Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Biyernes, Abril 28, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Paula Chapter 4

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 4

HINDI na siya nilayuan ni Richard nang buong gabi. Wala namang magawa si Paula. Kailangan niyang patunayang kaya niya itong pakiharapan nang hindi bumibigay sa kanyang totoong nadarama.

        Nakakain na sila’t lahat ay sila pa rin ang magkaharap sa pandalawang mesang nasa pinakasulok ng Arte’t Kape. Nagdedebate pa rin.

        Hindi sinayang ni Paula ang pagkakataon. Sinasamantala na niya ang sitwasyon para ipamukha sa binata ang lahat ng hindi nito matanggap na mga katotohanan.

        “May mga studies nang ginawa na nagpapatunay na ang pagiging gay ay may batayang biological,” sabi niya. “Karamihan sa mga tao ay nagtataglay ng mga hormones na basically female o kaya naman ay basically male. Pero mayroon ding iba’t ibang kumbinasyon. Iyong babae nga ang katawan pero may malakas na male horomones. O lalaki nga ang katawan na may malakas na female hormones. Mayroon pa ngang pati mismo ang katawan ay hindi malaman kung sa babae ba o sa lalaki. May mga taong nagtataglay ng both male and female genitals.”

        “Then that makes them abnormal,” sagot ni Richard.

        “Ganyan din ba ang turing mo sa mga taong ipinanganak nang may anumang kaibahan sa katawan?” nakataas ang kilay na hamon ni Paula. “Para sa akin, hindi iyon abnormality kundi bahagi ng malawak na pagkakaiba-iba ng sangkatauhan. Katulad din ng pagkakaiba-iba ng ating personalidad, ugali, kulay ng balat, buhok, mata, at iba pang characteristics. Hindi porke’t naiiba, abnormal na. Kaya nga ang politically correct term para sa mga tinatawag na disabled ay dapat na differently-abled.”

        “Sabihin na nating totoong may biological basis nga ang pagiging gay o lesbian,” pagbibigay ni Richard. “Alam kong may studies din namang nagpapatunay na may social basis din ito. Nahuhubog din nang ayon sa kinalakhang kapaligiran at sa choice ng mismong may katawan. In other words, they have a choice. Puwede silang magpaka-straight.”

        “Sa mga nakilala ko na, napatunayan kong it’s not really a choice,” iling ni Paula. “Kapag gay o lesbian ang isang tao, anumang self-denial ang gawin niya, mararamdaman at mararamdaman pa rin niya ang tunay niyang pagkatao at some point. Hindi iyon mababago ng anumang denial. Of course, choice nga niya kung aaminin niya yon sa kanyang sarili at sa mundo o kung ide-deny niya’t pipilitin niyang sumunod sa sinasabi mong normal na kalakaran. It’s still a legitimate choice na karapatan ng indibidwal. Ang nakakalungkot lang, almost always, hindi ganap na maligaya ang mga gay o lesbian na in denial sa katotohanan. Iba pa rin ang kaligayahan no’ng malayang naipapahayag ang totoong pagkatao.”

        “Mayroon din namang nasira ang buhay dahil nagladlad,” katwiran ni Richard.

        “Nasisira dahil hindi matanggap ng mga nakapaligid sa kanya ang katotohanan,” sagot ni Paula. “Masakit din iyon. Lalo na kung mismong ang mga mahal niya sa buhay ang hindi tumatanggap sa pagkatao niya.”

        Sinadya niyang titigan nang diretso ang binata habang sinasabi iyon. Pinatatamaan niya talaga ito.

        Nakuha ni Richard ang ipinakakahulugan niya.

        “I love my sister,” giit naman nito. “I want what’s best for her.”

        “She’s an intelligent adult,” paalala ni Paula. “Alam na niya kung ano nga ba talaga ang makabubuti sa kanya. At saka nakikita mo namang maligaya siya. Fulfilled sa lahat ng aspeto ng kanyang buhay. In fact, kahit ikumpara sa ilang mga male-female relationships, mas matatag at healthy ang relationship nila ni Libby. They love and respect each other. Faithful sila sa isa’t isa. They also help each other grow as persons. Kaya nga tumatagal ang relasyon nila.”

        “May mga ganoon din namang klase ng male-female relationships, a,” sabi ni Richard.

        “I agree,” tango ni Paula. “At iyon nga mismo ang point ko. Whether male-female ang relationship o gay o lesbian, pareho lang dapat ang mga batayan. Love. Respect. Faithfulness. Honesty. Basic ang mga iyan. At kapag mayroon niyan, it doesn’t matter kung straight ba o gay o lesbian ang relasyon. Pare-parehong makabubuti sa mga taong involved.”

        “Mas bihira naman ang mga gay o lesbian relationships na tumatagal,” sabi ni Richard. “Marami diyan, papalit-palit ng partner. Kaya tuloy mabilis kumalat sa kanila ang AIDS.”

        “Hindi iyon dahil gay sila,” sagot ni Paula. “Weakness na iyon ng indibidwal. Tulad din ng maraming mga straight na lalaki o babae na hindi mapirmi sa iisang partner. In fact, mas common iyan sa mga straight na lalaki, hindi ba? Kahit nga may-asawa na, nambababae pa rin. Well, just because it’s common doesn’t mean it’s right. Naniniwala ako na whether straight or gay, dapat lang na maging responsable sa relationship.”

        “Sabi kasi nila, walang straight na lalaking iibig nang totoo sa isang gay,” katwiran ni Richard. “And I believe that. Kaya nga kinukuwartahan lang iyang mga gay ng mga lalaking pumapatol sa kanila.”

        “May mga users talaga, saan mang dako ng lipunan,” sagot ni Paula. “At iyan nga ang isa sa pang kalbaryong kinakaharap ng maraming mga gay men.

“Dito kasi sa Pilipinas, laganap ang paniniwala na liligaya lang ang mga gay sa piling ng isang straight na lalaki. Kaya marami sa mga gay ang nagpupumilit na maghanap ng kaligayahan kahit sa mga lalaking bayaran o mapagsamantala. Ang kailangang maunawaan ng maraming mga gay ay puwede silang lumigaya – at mas malamang na magtagumpay – sa isang relasyon with another gay. Or with a bisexual. Iyong taong liligaya rin sa piling nila at hindi one-way lang ang relationship. Dahil bihira talaga na ang isang straight guy ay ma-in love nang totohanan sa isang gay guy, the same way na bihira rin sa isang straight woman ang ma-in love nang totohanan sa isang lesbian. Unless, of course, may dati nang natutulog na tendencies ang mga straight na iyon.”

        “Ikaw, may posibilidad bang ma-in love ka sa isang lesbian?” mapanghamong tanong ni Richard.

        “Sa tinagal-tagal ng pagkakaroon ko ng lesbian friends, napag-aralan ko na nang husto ang sarili ko,” makatotohanang sagot niya. “Noon pa, open na ako sa idea sakaling matuklasan kong may lesbian tendencies pala ako. Pero wala, e. Marami na akong nakilalang lesbians na hinangaan ko pero hindi ako makadama ng physical attraction sa kanila. I really just value them as persons and as good friends.”

        “So, straight na lalaki pa rin ang hanap mo,” nakangiting sabi ni Richard.

        “Depende sa lalaki,” mabilis na sagot ni Paula. “Mahirap na nga yatang makita ang tipo ng lalaking hinahanap ko. Like I mentioned earlier, I’m looking for someone capable of love, respect, honesty and fidelity. Ayoko sa male chauvinist.”

        Natawa si Richard.

        “Are you saying you can never be attracted to me?” walang pakundangang tanong nito. “Kahit physically?”

        Namula si Paula.

        Sa ganoon kadirektang tanong at sa lapit ng pagkakaharapan nila’y halatang-halata kung magsisinungaling pa siya.

        Pero nagawa pa rin niyang panghawakan ang kanyang sarili. Nagawa pa rin niyang sumagot nang kalmante.

        “You know how attractive you are, physically,” sabi niya sa binata. “As an artist, of course, I appreciate that. Posible rin akong ma-attract, siyempre. But I assure you, mananatiling ganoon lang kababaw iyon. Purely physical. At hindi ganoon ang hinahanap ko. I want a deeper basis for a more lasting commitment.”

        “So you’re not open to a purely physical encounter?” tanong ni Richard. “Never in your life?”

        Ewan kung bakit nagawa ni Paula na magkibit-balikat lang, kahit ni sa hinagap ay hindi pa niya kinunsidera man lamang ang ganoong sitwasyon.

        “I don’t really know,” bulalas pa niya. “Ayoko ring nagsasalita nang tapos. Hindi ko kinakahon ang sarili ko. Who knows? It could happen – even at least once. As long as it’s on my terms and I call the shots. At malinaw from the start na iyon lang iyon. Walang lokohan. Walang expectations. And I definitely won’t make it the pattern of my life. I still believe na self-defeating ang ganoong lifestyle.”

        “Okay, I agree,” tango ni Richard. “It shall be on your terms and you call the shots. Malinaw. Walang lokohan. Walang expectations. How about that?”

        Hindi agad rumehistro kay Paula ang ibig sabihin ng binata. Una, akala niya’y sumasang-ayon lang ito sa kanyang mga sinabi.

        Pero nang malinawan niyang nag-aalok na pala ito ng “purely physical encounter,” namilog ang mga mata ng dalaga.

        “Oh, no,” depinidong iling niya. “No way!”

        Napabuntonghininga si Richard.

        “What a pity,” sagot nito. “We’d be so good together.”

        “Can we please talk about something else?” nakataas ang kilay na sabi ni Paula. “Hindi ko na gusto ang pinupuntahan ng usapang ito.”

        “How about if I commission you to make me a nude sculpture?” biglang baling ni Richard. “Ako ang modelo, in the flesh.”

        Mabilis ang pag-iling uli ng dalaga.

        “Sorry again,” sagot niya. “I’m fully booked for the next few months.”

        “I can wait,” sabi ni Richard. “Hanggang kailan ba? And how do I get in touch with you?”

        Nataranta si Paula, hindi lang siya nagpahalata.

        “Si Moncie ang manager ko,” sagot niya. “He handles all my business affairs.”

        “Ganoon ba?” sabi ni Richard. “May business card ka ba ni Moncie? May I have one?”

        Napilitan si Paula na pagbigyan ito.

        “Bahay niya ang nasa address na ‘yan,” paliwanag niya. “It’s also his office. Showcase na rin kasi niya ang bahay niya. After all, he’s an architect, interior designer and landscape artist. Marami sa mga kliyente niya ang naire-refer niya sa akin. Nagpapagawa sila ng sculpture para sa garden o kaya para sa loob ng bahay.”

        “Ikaw, saan naman ang office mo?” tanong ng binata.

        “Wala,” iling niya. “Pag may business meetings ako, doon sine-set ni Moncie sa bahay niya.”

        “Doon ka rin ba nagtatrabaho?” tanong pa ni Richard.

        “Partly,” sagot niya. “That’s where I meet and screen the models. Doon ko rin ginagawa ang sketches nila. Pero pagkatapos niyon, I work by myself sa sarili kong studio sa bahay. Sa likod ng family home namin.”

        “Alone?” nakakunot-noong ulit ni Richard. “Wala nang modelo?”

        “I work from my sketches,” paliwanag ni Paula. “I make sure that I sketch my model from all angles. Doon pa lang, nakukuha ko na ang lahat ng detalyeng kailangan ko. I find that more effective than taking photographs. Pag ako kasi mismo ang nag-sketch, kasama na ang interpretasyon ko sa nakikita ko. Alam ko kung ano ang gusto kong bigyan ng emphasis sa partikular na modelo. Bahagi ng creative process ko ‘yung sketching.”

        “Ang suwerte naman ng mga model mo,” sabi ni Richard. “Pero paano kung iyong gustong magpagawa ng nude sculpture sa iyo, hindi mo type ang physique?”

        “Actually, wala pang nagpapagawa sa akin ng sculpture based on his own figure,” sagot niya. “May mga kliyente akong nagpo-propose ng sarili nilang modelo, subject to my approval, of course. Palagi namang pumapasa sa akin ang pigura ng mga modelong dala nila. Like I said, I don’t look for perfection in the human body. Kung may nire-reject man ako, mas dahil pa sa pagiging unprofessional no’ng modelo.”

        “Bakit, has anyone made a pass at you?” nakangiting tanong ng binata.

        “Hindi pa umaabot sa ganoon,” sagot ni Paula. “Bago pa mangyari iyon, nararamdaman ko kapag patungo roon ang iniisip ng isang lalaki. Hindi ko na binibigyan pa ng pagkakataon. I just refuse to work with him.”

        “Is that why you refuse to work with me?” diretsahan na namang tanong ni Richard. “I promise, I’ll be very professional while I’m posing for you.”

        “Sinabi ko naman sa iyo, I’m fully booked at the moment,” paiwas na sagot ni Paula.

        Tamang-tama namang lumapit na uli sa kanila si Moncie.

        Mabilis itong binalingan ni Richard.

        “Moncie, gusto kong magpagawa ng nude sculpture kay Paula,” sabi ng binata. “Ikaw pala ang manager niya.”

        Isang sulyap lang sa mukha ni Paula at sumagot na agad ang best friend niya.

        “Bakit, maisisingit ka pa raw ba niya?” tanong nito kay Richard. “Sa pagkakaalam ko, may mga nakapila na.”

        Lihim na napabuntonghininga ang dalaga. Kayang-kaya pa rin palang basahin ng kanyang best friend ang kanyang mukha. Alam na alam nito ang isasagot.

        “Sige, ipila mo na rin ako,” sabi ni Richard. “I’ll just follow it up with you.”

        “Okay,” pagkikibit-balikat ni Moncie. “But it could be a very long wait.”

        “That’s fine with me,” sabi pa rin ni Richard.

 

“MONCIE, don’t you dare accept any assignment from that guy, ha?” mariing bilin ni Paula sa kaibigan.

        Sa telepono na sila nag-uusap. Nasa kanya-kanyang bahay na.

        Hindi sila nagkaroon ng anumang pagkakataong makapag-usap nang sarilinan sa Arte’t Kape dahil hanggang sa magsipag-uwian na ang karamihan sa mga bisita ni Rica ay nakadikit pa rin sa tabi ni Paula si Richard. Kung hindi pa siya nagpaalam sa may birthday ay hindi pa rin yata ito umuwi.

        Nag-alok pa nga ito na ihahatid na raw siyang pauwi. Siyempre, hindi siya pumayag. Bukod sa may dala naman siyang sariling kotse ay hindi talaga siya sasabay sa male chauvinist na iyon.

        “Bilib nga ako sa tiyaga mong humarap sa kanya,” natatawang sagot ni Moncie. “Pinanood ko kayo from a distance. I was expecting you to lose your cool. Akala ko iiwanan mo siya o baka masampal mo pa.”

        “Kamuntik na nga,” amin ng alaga. “Nagpigil lang ako. Ayoko naman kasing ako ang magmukhang pikon. Nananadya ang lalaking iyon, e. Akala yata niya hindi ko siya kayang tapatan. Pero huwag ka, nakatikim siya ng maaanghang na salita mula sa akin. For Rica’s sake, talagang ipinamukha ko sa kanya na unfair siya sa kanyang kapatid.”

        “Sabi nga ni Rica sa akin, mukhang nakatagpo raw ng katapat ang kuya niya,” pahayag ni Moncie. “Exact counterpart ka nga naman ni Richard. Kung gaano siya ka-chauvinist, ganoon ka naman ka-committed na feminist. Bagay nga kayo.”

        “Bagay?” nakataas ang magkabilang kilay na ulit ni Paula. “Puwede ba? Excuse me, ha?”

        “Bagay pagsalpukin,” tumatawang bawi ni Moncie.

        “He!” buska ni Paula.

        Pero nang gabing iyon, bago matulog ay hindi mapalagay ang dalaga.

        Hindi niya maipagkaila sa kanyang sarili  na attracted siya kay Richard Romero, kahit pa isa itong tunay na male chauvinist. Paanong nangyari iyon? Ngayon lang tinalo ng kanyang damdamin ang kanyang utak.

        Ah, pero hindi pa rin ganap na nagwawagi ang kanyang damdamin. Nagawa pa rin niyang supalpalin si Richard Romero. Hindi pa rin siya nagpadala sa kanyang nadamang atraksiyon.

        At kailangan niyang panindigan ang kanyang pagiging isang feminist. Kailangan niyang ipagtanggol ang mga kababaihan laban sa mga tulad ni Richard na ang tingin sa sarili ay parang diyos sa Olympus na dapat sambahin.

        Kunsabagay, wala naman siyang dapat ikabahala. Kanina’y napanghawakan niya nang maayos ang kanyang sarili. At hindi na uli magkukrus ang kanilang mga landas. Napapangako na niya si Moncie na hinding-hindi ito tatanggap ng anumang trabaho mula sa binata. Gagawa at gagawa sila ng dahilan para lang makatanggi.

        Pero bakit parang pinanghihinayangan niya si Richard Romero?

        Hindi na tinangka pang unawain ni Paula ang kanyang sarili. Tinulugan na lamang niya ang kanyang mga katanungan.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento