikat ni Niandra Moran. Patok na patok sa local entertainment scene ang
babaing komedyante na bukod sa mahusay magsulat at mag-deliver ng linya ay
napakaganda’t napaka-sexy pa. Bonus pa iyong magaling din siyang kumanta’t
sumayaw.
“Now I remember why I
chose to be a comedienne instead of a singer,” habol pa rin ang hiningang sabi
niya habang nakalapat ang isang palad sa dibdib.
Pagkatapos, kunwa’y may
narinig siyang hindi kanais-nais mula sa isang bahagi ng audience.
“I heard that!” kunwa’y
pahumindig niyang reaksiyon. “How dare you! How can you say that? Mas nakakatawa pala ako pag kumakanta’t
sumasayaw, ha?”
Tawanan uli ang mga tao.
“I’m hurt,” nakalabing
pagmamaktol niya. “Next time, I won’t bother to give you a Ricky Martin song.
You want a funny song-and-dance routine? This is what you deserve...”
At bigla siyang humirit ng
kantang “Ang boyfriend kong Bading.”
Hagalpakan ang sosyal na crowd na hindi sanay makarinig
ng ganoong kanta sa ganoon ka-class na venue.
Iyon ang isa pang
pagkakaiba ni Niandra Moran. Malakas ang hatak niya sa AB crowd. Laging
jampacked ang kanyang mga show sa five-star hotels kahit hindi biro ang presyo
ng tickets.
Kakatwa nga dahil kung
tutuusin, ang malaking bahagi ng kanyang
mga comedy acts ay nakasentro sa kakatwang ugali ng mga elitistang mayayaman at
sosyal. Kung susuriin, ang pinagtatawanan ng kanyang audience ay ang kanilang
mga sarili.
Isa nga iyon sa ini-enjoy
ni Niandra sa kanyang trabaho. Tuwang-tuwa siya habang isinusulat niya ang
kanyang script. Lihim din naman siyang natatawa kapag tawang-tawa ang kanyang
audience sa ipinakikita niyang mga kabalbalang pang-araw-araw na bahagi ng
buhay nila.
Tulad nitong skit niya
ngayon.
“I had to call my
hairdresser. It was an emergency. May lakad kami ng friends ko that night. I
needed a new hair color. Something different. Very cutting edge... you know...
“I looked through Vogue...
hmmm, maybe red. Really red. Iyon nga raw ang latest, sabi ng colorist kong si
Fredrik. Up-to-date daw talaga ako sa trends. But of course!
“So he did my hair... and
it was perfect.
“Paalis na nga sana ako.
But then another girl walked in. Oh no! She had the exact same color. At ang
masama pa, she was tired of it na raw. This is so boring na, Fredrik, sabi pa
niya. Change it right now. Aba, hindi puwede iyon. Alangan namang manahin ko
ang pinagkalumaan na niyang kulay. No way.
“Excuse me, I was here
first. At biglang hindi pa ako tapos, sabi ko. So I told Fredrik to redo my
hair. Kailangan kong pumili ng ibang kulay. Copper? So common! Blonde? Too
garish! Green or purple? Too far out! Wait... blue-black looks good. Kinda
offbeat but interesting. And not too shocking. Blue-black na lang siguro...
“And then I happened to
glance at the TV set. There was a shampoo commercial on. A dandruff shampoo,
for goodness sake. And the model’s hair was blue-black. Yikes! Ayoko ngang gumaya!
“So finally, I asked
Fredrik to change my hair back to basic black. And that night, ako lang ang
black-haired sa grupo. Stand-out! Tinaasan ko pa nga sila ng kilay, e. Sabi ko:
girls you know, you’re such fashion victims! O, di ba?”
Tawanan ang audience –
pati na ang mga babaing iba-iba ang mga kulay ng buhok.
Ganoon ang tipo ng humor
ni Niandra. Na biling-bili ng kanyang mga tagahanga.
Laging bago at orihinal
ang kanyang materyal. Siya nga kasi mismo ang nagsusulat. Kahit bumalik-balik
pa ang mga parehong tao sa bawat araw ng kanyang three-day show, laging may
mapapanood ang mga ito na bago. Bawat araw ay naglalagay siya ng variations sa
kanyang act.
Marami siyang mga
iniidolong nauna na sa kanya sa ganitong larangan. Sina Tessie Tomas, Nanette Inventor
at Mitch Valdez. Sa States, isa na ang beteranang si Goldie Hawn. Pinanonood
niya ang tapes ng mga lumang TV specials ng mga ito – hindi para gayahin kundi
para mapagkunan ng inspirasyon.
Alam ni Niandra na puwede
niyang maipagmalaking may naiaambag din siyang bagong development sa kanilang
espesyal na larangan ng comedy. May sarili siyang tatak na kakaiba sa lahat.
Kaya naman ganoon na lang din ang confidence ng dalaga sa stage.
Every other month yata ay
may ganito siyang show. Bukod pa iyon sa kanyang madalas na TV guestings. Sanay
na sanay na siyang mag-perform. Kumportableng-kumportable na.
Pero nang gabing ito, sa
kauna-unahang pagkakataon, kamuntik nang matuliro si Niandra sa gitna ng
kanyang act.
Paano’y may nakilala
siyang mukha sa audience. Isang mukha mula sa kanyang nakaraan.
Si Matt Miravilla.
HALOS hindi kumukurap si Matt habang pinanonood ang opening act ni
Niandra.
Napanood na niya ang
dalaga sa TV. Makailang beses na. At
humanga na nga siya roon. Pero iba pala kapag pinanonood ito nang live. Ngayon.
Lalo pang gumanda si
Niandra kaysa sa natatandaan niya. Lalong sumeksi.
Pati singing voice nito ay
mas lalo pang lumamig at naging buung-buo – kahit pa nga habang nagsasayaw ito
nang ganoon kalikot.
Maging ang pangangapos
nito ng hininga ay seductive ang dating sa binata.
Idagdag pa ang kakaiba
nang kumpiyansa ng dalaga sa pagkilos at pananalita. Halatang
siguradung-sigurado sa sarili.
Kunsabagay, naroon na ang
binhi ng lahat ng iyon kay Niandra noon pa man. Ten years ago.
Naaalala pa ni Matt nang
una niya itong nakitang nag-perform. Choir soloist si Niandra sa simbahan ng
Sta. Cecilia. Thirteen years old pa lang ito noon. First year high school.
Siya naman ay fifteen na
noon. Isang high school junior sa Ateneo de Manila, nagbabakasyon lang sa
Hacienda Cecilia na pagmamay-ari ng kanilang angkan.
Espesyal nga talaga si
Niandra para maakit ang pansin ng isang city boy na tulad niya. Noong mga
panahong iyon ay pinagkakaguluhan na rin naman siya ng exclusive school girls
sa Manila. Sanay na sanay na siyang napapaligiran ng magagandang babae.
Pero sa unang nota pa lang
ng pagkanta ni Niandra nang solo sa simbahan ay napatanga na si Matt. Totally
captivated.
At apat na taon din siyang
napasailalim sa kapangyarihan ng boses at kariktan ni Niandra. Hindi pa nga
niya maipaliwanag ngayon kung bakit natapos sa hindi maganda ang kanilang
ugnayan.
Hanggang ngayon ay
nasasaktan pa siya kapag naaalala niya ang huli nilang pagkikita.
Siyempre pa, nakilala niya
agad si Niandra nang i-launch ito sa TV two years ago. Pero tiniis niyang huwag
manood ng live shows ng dalaga. Tinangka niyang dumistansiya.
Ilang taon na ngayong
namamayagpag sa kasikatan si Niandra Moran. At ngayon lang bumigay si Matt.
Akala niya kasi, nasanay
na siya na napapanood ito nang madalas sa TV. Akala niya, kaya na niyang maging
detached kapag pinanood niya ito nang live.
Hindi pa pala.
Mas grabe pa nga ang
epekto sa kanya ni Niandra ngayon kaysa noon. Siguro, dahil sa mga edad nila
ngayon. Pareho na silang hindi teenagers. He’s now a man reacting to a woman.
And what a woman she turned out to be.
Pagkatapos ng isang pilyang
spiel, nagtapon si Niandra ng mapanuksong tingin sa audience. At dumapo ang mga
mata nito sa kanya.
Napasinghap si Matt.
Tumigil yata ang pagtibok ng kanyang puso.
Lalo pa nang makita niya
ang biglang pagrehistro ng kanyang identidad sa isip ni Niandra. Sa sansaglit
na pagkakahinang ng kanilang mga paningin, may kung anong emoyon na saglit na
dumaan sa mukha ng dalaga. Pagkatapos, bumaling na ito sa ibang direksiyon.
Hindi rin malaman ni Matt
kung paano susuriin ang mga sensasyong lumukob sa kanyang pagkatao sa mga
sandaling iyon. Excitement. Exhiliration. Nerbiyos.
Natatandaan pa rin pala
siya ni Niandra. Obvious na nabigla ito at nag-react sa kanyang presence. Hindi
nga lang niya alam kung ano namang klaseng mga emosyon ang nadama ng dalaga
pagkakita sa kanya.
BIGLANG naging self-conscious si Niandra nang makita sa audience si
Matt. Mabuti na lang at nakayanan pa niyang disimulahin ang kanyang nadarama.
Naituloy niya ang show nang walang nangyaring aberya.
Lalo pa siyang kinabahan
nang matapos ang palabas. Nang papunta na siya sa kanyang dressing room.
Puntahan kaya siya ni
Matt?
Kasama niyang pumasok sa
dressing room ang dalawang production assistants ng kanyang management agency.
Permanente nang naka-assign
kay Niandra sina Tinette at Millie. Palibhasa mula’t sapul ay wala siyang
kinuhang alalay, tinutulungan siya ng dalawa sa pag-aayos ng kanyang mga gamit
at iba pang personal na pangangailangan.
Magiliw si Niandra sa mga
ito dahil dinaanan din niya ang ganoong trabaho. Parang mga nakababatang
kapatid ang turing niya sa dalawang fresh graduates.
“Ang galing na naman ng
opening night mong ito, Niandra,” sabi ni Tinette nang maisara nila ang pinto
ng dressing room. “Nagpadala ng kanya-kanyang tao ang lahat ng major dailies,
a. Siguradong lalabas ito sa lahat ng lifestyle section bukas. Panay rave
reviews uli, I’m sure.
“Kumuha nga ng footage ang
Dos at Siyete, e,” sabi naman ni Millie. “Ilalabas iyon sa kanilang morning
show bukas. At saka nakita kong kausap nila si Tito Lino. Mukhang pareho ring
humihingi ng interview sked sa iyo. Hindi ko lang alam kung para sa anu-anong
mga shows.”
Manager ni Niandra at
pinaka-boss ng A-Line Management Agency si Lino Ferrer, na mas kilala sa staff
nito at sa showbiz circles bilang Tito Lino.
“Mabuti naman,” sagot ni
Niandra habang nagpupunas ng pawis. “Medyo nag-alala nga ako na baka nagsawa na
silang lahat sa shows ko, e. Hindi pa rin pala. As usual, tama ang pagpaplano
ni Tito Lino.”
Nagsimula na siyang magpalit
ng damit.
“Sus, paano naman kasi
sila magsasawa? E lagi namang bago ang concept ng show mo. Wala pang naulit,”
sabi ni Tinette habang inilalagay sa isang plastic bag ang hinubad niyang
costume.
“Kumusta na nga pala iyong
negotiations para sa regular TV show mo?” tanong ni Millie habang isinasara ang
zipper sa likod ng isinuot niyang damit. “Nakapag-decide na ba kayo kung aling
station ang tatanguan?”
“Hindi pa nga, e,” iling
niya. “Hinihintay pa ni Tito Lino ang sagot ng dalawang istasyon sa mga requirements
niya. Depende iyon sa kung sino ang may mas magandang counter-offer.”
Dinampian ni Niandra ng
tissue ang mukha niyang nangingintab din sa pawis. Mamaya na siya magtatanggal
ng make-up. Maliligo naman siya bago matulog.
“Kahit aling station ang mapili
n’yo, siguradong hindi tayo magkakaproblema sa sponsors,” sabi ni Millie habang
pinagsasama-sama ang mga plastic bag ng tatlong pinagpalitang constume ng
comedienne.
Ipapa-rush job ang mga iyon
sa isang 24-hour laundromat para maisuot uli sa show kinabukasan.
“O, okay ka na?” tanong ni
Tinette kay Niandra.
Hawak na nito ang kanyang
make-up bag at isang plastic bag ng mga pinagpalitan din niyang sapatos.
“Let’s go,” tango ng
dalagang komedyante.
Dala naman niya ang
kanyang malaking shoulder bag na naglalaman ng mga pinaka-personal niyang
gamit.
Binuksan na ni Millie ang
pinto ng dressing room.
Naghihintay sa anteroom si
Lino, kasama ang lima pang staffers ng A-Line.
Punung-puno ng bulaklak
ang anteroom. Sari-saring floral arrangements mula sa iba’t ibang flower shops.
“O, hayan,” sabi ni Lino
habang itinuturo ang mga bulaklak. “May padala ang mga suitors mong TV
stations, siyempre. Pabonggahan sila ng flowers. And of course, mayroon din from
your loyal sponsors. Pero mas parami yata nang parami ang galing sa iyong
admirers.”
“Karamihan naman, dirty
old men,” pairap na sagot ng dalaga.
Kaya niyang ibulalas iyon
dahil sila-sila lang namang mga taga-A-Line ang nasa kuwarto. Walang makakarinig
na maaaring masagasaan.
“Malay mo naman, Tita,”
sabi ng gay nilang kasama na si Vernie. “Baka-sakaling may naliligaw diyan na
binata. O kaya naman, puwede na sa akin iyong dirty young man – basta ba
handsome.”
Natawa si Niandra.
“Hayaan mo, Vern,” sagot niya. “If ever I come across someone
just like that, siguradong ipakikilala ko agad sa iyo. Iyung-iyo na.”
Pero isa-isa rin niyang
tiningnan ang card ng mga floral arrangements. Iisang pangalan lang naman ang
inaalam niya kung naligaw nga ba roon – ang pangalang Matt Miravilla.
Wala siyang nakitang ganoon.
Bumaling ang dalaga kay
Lino.
“May naghihintay pa ba sa
labas?” tanong niya.
Madalas kasi, may mga
reporters o fans pa siya na naghihintay sa paglabas niya ng dressing room.
Maaaring gustong humingi ng maikling interview o magpapapirma ng autograph at
magpapakuha ng litrato na kasama niya.
“Iyong interviews mo,
ini-schedule ko na for tomorrow after lunch,” sagot ni Lino. “Panay fans mo na
lang ang nasa labas. Dalawang grupo lang naman. Isang pamilya na bumaba pa from
Baguio para lang mapanood ka. At isang barkada na panay matrona. This time,
wala ang mga DOM.”
“Salamat naman,” pabuntonghiningang
sabi niya.
Pero may nadama rin siyang
disappointment. Wala rin pala si Matt.
KAPAG ganoong may show si Niandra, madalas ay doon na rin siya nakatira
sa hotel hanggang last night nila. Kasama na iyon sa kanyang benefits.
Kaysa nga naman magmaneho
pa siya nang pauwi sa Quezon City sa ganoong oras na magmamadaling-araw na.
Babalik din naman siya sa hotel kinabukasan. Nakakapagod iyon. Kailangan pa
naman niya ng high energy para sa show.
“O, ipaaakyat ko itong
flowers mo, ha?” sabi ni Lino nang matapos maistima ng dalaga ang mga fans na
nagtiyagang maghintay sa kanyang paglabas.
“Huwag na lang kaya,” iling
ng dalaga. “Magmumukha na namang flower shop iyong kuwarto, e. At saka
maglalaban-laban lang ang amoy ng mga iyan. Masyadong overpowering. Baka
magka-allergy pa tuloy ako pag laging ganyan. Iuwi n’yo na lang kaya sa office.
Ipang-decorate sa reception area. Iyong mga card na lang ang itatago ko.”
Sa isip niya, wala namang
alinman sa mga bulaklak na iyon ang may personal significance. Karamihan ay
mula sa mga may business interest sa kanya.
Iyong anim na nagmula sa
kanyang tagahanga ay lalong ayaw niyang angkinin. Pati nga ang card ng mga iyon
ay hindi niya itatago. Paano naman, alam niyang pare-parehong may asawa na ang
anim na iyon – at hindi hiwalay sa kani-kanilang mga misis. Naiinsulto siya na
inisip ng mga ito na may posibilidad na pumatol siya at manira ng pamilya.
Ang mga iyon ang tinutukoy
niya kaninang mga DOM. Magmula pa nang
magsimulang sumikat si Niandra, hindi na siya nawalan ng mga manliligaw na
mayayamang matatandang may-asawa. Pang ilang batch na nga ang anim na ito.
Kahit wala naman siyang
pinatulan ni isa ay kung bakit parang ina-assume ng lahat na open siya sa ganoong
tipo ng pakikipagrelasyon. Porke ba entertainer siya ay mababa na ang tingin sa
kanya?
Isa-isang kinuha ng dalaga
ang mga card ng kanyang natanggap na mga bulaklak. Iyong sa anim ay pinunit niya
agad at initsa sa basurahan.
“Goodbye mga Papa,”
sarkastiko pang sabi ni Vernie habang kinakawayan ang mga itinapong card.
“Sorry na lang kayo. Kahit ako man, hindi ko kayo papatulan.”
Tawanan ang mga kasamahan
nila.
“O, tara, ikaw na lang ang ihahatid namin sa itaas,” sabi ni Lino.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento