FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 8
HINDI
siya makapaniwala. Si Arman, naglalasing dahil sa kanya? Nagseselos kay Lance?
Nahihirapan ang loob dahil hindi maialok sa kanya ang iniaalok ni Lance?
Alam ni Elaine na dapat siyang matuwa.
Dapat siyang magsaya. Hindi nga ba’t iyon mismo ang hangad niyang mangyari? Ang
ipadama kay Arman ang sakit ng pagkabigo?
Pero bakit sa halip na masiyahan ay lalo
pang bumigat ang dibdib niya sa sama ng loob?
Bakit ngayong nalaman niyang nagdurusa
si Arman ay nasasaktan din siya?
Hindi pala niya kayang pahirapan ang
binata. Ganoon pala niya kamahal si Arman.
May nabuong pasya sa puso ni Elaine.
Pabalik siya sa kanyang silid nang maharang
ni Gretchen. Ngayong nakapaligo na siya’t nakapagbihis na muli ay kailangan pa
rin niyang puntahan ang usapan nila nina Lance, Emma at Luis na magsasalo sa
hapunan.
Masaya ang mag-anak nang datnan niya sa
mesa. Pero napansin ng mga ito na may lambong ng kalungkutan ang kanyang mukha.
“Don’t be sad, dear,” sabi ni Emma.
“Huling gabi na nga natin itong magkakasama sa cruise na ito. Pero, I’m sure,
hindi ito ang huli nating pagsasalu-salo. We’re going to share a lot more
happier times ahead.”
“Let’s drink to that,” pagsesegundo ni
Luis.
Hindi tuloy maatim ni Elaine na sumalungat.
Nakisama siya sa pagsasaya ng mag-anak.
Pero nang matapos ang hapunan ay lihim siyang nagpasalamat. Mahirap kasi
talagang magpanggap na masaya habang nagsisikip ang dibdib.
“How about a walk on deck?” anyaya ni
Lance. “Gusto ko yata ng mga huling tanaw sa dagat by moonlight bago tayo
dumaong bukas.”
“Sige,” mabilis na sang-ayon ng dalaga.
Makahulugan naman ang pagngiti sa kanila
ng mag-asawang matanda sa kanilang pag-alis. Halatang may inaasahang
mapagkakasunduan nila.
Iginiya siya ni Lance patungo sa isang
dulo ng deck kung saan walang ibang taong nagpapahangin. Sumama naman si Elaine.
At inunahan na niya ang binata sa
pagsasalita.
“Lance, kailangan nating mag-usap.”
“Dapat na nga,” nakangiting sagot nito.
“Kailangan kong malaman kung saan ka pupuntahan after tomorrow. Ni hindi ko pa
nakukuha ang address mo at phone number.”
Umiling si Elaine.
“Hindi pa iyon...” sabi niya.
“Of course,” mabilis na salo ni Lance.
“There are also other more important things to formalize.”
Lalo namang nagpakailing-iling ang
dalaga.
“No, Lance,” paglilinaw niya. “You’re getting
it all wrong. I’m sorry. Hindi ko sinasadyang papaniwalain ka na may
patutunguhan pa tayo pagkatapos nito.”
“W-what do you mean?” kinakabahang
tanong ng doktor pagkaraan ng saglit na pagkatigagal.
“I can’t see you again, Lance,” pahayag
ni Elaine. “It wouldn’t be fair to you.”
“Pero bakit?” naguguluhang usisa ng
binata.
“Dahil wala akong maipapangako sa iyo,”
pagtatapat niya. “Totoo ang sinabi ko sa iyo na wala akong boyfriend. But also,
I’ve been in love with someone for the past three years. At kahit wala kaming
kaugnayan sa isa’t isa, I realized that I’m still in love with him – no matter
how foolish that seems.”
Napakagat-labi siya pagkasabi niyon.
Paano’y gusto na niyang humagulgol ng iyak.
“Is he the guy you danced for on that
first night of the cruise?” kalmadong tanong ni Lance.
Nagulat si Elaine.
“P-paanong...?”
Bago siya nakatapos ay malungkot na
sumabad ang binata.
“Nakita ko siya,” sabi nito. “The way he
looked at you. The way you reacted to him. Noon pa, naramdaman ko nang may
koneksiyon kayo sa isa’t isa. Nahulaan ko nang para sa kanya ang pagsayaw mong
iyon. Hindi ko lang maintindihan noon kung bakit ganoon ang tensiyon sa pagitan
ninyo. Hinihintay ko ngang harangan niya ang panliligaw ko sa iyo. Pero noong
hindi ko na siya nakita uli, binura ko na siya sa isip ko. I was hoping he was
perhaps your ex at tapos na sa inyo ang lahat.”
“He’s not my ex kasi never naman kaming
nagkarelasyon,” paliwanag ni Elaine na may pait sa tinig. “He’s not in love
with me. He just doesn’t want anyone else to have me. Ako lang ang may feelings
for him at pilit kong dine-deny sa aking sarili ang katotohanan. I was enjoying
your company – hindi pagkukunwari iyon. Pero, in a way, ginamit ko ang
pagsasaya natin para makalimot. Kaso, panandaliang pagkalimot lang pala iyon.
At naidamay pa kita, pati parents mo.”
“I truly enjoyed your company, too,
Elaine,” sabi ni Lance. “Ganoon din sina Mommy at Daddy. Hindi namin
pagsisisihan na nakasama ka namin these past few days. You brought us nothing
but joy.”
Umiling ang dalaga.
“Wala akong karapatang paasahin kayo,”
pagsisisi niya. “I’m sorry about that, Lance. Dapat sana, sa simula pa lang,
nagtapat na ako sa iyo at sa parents mo.”
“Nasasaktan ka sa sitwasyon ninyo ng
lalaking iyon, Elaine,” sabi ng binata. “I can feel your pain. Naiintindihan ko
kung bakit sumakay ka nang panandalian sa matchmaking nina Mommy. Kung bakit sumilong
ka nang sandali sa panunuyo ko sa iyo. You needed that. At kasiyahan ko nang
nakatulong ako ng kahit paano para kahit man lang sa kaunting panahong iyon ay
maibsan ang paghihirap mo. I only wish I could do more to ease your pain.”
Napatingin siya kay Lance. Puno ng
paghanga at panghihinayang.
“Alam mo ba, you’re too good to be
true,” sabi niya. “Kaya nga gustung-gusto ko sanang ma-in love sa iyo. Akala
ko, madali nang gawin iyon dahil hangang-hanga na ako sa iyo sa lahat ng bagay.
You’re everything any woman could ever ask for in a man. Ang tanga-tanga lang
talaga ng puso ko, Lance.”
Tuluyan nang nangilid ang kanyang mga
luha. Para sa pinakakawalan niyang pagkakataon sa piling ng ulirang lalaking ito. Para sa damdamin
nitong hindi niya sinasadyang saktan.
Para rin sa sarili niyang damdaming
sugatan. Para sa puso niyang patuloy na naghahangad ng hindi naman nito
kailanman makakamtan.
Hinawakan siya ni Lance sa magkabilang
pisngi. Pinahid ng mga daliri nito ang kanyang mga luha.
“Huwag mo akong iyakan,” nang-aalong
sabi nito. “Huwag mo akong kaawaan.”
“Tayong dalawa ang iniiyakan ko,” sagot
ni Elaine. “Pareho lang tayong nasasaktan. Hindi rin niya ako mahal. Hindi siya
naniniwala sa pag-ibig. Nasaktan na kasi siya.”
“He’s a fool,” mariing bigkas ni Lance.
“Mali ang leksiyong natutunan niya sa karanasan niyang iyon.”
“It’s like a never-ending circle of tragedy
and pain,” pabuntonghiningang himutok ni Elaine. “Pare-pareho tayong
nasasaktan.”
“I love you, Elaine,” pahayag ng binata.
Umiling siya.
“Not yet,” sabi niya. “Isang linggo pa
lang tayong nagkakasama. Papausbong pa lang iyang damdamin mong iyan. It’s not
really love yet. Alam kong mahirap na ring kitlin pero kakayanin pa. Magagawa
mo pa. Kaya nga hindi na tayo dapat magkita pang muli. Just get on with your
life, Lance. And be happy.”
“Paano ka?” tanong ng binata.
“Ewan ko,” iling niya. “But don’t worry
about me. Ipinapangako ko sa iyo, gaano man ako masaktan, I won’t end up bitter
and cynical. Hindi mamamatay ang pananalig ko sa pag-ibig. Mas gugustuhin ko
pang magdusa kaysa maging manhid.”
Tumango si Lance.
“We’re two of a kind,” sabi nito. “Alam
mo kung saan mo ako matatagpuan sakaling mangailangan ka ng karamay. Even just
as a friend. You know the hospital I work for. I’ll always be here for you.”
“Thank you, Lance,” tango niya.
Umagos nang panibago ang kanyang mga luha.
Dahil alam niyang sa kabila ng mga salitang iyon ay hindi na sila muling
magkikita kailanman. Hindi na niya muling gagambalain ang dakilang lalaking ito
para muling saktan ang damdamin.
“H-hindi ko alam kung paano akong magpapaliwanag
at magpapaalam kina Mommy Emma at Daddy Luis,” pagtatapat niya. “Hiyang-hiya
ako sa kanila.”
“Huwag mong problemahin iyon,” sagot ni
Lance. “I’ll explain everything to them. I’m sure they’ll understand.”
“Hindi na siguro ako magpapakita
bukas...” sabi ni Elaine.
Saglit na napikit si Lance. Parang may
tinitiis na sakit.
“Okay...” marahang sambit nito
pagkaraka. “This is goodbye then.”
Ang bigat-bigat din ng loob ni Elaine.
Kusa na siyang yumakap sa kaibigan.
“I’ll
miss you, Lance,” hikbi niya. “Hinding-hindi kita makakalimutan.
Maraming-maraming salamat. Sa iyong kabutihan. Sa iyong understanding. Sa
lahat-lahat.”
Mahigpit din siyang niyakap ng binatang
doktor – sa una at huling pagkakataon.
“I will always remember you, Elaine,”
bulong ni Lance. “Even if the memory will hurt. Any pain would be better than
forgetting.”
Nang hindi na siguro nito makayanan ang
emosyon, bigla na lamang siya nitong binitiwan at halos patakbong iniwan.
Naunawaan naman iyon ni Elaine.
Humarap na lamang siya sa karagatan at
tuluyan nang nanangis.
SA
kabilang bahagi ng deck, sa isang madilim na sulok, ay nagmamasid si Arman.
Tahimik. Nakatiim-bagang.
Kanina pa siya naroon.
Naging gawi na niyang magdala ng isang
bote ng alak sa sulok na iyon at uminom nang uminom sa pag-asang mabablanko niya
ang kanyang isip at pakiramdam. Pero sa gabi-gabing ginagawa niya iyon ay
parang mas lalo lang nagiging sensitibo ang kanyang damdamin. Mas lalong
umiigting ang nadarama niyang sakit sa dibdib.
Pinakamatinding dagok iyong makita niya
kaninang lumabas sina Elaine at Lance nang magkasama.
Bakit nga ba dumadako ang isang lalaki
at isang babae sa ilang at madilim na bahagi ng deck ng cruise ship? Wala na
siyang maisip na iba pang dahilan.
Kanina pa gustong sumugod ni Arman.
Magwala. Manuntok. Manakit na tulad ng kung paano siya nasasaktan.
Pero ano ang karapatan niyang gawin
iyon?
Natigilan na lamang siya. At sa halip na
umalis o tumalikod man lang para masagip ang sarili sa karagdagang pagdurusa ay
nanatili siyang nakamasid sa dalawa.
Hindi niya marinig ang pag-uusap ng mga
ito pero nakikita niya ang madamdaming ekspresyon sa mukha ng bawat isa. Kung
paanong tumitig si Elaine kay Lance na puno ng paghanga.
Para iyong punyal na tumurok sa puso
niya. Direkta ang tama. Malalim. Napakasakit.
At nang bihagin ng doktor sa mga palad
ang mukha ni Elaine, gusto na niyang isigaw hanggang sa kalangitan ang kanyang
pagtutol.
Hindi siya makapaniwalang hindi hinagkan
ni Lance ang dalaga. Dahil kung siya ang naroon sa tabi ni Elaine ay iyon ang
tiyak niyang gagawin. Hindi niya mapipigil ang sariling hagkan ang matatamis na
mga labing iyon.
Pero nagyakap ang dalawa. Mahigpit.
Para siyang mamamatay habang nakatulala.
Nagulat na lamang siya nang biglang iwan
ni Lance si Elaine. At nakita niyang humahagulgol ang dalaga.
Ano’ng nangyari? Bakit ganoon? Hindi niya
maintindihan.
Pero ang sumulak na emosyon sa kanya ay
galit.
Walanghiyang lalaking iyon! Pinaiyak si
Elaine.
Kumilos na si Arman. Hindi niya ito
palalampasin.
“ELAINE!”
Marahas ang tinig. Paos. Garalgal.
Galit.
Pero kilalang-kilala niya.
Nagtaas ng mukha ang dalaga.
“Arman?” gulat na sambit niya.
Papalapit sa kanya ang binata. Lukot ang
suot. Wala sa ayos ang buhok. Amoy-alak. Pero diretso pa rin naman ang lakad.
Iyon nga lang, nag-aapoy sa galit ang mga mata. Parang handang manakit ng tao.
Alam niyang dapat siyang matakot, pero
hindi siya kailanman matatakot sa lalaking ito.
“Arman...” sabi lang niya uli.
“Umiiyak ka,” pang-uusig nito. “Pinaiyak
ka niya. Papatayin ko siya.”
Nanlaki ang mga mata ni Elaine.
“Arman, no!” mabilis na awat niya, sabay
harang sa harap ng binata. “Walang kasalanan si Lance. Hindi siya ang nagpaiyak
sa akin.”
“Ipinagtatanggol mo pa siya,” sumbat ng
binata.
Pero hindi na lamang galit ang nasa mga
mata nito. May kasabay nang paghihinanakit.
“Sinasabi ko lang ang totoo,” giit ni
Elaine. “Hindi naman siya ang dahilan nitong pag-iyak ko.”
“Kitang-kita ko kayo!” sumbat ni Arman.
Nabuhay na rin ang galit ni Elaine.
“E di dapat ay alam mo,” sagot niya.
“That was goodbye, Arman. Ako ang pumutol sa anumang maaari pang maging ugnayan
namin. At umiiyak ako dahil nanghihinayang ako na mawala sa buhay ko ang isang taong
tulad niya – and all because I couldn’t love him. Gusto ko siyang mahalin pero
hindi ko matutunan. At kasalanan mo. Dahil kahit na ano ang gawin ko, mahal pa
rin kita. And you don’t even deserve it!”
Pahagulgol na ang kanyang pagsasalita.
Umiiyak na siya nang hayagan.
“Elaine...!”
Niyakap siya ni Arman. Mahigpit.
Pero sinasangga niya ito ng kanyang mga
braso. Binabayo niya ng kanyang mga kamao ang dibdib ng binata.
“I should hate you!” mariing sumbat niya
rito. “Ayokong mahalin ka. Ayoko na. Ayoko na.”
“Elaine...” awat pa rin ng binata.
Hindi siya binibitiwan nito. Tinatanggap
lang ang kanyang pananakit. Hanggang sa mapagod na siya. Naubos na ang kanyang
lakas. Nasaid na ang kanyang mga luha. Namaos na rin ang kanyang boses.
At wala siyang nagawa kundi ang sumandal
nang ganap sa dibdib ni Arman.
“I’m sorry, Elaine,” bulong nito habang
hinahagod ang likod niya at hinahaplos ang buhok niya. “I’m sorry.”
“Naiintindihan na kita,” mahinang sagot
ng dalaga. “Iyon nga ang mas masakit, e. Alam ko na ngayon how you feel. Hindi
mo mapilit ang sarili mo na mahalin ako, tulad ng hindi ko mapilit ang sarili
kong mahalin si Lance. Alam ko na rin kung bakit ka naglalasing. Masakit din sa
iyo na biguin ako, tulad ng kung paano ako nasasaktan sa pagtanggi ko kay
Lance. At pareho lang tayong walang magagawa. Hindi talaga natuturuan ang puso.”
Pakiramdam ng dalaga ay talunang-talunan
siya. Hindi na niya kayang lumaban pa.
Pero sa harap ng pagkabigo, may natitira
pa siyang kanlungan. Ang mga bisig ni Arman.
Damang-dama niya ngayon kung gaano
kasarap ang mayakap ng lalaking kanyang pinakamamahal. Ang humimlay sa dibdib
nito. Ang tumanggap ng mga masuyong hagod at haplos ng mga kamay nito.
Ito ang kanyang pinapangarap. Ang
kanyang hinahanap-hanap araw at gabi. Ang kanyang ipinagkakait sa kanyang
sarili.
Kung maaari lang, ayaw na muna niyang
umalis sa yakap ni Arman.
Kahit sandali, kahit minsan lang, dito
na muna siya. Hindi na mag-iisip ng kung ano pa man. Pagpapahingahin lang niya
ang kanyang hapong isip. Pagbibigyan ang kanyang naghihirap na damdamin.
Huminga nang malalim si Elaine. Nilanghap
ang natatanging bango ng kayakap.
Kasunod niyon ay kusa nang yumakap ang
kanyang mga braso sa leeg ng binata. Kumabig. Tiningala niya ito.
“Arman...” daing niya.
Sinalubong siya ng nag-aalab pa rin
nitong mga mata. Puno ng paghihirap, pero may kimkim na pag-asa. Nagtatanong.
Nangusap ang mga mata ng dalaga.
Nagpahatid ng kahilingan. Pagkatapos ay pumikit na lamang siya. Naghintay.
Hindi na siya pinaghintay ni Arman nang
matagal. Agad nang nilukob ng bibig nito ang kanyang mga labi. Nagmamadali. Parang
naghahabol ng mga nasayang na panahon.
A, kaytagal niyang hinintay na maulit
ang mga sandaling ito. Ang muling mahagkan ni Arman. Ang madama kung pano siya
nito pinananabikan.
Ninanamnam ni Elaine ang bawat
sensasyon. Ang unti-unting paggapang ng init sa kanyang buong katawan. Ang
muling pagbangon ng isang makapangyarihang pangangailangan mula sa kaibuturan
ng kanyang pagkatao.
Siya ang pumutol sa kanilang
pinagsasaluhang halik. Pero para lang muling humiling kay Arman.
“Make love to me, Arman.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento