Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 22, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Monique Chapter 5

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 5

MASARAP ang Angel Hair Pasta with White Clam Sauce. At dahil para ngang gutom na gutom si Monique, kumain siya nang marami.

        Sinabayan siya ni Kino sa pagkain, pero halatang inoobserbahan siya nito.

        Sa kung anong dahilan ay hindi nakadama si Monique ng hiya sa binata. Inis pa nga siya rito kaya hindi niya ito pinapansin.

        Nakadalawang servings siya ng pasta. Nasa ikalawang serving na siya nang makaramdam ang dalaga ng pangangailangang pumunta sa banyo.

        “Excuse me,” sabi niya kay Kino. “I have to go to the bathroom.”

        Tumayo agad si Kino para alalayan siya.

        “What a gentleman,” natatawang panunuya ni Monique. “Para hayan lang ang CR mo, e. Kaya ko namang pumunta diyan nang mag-isa, ano?”

        Pero patayo pa lang siya ay umikot na ang kanyang paningin. Pakiramdam niya ay gumewang ang sahig na kanyang niyayapakan. Parang matutumba ang mesang kanyang kinakapitan.

        “Aay...” sambit ni Monique.

        Maagap naman siyang nasalo ni Kino.

        “Easy...” sabi nito habang yakap ng isang braso ang kanyang beywang.

        Napasubsob siya sa dibdib ng binata. Pero patuloy na umikot ang kanyang mundo. Pakiramdam niya’y pareho silang mabubuwal.

        Naramdaman ni Monique na umaakyat sa kanyang lalamunan ang kanyang kinain. Tinangka niya itong pigilin.

        “Mmp...” sabi niya habang tinatakpan ng kamay ang kanyang bibig.

        Mabilis siyang inakay ni Kino patungo sa banyo. Mabuti na lang at umabot pa sila sa lababo.

        Hindi na napigil ni Monique ang kanyang sarili. Lumabas nga ang lahat ng laman ng kanyang sikmura.

        Hindi siya binitiwan ng binata. Nakayakap pa rin ito sa kanyang beywang. Hinahawi ng isa pang kamay ang mahaba niyang buhok.

        “Sige, ilabas mo lang,” sabi pa nito. “You’ll feel better afterwards.”

        Hindi naniwala si Monique. Pakiramdam niya, mamamatay na siya.

        Parang kaytagal bago wala na siyang mailabas. Pero mas tumindi pa ang kanyang pagkahilo. Hindi na talaga niya kaya ang kanyang sarili.

        Si Kino na ang nag-abot sa kanya ng basong may tubig na pangmumog. Ito na rin ang umakay sa kanya patungo sa higaang papag.

        “Itulog mo muna ‘yan,” sabi ng binata.

        Iyon na lang ang huling narinig ni Monique. Nagdilim na ang kanyang paningin.

 

NAPABUNTONGHININGA si Kino.

        Hindi ganito ang inakala niyang magganap sa kanila ni Monique. Oo nga, naisip na niyang maaaring malasing ang dalaga. Pero sa kanyang pantasya, hindi ganito ang eksena. Mas maganda nang di hamak.

        Bumalik siya sa banyo. Kumuha ng face towel at maliit na basinette na may maligamgam na tubig.

        Dinala niya iyon sa tabi ni Monique. Naupo siya sa gilid ng kama at sinimulang punasan ang mukha ng dalaga.   

        Gandang-ganda talaga siya sa mukha ni Monique. Kahit pala tulog ito – kahit ganitong bahagyang nakakunot ang noo at halatang balisa – ay maganda pa rin. Kahit nabura na ng face towel ang kahuli-hulihang make-up nito.

        Nang matapos siya ay nilinis naman ni Kino ang banyo. Pagkatapos ay niligpit niya ang kanilang pinagkanan.

        Kahit hindi pa siya tapos kumain ay nawalan na rin siya ng gana. Sayang lang ang mga ipinahanda niya.

        Ibang klase pala kasi itong si Monique. Parang bata. Kapag may gustong gawin ay masyadong excited. At nalingat lang siya ay tumodo na. Hayan tuloy.

        Sinadya na nga niya na Screwdriver lang ang ihandang  inumin. Naisip niyang bagay iyon sa isang nagsisimula pa lang na matutong uminom. Parang ladies’ drink talaga. Suwabe sa panlasa. Pero malakas din naman ang tama.

        Kung sinunod lang ni Monique ang payo niya, na-enjoy sana nito ang kauna-unahang pag-inom ng vodka. Pagkaubos ng isang baso ay unti-unti na nitong mararamdaman ang epekto ng alkohol. Pero kung hindi naman binigla ang pag-ubos sa isang basong iyon ay banayad lang din ang madarama nitong epekto. Masarap pa sa pakiramdam.

        Mula roon ay matututo na sana itong makiramdam sa sarili. Kung hanggang saan ang kaya nito.

        Ang balak niya ay kakain sila ng maagang hapunan. Sa ganoon, hindi agad magiging tipsy ang dalaga. Mas marami pa silang maiinom. Pagkatapos, magsasalang sana siya ng romantic music. At yayayain niya itong magsayaw.    

        Magiging napakanatural na sana ng susunod na mga eksena.

        Muling napailing at napabuntonghininga ang binata. Sayang.

        Nang matapos ang kanyang pagliligpit, muli niyang binalingan ang dalaga. Malalim na ang tulog nito.

        Tinawagan ni Kino si Jules.

        “Pare, nalasing si Monique,” sabi niya. “She’s asleep right now. Hindi ako sigurado kung makakauwi siya ngayong gabi. I just wanted you to know para hindi kayo mag-alala.”

        Natawa lang si Jules.

        “Alam ko kung sino ang inaalala mo,” sagot nito. “Si Jolen. Hayaan mo, sasabihin kong tumawag ka. Pero hindi ko muna babanggitin na nalasing ang best friend niya at baka yayain akong bigla na sunduin namin diyan si Monique. Alam mo naman itong sweetheart ko. Basta bahala ka na kay Monique, ha?”

        “Kilala mo ako, pare,” sabi ni Kino. “I never take advantage kung walang consent. Otherwise...”

        “Monique knows what she’s doing,” sabad ni Jules. “Pareho kayong adults. Kahit mahal ni Jolen ang kaibigan niya, we have no right to intrude. Monique should make her own decisions. At kilala nga kita. Alam kong walang mangyayari na hindi niya kagustuhan.”

        “Sige, pare,” sabi ni Kino. “Salamat.”

        Muli niyang tinapunan ng tingin ang dalagang natutulog sa kanyang kama. Pagkatapos ay pumunta si Kino sa banyo para mag-cold shower.

 

PAGGISING ni Monique, ang sama-sama ng pakiramdam niya. Ang una niyang naisip ay para siyang may trangkaso. Ang sakit-sakit ng ulo niya.

        Nang magbukas siya ng kanyang mga mata, ang nakita niyang dingding ay kulay puti sa halip na kulay rosas. Bakit wala siya sa kanyang kuwarto sa pension house? Nasa ospital ba siya?

        Saka naalala ni Monique ang nangyari kagabi. Bigla siyang napaupo.

        Para namang pinukpok ng martilyo ang ulo niya sa ginawa niyang pgkilos. Sobra ang tindi ng sakit. Napapikit tuloy ang dalaga. Napangiwi ang mukha.

        “Hinay-hinay lang ang kilos,” narinig niyang payo ni Kino. “Lalong sasakit ang ulo mo kung pabigla-bigla ka.”

        Hindi pa muna dumilat uli ang dalaga.

        Isa-isang bumabalik sa kanyang alaala ang mga detalye ng naganap. Hindi siguro sapat ang kanyang kalasingan para makalimutan niya ang lahat. Pero sapat na iyon para mapahiya siya nang todo.

        Nakakahiya talaga. Nagkalat siya.

        Naalala niya iyong mga sinabi niya kay Kino. Walang preno ang kanyang bibig kagabi. Walang pakundangan.

        Pagkatapos, nagsuka pa siya. At si Kino pa ang umalalay sa kanya habang nagaganap iyon. Diring-diri na siguro ito sa kanya.

        Wala. Sirang-sira na ang papel niya kay Kino Sandoval. Disaster ang pangyayaring ito.

        Lalong sumakit ang ulo ni Monique.

        Naramdaman niya ang pagdikit ng mainit na face towel sa kanyang noo. Dumilat siya.

        “Makakatulong iyan nang kaunti for the meantime,” nakangiting sabi ni Kino habang inilalapat ang nakatiklop na face towel sa kanyang noo. “Inumin mo rin itong brewed coffee. Pasensiya ka na, it has to be black para sa kondisyon mo. No cream nor sugar.”

        “Thank you,” halos pabulong na sagot ni Monique.

        Inabot niya ng isang kamay ang mug ng kape habang hinahalinhan naman ang kamay ni Kino na may hawak na face towel.

        Nakita niyang nakapambahay na ang binata. Shorts at t-shirt. Basa pa ang buhok na parang kapapaligo lang. Mukhang preskong-presko.

        Lalong napahiya si Monique. Suot pa rin niya ang damit niya mula kagabi. Parang kaylagkit-lagkit tuloy ng pakiramdam niya. Parang ang dumi-dumi at ang bahu-baho niya.

        “Pagkaubos mo ng coffee, take a long, hot shower,” para namang sinadyang dagdag pa ni Kino. “Iabot mo sa akin ang iyong hinubad na damit, including your underwear. Isasalang ko sa washer and dryer. Sandali lang iyan sa gentle cycle. Paglabas sa dryer, maisusuot mo na. Manipis lang naman ‘yan, e.”

        Hindi na tumanggi si Monique. Kahit nakakahiya para sa kanya ang ipaubaya pati mga panloob na hinubad sa binata, ano pa ba ang magagawa niya? Pagkatapos ng pagkakalat niya kagabi, pupuwede pa ba siyang magmalaki kay Kino?

        Para siyang maamong kuting na sumunod sa bawat sabihin nito. Pagkaubos niya ng kape ay nagtuloy siya sa banyo. Sa loob siya naghubad pero nagtapi lang ng tuwalya at iniabot na niya sa binatang naghihintay sa labas ng pinto ang kanyang damit at mga panloob.

        “Don’t lock the door,” sabi pa ni Kino. “Mahirap na, e. Baka mahilo ka’t matumba. Don’t worry. Hindi naman kita papasukin diyan kung hindi rin lang emergency.”

        Hindi nga siya nag-lock.

        Tumapat siya sa shower na malakas at mainit. Hinayaan niyang masahihin nito ang ituktok ng kanyang ulo, ang kanyang batok, ang kanyang mga balikat, ang kanyang likod.

        Naramdaman niyang unti-unti siyang naginhawahan.     Kinuskos niya ng shampoo ang kanyang buhok. Sinabon niyang mabuti ang kanyang katawan. At habang nagbabanlaw ay iniisip niyang sana ay ganito lang din kadaling hugasan at burahin ang mga pangyayaring naganap kagabi.

        Kumatok si Kino.

        “Monique, are you okay?” tanong nito.

        Pinatay niya nang saglit ang shower.

        “Okey lang ako,” sagot niya.

        “Just checking,” sabi ng binata. “Hindi kita minamadali. Take your time.”

        Pero natapos na rin naman siya.

        Tinuyo niya ng tuwalya ang kanyang sarili at isinuot na muna ang bathrobe na ipinahiram ni Kino.

        “Giveaway lang iyan ng isang hotel abroad kaya medyo manipis,” paliwanag ng binata kanina. “In fact, ikaw ang unang gagamit niyan. Paglabas ko naman kasi ng banyo, walang ibang makakakita sa akin dito – so why should I need a bathrobe?”

        Oo nga naman. Pero naglaro pa rin ang imahinasyon ni Monique. Ang ibig bang sabihin ni Kino ay lumalabas ito ng banyo na walang saplot.

        Sayang. Sayang lang ang kanyang mga pantasya. Pagkatapos ng kanyang mga ginawa kagabi, pihadong na-turn-off na sa kanya nang ganap si Kino.

        Ganoon ang iniisip ni Monique kaya hindi na niya alintana ang kanyang ayos. Basta’t ibinuhol na lamang niya nang mahigpit ang tali ng bathrobe sa kanyang beywang. Inililis niya ang mahahaba nitong manggas.

 

“BREAKFAST is ready,” pahayag ni Kino.

        Isusunod na sana niyang sabihin na handa na rin ang bihisan ni Monique. Ilalabas na lang sa dryer. Pero nang makita niya ang dalaga, natigilan siya.

        Hindi niya akalaing puwede palang maging napaka-sexy ng isang babaing nakasuot ng oversized bathrobe. Lalong tumingkad ang liit ng beywang ni Monique sa higpit ng pagkakatali ng sash nito. At sa ibabaw niyon, bakat na bakat ang malusog na dibdib ng dalaga.

        Aba’y bakit naman niya gugustuhing pagbihisin agad ito? Mas magiging maganda at magana ang kanyang almusal kung ganito ang kanyang kaharap.

        Hindi magawa ni Kino na hindi pansinin ang pag-indayog ng dibdib ni Monique kasabay ng pagkilos nito. Mabuti na lang at hindi naman siya napapansin ng dalaga.

        Mukhang masama pa rin ang pakiramdam ni Monique. Medyo na-guilty tuloy ang binata sa pinaroroonan ng mga mata’t imahinasyon niya.

        “Kumain ka para makainom ka ng paracetamol pagkatapos,” sabi ni Kino.

        “Medyo nabawasan na nga ng headache ko, e,” sagot ni Monique habang papaupo sa harap ng hapag-kainan. “Pasensiya ka na, ha? Nakakahiya itong nangyari sa akin.”        “Nagdaan din ako sa ganyan,” sabi ni Kino habang naupo sa tapat ng dalaga. “Hindi nga lang minsan. Maraming beses pa. Kaya nga alam ko kung ano ang dapat gawin kapag may hang-over.”

        “Kaya ba ayaw mo nang uminom?” tanong ni Monique.

        “Kaya umiinom na lang ako kapag hinihingi ng pagkakataon,” sagot ng binata. “Bihira lang iyon. At sinisiguro ko na hindi ako malalasing. I stay well within my limits. These days naman, hindi na weird ‘yung hindi umiinom, e. Mas marami na kasi ngayon ang health conscious. At totoo naman kasi na walang maidudulot na maganda sa katawan natin ang alcohol.”

        “And I should have listened to you,” pagsisisi ni Monique.

        “Mabuti na rin iyong na-prove mo sa iyong sarili,” sabi ni Kino. “At least now, you know how it feels. Hindi ka na magdadalawang-isip na umiwas. Or, at least, alam mo na kung hanggang saan ang kaya mo at kung paano ka dapat uminom.”

        “Sana sinubok ko na lang nang mag-isa sa kuwarto ko para hindi mo ako nakitang nagkakalat,” pagsisisi pa rin ng dalaga. “Diring-diri ka siguro sa akin after last night, ano?”

        Mangiyak-ngiyak na ito.

        “Iyon ba ang inaalala mo?” sagot ni Kino. “Wala iyon. Natural na epekto iyon ng kalasingan. Nangyayari rin sa akin iyon. Nakukuha naman sa paligo, e. Kita mo nga, fresh na fresh ka na uli ngayon.”

        Tumingin sa kanya si Monique. At nakita niyang napingasan nga nang malaki ang kumpiyansa nito sa sarili.

        Hindi mapapayagan ni Kino na mangyari ang ganoon. Hindi dapat magbago ang personalidad ng dalaga dahil lang sa maling akala.

        “Iniisip mo ba na dahil lang nag-throw up ka kagabi, nagbago na ang tingin ko sa iyo?” pagpapatuloy niya. “Of course not. Kung may nabago man, mas naging desirable ka pa nga sa paningin ko. And it has nothing to do with what happened last night.”
        Biglang napatingin si Monique sa sariling harapan kung saan lumapat ang mga mata ng kausap. Nang makita nito ang tinititigan ni Kino ay namula nang malalim ang dalaga.

        “After breakfast, kung magaling  na ang headache mo, puwede kaya nating simulan iyong pinag-usapan nating nude painting mo?” tanong pa ni Kino. “Kahit ilang pencil sketches lang muna para magamit ko sa pag-conceptualize no’ng actual paintings.

        “N-ngayon na agad?” halagang nabiglang sagot ni Monique.

        “Kung kaya mo lang naman?” sabi ng binata.

        “B-baka kayanin ko na,” sagot ni Monique.

 

PAANO namang hindi niya susunggaban ang pagkakataon? Pagkatapos ng lahat ng naganap, napatunayan niyang hindi nasira ang pagtingin sa kanya ni Kino Sandoval. At kung ibabatay sa init ng titig nito sa kanyang dibdib, totoo nga yatang mas lalo pa itong humanga sa kanyang katawan.

        Kung hindi na makapaghintay si Kino na iguhit ang kanyang katawan, pagbibigyan ito ni Monique. Sisiguruhin niyang wala na talagang makahahadlang sa kanyang pagiging bahagi ng kauna-unahang nude painting ng sikat na pintor.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento