FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 3
PINAGTAWANAN
lang siya ng pinsan niya.
“They’re just having fun at your expense,”
paliwanag nito. “Obvious kasi ang pagkainosente mo, e. At saka ikaw ang pinakabata’t
pinaka-conservative dito.”
“Hindi naman ako prude, ano?” pahumandig
na sagot ni Gwen. “At saka hindi na ako inosenteng teenager. I’m twenty-three.
And I’m a woman of the nineties.”
“But still a virgin,” nakangiting tukso
ni Darla.
“Hindi naman nila alam iyon,” irap ni
Gwen.
“Anong hindi?” natatawang batikos ni
Darla. “Halatang-halata ka, e. Kapag pumupulupot si Geraldine kay Lyon, o kapag
naghahalikan iyong dalawa, mapula ka pa sa lobster.”
“Bakit kasi ginagawa nila iyon sa
mismong harap ko,” reklamo ni Gwen. “Parang nananadya pa sila.”
“Exactly,” tango ni Darla. “Noong una,
hindi nila sinasadya iyon. Talagang demonstrative lang si Geraldine. Pero no’ng
nakita nila ni Lyon ang reaction mo sa lambutsingan nila, na-amuse siguro iyong
dalawa. Kaya magmula noon, sinasadya ka na nilang i-shock. Patindi nang
patindi. You never fail to react naman kaya enjoy sila.”
“Pero bakit parang pati ako, sini-seduce
ni Lyon?” nagugulumihanang tanong ng dalaga.
“Nakakapagtaka bang ma-attract siya sa
iyo?” ganting tanong ni Darla. “You’re beautiful. Mas maganda nang di-hamak kaysa
kay Geraldine. Mas sexy. Lalo na ngayong hindi ka nagme-make-up dito sa isla.
Lagi kang mukhang fresh na fresh.”
“Akala ko ba, umiiwas siya sa dalaga
dahil takot siya sa commitment?” tanong pa rin ni Gwen.
“Hindi naman porke’t sine-seduce ka niya,
payag na siyang mag-commit sa iyo,” sagot ng pinsan. “Nagbabakasakali lang iyon
na maka-score.”
“E bakit kinukunsinti siya ni
Geraldine?” pagtataka ni Gwen. “Parang tuwang-tuwa pa nga si Geraldine kapag
nakikitang nilalandi ako ng boyfriend niya.”
“Alam mo bang may tsismis na bisexual si
Geraldine?” pabulong na sabi ni Darla. “May rumors din na mahilig siya sa
sexual deviations. Iyong mga kakaibang eksperimento sa sex.”
Napakurap si Gwen.
“So may posibilidad na attracted din sa
iyo si Geraldine,” pagpapatuloy ng pinsan niya. “Baka sine-set up ka nila for a
menage a trois. You know, iyong tatluhan.”
“No way!” bulalas agad ni Gwen.
“Hey, relax,” sabi ni Darla. “All you
have to do is say no. Nandito kami ni Pete. Hindi namin hahayaang may mangyari
sa iyo kung ayaw mo.”
Magmula noon ay lalo pang nailang si
Gwen kina Lyon at Geraldine.
Pero ewan kung bakit kahit na anong
tanggi ang gawin niya sa kanyang sarili, ang totoo’y attracted pa rin siya kay
Lyon.
MINSAN
nang nabanggit ni Darla kay Gwen na napakagaling ni Lyon maggitara. Pero hindi naman
niya akalaing ganito kagaling.
Tapos na silang maghapunan kanina at
nagkakasayahan ang grupo sa patio na nasa gilid ng villa. Kasama uli nila sina
Tom at Kyle.
Biglang hinilingan ni Geraldine ang
kalaguyo.
“Lyon, why don’t you play your guitar
for us? I’ll dance for you. We haven’t done that for some time.”
“Sure,” pakibit-balikat na sagot ng
binata.
Nag-utos si Geraldine sa isang kawaksi.
Ipinakuha ang gitara.
At nang magsimulang tumugtog si Lyon,
biglang pinanindigan ng balahibo si Gwen.
Ang inaasahan lang kasi niyang marinig
ay iyong mga simpleng pop tunes, mellow rock o folk songs. Iyong tinatawag na
unplugged music o iyong mga karaniwang naririnig niya na tinutugtog ng mga live
band.
Hindi niya inaasahang ang mapapakinggan
niya ay katulad niyong napanood niya sa pelikula ni Antonio Banderas na
Desperado. Tugtuging may ereng Latino. Dramatic. Makapangyarihan. Seductive.
At ibang-iba si Lyon kapag tumutugtog.
Mula sa unang pagkalabit pa lang nito sa mga kuwerdas, parang napaloob na ang
binata sa kakaibang mundo. Isang mundo na kung saan walang anumang mga
tumatabing sa damdamin. Isang mundo ng purong damdamin.
Ang mukha nito’y naging salamin ng
samutsaring emosyon. Ang mga mata nito’y nagkabuhay. Nagningning. Nag-apoy.
At kahit nanatili lang itong nakaupo sa
maliit na bangkong bilugan, ang buong katawan nito’y kumilos nang ayon sa
musika ng gitara. Ayon sa emosyon ng musika.
Hindi maalis ang mga mata ni Gwen kay
Lyon. Kahit nang magsimulang sumayaw si Geraldine – interpretative jazz na may
indak at galaw na mala-flamenco.
Hindi naman kasi napapansin ni Lyon si
Geraldine. Tumutugtog lang ang binata para sa sarili.
At sa pakiramdam ni Gwen ay para sa
kanya.
Dahil nanunuot sa bawat himaymay ng
kanyang pagkatao ang musika ni Lyon. Tumatagos sa kanyang puso’t kaluluwa ang
mga emosyong ipinaaabot ng binata.
Sa mga sandaling iyon, dahil sa musikang
iyon, parang bumagsak na rin ang lahat ng mga nakatabing sa damdamin ni Gwen.
Nalantad nang ganap ang nilalaman ng kanyang puso.
Hindi na niya maikaila sa kanyang sarili
kung gaano katindi ang kanyang paghahangad kay Lyon Llamanzares.
Sa kabila ng lahat ng kanyang nalalaman
tungkol sa binata. Sa kabila ng lahat ng kanyang hindi alam tungkol sa binata.
Para itong isang obsesyon na hindi niya
matanggihan. Hindi matalikuran.
Gusto niya si Lyon.
Kailangan niya si Lyon.
Kasabay ng pagtanggap ni Gwen sa
katotohanang iyon, natapos ang pagtugtog ng binata.
At sa mismong pagtigil ng musika ay
dumilat ito. Tumitig nang diretsong-diretso kay Gwen.
Huling-huli siya sa sandali ng kanyang
kahinaan. Kung kailan lantad na lantad ang kanyang damdamin. Ang kanyang
pangangailangan.
At hindi niya nagawang ikubli iyon kay
Lyon.
Ni hindi niya nagawang mag-iwas ng
tingin.
Naputol lang ang pagkakahinang ng
kanilang mga tingin nang magpalakpakan ang kanilang mga kasamahan.
“Bravo! Bravo!” sabi ni Baron Karl.
“Magnifico!” sang-ayon ng maybahay nito.
“That was breathtaking,” sabi ni Summer.
“Absolutely!” tango ni Johnny.
“I never thought the guitar could be
such a powerful and sexy instrument,” halos padaing na sabi ni Kyle.
“Just as powerful and sexy as
Geraldine’s body while dancing,” dugtong ni Tom.
“Aren’t we the perfect pair?” may
pagmamalaking pahayag ni Geraldine. “We always make beautiful music together.
Any time. Anywhere.”
At pinukulan nito ng mapanuksong ngiti
ang kalaguyo.
Ngumiti rin si Lyon – pero iyong dati na
nitong ngiti.
“You know what? This puts me in the mood
for a midnight cruise,” sabi ni Baron Karl.
“That’s a wonderful idea,” sang-ayon
agad ni Johnny. “Some moonlight dancing on the yacht would be perfect.”
“Oooh, that would be so romantic,”
pabuntong-hiningang sabi ni Darla.
Pero mabilis na sumingit si Gwen.
Masyado pa kasi siyang apektado ng naganap
kanina. Hindi na yata niya kayang humarap pa nang mas matagal kay Lyon.
“I think I’ll pass,” sabi niya. “I’d
rather go straight to bed.”
“Us, too,” biglang sabi ni Geraldine na
ikinakawit ang braso sa braso ni Lyon. “I think it’s time for us to go to bed.
But feel free to use the yacht, friends. You can sail all night and sleep over
if you want. That would be fun.”
“Count us out,” sabi rin ni Tom. “Kyle
and I are going home.”
Mabilis na nagkasundo ang grupo.
Nagkanya-kanya nang panhik para kumuha ng mga bihisang babaunin ang mga pupunta
sa yate.
“Sigurado kang ayaw mong sumama?” tanong
ni Darla sa pinsan.
“Inaantok na ako, e,” pagdadahilan ni
Gwen. “Isa pa, ano naman ang gagawin ko roon? It’s supposed to be a romantic
dancing cruise at pares-pares na kayo. Magiging wallflower lang ako.”
“Of course not,” sagot ni Darla. “Sa
dancing naman, we always change partners.”
“E pagkatapos?” pakli ni Gwen.
Napahagikhik si Darla.
“Kunsabagay,” amin nito. “Sige, bahala
ka. Sleep tight and sweet dreams.”
Para naman hindi siya magmukhang killjoy
hindi muna pumanhik si Gwen hangga’t hindi pa nakakaalis ang mga kasama. Masaya
niyang inihatid ang mga ito hanggang sa pinto.
Ganoon din naman ang ginawa ng magkalingkis
na sina Geraldine at Lyon.
Nang makalayo ang grupo, tumalikod na si
Gwen para pumanhik.
“Gwen, won’t you join us?” narinig
niyang tawag ni Geraldine.
Nilingon niya ang dalawa.
Akala niya’y niyayaya siya ng mga ito na
manatili sa salas para makipagkuwentuhan pa o uminom.
“Thanks, but I’m going to bed,”
nakangiting tanggi niya.
“Well, doon din naman ang punta namin,”
sagot ni Geraldine. “Why don’t the three of us go to bed together? That would
be fun, don’t you think?”
Umakyat yata ang lahat ng dugo ni Gwen
sa ulo. Aktuwal na naramdaman niyang parang lumalaki ang ulo niya sa
pangingilabot.
Pulang-pula siya. Hindi na niya magawang
magsalita.
Lalo pa’t parang nanunudyo ang ngiti ni
Geraldine.
At tulad ng dati ay nakangiti lang nang
malamig si Lyon. Naghihintay.
Mabilis na umiling lang si Gwen. At
tumalikod na siya’t patakbong tumalilis papanhik sa kanyang silid.
Pagdating doon ay siniguro niyang
mai-lock ang barrel bolt ng pinto. Hindi siya nagtitiwala sa susian lamang
dahil malamang ay may susi si Geraldine sa bawat pinto ng villa.
Alam naman niyang hindi siya pipilitin
ng dalawa sa ayaw niya. Pero mahirap na. Walang masama kung magsisiguro siya.
Dumiretso si Gwen sa banyo. Dali-dali
siyang naghubad at tumapat sa mainit na shower. Para bang maaari niyang alisin
sa pagpaligo ang masamang pakiramdam na idinulot ng paanyayang iyon.
Pero paglabas niya ng banyo, narinig
naman niyang nasa kabilang kuwarto na ang dalawa. Nasa kuwarto ni Lyon na
katabi ng kuwarto niya.
At parang nananadya pa ang mga ito. Panay
ang halakhakan. Kumakalabog ang kung anu-ano na parang naghahabulan ang mga ito,
o may mga naglalaglagan sa sahig. Binilisan ni Gwen ang pagsusuot ng pantulog. Pagkatapos
ay sumubsob na siya sa kama.
Mayamaya nama’y umingit
ang kama sa kabilang kwarto. Parang bumundol nang bumundol ang headboard niyon sa dingding. Paulit-ulit.
Pagkatagal-tagal. Itinakip ni Gwen ang unan sa kanyang tainga.
Paano pa ba siya makakatulog nito?
Mabuti pa siguro kung sumama na lang siya sa yate.
MADALING-ARAW
na nang makatulog ang dalaga. Noon lang kasi tumahimik ang kabilang kuwarto.
Gayunpaman, balisa ang kanyang pagtulog.
At maagang-maaga siyang nagising.
Pakiramdam ni Gwen, pagdilat niya ay
hindi pa rin siya nakapagpahinga nang sapat. Kailangan niya ng preskong hangin.
Bumangon siya’t nagsuot ng robang seda.
Pagkatapos ay nagtuloy siya sa munting balkonahe ng silid.
Pagbungad pa lamang niya ng balkonahe ay
tumingala na ang dalaga nang nakapikit. Kaysarap ng banayad na init ng araw sa
kanyang balat, lalo pa’t may kasabay na
mabining ihip ng hanging dagat. Humugot siya ng malalim na hininga.
Saka siya dumilat at tumingin sa
paligid.
Para lang matigilan.
Dahil naroon din pala si Lyon. Nasa
kabilang balkonahe nga ito – sa
balkonahe ng sarili nitong silid. Pero wala pang isang metro ang espasyong
nakapagitan sa dalawang balkonahe. Pupuwede nga silang dumukwang at maghalikan
sa espasyong iyon.
Napakurap si Gwen. Bakit ba
pakikipaghalikan na agad kay Lyon ang pumasok sa isip niya?
Mabuti na lang at nakatingala rin ang
lalaki’t nakapikit. Hindi siya nakikita.
Nakasandal ito sa barandilya ng balkon,
nakatalikod sa dagat at nakaharap sa pintong papasok sa silid. Nakaroba rin ito
nang seda, panlalaki nga lang. At nakabukas sa harap ang roba. Lantad ang
matipuno nitong dibdib.
Awtomatikong gumala ang paningin ni Gwen
sa dibdib ng binata. Awtomatikong bumaba. Bumaba nang bumaba.
At napasinghap siya.
Dahil naroon din pala si Geraldine. Nakaluhod
sa harap ni Lyon. Abalang-abala.
Lumipad ang paningin ni Gwen pabalik sa
mukha ng binata.
At nakasalubong niya ang titig nito. Na
may kasabay na nanghahamong ngiti.
Muli, namula si Gwen. Pulang-pula.
At muli, tumalikod siya’t tumalilis.
Pumasok sa silid.
Tuluy-tuloy na naman siya sa banyo. Naghubad
at tumapat sa shower.
Pero sa pagkakataong ito’y parang hindi
kayang pawiin ng tubig ang init na lumulukob sa kanyang buong katawan. Kahit pa
malamig na tubig na ang kanyang ipinapaligo.
At nakadama siya ng paninibugho kay
Geraldine Boyer.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento