FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
HINDI sanay uminom
si Brad, beer man o hard drinks. Paminsan-minsan, napipilitan lang siyang
makibagay sa mga dinadaluhang kasayahan. At kahit sa mga pagkakataong iyon,
hanggang isang bote lang ng beer o isang shot lang ng anumang alak ang kaya
niya.
Pero nitong gabing ito ng Sabado,
umiinom si Brad nang mag-isa sa komedor ng bungalow nila sa Project 8.
Nag-iisa talaga ang binata sa bahay na
iyon na ipinundar ng kanyang mga magulang. Dadalawa kasi silang magkapatid at
ang mas nakababatang si Bliss ay nakapag-asawa na’t nakatira sa States. Sumunod
na rin doon ang kanilang Papang at Mamang para tumulong sa pag-aalaga sa
dumaraming mga apo na kailan lang ay nadagdagan ng pang-apat.
Dahil maliit lang naman ang three bedroom
bungalow nila, hindi na kumuha si Brad ng katulong sa bahay. Kaya na niyang mintinahin
iyon at pangalagaan ang kanyang sarili. Sanay siyang maglinis ng bahay,
magluto, maglaba sa washing machine at mamalantsa. Nahiyang na rin siya sa pamumuhay
nang mag-isa.
Sa tipo ng trabaho niya, madalas din
naman siyang wala sa bahay. Halos linggu-linggo ay may mga training seminar
silang inilulunsad na umookupa maging sa kanyang mga weekend. Isa nga lang ito
sa mga bakante niyang Sabado.
Kung bakit naman kasi nabakante pa siya
ngayon. Sana’y nagka-schedule na lang siya. Di sana’y may napagbabalingan
siyang trabaho. Hindi iyong ganitong parang mababaliw siya sa sama ng loob.
Paano namang hindi siya magkakaganito?
Alam niyang kaninang hapon pa dumating si Arman, ang boyfriend na
pinakahihintay ni Desiree. At sa nagdaang ilang oras ay siguradong maligayang-maligaya
ang dalawa sa kanilang reunion.
Ang sakit. Ang sakit-sakit.
Ilang taon na siyang ganito – lihim na
umiibig sa kanyang pinakamatalik na kaibigan. At hindi niya talaga makasanayan
ang sakit na dala ng kaalamang iba naman ang iniibig ni Desiree at hindi siya.
Unang araw lang ng unang taon nila sa UP
ay napansin na niya ang maganda at maamong dalaga. Pero sa buong taong iyon ay
natorpe siya. Hindi niya ito nagawang lapitan. Hanggang patingin-tingin lang
siya.
Mga sophomore na sila nang magkaroon
siya ng pagkakataon – nang suwertehin siyang maging kapareha ni Desiree sa
kanilang class project sa Sociology. Doon sila naging mabuting magkaibigan.
Ang masaklap lang, nalaman din niya noon
na nagka-boyfriend na si Desiree nang nagdaang summer vacation.
Ganoon na lang ang kanyang
panghihinayang. Galit na galit siya sa kanyang sarili. Kung tutuusin ay una
niyang nakilala ang dalaga. Binigyan na siya ng kapalaran ng isang buong taon
para kumilos. Pero sinayang niya ang pagkakataong iyon.
Gayunpaman, hindi siya pinanghinaan ng
loob. Nangako siya sa kanyang sarili na matiyaga siyang maghihintay ng
panibagong pagkakataon. At kapag dumating iyon ay hinding-hindi na niya palalampasin
pa. Hindi na niya hahayaang makawala si Desiree.
Ang katwiran niya, hindi pa naman kasal
ang dalaga. Boyfriend pa lang naman iyon. Marami pang maaaring mangyari. Ang
babata pa nila. Malaki ang posibilidad na magkahiwalay pa rin ang dalawa, lalo
pa’t nalaman niyang nasa Boracay si Arman. At kapag nangyari iyon ay kailangang
naroon siya sa tabi ni Desiree.
Maingat na inalagaan ni Brad ang
pagkakaibigan nila ng dalaga. Nagpakamaginoo siya. Itinago niya ang lahat ng
senyales ng tunay niyang nadarama. Ayaw
niya kasing mailang o mangamba ito sa kanya.
Noong nalaman niyang nagpunta sa Saudi
si Arman ay lalo siyang natuwa. Mas malaki na ang posibilidad na magkasira ang
dalawa. Marami siyang naririnig na mga long distance love affairs na hindi nagtatagal.
Pero matibay ang relasyon ng dalawa.
Nakalipat na si Arman sa States ay matiyaga pa ring naghihintay si Desiree.
Hindi akalain ni Brad na magtatagal din
siya nang ganoon. Kaso, habang dumaraan ang mga araw at taon ay lalo ring hindi
na niya magawang lumayo kay Desiree.
Sa pamantasan pa lang, araw-araw na
silang magkaklase sa lahat ng subjects. Nakagawian na rin nilang maging
magkapareha sa lahat ng mga project. Kaya naman madalas ay magkasama pa rin
sila kahit Sabado’t Linggo sa paghahanda sa mga iyon.
Sabay rin silang nag-apply sa trabaho at
natanggap sa iisang kompanya pagka-graduate. Araw-araw pa rin silang magkasama
at kapag may training seminar ay hanggang Sabado’t Linggo uli.
Pinakasentro na ng buhay niya si
Desiree. Mamamatay yata siya kapag nawala ito.
Nang banggitin ng dalaga sa kanya na
malamang ay magpapakasal na ito sa kasalukuyang uwi ng boyfriend ay parang
sinentensiyahan ng bitay si Brad.
Dapat sana ay gumawa na siya ng anumang
hakbang para protektahan man lang ang kanyang sariling damdamin. Alam niyang
kapag dumating na ang mismong kasal ni Des ay sobra-sobrang sakit ang madarama
niya.
Pero ano nga ba ang magagawa niya? Mas
lalo namang hindi na niya kayang lumayo sa babaing kanyang pinakamamahal.
Hindi na baleng para siyang tino-torture
sa paulit-ulit na pagpapahayag ni Desiree ng kasabikan sa darating nitong
kasal. Iniisa-isa pa nito sa kanya ang pinapangarap na mga detalye sa kasal na
iyon. At kung wala raw sariling choice si Arman ay gusto nitong siya ang maging
best man. Siya pa sa halip na sarili nitong kapatid.
Nangangarap na rin si Desiree ng buhay
may-asawa. Iyong bubukod na sa mga magulang at magsasarili ng tirahan, kahit
daw inuupahang apartment lang muna. Iyong magtutulungan silang mag-asawa sa mga
gawaing-bahay – pagluluto, paglilinis, paglalaba’t pamamalantsa. At siyempre,
iyong pagkakaroon ng baby.
Kapag nangangarap na si Desiree nang
ganoon ay pinapantasya na lamang niya na siya ang lalaking kasama nito sa
ganoong mga eksena.
Kakatwang magkatulad na magkatulad ang
kanilang mga simpleng pangarap.
Ano ang gagawin niya kapag ikinasal na
nga sa iba si Desiree? Maghihintay pa rin ba siya?
Wala na yata siyang ibang kayang gawin.
Hindi naman sa ipinagdarasal niyang
mauwi sa paghihiwalay ang mga ikakasal. Ayaw niyang mangyari iyon dahil ayaw na
ayaw niyang masaktan si Desiree. Hindi na baleng siya ang magdusa, huwag lang
ang kanyang mahal.
Mananatili siya sa tabi ni Desiree
bilang matalik nitong kaibigan para umalalay sa anumang pangangailangan nito.
Kung kinakailangang tumulong siya sa ikagaganda at ikatitibay ng relasyon ng
mag-asawa, gagawin niya iyon. Kakayanin niya kahit napakasakit.
Sa kabilang banda, gusto rin niyang
bantayan si Desiree. Huwag na huwag lang magkakamali si Arman na saktan ito’t
paluhain. Hindi siya magdadalawang-isip na makialam.
Nakalimang bote ng beer si Brad. Sapat
na iyon para mahilo siya’t mamanhid ang kanyang pakiramdam. Hindi na nga siya
umabot sa kuwarto. Sa sopa na lang siya bumagsak at nakatulog.
Kinabukasan, tanghaling tapat na nang
magising siyang naliligo sa pawis. Parang mabibiyak din ang kanyang ulo sa
sakit.
Tumuloy siya sa banyo at naligo.
Nagbabad nang matagal sa ilalim ng dutsa.
Bumabayo pa rin ang sakit ng kanyang ulo
paglabas niya roon. Uminom siya ng paracetamol na sinabayan niya ng ilang tasa
ng matapang na kape. Maya-maya’y inilalabas na niya sa lababo ang laman ng
kanyang nangangasim na sikmura.
Matapos magpahinga nang sandali ay
oatmeal naman ang sinubok niyang kainin. Doon medyo kumalma ang kanyang
katawan.
Pero hindi pa rin nagtanda si Brad. Mas
matindi ang dinaramdam niya sa dibdib kaysa sa pananakit ng kanyang katawan.
Nang gabing iyon ng Linggo ay bote na naman ng beer ang hawak niya.
PERO mali ang
akala ni Brad. Hindi nagsasaya si Desiree nang mga oras na iyon ng Linggo. Sa
halip ay nagngingitngit ang dalaga.
Ano nga ba iyong sinabi niya kay Arman
kahapon? Na magsisimula sila nang panibago sa araw na ito? A fresh start.
At ipinangako niya sa sarili na bibigyan
niya ang kanyang boyfriend ng panahon at pagkakataon para matutunang tanggapin
ang mga pagbabagong naganap sa kanya.
Pero nang muling pagtaasan ni Arman ng
kilay ang kanyang kasuotan nang gabing iyon ay kumulo na naman ang dugo ni
Desiree.
Ano ba naman kasi ang masama sa kanyang
little black dress na mini at gawa sa chiffon na may satin lining? Bulgar na ba
ngayon ang empire cut na may spaghetti straps?
Nagtiyaga pa nga siyang mag-manicure at
pedicure sa kanyang sarili nang deep red para bumagay sa lipstick niyang ganoon
din ang kulay at sa mga mata niyang naka-eyeliner na itim. Bagay na bagay rin
iyon sa three-inch-high stilleto-heeled sandals niyang gawa sa itim na charol.
Ano nga ba ang sabi noon ni Brad nang
isuot niya ito sa isang formal dinner ng kliyente na dinaluhan nila?
“You look stunning and elegant. Very
classy.”
Bakit hindi siya ma-appreciate ni Arman
nang ganoon?
Dala na nito ang mga pasalubong para sa
kanila. Kumpleto. Mayroong para sa kanyang Daddy at Mommy, sa kanyang mga
kapatid, pati na rin sa kanyang hipag at dalawang pamangkin.
Pero hindi gaanong nasiyahan si Desiree
sa pasalubong ni Arman sa kanya.
Napakamahal nga, oo. Isang Psion palmtop
computer. Kasinggaling ng laptop pero sinliit lang ng wallet. Very convenient.
Very handy. Magagamit niya sa pag-oorganisa ng kanyang schedule at iba pang mga
bagay. Higit pa sa isang electronic organizer.
Pero napaka-praktikal naman ng regalong
iyon. Wala man lang karoma-romansa. Walang thrill. Walang kilig.
Sa halagang iyon ay maaari man lang sana
siyang naibili nito ng simpleng singsing o pulseras o kuwintas. Kahit man lang
sana pabango.
Ang nagkagulo sa palmtop ay sina Walter,
Winston at William. Ganado naman si Arman sa pagpapaliwanag sa iba’t ibang mga
feautures niyon.
At iyon na nga rin ang naging takbo ng
buong gabing iyon. Ang mga lalaki na ang nagkumpul-kumpol at nag-usap-usap.
Tanungan. Kuwentuhan. Bidahan.
Hindi na halos nakapag-usap sina Desiree
at Arman.
At pinagalitan pa ang dalaga ng Mommy
niya dahil hindi raw siya tumutulong sa hipag niyang si Nenet sa paghahanda at
pagliligpit ng mga pagkain. Siya pa naman itong may bisita.
Dala kasi nina Winston at Nenet ang
lahat ng pagkain para sa gabing iyon. Galing sa fastfood outlet ng mga ito.
Lalong nainis si Desiree. Nag-ayos pa naman siya nang husto. Iyon pala ay waitress lang ang magiging papel niya.
Sa pag-uwi, nagboluntaryo si Winston na
sila na ang maghahatid kay Arman. Sa puntong iyon ay balewala na kay Desiree.
Nagpapasalamat pa nga siya. Dahil kung magkakasarilinan sila ay pihadong magkakairingan lang naman uli sila.
Mainit na kasi ang ulo niya.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)