Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 22, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Monique Chapter 8

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 8

SA loob ng buwan ng Hunyo, nakatapos si Kino ng limang nude paintings ni Monique.

        Nag-renew pa ang binata ng booking sa studio nito sa Arte’t Kape. Pangtatlong buwan na ang ibinigay nitong paunang bayad. Ipinagpatuloy din nito ang pagtira sa Casa Hermosa.

        Ikalawang linggo ng Agosto at ikalabing-isang painting na ang kasalukuyan nilang ginagawa nang may ibalita si Kino sa dalaga.

        “Tuloy na ang exhibit ko sa New York sa October. Doon din sa dating gallery na nagdala sa akin last year. Gusto mong sumama?”

        Nagulat si Monique. Pagkatapos ay natawa.

        “Para namang nagyayaya ka lang sa Cubao,” sagot niya. “Ang mahal ng pamasahe roon, ha? Hindi ko kaya. At saka ang hirap kumuha ng visa.”

        “Ako’ng nagyayaya sa iyo, di sagot ko ang pamasahe mo,” sabi ni Kino. “At saka puwede kong sabihin sa gallery na isama ka sa invitation para makakuha agad ng visa.”

        Ngumiti si Monique.

        “Talaga?” sabi niya.  “Ang sarap nga sanang sumama. Pero alam mo namang kabuwanan na ni Jolen ngayon, e. Pagkapanganak niya, siguradong magiging super-busy si Jules. Hindi ako puwedeng mawala rito.”

        “Sayang,” iling ni Kino. “I’ll miss you. Balak ko pa naman sanang ipasyal ka roon. Hindi bale. Dalawang linggo lang naman ang mismong exhibit. Uuwi na lang agad ako.”

        “Marami namang mga sexy blue-eyed blondes doon, a,” kantiyaw ni Monique. “Hindi mo na ako mami-miss kapag nandoon ka na’t pinagkakaguluhan nila.”

        “Hindi blue-eyed blonde ang taste ko these days, e,” nakangiting sagot ng binata. “I still haven’t had my fill of a certain brown-haired brown-eyed beauty.”

        “Mm-hmm,” sabi ni Monique. “Sinasabi mo lang iyan habang kaharap mo ako. Pagdating mo roon, hindi mo rin mare-resist ang mga long-legged beauties ng New York.”

        “Wanna bet?” sagot ni Kino. “Sawa na ako sa mga ganoon, e. Isa pa, nag-iingat na rin ako. Hindi na safe ang ganoon these days. You never know kung ano ang history ng partner na hindi mo gaanong kilala, lalo na kung sexually active siya. Mahirap na. Wala pa ring nadidiskubreng gamot sa AIDS.”

        “Iyon pala ang kinatatakutan mo,” sabi ng dalaga. “Now I believe you. Feeling safe ka nga naman with me dahil ikaw pa lang ang nasa history ko.”

        “Alam mo namang hindi lang iyon ang dahilan kung bakit magkasama tayo,” sagot ni Kino. “Kahit pa hindi ako ang first mo, I’d still find you irresistible.”

        “Oo na,” sabi ni Monique. “Pero maiba ako, isasama mo ba ang nude paintings ko sa exhibit?”

        “Hindi,” iling ng binata. “May nakahanda akong paintings para sa New York. These won’t fit into the theme.”

        “Bakit naman?” nakakunot-noong tanong ng dalaga. “Hindi ba papasa ang mga ito sa standards ng New York?”

        “Ano bang hindi?” natatawang sagot ng binata. “They’ll love these nude paintings. Lalo pa dahil sa exotic ang beauty mo. Puwede ko itong ibenta nang kahit ilang thousands of dollars each.”

        Mabilis na nagkuwenta si Monique. Pagkatapos ay namilog ang mga mata.

        “ “Magbabayad ang mga New Yorkers ng ganoon kalaki para sa isang nude painting na ganito?” parang hindi makapaniwalang sabi niya.

        “Hindi lang New Yorkers,” sagot ni Kino. “Kahit dito sa Maynila, kung ibebenta ko ang mga iyan sa ganoong halaga, ubos iyan. Lalo pa dahil first time na magkaroon ng nude paintings na galing kay Kino Sandoval.”

        “Ilang milyong piso na pala ang halaga nitong paintings na natapos mo,” manghang sabi ni Monique. “Idagdag pa itong ginagawa mo ngayon. Wow!”

        “That is, kung ibebenta ko,” sabi ni Kino.

        “Bakit, hindi ba ibebenta mo nga ang mga ito?” tanong ni Monique.

        “I no longer intend to,” sagot ng binata. “Pang-private collection ko ang mga ito.”

        “Ha?” nadidismayang sambit ni Monique. “Bakit naman?”

        “Ganoon talaga ako,” paliwanag ni Kino. “I keep all my best work for myself. At ito ang aking best of the best, so far. Dito talaga ako na-inspire nang husto – sa mga paintings mo. In fact, dahil dito sa Tuesday and Wednesday sessions natin, mas gumanda rin ang ibang paintings na ginagawa ko sa studio sa Arte’t Kape the rest of the week. Ang mga iyon naman ang dadalhin ko sa New York.”

        “Ibig mong sabihin, itatago mo lang ang paintings na ito?” sabi ni Monique. “Sayang naman. Walang makakakita.

        “That’s the way I want it,” sagot ni Kino. “Very special sa akin ang mga paintings na ito, e. Bawat isa, may na-capture na intimate look mo. Kita mo nga, isinabit ko na sila sa buong bahay. Gustung-gusto kong titigan.”

        Napabuntonghininga si Monique.

        There goes her dream. Hindi pala matutuloy ang pinapantasya niyang pagsikat bilang modelo ng mga natatanging nude painting ni Kino Sandoval. Sayang talaga.

        Pero hindi naman mabigat ang loob niya. Sa katunayan, nakapagpapataba rin ng puso ang kagustuhan ng binata na sarilinin na lamang ang mga paintings niya.

        Kahit pa sabihing dahil lang iyon sa panghihinayang nito na pakawalan ang itinuturing nitong pinakamagagaling na obra, okay na rin sa kanya. Aminado naman si Kino na siya ang naging inspirasyon nito.

 

DAHIL sa nakatakda nitong exhibit sa New York, naging laman na naman ng mga pahayagan at magasin si Kino Sandoval.

        Humingi rin ng interview sa binatang pintor ang TV talk show na City Nights.

        Alas-singko pa lang ng hapon sa itinakdang araw ay naroon na sa Arte’t Kape ang host ng show na si Dynah Durano.

        Sexy si Dynah. Iyong tipo ng babae na kahit mahigit treinta na ang edad ay mukha pa ring timeless ang kariktan. Kayang-kayang sapawan maging ang pinakabata at pinaka-fresh na kagandahan. Iba kasi ang pang-akit nito. Hayagang seductive. Ang bawat kilos at pagbibitiw ng salita ay may konotasyong sensuwal. Kaya nga top-rating ang TV show ng babae.

        Mas madalas na ang ini-interview ni Dynah ay lalaki. Mga outstanding men sa iba’t ibang larangan. Tinitingala. Hinahangaan. At ang mga ito’y malimit na napapa-blush ng babaing host sa pamamagitan ng kanyang mga pilyang katanungan o gimik.

        Kaya nga ganoon na lamang ang paninibugho ni Monique nang malaman niyang kinontak ni Dynah Durano si Kino. Pero siyempre, hindi naman niya puwedeng aminin na nagseselos siya.

        Ni sa kanyang sarili ay hindi niya kayang umamin. Pinanindigan na niya ang kanilang usapan na wala silang kinapapaloobang relasyon. Bawat isa sa kanila ay malayang-malaya. Bawat isa ay wala ring karapatang magselos.

        Ngunit ano pa nga ba ang maitatawag sa nadarama ng dalaga na matinding kaba sa pagdating ni Dynah Durano sa buhay ni Kino?

        At nang makita na nga niya ang seksing TV host, lalong nanlamig ang mga palad ni Monique. Nakasuot kasi si Dynah ng skin-tight stretch bootleg pants at spaghetti-strapped chemise top na magkaternong may gold-and-black leopard print. Namumutok sa outfit na iyon ang mga kurba ng mahubog nitong katawan. At lalo pang sumeksi ang tindig nito sa suot na mataas na black velvet platform sandals.

        Parang ayaw na tuloy umalis ni Monique mula sa kanyang “pinagtataguan” sa tabi ng puwesto ng kahera ng cafe. Biglang napakaordinaryo na ng tingin niya sa kanyang sarili at sa suot niyang sleeveless shift dress na itim. Pati ang kanyang stilleto-heeled sandals ay talbog sa footwear ni Dynah.

        Mabuti na lang at hindi niya kinailangang manguna sa pagharap sa bagong dating.

        Bilang mga may-ari ng Arte’t Kape, sumalubong sina Jules at Julianna sa dumating na celebrity. Hindi nga naman birong publicity ang maibibigay ng programa nito sa kanilang establisimyento.

        Ipinakilala agad ni Kino ang mag-asawa kay Dynah. Si Kino kasi ang humiling na sa Arte’t Kape gawin ang interview – isang hakbang na sinadya talaga ng binata bilang tulong na rin kina Jules at Jolen.

        Pagkatapos ng maikling batian, nagpalinga-linga si Julianna. At nang mamataan siya’y kaagad siyang kinawayan.

        Napilitang lumapit si Monique.

        “Miss Durano, we’d like you to meet our social directress, Monique Quejada,” sabi ni Jolen nang makalapit siya sa grupo. “She’s in charge of all the bookings for our function rooms upstairs.”

        “Welcome to Arte’t Kape, ma’am,” napipilitan pa ring ngiti ni Monique.

        Tumango lang si Dynah. At agad na nitong ibinaling ang buong atensiyon kay Kino.

        “Let’s get to know each other first before the taped interview,” sabi ng babae. “Wala bang lugar dito na may kaunti namang privacy?”

        “Well, I do have a studio upstairs,” sagot ni Kino. “In fact, talagang isasama ko kayo ng crew roon mamaya para makita n’yo ang ilan sa mga paintings na dadalhin ko sa New York.”

        “Mamaya pa darating ang crew,” sabi ni Dynah. “Why don’t the two of us go ahead upstairs? Gusto kitang makausap nang one-on-one, no holds barred. That is, if you’re game. ‘Yung iba kasi, natatakot sa akin, e.”

        Natawa si Kino.

        “You don’t scare me,” sagot nito. “Not even with your animal outfit.”

        Malutong na halakhak ang itinugon naman ni Dynah.

        “Brave man,” sabi nito. “I like that. Well, come on, then, Tarzan...”

        Isinenyas pa nito ang mga daliri habang nagpapatiuna patungo sa hagdang paakyat sa pangalawang palapag. Ni hindi na ito nagpaalam kina Monique, Jolen at Jules.

        Nagkatinginan na lang ang mag-asawa.

        Si Monique naman, mabilis na tumalikod at bumalik sa kanyang puwesto sa tabi ng kahera.

        Sinundan siya ng kaibigan.

        “Are you all right?” disimuladong tanong ni Jolen.

        Pinilit ni Monique na pasayahin ang kanyang mukha.

        “Oo. Bakit?” kunwa’y pagtataka pa niya.

        “Masanay ka na,” sabi ni Jolen. “Ganyan ang pinasok mong set-up, e.”

        Talagang kilalang-kilala siya ng kanyang best friend.

        Nagkibit-balikat pa rin si Monique.

        “No problem,” sabi niya. “I’m cool. Okay lang.”

        Kahit na parang hinihiwa na ng blade ang kanyang puso.

 

MAHIGIT dalawang oras nakakulong sina Kino at Dynah sa studio ng binata. Hindi na mapakali si Monique.

        Nang dumating ang crew ng City Nights, agad niyang pinapanhik ang mga ito. At saka rin lang umorder ng pagkain si Dynah para iakyat sa studio.

        Isang oras pa uli inabot ang pagkain ng grupo at ang paghahanda para sa taping. Kalahating oras naman ang mismong interview kay Kino.

        Alam na alam iyon ni Monique kahit na hindi siya pumanhik. Kahit na hindi siya nagpapakitang nagbabantay sa orasan.

        Pagpanaog ng crew ni Dynah, kasama na si Kino. Kasama na rin ang binata sa pag-alis ng grupo sa Arte’t Kape. Ngumiti at kumaway pa ito ng paalam sa kanya.

        Pakiramdam ni Monique, may isang mala-halimaw na kamay na umatake sa kanyang dibdib at dumukot sa kanyang puso. Ganoon kabrutal ang dating sa kanya ng sitwasyon.

        Hindi naman siya puwedeng magpakita ng anumang reaksiyon. Nahihiya siya kay Jolen. Baka rin inoobserbahan siya ng iba pang mga taong naroroon. Kahit paano, sa loob ng halos tatlong buwan na nilang ugnayan ni Kino, posibleng may nakahalata na rin sa kanila.

        Nagawa naman niyang magpakatatag sa panlabas na anyo. Nakatulong na marami siyang kailangang asikasuhing trabaho.

        Pero pagpanhik ni Monique sa sarili niyang silid sa Casa Hermosa, hindi na niya napigil ang kanyang paghagulgol. Hindi niya akalain na ganoon din katindi ang pagkayanig ng kanyang buong pagkatao.

        Masakit pala. Ang sakit-sakit. Paano nga ba niya inakalang makakayanan niya ang ganito?

        Masaya lang pala habang wala pang ibang taong kasangkot sa kanilang sitwasyon. Madaling sabihing wala silang commitment sa isa’t isa. Pero kapag pala nariyan na ang ang aktuwal na pangyayaring nagpapakatotoo sa ganoon kakaswal nilang ugnayan, nakakabigla rin. Hindi rin pala talaga siya handa.

        Ang ibig bang ipakahulugan nito’y umiibig na siya kay Kino? Hindi rin niya nasuheto ang kanyang damdamin. Ang kanyang puso.

        Imposible pala para sa kanya na ihiwalay ang pisikal na aspeto ng kanilang ugnayan sa kanyang mga emosyon. Paano nga ba siyang hindi mapapaibig sa lalaking araw-araw na nagpapaligaya sa kanya?

        At hindi lang naman siya sa higaan pinaliligaya ni Kino. Mabait ito at maalalahanin. Kahit hindi nila inihahayag sa publiko ang kanilang ugnayan, nagagawa pa rin ng binata na maipadama sa kanya ang paglalambing nito sa mga simpleng pamamaraan. Tulad ng pagmasahe sa kanya sa  gabi kapag talagang pagod na pagod siya sa trabaho. O ng pagpapa-deliver nito sa kanya ng sariwang prutas na wala sa cafe, gaya ng sinigwelas, duhat, bayabas at lansones.

        Hindi pala niya napansin na nahulog na nang ganap ang loob niya kay Kino. Nakalimutan na niya ang mga ipinagmalaki pa naman niyang mga salita kay Jolen.

        Ito na nga ba ang ikinatatakot ng kanyang kaibigan. Ang masaktan daw siya sa huli. Bakit ba hindi siya nakinig sa payo nito?

        Kahit iyak nang iyak si Monique, panay pa rin ang kanyang sulyap sa orasan. Hinihintay niya ang pagdating ni Kino.

        Ewan kung paano niya ito haharapin. Basta’t hinihintay niya ito.

        Pero hanggang mag-umaga na lang ay hindi dumating ang binata.

 

SANGKATUTAK na eye drops at ice ang nagamit ni Monique bago humupa ang pamumugto ng kanyang mga mata. Pagsamahin ba naman ang epekto ng matagal na pag-iyak at halos magdamag na walang tulog.

        Mabuti na lang at puwede siyang magpa-room service ng yelo. Sinabi niyang inaatake siya ng migraine. Iyon din ang ginamit niyang dahilan para ma-late nang kaunti sa trabaho. Itinawag niya sa kahera sa Arte’t Kape.

        Mayamaya lang ay kinakatok na siya ni Jolen.

        “Monique...” tawag nito.

        Hiyang-hiya siya nang pagbuksan ng pinto ang kaibigan.

        “Huwag mo na akong sumbatan,” pangunguna na niya rito. “Alam ko na. Tama ka. Mali ako. Hindi ko pala kaya.”

        “Para namang hindi mo ako kilala,” sagot ni Jolen at inakbayan siya. “Ngayon pa ba kita susumbatan? That’s useless. Ang dapat nating pag-usapan ngayon ay kung ano ang gusto mong mangyari. Ikaw pa rin naman ang dapat mag-decide kung ano nga ba talaga ang gusto mo.”

        “Alam ko ang gusto ko, pero alam ko ring imposible iyon,” sagot niya. “Para akong tanga, ano? Right from the start, alam ko nang hindi puwede. And here I am right now, crying about that. Naghahanap pa rin ng happy ending.”

        “You’re human,” paliwanag ni Jolen. “Huwag mong ipagtaka iyan. Natural sa tao ang umibig. Ang hindi natural ay ang paniniwalang kaya mong pigilin ang pagtibok ng puso. So what’s next?”

        “Hindi ko na yata alam,” iling ni Monique. “Bahala na. Pag kaharap ko na uli siya, bakasakaling maintindihan ko na kung ano nga ba talaga ang gusto kong gawin sa sitwasyong ito.”

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento