Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 22, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Monique Chapter 1

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca

Abakada ng Pag-ibig: Gwen

Abakada ng Pag-ibig: Hiyas

Abakada ng Pag-ibig: Irene

Abakada ng Pag-ibig: Julianna

Abakada ng Pag-ibig: Krizha

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine


ABAKADA NG PAG-IBIG: MONIQUE

by Maia Jose

 


Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 2000

ISBN 971-502-999-X


TEASER:

        Dare! Iyon ang sinabi ng pintor na si Kino. Nahamon naman si Monique. Pinangatawanan nga niyang maging modelo para sa nude painting nito.

        Pero bakit si Kino naman ngayon ang kinakabahan? Bakit nakadarama na ang binata ng pangangailangang protektahan si Monique? Ayaw na nga nitong ipakita kahit kanino ang mga nude painting ng dalaga.

CHAPTER 1

NAGMAMADALI si Monique. Alas-onse’y medya na’t katatapos lang ng klaseng tinuturuan niya. Humahangos siyang pauwi sa dormitoryong naroon din sa loob ng Colegio de Sta. Maria.

        Kailangan niyang makapagpalit agad ng damit. May lunch date sila ng best friend niyang si Julianna at ayaw niyang pumunta sa Arte’t Kape nang nakauniporme. Sawang-sawa na siya sa kasusuot ng mga uniporme.

        Sa totoo lang, sawang-sawa na siya sa lahat ng bagay na kaugnay ng Colegio de Sta. Maria. Kaya nga lagi siyang sabik na sabik na makalabas sa compound na iyon.

        Nagmamadali si Monique at sa loob lang ng limang minuto ay nakapagpalit na siya ng damit. Wala rin naman kasi siyang ibang mapagpipiliang isuot kundi simpleng slacks at bulaklaking blusa na may kuwelyo’t manggas. Basta maiba lang sa uniporme ay puwede na sa kanya.

        Patakbo siyang lumabas ng dorm. Nag-taxi na siya papuntang Malate.

 

KAPAGTATAPOS lang ni Monique Quejada ng elementarya sa public school nang ipasok siya ng kanyang Tiya Caring bilang working student sa Colegio de Sta. Maria.

        Ulila na kasi si Monique. Kaisa-isa siyang anak at sabay na nasawi ang kanyang mga magulang nang maaksidente ang sinasakyan nilang bus patungong Quezon. Bibisita sana sila sa mga kamag-anak ng kanyang ina sa Baler.

        Isa’t kalahating taong gulang pa lamang si Monique noon. Parang milagro nga raw na hindi man lang siya nagalusan samantalang ang lahat ng pasahero sa bahaging iyon ng bus ay nasawi.

        Ang kumupkop at nagpalaki sa kanya ay ang kanyang Tiya Caring, panganay na kapatid ng kanyang ama. Panay lalaki ang mga anak nito at ng kanyang Tiyo Etoy at gusto rin daw ng mag-asawa na magkaroon ng kahit anak-anakan na babae.

        Malaki ang agwat ng edad ng kanyang ama at ng kanyang Tita Caring. Labindalawang taon. At dahil may edad na rin ang kanyang ama nang mag-asawa’t magkaanak, halos parang lola na niya ang kanyang tiya.

        Malaki rin ang agwat ng edad ni Monique sa kanyang mga pinsang lalaki. Labinlimang taon ang itinanda sa kanya ng pinakabunso sa apat. Parang mga tiyuhin na niya ang mga ito.

        Itinaguyod siya nina Caring at Etoy kahit kapos din sa buhay ang mag-asawa. Labandera ng mga madre sa Colegio de Sta. Maria ang kanyang Tiya Caring. Construction worker naman ang kanyang Tiyo Etoy. Pinilit pa rin ng mga ito na mapag-aral siya kahit sa public school lamang.

        Nang makapagtapos siya ng elementarya ay kinausap siya ng kanyang Tiya Caring. Hindi na raw kaya ng mag-asawa na pag-aralin pa siya sa high school. Maging ang sariling mga anak nga ng mga ito ay pawang naging self-supporting na nang mag-high school. Lahat naman ay nagtiyaga na makapagtapos kahit hanggang doon lang. Hindi na nakapagkolehiyo.

        “Pero sa kaso mo, may pag-asa tayo,” sabi ng kanyang Tiya Caring. “Dahil babae ka, puwede kitang ipasok bilang working student sa Colegio de Sta. Maria. Makakapag-aral ka sa exclusive school nang libre – kahit hanggang college. Pati board and lodging mo, libre. May allowance ka pa. Tutulong ka lang sa trabaho sa kumbento. At dahil naroon naman ako araw-araw, parang hindi rin tayo magkakalayo.”

        Pumayag agad si Monique. Wala naman talaga siyang mapagpipilian.

        Kung tutuusin, masuwerte na siya. Hindi naman mabigat ang kanyang trabaho sa kumbento. Bilang pinakabatang working student, iyong mga pinakamagagaan na trabaho sa kusina ang laging natotoka sa kanya.

        At dahil likas na matalino si Monique, hindi siya nahirapang makaagapay agad sa high standard ng pagtuturo sa Colegio. Hindi man siya nakakabilang sa honor roll ay lagi naman siyang nasa star section – iyong section ng mga pinamatatalinong estudyante.

        Nasa ikawalang taon na siya sa kumbento nang makasama niya si Julianna Llamanzares.

        Noong simula, akala niya’y hindi sila magkakasundo. Paying resident kasi ng dormitoryo si Jolen. Anak-mayaman na iniinterna sa mga madre dahil naulila sa ina at ang ama naman ay may kinakasama nang bagong babae.

        Pero napatunayan ni Monique na hindi pala astang-mayaman si Jolen. Mabait ito’t mapagpakumbaba. Kung tutuusin ay siya pa nga itong mas mataray kaysa sa bagong dating.

        Magkaedad sila’t magkaklase pa. Pinagtabi rin sila ng kama sa pangwaluhang silid-tulugan. Panay college students na ang mga kasama nila – magkakahalo ring working students at paying residents.

        Doon nagsimula ang pagiging mag-best friends nina Monique at Jolen. Naging para nga silang magkapatid.   

        Si Jolen ang naging karamay niya nang masawi sa aksidente sa construction site ang kanyang Tiyo Etoy noong huling taon nila sa high school. Si Jolen din ang naging sandalan niya nang mamatay sa atake sa puso ang kanyang Tiya Caring noong sila’y nasa third year college.

        Ulilang lubos na nga talaga si Monique. Una, sa tunay niyang mga magulang. Nitong huli naman, sa nakagisnan niyang mga magulang.

        Ang kanyang mga pinsang lalaki ay nagkanya-kanya nang landas. Ang panganay ay nasa Cebu, nagsasaka sa bukid ng napangasawang Cebuana. Ang pangalawa’y nasa Pangasinan dahil tagaroon naman ang napangasawa. Ang pangatlo ay nagtatrabaho sa Italy bilang domestic helper, kasama rin ang asawa. Ang bunso nama’y binata pa’t nagtatrabaho sa Saudi bilang driver.

        Nag-iisa na lamang sa buhay si Monique. Tanging si Julianna ang maituturing niyang kapamilya.

        Nalungkot nga siya noong umalis si Jolen sa dorm. Kapagtatapos lang nila noon sa college. Pumisan na ito sa kapatid na lalaki at bagong hipag, kasama ang amang noon pa lamang magbabagong-buhay.

        Pero tulad ng ipinangako ni Jolen, hindi siya nito pinabayaan. Nanatili ang kanilang pagiging parang magkapatid. Araw-araw rin silang magkasama – lalo pa’t pareho silang naging pre-school teacher sa Colegio.

        Nang mag-asawa naman si Jolen, nagpasya itong mag-resign sa pagtuturo. Gusto raw nitong pagtuunan ng full concentration ang pagbubuntis at pagiging ina. Gusto rin daw nitong tulungan ang asawang si Jules sa pag-aasikaso ng kanilang negosyo – ang Arte’t Kape. Isa iyong coffee shop at art gallery sa Malate na may mga function rooms na ipinaaarkila para sa mga art-related events.

        Nalungkot na naman si Monique.

        Oo, masaya siya para kay Jolen. Gustung-gusto niya ang magkakasunod na magagandang pangyayari sa buhay ng kanyang best friend. Ang pag-settle down ng Kuya Lyon nito na dating lagalag at walang direksiyon ang buhay. Ang pagbabago ng daddy nito na dati ring patapon na ang buhay. Ang muling pagkabuo ng pamilya Llamanzares na kasama na ang napangasawa ni Lyon na si Gwen. Ang pagsilang ng anak nina Lyon at Gwen.

        Parang hindi nga maubus-ubos ang suwerte ni Jolen. Napangasawa pa nito ang best friend ni Lyon na si Jules. At ngayo’y malapit na itong maging ina.

        Totoong masaya si Monique para kay Jolen. Pero sa bawat magandang pangyayari sa buhay ng kanyang best friend ay parang lalo rin niyang nararamdaman ang sarili niyang kawalan.

        Nag-iisa pa rin siya sa buhay. Mas nag-iisa pa nga siya ngayong may sarili nang pamilya si Jolen. Siyempre ay hindi na sila pwedeng laging magkadikit. Kailangan niya itong bigyan ng espasyo. Higit na mas may karapatan sa panahon nito’t atensiyon si Jules at ang sanggol na nasa sinapupunan pa lamang.

        Itinuturing na rin naman siyang kapamilya ng pamilya ni Jolen. Noong unang Pasko na nagkasama-sama ang mga Llamanzares sa bahay na ipinundar nina Lyon at Gwen, doon din pinatira si Monique nang dalawang linggo. Kasama siya sa pagselebra ng mag-anak ng Pasko at Bagong Taon.       Nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon ay doon uli siya pinatira nang dalawang linggo sa bahay nina Lyon. Ipinagamit sa kanya ang dating kuwarto ni Jolen. At araw –araw ay naroon din sina Jolen at Jules – kahit pa hirap na noon si Jolen sa paglilihi.

        Parang inampon na nga si Monique ng pamilya ni Jolen. Pero siyempre, hindi naman siya pupuwedeng makitira na lang doon sa buong taon. Nahihiya rin siya.   

        Naiinggit si Monique kay Jolen. Hindi sa masamang pakahulugan ng salitang “inggit”. Siya pa nga mismo ang nagsasabing deserving naman talaga ang kanyang best friend sa lahat ng blessings na natatanggap nito.

        At hindi niya kinaiinggitan ang mga bagay na mayroon ngayon si Jolen. Magkaiba naman kasi sila ng gusto sa buhay.

        Naiinggit siya kay Jolen sa pakahulugang inaasam-asam din niyang makamtan ang lahat ng sarili naman niyang mga pangarap.

        Unang-una, gusto na rin niyang makalaya mula sa Colegio de Sta. Maria. Lalo na ngayong hindi na rin naman doon nagtuturo si Jolen. Wala na talaga siyang dahilan para manatili pa sa Colegio.

        Tumatanaw din naman siya ng utang na loob sa Colegio de Sta. Maria. Hinding-hindi niya makakalimutan na kung hindi sa institusyong ito ay hindi siya magiging propesyunal.

        Pero ang pagtanaw ng utang na loob ay hindi naman nangangahulugan ng habambuhay na pagpapatali sa Colegio. Sa palagay ni Monique ay sapat na ang kanyang naipagsilbi. Panahon na para atupagin naman niya ang kanyang sarili.

        Nang makapagtapos ay nagturo na agad siya sa pre-school ng eskuwelahan. Magmula noon ay naging professional resident na siya sa dorm. May sariling kuwarto na kanyang-kanya lang. Nagbabayad na kasi siya sa presyong pang-professional. May discount nga lang siyempre bilang guro ng Colegio.

        Malaking pagbabago na iyon kung ikukumpara sa dati niyang estado. Kung tutuusin ay maalwan na rin ang kanyang pampinansiyal na katayuan. Kahit hindi kalakihan ang kanyang suweldo, wala naman siyang gaanong pinagkakagastusan. Mura ang bayad niya sa dorm para sa board and lodging. Hindi na siya kailangang mamasahe sa pagpasok sa trabaho. Libre rin naman ang uniporme ng mga guro. Regular tuloy siyang nakapaghuhulog sa banko at may malaki-laki na rin siyang savings.

        Pero hindi pa rin iyon sapat para kay Monique. Pakiramdam niya’y unti-unti siyang nasasakal. Kapag nagtagal pa siya sa Colegio ay baka tuluyan nang mamatay ang mga pangarap na kaytagal na niyang inaruga sa kanyang isipan.

        Pangarap ni Monique na makaalpas sa lahat ng mga limitasyon ng buhay-kumbento. Gusto niyang maranasan ang mamuhay nang walang mga restriksiyon. Iyong puwede niyang subukin ang anumang gusto niyang subukin. Tikman ang anumang gusto niyang matikman.

        Pangarap niyang maging sikat at mayaman. Maging celebrity na kabilang sa sirkulo ng elite. Fame and fortune – kaya niyang abutin iyon. Pero hindi sa pagiging pre-school teacher sa Colegio de Sta. Maria.

        Hindi pa siya sigurado kung paano pero alam niyang kapag nakalabas na siya sa kumbento ay may matitisod din siyang pagkakataon. Kailangan nga lang na ma-expose siya sa maraming bagay at sitwasyon. Maging listo siya para hindi masayang ang kahit pinakamaliit na pagkakataong maaaring makatulong sa pagpapatupad sa kanyang pangarap.

        Desidido na si Monique. Tatapusin na lamang niya ang school year at magre-resign na rin siya sa pagtuturo. Ngayon pa nga lang ay naghahanap na siya ng mapapasukang trabaho. Iyong may maximum exposure sa iba’t ibang klase ng tao at sitwasyon.

        Noong ikuwento niya kay Jolen ang kanyang balak, nangako itong tutulungan siyang maghanap ng malilipatang trabaho. Kaya nga excited si Monique sa pagkikita nilang ito. Bukod sa nami-miss na niya ang kanyang best friend ay umaasa rin siyang may maibibigay itong panibagong tips sa kanyang job hunting.

 

“UY, ang laki naman yata ng inilaki ng tiyan mo since last week,” bungad ni Monique pagkakita kay Julianna. “Hindi mo na talaga maitatagong buntis ka nga.”

        “Siyempre naman, ano,” nakangiting sagot ni Jolen. “Two months na ito, e. Pero totoo nga, bigla itong lumaki this week. Parang hinipan. Gustung-gusto ko nga e. Hindi na alangan na magsuot ako ng maternity dress. Feeling buntis na talaga ako.”

        “Ikaw nga ang tipong enjoy na enjoy maging buntis,” sabi ni Monique. “Hindi ko ma-imagine ang sarili ko na ganyan. Parang ang weird ng feeling.”

        “Ay, hindi,” iling ni Jolen. “Actually, it’s very fulfilling. Kahit mahirap maglihi, masarap pa ring maging buntis. Reyna ang turing sa akin ng lahat. Kahit nga iyong ibang tao na hindi ko kakilala, kapag nakikitang naka-maternity dress ako, nagiging mabait at maasikaso. Sa supermarket, todo-alalay ang mga bagger. Sa department stores, sweet sa akin ang mga salesladies. Siyempre, mas lalo pa si Jules. Spoiled na spoiled ako sa kanya ngayon.”

        “Hmm, lagi ka naman talagang spoiled sa asawa mo kahit hindi ka buntis,” sagot ni Monique.

        “Kunsabagay,” natatawang sang-ayon ni Jolen.

        Nakaupo sila sa pandalawahang mesa sa isang sulok ng Arte’t Kape. Nagsasalo sa seafood paella at chicken pesto salad. Ang inumin ay sariwang katas ng kahel.

        “Iba talaga ang atmosphere dito,” pabuntonghiningang sabi ni Monique. “Ibang-iba kaysa sa Colegio. Pag andito tuloy ako, parang ayoko nang bumalik doon.”

        “Iyan nga ang pag-uusapan natin ngayon, e,” nakangiti pa ring sagot ni Jolen. “Gusto mo, dito ka na tumira?”

        Natawa si Monique.

        “Aampunin na naman ninyo ako?” sabi niya. “Abuso de kumpiyansa na iyon. May hiya rin naman ako, ‘no?”

        “Ano’ng aampunin?” sagot ni Jolen. “Ba’t ka naman namin aampunin e, magkaka-baby na nga kami? I’m offering you a job, loka. Type mo bang maging social directress ng Arte’t Kape?”

        Tumaas pang lalo ang kilay ni Monique.

        “At ano naman ang ginagawa ng social directress?” tanong niya. “Parang ngayon lang ako nakarinig ng ganoong job title, a.”

        “It describes the job perfectly,” sagot ni Jolen. “Ang kailangan kasi namin ay iyong isang tao na magma-manage ng mga bookings para sa Arte’t Kape. Hiwalay iyon sa pagma-manage nitong kainan. Hiwalay rin sa pagma-manage ng art gallery. Panay events lang ang hahawakan mo. Iyong pag-book at pag-supervise sa mga events na gagawin sa function rooms sa second and third floors at pati na rin sa roof garden. Kayang-kaya mo iyon.”

        Umilaw ang mga mata ni Monique.

        “Enjoy na trabaho iyon, a,” sabi niya. “Pero teka... Bakit ako? Kayang-kaya n’yo rin naman ‘yon, a.”

        “Dati,” sagot ni Jolen. “Noong hindi pa ako buntis. Ngayon, kailangan ko nang mag-slow down. E, di lalo na pagkapanganak ko. Full-time mommy na talaga ang papel ko by that time. Si Jules naman, busy sa over-all management nitong buong Arte’t Kape. Hindi na niya kayang tutukan pa ang maliliit na detalye. Kaya nga naisip naming lagyan ng kanya-kanyang manager ang kainan, ang art gallery at ang function rooms. At ikaw nga ang naisip naming bagay na bagay na maging social directress.”

        “Wow,” iling ni Monique. “Parang dream job. Alam ko namang panay kilala at respetadong mga artist ang nagbu-book ng mga activities dito. Iyon lang mismong makipag-coordinate sa kanila, exciting na.  Makakahalubilo ko ang elite ng Manila art circle.”

        “At kasama sa privileges mo ang libreng board and lodging,” dagdag pa ni Jolen. “Bibigyan ka ng sarili mong kuwarto sa pension house. Di magkakasama uli tayo.”

        Ang pension house na tinutukoy ni Jolen ay ang Casa Hermosa. Pag-aari iyon ng pamilya ni Jules at kadikit mismo ng Arte’t Kape. Doon nakatira ang mga magulang ni Jules at pati na rin ang mag-asawa.

        “Alam mo, feeling ko, talagang gumawa lang kayo ng job opening para sa akin,” maluha-luhang sabi ni Monique.

        Namasa rin agad ang mga mata ni Jolen.

        “Nami-miss na kasi kita, e,” amin na nito. “At nakita ko rin namang gustung-gusto mo rito sa Arte’t Kape. Mas akma pa nga sa personality mo itong lugar na ito kaysa sa akin. You’re perfect for the job. Ako naman, mas masaya akong maging full-time wife and mother. Narito pa rin pero mas nakatutok sa pamilya kaysa sa business. This would be the perfect set-up for all of us.”

        “Thanks so much, Jolen,” taos-pusong sabi ni Monique. “Pakisabi rin kay Jules. Hindi lang trabaho itong ibinigay ninyo sa akin. You’ve set me free.”

 

KAYBAGAL ng pag-usad ng mga sumunod na araw para kay Monique. Enero lang nang ialok sa kanya ni Jolen ang trabaho sa Arte’t Kape. Kailangan pa nilang hintayin ang pagtatapos ng klase sa Marso bago siya pupuwedeng makaalis nang ganap sa Colegio.

        Pero Sabado’t Linggo ay naroroon na siya sa Malate. Sinimulan na agad ang kanyang job training. Tumulong na sya sa pag-aasikaso sa mga naka-book na events sa mga function rooms. At hindi pumayag sina Jolen at Jules na hindi siya suwelduhan sa part-time niyang pagtatrabaho roon.

        Sa on-the-job training pa lang ay nag-enjoy na nang husto si Monique. Hindi na rin naman kasi bago sa kanya ang mga nagaganap sa Arte’t Kape. Matagal na siyang isinasama roon nina Jolen at Jules, kahit noong hindi pa kasal ang dalawa. Marami na rin siyang naging kaibigan sa sirkulong iyon.

        Pagdating ng katapusan ng Marso, pagkatapos na pagkatapos niyang maisumite ang lahat ng kailangan niyang isumiteng requirements bilang guro sa Colegio de Sta. Maria, nag-resign na si Monique. Inempake na rin niya ang lahat ng kanyang gamit at tuluyang nilisan ang dormitoryong naging tahanan niya sa loob ng sampung taon.

        Wala siyang nadamang anumang kalungkutan sa paglabas niya ng compound na iyon. Parang gusto pa nga niyang magsasayaw at magtatalon sa tuwa. Malaya na siya!

 

MULA sa bahagi ng kanyang savings ay nag-shopping si Monique. Naisip kasi niya na bilang social directress ng Arte’t Kape ay kailangan niyang magkaroon ng bagong image. Iyong chic. Hip. Makabago. Pero dapat ay may sarili rin siyang identity. May unique style.

        Kumuha siya ng mga basic pieces sa neutral colors. Tank tops na silk. Tube tops na stretch velvet. Fitted baby t-shirts na cotton. Satin capri pants. Stretchy bootleg pants. Silk slacks. Silk sarong skirts. Long dresses. Karamihan ay itim pero mayroon ding dark brown, silver gray, white, deep red, burgundy, royal blue, moss green at golden yellow. Karamihan din ay plain. Mangilan-ngilan lang ang printed.

        Ang plano niya ay gawing mix-and-match ang kanyang wardrobe. Puwedeng pagpalit-palitin ang pagkakaterno at iba na ang ang kanyang look. At para talagang magkaroon siya ng sariling identity, kumuha siya ng mga kakaibang accessories. Mga scarf na ethnic ang prints na puwede ring gawing belt. Mga silver jewelry na simpleng-simple ang disenyo pero malakas ang dating. Mayroon ding beads na ginawang hikaw o kuwintas o pulseras.

        Ngayon lang niya maisusuot ang mga outfit na matagal na niyang gustong maisuot. Dati kasi ay palagi siyang nakauniporme kaya’t iilan lang din ang kanyang damit. At bilang pre-school teacher sa Colegio de Sta. Maria ay puwersado siyang sumunod sa konserbatibong image ng paaralan. Hindi siya puwedeng lumayo roon kahit gusto niya. Kaya nga kahit isinasama siya noon ni Jolen sa Arte’t Kape ay simpleng-simple lang din ang mga suot niya.

        A, hindi na ngayon. Ngayo’y puwede na siyang makipagsabayan sa mga artist na nakakasalamuha niya sa kanyang bagong trabaho.

        Kayang-kaya naman niyang dalhin ang anumang outfit. Pareho sila ni Jolen na matangkad at halos perpekto ang proporsiyon ng katawan. Magkaiba nga lang ang tipo ng kanilang kagandahan. Mahinhin ang dating ni Jolen. Pilya naman ang dating niya. Iyong sa tamang pag-aayos ay maaaring maging sopistikada.

        Hindi masyadong gumastos si Monique dahil sinuyod niya ang iba’t ibang mga tiyangge at ang Divisoria. Maraming mabibili roon na mura pero maganda. Nasa sa paghahanap lang.

        Hindi niya pinagupitan ang mahaba niyang buhok. Sa halip ay kinulayan niya ito. Salit-salitang mga hibla ng golden blonde at reddish gold na pasilip-silip sa natural niyang dark brown na buhok. Pinagtiyagaan niyang gawin iyon nang mag-isa sa sarili niyang banyo sa Casa Hermosa.

        Iyon nga ang isa pang bagay na ikinasiya ng dalaga sa bago niyang buhay. Iyong parang hotel suite ang kanyang quarters sa pension house. Ngayon lang niya nararanasan ang magkaroon ng pribadong toilet and bath. May bathtub pa.

        Pakiramdam ni Monique ay nakayakap na siya sa unang baitang ng kanyang papanhiking pangarap.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento