Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Marso 29, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ELAINE Chapter 2

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 2


NAKAUPO si Arman sa sopa sa lobby ng tinitirhang apartment building. Nagbabasa ng diyaryo. Naghihintay.

        Araw ng pagdaong ng Carribean Queen sa Fort Lauderdale at inaabangan niya ang pagdating nina Gerry, Gretchen at Elaine.

        Sa panlabas na anyo ay mukhang cool na cool ang binata. Pati ang bihis niya ay mas casual kaysa sa nakagawian na niyang mga kasuotan. Sa halip na long-sleeved shirt at slacks ay t-shirt na puti na may kuwelyo at maong. Sa halip na pormal na sapatos ay moccasins na walang medyas.

        Ang buhok niya ay mas makabago na rin ang pagkakagupit kaysa dati. Mas nakakabata ang estilo. Nagpatubo rin siya ng bigote at balbas na sumasapin lang nang manipis sa kanyang panga at baba. Talagang ayaw na niyang magmukhang clean cut na good boy.

        Pero kahit mukhang relaxed na relaxed si Arman, ang totoo’y hindi siya mapakali. Hindi naman rumerehistro sa utak niya ang binabasa.

        Yanig pa rin siya sa kinalabasan ng pagbabakasyon niya sa Pilipinas. Hindi niya akalaing ang maraming taon ng paghahanda para sa pagpapakasal nila ni Desiree ay mauuwi lang pala sa paghihiwalay. Na sa isang iglap ay kapwa nila magigisnan ang katotohanang wala palang pag-ibig na namamagitan sa kanila.

        Hindi naman siya nagagalit kay Desiree. Pareho lang naman kasi silang naging biktima ng sitwasyon. Parehong nagsayang ng maraming taon sa hungkag na pag-asa.

        Ang kanyang galit ay nakatuon sa kapalaran. At sa mismong ideya ng pag-ibig.

        Wala na ngayong tiwala si Arman sa pag-ibig. Tingin niya ngayo’y isa lang pala ‘yong ilusyon. Isang abstraktong paniniwala na walang konkretong batayan kaya maaaring matangay ng hangin sa anumang oras. At kay rami nitong nalilinlang.

        Akala niya noon ay umiibig siya kay Desiree. At umiibig din ito sa kanya. Hindi pala. Ano, kung ganoon, ang namagitan sa kanila?

Ano nga ba ang pag-ibig? Sa palagay niya’y walang makasasagot nang tama sa katanungang iyon. Akala lang din siguro ng iba ay umiibig sila. At isang araw ay magigising na lamang sila sa katotohanang isa lang pala iyong ilusyon.

        Kaya siya, natuto na. Hindi na siya muling mapapaniwala sa ideya ng pag-ibig. Hindi na kahit kailan.

        Ngayo’y panahon na para magbago. Para maiwaksi ang lahat ng kanyang mga naging katangahan at kagaguhan. Iyon ang konklusyong nabuo ni Arman sa natira niyang mga araw sa Pilipinas matapos silang maghiwalay ni Desiree – mga araw na ginugol niya sa malalim na pagsisiyasat sa sariling damdamin.

        Kung hindi na pag-ibig, ano na lang ang natitira para sa kanya?

        Naalala niya ang matalik na kaibigang si Gerry.

        Ngayon lang niya nauunawaan ang mga paniniwala ni Gerry. Kung bakit pinagtatawanan lang nito ang salitang pag-ibig. Kung bakit wala sa bokabularyo nito ang salitang commitment.

        Pero masaya ang buhay ni Gerry. Malapit ito sa mga babae. At lagi itong may kaulayaw. Laging may kasalo sa maliligayang sandali ng buhay.

        Sabi ni Gerry, may natural na atraksiyon daw na namamagitan sa pagitan ng tamang lalaki at tamang babae. Chemistry daw ang tawag doon. Kailangan lang na hanapin ng isang lalaki ang babae – o mga babaing – makakatugma niya. Iyong may “right chemistry” sila. Kapag ganoon daw kasi, wala nang kinakailangang mga kumplikadong ritwal ng ligawan. Madali nang magkaunawaan dahil magkatugon na agad ang pagkaakit sa isa’t isa.

        At sa kulturang tulad ng sa Estados Unidos, madali na ang kasunod. Pangkaraniwan na ang mga relasyong kaswal lang, walang pananagutan sa isa’t isa, walang mga pangako para sa hinaharap. Basta’t masaya, enjoy it while it lasts. Kapag wala na ang chemistry, hanggang doon na lang. Walang pikunan. Walang samaan ng loob. Madalas ay nananatiling magkaibigan pa rin pagkatapos ng lahat.

        Iyon na nga yata ang realidad ngayon. Napag-iwanan na siya. At kailangan niyang humabol.

        Sinimulan ni Arman ang mga panlabas na pagbabago sa sarili. Bagong estilo ng buhok. Mga bagong damit.

        Sinubok niya ang nightlife sa Makati. Kahit nag-iisa ay nagbabad siya sa mga music bar at lounge na inirerekomenda ng mga five star hotels sa kanilang mga guests.

        Ang pinuntahan lang niya ay iyong mga lugar na disente. Wala siyang balak na “bumili ng aliw.” Hindi rin siya maaaliw sa ganoon. Mas mananaig ang takot niyang mahawa ng sakit.

        At kahit sa mga pinuntahan niyang bar at lounge ay hindi siya gumawa ng anumang hakbang para makakilala ng babae. Hindi naman kasi siya naghahanap ng babae. Gusto lang niyang maranasan ang tinatawag na nightlife – iyong higit pa sa dati nilang pagkukuwentuhan ni Gerry sa corner deli-cafe sa Fort Lauderdale nang hanggang halos mag-uumaga na.

        Hindi siya naghahanap ng babae. Bakit pa? Kung right chemistry rin lang ang kailangan niyang hanapin ay may natagpuan na siya. Nakasisiguro siyang explosive ang chemistry nila ni Elaine kapag sila ang pinagsama.

        Si Elaine.

        Hindi na siya natahimik magmula nang hagkan siya ni Elaine. Hindi na ito naalis sa kanyang isip.

        Nagi-guilty nga siya noon dahil kahit magkasama sila ni Desiree ay parang naroon sa pagitan nila ang alaala ni Elaine. Parang  lagi niyang naikukumpara si Desiree kay Elaine.

        Hindi lang pala sa hindi siya umiibig kay Desiree. Wala rin talaga silang chemistry ng dati niyang girlfriend. Kahit sa pisikal na antas man lamang.

        Maganda si Desiree. Nitong huling pagkikita nila’y wala na itong ikinaiba kay Elaine sa pangangatawan, bihis, kilos o pananalita. Pero ibang-iba pa rin ang dating nito sa kanya. Ibang-iba naman ang epekto sa kanya ni Elaine.

        Noong hagkan niya si Desiree sa labi sa kauna-unahang pagkakataon pagkatapos ng anim na taon na long distance relationship, wala man lang siyang nadama. Pero iyong sansaglit na paglapat ng mga labi ni Elaine sa mga labi niya ay nakayanig sa kanyang buong pagkatao.

        Ganoon pala iyong tinatawag na chemistry. Mahirap ipaliwanag.

        Basta ang alam niya, iba iyon sa pag-ibig. Hindi iyon pag-ibig. At napapanatag ang kanyang loob sa katotohanang iyon.

        Chemistry ang namamagitan sa kanila ni Elaine.

        Gusto niya si Elaine. Tulad ng kung paano ginugusto ng isang lalaki ang isang babae. At gusto rin siya ni Elaine. Kung paano ginugusto ng isang babae ang isang lalaki. Ganoon na lang niya pasisimplihin ‘yon.

        Ang ganoong atraksyon, konkreto. Hindi abstrakto. Damang-dama niya. May pruweba siya. Hindi niya makalimutan ang sansaglit na pagdidikit ng mga labi nila ni Elaine.

        Noon pa ma’y pasimple nang ipinadarama ni Elaine sa kanya ang atraksiyong iyon. Hindi naman hayagan pero imposibleng hindi niya mapansin. Nagpakamanhid lang siya. Kasi nga’y ginusto niyang maging tapat kay Desiree. Sa abstraktong ideya niya ng pag-ibig.

        Ngayo’y hindi na siya kailangang magpakabait at magpakamaginoo. Wala na siyang susunding mga sinaunang dapat. Tatalikuran na niyang lahat ang mga dapat.

        Kaytagal din niyang iniwasan si Elaine. Babawi siya rito. Hindi na sila kailangang mainggit pa sa masayang relasyon nina Gerry at Gretchen. At sa tagal ng kanilang pinaghintay, malamang ay mahigitan pa nila ang chemistry ng dalawa.

        Kaya naman magmula nang makabalik siya sa Fort Lauderdale ay ganoon na lang ang pananabik ni Arman sa pagdaong ng Carribean Queen. Sa muli nilang pagkikita ni Elaine.

        Pananabik na may kakambal na nerbiyos at kaba. Katakut-takot na nerbiyos at kaba.

        Sa kabila kasi ng kanyang matatapang na plano, ang totoo’y sa tinagal-tagal ng panahong naturingan siya na may girlfriend ay hindi pa niya naranasan ang higit sa halik sa labi na namagitan sa kanila noon ni Elaine, at sa dampi rin ng mga labi nila ni Desiree. Na magkaibang-magkaiba.

        Ngayon lang nagising ang binata sa katotohanang sa edad na 30 ay saka lang niya biglang nadama ang matinding pangangailangang magkaroon ng kaganapan sa bahaging iyon ng buhay niya.  At dahil din lang sa halik ni Elaine.

        A, Elaine, sabi ni Arman sa sarili, marami tayong mga eksperimentong gagawin sa chemistry.

        Nakatunghay siya sa diyaryo pero kaylayu-layo ng inaabot ng paglalayag ng imahinasyon ng binata.

 

KATULAD ng lagi nilang ginagawa, nagsabay na sa iisang cab sina Elaine, Gretchen at Gerry pauwi sa kanilang apartment building. Mas makakatipid na, mas mabilis pa. Tig-isang maleta lang naman ang dala nila.

        Sa barko pa lang ay nanlalamig na ang mga palad at talampakan ni Elaine sa nerbiyos. Habang papalapit ang taxi sa kanilang destinasyon ay pabilis naman nang pabilis ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya malaman kung alin ang mas gusto niyang mangyari – ang patagalin pa ang biyahe o ang makarating na agad sa kinaroroonan ni Arman.

“Tulungan ninyo akong umalalay kay Arman, ha?” hiling ni Gerry habang bumabaling sa kanila ni Gretchen. “Siguradong depressed ang taong iyon ngayon. Wala na kasi siyang ginawa these past years kundi magtrabaho para makapag-ipon – and all for the family he was hoping to have. Kasal talaga ang pinakamimithi niya sa buhay. Sarili niyang pamilya. And he thought he had the perfect woman para makatuwang sa kanyang pangarap. Pagkatapos, ganito.”

        “Kasi naman, he had the wrong woman all along,” sagot ni Gretchen. “Bulag at bingi yata iyang kaibigan mo, e.”

        Biglang siniko ni Elaine si Gretchen. Pasimple lang. Patago.

        Umirap si Gretchen.

        Nangiti naman si Gerry. Hindi nagpahalatang dati na rin namang bistado si Elaine.

        “Ano raw ba ang dahilan ng break-up nila?” tanong ng dalaga sa tonong parang nakikitsismis lang.
        “Ang sabi niya, na-realize daw nila na hindi pala sila in love sa isa’t isa,” natatawang sagot ni Gerry. “Biro n’yo ‘yon? Kung ilang taon na silang magkarelasyon – na ever-faithful sa isa’t isa, ha? – pagkatapos, hindi pala sila in love? Kung bakit naman kasi masyado silang nagpapaniwala diyan sa pag-ibig na iyan, e.”

        “Bakit naman ngayon lang nila na-realize iyon?” nakataas ang isang kilay na tanong ni Gretchen. “At paano nilang na-realize?”

        “Malay ko,” sagot ni Gerry. “Sa phone pa lang naman kami nagkakausap ni Arman.”

        Si Elaine, lalo lang naintriga.

        Lumukso ang puso niya noong marinig na hindi pala in love si Arman sa naging girlfriend nito. Napakalaking bagay niyon para sa kanya. Bawi na ang lahat ng sama ng loob na tiniis niya noon sa matinding pagkainggit at pagseselos. Buhay na buhay na uli ang kanyang pag-asa.

        Parang gusto pa ngang manumbat ng puso niya. Gustong sabihin kay Arman na, “’Ayan, ang yabang mo kasi noon. Iwas ka nang iwas sa akin. Nagpapaka-loyal ka roon sa babaing iyon. Hindi mo naman pala mahal.”

        Pero siyempre, hindi niya masusumbatan si Arman.

        Ngayon pa ba naman niya ito aawayin? Ngayon pang kayliwa-liwanag at kaysaya-saya ng tingin niya sa buong mundo?

        Kahit ano yata ay magagawa niya ngayon para kay Arman.

        Paghinto ng taxi sa tapat ng kanilang tinitirhan ay maliksi na ang kilos ni Elaine sa pag-ibis. Mas nananaig na ang kanyang pananabik na makita ang binata kaysa sa kanyang mga agam-agam.

 

HINDI nagtagal ang pagkainip ni Elaine. Pagpasok pa lamang niya sa lobby ay sinalubong na siya ni Arman.

        Ibang-iba na ito sa Arman na huli niyang nakita.

        Nakangiti ito. Mas maliwanag kaysa sa dating mga pagngiti nito sa kanya. At may kakaibang kinang sa mga mata nito.

        “Hello, Elaine,” sabi nito. “Kumusta na?”

        “E-Eto pa rin,” natatarantang sagot ng dalaga. “Ikaw? Kumusta ka na? Are you all right?”

        “I missed you,” sabi ni Arman na hindi umaalis ang pagkakatitig sa kanya.

        “H-Ha?” hindi makapaniwalang sambit ni Elaine.

        “You gave me a goodbye kiss, remember?” dagdag pa ng binata. “Now where’s my welcome kiss?”

        Natulala si Elaine.

        Si Arman nama’y tuluy-tuloy pa rin ang paglapit sa kanya. Nang magkaharap na sila’y kinabig siya nito sa beywang at hinagod ng hintuturo sa pisngi bago hinagkan sa mga labi.

        Hindi nakahuma ang dalaga. Paano siya tatanggi samantalang iyon mismo ang eksenang kaytagal na niyang pinangarap? Iyong si Arman ang kusang lalapit sa kanya at bigla na lang siyang kakabigin at hahagkan sa mga labi.

        Iyong aangkinin ng binata ang kanyang mga labi na para bang alam na alam nitong ang mga labi niya’y sadyang nakalaan at naghihintay lamang sa mga labi nito.

        Hindi na estranghero sa isa’t isa ang  kanilang mga labi. Pero ibang-iba ang pagtatagpong ito kaysa noon.

        Si Arman ngayon ang may kontrol sa pangyayari. At parang nag-uumapaw ang tiwala nito sa sarili.

        Magmula sa unang dampi ng mga labi nito sa mga labi niya’y kaybilis na nag-init ng halik na iyon. At hindi alam ni Elaine kung paano niya natutunang tumugon nang ganoon sa binata. Kung paanong parang dati nang nakasanayan ng mga labi nila ang ganoong pagtatalik.

        Hilung-hilo siya. Tuliro. Kaya kayhigpit din ng kapit ng kanyang mga kamay sa leeg ni Arman. Nangungunyapit.

        Kapwa na sila naghahabol ng hininga nang napilitang magwalay ang kanilang mga labi.

        Yakap pa rin siya ni Arman. Mabuti na lang. Dahil kapag binitiwan siya nito’y siguradong babagsak si Elaine sa sahig na marmol. Wala nang lakas ang kanyang buong katawan.

        “So you missed me too,” nakangiting sabi ng binata. “I thought so.”

        Napakurap-kurap si Elaine.

        Ang yabang nito, naisip niya.

        Pero masyado pa siyang taranta para isumbat iyon sa kayakap.

        “Akala ko pa naman, dadatnan ka naming mukhang haggard at depressed,” sabi ni Gerry.

        Saka lang tuluyang nagbitiw sina Elaine at Arman.

        Kanina pa pala nakamasid sa kanila sina Gerry at Gretchen. Parehong nakatawa.

        “Ang bilis mong mag-recover, pare,” dagdag pa ni Gerry nang pakantiyaw.

        “Nainip na nga ako sa paghihintay sa inyo, e,” sagot ni Arman nang nakatawa rin. “Kagabi ko pa gustong lumabas. Samahan n’yo ako. Let’s paint the town red.”

        “Ano ito, celebration?” tanong ni Gerry. “Dahil ba nakaligtas ka sa pagpapakasal?”

        “Well, you can put it that way,” tumatawa pa ring sagot ni Arman. “I’m just happy to be alive and free.”

        “So let’s celebrate!” masayang sang-ayon ni Gretchen. “Aba, ngayon ka lang namin makakasama sa paglabas, Arman. Tatanggi ba naman kami? Right, Elaine?”

        Tumingin kay Elaine ang lahat, lalo na si Arman.

        “H-ha? E... oo... of course,” nauutal pang sagot niya.

        “Come on, magpahinga na kayo,” sabi ni Arman. “Siguro naman we can all be ready by seven. Dinner will be my treat. Pagkatapos, bahala na kung ano ang maisipan nating gawin.”

        “Welcome to the human race, pare,” tumatawang sabi ni Gerry. “Finally, naging tao ka na rin.”

        Kinuha naman ni Arman ang maleta ni Elaine bago siya hinatak sa kamay patungo sa elevator.

        Sumunod ang dalaga kahit nagugulumihanan pa sa lahat ng mga naganap.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento