FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
“NOONG
kinumpronta ko siya sa Kamayan, handa na talaga sana akong makipag-showdown,”
pagkukuwento ni Desiree kay Brad sa coffee break nila kinabukasan. “Bahala na.”
“Mabuti na lang, nabaling ang sitwasyon
sa pagkakaayos ninyo,” sabi ni Brad.
“Naisip ko rin kasing obligasyon kong
bigyan ng pagkakataon ang relasyon namin,” sagot ng dalaga. “At least, hindi ko
masisisi ang sarili ko anuman ang mangyari. Masasabi ko honestly na ginawa ko
ang lahat para sagipin ang aming pinagsamahan.”
“Basta gawin mo kung ano ang inaakala
mong makapagpapaligaya sa iyo,” sabi ni Brad.
“Ang totoo niyan, hindi pa rin ako
sigurado kung ito na nga ba iyon,” sagot ni Desiree. “Pero ang katwiran ko
naman, mas madaling makipagkalas kaysa muling magbuo ng relasyon. Kaya hangga’t
hindi ko nasisiguro nang one hundred percent na ayoko na talaga, I’ll hold on
to this relationship.”
“Paano kung kasal na kayo at saka mo
mapatunayan sa sarili mong ayaw mo na pala?” tanong ni Brad.
“Siyempre hindi naman ako magpapakasal
sa kanya hangga’t hindi nga ako nakasisiguro sa sarili ko, ano?” sagot naman ng
dalaga. “Ibang usapan na iyon.”
“Mabuti naman,” sabi ni Brad na saka pa
lamang nakahinga nang maluwag.
PINANINDIGAN ni
Desiree ang kanyang desisyon. Magmula sa araw na iyon, lagi na silang magkasama
ni Arman pagkatapos ng trabaho. Sinunsundo siya nito sa opisina.
Kung bakit naman laging hindi nag-aabot
sina Arman at Brad. Laging may dahilan si Brad para umalis bago pa man dumating
si Arman. Ganoon na lang ang panghihinayang ni Desiree.
Martes, nagyaya si Arman.
“Kumain tayo sa labas at manood ng sine sa
Megamall.”
“Sige,” sagot ng dalaga. “Gusto ko yata
ngayon ng pasta. Sa Angelino’s na tayo kumain. Okay lang sa iyo?”
“Fine with me,” tango ni Arman.
Pero pagkatapos ng hapunan ay hindi na
nila mapagkasunduan ang panonooring pelikula.
“May bagong movie si Van Damme,” sabi ni
Arman. “Doon tayo.”
“Ay, ayoko ng ganoon,” tanggi ni
Desiree. “Masyadong violent. Ninenerbiyos ako sa ganoon. Ang gusto ko, comedy.
Iyong kay Jim Carrey.”
“Gusto mo iyon?” hindi makapaniwalang
sabi ng binata. “Nakokornihan ako ro’n, e.”
“E di iba na lang,” matabang na sagot ni
Desiree. “Iyong hindi violent at hindi ka makokornihan.”
Nauwi sila sa drama. Pero hindi rin nila
pareho nagustuhan. Inantok lang sila.
Iniisip ni Desiree, mas mabuti pa kung
si Brad ang kasama niya sa panonood ng sine. Magkasundung-magkasundo sila.
Siguradong parehong nag-e-enjoy.
Miyerkules, iba naman ang naisip ni
Arman.
“Mag-ballroom dancing tayo.”
“Ano?” natatawang sagot ni Desiree.
“Marunong ka ba no’n?”
“Of course,” may pagmamalaking sabi ni
Arman. “Gabi-gabing may ballroom dancing sa barko.”
“Mga retirees at senior citizens kasi
ang karamihan sa mga pasahero ninyo,” tumatawa pa ring sabi ng dalaga. “Pangmatanda
ang ballroom dancing na iyan, e. Para sa mga matronang nalulungkot at nakikipaghapi-hapi
sa mga D.I.”
“Hindi naman ganoon,” pahumindig na
tanggi ni Arman. “Kahit mga kabataan ngayon, marunong mag-appreciate ng
ballroom dancing. It’s an elegant art form, bukod pa sa mahusay na ehersisyo.”
Nahimasmasan si Desiree. Hindi niya
akalaing ganoon pala kaseryoso ang kanyang boyfriend sa ballroom dancing. Bigla
niyang itinigil ang kanyang pagtatawa.
“I’m sorry,” seryoso nang bawi niya.
“Pero hindi ako marunong niyon.”
“Tuturuan kita,” entusiyastikong sagot
ni Arman. “You only have to start doing it and you’ll surely get hooked.”
Hindi na nasabi ng dalaga na wala talaga
siyang kahilig-hilig sa kahit na anong uri ng pagsasayaw. Pinagbigyan na rin
niya ito.
Nagtuloy sila sa Rendezvous, isang club
sa Makati na kilala sa ballroom dancing.
“Mag-light dinner lang tayo para magaan
ang katawan natin sa pagsayaw mamaya,” sabi ni Arman.
Sumunod naman si Desiree.
Soup at salad lang ang kinain nila.
Pagkatapos, kape – para raw mabilis silang matunawan at magkaroon pa ng
enerhiyang magsayaw.
Pagkaraan ng sandaling pahinga, niyaya
na siya ng binata.
“Shall we start?”
Kinakabahang ibinigay ni Desiree ang
kanyang kamay sa boyfriend.
Nagsimula silang magturuan sa cha-cha
dahil isa raw iyon sa pinamakadaling matutunan.
Pero inabot na sila ng maghahatinggabi
ay hindi pa rin makuha-kuha ni Desiree ang tamang steps ng sayaw na iyon.
“Again,” sabi ni Arman sa mahigit na
limampung ulit na yata.
“Ayoko na,” sagot ng dalaga.
“Break na naman?” tanong ni Arman.
“Kabi-break lang natin a. Paano ka matututo niyan?”
“Hindi ako humihingi ng pahinga,”
paglilinaw ni Desiree. “I mean ayoko na talaga. Umuwi na tayo. Puwede ba? Hopeless
na matuto ako nito dahil wala naman akong kainte-interes na matuto ng letseng
sayaw na ito.”
Sa tindi ng inis niya ay napalakas yata
ang huling tinuran ng dalaga. Nagtinginan tuloy ang mga katabi nila.
Namula si Arman.
“Okay, let’s go,” sagot nito, sabay giya
sa kanya paalis sa dance floor.
Nagbayad lang ang binata. Pagkatapos ay
tuluy-tuloy na silang lumabas ng club.
“Sana sinabi mo agad na wala kang interes
na matutong magsayaw,” halatang galit na sabi nito habang minamaneho ang kotse
niya pauwi.
Isa pa nga pala iyon sa mga bagay na
isinuko ni Desiree – na kapag magkasama sila ay ito ang nagmamaneho ng kotse
niya.
“Hindi ko na sinabi para mapagbigyan
kita sa gusto mo,” pagtatapat ng dalaga.
“Dapat pa pala akong magpasalamat,”
pauyam na sabi ni Arman. “Desiree, puwede ba, huwag mo na lang akong
pagbibigyan kung ganyang tutol na tutol naman pala ang loob mo. I don’t appreciate
it, okay? Nakakainsulto lang lalo, e.”
“Okay,” matigas ding sagot niya. “Mabuti
nga’t maliwanag na iyan. Hindi na ako magpapakamartir uli.”
Wala na silang kibuan hanggang
makarating sa apartelle.
Kapag lumalabas kasi sila nang ganoon,
kailangang una munang idaan si Arman sa apartelle para maiuwi ni Desiree ang
kanyang kotse.
Bago umibis si Arman ay ito na ang unang
nakipagbati.
“I’m sorry, Des,” sabi nitong bumabaling
sa sa kanya. “I did it again. Uminit na naman ang ulo ko. I’m sorry. I realize
now that you were just trying to accommodate me. Binabawi ko ang sinabi ko
kanina. I appreciate what you tried to do. I really do. Pero ayoko rin namang
pilitin ka sa mga bagay na ayaw mo. Kaya huwag kang mag-aatubiling magsabi sa
akin. Hindi kita ipi-pressure na magustuhan ang lahat ng mga bagay na gusto
ko.”
“Fair enough,” nakangiti na ring tango
ni Desiree. “I’ll remember that. At sorry rin sa outburst ko kanina.”
“No problem,” sagot ni Arman. “Bati na
tayo?”
“Bati na tayo,” natatawang sang-ayon ng
dalaga.
“Di tuloy ang foursome natin nina
Winston at Nenet bukas?” paniniguro ni Arman.
“Sure,” sagot ng dalaga.
Kina Winston nagmula ang imbitasyon para
sa lakad na iyon. Bahala raw ang mag-asawa sa pagdadalhan sa kanila.
Kahit hindi naging maganda ang kanilang
gabi, masaya na rin si Desiree habang nagmamaneho nang mag-isa pauwi. Iniisip
kasi niya na sa kabila ng kanilang mga pagkakaiba ni Arman ay nagagawa na rin
nilang ayusin ang kanilang mga di-pagkakaintindihan bago tuluyang lumala ang
mga ito.
At umaasa siyang mas magiging maayos ang
susunod nilang paglabas.
Pero hindi pa rin ganoon ang nangyari.
Sa karaoke bar kasi sila dinala nina
Winston at Nenet. Hilig iyon ng mag-asawa palibhasa’y parehong magagaling
kumanta.
Nagulat si Arman.
“Ano’ng gagawin natin dito?” tanong nito.
“Di magkakantahan,” sagot ni Winston.
“Don’t worry, soundproof naman itong private room na ito. Tayong apat lang ang
magkakarinigan. Puwede tayong magwala.”
Natawa si Desiree. Paano’y alam niyang
talagang “nagwawala” sina Winston at Nenet kapag nasa ganoong lugar. Lumalabas
ang lahat ng frustrations ng mga ito na maging “total performer.”
Siya naman, kahit hindi mahilig kumanta ay
nakakasabay nang kahit paano sa kapatid at hipag. May itinatago rin naman siyang
boses.
Na wala pala kay Arman. Kaya pala tigas
na katatanggi nito sa pagpupumilit nila.
Hanggang sa halos magbanta na si
Winston.
“Bayaw, huwag mo naman kaming hiyain. Para
ka namang ibang tao niyan, e.”
Nakatatlong bote na ito ng beer at
halatang malapit nang mapikon sa katatanggi ni Arman.
“Pagbigyan mo na kasi,” bulong ni
Desiree sa boyfriend niya. “Duet na lang tayo kung gusto mo.”
Napilitan ang binata.
Ito na ang pinapili nila ng kakantahin.
Karamihan naman sa mga naroon ay hindi nito alam.
Sa wakas, may nakilala rin si Arman. Love Me Tender ni Elvis Presley.
“Wow,” sabi ni Desiree. “I love that
song.”
Pero nang kumanta na si Arman ay
nadismaya siya.
Wala pala talaga sa tono ang binata.
Malayung-malayo sa nota. Pumipiyok pa. At lalong naging kapansin-pansin iyon
kasabay ng pagkanta ni Desiree nang nasa tono. Sinisimplehan na nga niya nang
husto ang pagkanta.
Nawala yatang bigla ang pagka-tipsy ni
Winston. Hindi makakibo ang mag-asawa.
Si Arman din mismo ay hindi nakatagal.
“Ayoko na,” sabi nito bago pa
nakapangalahati sa kanta. “Sinabi ko naman sa inyo na hindi ako marunong, e.”
“Okay na iyon,” salo ni Winston. “Okay
ka, bayaw. Game ka.”
Pumalakpak naman nang pumalakpak si
Nenet.
“Yehey!” sabi nito. “That’s the spirit.
Katuwaan lang naman ito, e.”
“Oo nga,” sang-ayon ni Desiree.
Pero halata nilang lahat na napahiya
nang malalim si Arman. Kahit kunwa’y nakikisaya pa rin ito sa kanila ay
dinamdam nito ang pangyayari.
Hindi tuloy nagtagal at nagkayayaan na
silang umuwi.
Sa pagkakataong iyon, inuna munang
ihatid si Desiree. Maaari naman kasing ihatid nina Winston si Arman sakay ng
kotse ng mag-asawa.
Pero patungo kina Desiree ay si Arman
muna ang nagmaneho ng kotse ng dalaga.
“Paano, bukas na magsisimula ang
three-day training seminar namin sa Tagaytay,” paalala ni Desiree bago sila
naghiwalay. “Sa Monday na uli tayo magkikita.”
“Okay,” sagot ni Arman. “Take care.”
“Ikaw rin,” sabi niya.
Maganda naman ang kanilang paghihiwalay
kahit nadarama pa rin ni Desiree ang kimkim na tensiyon ng binata.
Ang dalaga nama’y lihim ding
nagpapasalamat na magkakaroon siya ng tatlong araw na pahinga sa pakikisama sa kanyang
boyfriend. Napapagod na rin kasi siya sa kanilang pag-a-adjust sa isa’t isa.
KASAMA ni
Desiree si Brad sa tatlong araw at dalawang gabi na live-in seminar sa
Tagaytay. Gagawin iyon sa isang pribadong bahay na sadyang pinauupahan sa
ganoong mga pagtitipon.
“Sigurad ka bang sasama ka sa schedule
na ito?” tanong ni Brad nang magkita sila nang Biyernes ng umaga sa opisina.
“Puwede pa nating pakiusapan si Joey na makipagpalit sa iyo. Alam mo naman
iyon, laging naghahanap ng overtime.”
“Nakita mo nang dala ko ang luggage ko,
e,” sagot ni Desiree. “Handang-handa na akong sumama.”
“E paano si Arman?” tanong ni Brad.
“Sayang din iyong tatlong araw na mawawala sa bakasyon niya rito. Na hindi kayo
magkakasama.”
“Puwede ba, siya nga mismo ang dahilan
kung bakit kailangan ko munang lumayo, ano?” pahayag ng dalaga. “I need a
break.”
Hindi na muna kumibo si Brad.
Nararamdaman na ng binata na malalim ang
tinutukoy ng kaibigan. At nangangailangan iyon ng mas masinsinang pag-uusap.
Sisiguruhin na lamang niyang magkakaroon sila ng pagkakataong makapag-usap nang
seryoso sa Tagaytay.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)