FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
LIHIM na
nagpasalamat si Bianca na si Paolo na mismo ang pumutol sa kanilang naging
kapusukan. Alam niyang wala siyang sapat na katatagan kanina para tumanggi ano
pa man ang tinangka nitong gawin. Kung nagkataon ay baka kung saan na sila
umabot.
Mabuti na rin lang at nauwi sa tawanan
ang tagpong iyon.
Walang ibinigay na paliwanag si Paolo sa
mga taga-hotel. Hindi naman nag-usisa ang mga ito. Hindi na marahil nagtaka.
Baka sanay nang nagkakaroon ng mga weird na pangyayari sa mga bagong kasal na
nag-honeymoon suite. Hindi naman eskandaloso ang nangyari sa kanila.
Hagikhikan pa rin sina Bianca at Paolo
maging nang makapasok na uli sila sa kuwarto.
Sabay silang dumiretso sa kinalalagyan
ng kanilang mga sapatos.
Sneakers na puti ang isinuot ni Bee.
Moccasins naman ang kay Paolo.
Kanya-kanya silang kuha ng wallet sa
kanilang mga maleta.
“O, ang susi,” paalala ni Bianca.
Kinuha iyon ni Paolo mula sa side table
ng loveseat.
“Magdala ka ng jacket o blazer,” sabi
naman nito. “Baka gabihin tayo sa labas.”
“Ba’t ngayon mo lang sinabi?”
pagmamaktol kunwari ni Bee.
Paano’y magbubukas na naman siya ng
maleta. Pero sumunod din naman siya.
Kumuha rin ng sariling jacket si Paolo.
“Baka sipunin ka riyan sa suot mo,” sabi
nito.
Parang sando na may maninipis na
spaghetti straps kasi ang estilo ng tank top ni Bianca.
“And I feel kind of jealous and
possessive about my wife,” nakangiting dagdag ni Paolo.
“Naku, ha,” sagot ni Bee. “Don’t tell me
na didiktahan mo na ako sa isusuot ko.”
Pero sa isang banda ay kinilig siya sa
tinuran nito.
“No, I won’t do that,” iling ni Paolo.
“You look beautiful in everything. Kahit na ano ang isuot mo, pagtitinginan ka
pa rin. Magseselos pa rin ako. At least I can be proud that I’m your husband. Ipangangalandakan
ko iyon.”
Punung-puno na talaga ang puso ni
Bianca. Parang puputok na sa kasiyahan.
“Tena na nga,” sabi na lang niya.
Bago binuksan ni Paolo ang pinto,
tumigil ito nang sandali at bumaling sa kanya.
“Thank you for that kiss,” seryosong
sabi nito.
Namula nang husto si Bianca. Wala na
naman siyang masabi.
Napansin ni Paolo ang parang pagkapahiya
niya kaya sinundan nito iyon ng biro.
“Puwedeng isa pa nga?”
“He!” mabilis na pakli ni Bianca.
At siya na mismo ang nagbukas ng pinto.
Tatawa-tawang sumunod nang palabas si
Paolo.
ANG una nilang
hinanap ay ang sleeping bag na gagamitin ni Paolo.
Inikot na nila ang lahat ng tindahan sa
Glorietta pati na rin sa Shoemart, Rustan’s at Landmark pero wala silang
mahagilap na sleeping bag na sapat sa pangangatawan nito. Laging bitin sa haba
at masikip sa lapad.
“Hindi din ako makakatulog sa mga iyan,”
sabi ni Paolo. “Magiging para akong suman. Mas mabuti pang magladlad na lang
ako ng kumot sa carpet.”
“Kumuha kaya tayo ng extra bed sa
hotel,” mungkahi ni Bianca.
“Ano?” sagot ni Paolo. “Nakakahiya naman
iyon para sa akin. Naturingan pa naman tayong honeymooners. Talagang
magtitiyaga na lang ako sa carpet kaysa pagtawanan ako ng buong staff ng
hotel.”
“Bahala ka,” pagkikibit-balikat ni
Bianca.
“Halika, magmeryenda na muna tayo,” yaya
ni Paolo. “Ginutom ako sa kalalakad natin.”
“Ano’ng gusto mong kainin?” tanong ni
Bee. “Ako, coffee lang muna.”
“Gusto ko rin ng coffee at light
sandwich,” sagot nito. “Diyan kaya sa Le Couer de France.”
“Sige,” sabi ni Bee.
Nang kaharap na nila ang kanilang mga
order sa pandalawahang mesa ng maliit na French cafe, naghamon si Bianca.
“Walang sisihan kapag sumakit ang likod
mo’t mangati ka sa carpet mamayang gabi, ha?”
“Talaga bang matitiis mo ako?” tanong ni
Paolo.
Nakangiti na naman ito nang mapanukso.
“Talagang magtitiis kita,” sagot naman
ni Bianca.
Nakairap pa.
Kahit ang totoo’y hindi naman siya sigurado.
Nang matapos sila’y may naisip namang
gawin si Paolo.
“Mag-browse tayo sa bookstore,” sabi
nito. “Type mo?”
“Aba, oo,” listong sagot niya. “Paborito
kong puntahan iyan.”
Naglakad-lakad sila sa pagitan ng mga
estante sa pinasukang bookstore. Nagawi sila sa mga coffeetable books.
Kinuha ni Paolo ang isang libro tungkol
sa mga country houses. Binuklat.
“Ang gaganda, ano?” sabi ni Bianca.
“Parang gusto kong magkabahay sa Tagaytay,”
sabi ni Paolo. “Iyong simpleng bahay lang. Gawa sa bato at kahoy. Maraming
accents na kahoy. Maaliwalas. Hindi kalakihan pero malawak ang garden. Iyong
puwedeng pagtamnan ng fruit-bearing trees, mga bulaklak, mga gulay at herbs.”
“Herbs?” gulat na sabi ni Bianca.
“Oo, bakit?” pakli ni Paolo. “Maraming
gamit ang herbs, a. Masarap nang isama sa pagluluto, may medicinal properties
pa.”
“Alam ko,” tango ni Bianca. “Matagal na
akong interesado sa herbs, e. Nagulat lang ako na familiar ka rin pala roon.”
“Nagkainteres ako sa herbs at
aromatherapy noong nasa UCLA,” sagot ni Paolo. “Nagpatuloy iyon kahit after
college. Kapag sinisipun-sipon o inuubo, mas gusto kong mag-tsaa na lang ng
natural herbs kaysa uminom ng gamot. Mas mura na, hindi pa nakakalabo ng utak.
Hindi nasisira ang konsentrasyon ko sa computer. Ikaw, paano kang naging
interesado sa herbs?”
“Pinag-aaralan ko ang kanilang medicinal
properties, lalo na sa cosmetic angle,” paliwanag niya. “Iyong pagiging natural
na beauty aids. Uso iyon ngayon, hindi ba? At bilang isang chemist, interesado
akong mag-develop ng ganoon. Mga all-natural products para sa buhok at sa
kutis. Iyon nga ang isa sa mga pangarap ko kapag nakaipon na ako. Gusto kong
mag-venture sa ganoon on my own. Sarili kong kompanya. Sarili kong formulation.”
“Magagawa mo iyon dito,” sabi ni Paolo.
“Dito nga maraming natural resources para sa ganyang proyekto, hindi ba?”
“Marami ngang natural resources, wala
naman akong financial resources,” sagot ni Bianca. “Kailangan ko munang kumita
ng dollars para makapag-ipon ng kapital.”
“E kung may tutulong sa iyo sa
pangkapital,” sabi ni Paolo. “Ibig sabihin, puwedeng hindi ka na magpunta sa
States?”
Napatingin siya kay Paolo. Masyadong
sensitibo para sa kanya sa mga sandaling iyon ang ganoong usapin.
“Ha?” kunwa’y natatawang sabi niya. “E
bakit pa tayo nagpakasal kung hindi rin lang ako pupunta ng States?”
“Doon mo ba talaga gustong manirahan?”
seryosong tanong nito. “Hindi na magbabago ang isip mo? Ano’ng mayroon doon na
wala rito?”
Nagkibit-balikat si Bianca.
“Ewan ko,” amin na rin niya. “Noong
maliit pa ako, natuwa ako sa lahat ng nababasa ko’t napapanood sa TV at sine
tungkol sa States. Lahat ng cartoons, iyon ang setting. Lahat ng magagandang TV
shows at pelikula, ganoon din. Siguro, naging idealized ang tingin ko sa
Amerika. Lalo pa dahil wala namang magandang nangyari sa akin dito. Gusto ko
lang sigurong takasan ang naging kapalaran ko rito. Nagbabakasakaling doon ako
sasaya. Pero ewan ko na rin.”
“You don’t have to go kung hindi ka na
sigurado,” sabi ni Paolo.
“Ngayon mo pa sasabihin iyan,” sagot ni
Bianca. “Ikinasal na nga tayo, e.”
“So what?” sabi nito. “May karapatan ka
pa ring magbago ng isip. Ano’ng masama kung magpasya kang dumito na lang?”
Natigilan si Bianca.
May ganoon ba siyang opsyon?
“Walang divorce sa Pilipinas,” paalala
niya kay Paolo.
“Alam ko,” sagot nito bago isinoli sa
estante ang hawak na libro.
Pagkatapos ay parang balewalang lumakad
ito patungo sa kabilang estante.
Naiwang nag-iisip si Bianca.
May gusto bang ipahiwatig si Paolo? Naguguluhan
na siya.
Sinundan niya ito.
“Ano naman ang gagawin ko kung
mananatili ako rito?” pagpapatuloy niya. “Bagot na bagot na ako roon sa trabaho
ko.”
“Di simulan mo na nga iyang project mo
na herbal beauty products,” sagot ni Paolo habang nagbubuklat ng libro tungkol
sa aromatherapy. “Parang ganito, o.”
“Wala nga akong kapital,” sabi niya.
“Bibigyan kita,” parang walang anumang
sagot nito.
“Bibigyan?” nakataas ang kilay na ulat
ni Bee.
Nagkibit-balikat si Paolo.
“Pauutangin,” sabi nito. “Kung mas gusto
mo ang ganoong arrangement.”
“Bakit?” tanong ni Bianca. “Bakit mo ako
pauutangin? Bakit parang kinukumbinse mo akong dumito na lang?”
“Nag-aalala ako kung nag-iisa ka sa
States, e,” sagot ni Paolo na sa libro pa rin nakatingin. “Bakit ka pa makikipagsapalaran
doon kung makakakuha ka rin naman ng fulfillment sa iyong talent dito? Isa pa,
gusto kong gamitin ang pera ko para makatulong sa ekonomiya ng ating bansa.
Gaya ng itatayo kong kompanya. Ganoon din naman itong magiging kompanya mo kung
sakali. Bentahe sa lahat, hindi ba?”
“Pero magkakaproblema ka,” sabi ni
Bianca. “Kung pareho tayong nandito, paano na itong kasal natin? Wala ngang
divorce dito.
“Bakit, may gusto ka bang pakasalan na
iba?” tanong ni Paolo.
Nakataas ang kilay nito sa kanya.
“Hindi ka pala seryoso, e,” irap ni
Bianca. “Maniniwala na sana ako.”
“Seryoso ako,” biglang bawi ni Paolo.
“Pauutangin talaga kita. Tutulungan pa kitang mag-set up ng kompanya.
Magri-research tayo tungkol sa mga pasikut-sikot ng industriyang iyan. Iyon namang
isyu ng kasal, totoong hindi problema iyon unless may gusto ka nang pakasalang
iba.”
“O kung ikaw din ang may gusto nang
pakasalan nang totoo,” sagot niya.
“Totoo na itong kasal natin, remember?”
paalala ni Paolo. “At wala akong balak
na pakasal uli. Masyadong matrabaho. Nakakapagod ang paghahanda.”
“Nagbibiro ka na naman, e,” reklamo ni
Bee.
“Hindi,” tumatawang iling nito.
“Pinasasaya lang kita. Pero totoo ang mga sinasabi ko.”
“Bakit ngayon mo lang sinabi sa akin ito?”
tanong ni Bianca. “Kung noon ko pa nalaman ang mga ganitong posibilidad, baka
hindi na ako nagpakasal sa iyo. Inutangan na lang sana kita.
“Kaya nga ngayon ko lang sinabi, e,”
sagot ni Paolo.
“Ano?” sabi ni Bee.
“Wala,” sagot nitong bumabaling sa kabilang
estante.
“Ang gulo mong kausap ngayon,” pansin ni
Bianca.
“Naguguluhan ka pa nga kasi,” sagot ni
Paolo. “May isa pa akong proposal. Isasama muna kita sa States. May mga
kailangan pa rin naman akong ayusin doon. We can stay for as long as you like.
Tingnan mo ang lifestyle doon. Mas magkakaroon ka ng sapat na batayan sa iyong
pagpapasya.’
Napakunot-noo si Bianca.
“Masyado mo namang inilalagay ang sarili
mo at my disposal,” sabi niya. “Lahat na lang, to my advantage. Pati ang mga
plano mo, on hold.”
Ngumiti si Paolo.
“You’re my wife,” sagot nito. “I’m a
responsible husband.”
Nagbibiro lang siyempre ito, naiisip ni
Bee. Pero ano namang klaseng biro iyon? At hindi pa rin niyon nasasagot ang
kanyang tanong.
“Bakit mo ginagawa ito, Paolo?” diretsahan
na niyang tanong.
“You deserve it,” seryosong sagot nito.
“Think about it.”
Hindi na kumibo si Bianca.
Sinisisi niya ang kanyang sarili. Kung
bakit naman kasi sa sansaglit na iyon ay pinayagan niya ang kanyang sarili na
umasa – na sana’y iba ang isagot ni Paolo. Na ginagawa nito ang lahat ng iyon
dahil sa pag-ibig. Dahil umiibig na ito sa kanya.
Hayun, nasupalpal na naman tuloy siya.
“You deserve it.” Naaawa lang pala ito
sa kanya. Gustong ipagkaloob ang mga bagay na ipinagkait sa kanya ng tadhana. Mga
bagay. Hindi kasama ang damdamin. Hindi ganoon kadaling ipagkaloob ang
pag-ibig.
At iyong tungkol sa kasal nila ay maaari
ngang hindi nito gaanong pinoproblema. Baka tulad din siya nito noon – walang
balak na makipagrelasyon kaninuman dahil marami pang gustong gawin sa buhay.
“Kunin natin ito,” sabi ni Paolo na ang
tinutukoy ay ang hawak na libro tungkol sa aromatherapy. “May mga herbs dito na
hindi ko pa kilala.”
Nagkibit-balikat si Bee.
Alam niyang hindi niya dapat seryosohin
ang paggamit ni Paolo ng salitang “natin”. Bukambibig lang nito ang ganoon. Ang
totoo’y may kanya-kanya pa rin silang buhay. Parang “inampon” lang siya’t
“kinupkop” nito ngayon.
Hindi na ibinalik ni Paolo ang usapan sa
kanyang pananatili sa Pinas. Parang walang anuman na niyaya siya nitong umikot
pa sa ibang bahagi ng bookstore.
Inabot din sila nang dalawang oras sa
pagtingin-tingin sa mga libro. Kunwa’y marami ring pinagkakainteresan si
Bianca. Hindi niya ipinahahalatang ginugulo pa rin ang kanyang isip ng mungkahi
ng asawa.
Bandang alas-sais ay sa iba naman
nagyaya si Paolo.
“Gusto mong mag-Hard Rock Cafe?”
Wala nang pakialam si Bianca saan man
sila magpunta. Tuloy pa rin ang pag-iisip niya.
“Okey lang,” sagot niya.
Sa Hard Rock Cafe na nga sila naghapunan
at umistambay hanggang maghatinggabi. May live band kasing tumutugtog at
nagugustuhan ni Paolo ang Pinoy mellow rock na tinutugtog nito.
Nagpasalamat si Bianca na ganoon ang
lugar na pinuntahan nila. Hindi na sila kailangang mag-usap liban sa
pangilan-ngilang pagkokomentaryo sa kanilang pinapanood at pinapakinggan.
Nagkaroon siya ng pagkakataon na mas
sistematikong rebisahin at analisahin ang takbo ng mga pangyayari.
Aminadung-aminado na siya, mahal niya
ang lalaking ito. Kaya nga biglang naglaho ang kanyang kagustuhang manirahan sa
Amerika. Ayaw na niyang mapag-isa roon kung narito naman si Paolo sa Pilipinas.
At kaya rin sa kabila ng ayaw na niyang
maging American citizen ay nagpakasal siya kay Paolo. Gusto niyang maranasan
ang maging Mrs. Paolo Cordero, kahit panandalian lang at kahit hindi naman
totohanan.
Ngayong nag-aalok ito ng pagkakataon na
manatili siya sa Pilipinas at magtagal pa ang kanilang pagsasama, makakatanggi
ba siya?
Hindi na iyong pagpapautang ni Paolo ang
pinagkakainteresan niya. Hindi na rin ang pagkakataong matupad ang pangarap
niyang makapagtayo ng sariling kompanya at magamit nang husto ang kanyang
napag-aralan. Sekondaryo na lamang ang mga iyon sa patuloy na ugnayan nila ni
Paolo.
Pero paano nga ba ang magiging relasyon
nila? Mananatili silang mag-asawa dahil walang diborsiyo sa Pilipinas. Patuloy
ba silang magpapanggap sa harap ng iba?
At mapaninindigan ba niya sa ganoon
kahabang panahon ang pagiging “purely business” ng kanilang relasyon?
Ngayon pa nga lang ay parang bibigay na
siya.
At dahil alam niyang naroon pa rin ang
matinding pisikal na pagkagusto ni Paolo sa kanya, malamang ay patuloy siya
nitong tutuksuhin at kukumbinsihing bigyang kaganapan ang kanilang pagiging
mag-asawa.
May pintong nagbukas sa puso ni Bianca.
Bakit nga hindi? May basbas na naman sila
ng legalidad at ng simbahan, hindi ba? Ano pa ang dahilan para ipagkait niya sa
sarili ang bagay na hinahangad at inaasam din naman niyang maganap?
May sumagot sa isang bahagi ng puso
niya. Alam nito ang dahilan. Hindi siya iniibig ni Paolo. Pagnanasa lang ang
nadarama ni Paolo para sa kanya. Sapat na ba iyon?
Gumuhit ang hapdi sa damdamin ni Bianca.
Masakit ang katotohanan.
Pero ano ang magagawa niya kung hanggang
doon lang talaga si Paolo? Hindi niya ito mapipilit na umibig sa kanya.
Hindi na baleng gusto lang siya ni
Paolo. Pagkakasyahin na lang niya ang ambon na iyon ng atensiyon. Iipunin niya
ang kahit kaunti nitong pagtingin.
Kahit paano, alam niyang mabibigyan niya
ito ng kasiyahan kapag naging ganap ang kanilang pagiging mag-asawa. Mapapaligaya
niya ito kahit sa ganoong paraan lamang.
Nabuo ang pasya ni Bianca.
Magiging tunay na honeymoon ang una
nilang gabi ni Paolo. At maging ang susunod pang mga araw.
Napansin niyang nakakatatlong bote na
ito ng beer. Alam naman niyang hindi ito sanay uminom.
“Tama na iyan,” sabi ni Bianca na pinigilan
ang kamay nitong mag-aangat na sana ng beer mug. “Baka ma-tipsy ka na.”
“Mabuti nga, para makatulog agad ako,”
sagot ni Paolo.
“Hindi
kita kayang iuwi sa hotel kung dito pa lang ay mahilo ka na,” paalala niya.
Hindi na nga lumagok uli si Paolo.
Tumingin si Bianca sa kanyang relo.
Alas-onse’y medya na pala.
“Tayo na,” sabi niya.
“Gusto mo nang bumalik sa hotel?” tanong
ni Paolo.
Tumango siya.
Pero hindi niya kayang salubungin ang
nanunuri nitong titig.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)