FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 9
PAGDAAN nga nina Odette sa malapit sa kinaroroonan ng mga bisitang
taga-Maynila, agad silang hinatak nina Irene para ipakilala sa mga ito.
Unang naipakilala kay
Odette sina Cherry Pie Chuatoco at Kathy Bermudez bago sina Bart Santillan,
Direk Manding Cuartero at Direk Hector Gonzaga. Pinakahuling ipinakilala sa
kanya si Paul Pereira.
Mas guwapo pa pala ang
binata sa malapitan. At dahil matangkad ito’t napakakisig ng pangangatawan,
pakiramdam ni Odette ay nakakalula itong pagmasdan. Para itong modelong bigla
na lamang nagkabuhay mula sa isang larger-than-life billboard.
“Hello,” sabi niya habang
naglalahad ng palad para makipagkamay sa binata.
“Very pleased to meet
you,” sabi naman ni Paul.
Sa halip na kamayan siya’y
hinagkan nito ang likod ng kanyang mga daliri. Bahagya lang namang dumampi ang
mga labi nito. Kaybilis lang.
Pero nagulat si Odette.
Kamuntik na niyang bawiin ang kanyang kamay. Hindi siya sanay sa ganoong
pagbati. Mabuti na lang at napigil niya ang pag-iwas.
Pagkatapos, gusto na
niyang matawa sa kanyang sarili. Kung nagkataon ay nakakahiya sa binata.
Magmumukha siyang ignorante.
“Tama nga pala si Dan,”
sabi ni Paul matapos bitiwan ang kanyang kamay. “The women of Paraiso are so
lovely.”
Ngumiti lang ang dalaga.
Pero hindi siya impressed.
How un-original, naisip niya. Wala na bang maisip na bagong linya ang lalaking
ito?
Sumabad si Lorraine.
“Baka naghahanap ka lang
ng mare-recruit na leading lady para sa gagawin mong pelikula,” sabi nito sa
binata.
Pagkatapos, bumaling ito
kay Odette na kunwa’y noon lang magkukuwento.
“Producer kasi si Paul.
And he’s going to star in his first action movie.”
“Ganoon ba?” kunwa’y gulat
namang sagot niya.
“Ilang beses nang nanalo
sa international martial arts competition si Paul,” dagdag ni Irene. “He’s a
real martial arts expert.”
“Very qualified ka naman
palang maging action star,” sabi ni Odette sa binata. “And since you’ll be
producing your own movie, masisiguro mo pa ang kabuuang quality ng pelikula.
Aabangan namin iyon dito. Sana lang, hindi masyadong violent, ha?”
“I’ll keep that in mind,”
sagot ni Paul. “Pero alam mo, actually, may point si Lorraine. Puwedeng-puwede
ka rin ngang mag-artista. At ang totoo niyan, wala pa akong leading lady. If
you’re interested, I can make you a star.”
Natawa si Odette.
“Binibiro ka lang ni
Lorraine,” sabi niya. “Wala akong balak na mag-artista.”
Natawa rin si Lorraine.
“Paul, abala si Odette sa pamamahala
ng sarili niyang bookstore,” paliwanag nito. “Siya nga ang dealer ng mga books
ni Dan dito sa Paraiso.”
“Really?” sabi ng binata.
“Gaano na katagal ang bookstore na ‘yon?”
“More than three years pa
lang,” sagot niya. “Sinimulan ko ‘yon right after college, e. Kasabay ng
pagtatayo ni Lorraine ng flower shop niya.”
“Mag-best friends kasi
kami, kaya pareho ng diskarte,” dagdag ni Lorraine.
“Wow! Nauna pa pala kayo
sa akin,” sabi ni Paul. “Ako, ngayon pa lang magsisimula sa aking production
company. It took me a while to finally decide on setting up something all on my
own.”
“Kasi naman, ang laki-laki
siguro ng kapital na kailangan sa film production,” sagot ni Odette. “Iyong
bookstore ko, maliit lang. Ikinuha ko nga lang ng loan sa local bank namin
dito.”
“Still, saludo ako sa
inyong dalawa,” sabi ni Paul. “You’ve got beauty, brains and courage. A winning
combination.”
“Sabi nga ng asawa ko,”
pabirong sagot ni Lorraine. “Kaya raw hindi na niya ako pinakawalan.”
“A, pero may isa pang
hindi nahuhuli,” pilyong sabi ni Paul. “Dalaga ka pa, Odette, hindi ba?”
“And unattached,”
nanunuksong sagot ni Lorraine.
“Ikaw talaga,” sumbat
tuloy ni Odette sa kaibigan.
Nakitawa si Irene.
“Paul, hayaan mo munang
makakain si Odette bago mo pormahan,” kantiyaw naman nito sa binata.
“Naku, sorry, naabala ko
pala ang pagpunta ninyo sa buffet table,” sabi agad ni Paul. “Let me escort
you, ladies...”
Sinamahan nga sila nito sa
pagkuha ng pagkain. Ito naman daw ay nakakain na.
Personal na inalalayan ni
Paul si Odette sa buffet table. Ikinuha siya ng soup. Ito na raw ang magdadala.
Ikinuha rin siya ng inumin.
Mayamaya’y iginigiya na
siya nito patungo sa isang mesa.
Lumingon si Odette kay
Lorraine. Pero nakita niyang kasama na ito ni Adan na patungo sa ibang mesa.
“Binawi na ni Dan ang
misis niya,” biro ni Paul. “Hayaan mo na sila.”
Hinanap ng kanyang mga mata
si Ben. Nakita niyang kasama pa rin ito ni Ding. Kaumpok ang iba pang
taga-Maynila.
Tumalim ang tingin ni
Odette. Nakita rin kasi niyang ang kausap mismo ni Ben ay si Cherry Pie. At
mukhang masaya ang kuwentuhan ng dalawa.
Nainis ang dalaga.
Kaydali namang nakuha ni
Cherry Pie ang atensiyon ni Ben. Ni hindi na nga yata nito napapansin kung
nasaan na siya.
“May I keep you company
while you eat?” tanong ni Paul habang tinutulungan siyang maupo.
“Baka naman kailangan mong
mag-mingle sa ibang bisita,” sabi niya sa binata. “I’ll be fine here.”
“Pinaaalis mo ba ako?”
sagot nito. “Pagkatapos kong sadyaing masolo ka sa mesang ito?”
“Kaya pala ikinuha mo ako ng
soup at inumin,” sumbat ni Odette. “May ulterior motive ka.”
“Ikukuha pa kita ng
dessert mamaya,” sagot ni Paul. “And whatever else you my need.”
“Oo na nga,” natatawang
sabi ng dalaga. “You may stay. Very useful ka naman pala.”
Pero hindi ang mga ibinoluntaryo
ni Paul na serbisyo ang tinutukoy niya. Dahil ang kailangan ni Odette nang mga
sandaling iyon ay isang taong maipamumukha kay Ben. Gusto niyang makita ni Ben na pinagtutuunan siya ng atensiyon
ni Paul Pereira. Gusto niyang gumanti sa ginagawa ni Ben na pagbubuhos ng
atensiyon kay Chery Pie Chuatoco.
Nakipagkuwento siya kay
Paul. Hindi iyon mahirap gawin dahil madaldal ang binata.
Tama nga ang sinabi ni
Lorraine. Sweet talker si Paul. Magaling pumorma. Mahusay mambola.
Enjoy na enjoy din naman
si Odette. Kahit pa nabasa na niya sa ilang romance novels ang marami sa mga
linya ng binata, nakisakay lang siya rito.
Pakiramdam nga niya,
parang nabigyang-buhay ang ibang mga eksenang nabasa na niya. Siya ang bidang
babae at heto’t picture-perfect pa ang kanyang romance novel hero.
Tinupad ni Paul ang
pangako nitong pagsilbihan siya. Ikinuha siya ng tubig. Ikinuha ng dessert.
Ikinuha ng kape.
Feeling spoiled naman si
Odette.
Ang ikinaiinis lang niya,
sa tuwing susulyap siya sa dako ni Ben, ni hindi man lang ito tumitingin sa
kinaroroonan niya.
Nakita niya nang kumuha si
Ben ng pagkain sa buffet table. Pero dinala rin uli nito ang hawak na pinggan
sa mesang kinauupuan ng grupo ni Cherry Pie. At itinuloy pa nito ang pakikipagkuwentuhan
sa dalagang taga-Maynila.
Pikon na pikon si Odette.
Kaya nang matapos siyang
magkape at tanungin siya ni Paul kung marunong siya ng ballroom dancing, agad
na umoo ang dalaga.
“Bakit?” tanong pa niya.
“May sayawan ba ngayong gabi?”
“Iyon ang sabi nina Irene
at Ding,” sagot ni Paul. “So may I be your dance partner?”
“Of course,” sagot niya.
“Pero nakakatuwa ka naman. Usually, older guys lang ang may hilig sa ballroom
dancing. Natuto nga lang ako sa parents ko. Mahilig kasi silang mag-practice sa
bahay.”
“Nagustuhan ko ang
ballroom dancing dahil parang martial arts din, in a sense,” paliwanag ni Paul.
“May discipline sa movement. May eksaktong footwork. Pero may finesse din. May
gracefulness. It’s actually an art.”
“And it’s very romantic,”
sabi ni Odette.
“That it is,” tango ni
Paul.
Sa maluwang na salas sa
loob ng bahay ginanap ang sayawan. Nagsipaglipatan ang mga panauhin sa
balkonahe para mapanood ang mga nagsasayaw.
Kabilang sina Odette at
Paul na pumagitna sa dance floor.
Mahusay nga palang sumayaw
si Paul. Parang Latino. Kahit matangkad ito’t malaki ang katawan, hindi awkward
tingnan sa dance floor. Napakagaan kumilos.
Lahat ng tugtugin ay
sinayawan nila. Cha-cha. Boogie. Rhumba. Pasadoble. Tango.
Pinalakpakan sila ng lahat
sa kanilang Tango. Nagsitigil ang iba pang mga nagsasayaw. Iniwan sa kanila ang
dance floor.
Nahagip ng paningin ni
Odette si Ben. Nakaupo ito sa isa sa mga silyang nasa balkonahe. Nanonood.
Lalong ginalingan ni
Odette ang pagsasayaw. Ibinuhos niya ang lahat ng kanyang nalalaman sa technique.
Dinagdagan pa niya ang landi ng kanyang bawat kilos.
Hindi mapatid-patid ang
palakpakan. Lumalakas pa itong lalo sa tuwing hahantong sila ni Paul sa malalim
na dip.
Nang matapos ang musikang
iyon, kapwa na sila pawisan.
“Let’s take a break,” hiling
ni Odette.
“Oo nga,” tango ni Paul.
“We both need a cool drink.”
Dinala siya nito sa
kinaroroonan ng mga inumin. Kapwa sila humihingi ng dalandan juice.
“Akala ko, kaya kong
mag-marathon,” sabi ni Paul. “Hindi rin pala.”
“Napagod din ako nang husto,”
amin ni Odette.
“Parang uminit pa yata ang
panahon,” sabi ng binata. “Kanina naman, preskung-presko ang hangin.”
“Pumanhik na kasi dito sa
bahay ang lahat ng tao, e,” paliwanag ni Odette. “Kaya nakaka-suffocate na
kahit bukas lahat ng bintana at pinto.”
“Magpahangin muna tayo sa
garden,” mungkahi ni Paul nang maibigay na sa kanila ang mga inumin. “I think I need a breath of
fresh air.”
“Ako rin,” sang-ayon ng
dalaga.
Sinadya niyang pumayag.
Alam kasi niyang hanggang sa mga sandaling iyon ay nakatuon sa kanila ang
atensiyon ni Ben. Kahit nakatagilid siya sa kinaroroonan nito ay nakikita niya
ang kababata mula sa sulok ng kanyang mga mata.
Ngayon niya ipadarama kay
Ben kung ano ang pakiramdam ng isang hindi pinapansin.
Sumama siya kay Paul
pababa sa harding wala nang tao.
“Ang laki ng mga bakuran
dito sa Paraiso,” sabi ni Paul. “Ang sarap pala ng ganitong napapaligiran ang
bahay ng flower gardens at orchards.”
“Naipasyal na ba kayo nina
Irene at Ding sa paligid?” tanong niya.
Tumango si Paul.
“Pati nga sa flower farm
ni Lorraine at sa bahay nila ni Dan,” sagot ng binata. “Naeengganyo na rin nga
akong bumili ng property dito. Unfortunately, ang sabi nila sa akin,
bihirang-bihira raw na may nagbebenta ng lupa dito sa Paraiso.”
“Totoo iyan,” sabi ni
Odette. “Ipinamamana dito ang lupa from one generation to the next. Halos sagrado.
Kung may ibebenta man, kailangang may mahalagang dahilan. Masuwerte nga si Dan
sa pagkakabili niya no’ng lupang kinatatayuan ngayon ng bahay nila ni Lorraine.
Na-touch lang daw kasi ang matandang Morales sa love story nila ni Lorraine
kaya pumayag na ibenta kay Dan iyong lupa. Malaking factor din na hindi
kalakihan ‘yung tinawaran niyang lupa at nasa pinaka-periphery na ng Morales
lands.”
“Nakakabilib talaga dito
sa Paraiso,” iling ni Paul. “Para bang lahat ng bagay na nadidiskubre ko rito,
maganda. It’s like finding something I never even knew I was searching for all
my life.”
Napatingin si Odette sa
binata. Magmula kanina, ngayon lang siya nakarinig mula rito ng pahayag na
nakaapekto sa kanya.
“Hindi naman perpekto
itong lugar namin,” sabi niya. “Don’t expect too much. We might disappoint
you.”
Ngumiti si Paul.
“Okay,” tango nito. “I’ll
just take whatever comes and appreciate it. Katulad ngayon. Ano pa ba ang
mairereklamo ko sa gabing ito? I met a beautiful woman. Danced with a wonderful
dancer. And now, if I’m still lucky, she might agree to walk with me under the
moonlight. Puwede ba? Just a walk around the orchard? Maliwanag pa naman ang
buwan.”
Nakatalikod si Odette sa
balkonahe pero inaasahan niyang sinundan pa rin sila ng pagmamasid ni Ben.
“Why not?” sagot niya kay Paul.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento