FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 4
HINDI
maganda ang pangyayaring naging dahilan para mapilitang magkita sina Hiyas at
GM.
Nabagsak ang mamahaling kamera na dala
ni Hiyas isang hapong nasa Barasoain Church ang tour group. Semento ang
binagsakan nito. Ayaw nang gumana pagkatapos.
Kabadung-kabado ang dalaga. Hindi na
puwedeng sa e-mail lang niya ikuwento ang pangyayari sa mga magulang.
Kinailangan niyang tumawag nang long distance.
Tulad ng inaasahan, nasermunan nga siya
nang husto ni Puri.
“I’m really sorry, Mommy,” paulit-ulit
na sabi ni Hiyas. “Pero aksidente lang talaga.”
“Ano pa nga ba ang magagawa natin?”
pabutonghiningang sagot ng ina.
“Paano ‘yan, Mommy, wala akong magagamit
na kamera rito,” pamumroblema ng dalaga. “Ang sabi ng dealer na pinagdalhan ko,
hindi nila mare-repair ito nang madalian. Mas mabuti raw kung diyan ko na
ipa-repair. Diyan din naman kasi sila oorder ng spare parts. Paano na ako
ngayon.”
“Pasensiya ka,” sagot ni Puri.
Mangiyak-ngiyak si Hiyas. Mas marami pa
naman siyang gustong kunan ng litrato sa pagtatapos ng tour.
Pero hindi naman pala siya ganap na
tinikis ni Puri. Tinawagan nito si Marina.
Tinawagan naman ni Marina si GM.
“LEND
her my camera?” bulalas ni GM sa ina. “Sobra na yata iyon, ‘Ma. Hindi mumurahin
ang camera ko. At napatunayan na niya kung gaano siya ka-iresponsable sa gamit.
Bakit ko ipagkakatiwala sa kanya ang aking Canon?”
“Aksidente nga lang ang nangyari, e,”
giit ni Marina. “Huwag kang mag-alala, if anything happens to your camera, I’ll
replace it. Mas mamahaling modelo ang ipapalit ko. Kailangang-kailangan lang
talaga ni Hiyas ngayon na may magamit siya. Intindihin mo naman. She needs to
capture every part of her experience on film. Mahalaga sa kanya ito.”
Nahalata ni GM na hindi uli tatanggap ng
pagtanggi ang ina.
“Okay, okay,” sagot niya. “Sige,
pahihiramin ko na.”
“Ihatid mo agad sa kanya bukas ng umaga,”
dagdag ni Marina. “Sayang din kung may ma-miss siya na pagkakataon, e. Make sure
you catch her at the hostel before they leave for their trip for the day.”
Inis na inis si GM pero wala siyang
magawa. Bihira lang siyang mahilingan ng ina at kailangan niya itong sundin.
KATATAPOS
lang na mag-almusal ni Hiyas. Paakyat na siya uli sa kanyang kuwarto nang
magdaan siya sa lobby ng hostel.
Nalampasan na niya ang reception desk
nang hindi man iyon sinusulyapan nang marinig niya ang kanyang pangalan na sinasambit
ng isang napakalamig na baritonong tinig.
“I’d like to see Miss Hiyas Deltierro,
please,” sabi ng mala-DJ na boses ng lalaki.
Sa boses pa lang, naakit na si Hiyas.
Bigla siyang natigil sa paglalakad. Umikot nang paharap sa reception desk.
Kailangang makita niya kung sino ang
nagmamay-ari sa tinig na iyon.
Nakatalikod sa kanya ang lalaki pero
kahit sa anggulong iyon ay maganda na ang dating nito. Matangkad. Matipuno ang
pangangatawan. Maganda ang bihis – murang dilaw na long-sleeved shirt na nakalilis
ang manggas, khaki na pantalon, magkaternong balat na sinturon at loafers.
May kutob na siya kung sino ito. Ewan
kung bakit kinakabahan siya nang husto.
“Please tell her it’s George Milan,”
pagpapatuloy ng lalaki.
Napasinghap si Hiyas.
“GM?” hindi niya napigil na maibulalas.
Tama nga pala ang kutob niya.
Mabilis na umikot ang lalaki, paharap sa
kanya.
Lalong namangha si Hiyas.
Ito ba ang matandang binatang
pinakaiiwas-iwasan niya? Buong akala niya’y mukha nang D.O.M. o kaya nama’y
mukhang kinalimutan na ng panahon ang isang binatang tatlumpung taong gulang
na.
Pero ang kaharap niya ay isang guwapo at
makisig na binata. Sa tindig at bihis, puwede itong maging modelo. Sa
personalidad ay halatang executive. May awtoridad. Hindi pang-matinee idol ang
tipo ng mukha pero mas kaakit-akit pa dahil lalaking-lalaki ang dating. Puno ng
kumpiyansa ang buong pagkatao.
“Hiyas?” kunot-noo at parang hindi
makapaniwalang paniniguro nito.
Mabilis lang ang pagpasada ng paningin
nito sa kanya mula ulo hanggang paa pero hindi iyon nakalampas sa pansin ng
dalaga.
Mabuti na lang at nakabihis na siya ng
panlakad. Presentable na ang kanyang ayos – puting tank top, low waist na maong
at chunky sneakers.
“Hi!” nakangiting sabi niya habang
humahakbang nang palapit sa binata. “We finally meet... again.”
Naglahad siya ng kamay.
Parang wala sa sariling kinamayan siya
ni GM. Pero mabilis lang. Agad nitong binitiwan ang kamay niya – para bang
napaso.
“You look different,” sabi nito.
Nagdiwang ang loob ni Hiyas.
“Siyempre naman,” natatawang sagot
niya. “After all, I’m no longer thirteen
years old.”
“I forgot,” umiiling na amin ng binata.
“Nineteen ka na nga pala, sabi ni Mama. Dalaga na.”
“Nadaan ka?” tanong niya. “Mabuti at
inabutan mo ako. Mayamaya lang, paalis na kami, e.”
“Talagang inagahan ko para umabot ito sa
lakad mo,” sabi ni GM.
Saka lang napansin ni Hiyas ang camera
case na nakasukbit sa balikat nito. Ibinaba iyon ng binata at iniabot sa kanya.
“Camera?” gulat na sambit niya.
“I’m lending you my Canon,” paliwanag ni
GM. “Itinawag sa akin ni Mama kagabi ang nangyari sa camera mo.
Kailangang-kailangan mo raw ng replacement na magagamit these next few days.”
“Ipagkakatiwala mo sa akin ito even
after I broke my camera?” namimilog ang mga matang sabi ni Hiyas. “Gee,
thanks.”
Kinuha niya ang camera case at niyakap
sa kanyang dibdib.
“Promise, iingatan ko ito,” pangako niya
sa binata.
Napakurap-kurap si GM. Isinuklay ang
isang kamay sa buhok.
“Ahm... well... okay...” parang naiilang
na sagot nito. “I better go now. Tawagan mo lang ako kung pauwi ka na sa
Chicago so I can pick it up.”
“Sure,” sabi ni Hiyas.
SA
halip na tumuloy sa opisina ay nagkape muna si GM sa isang coffee shop sa
Katipunan.
Kailangan muna niyang ibalik sa dating
balanse ang kanyang sarili.
Hindi niya maintindihan ang nangyari sa
kanya kanina. Ngayon lang siya nataranta nang ganoon sa buong buhay niya – dahil
sa isang babae.
Correction, sabi niya sa kanyang sarili.
Dahil sa isang bata.
Hindi na bata si Hiyas, pangongontra ng
kanyang isip at damdamin. Hindi na menor-de-edad. Dalagang-dalaga na. Pagkaganda-ganda
at pagkaseksi-seksing dalaga.
“Ulol!” Minumura niya ang kanyang
sarili. Mahiya ka naman, George Marron Milan. Labing-isang taon ang tanda mo sa
dalagang iyon. At parang kapatid na dapat ang turing mo roon dahil sa relasyon
ng mga pamilya ninyo.
Siya pa naman itong naatasang mag-alaga
kay Hiyas. At sariling ina pa man din niya ang nag-atas niyon. Pagkatapos,
heto’t para siya ngayong teenager na tinamaan ng love at first sight.
Hindi, iling niya sa sarili. Of course
not. Ano’ng love at first sight? Pareho lang ito ng naging reaksiyon niya kay
Krizha noon. Natural na reaksiyon ng isang normal na lalaki sa isang maganda at
kaakit-akit na babae.
Pero... iba, e.
Ibang-iba.
Hindi naman nang-aakit si Hiyas. Parang
hindi nga nito alam na kaakit-akit ito. O na maganda ito.
Wala itong make-up. Pero kayganda-ganda
ng mukha ng dalaga. Mga matang mabibilog. Nangungusap. Mga labing natural na
mamula-mula at kayganda ng hugis. Kutis na kaykinis.
Nakalugay lang ang mahaba at alun-alon
nitong buhok. Ang makintab na buhok na parang kaylambot at kaybango. Parang
kaysarap suklayin ng mga daliri.
Pangkaraniwang kasuotan na sunod sa uso
ang suot nito. Pero sa kauna-unahang pagkakataon, naging seksi sa paningin ni
GM ang puting sando, lawlaw na pantalong maong at makakapal na rubber shoes.
Malayo sa pigura ni Krizha ang katawan
ni Hiyas. Hindi ito gaanong matangkad. Hanggang balikat lang niya. At hindi gaanong
makurba ang katawan. Pero kaninang niyakap ni Hiyas sa dibdib nito ang kanyang
kamera, pinanuyuan siya ng lalamunan. Para bang siya iyong nasa lugar ng
kamera. Parang siya iyong niyayakap nang padikit sa malambot na dibdib ng
dalaga.
Napailing si GM. Ano ba naman itong
nangyayari sa kanya? Bakit pinagpapantasyahan niya ang isang disinuwebe anyos
na dalaga? Tampalasang imahinasyon!
Mukha pa namang inosenteng-inosente si
Hiyas. Sa kilos nito’t pananalita ay nasasalamin nga ang sinasabi ng mama niya
na pagpapalaki nina Puri at Lando sa paraang Pilipinung-Pilipino. Makabago man
ito kung titingnan ay halata pa rin ang likas na pagkamahinhin.
Bagay na lalo lang nagdadagdag sa
pang-akit ni Hiyas sa kanyang paningin.
Inubos ni GM sa isang lagok ang
natitirang kape sa kanyang tasa. Kahit halos mapaso siya sa init ay tiniis
niya. Para bang sadyang pinarurusahan niya ang sarili sa nadaramang hindi
dapat.
Marahas ang kanyang pagkilos nang
nilisan ang coffee shop para magtuloy sa opisina. Para ilublob na muli sa
trabaho ang kakaibang damdaming bumabagabag sa kanyang puso’t isipan.
HINDI
mapakali si Hiyas. Kalahati lang ng kanyang atensiyon ang nakatutok sa
kinabibilangan niyang tour. Ang kalahati ay hindi niya maalis sa pagkakatuon
kay GM.
Hindi siya makapaniwala na iyon ang
matandang binatang pinakaiiwas-iwasan niya.
Natawa sa sarili ang dalaga.
Hindi nga pala bagay tawaging matandang
binata si GM. Hindi pala ito iyong inaasahan niyang mukhang napag-iwanan ng
panahon o kaya nama’y mukhang D.O.M.
Mas nababagay pa siguro itong tawaging
isa sa mga most eligible bachelor ng bansa.
Sa tanang buhay niya, ngayon lang si
Hiyas nakadama ng ganito katinding atraksiyon sa isang lalaki. Mas matindi ito
sa lahat ng naranasan na niyang pagkaka-crush.
At sino ang mag-aakalang si George Milan
ang makapagpapadama sa kanya nang ganito?
Ngayon siya nanghihinayang kung bakit
hindi niya agad ito kinontak pagdating na pagdating pa lang niya sa Pilipinas.
Kung kailan malapit nang matapos ang kanyang tour ay saka lang niya ito
nakilala.
At kung ibabatay sa mga salita ni GM,
parang ang pangalawa’t huli nilang pagkikita ay sa pag-alis na niya – kapag
isinoli niya ang ipinahiram nitong kamera.
Hindi yata siya makakapayag na ganoon na
lang iyon.
Kailangang makita, makasama’t makausap
niya nang mas matagal si GM. Iyon lang ang paraan para masubok kung ano talaga
at hanggang saan itong nadarama niya para sa binata.
Hindi siya puwedeng umuwi sa States nang
bitin. Napakahalagang bagay nito para balewalain na lamang. May kutob kasi siya
na si GM na ang lalaking hinahanap niya. Kailangang mapatunayan niya kung totoo
ba iyon.
Sa kabila ng kanyang determinasyon, inabot
pa rin ng dalawang araw bago nakapag-ipon si Hiyas ng sapat na lakas ng loob
para tawagan si GM.
Sa bahay niya ito tinawagan. Gabi.
“Hiyas?” gulat na ulit ng binata nang
magpakilala siya. “O? Bakit? What can I do for you? Is there anything wrong?”
“Hindi kasi ako mapalagay,” sagot niya.
“It was so rude of me not to call you in person as soon as I arrived here.
Pagkatapos, in just a little more than a week,
tapos na ang tour ko. Hindi naman yata maganda kung aalis na lang ako nang
hindi man lang tayo nagkakakuwentuhan, lalo na after your very thoughtful
gesture of lending me your camera. So I’d like to invite you for dinner. Puwede
ka ba tomorrow night?”
“You’re inviting me for dinner?” ulit ni
GM.
Pagkatapos, natawa ito nang marahan.
“Teka... mali yata,” sabi nito
pagkaraka. “I’m sorry, Hiyas. It’s my fault. I should be the one inviting you
to dinner. Akala ko lang kasi, masyado kang busy diyan sa tour mo. Akala ko,
pati sa gabi, may schedule kayo. But I should have asked. Nakakahiya naman
itong ikaw pa ang unang tumawag at nangumbida sa akin.”
“No... no...” agap ng dalaga. “It’s
okay. Alam ko rin namang busy ka, e. Na-appreciate ko nga na sumugod ka pa dito
sa campus nang maagang-maaga the other day para lang ihatid ‘yung camera mo.
This is just my way of saying thanks.”
“O, sige,” sagot ni GM. “Pero kailangan,
treat ko. I’ll be taking you to dinner. Deal?”
“Okay,” tuwang-tuwang sagot ni Hiyas.
INIITSA
ni GM sa kama ang cordless phone pagkatapos na pagkatapos ng kanilang pag-uusap.
Bumagsak ang kanyang mukha sa dalawang
palad, nakatukod ang mga siko sa mga tuhod.
Lumalaki ang kanyang problema.
Hindi na nga niya mabura sa kanyang
isipan si Hiyas Deltierro, tinawagan pa siya nito. At kinumbida pang lumabas
bukas ng gabi.
Ang konsolasyon na nga lang niya sa
sarili nitong mga nakaraang araw ay hindi na niya muling makikita ang dalaga.
Balak sana niyang ipa-pick-up na lang sa messenger ang kanyang camera kapag
isosoli na nito. Hindi na kailangang magkaharap pa silang muli.
Pero makakatanggi ba naman siya sa
pangungumbida ni Hiyas?
Ang lambing-lambing pa naman ng boses
nito kahit na sa telepono. Pakiramdam niya’y bumubulong ito sa mismong tenga
niya. Halos maramdaman na niya ang init ng hininga nito sa awditibo.
Lalong luminaw ang napakagandang larawan
ni Hiyas sa kanyang alaala.
Ipinilig-pilig ni GM ang kanyang ulo.
Paano kaya niya mairaraos ang gabi bukas nang hindi bumibigay sa kahibangang ito?
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento