Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Lunes, Hunyo 19, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna Chapter 4

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 4

 

ANG problema ni Rhianna, nahihiya na siyang magtapat sa mga officemates niya ng tungkol sa bagong developments sa kanyang feelings kay Anto. Naunahan na kasi siya ng kantiyaw at nakapag-deny pa. Paano niya babawiin iyon?

        Ang mapagbubuhusan lang niya ng kanyang niloloob ay ang kanyang original best friend. Si Urielle.

        Magkaklase na sila ni Urielle mula pa sa preschool. Doon din nagsimula ang kanilang pagiging mag-best friends. Kung tutuusin, mas malapit pa siya rito kaysa sa mismong Ate Odette niya.

        Wala silang hindi nasasabi sa isa’t isa. Kahit nga magkalayo, tuluy-tuloy pa rin ang komunikasyon nilang dalawa. Mas madalas nga lang ay sa pamamagitan na ng e-mail.

        Pero nang gabing iyon ng Lunes, tinawagan ni Rhianna si Urielle. Bitin siya kung sa e-mail lang niya ikukuwento ang lahat. Mas gusto niyang makausap talaga ang kaibigan.

        “Himala,” sabi ni Urielle. “Nagka-bonus ka ba at gumagastos ka ngayon sa long distance call na ito?”

        “Miss ko na ang boses mo, e,” sagot niya. “At saka juicy itong ikukuwento ko. Gusto kong marinig agad ang reactions mo.”

        “Talaga?” excited na sabi ng dalagang nasa Paraiso. “Bakit, na-meet mo na ba ang man of your dreams?”

        Napabuntonghininga si Rhianna.

        “I think so,” sagot niya. “Pero hindi ko siya bagong kakilala. You won’t believe this. He’s Anto Durano.”

        “Anooo?” bulalas ni Urielle. “Rhianna, ginu-goodtime mo ba ako?”

        “Hindi,” pakli niya. “Surprising nga pero totoo ito.”

        Ikinuwento na niya sa kaibigan ang lahat ng naganap, pati na rin ang mga emosyong hindi niya maipagtapat sa mga kaopisina.

        “See how difficult it is for me?” pagtatapos niya. “Para kong ikinulong ang sarili ko sa kahon. Hindi ko maipakita sa mga kasama ko na nagsu-swoon din ako sa bago naming boss. Lalo namang hindi ako makaporma kay Anto. Nakakainis nga, e. He’s so distant. Napaka-aloof. Wala akong makita kahit katiting na trace ng dati niyang pagka-in love sa akin. Talagang nagbago na siya, completely.”

        “Sa description mo, palagay ko nga hindi ko na rin siguro siya makikilala pag nakasalubong ko siya somewhere,” sagot ni Urielle. “Ever since he left kasi, hindi na siya bumalik dito. Pati parents niya, diyan na tumira sa bahay nila sa Alabang. Iyong eldest brother na lang niya ang nag-manage ng farm at business nila rito. Tagarito rin kasi ang napangasawa niyon.”

        “Ano’ng gagawin ko, Urielle?” daing ni Rhianna. “Sa first meeting pa lang namin kanina, na-in love na yata ako sa kanya. Pero kung magiging ganoon siya kalamig sa akin, torture naman. Lalo pa dahil araw-araw ko siyang makakasama sa trabaho.”

        “Baka naman pinaninindigan lang niya ang pagiging professional?” sagot ng kaibigan.

        “I can understand that at saludo nga ako sa kanya kung ganoon nga,” sabi niya. “Pero puwede naman siyang maging very professional nang hindi siya nagsusuplado, a. Sana may maramdaman man lang akong warmth mula sa kanya. Kahit hint lang na attracted pa rin siya sa akin, kahit paano. Maganda pa rin naman ako, `di ba?”

        Natawa si Urielle.

        “Oo naman,” sagot nito. “Huwag ka ngang mai-insecure riyan. In fact, mas maganda ka pa ngayon kaysa five years ago.”

        “Iyon nga rin ang assessment ko, e,” hindi na nahihiyang amin ni Rhianna. “Pero bakit wala man lang epekto sa kanya kahit noong halos mag-flirt na ako? Nakalugay na ang buhok ko, naka-spaghetti straps na ako, hindi man lang siya nag-second look.”

        “Are you sure he’s still single?” tanong ni Urielle. “O baka naman single nga pero committed na. Baka may girlfriend na.”

        “Oh no,” bulalas niya. “Hindi ko naisip iyon. Baka nga.”

        “Magtanung-tanong ka muna,” payo ni Urielle. “Alamin mo before you waste your time and emotions on him. Kung committed na siya, that’s it. Siguro naman, hindi mo balak na manulot, ano?”

        “Of course not,” sagot agad ni Rhianna. “Iyan ang hinding-hindi ko gagawin. Kung married na siya o may girlfriend na, I’ll just have to accept the bitter truth. Kung bakit kasi pinakawalan ko pa siya noon, e.”

        Napabuntonghininga uli siya.

        Isipin pa lang na baka nga may ibang babae na sa buhay ni Anto, naninikip na ang kanyang dibdib. Nasasaktan siya.

        Natawa uli si Urielle.

        “Hoy, huwag mo nang pagsisihan at panghinayangan ang nakaraan dahil baka nakakalimutan mong sobra-sobra talaga ang pagkadisgusto mo kay Anto noong araw,” paalala nito. “Baka nga naka-karma ka na ngayon sa kalupitan mo sa kanya noon, e.”

        “Huwag naman sana,” parang dasal ni Rhianna.

 

NAG-RESEARCH nga siya. Humingi siya ng bio-data ni Anto mula sa personnel department. Kunwari ay para sa files nila sa division.

        Nalaman niya roon na single si Anto. Pero wala naman siyempre sa bio-data ang impormasyon kung may girlfriend ba ito o wala.

        Ganoon pa man, lihim na ipina-xerox ni Rhianna sa labas ng opisina ang bio-data. Iniuwi niya ang kopya niya.

        Kay Sandra naman siya pasimpleng nangalap ng impormasyon pagkatapos.

        “Okay lang kaya kay Anto kung kumbidahin natin siya sa night out natin sa Friday?” tanong niya rito. “Isama na rin niya ang girlfriend niya para makilala natin.”

        “Sa pagkakaalam ko, wala naman siyang girlfriend, e,” sagot ni Sandra. “Palagay ko, sasama siya sa atin.”

        Parang may pinakawalang sandaang paru-paro sa sikmura ni Rhianna. Na-excite siya uli. Kinabahan din.

        “Ikaw na kaya ang mangumbida?” hiling niya kay Sandra. “Baka mas madali mo siyang mapapayag. Pakisabi na lang na gusto rin naman namin siyang makasama sa labas ng office. Para naman makapag-bonding din kami sa kanya gaya ng bonding namin sa `yo.”

        “Sige,” nakangiting tango ni Sandra. “Ako na’ng bahala.”

        Hindi masukat ang tuwa ni Rhianna. Na-establish din niyang wala naman palang girlfriend si Anto. Ibig sabihin niyon, patas na ang laban. He’s fair game, wika nga.

        Ngayon, ang kailangan na lang niyang madiskubre ay kung talaga nga bang wala nang kahit katiting na pagtingin sa kanya si Anto, o baka dumidistansiya lang ito dahil sa professionalism.

        Kailangan ngang magkasama sila sa labas ng trabaho. Bakasakaling doon siya makakuha ng pagkakataong masilip ang tunay na niloloob ni Anto Durano.

        Pangalawang araw pa lang ng linggo. Matagal pa ang Biyernes. Hindi bale, tututok muna siya sa trabaho. Pagbubutihin niya ang pagpapa-impress sa bago nilang boss.

        Pero liban sa pagpapa-impress sa trabaho, itutuloy pa rin niya ang kanyang pagbibihis at pag-aayos nang kumbaga ay “kahalihalina.” Kahit pa hindi siya masyadong pinansin ni Anto kahapon, magpupursige siya. Bakasakaling tablan din ito sa bandang huli.

        Masaya na si Rhianna. Determinado sa kanyang misyon.

 

SA pagdaan ng mga araw, patuloy din silang na-impress ni Anto. Mabilis nga itong magtrabaho. Masipag. Listo.

        Martes pa lang, may naibigay na ito kay Megan na final copy ng proposal na mailalako ng dalaga sa mga prospective advertisers nila batay sa ire-relaunch na People and Places, Manila Magazine. May hiwalay pang proposal para sa mga bagong prospective distributors.

        May naipakita na rin ito sa kanila na copy ng hiring requirements na ilalabas sa classified ads ng mga diyaryo at sa mga internet job search sites.

        Miyerkoles, nagbigay ito kay Rhianna ng memo tungkol sa mga suggested changes nito sa nakasalang nilang issue. Hindi naman malalaking pagbabago ang gustong gawin ni Anto, pero sapat para mas mapaganda nang husto ang issue.

        Ang pinanghihinayangan lang niya, masyadong mahusay gumawa ng memo ang binata. Wala na tuloy siyang dahilan para makipag-meeting pa rito dahil wala nang kailangan pang linawin sa mga isinulat nito.

        Huwebes at Biyernes, nakipagkita ito sa kanilang color separator, imprenta, supplier ng papel at mga dating distributors. Lahat ng aspeto ng trabaho ay binusisi nito.

        May napansin si Rhianna. Kapag kailangang kausapin ni Anto ang isa sa kanila, hindi sila nito ipinatatawag. Ito na mismo ang dumadayo sa kuwarto nila. Dito sila kinakausap.

        Kunsabagay, ikinatuwa iyon ng staff. Wala raw ere si Anto. Para ring si Sandra.

        Pero hindi iyon gaanong ikinatuwa ni Rhianna. Hindi na kasi uli siya nagkaroon ng pagkakataon para makasarilinan ang binata.

        Biyernes ng hapon, pagpatak ng alas-singko, dumating sa kuwarto nila si Anto.

        “O, awat na sa trabaho,” sabi nito. “Akala ko ba, may TGIF night out tayo? Treat ko ito. Pabuwenas natin.”

        “Wow, talaga?” sabi ni Gizelle. “Naku, ha, baka mawili kami niyan.”

        “Huwag mo ngang takutin at baka umatras pa ang suwerte,” saway dito ni Tina.

        “Oo nga,” sang-ayon ni Megan. “Tara na bago pa matauhan si Boss Anto.”

        “Ano’ng boss?” sabi naman ng binata. “Walang boss pagkatapos ng trabaho.”

        Tumatawang pumasok din ng kuwarto nila si Sandra.

        “O ayan, girls,” sabi nito sa kanila. “Masaya na kayo. Game din pala itong si Anto.”

        “Tayo na at nang makahanap tayo ng magandang puwesto,” sabi ng binata. “Punuan ang mga kainan kapag ganitong Friday afternoon. Saan n’yo ba gusto?”

        Kanya-kanyang suggestion. Bandang huli, nagkasundo ring sa Friday’s na lang sila magpunta. Oo nga naman. Kauna-unahan nilang TGIF night out na kasama si Anto. Bagay nga na sa Friday’s din gawin.

        Tahimik lang si Rhianna mula sa opisina hanggang sa kainan. Nakikitawa rin naman siya. Nakikipagkuwentuhan. Pero hindi muna siya gaanong pumapapel. Mas nag-oobserba pa siya.

        Nang makarating sila sa Friday’s, pinili niya ang upuang kaharap ng puwesto ni Anto, pero medyo palihis. Iyong mapapanood niya pa rin ito pero hindi naman obvious. At hindi rin siya nakapronta.

        Masaya naman ang binata. Nakikipagbiruan. Nakikipagtawanan. Makuwento.

        Pero dahil matalas ang pag-oobserba ni Rhianna, napansin niyang hindi totoong bigay na bigay ito. Hindi tunay na relaxed si Anto. May itinatago itong tensiyon.

        Tumaas pang lalo ang mga antenna ng dalaga. Na-excite siya sa kanyang discovery. Bakit nga ba tense si Anto? May kinalaman ba iyon sa kanya?

        Muling bumangon ang pag-asa ng dalaga. Lumakas ang loob niya.

Mas naging madaldal na siya. Mas nakigulo na sa kuwentuhan at biruan. Sa kabila niyon, ganoon pa rin ang sikretong pagmamasid niya sa kababata.

        At may panibago nga siyang naobserbahan. Kapag nakikipagbiruan siya sa kanyang mga katabi, kapag inaakala ni Anto na wala rito ang kanyang pansin, siya naman ang pinapanood nito. Kitang-kita niya mula sa sulok ng kanyang mga mata.

        Gusto nang matawa ni Rhianna. Obvious kasi ang binata. Hindi ito tulad niya na kahit sa pag-oobserba ay hindi basta-basta mahuhuli. Laging peripheral vision lang ang ginagamit niya. Hindi siya diretsong tumitingin kay Anto  kahit nakatuon dito ang kabuuan ng kanyang konsentrasyon.

        Nag-eksperimento siya. Habang nagkukuwento sa grupo, diniretso niya ang pagtingin kay Anto.

        Bigla nga itong parang naasiwa. Biglang nag-iwas ng tingin. Napainom ng beer.

        Halakhak na ang pinipigil ni Rhianna - na napakawalan din naman niya pagkatapos ng binigkas niyang joke sa grupo. Ang sarap-sarap ng tawa niya. Malutong. Mataginting. Bigay na bigay. At may bahid ng pagtatagumpay.

        “Loko mo, nahuli rin kita,” gusto niyang sabihin kay Anto. “Hindi ka pa rin pala immune sa charms ko.”

        Naghilom agad ang napingasang self-confidence ng dalaga. Namukadkad uli ang kanyang tiwala sa sarili.

        Magmula sa sandaling iyon, hindi na niya kailangan ng extra effort. Para siyang kusang nag-bloom. Naging mas makislap ang kanyang mga mata. Naging mas matamis ang kanyang mga ngiti. Mas musical ang mga halakhak.

        Bigla niyang naalala ang mga witty jokes na nabasa niya sa internet. Pati na rin ang mga kuwentong talaga namang napaka-interesting. Naging sentro tuloy siya ng kasayahan.

        At habang ini-enjoy niya ang pagiging center of attention, kapansin-pansin din kay Rhianna ang palala nang palalang pagkabalisa ni Anto. Naging mas pilit naman ang mga tawa nito. Medyo natatabingi na nga pati mga ngiti. At napapabilis ang paglagok nito ng beer.

        Parang malalasing si Rhianna kahit iced tea lang ang iniinom niya. Nakakalango pala ang labis na tuwa.

 

HINDI naman nalasing si Anto. Laging kontrolado ang kanyang pag-inom. Pagkatapos ng dalawang bote ng beer, tigil na. Kape na ang sunod niyang inorder hanggang sa mag-uwian na sila.

        Pero habang nakahiga sa kanyang kama, para rin siyang wala sa sarili.

        Nitong huling limang taon, akala niya’y na-master na niya ang kanyang kontrol sa sarili. Akala niya, kasabay ng lahat ng pagbabagong naganap ay tuluyan na niyang naiwaglit ang dating si Anto ng Paraiso. `Yong teenager na nagpakaloko sa kababatang si Rhianna.

        Pero kung noong Lunes ay muntik-muntikan na siyang nawalan ng kontrol, ngayong gabi ay ganap na nga siyang nabalik sa nakaraan. Para nanaman siyang totoy na manghang-mangha sa kariktan ng sinasambang dalaga.

        Ang kaibahan na lang, marunong na siya ngayong magtago ng kanyang nadarama. Marunong na siyang magpanggap.

        Pero habang tumatagal. Pahirap nang pahirap. Lalo na kapag wala sila sa opisina na tulad ngayong gabi. At kapag ganoong lutang na lutang ang lahat ng kabighabighaning katangian ni Rhianna.

        Kahit pala sa gitna ng isang yuppie hang-out na tulad ng Friday’s, kung saan nagkalat ang naggagandahang mga sosyal na babae, stand out pa rin ang ganda at personalidad ni Rhianna. Fresh na fresh ito. Kakaiba. Espesyal.

        Hindi na makapagkaila si Anto sa sarili. In love pa rin siya sa kababata. Parang walang namagitan sa kanilang limang taon. Mas matindi pa nga yata ngayon ang kanyang feelings.

        Ang problema niya ay kung paano niya itatago ito nang matagalan. Paano na ang pinangako niyang professionalism in the workplace?

 

DAHIL gabing-gabi na siya nakauwi, hindi na matawagan ni Rhianna si Urielle. Pero hindi siya makatulog. Nag-uumapaw pa rin ang kanyang excitement. Kailangan niyang mag-e-mail sa kaibigan.

 

Hi, Urielle! I just got back from our TGIF night out and guess who was with us? Si Anto. I finally confirmed from Sandra na wala siyang girlfriend. Ayan, ha? Di may lisensiya na ako ngayon :-)!

At alam mo ba kung bakit ako hyper? Nahuli ko siya, e. All through the evening, tingin siya nang tingin pag inaakala niyang hindi ko siya napapansin. Bigla namang umiiwas kapag tinitingnan ko nang diretso. Ha-ha! So now I know that he’s still attracted to me. Haay, ang sarap ng feeling.

Pero ngayong alam ko na ang gimik niya, hindi ko siya titigilan. Tingnan ko lang kung hanggang kailan niya ako matitikis. Aamin at aamin din siya one of these days, I promise you. So wish me luck, okay?

Deliriously happy,

Rhianna

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento