FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 6
IYON ang pinakamasakit na pangyayaring naganap kay Matt sa buong buhay
niya.
Pumanaw ang kanyang ina
noong isa’t kalahating taong gulang pa lamang siya kaya hindi niya naramdaman
ang sakit ng pagkawala nito. Samantalang iyong paglayo ni Niandra ay sugat na
dinaramdam pa rin ng binata hanggang ngayon.
Hindi pa naman niya
masasabing minahal niya o mahal pa rin niya si Niandra. Sa pamantayan ni Matt
ay wala pa siyang batayan para sa ganoong pahayag.
Paano nga ba niya mamahalin
ang isang babaing hindi pa niya lubusang kilala?
At iyon ang ikinasasama ng loob niya. Ipinagkait
ni Niandra sa kanilang dalawa ang pagkakataong makilala ang isa’t isa. Ang
pagkakataong maging tunay na magkaibigan. Ang pagkakataong makabuo ng damdaming
maaaring mauwi sa pagmamahalan.
Sa loob pa naman ng apat
na taon na pagsubaybay niya noon sa dalaga ay nakita na niyang napakalaki ng
posibilidad na ma-in love siya kay Niandra. Naroon na kasi ang matinding
atraksiyon. Ang kulang na lang ay ang mas malalim na pagkakakilanlan.
Sayang.
Gusto niyang isigaw noon,
“Give me a chance. Give us a chance.”
Pero hindi na niya nagawa.
Natalo na siya ng kanyang emosyon.
Emosyon na hanggang ngayon
ay ganoon pa rin katindi. Ganoon pa rin ang panghihinayang. Ganoon pa rin ang
sakit.
Lalo pa nang muli niyang
makita si Niandra nang personal.
Imposibleng tawaging
pag-ibig pero ano kaya ang itatawag niya sa emosyong yumanig sa kanyang
pagkatao kanina nang lumabas si Niandra sa entablado sa kauna-unahang pagkakataon?
Hindi iyon basta paghanga
lang. Hindi simpleng pisikal na atraksiyon – kahit aaminin niyang mas gumanda
pa si Niandra at mas naging kaakit-akit. Gayunpama’y higit pa roon ang kanyang nadama.
Isang napakalalim na
emosyong nakaugat na yata sa pinakaubod ng kanyang kaluluwa. Isang napakalawak
na emosyong sumasakop na yata sa kabuuan ng kanyang mundo.
Kanina, muli niyang
naramdaman ang kasiguruhang si Niandra lang ang babaing pupuwede niyang mahalin
kung bibigyan sila ng pagkakataon.
Sa loob ng nakaraang anim
na taon mula nang magkalayo sila, walang ibang babaing nakapagpadama sa kanya
nang ganito. Kaya nga wala pa rin siyang nililigawan.
Pagkatapos ng naganap sa
kanila sa Baguio, umuwi siya sa Maynila nang talunan. Hindi niya maitago ang
kanyang depresyon.
Nawalan siya ng ganang
kumain at masyadong nangayayat. Naging mas lalo pang tahimik at palaisip.
Naging mas mailap sa mga sosyalan, lalo pa kung may mga babae.
Nag-alala na nga pati ang
kanyang Kuya Mark at ang kanyang ama. Nang hindi makuha sa kanya ang dahilan ng
kanyang ipinagkakaganoon ay nag-imbestiga na ang mga ito. Tinanong ang mga
pinsan niyang lalaki. Ang mga katiwala sa hacienda.
Matapos makausap ng mga
ito pati ang bodyguard at driver na nakasama niya sa Baguio, nabuo ang kuwento.
At iisa ang naging konklusyon ng lahat. Napakalaki raw niyang hangal para
magpakaloko sa babaing iyon.
Kinausap siya nang
kinausap. Kinantiyawan ng mga pinsan niyang lalaki. Pinagpayuhan ng kanyang
kuya. Pinagalitan na ng kanyang daddy. Bandang huli, inalok pa nga siya ng
psychiatric help. Baka raw psychiatrist lang ang makakakumbinsi sa kanyang
bumitiw sa kanyang obsesyon sa babaing iyon.
Nagpakatatag si Matt.
“Leave me alone,” sagot
niya sa lahat. “Normal lang naman itong nararamdaman ko. I’ll get over it my
own way.”
Walang nagawa ang pamilya.
Pero ang lahat ay nag-oobserba pa rin sa kanya. Concerned.
Hindi naman nagtagal at
nakabalik din siya sa dati. Nakakain na nang maayos. Nanumbalik ang magandang
pangangatawan. Nabawasan ang mga mahahabang pananahimik.
Pero ano nga ba iyong
babalikan niyang dating gawi? Tahimik lang naman talaga siyang tao. Hindi
masyadong madaldal. Hindi mahilig sa mga sosyalan. Lalong hindi gaanong
kumportable sa harap ng mga babae.
Ang pinagbalingan niya ay
ang kanyang pag-aaral at pagkatapos, ang trabaho. Sa brokerage, halos panay
lalaki ang kanyang kaharap. Iyong iilan nilang mga empleyada ay panay mga
matrona na. Hindi na nakakailang sa kanya.
Ganoon niya tinawid ang
huling anim na taon.
Hindi niya akalaing
mangyayari itong nangyayari sa kanya ngayon. Para siyang nagbalik na naman sa
simula.
Naalala niya ang sinabi
noon ng kanyang Kuya Mark.
“You gave her too much
power over your emotions. Tingnan mo tuloy ang nangyari. Sa isang iglap, she
has managed to hurt you so much. Hindi tama iyon. Hindi mo dapat ibinibigay
kaninuman ang ganoong kapangyarihan.
“Maling-mali ang diskarte
mo, e. Lumalayo ka sa karamihan ng mga babae. You dislike even casual
relationships with women. Pero iyang iisang pinagtuunan mo ng pansin, sumobra
naman ang attachment mo. Baligtarin mo ang iyong sistema. Be with women. Enjoy
them. Pero huwag kang maging masyadong attached. Don’t give them the power to
play with your feelings.”
Hindi talaga niya magawang
sumunod sa huling payo ng kanyang kapatid. Hindi siya tulad nito at ng kanyang
mga pinsang lalaki na walang pagpapahalaga sa pakikipagrelasyon sa mga babae.
Pero nag-isip-isip din
siya tungkol sa unang tinuran ng kanyang Kuya Mark.
Totoo nga yata iyon.
Masyado niyang ibinuhos ang kanyang loob kay Niandra. Masyado niyang binuksan
ang kanyang puso’t damdamin. Tuloy, naging vulnerable siya. Walang anumang
pananggalang.
Pero hindi nga ba’t ganoon
talaga ang landas patungo sa pag-ibig? Paanong makapagtatanim ng binhi ng tunay
na damdamin kung nakasara ang puso? Kung laging may pananggalang sa emosyon?
Hindi niya maintindihan.
Ngayon, ito na naman ang
problemang kanyang kinakaharap.
Pero ngayo’y may takot na
siya.
Hindi birong sakit ang
kanyang dinanas nang maghiwalay sila ni Niandra. Sakit na hanggang ngayon ay
dala-dala niya.
At kanina, napatunayan
niyang napakalakas pa rin ng kapangyarihan ni Niandra sa kanyang damdamin.
Kayang-kaya pa rin nitong yanigin ang kanyang buong pagkatao. Ang kanyang buong
mundo.
Hahayaan ba niyang mangyari
uli ang nangyari na noon? Ipakikipagsapalaran ba niya uli ang kanyang damdamin?
Napabuntonghininga si
Matt.
Mas makabubuti siguro kung
dumistansiya na muna uli siya. Siya na ang kusang lalayo kay Niandra.
PANGALAWANG gabi ng show.
Naging sistematiko ang
pagsuyod ni Niandra ng tingin sa kanyang audience. Bawat mesa ay sinisino niya.
Medyo mahirap gawin dahil bukod sa napakalaki ng lugar ay madilim pa ang
kinaroroonan ng mga manonood. Pero nagawa pa rin niyang gawing bahagi ng kanyang
act ang paghahanap kay Matt.
Nabigo ang dalaga. Natapos
at natapos ang show na wala kahit anino ni Matt Miravilla.
Pumanhik siya sa kanyang
nakareserbang kuwarto sa hotel nang mabigat ang loob.
HULING araw ng show.
Natagpuan na lamang ni
Matt ang kanyang sarili na nasa lobby na ng New Haven Spa Hotel.
Pero natigilan siya roon.
Bago pa makatuloy sa mismong pinagdarausan ng show ni Niandra ay nailiko na
niya ang kanyang mga paa patungo sa bar.
Doon, sa isang madilim na
sulok, inalagaan ni Matt ang isang mug ng beer sa loob ng mahigit sa dalawang
oras.
Alam niya kung anong oras
matatapos ang show. At mula sa kanyang kinauupuan ay tanaw ang pinto ng bar at
ang bahagi ng lobby na daraanan ni Niandra paglabas nito ng dressing room.
Nakita niya nang maglabasan
ang mga manonood ng dalaga. Naghintay pa siya nang kinse minutos.
Mayamaya lang ay heto na
nga si Niandra, maraming kasama. Patungo sa hilera ng mga elevators na papanhik
sa mga kuwarto.
Hindi tuminag si Matt.
Nanatili lang siyang nakaupo roon.
Hindi na nga gumagana ang
kanyang utak. Napagod na siya sa kadedebate sa kanyang sarili ng tungkol kay
Niandra. Para siyang hilo na sa isang saglit ay magpapasya nang ganito para
lang sa susunod na sandali ay isipin ang kabaligtaran. Hindi na rin niya mahulaan
ang kanyang susunod na hakbang.
Pagkaraan ng mga kinse
minutos pa, bigla na lang siyang tumayo at nagtungo sa kahera. Sa halip na
hingin sa waiter at hintayin ang kanyang bill ay binayaran na niya ito roon.
Pagkatapos ay tuluy-tuloy siyang lumabas ng hotel patungo sa parking lot na
katapat lang ng front entrance. Nagmamadali. Parang takot na baka magbago pa
siya ng isip.
Pinaaandar na ni Matt ang
kanyang asul na kotse nang mamataan niyang papalabas ng hotel sina Niandra.
Tumigil ang grupo ng
dalaga sa labas lang ng entrance ng hotel. Halatang naghihintay ng sasakyan na
mula sa parking lot.
Hindi maituloy ni Matt ang
pag-alis. Napako na ang kanyang tingin kay Niandra.
Hindi nagtagal at lumabas
mula sa parking lot ang isang van. Sinundo ang grupo ng dalaga.
Natagpuan na lamang ni
Matt ang kanyang sarili na sumusunod sa van.
Dumistansiya naman siya.
Iyong hindi siya mahahalata.
Wala siyang anumang
konkretong intensiyon. Walang balak gawin. Basta parang hindi lang siya
makahiwalay sa kinasasakyan ni Niandra. Curious lang siyang malaman kung saan
pa ito tutuloy.
Naglakbay sila hanggang
Quezon City. Nakilala ni Matt na patungo sila ng Sikatuna Village.
At tumigil ang van sa
tapat ng isang hilera ng mga townhouse.
Tinandaan ni Matt ang
lokasyon pero hindi siya puwedeng lumapit nang masyado. Baka siya mapansin.
Kinailangan na niyang
lumiko sa kantong bago makarating sa mismong tapat ng mga townhouse.
Kinailangang tumuloy sa pagtakbo.
Pero nakadama siya ng
bagong excitement.
Malamang ay inihatid ng
van si Niandra. Doon nga kaya ito nakatira?
PAGOD na pagod si Niandra hindi lang dahil sa katatapos na show. Ang
mas nakaubos yata ng kanyang enerhiya ay ang pagtaas at pagbagsak ng kanyang
mga ekspektasyon tungkol kay Matt.
Kung bakit naman kasi
hindi niya mapigil ang kanyang sarili na umasang magpapakita uli si Matt. Tuloy,
heto, siya rin ang talo.
Napapailing na lamang siya
habang itinatabi ang mga iniuwing gamit. Pagkatapos ay tumuloy siya sa banyo.
Itinapat sa mainit na mainit na shower ang kanyang kahapuan.
Iyon ang mabisa niyang
pampatulog. Kapag umuuwi siyang pagod na pagod, kailangan niyang mag-hot shower
para maibsan ang kanyang tensiyon. Kung hindi ay magpapabiling-biling lang siya
sa higaan. Hindi makakatulog sa kabila ng kapaguran.
Matapos maligo ay nagpahid
siya ng lavender-scented oil sa buong katawan. Isa pa iyon sa kanyang mga
ritwal. Itinuro ni Manang Susan – ang regular niyang reflexologist at masseuse
na maalam sa aromatherapy. Nakakapagpa-relax daw ang lavender oil.
Nang mahiga si Niandra ay
nagsisimula nang mamigat ang mga talukap
ng kanyang mga mata. Pero naroon pa rin sa kanyang isip si Matt.
Pinanghihinayangan pa rin niya ito.
Sayang kung hindi na uli
sila magkatagpo. Kung hindi na magkaroon
ng pagkakataong tulad noon. Ngayon pa namang handa na siyang humarap kay Matt
nang walang pangingimi o pagbabantulot.
Magmula noong isang araw
ay nakapa na niya nang husto ang kanyang damdamin kay Matt Miravilla. Naroon pa
rin ang dati niyang atraksiyon sa binata. Mas tumindi pa nga nang makita niya
ito uli.
Ang pagkakaiba sa noon at
ngayon ay hindi na niya nadaramang alangan siya kay Matt.
Alam na niya ngayon na
kahit noon ay hindi pala siya dapat nakadama ng inferiority dahil lamang
mayaman ito at mahirap lang sila.
Bata pa kasi siya noon at
madaling nadala sa tradisyunal na mga paniniwala, lalo pa’t lumaki siyang
katabi ang Hacienda Cecilia. Akala niya ay iba talaga ang mga hasendero’t hasendera
kaysa sa karaniwang mga tao.
Now she knows better,
naiisip niya. Magkakapantay lang ang tao, mayaman man o mahirap. Walang
kinalaman ang financial o social status sa mismong pagkatao.
Kaya na niyang humarap kay
Matt on equal terms. Bonus pa iyong maipagmamalaki niyang personal
accomplishments.
Pero paano naman kaya
haharap sa kanya si Matt ngayon? Naroon pa rin kaya ang dati nitong pagtingin
sa kanya? O isa lang ba iyong infatuation na matagal na nitong iniwan?
My kumurot sa puso ni
Niandra.
Sayang. Kung hindi siya
nagpadalus-dalos noon, kung hindi siya nagpadala sa kanyang insecurities, malamang
ay malayo na ang narating nila ni Matt.
Puno ng panghihinayang ang
dalaga hanggang sa makatulog na lamang.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento