FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
PABORITO
ni Hiyas ang magsuot ng puti. Lalo kasing pinatitingkad ng kulay na iyon ang
kayumanggi niyang kutis – bagay na ipinagmamalaki niya lalo na sa States.
Ang isinuot niya para sa lakad nila ni
GM ay puting bestida na estilong baby doll. Sleeveless ito at may scoop
neckline na pinaliligiran ng puting cotton eyelet lace. Ganoon ding lace ang
nakapalamuti sa ilalim ng dibdib. Mula roon ay sumusunod na ang tabas nito sa
hubog ng kanyang katawan hanggang sa laylayang umaabot lamang sa kalagitnaan ng
kanyang mga hita.
Puti rin ang kanyang platform slides at
shoulder bag na sinliit ng kanyang wallet.
Simple’t maliliit na silver hoops ang
kanyang hikaw. Wala na siyang iba pang alahas liban sa relong ladies’ Swatch
Irony.
Ang pabango niya ay ang
preskung-preskong Banana Republic W.
Katulad ng dati ay nakalugay ang kanyang
mahaba at alun-along buhok. Wala siyang make-up.
Nagniningning ang kanyang mga mata sa
antisipasyon. Mamula-mula ang kanyang mga pisngi’t mga labi.
At kitang-kita sa ngiti ni Hiyas ang
kanyang kasiyahan nang salubungin si GM sa lobby ng hostel.
HUMUGOT
ng napakalalim na buntonghininga ang binata.
Ito na yata ang pinakamahirap na
pagsubok na pinagdaanan niya. At ewan kung makakapasa ba siya. Ngayon pa lang
ay gusto na niyang pagtapatan ng pag-ibig ang napakagandang diyosang kanyang
kaharap. Gusto na niyang lumuhod sa harap nito, kunin ang mga kamay nito para
hagkan bago ito hatakin, yakapin at siilin ng halik.
Larawan ng kainosentehan si Hiyas. Pero
bakit sa kabila niyon, ang tingin niya sa suot nito ay kamisong pantulog?
Kung ngayong nasa kalagitnaan sila ng
maingay na lobby ng UP hostel ay ganito na ang nadarama niya, paano pa kaya
kapag nagkasarilinan sila sa isang romantic dinner?
Biglang nagpasya si GM. Hindi niya dapat
dalhin si Hiyas sa espesyal na pribadong restawran sa Antipolo kung saan sana
nila masosolo ang rooftop garden sa gabing ito.
Kung bakit naman kasi natukso siya na
ireserba ang lugar na iyon. At kung bakit nagpadala pa siya sa bugso ng
damdaming ipagpasikat sa dalaga ang kanyang antique top-down sports car na pulang-pula.
Act your age, George, saway ng binata sa
sarili.
Pero hindi pa rin niya nagawang pigilin
ang sarili na ngumiti nang maliwanag kay Hiyas.
At hindi niya naawat ang mga salitang
kusang binigkas ng kanyang mga labi.
“You look beautiful!”
“THANK
you,” namumula ang mga pisnging sagot ni Hiyas. “You look gorgeous, too.”
Natawa si GM.
“Tena na nga,” sabi nito.
“Wow!” sambit ng dalaga nang makita ang
kotseng dala ng ka-date. “Ngayon lang ako makakasakay sa ganito. Sa mga car
posters ko lang ito nakikita, a.”
“Hindi ko rin ito madalas gamitin,” amin
ni GM. “I just couldn’t resist using it tonight. Para kasing bagay na bagay sa
iyo. Young and carefree.”
“Oh?” sagot ni Hiyas. “Ako naman, ang
tingin ko sa kotseng ito’y mas tugma sa personality mo – a sophisticated man of
the world.”
Pagsakay nila, nagtanong pa muna ang
binata.
“Would you prefer the top up like this
or down? Baka kasi magulo ng hangin ang buhok mo. Baka rin ayaw mong
makalanghap ng polluted air.”
“Puwede ba?” natatawang sagot ni Hiyas.
“Ngayon nga lang ako makakasakay sa sports car na topdown, e. Lubusin na natin
ang experience. Hindi naman naka-hairspray ang buhok ko. At sanay na ako sa
smog ng Chicago para manibago sa pollution dito. I-topdown mo na, please!”
“As you wish,” pagbibigay ni GM.
Maikli lang naman ang ibiniyahe nila
dahil nagpasya ang binata na sa Katips sila maghahapunan – isang popular na
kainan sa Katipunan Avenue patungong Libis.
Matao ang lugar na iyon. Laging puno ng
mga estudyante at young professionals. Kaya nga iyon ang pinagbalingan ni GM.
Pero kahit sa maikling biyahe pa lamang na
iyon ay kapwa na sila nag-enjoy.
Tawa kasi nang tawa si Hiyas.
“Ang sarap pala ng feeling ng nakasakay
sa ganitong kotse,” sabi niya habang nasa daan sila. “Para akong character sa
pelikula. At saka pinagtitinginan tayo, o. Akala siguro nila kung sino tayong
mga celebrity.”
“O baka sinasabi nilang para tayong mga
sira ulo,” natatawa ring sagot ni GM. “Alam mo naman dito – mas class ang
tingin sa sasakyang heavily-tinted ang mga bintana at may pagkalamig-lamig na
aircon. Tayo naman, sadyang nagpapaka-expose sa mausok na kapaligiran.”
“Basta ba nag-e-enjoy tayo, e,”
pagkikibit-balikat ng dalaga.
Masaya naman talaga siya. Kung tutuusin,
kahit pa siguro anong klase ng sasakyan ang dala ni GM, o kahit pa nag-jeep lang
sila, hindi mababawasan ni katiting ang kanyang kasiyahan. Mismong ang binata
kasi ang nakapagpapaligaya sa kanya sa mga sandaling iyon.
“Nice place,” sabi niya pagpasok nila sa
Katips.
Simple lang ang lugar pero masaya dahil
sa dami ng tao.
“Laging buhay na buhay ang lugar na
ito,” sagot ni GM. “Puntahan ito ng mga estudyante at graduates ng UP, Ateneo,
at Miriam College. Pati na rin mga residents ng mga nakapaligid na
subdivisions. Masarap din kasi ang pagkain.”
“Parang masarap ngang lahat ang nasa
menu,” sabi ni Hiyas nang pumipili na sila ng oorderin. “Pero naiintriga ako
rito sa pasta with taba ng talangka sauce. Susubukan ko ito.”
“Pag nagustuhan mo, pababaunan kita ng
maraming lata ng taba ng talangka pag-uwi mo sa Chicaco,” pangako ni GM. “Masarap
din iyang isama sa omelette o gawing topping sa mainit na kanin.”
“Parang marunong kang magluto,”
pagtataka ni Hiyas.
“Konti lang,” sagot ng binata. “At saka
mga inimbento ko lang na mga recipes. Napagkakatuwaan kong gawin sa bahay kung
weekends na wala akong lakad.”
“Ay, ganyan din ako,” tango ni Hiyas.
“Diyan nga naiinis sa akin si Mommy, e. Pag iyong traditional dishes – Pinoy
man o continental – napapalpak ko. Pinag-eeksperimentuhan ko kasi. Lagi akong
may dinadagdag, binabawas o talagang binabago. Mas type ko talaga ‘yung mga
personalized na recipes.”
“Mas masarap kasing kainin kapag sarili
mong concoction, hindi ba?” sabi ni GM. “Tugmang-tugma sa sarili mong panlasa.”
“At lahat ng mga paborito mong
ingredients, naisasama mo pa,” dugtong ni Hiyas.
“Exactly,” sang-ayon ni GM.
Tawanan sila.
Pagkatapos, napansin nila ang waiter na
kanina pa naghihintay ng kanilang order.
“Ay, umorder na tayo,” sabi ni Hiyas.
KAYRAMI
nilang napag-usapan. Hindi akalain ni GM na magkakatugma nang ganoon ang kanilang
mga personalidad.
Buong akala niya’y kakailanganin niyang
makibagay kay Hiyas dahil sa laki ng agwat ng kanilang edad. Inihanda na niya
ang kanyang sarili na “magpaka-bagets.” Na awatin ang sarili sa masyadong
pagpapakaseryoso o pagpapalalim ng usapan.
Pero hindi pala niya kailangang gawin
ang alin man doon. Oo nga’t mas madalas silang nagkakabiruan at nagkakatawanan
ni Hiyas sa mga simple’t mabababaw lang na mga usapin. Pero maging sa mga
usaping iyon ay tunay siyang nasisiyahan. Gumagaan ang loob niya. Nawawalan
siya ng mga inhibisyon.
Sa kabilang banda, napupunta rin naman
ang kanilang pag-uusap sa mga seryosong bagay. Sa pagpupundar niya ng kanyang
kompanya at sa mga pangarap niya para sa Millennium Advertising. Nagulat siya
sa kung paanong sinasang-ayunan ni Hiyas ang lahat ng kanyang mga ideya. Kung
paano itong nae-excite sa kanyang mga plano.
Seryoso rin ang pagkukuwento ni Hiyas
tungkol sa naging mga karanasan nito sa pagdadalaga sa Amerika. Kung paanong
may hinahanap ito roon na dito lang natagpuan sa muling pagbabalikbayan.
“Alam mo, naiinggit ako sa iyo,” sabi pa
ng dalaga. “At least, nasa edad ka na noong magpunta sa States ang pamilya mo.
Napanindigan mo ang pasya mong mag-stay rito. At napatunayan mong tama ang
ginawa mong desisyon. Ako, wala akong choice, e.”
“Gusto mo ba talagang dumito na lang?”
tanong ni GM.
“Sana,” sagot ni Hiyas. “Nabigyan mo nga
ako ng ideya diyan sa pagkukuwento mo tungkol sa iyong advertising agency. Dati
ko na kasing hilig ang creative arts – pagsusulat, photography, designing. Baka
nga iyan na ang pasukan kong field sa college. At dito ko gustong magtrabaho.
Mas maraming challenges dito na angkop sa aking mga sariling ideya.”
“Then, go for it,” udyok ni GM. “Siguro
naman, kapag naka-graduate ka na sa college, nasa edad ka na rin para
makapagdesisyon kung saan mo gustong magtrabaho. Papayagan ka na nina Tito
Lando at Tita Puri by that time.”
“Will you hire me?” nakangiting tanong
ni Hiyas.
“Aba, siyempre naman,” sagot ni GM. “At
hindi lang dahil sa relasyon ng mga pamilya natin, ha? I’m actually really
impressed with you. I’m sure, marami kang maibubugang creative ideas sa
advertising field.”
“Thanks for the vote of confidence,”
sabi ng dalaga. “Lalo akong nai-inspire.”
Habang lumalalim ang gabi, lalo ring
tumitindi ang kagustuhan ni GM na ituloy ang naunsiyaming balak na dalhin si
Hiyas sa napakagandang pook sa Antipolo.
Kailangang maipakita niya sa dalaga ang
makapigil-hiningang tanawin mula sa pribadong roof garden na iyon. Kailangang magkaroon
siya ng alaala na magkasama sila sa espesyal na lugar na iyon.
“Excuse me for a moment, please,” sabi
niya nang hindi na mapigil ang sarili.
“Sure,” sagot ng dalaga.
Tumuloy si GM sa men’s room at doon
ginamit ang kanyang cellphone. Tinawagan niya ang nireserbang pribadong
restawran.
“Of course, I’ll pay for the whole
dinner kahit hindi na-avail,” paliwanag niya. “Pero darating kami for coffee
and dessert.”
Mayamaya lang ay pabalik na siya sa
mesa. Patungo roon ay sinenyasan na niya ang waiter para sa kanilang bill.
“We’re leaving?” tanong ni Hiyas.
“May pupuntahan pa tayo,” maliksing
sagot niya. “I’m sure you’ll like it even more.”
“May surprise ka pa palang nakahanda,
ha?” sabi ni Hiyas nang nasa kotse na uli sila.
“Bear with me,” sagot ni GM. “You won’t
be sorry. Wala ka namang curfew sa hostel, ano?”
“Thank God, wala,” tumatawang sagot ng
dalaga.
Tinalunton nila ang patungong Antipolo.
Dahil alas-nuwebe’y medya na ng gabi, wala nang traffic. Hindi na rin mausok
ang daan.
“Uy,” talagang nasulit ko ang pagsakay
sa topdown mo, a,” tuwa-tuwang sabi ni Hiyas habang inililipad ng hangin ang
mahaba nitong buhok.
“Ngayon ko lang din na-enjoy nang husto
ang kotseng ito,” sagot ni GM. “Iyong ibang babae kasi, ayaw na ayaw na naka-topdown
ito. Hindi rin naman masaya kung mag-isa lang ako.”
“Siguro, panay sophisticates naman kasi
ang mga babaing nakakasama mo,” sabi ni Hiyas.
“You’re a refreshing change,” sagot ng
binata.
Nilabian siya ng kasama.
“Pabling ka, ano?” parang pang-aakusa
nito. “Kaya siguro hindi ka pa nag-aasawa. Ang dami-dami mo sigurong girlfriends.”
“Hindi, ha?” maagap na sagot ni GM. “At
huwag na huwag mong sasabihin iyan sa Mommy ko. Naku, panay na nga ang
pangungulit niyon sa akin na mag-asawa na para magkaapo na raw sila. Paano naman
ako mag-aasawa samantalang wala naman akong girlfriend?”
“Paano, panay ka-affair lang siguro ang
meron ka,” nakalabi pa ring sumbat ni Hiyas.
“Hindi rin,” tanggi ni GM.
“Maniwala ako sa iyo,” sagot ng dalaga.
Natatawang nailing na lang ang binata.
“O, heto na tayo,” sabi niya dahil
papasok na sila sa bakuran ng Starlight Cafe.
“Ano ito, bahay mo?” tanong ni Hiyas.
Hindi nga naman kasi mukhang restawran
ang lugar. Mukha talaga itong pribadong bahay at bakuran na may napakagandang
halamanan.
“Hindi,” iling ni GM. “Iyong malaking
bahay na iyon sa likod, doon nakatira ang may-ari nito. Pero itong bahay na ito
sa harap, isang private restaurant. Pribado dahil hindi naman ito
nag-a-advertise. Nakikilala lang by word of mouth. Kaya rin pili ang clientele
nito.”
“Naku, ha,” sabi ni Hiyas. “Exclusive pala
ito.”
“Parang ganoon na nga,” tango ni
GM. “At saka by reservation lang ang
tanggap nila dito. Puwedeng malakihang parties, puwede ring pandalawahan lang.”
“Ibig mong sabihin, solo natin iyang restaurant
ngayong gabi?” namimilog ang mga matang sabi ni Hiyas.
“Hindi iyan,” sagot ng binata. “Ang
ipinareserba ko ay iyong pinakamaganda at pinaka-espesyal na bahagi ng lugar na
ito. Ang roof garden. It’s a sight to behold.”
“Talaga?” sabi ni Hiyas. “Pero tapos na
tayong mag-dinner, a.”
“Dito naman tayo magkakape at dessert,”
sagot ni GM. “Under the stars and overlooking the rest of the city.”
“Ay, exciting,” sabi ng dalaga. “Tayo
na. Gusto ko nang makita.”
Sinalubong sila ng dalawang unipormadong
waiters sa pinto ng restaurant. Nakita nilang may ilang mesang okupado sa loob.
“I’m George Milan,” pagpapakilala ng
binata sa sarili. “We reserved the roof garden.”
“This way, please,” sabi ng isa sa mga
waiter.
Isang winding staircase ang inakyat nina
Hiyas at GM.
Pagdating sa itaas, biglang tumigil ang
dalaga. Inikot nito ng tingin ang paligid.
Walang bubong ang roof garden. Langit na
maliwanag sa nagkikislapang mga bituin ang tangi nilang bubong.
Wala ring ilaw ang roof garden liban sa
ilang mga sulo na nasa paligid. Pero sapat na ang sinag ng buwan at mga bituin
para mabigyan ng romantikong liwanag ang kapaligiran.
Punung-puno ng mga namumulaklak na
halaman ang paligid. May sari-saring klase ng orchids. May naglalakihang birds
of paradise. May iba’t ibang kulay ang anthurium, calla lily, chrysanthemum at
carnation.
Sa pagitan ng mga halaman, may nagkalat
na mga mesang pandalawahan at pang-apatan.
Mula sa kahit na aling mesa ay
kitang-kita pa rin ang view ng malayong lunsod – nagkikislapang mga ilaw na waring
nakikipagkumpitensiya sa mga bituin.
“It’s like paradise,” sambit ni Hiyas.
“Coffee and dessert are in the gazebo,
sir,” baling ng waiter kay GM. “Please call us through the intercom if there’s
anything you need.”
“Thank you,” tango ni GM.
At iniwan na sila ng waiter.
Napataas ang kilay ni Hiyas.
“See that gazebo?” paliwanag ni GM na
itinuturo ang isang maliit na kiosk sa isang gilid ng roof garden. “Nakahain na
roon ang dessert buffet. Nakahanda na rin ang coffee percolator with one of the
best brews in town. We can serve ourselves. Kung may kailangan naman tayo, may
intercom doon na diretso sa head waiter. That way, we can have our privacy and
still avail of their services at any time.”
“How convenient,” sabi ni Hiyas na
parang biglang tinabangan sa sitwasyon. “Siguro, dito mo dinadala ang iyong
women, ano?”
“Pangalawang punta ko pa lang dito,”
paliwanag niya. “Iyong una, noong makumbida ako sa isang panggabing kasalan.
Dito mismo ginawa ang ceremony at pati na rin ang reception. But that was almost
a year ago. Hindi na ako nakabalik although hindi na rin naalis sa isip ko ang
kagandahan ng lugar. Kaya nga hindi ko natiis na hindi ipakita sa iyo.”
Tinitigan siya ni Hiyas nang saglit.
Para bang inaarok ang katotohanan sa kanyang mga salita.
Pagkatapos ay ngumiti ito.
Pagkaliwa-liwanag at pagkatamis-tamis na ngiti.
“Thank you,” simpleng sabi nito. “Thank
you for taking me here.”
At sulit na ang lahat kay GM, makita lang ang kasiyahang nagniningning sa mukha ng dalaga.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento