FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
by Maia
Jose
Copyright Maria Teresa
C. San Diego
All Rights Reserved
Published in print by Valentine
Romances
Books for Pleasure,
Inc.
First printing 1998
ISBN: 971-502-868-3
TEASER:
Kahit kaytagal na niyang iniibig si
Arman, nainsulto si Elaine nang balingan siya nito matapos iwan ng dating
girlfriend. At ang cynical nang si Arman ay naghahain ng proposal na relasyong
walang kinalaman ang pag-ibig.
Nangako ang maganda at palaban na fitness trainer na ilalampaso ang binata sa kabiguan. Pero bakit habang pinasasakitan niya si Arman ay siya rin ang nasasaktan?
CHAPTER 1
TAHIMIK
ang karagatan sa dapithapon. Banayad ang hampas ng alon sa gilid ng luxury
cruise ship na Carribean Queen.
Pauwi na ang luksuryosong barko sa Estados
Unidos mula sa isang linggong paglalayag sa Carribean. Nanggaling ito sa mga
isla ng San Juan, St. Thomas at Serena Cay sa dakong iyon ng mundo na
paboritong pasyalan ng mga maykaya sa buhay. Ikaanim na araw ng biyahe ay nasa
gitna ng karagatan ang barko. Bukas ay dadaong ito sa Port of Nassau sa
Bahamas. Sa makalawa nama’y makakabalik na sa pinagmulang pier sa Fort
Lauderdale, Florida.
Kung gaano kahinahon ang panahon sa
labas ay kabaligtaran naman ang kalagayan sa loob ng maluwang na gym ng cruise
ship. Malakas at bumabayo ang musikang kaindak-indak. Itinataas ang energy
level ng mga nagsisipag-ehersisyo.
“And four... and three... and two... and
one...” masiglang bilang ng maganda at seksing fitness trainer na namumuno sa
klase.
Naka-two piece workout outfit siya.
Lavender at fuschia na sports bra at gym shorts. May katernong baby pink na
sports socks at kumbinasyong itim at fuschia na cross-trainer shoes.
Naka-ponytail na mataas ang mahabang buhok.
Si Elaine ang fitness trainer na iyon.
Pinay. Kahit na sino ay maeengganyo ngang magbigay nang todo sa pag-eehersisyo
makahabol man lang nang kahit kaunti sa kanyang kaseksihan.
Step aerobics ang kasalukuyang
pinagpapawisan ng klase sa air-conditioned gym na may halos tatlong pulgadang
kapal ng carpet. Ang mga nag-eehersisyo – na panay babae, mula teener hanggang
matrona – ay akyat-baba sa kanya-kanyang plastic na bangkong tuntungan na anim
na pulgada ang taas. Sumasabay sa mabilis na indak ng musika.
Unti-unting nagbago ang tugtog. Bumagal
ang beat.
“We’re starting to cool down, ladies,”
paalala ni Elaine. “Slower now...”
Tuloy pa rin ang pag-akyat-baba ng lahat
pero mas mabagal na.
Bumagal pang lalo ang tugtog.
“Feet together now and stretch up your
arms,” sabi ni Elaine. “On your toes... up... and down... and up... and down...
now sway your hips... to the right... to the left... and all the way around..
doesn’t this make you feel sexy?”
“Oh yes!” malakas na sagot ng mga
nangakangiting miyembro ng klase.
“And once again... sway to the right...
to the left. And all the way around...” pagpapatuloy ng dalaga.
Lalo ngang tumingkad ang kaseksihan ni
Elaine sa mala-belly dance na paggalaw.
“Now for our finale... reach up high...
and to the sides... bend low to the floor... touch your toes... and slowly...
slowly come back up... and smile! Yes! Thank you, ladies. That was very well
done,” pagtatapos ng dalaga.
Nagpalakpakan ang mga miyembro ng klase
bago sabay-sabay na nagtungo sa shower rooms.
Bumaling naman si Elaine sa sound
system. Pinalitan niya ang nakasalang na tape. Mas mabilis nang di hamak kaysa
kanina ang beat.
Bumalik ang dalaga sa kanyang puwesto at
sinabayan ng mabilis na step aerobics ang musika. Akyat. Baba. Akyat. Baba.
Sumusuntok sa ere ang kanyang mga kamao. Bigay-todo. Parang may hinahabol.
Tumatagaktak ang kanyang pawis.
Nakakunot ang kanyang noo. Buung-buo ang kanyang konsentrasyon sa ginagawa.
Bumukas ang pinto ng gym.
“Elaine!” tawag ng papasok na si Gretchen,
isa ring fitness trainer.
“Katatapos lang ng klase mo, a,” sabi pa
nito habang papalapit sa kanya. “Bakit ba nagpapakamatay ka pa riyan?”
Hindi sumagot si Elaine. Ni hindi niya
pinansin ang matalik na kaibigan.
“Alam ko, ibinubunton mo lang diyan ang
sama ng loob mo kay Arman,” pagpapatuloy ni Gretchen. “Sayang, may maganda pa
naman akong ibabalita sa iyo. Nakausap daw ni Gerry si Arman sa phone kagabi,
e. As I’m sure you know, he’s back from his Manila vacation. Nasa Fort
Lauderdale na uli siya.”
Biglang huminto si Elaine sa
pag-eehersisyo.
“O, ano ka ba?” saway naman ni Gretchen.
“Totodo ka nang ganoon, pagkatapos bibiglain mo ang katawan mo sa paghinto.
Para kang hindi trainer, a.”
“Huwag mo na akong ibitin, Gretch,”
sagot ng humihingal na dalaga. “Ano’ng balita tungkol kay Arman?”
Ngumiti nang pagkaliwa-liwanag si
Gretchen.
“The wedding is off,” sagot nito. “For
good. Nag-break sila no’ng dati niyang girlfriend sa Manila. In fact, ikakasal
na raw sa iba ‘yung girl. O, masaya ka na?”
Natulala si Elaine.
Natawa naman si Gretchen.
“It’s too good to be true, ano?” sabi
nito. “But believe me, hindi ako nagsisinungaling. Si Arman mismo ang
nagkuwento kay Gerry.”
Napakurap-kurap si Elaine.
“Then he must be devastated,” halos
pabulong na sambit niya. “Kawawa naman siya, Gretch.”
“Ano?” kunot-noong sagot ng kaibigan. “Akala
ko pa naman, matutuwa ka.”
“W-well, s-siyempre,” pakibit-balikat na
amin ni Elaine. “Para akong naalisan ng mabigat na batong nakadagan sa dibdib.
Pero... pero naaawa rin ako sa kanya. He must be hurting.”
“Then now is the time to go to his rescue,”
nakangiting sabi ni Gretchen. “It’s perfect. Habang heartbroken siya, you’ll be
his nurse and his angel.”
“Paano ko naman gagawin ‘yon, e, ang
ilap-ilap niya sa akin?” malungkot na sagot ng dalaga.
“Noon iyon,” katwiran ni Gretchen. “May
girlfriend kasi siya noon. Siguro, talagang umiiwas siya na magkagusto sa iyo.
Ikaw ba naman? Napaka-irresistible mo sa men. Natakot siguro si Arman. Alam mo
naman napaka-good boy ng lalaking iyon. Ayun, sa sobrang pagka-faithful niya
roon sa dati niyang girlfriend, ganoon lang pala ang mangyayari sa kanila.
Siguro naman, mas maa-appreciate ka na niya ngayon.”
Napabuntonghininga si Elaine.
“Nalilito ako, Gretch,” amin niya.
“Natutuwa ako na nalulungkot sa pangyayari. Nag-aalala rin ako sa kanya. Hindi
ko maintindihan.”
“Hay naku, in love ka nga,” iling ng
kaibigan. “Kaya ayoko nang ma-in love, e. Nakakabaliw talaga. Mas gusto ko na
lang na makipag-fling. Panay enjoy lang. Hindi naho-hostage ang puso ko. Hindi
natuturete ang utak ko.”
“Hindi ko naman ginustong magkagusto sa
kanya, a,” sagot ni Elaine. “Ewan ko nga ba. Ang tanga-tanga talaga nitong puso
ko. Bakit sa kanya pa na-in love.”
“Mabuti’t inaamin mo,” sagot ni
Gretchen. “Sa bawat biyahe naman natin, may nakikilala ka’t nanliligaw sa iyo
na mga good catch. Kung bakit diyan ka lang kay Arman obsessed na obsessed.
Pero wala ka na ngang dapat problemahin ngayon dahil biglang unattached na uli
siya. So grab your chance, girl. Do your best.”
“I just want to help him, Gretch,” sagot
niya. “Gusto ko lang na mabawasan ang anumang nararamdaman niyang sakit ngayon.”
“No problem,” sabi ng kaibigan. “Habang
tinutulungan mo siya’y tinutulungan mo rin ang sarili mo. It’s going to be a
win-win situation. Walang talo. Pareho kayong panalo.”
PERO
hindi pa rin napanatag ang loob ni Elaine.
Habang nakatapat siya sa mainit na
shower ay binabalikan niya ang lahat ng namagitan sa kanila ni Arman.
Magtatatlong taon na silang magkasama sa
pagtatrabaho sa Carribean Queen. Nobenta porsiyento kasi ng crew at staff ng
naturang barko ay mga Pilipino. Food and beverage manager dito ang binata.
Magkasama rin sila sa apartment building
na tinitirhan ng karamihan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Carribean Queen.
Nasa pangatlong palapag ng gusali ang unit ni Arman. Nasa pangalawang palapag naman
ang unit nila ni Gretchen, tig-isa. Kasama rin nila sa gusaling iyon si Gerry
na casino manager ng barko.
Matalik na kaibigan ni Arman si Gerry,
na ka-affair naman ni Gretchen. On and off ang relasyon ng dalawa palibhasa’y
magkapareho ng pagtingin sa pag-ibig. Ayaw magpatali. Walang commitment. Okay
lang na makipag-date sa iba. Pero kapag magkasama ay laging masaya.
Kung naging ganoon lang sana kababaw ang
kaligayahan niya, buntonghininga ni Elaine. Walang mga komplikasyon.
Bakit naman kasi natuto pa siyang
umibig. Sa kauna-unahang pagkakataon pa man din. At sa isang tao pang may
pananagutan na sa iba.
Nang makilala niya si Arman ay nalaman
na niyang may girlfriend itong naghihintay sa Pilipinas. Pero hindi pa rin niya
napigil ang puso niya. Na-in love pa rin siya sa binata.
Kung tutuusin, mahirap unawain kung
bakit. Matanda sa kanya si Arman nang anim na taon. At lutang na lutang ang mga
pagkakaiba nila sa isa’t isa. Konserbatibo kasi ang binata. Palaging seryoso.
Tahimik. Samantalang siya ay laging up-to-date sa mga bagong trends sa fashion,
sa fitness, at sa lahat ng bagay. Masayahin siya. Outgoing.
Hindi rin naman kaguwapuhan si Arman.
Ang sabi nga ni Gretchen ay hindi sila bagay. Lugi raw siya. Marami raw namang
nanliligaw sa kanya na kayguguwapo at pang-competition ang maskuladong pangangatawan.
Pero gaano man kaguwapo o kakisig ang
lalaking kaharap niya ay hindi naman siya nakadarama ng atraksiyon na tulad ng nadarama niya sa
matiim na titig ng mga mata ni Arman. At kahit hindi pang-body builder ang
katawan ng binata ay inaasam pa rin niyang makulong sa mga bisig nito at
humimlay sa dibdib nito.
Tama ang terminong ginamit ni Gretchen.
Obsessed na nga yata siya kay Arman.
Noong bago nga umalis ang binata
patungong Pilipinas ay may nagawa siyang bagay na hindi niya akalaing kaya niyang
gawin.
Alam kasi niya na ang pag-uwing iyon ni
Arman ay para mag-ayos na ng pagpapakasal sa naghihintay nitong girlfriend sa
Pilipinas. Kaya naman naging parang desperada na siya.
Noong umagang paalis na ang binata ay
bigla na lamang siyang sumipot sa apartment nito – nagprisintang ihahatid ito
sa airport sa kotse niya. Alam din kasi niyang iiwan nito ang sariling kotse sa
basement garage ng kanilang apartment building. Mas praktikal na mag-taxi na
lang patungong airport.
Pero may tinawag na palang taxi si
Arman.
Halata niyang ilang na ilang si Arman sa
kanya. Noong dadalawa nga lang sila sa elevator na pababa sa lobby ay halos
dumikit ito sa kabilang dingding,
mapalayo lang sa kanya. Lalo naman siyang naging determinadong maipakita rito
ang kanyang damdamin kahit na sa huling pagkakataon.
Kaya bago sumakay si Arman ng taxi ay
bigla niya itong niyakap at hinagkan – sa mga labi.
Pareho silang nagulat. Ang una kasi
niyang intensiyon ay hagkan lang ito sa pisngi. Huling paalam. Pero nang gagawin
na niya’y parang nagkaroon ng sariling kusa ang kanyang mga labi. Parang may
kung anong puwersang nagtulak sa kanya patungo sa mga labi ng binata.
Naglakas-loob siya – wala naman siyang
alam sa paghalik. Wala naman siyang nagawa kundi idikit ang kanyang mga labi sa
mga labi ni Arman. At sansaglit lang. Naduwag din siya’t kusang umatras.
Pagkatapos ay hindi na niya alam ang
susunod niyang gagawin. Parang hindi na nga siya makatingin nang diretso kay
Arman. Nataranta siya sa mga nadama niyang emosyon mula sa sasandaling pagdidikit
ng kanilang mga labi.
Mabuti na lang at biglang dumating si
Gerry. Nabasag ang tensiyon. Nagkaroon siya ng pagkakataong makabawi ng kanyang
balanse. Magpanggap na cool na cool pa rin. Parang walang anumang nangyari.
Pero ang totoo’y hindi na niya malilimot
kailanman ang kanyang nadama sa sansaglit na halik na iyon. Ang kauna-unahang
halik niya.
Si Arman ay nagpatay-malisya lang din.
Pero sa pagkakakilala niya sa binata ay alam niyang imposibleng maging ganoon
lang kabalewala rito ang kanyang kapangahasan.
At ngayo’y mas komplikado na pala ang
sitwasyon.
Noon kasi, ang buong akala niya’y pagpapaalam
na niya kay Arman ang halik na iyon. Sa pagbabalik nito’y magiging formally
engaged na ito sa dating katipan, kung hindi pa man nakasal na. At kailangan na
niyang itigil nang ganap ang pagpapakita o pagpapadama rito ng kanyang
pagmamahal.
Sa kabila kasi ng kanyang pagiging
makabago sa lahat ng bagay ay sagrado ang tingin niya sa kasal. Hindi niya magagawang
maging sanhi ng pagkasira ng relasyon ng mag-asawa.
Noong simpleng girlfriend pa lang ang
naiwan ni Arman sa Pilipinas ay hindi pa siya nagi-guilty sa kanyang nadarama.
Ang katwiran niya, all is fair in love. Hangga’t hindi pa kasal o formally engaged
man lang ang dalawa ay maaari pang magbago ng isip ang bawat isa. May laban pa
siya. At wala naman siyang ginawa para hayagang akitin si Arman, liban doon sa
ginawa niya sa pag-alis nito.
Ibang usapan na kasi pag ikinasal na si
Arman. Pati ang itinatago niyang damdamin ay kailangan na niyang supilin.
Kaya naging desperada siya.
Nagbakasakali na kapag naramdaman ni Arman ang feelings niya ay magbago ang isip
nito sa huling sandali. Wishful thinking.
At syempre pa, walang nangyari. Napahiya
lang siya. Kaya nitong mga nakaraang araw na wala si Arman ay ibinunton na
lamang niya sa puspusang pag-eehersisyo ang kanyang pagdurusa.
Ngayon, bigla niyang malalamang sa
pagbabalik ni Arman ay ganap na pala itong malaya.
Ano na kaya ang iniisip nito tungkol sa
kanya? Tungkol sa ginawa niyang paghalik dito?
Paano niya ngayon haharapin si Arman?
Nahihiya siya sa ginawa niya.
Saka lang napansin ni Elaine na
nagsisimula nang mangulubot ang kanyang balat sa pagkababad sa ilalim ng
shower. Dali-dali na niyang tinapos ang pagpaligo.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento