Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 11


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

BIYERNES ng umaga. Parang nagulat pa si Edric nang lumabas ng bahay si Alex na handa nang pumasok sa opisina.

        “Okay ka lang?” tanong ng binata.

        “Of course,” taas-noong sagot niya. “Bakit, akala mo ba’y magmumukmok ako’t mag-iiiyak na lang sa kuwarto? No way.”

        “Good,” tango ni Edric.

        Pero wala na silang ibang pinag-usapan pa. Tahimik lang sila sa kotse hanggang makarating sa opisina.

        Pagdating naman doon ay hindi nagtagal si Edric sa audio visual room.

        Nang makita ni Alex ang dalawang plorera ng rosas sa kanyang mesa (ang isa ay kahapon pa ng umaga naroon) ay agad niyang dinampot ang mga ito at pabalibag na itinapon sa basura.   

        Gulat na gulat tuloy sina Simon at Gomer.

        Maya-maya lang ay pasimple nang lumabas ang dalawa para mabigyan siya ng espasyo kahit na hindi pa alam kung ano ang kanyang pinuproblema.

        Nang mapag-isa ay agad na tinawagan ni Alexandra si Dwight.

        “O, hi!” tuwang-tuwang sabi nito nang makilala siya. “Mabuti’t tumawag ka. Ilang araw na kitang miss na miss, a.”

        Ni hindi na niya pinatulan ang pambungad nito.

        “Mag-usap tayo,” pormal na sabi niya. “Right now. In person.”

        “Right now?” gulat na ulit ng lalaki.

        “I’ll expect you here in thirty minutes,” dagdag pa ni Alex. “Paliparin mo ang kotse mo kung kinakailangan.”

        At ibinaba na niya ang awditibo ng telepono.

        Pagkatapos ay pumunta siya kay GM.

        “Magpapaalam lang akong lumabas,” sabi niya. “It’s a personal matter. Quite urgent.”

        “Of course,” tango agad nito. “Are you all right?”

        Tumango rin siya.

        “I’m fine,” sagot niya. “Thanks, GM.”

        Dala na niya ang bag niya kaya tuluy-tuloy na siyang bumaba ng gusali. Hindi na siya nagpaalam kay Edric o sa iba pang mga kaopisina.

        Hindi niya alam na namataan siya ng kababata habang papalabas ng pinto ng opisina.

 

INABANGAN niya si Dwight si lobby.

        Sa loob nga ng kalahating oras ay nakarating ito.

        “What’s the rush?” tanong agad nito nang makita siya. “Ano’ng nangyari?”

        “Doon tayo mag-usap sa garden,” sagot niya.

        Ang Hexagon Towers ay may swimming pool na napapaligiran ng garden sa gawing likuran ng gusali.

        Nanguna na siya sa pagpunta roon. Sumabay naman si Dwight.

        Doon niya piniling kumprontahin ang lalaki para magkaroon naman sila ng privacy. Kapag ordinaryong araw kasi at oras pa ng trabaho ay walang katau-tao sa lugar na iyon.

        Tumigil si Alex sa bandang kalagitnaan na ng hardin. Hinarap niya si Dwight.

        “Okay,” sabi ng lalaki. “Now tell me. Ano’ng problema mo? Tutulungan kita. I’m here for you, babe.”

        At nagtangka pa itong yakapin siya.

        Itinulak ni Alexandra ang lalaki.

        “Ikaw!” sagot niyang nanggagalaiti sa galit. “Ikaw mismo ang problema. Walanghiya ka.”

        “Ano’ng sinabi mo?” mataas na agad ang boses na sabi ni Dwight. “Huwag mo akong mumurahin, Alexandra!”

        “At bakit hindi?” sagot ng dalaga. “Manloloko ka. Sinungaling. May asawa’t anak ka na pala, walanghiya ka. Ano’ng binabalak mong gawin sa akin, ha?”

        Natigilan si Dwight. Namutla.

        “P-paano mong nalaman?” tanong nito kapagdaka.

        Mababa na ang boses nito.

        “Di inamin mo rin,” sagot ni Alex. “Walanghiya ka talaga.”

        Pero mabilis na nakakuha uli ng balanse si Dwight. Nagawa pa nitong ngumiti. At nang muling magsalita ay makumpiyansa na uli ang boses.

        “Pinaimbestigahan mo ako,” hula nito. “Ikaw talaga. Well, I can understand that. Ganoon din naman ako kaseryoso sa iyo, Alex. Kaya nga hindi ko agad masabi-sabi ang problema. Aayusin ko na lang sana on my own. Legalidad na lang naman ang kulang para ma-annul ang kasal namin ng babaing iyon, e.”

        Lalong nanggalaiti si Alexandra.

        “Napakasinungaling mo talagang lalaki ka,” sabi niya. “Anong annulment ang pinagsasabi mo samantalang apat ang anak ninyo at hindi naman kayo hiwalay? Bistasdo ka na, magpapalusot ka pa. At huwag ka nang mag-ilusyon tungkol sa akin, ano? Dahil kahit pa binata ka, wala ka rin namang pag-asa. Naghihintay lang ako ng pagkakataon para sabihin sa iyo na tantanan mo na ako. Ayoko nga lang sanang masaktan ka kaya hindi kita binabara. Pero ngayong alam ko na ang kawalanghiyaan mo, good riddance, Mr. Jaro.”

        At padabog niyang tinalikuran ang lalaki para iwan. Pero nahagip siya nito sa braso at marahas na kinabig.

        “Punyeta ka, Alexandra,” sigaw ni Dwight bago siya pinagtangkaang yakapin at hagkan.

        Nanlaban si Alex. Nanulak. Nanipa. Nangalmot. Sumigaw.

        Nagulat na lamang siya nang bitiwan siya ni Dwight.

        Pagkatapos ay nakita niyang hinablot pala ito ni Edric. Pinagsususuntok nito si Dwight.

        Ni hindi na nga nagawang lumaban ng isa. Hindi man lang ito nakaganti ng suntok. Napalugmok na lamang ito sa lupa.

        Mga security guard na ang pumulot kay Dwight. Kasunod lang ni Edric ang mga ito.

        “Alex... Alex, ano’ng ginawa niya sa iyo?” tanong agad ni Edric sa dalaga.

        Umiling siya.

        “Wala,” sagot niya. “Wala.”

        “Narinig ko ang sigaw mo,” sabi ni Edric. “Nakita ko – pinupuwersa ka niya.”

        “Okay, iniligtas mo ako. Maraming salamat uli. Maraming salamat din sa ginawa mong pagpapaimbestiga sa lalaking iyon. O, may kulang pa ba? May utang pa ba akong pagpapasalamat?”

        Wala nang ibang masulingan si Alexandra kundi ang pagtataray. Baon na baon na kasi siya sa kahihiyan kay Edric.

        Taranta naman sa pagpapaliwanag ang binata.

        “Nakita kitang bumaba. Kinutuban akong makikipagkita ka sa kanya. Na kukumprontahin mo nga siya. E wala talaga akong tiwala sa lalaking iyon. Kaya sinundan kita.”

        “Mabuti na lang, ano?” sarkastiko pa ring sagot ni Alex. “Ang tigas kasi ng ulo ko, e. Ang tanga-tanga ko talaga.”

        At tinalikuran na niya si Edric.

 

PUMANHIK uli sa opisina si Alexandra.

        Alam niyang mabilis na kakalat ang balita sa gusali. Maraming nakakita sa bandang hulihan ng mga pangyayari. Lalo na sa pagsasakay kay Dwight sa police car.

        Kailangang siya na mismo ang magsabi kay GM. Obligasyon niya iyon.

        Tuluy-tuloy nga siya sa tanggapan nito.

        Nakasunod naman si Edric.

        “Alex, what happened?” tarantang sabi ni GM pagkakita sa kanya.

        Noon lang din napansin ni Alex ang ayos niya – gulo ang buhok, umiiyak, lukot ang damit. Kaya pala pinagtitinginan siya ng lahat ng madaanan niya.

        Tiyak na lalo pang madaragdagan ang mga usap-usapan.

        Dire-diretsong isiniwalat niya ang lahat sa presidente ng Millenium Advertising. Kung paanong alam ng lahat na nililigawan siya ni Dwight Jaro pero hindi pa niya ito sinasagot.

        Kung paanong nalaman ni Edric na may asawa’t apat na anak si Dwight sa Bicol – at ang estado ng mga ito.

        Kung paano niyang tinawagan ang lalaki at kinumpronta sa hardin.

        At ang lahat ng mga sumunod pang pangyayari.

        “I’m sorry, GM,” pagtatapos niya. “This will ruin the campaign. Magre-resign na lang ako. Kumuha na kayo ng ibang image model at spokesperson. I’m sorry na nasayang lang ang lahat ng efforts sa Baguio, Subic at Batangas.”

        Umiiyak na pala uli siya.

        Nilapitan siya ni GM at niyakap.

        Napayuko si Edric.

        “Ano’ng magre-resign?” galit na sabi ni GM. “Kakasuhan natin ang demonyong Dwight Jaro na iyon. Kakausapin ko si Mr. Gotiangko. I’m sure he’ll support us. Hindi ka namin pababayaan, Alex. Sabi ko naman sa iyo, you’re like a sister to me...”

        Biglang napataas ang mukha ni Edric. May pagkagulat sa mukha ng binata.

        Yakap pa rin ni GM si Alex.

        “P-paano ang campaign?” hikbi ng dalaga.

        “It may have to wait a while,” sagot ni GM. “Mapag-uusapan iyan. Ang mahalaga ngayon ay mailagay ka sa ayos. We will let the truth be known para hindi ikaw ang malagay sa alanganin. Wala kang kasalanan. Niloko ka. And you were assaulted in broad daylight. Mabuti na lang, nakapanlaban ka. At dumating si Edric. Ilalabas natin iyan. Ikakalat natin. Buburahin natin ang anumang mantsang idudulot ng pangyayari sa iyong pangalan at reputasyon.”

        Pagkarinig sa lahat ng iyon ay kung bakit naman lalo pang napaiyak si Alex. Parang saka lang siya talagang bumigay. Binitiwan na niya ang pagtatapang-tapangan.

        “Shh,” sabi ni GM. “Tama na. You’re safe now. Heto na si Edric, o.” 

        At tinanguan nito si Edric.

        Lumapit naman ang binata.

        Maingat na inilipat ni GM si Alexandra sa mga bisig ni Edric.

        “Take her home,” sabi ng presidente.

 

INAKAY muna siya ni Edric pabalik sa audio visual room.

        Bukas ang pinto ng silid ni GM habang nag-uusap sila kaya dinig ng karamihan sa mga empleyado ang lahat ng napag-usapan nila. At lahat din ng mga ito’y nakikiisa sa binitiwang paninindigan ng presidente.

        “Kaya natin ito, Alex,” sabi pa ni Louella pagdaan nila ni Edric sa tapat nito.

        Tumango ang dalaga kahit bahagya lang.

        Nadaanan din nila sina Simon a Gomer.

        Tahimik na sumenyas ang dalawa kay Edric. Kung sasama raw ba ang mga ito sa audio visual room.

        Bahagyang iling ang isinagot ni Edric.

        Pagpasok nga nila sa silid ay inilapat ng binata ang pinto.

        Iniupo siya ni Edric sa sarili niyang silya. Pagkatapos ay naglabas ito ng panyo na ipinampunas sa kanyang mukha.

        Umiwas si Alex.

        “Kaya ko na,” sabi niya.

        Parang bigla na naman siyang nagkaroon ng lakas na magtaray.

        “Tumigil ka nga,” sagot ng binata. “Bakit kung si GM ang nakayakap sa iyo, pumapayag kang magpa-asikaso?”

        “May gusto ka na namang ipakahulugan doon?” hamon ni Alex.

        “Oo na, inaamin kong nagkamali ako tungkol kay GM,” sagot ni Edric. “Nasupalpal ako kanina noong marinig kong kapatid lang ang turing niya sa iyo.”

        “Mabuti naman, narinig mo,” ismid ng dalaga.

        “Disappointed ka yata na ganoon lang ang turing niya sa iyo, e,” pahabol ni Edric.

        “Gago!” sagot niya.

        Pero siya man ay nabigla sa sarili niya. Hindi kasi siya sanay na magmura nang ganoon. Lalo pa kay Edric.

        Nagulat din ang binata. Napataas ang kilay.

        “I-ikaw kasi, e,” pangangatuwiran ni Alex. “Kung anu-ano ang ibinibintang mo sa akin. Hindi naman totoo. May katangahan nga ako, pero hindi kasama si GM.”

        “Si Dwight lang,” sagot ni Edric na medyo may pagkapikon.

        “Hoy, wala akong gusto sa taong iyon, ano?” mariing pahayag ng dalaga. “Nungka.”

        “E, bakit mo binigyan ng motibo?” tanong ni Edric. “Bakit hindi mo agad diniretso na ayaw mo sa kanya? Pinaasa-asa mo pa. Ano ka, kulang sa pansin?”

        “Siguro nga,” mahinang sagot niya.

        “Ano’ng siguro nga?” sabi ni Edric. “Ikaw pa? E lahat na yata ng lalaki, nagkakandarapa sa iyo. Pati na nga iyong may asawa’t mga anak. Ano pa ba ang hinahanap mong pansin.”

        “Wala. Hindi mo talaga maiintindihan,” sagot niya. “Manhid ka kasi. Walang pakiramdam,” hindi na niya napigil na sabihin.

        Lalong napikon si Edric.

        “Ako pa ngayon ang manhid,” sabi nito. “Ako na nga itong kandahirap na maghanap ng kalalagyan ko. Naku, kung hindi lang kita mahal...”

        Si Alex naman ang napika pagkarinig sa salitang “mahal”. Kung pagmamahal-kapatid din lang ang tinutukoy ni Edric, huwag na lang.

        “Mahal? Anong klaseng mahal?” sumbat niya. “Iyong ipagduldulan mo ako kay GM? Akala mo ba nakakatuwa iyon? Kung hindi ako nagalit sa iyo, hindi ko naman pagbabalingan ang Dwight na iyon, a.”

        Nagsalubong ang mga kilay ni Edric.

        “Ang ibig mong sabihin, sinadya mong i-entertain ang panliligaw ng lalaking iyon dahil lang nagalit ka sa akin?”

        Hindi sumagot si Alex. Sapat nang kumpirmasyon ang panunulis ng nguso niya.

        Hinawakan siya ni Edric sa magkabilang braso. Parang gusto siyang yugyugin.

        “Ano ba’ng gagawin ko sa iyo, Alexandra?” nakatiim-bagang na sabi nito. “Hindi pa ba sapat na mahalin kita?”

        “Hindi ko kailangan ng kuya,” sagot niya.

        “Ano?” sabi ni Edric.

        “Kung ikaw, naghahanap ng baby sister, puwes ako, hindi nangangailangan ng kuya,” ulit ni Alexandra. “Kaya itigil mo na iyang pagmamahal na ipinangangalandakan mo.”

        Nagsisimula nang pumiyok ang boses niya. Mangiyak-ngiyak na uli siya.

        “Kung sana nga naging baby sister lang ang tingin ko sa iyo,” iling ni Eldric.

        Mahina na ang boses nito. Parang talunan.

        Binitiwan na rin siya. Nakayuko na lang ito sa harap niya. Nakahawak ang mga kamay sa armrest ng silyang kinauupuan niya.

        Unti-unting nanuot sa pang-unawa ni Alex ang kahulugan ng huling tinuran ng kababata.

        “B-bakit... a-ano ba ang tingin mo sa akin?” lakas-loob nang tanong niya.

        Tinitigan siya ni Edric.

        “Magalit ka na kung magagalit ka,” sagot nito. “Pero mahal kita. I love you. I’m in love with you. Higit sa kanilang lahat ako itong nangungunang nagkakandarapa sa iyo. Ayan. Masaya ka na, Alexandra?”

        Nanghahamon ang titig ni Edric.

        Para bang hinihintay nito na magalit nga siya. O magtawa.

        Pero hindi nakakibo si Alexandra. Nanatili siyang nakatitig lang din sa kababata habang unti-unting sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.

        Ngiting walang kahit katiting na bahid ng pang-uuyam. Bagkus, nag-uumapaw sa kaligayahan.

        Unti-unti ring nabasa ni Edric ang mensaheng ipinaaabot ng kanyang mga mata. Nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Bahagyang kumunot ang noo. Parang hindi makapaniwala.

        “A-Alex...?” nag-aatubiling tanong nito.

        Tumugon ang kanyang mga braso. Kusang yumakap sa leeg ng binata.

        “Edric...” parang pagsusumamo niya.

        Pagkarinig sa daing niya’y agad siyang niyakap ni Edric. At dumiretso ito ng tayo, kasama na siya.

        Hindi umaalis ang mga mata nila sa isa’t isa. Humihingi ng kumpirmasyon. Kapwa hindi makapaniwala sa kanilang natuklasan.

        Hanggang sa ang mga labi na nila ang kusang naghinang at nagpatunay sa isa’t isa. Totoo nga!

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.) 


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)