FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER
8
UMIWAS nga
si Shaira na humiram ng romantic movies. Akala niya’y sapat na iyon para
maiwasan ding malagay sila ni Jigger sa alanganing sitwasyon. Pero sa paglipas
pa ng ilang linggo, hindi na maipagkailang nagkakaroon ng kakaibang dimensyon
ang kanilang friendship.
Noong una’y na-establish nila ang
pagiging kumportable sa isa’t isa. Unti-unting nawala ang pagkailap ni Shaira.
Unti-unting nabura pati ang kanyang mga inhibisyon.
Dumating sila sa puntong mas kumportable
pa siya sa piling ni Jigger kaysa sa piling ng sarili niyang pamilya. Nasasabi
niya sa binata ang mga hindi niya naihahayag sa kanyang mga magulang at
kapatid. Nagagawa niya kasama ni Jigger ang mga hindi niya naiisip gawin sa
piling nina William, Zeny, Paula at Via.
Doon nga yata nagsimulang magbago ang
lahat sa pagitan nina Shaira at Jigger. Noong magsimulang magising ang dalaga
sa mga bagay-bagay na dati ay ipinagbabawal niya sa kanyang sarili.
Simple lang sa simula. Junk food.
Softdrinks. Pero nang mapagkuwentuhan nila ang mga bar na may live bands,
hinamon niya si Jigger na isama siya sa ganoong lugar. Pagdating doon,
nagpaturo na rin siyang uminom ng beer. May halo pang Seven Up sa simula.
Straight na sa bandang huli. Gusto lang kasi niyang patunayan na kaya niyang
uminom ng beer na straight.
Wala namang nangyari pagkatapos niyon,
kahit na doon na rin natulog si Jigger sa bahay niya. Lasing na lasing na kasi
siya noong umuwi sila. Nag-iingay siya. Naghahamon
pa ng kantahan. Hindi naman siya puwedeng iiwan ng binata nang ganoon.
Sinamahan siya nito hanggang sa pareho na lang silang nakatulog sa salas.
Sa halip na mapahiya
kinabukasan, tawa pa nang tawa si Shaira. Aliw na aliw siya sa
nangyari. Ganoon pala siya kung malasing. Nagwawala. Feeling niya, bigla siyang
nagkabuhay. Nagkaroon ng karakter. Hindi na siya boring.
“Mabuti naman at alam mo na ngayon na
madali kang malasing,” sabi ni Jigger. “Warning na iyon. Huwag mo nang uulitin.
Huwag ka nang iinom uli.”
“Talaga namang hindi ako umiinom,” sagot
niya. “At hindi rin ako iinom uli unless kasama kita.”
“No way!” iling ng binata. “Hindi na
tayo iinom uli, period. Ayoko na.”
“Hmm, ang killjoy mo
naman,” irap pa niya. “Ngayon nga lang ako natututong mag-enjoy sa
buhay ko, e.”
“Hindi naman tamang klase ng enjoyment
ang ganoon, ano?” sagot ni Jigger. “Kahit ang mga kasama ko sa trabaho,
pinagbabawalan kong maglasing nang ganoon. Kung
uminom man sila, kailangang may kontrol. Kailangang alam nila kung hanggang saan
lang ang kaya nilang dalhin. Pag sumobra sila roon at nagwala,
pinagsasabihan ko. Winawarningan ko. Ikaw pa kaya?
Dalawang bote lang pala, ang ingay-ingay mo na.”
“Sige na, sige na, tama
na,” awat niya rito. “Kung ayaw mong uminom
uli, ano naman ang gagawin natin?”
“Basta ako, uuwi na’t
maliligo,” sagot ni Jigger. “Ang mabuti pa, iyon din ang gawin mo. Pagkatapos,
lumipat ka sa kabila at ipaghahanda kita ng matapang na black coffee para
mahimasmasan ka. Tingin ko sa iyo, tipsy pa rin, e.”
Pinagtawanan lang niya
ito’t ipinagtabuyan.
Pakiramdam ni Shaira,
para siyang batang dinala for the first time sa karnabal. Napakarami palang mga
games at rides na ngayon pa lang niya mararanasan. Gusto niyang makita at
masubukan ang lahat.
Noong ikaapat na Linggo ni Shaira sa
Silang, sa record store siya nagyaya.
“Gusto kong tumingin ng mga tapes at CD,”
sabi niya kay Jigger.
“Waltz?” nakangiting sagot ng binata.
Hinampas niya ito sa braso.
“Hindi na nga, sira,” sagot niya. “Kaya
nga titingin na ng iba namang music, e. Nakita mo na ngang gusto kong i-expand
ang aking horizon.”
“Mabuti naman,” panunukso pa rin ni
Jigger.
Sa nostalgia section pa rin siya dumako
pagdating nila sa record shop. Mas bagu-bago na nga lang kaysa sa mga waltz ang
napagtripan niya. “Prom Special” ang title ng isa sa mga CD na napili ni
Shaira.
Doon na niya niyaya si Jigger sa bahay
niya. May baon na rin silang pagkain mula sa Gourmet Cafe.
“Mag-day-off ka naman sa pagluluto,”
sabi kasi niya sa binata. “Treat ko ang dinner
natin ngayon. Iyon nga lang, bibilhin ko. Hindi ko iluluto.”
“Basta ako ang mag-iinit
niyan mamayang gabi,” sagot ni Jigger. “Baka kasi mag-iinit ka lang, masunog pa
iyan.”
Pagdating na pagdating nila
sa bahay, isinalang na agad ni Shaira ang CD na “Prom Special.” Halos puro
love songs ang laman niyon.
“Nag-prom ka ba?” pabuntonghiningang
tanong niya kay Jigger. “Ako kasi, hindi ko naranasan iyon, e. At ngayon ko
lang na-realize na para akong nadaya. Big deal kasi dapat ang prom sa buhay ng isang
dalagita, di ba? Iyong magbibihis ng formal, naka-gown, naka-makeup. May
ka-partner na magbibigay ng flowers. The works.”
“Depende,” paglkikibit-balikat ni
Jigger. “Sa mga sosyal na schools, ganoon siguro. Pero doon sa public school
namin, simple lang. Sa gym lang ng eskuwela ang juniors-seniors prom. Wala nang
hiwalay na senior’s ball o graduation ball. All-in-one na iyon para iisang
gastos na lang. At saka hindi na formal. Sunday best na lang. Naka-bestida ang
mga babae. Naka-polo kami. Bawal ang naka-maong. Karamihan sa amin, suot na ang
itim na slacks at itim na leather shoes na pang-graduation. ‘Yong mga juniors,
nanghihiram na lang ng isusuot para hindi gumastos. Hindi pa naman sila
ga-graduate, e.”
Parang naalimpungatan si Shaira. Pero
hindi pa rin siya sumuko.
“Siguro naman, kahit magkaiba ang style,
magkasing-romantic pa rin ang event,” giit niya. “I mean, special pa rin iyon
sa inyo at that time. Ikaw ba, wala kang crush noon? Hindi ba exciting ‘yong
maisayaw mo sa prom ang crush mo?”
Nangingiting napailing si Jigger.
“Wala naman akong naging crush noon,”
sagot nito. “Kahit naman kailan, wala akong alam pagdating sa girls.”
Lumabi si Shaira.
“Sus, bola,” sabi niya.
“Totoo,” pilit ni Jigger. “Peks man.”
“Pero siguro naman, marunong kang
sumayaw, ano,” sabi ni Shaira.
“Sweet lang,” sagot ng binata.
“Alam mo, ni minsan, hindi pa ako
naisasayaw,” pabuntonghininga nanamang pahayag ni Shaira.
“Ah, puwede nating gawa’n ng paraan
iyan,” mabilis na sagot ni Jigger bago ito tumayo sa harap niya’t naglahad ng
kamay. “May I have this dance?”
Nakangiting inilagay niya ang kamay niya
sa kamay nito.
Hinahatak pa lamang siya ni Jigger
papatayo ay naramdaman na ni Shaira ang kakaibang kuryenteng dumadaloy sa
kanilang magkaugnay na mga kamay. Bigla na ring
nag-iba ang intensity ng pagkakatitig nila sa isa’t isa.
Hindi na nga niya
napapansin kung aling love song ang tumutugtog. Basta’t ang atensyon niya’y
nasa sa kung paano inilagay ni Jigger ang kanyang dalawang kamay sa balikat
nito. At kung paano siya kinabig at niyakap ng binata sa beywang.
Dahan-dahan lang ang
pagkilos nila. Habang papahigpit nang papahigpit ang pagkakayakap sa kanya ni
Jigger ay paakyat naman nang paakyat ang kanyang mga kamay sa batok nito.
Maya-maya’y yumuko pa nang
kaunti si Jigger. Bahagya naman siyang tumingala. Iyon lang ang kailangan para
ganap na maglapat ang kanilang mga labi.
Walang hindi nakintal
sa alaala ni Shaira. Mula sa unang dampi ng labi sa labi. Ang mainit na palitan
ng kanilang mga hininga. At maya-maya lang, ang sabik na sabik nilang
pag-angkin sa mga labi ng isa’t isa.
Ganoon
pala iyon. Parang doon pa lang ay gusto na nilang pag-isahin ang kanilang mga
pagkatao.
Walang anumang
pag-aalinlangan ang dalaga. Sa mga sandaling iyon ay buong-buo ang kanyang
pag-aalay ng sarili kay Jigger. At iyon din ang inaasahan niya mula rito.
Kaya nang saglit na kumalas ang binata
para muli siyang titigan at piping tanungin, ang kasagutan niya’y ang paghila
dito paakyat sa loft.
Matagal na silang nakahiga roon ay
naghahalikan pa rin. Parang hindi nila magawang iwan ang mga labi ng isa’t isa.
Pero nang magawi ang kamay ni Jigger sa
kanyang dibdib at napasinghap si Shaira, para naman silang biglang nataranta.
Hindi sila halos magkandatuto sa pag-aalis ng kasuotan ng isa’t isa. Kinailangan pa nga nilang bumangong muli para mas mapabilis ang kanilang
ginagawa.
Para lang kapwa matigilan pagkakita
sa ganap na kahubdan ng isa’t isa.
Sa kabila ng lahat ng
kanyang napag-aralan, first time ni Shaira na nakakita ng hubad na lalaki na
hindi illustration lamang sa libro.
At sa pagkakatingin sa
kanya ni Jigger, pakiramdam niya’y siya rin ang kauna-unahang babaeng nakita
nito nang walang saplot. Halos sambahin siya ng mga mata nito.
Hindi na inalam ni Shaira kung
paanong sa muli nilang pagyayakap ay parang kusa na lang silang napatimbuwang
sa higaan. Pagkatapos ay naramdaman na lamang niya ang mga labi at palad ni
Jigger na mabilis na naglalakbay sa kanyang buong katawan. Wala, wala na siyang
nagawa kundi ang sumakay sa mga alon ng sensasyon na tumangay sa kanyang
katinuan.
Maya-maya’y parang magic na
nagbalik ang mga labi nito sa kanyang mga labi. May iba namang bahagi ng
katawan nitong humahaplos sa kanyang napakasensitibo nang kaselanan.
Kasabay ng muling pagbuka
ng mga labi ni Shaira ang pagturok ng kapangahasan ni Jigger sa kanyang
kamalayan. Inangkin nitong muli ang kanyang bibig kasabay ng kanyang buong
pagkatao.
Kaybilis na ng mga
pangyayari magmula roon. Bago pa makaisip si Shaira ng kanyang itutugon ay
nagkusa na ang kanyang katawan at kamalayan. Inilipad na siya ng isang
kakaibang deliryo na nagtapos sa isang nakapanghihina pero walang kasintulad na
kaganapan.
Kapwa sila naliligo sa pawis nang
mahimasmasan. Hindi na malaman ni Shaira kung aling bahagi ng magkapulupot pa
rin nilang mga katawan ang kanya at alin ang kay Jigger.
“I’m sorry...,” bulong ng binata.
“I’m not,” mabilis niyang sagot dito.
“Hindi iyon,” nakangiting paglilinaw
nito. “Ang ibig kong sabihin...masyado yatang mabilis...”
Nangiti na rin si
Shaira.
“Hindi,” sagot niya. “It was just
perfect.”
“Hindi pa perfect iyon,” salungat ni
Jigger. “Iyong susunod, better pa. Kailangan lang natin ng mas maraming
practice. Pasensiya ka na, first time natin pareho, e.”
“Ikaw din?” nakataas ang kilay na sabi
niya.
“Oo naman,” sagot ni Jigger. “Kaya nga
ganoon, e. Parang tornado sa bilis. Hindi ko nakontrol.”
Hinaplos niya ito sa pisngi.
“Inuulit ko, it was just perfect,” giit
ni Shaira. “Pero...hindi rin ako tatanggi sa more practice.”
Tumatawang hinagkan siya ni Jigger sa
tungki ng ilong, sabay pagbabago nito ng posisyon.
Napasinghap si Shaira.
“Ngayon na agad? Hindi ba kailangan pa
niyan ng rest period?” gulat na sabi niya.
“Iyon din ang alam ko,” sagot ni Jigger.
“Pero mukhang iba nga talaga ang theory sa practice. Palagay ko, kailangang
pag-aralan pa natin. Ano, itutuloy ko ba ang experiment, Professor?”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento