Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 10


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Nakalimutan ni Alexandra na kabisado nga pala ni Dwight ang schedule nila. Nakarating siya ng bahay nang Sabado ng hapon. Kinagabihan ay dumating na ang lalaki.

        “Mommy, pakisabi na lang na masakit ang ulo ko dahil sa biyahe,” pakiusap ng dalaga. “Alam naman niyang malayo ang pinanggalingan namin, e.”

        Hindi na siya nagdalawang-salita kay Allana. Ito man ay nairita sa kawalan ni Dwight ng konsiderasyon.

        ‘I’m sorry, Dwight, hindi niya kayang manaog,” paliwanag nito sa bisita. “Masakit ang ulo. Nahilo kasi sa biyahe. Natagtag pa nang husto ang katawan. Imagine, sunud-sunod din ang naging biyahe niya magmula Baguio, pababa sa Subic, patungong Batangas, at pabalik pa kanina dito sa Maynila. And to think, panay trabaho pa siya these past days. Panay ang shoot. Nag-aalala nga ako na baka magkasakit na nang tuluyan ang anak ko.”

        Itinodo na ng ina ang pangungunsensiya.

        Mabilis tuloy na nagpaalam si Dwight. At hindi na rin bumalik kinabukasan.

        Pero Lunes ng umaga ay may isang plorera uli ng red roses na naghihintay kay Alexandra sa mesa niya sa audio visual room.

        Walang ipinakitang anumang reaksiyon si Edric.

        Napabuntonghininga naman ang dalaga.

        Na inakala ng kababata na senyales ng pananabik niya kay Dwight.

        Hindi nagtagal si Edric sa silid. Nagpaalam agad ito na magtatrabaho sa darkroom. Isinama sina Simon at Gomer. Marami kasing gagawin.

        Nang tumawag si Dwight na tulad nang dati ay nag-iisa si Alex sa kuwarto.

        “Kumusta ka na? I missed you so much,” bungad nito.

        “Heto, pagod pa rin,” matamlay na sagot ni Alex.

        Nakalimutan nga niyang magpasalamat sa mga bulaklak.

        “Natanggap mo ba ang roses?” kinailangan pang itanong ni Dwight.

        “A, oo nga pala, salamat,” sabi ni Alex. “Pero, Dwight, nakakahiya na sa iyo. Ang dami-dami ko nang naipong mga plorera, a. Hindi mo na kailangang magpadala sa akin ng roses araw-araw.”

        “Bakit naman hindi?” sagot ng lalaki. “Ngayon pa? Ayokong isipin mong I’m taking you for granted.”

        Sa higing ng pananalita nito’y may nakakubling kahulugan na “ngayon pang may unawaan na tayo.”

        Sumagot si Alex. May patama.

        “Bakit ko naman iisipin iyon?” sabi niya. “Hindi naman dapat na iniisip ang ganoon between friends.”

        Idiniin pa niya ang mga salitang “between friends.”

        “Tama,” sang-ayon ni Diwght. “Lalo na between very special friends.”

        Idiniin din nito ang mga salitang “very special friends.” May kabuntot pang nakakalokong pagtawa.

        Nairita si Alex. Pero may sapat na konsiderasyon naman siya para hindi mambara ng manliligaw sa telepono. Kailangang kaharap niya ito kapag tinapat niya.

        “O sige, paano, hintayin mo na lang ako mamaya,” masayang pagtatapos ni Dwight. “Susunduin kita, just like always.”

        “Okay,” sagot niya.

        Iniisip niyang iyon na ang pagkakataon para makausap niya ito nang tapatan.

        Pero pagkababa ni Alex ng telepono ay bumungad naman sa pinto si GM.

        “Ano’ng ginagawa mo rito? Nasaan sina Edric at Simon?” tanong nito.

        “H-hi. Good morning,” gulat na sagot ng dalaga. “Nasa darkroom sila. Tatawagin ko?”

        “Ako na,” sagot ng presidente habang lumalakad nang patungo sa darkroom.

        “Edric! Simon!” tawag nito.

        Hangos namang lumabas ang dalawa. Pati na rin si Gomer.

        “GM?” patanong na sabi ni Edric.

        “Ano’ng ginagawa ninyo rito?” tanong ni GM. “Pati si Henry, nakita ko sa labas. Ano ba kayo? Wala na ba kayong awa sa mga katawan ninyo? Magsiuwi nga kayo’t magpahinga. Sa Miyerkules na kayo pumasok. Hala. Uwi.”

        Napatanga ang mga empleyado.

        “E... marami kasing gagawin sa darkroom,” sabi ni Edric nang mahimasmasan.

        “Makapaghihintay iyan nang hanggang Miyerkules,” sagot ni GM. “Ang pahinga ninyo, hindi puwedeng ipagpaliban. Ang yayabang n’yo porke’t bata pa kayo. Sige, magkaedad-edad lang kayo nang kaunti, sisingilin na kayo niyang ginagawa ninyong pang-aabuso sa katawan. Uwi na sabi, e.”

        “Teka, magliligpit lang kami sa darkroom,” sabi ni Edric.

        “Hayaan na ninyo kay Gomer,” utos ng presidente. “Kaya mo na iyon, hindi ba, Gomer.”

        “Oo naman,” sagot nito.

        Binalingan ni GM si Alex.

        “O, ikaw, nangangalumata ka, a,” sabi pa ng boss. “Gusto mo bang magka-eyebags? Mahirap gamutin iyon. Inooperahan.”

        Napapangiting umiling ang dalaga.

        “Ayoko,” natatawang sagot niya. “Oo na, uuwi na po. Akala ko naman kung ano na ang ikinagagalit mo.”

        “Sige, see you all Wednesday,” sabi pa ni GM bago umalis.

        Natatawang bumalik si Simon sa sariling mesa para kumuha ng gamit.

        “Umuwi raw, e di uuwi,” tuwang-tuwang sabi nito. “Yahoo!”

        Tumingin naman si Edric kay Alex.

        “Ang lakas mo pa rin talaga kay GM,” sabi ng binata.

        “Bakit, ako lang ba?” sagot niya.

        Pagkatapos, may naalala siya.

        “Naku, kailangan ko palang sabihan si Dwight.”

        At agad na siyang nag-dial sa telepono.

        Tumalikod naman si Edric at nagsamsam na rin ng mga gamit.

        Nakontak ni Alexandra ang tinatawagan niya.

        “Dwight? Si Alex. Huwag mo na akong sunduin mamaya. Pinauuwi kami ni GM, e. Kaming mga nag-field. Pinagpapahinga kaming lahat hanggang Wednesday. Paalis na nga kami ngayon. Tamang-tama, kasi mabigat pa talaga ang katawan ko, e. See you some other time na lang, ha?”

        Sinadya niyang ipahalata na hindi nito siya dapat dalawin sa bahay sa gabing iyon.

        Walang nagawa ang nasa kabilang linya kundi sumagot na rin ng “Okay.”

        “Sige, ‘bye,” sabi na agad ng dalaga.

        Pagtingala niya’y nakita niyang hinihintay na siya ni Edric. Tangan na nito ang susi sa kotse.

        “Let’s go,” sabi niya, sabay sukbit sa kanyang shoulder bag.

 

NAGPASALAMAT si Alex na hindi nga siya inistorbo ni Dwight sa bahay habang namamahinga siya mula sa trabaho.

        Pero maging si Edric ay hindi rin niya napagkikita.

        Noong Lunes ng hapon ay nawala uli sa garahe ang kotse nito. Hindi niya alam kung saan ito naglakwatsa.

        Martes naman ay nanatili roon ang kotse nito pero hindi lumabas ng bahay ang binata. Natulog lang siguro nang maghapon.

        Miyerkules na uli ng umaga sila nagkita.

        Pagdating sa opisina, agad silang ipinatawag ni GM sa isang meeting. Nagpakuwento ito ng tungkol sa mga naganap sa Baguio, Subic at Batangas.

        Sinadya ng presidente na huwag sumama sa field dahil ayaw raw nitong makagambala o makadulot ng pressure sa kanila. Sapat naman ang tiwala nitong magagampanan nila nang maayos ang kanilang nakaatas na gawain.

        Pagkatapos nilang makapag-report ay nagpahayag ang presidente na iti-treat silang lahat sa isang dinner kinagabihan. Isama raw pati sina Gerri at Charlotte. Ganoon din ang iba pang miyembro ng team na naiwan sa Maynila. Kailangan daw nilang mag-recharge.

        Tuloy, nang tumawag si Dwight kay Alex nang umagang iyon ay hindi siya nito nakausap dahil sa meeting ng team. At hindi rin siya nito nagawang sunduin kinahapunan dahil nga sa dinner invitation ni GM.

        Huwebes naman, hindi pumasok sa opisina si Alex. May interview kasi siya sa fashion magazine na MEGA. Alas-onse ng umaga sa Cravings sa Katipunan. Nag-taxi na lamang siya.

        Dinatnan niya roon si Louella na siyang nag-set up ng interview.

        Sa Katipunan ginawa ang interview dahil malapit sa UP Arboretum at iyon ang napiling gawing backdrop para sa shoot nila kay Alex. May sariling stylist, make-up artist, hairdresser at wardrobe consultant ang magazine na siyang nag-ayos sa kanya. May sariling photograher din.

        Medyo nanibago ang dalaga pero agad din naman siyang nakapag-adjust. Malaking bagay iyong naging karanasan niya sa Baguio, Subic at Batangas.

        Pagkatapos ng shoot ay umuwi na rin sina Alex at Louella kahit wala pang alas-singko. Ganoon naman daw kapag field work.

        Lihim uling nagpasalamat si Alex na nakaligtas na naman siyang makiharap o makipag-usap man lang kay Dwight.

  

HUWEBES ng gabi ay pinuntahan siya ni Edric.

        Nagulat  si Alex. Paano’y hindi na ito ginagawa ng binata magmula noong mag-away sila.

        “O, bakit? Ano’ng problema?” tanong agad niya.

        Alam niyang hindi pakikipagkuwentuhan lang ang sadya nito sa kanya. Masyadong seryoso ang mukha ni Edric.

        “Sa garden na tayo mag-usap,” sagot nito.

        Sumama agad si Alex. Kinakabahan na siya. Wala naman siyang maisip na maaaring ikabahala niya.

        Naupo sila sa garden set.

        “Huwag kang magagalit, ha?” panimula ni Edric. “Alam kong nangako akong hindi na ako makikialam sa lovelife mo. Kaya lang, hindi na puwedeng hindi mo malaman ito.”

        “Lovelife ko?”  napapantastikuhang sabi ni Alex. “Anong lovelife? Kailan ba naman ako nagkaroon ng lovelife?”

        At natawa pa siya nang pasarkastiko.

        “Tungkol kay Dwight,” seryosong paliwanag ni Edric.

        Kumunot ang noo ni Alex.

        “Ano na naman tungkol kay Dwight?” sagot niya.

        Sawang-sawa na kasi siya sa kahit na anong usaping kaugnay ni Dwight.

        “Alex, pinaimbestigahan ko siya,” pagtatapat ni Edric.

        “Ano?” napalakas na bulalas niya.

        “Sandali,” awat ni Edric. “Ginawa ko lang naman iyon as a last favor for a friend. Gusto kong makasiguro na hindi ka mapapahamak bago kita ipaubaya sa kanya.”

        Namula si Alex. Sa sama ng loob, sa galit, sa pagkapikon, sa halu-halo nang mga emosyon.

        “How... how dare you...” nagkakandautal na pang-aakusa niya.

        Halos wala siyang maapuhap na mga salita.

        “Alex, may asawa’t mga anak siya sa Bicol,” dire-diretso nang paglalahad ni Edric. “At hindi sila hiwalay. Umuuwi siya roon once or twice a month. Regular na nagpapadala ng pera. Ang alam lang ng pamilya niya ay dito siya nagtatrabaho kaya magkalayo sila. He’s a married man, Alexandra. Apat ang anak niya. Nakapisan ang asawa’t mga anak niya sa kanyang mga magulang na sinusuportahan din niya.”

        Natigilan si Alexandra.

        Na-shock siya sa kanyang mga narinig.

        Si Dwight, may asawa’t mga anak? Si Dwight na akala niya’y nagkakandarapa sa panliligaw sa kanya? Si Dwight na akala niya’y kayang-kaya niyang i-handle? Siya pala ang pinaglalaruan lang ng walanghiyang lalaking iyon.

        “I’m... I’m sorry, Alex,” dagdag pa ni Edric. “I’m so sorry about this.”

        Lumalim ang pamumula ng dalaga. Hindi na sa galit kundi sa matinding pagkapahiya.

        Siya pa naman itong nagmalaki pa kay Edric. Buong akala niya’y ginamit niya si Dwight para makaganti kay Edric. Para makapang-inis. Pagkatapos, siya pala itong nagmukhang tanga sa hulihan.

        Masyado naman siyang aping-api.

        Hindi na nakapagpigil si Alex. Napabulalas na siya ng iyak. At patakbong iniwan niya si Edric.

        Napatiim-bagang ang binata. Kumuyom ang mga kamao.

        Galit na galit ito kay Dwight Jaro. Awang-awa kay Alex. Pero higit sa lahat, nasasaktan ito sa nakikitang pag-iyak ng kababata – dahil para sa kanya ay pruweba iyon ng kung gaano kamahal ni Alex si Dwight.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)