Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Linggo, Abril 16, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Julianna Chapter 1

 FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca

Abakada ng Pag-ibig: Gwen

Abakada ng Pag-ibig: Hiyas

Abakada ng Pag-ibig: Irene


ABAKADA NG PAG-IBIG: JULIANNA

by Maia Jose

 


Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 1999

ISBN: 971-502-919-1 

TEASER:

        Convent-bred si Julianna. Mula high school hanggang college ay naging boarder sa pribadong kolehiyo ng mga madre. Kaya naman konserbatibo ang dalaga. Mailap sa kalalakihan.

        Ganoon na lang ang kanyang pagkataranta nang makadama ng matinding atraksiyon kay Jules. Sa pagkakaalam pa naman niya’y bohemyo ang binatang best friend ng kanyang Kuya Lyon.

        Hindi rin malaman ni Jules kung paano ipapahayag ang damdamin kay Jolen. Paano bang ligawan ang isang may pagkamanang?

CHAPTER 1

DUMILAT si Jules Hermosa nang biglang tumugtog ang malakas na rock music mula sa kanyang radyo. Tumagilid siya sa higaan para patayin ang mini-radio cum alarm clock na nakapatong sa side table ng kanyang kama. Naka-program iyon para awtomatikong tumunog tuwing alas-singko ng umaga.

        Pagkatapos ay ginawa niya ang nakagawian na niyang gawin nitong huling walong buwan. Kinuha niya ang nakakuwadrong larawan ni Julianna na katabi ng radyo, at hinagkan.

        “’Morning, love,” nakangiti pang bulong ng binata habang tinititigan ang maamong mukha ng dalaga.

        Kuha iyon sa kasal ng best friend niyang si Lyon, walong buwan na ang nakararaan. At siya mismo ang potograpong kumuha ng larawan.

        Napabuntonghininga si Jules.

        Hinding-hindi niya makakalimutan ang okasyong iyon. Bukod  sa kasal iyon ng kanyang pinakamatalik na kaibigan, doon din niya unang nasilayan ang kanyang dream girl.

        Ang totoo’y noon pa niya kilala si Julianna, pero sa mga kuwento lang ni Lyon. Magmula kasi nang maging magkaklase sila ni Lyon sa first year college ay naibida na nito sa kanya ang kaisa-isa’t nakababatang kapatid. Iyon nga lang, ni sa litrato ay hindi pa niya nakita si Jolen.

        Sampung taon na silang magkaibigang matalik ni Lyon at kayrami na nilang napagdaanan pero kung hindi pa ito ikinasal ay hindi pa niya makakaharap nang personal ang pinakaiingatan nitong kapatid. Kunsabagay, talagang hindi sila magkakatagpo ng dalaga dahil naka-interna ito sa mga madre sa Colegio de Sta. Maria.

        Ayon sa pagkakaalam ni Jules, ipinasok si Jolen bilang boarder sa Colegio magmula pa noong ito’y nasa ikalawang taon sa high school. Kamamatay lang noon ng ina ng magkapatid na Llamanzares at nakatakdang iuwi ng ama ng mga itong si King Llamanzares sa bahay ang matagal nang kalaguyo.

        Minabuti na raw ni Lyon na payagang mailagay sa mga madre ang batambata pang si Julianna kaysa naman mapilitan itong lumaki sa piling ng madrastang hilaw. Huling taon na rin naman iyon ng binata sa kolehiyo at nagbabalak na rin itong magsarili sa lalong madaling panahon.

        Nang layasan na nga ni Lyon ang sariling ama pagka-graduate ay kinupkop ito ng pamilya ni Jules. Doon sila lalo pang nagkalapit na para nang magkapatid.

        Tumulong si Lyon sa mga gawain ni Jules sa pension house at bar ng pamilya Hermosa. Tumugtog ito ng ilang set sa gitara sa gabi. Tumulong sa PR sa mga customer.

        Nang lumaon, nahatak ito ng grupo ng mga milyonaryong jetsetters sa paglalayag sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Natagurian si Lyon na isang gigolo – pinag-aagawan ng mayayamang matrona.

        Alam ni Jules na ang totoo’y hindi kailanman naging bayaran ang kanyang pinakamatalik na kaibigan. Nawili lang itong makipagrelasyon nang walang kaseryosohan sa kung sinu-sinong babaing may-asawa dahil sa paniniwalang wala naman itong mapapala sa pag-ibig.

        Nabago lang ang paniniwala ni Lyon nang makilala nito si Gwen – na siya nitong napangasawa.

        Kaya nga ganoon na lang ang pasasalamat ni Jules kay Gwen. Bukod sa napatino nito ang kanyang best friend, naging daan pa ang kasal ng dalawa sa pagtatagpo nila ni Julianna.

        Hindi naman nakapagtatakang maganda si Jolen dahil guwapo ang kuya  nito. Pero hindi inaasahan ni Jules na ganoon ito kaganda.

        Literal na natigilan siya’t napasinghap nang makita ang maid of honor nina Lyon at Gwen. Parang nililok ng eskultor ang mukha nito. Parang sa isang classical sculpture ang kariktan. Maging ang hugis ng katawan nito’y perpekto. Tamang-tama ang proporsiyon ng mga kurba sa katangkaran. At napakakinis ng kutis.

        Ang higit pang nakaakit kay Jules ay ang kakaibang kahinhinan ni Julianna. Mahiyain ang dalaga. Mabini kung kumilos. Parang babasaging kristal.

        Naburang lahat ang mga dating pamantayan ni Jules sa babae nang makaharap niya si Julianna. Nabago ang mga dating inakala niyang kaakit-akit na mga katangian ng babae. Katulad ng seksing pananamit. O seksing pagkilos. Ang malalagkit na sulyap at nakakatunaw na mga pagtitig. Ang mga salitang may subtle flirtation. Ang pagiging agresibo.

        Noon kasi ay kabaligtaran ni Jolen ang tipo ng babaing hinahangaan niya.

        Mga estudyante pa sila ni Lyon sa La Salle nang una siyang mahibang sa ramp model na si Natasha Gomez.

        Napakaganda ni Natasha. Kahit nga weird o off-beat na make-up ang itapal ng mga stylist sa mukha nito’y lumilitaw at lumilitaw pa rin ang mala-aristokrata nitong kagandahan. Pati ang pangangatawan nito’y hindi kasingpayat ng karaniwang modelo. Malaman pa rin ito at makurba.

        Pero agresibong Pinay si Natasha. Sobra-sobra ang kumpiyansa sa sarili. Anuman ang gustuhin ay inaangkin. Walang pinangingilagan.

        Habang nagmomodelo’y nag-aaral din ito noon sa La Salle. Ipinagmamalaki nga nito ang pagiging “beauty and brains”. At nang makapagtapos ay nagtayo ito ng sariling modelling agency – bagay na hindi dating ginagawa ng isang kasalukuyan pang top model. Ang karaniwang nagaganap ay mga retiradong modelo lang ang nagtatayo ng ganoong mga ahensiya.

        Magmula pa noong nasa college sila ay para nang tutang susunud-sunod si Jules kay Natasha. Ang sabi nga ni Lyon, obsessed na raw siya sa modelo.

        Hindi naman ibig sabihin niyon ay wala na siyang ibang niligawan. Nakasiyam na girlfriend na nga siya magmula first year college hanggang ngayong 27 na siya – hindi pa kasama sa bilang ang apat na naging ka-M.U. niya noon sa high school.

        Sa kabila ng lahat, nanatili ang kanyang pagkahumaling kay Natasha Gomez. At alam ng babae iyon.

        Naging magkaibigan kasi sila noon sa La Salle. Nagkasama sa isang organisasyon. Doon nga niya naipakita nang husto kay Natasha ang kanyang pagkahibang dito.

        Alam ni Natasha na kahit may girlfriend siyang iba – at kahit nitong mga propesyunal na sila – ay tarantang tatalima siya sa anumang hilingin nito. Iyon nga ang madalas na nagiging dahilan ng pakikipagkalas sa kanya ng mga nakakarelasyon niya.

        Nagbunga naman ang kanyang pagtitiyaga noong isang taon. Sa wakas ay pinatulan na rin siya ng modelo.

        May  limang buwan din naman silang naging magkarelasyon. At iyon na yata ang pinaka-wild na limang buwan sa buhay ni Jules.

        Hindi niya akalaing iyon mismong obsesyon niya kay Natasha ang bagay na nakaintriga rito. At naging sentro ng kanilang relasyon ang pagtuklas nito’t pagpapatupad sa lahat ng kanyang mga lihim na pantasya. Gustung-gusto pala ng modelo iyong pinagpapantasyahan ito at sinasamba.     

Dapat sana ay naligayahan nang husto si Jules. Kunsabagay, sa pisikal na aspeto’y nasiyahan naman talaga siya. Pero napatunayan din niyang hindi pala sapat iyon.

        Naramdaman kasi niyang  hindi naman siya mahal ni Natasha. At nadiskubre rin niyang hindi naman pala niya ito mahal. Tama nga ang salitang ginamit ni Lyon. Obsesyon. Pisikal na pagnanasa. Ganoon lang ang nadama niya kay Natasha. Ang modelo nama’y nag-ego tripping lang sa kanya. Pinagtripan lang nito ang kanyang pagkahumaling.

        Kapag pala nasa ganoong antas lang ang relasyon, gaano man kaharot ang kanilang mga pagtatalik ay walang tunay na kaganapang mararating. Hungkag pa rin ang damdamin. Nakakapagod lang.

        Hindi na siya nagulat nang biglang tinanggap ni Natasha ang isang offer para magmodelo sa London nang dalawang taon. At nakapirma na ito ng kontrata nang basta na lang ikuwento sa kanya ang tungkol doon. Ganoon lang at tapos na sila sa isa’t isa.

        Siyempre, hindi ganoon ang dating niyon sa ibang tao. Kahit nga kay Lyon. Ang akala ng lahat ay apektadung-apektado siya ng paglayo ni Natasha.

        Hindi naman magawa ni Jules na isiwalat ang katotohanan maging sa pinakamatalik na kaibigan. Kahit paano’y nangingibabaw pa rin ang kanyang pagkamaginoo. Ayaw niyang maging “kiss-and-tell.” Masyado nang personal ang mga namagitan sa kanila ni Natasha para ipagsabi niya sa iba.

        Dalawang buwan pa lang mula nang makaalis ang modelo nang ikasal si Lyon. At sa panahong inaakala ng lahat na lihim pa rin niyang iniiyakan si Natasha ay nakadama naman siya ng kakaibang pagkahalina kay Julianna.

        Mabuti na lang at may dala siyang kamera nang araw na ‘yon. Bilang best man ay hindi niya iyon dala sa altar. Ipinakihawak lang muna niya sa kanyang Mama. Ang Papa naman kasi niya’y nasa harapan din bilang ninong.

        Pero pagkatapos na pagkatapos ng pormal na picture-taking ay agad niyang kinuha ang kanyang kamera. At nagkukuha na siya nang nagkukuha ng mga litrato – na nobenta’y nuwebe porsiyento ay kasama si Jolen.

        Sayang nga at hindi ito ang nakasalo ng bouquet ni Gwen. Kunsabagay, mabuti na rin iyon dahil hindi rin naman siya ang nakasalo ng garter na initsa ni Lyon. Hindi niya yata matatanggap na may ibang lalaking magsusuot ng garter sa binti ni Jolen.

        Pinilit niyang gumawa ng mga pagkakataon para makausap ang dalaga. Kaso, mahirap pala itong pagsalitain. Kay-iikli ng mga sagot nito. Hindi naman nagsusuplada. Talagang mahiyain lang. Parang hindi nga makatingin nang diretso sa kanya.

        Gayunpaman, naging sapat na ang mga pagkakataong iyon para mamemorya ni Jules ang maraming bagay tungkol kay Jolen. Kung gaano kailap ang mapupungay nitong mga mata. Kung gaano katamis ang mga tipid nitong ngiti. Kung gaano kalambing ang mala-anghel nitong tinig.

        Pati ang maingat na pagkilos ni Jolen ay masusi niyang pinag-aralan. Ang mga kumpas ng kamay nito. Ang maagap na pagpigil sa damit sa gawing dibdib sa tuwing yumuyuko nang kahit bahagya.  Ang pagtatakip ng mga daliri sa bibig kapag natatawa. Maging ang di sinasadyang pag-indayog ng katawan nito habang naglalakad.

        Sapat na ang mga alaala ng okasyong iyon para araw-gabing mabuhay sa kanyang isipan si Julianna.

        Bukod doon ay narito pa ang kinuha niyang mga larawan.

        Mula sa lahat ng kanyang mga kuha ay pinili niya ang pinakamaganda at iyon ang kanyang ipina-crop nang close-up at ipina-enlarge bago ikinuwadro sa kanyang bedside table.

        Ang iba pang mga larawan ay maayos na naka-album at nakatago naman sa drawer ng mesa ring iyon.

        Pero hindi siya tumigil lang doon.

        Magmula nang bumalik sina Lyon at Gwen mula sa honeymoon ay madalas na ang dalaw ni Jules sa nilipatang bahay ng mag-asawa sa Paco.  Kasama na kasi ng mga itong tumira roon ang ama nina Lyon na si Daddy King at ang kaka-graduate lang mula sa kolehiyo na si Jolen.

        Bago ikasal sina Lyon at Gwen ay namatay ang madrasta nina Lyon at Julianna. Naging daan iyon para magkapatawaran at muling magkabuklud-buklod ang mag-anak. Nakipagsaya na nga sa kasalan si Daddy King.

        Si Jolen naman ay nagpalipas lang ng college graduation bago umalis sa Colegio de Sta. Maria para pumisan na nang permanente kina Lyon.

        Kapag dumadalaw si Jules, hindi naman si Jolen ang dinadalaw niya – kunwari. Nahihiya at naiilang pa rin kasi siyang umamin sa nadarama niya sa dalaga. Idinadahilan na lamang niya ang kanyang interes sa negosyong itinayo nina Lyon at Gwen.

        Marketing arm ng isang urban poor community cooperative ang kompanyang Regalo, Abubut, Atbp. ng mag-asawa. Ang ibinibenta nila’y mga gift items na gawa sa ni-recycle na basura.

        Nagboluntaryo si Jules na maglagay ng display ng mga produkto sa lobby ng kanilang pension house at sa bungad ng kanilang bar. Nang lumaon at lumaki na ang negosyo, nagboluntaryo na rin siyang makisangkot at tumulong sa pag-iikot sa mga outlet sa gawing Malate hanggang Cavite. Pero hindi pumayag sina Lyon na hindi siya bigyan ng komisyon.

        Napilitan ang binata na tanggapin ang komisyon. Kung tatanggi kasi siya ay baka makahiyaan na ng mag-asawa ang pagtulong niya sa kompanya. Mauunsiyami ang kanyang dahilan sa madalas na pagparoon.

        Kaybagal na nga ng kanyang pag-usad, mauudlot pa.

        Hindi naman kasi niya laging natitiyempuhan si Jolen sa bahay. Nagtuturo na ngayon ang dalaga sa Colegio de Sta. Maria at madalas na mag-overtime dahil sa kung anu-anong school activities. Kapag naman nag-aabot sila, hindi rin siya makaporma.

        Hindi na nga malaman ni Jules kung matatawa ba siya o maiinis sa sarili. Sa dinami-dami ng naging karanasan niya sa babae ay kung bakit para siyang biglang natorpe kay Julianna.

        Kaya heto, hanggang pahalik-halik na lang siya sa malamig na salamin ng litratong nakakuwadro.

        Naiiling na bumangon na ang binata.

        Alas-singko diyes na. Kailangan na niyang maligo’t magbihis para makasabay sa maagang pag-aalmusal ng kanyang Papa’t Mama. Pagkatapos ay kanya-kanya na sila ng aasikasuhin. Ang dalawang matanda sa pang-araw-araw na pagpapalakad sa Casa Hermosa pension house, at siya naman ay lilipat sa katabi nitong Arte’t Kape.

        Pet project ni Jules ang Arte’t Kape. Siya ang nagpanukala sa mga magulang na upahan ang nabakanteng katabing gusali para i-expand ang kanilang negosyo.

        Dating office building ang lumang gusali na napag-iwanan na ng panahon at mga matinong umuupa. Dahil hindi na naasikaso ng mga may-ari ang maintenance nito, hindi na rin ito naging kaakit-akit sa matitinong businessmen. Umabot nga sa puntong halos mga fly-by-night na business ventures na lamang ang umuupa sa maliliit na kuwarto roon – na madalas ding nakakalayas nang hindi nagbabayad ng upa. Bandang huli ay sumuko na ang mga may-ari ng building at inialok na ang kabuuan nito for lease sa murang halaga sa sinumang magtitiyagang bumalikat ng mga kakailanganing renovations.

        At iyon mismo ang oportunidad na kaytagal nang hinihintay ni Jules. Ilang taon na rin kasi niyang pinagkakainteresan ang naturang gusali para sa isang proyektong unti-unting nabubuo sa kanyang isip.

        Ipina-renovate nga niya ang lumang gusali pero sa paraang hindi masisira ang orihinal at makaluma nitong disenyo na kumakatawan pa rin sa dating pagka-elegante ng Malate.

        Sa unang palapag ay naglagay siya ng 24-hour cafe cum art gallery. Sa pangalawa’t pangatlong palapag naman ay may mga function rooms na magagamit ng iba’t ibang uri ng mga artist para sa kanilang mga art sessions, seminars, workshops, o exhibits.

        Palibhasa’y dati nang hang-out ng mga artist ang bar ng Cafe Hermosa, kabisado ni Jules ang mga pangangailangan ng sirkulong iyon. At sasagutin ng kanyang Arte’t Kape ang mga pangangailangang iyon sa larangan ng sining.

        Naisip tuloy ng binata, mabuti na lang at hindi natutulad sa takbo ng kanyang lovelife ang takbo ng kanyang project. Hindi papatay-patay. Kahit man lang sa aspetong iyon ay nakakapuntos siya. Masasabi niyang may achievement siya.

        Kung kay Juliana ay ni hindi pa man lang siya nakakaporma, sa Arte’t Kape nama’y nasa mga huling pagpipino na lamang siya bago mag-soft opening sa susunod na linggo. Ibubukas na niya sa paraang parang test run ang kanyang proyekto.

        Nakapaligo na’t nakapagbihis si Jules nang tumunog ang kanyang cellphone. Binasa niya ang mensahe habang papalabas ng kanyang silid.

        At napahinto siya sa may pinto pa lamang. Galing kay Lyon ang mensahe.

        “Gwen gave birth to a healthy baby girl at 3:15 this morning. They’re both doing fine. Tatay na ako. Ninong ka na.”

        “Yes!” hindi napigil na hiyaw ni Jules bago patakbong nanaog para ibalita ang pangyayari sa mga magulang.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento