FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 5
WALA
pang mga bisita nang dumating sina Julianna at Jules sa Arte’t Kape.
Manghang-mangha ang dalaga sa kanilang
dinatnan. Sa labas pa lang, nagandahan na siya sa gusali.
“Parang mga sinaunang building ang
design,” sabi niya.
“Sinunod talaga namin ang original
architectural style ng building na ito,” paliwanag ni Jules. “Pati ang mga
idinagdag namin na bagong elements, iniayon sa dating design.”
Nang makapasok siya sa mismong cafe,
lalo siyang humanga.
“Puwede rin palang pagsamahin ang antigo
at ang napaka-modern na style sa iisang lugar,” sabi niya. “At maganda ang
kombinasyon.”
“Eclectic talaga ang ginawa kong mix
dito,” sagot ni Jules. “Kailangan kasing maging angkop sa iba’t ibang estilo ng
art na ie-exhibit at pati na rin ang mga produkto nina Lyon na idi-display.
Kailangang hindi mag-clash sa kabuuan.”
Itinuro nito ang isang bahagi ng cafe
kung saan naroroon ang display shelves ng Regalo, Abubot, atbp. Katabi iyon ng
bahaging nasisilbing art gallery.
May mga paintings ngang nangakasabit sa
mga dingding ng gallery. May mga nililok ding mga obra na naka-display sa mga
pedestal.
“Two weeks na magtatagal ang bawat
naka-display na obra,” sabi ng binata. “Pero hindi sabay ang pagpapalit-palit.
Laging may bago. At hindi lang ito limited sa paintings at sculpture. Maaari
rin kaming mag-display ng photographs, mixed media work o kahit na anong art
expression.”
Natigil si Jolen sa tapat ng isang
painting.
“Parang mga anghel,” sabi niya.
Wala namang matutukoy na depinidong
pigura sa kabuuan ng obra. Basta’t mga umiindayog lang na mga kulay – indigo,
lilac, pale pink, sky blue, ilang strokes ng silver.
Ewan kung bakit parang tinatawag siya ng
mga kulay. Inaanyayahang lumipad, sumayaw sa kawalan.
Sa pagtitig lang sa painting ay
nakadarama na siya ng malalim na kapayapaan at ligaya.
“Natumbok mo agad ang painting,” sabi ni
Jules. “Si Ching Gutierrez ang lumikha niyan. She creates angel art.
Inspirasyon niya ang mga anghel na nakikita niya sa bawat tao. Ayon sa kanya,
every person is an angel within. Kailangan lang nating hanapin ang pinakapuro
at pinakamalinis na bahagi ng ating sarili. And I believe that would be our
soul.”
Napakurap si Jolen.
Para ngang may naririnig na kakaibang
musika ang kanyang kaluluwa sa pagtunghay sa painting na iyon. Parang ibig ding
sumayaw, magpakita’t magpakilala nang ganap sa kanyang gising na kamalayan.
Malamlam ang kanyang ngiti nang bumaling
sa iba pang mga obrang naroroon. Liban sa tatlo pang angel paintings ay
magkakaiba na ang tema’t estilo ng natitirang mga painting at sculpture na
iba-iba rin ang mga lumikha.
Hindi halos malapitan ni Jolen ang isang
malaking sculptured piece. Inukit iyon sa kahoy. Makintab. Parang kaydulas
kapag hinipo. Ang nakalikok ay pigura ng hubad na lalaki – mula balikat
hanggang hita. Walang anumang saplot o tapal. Kumpleto sa detalye.
Totoong-totoo.
Sinusulyap-sulyapan niya lang iyon mula
sa kinaroroonan ng isa pang obrang mas “banayad” ang tema.
“Babae rin ang sculptor ng piece na
iyon,” biglang sabi ni Jules mula sa tabi niya.
Halatang napansin nito kung saan
nakatutok ang kanyang atensiyon. Pero patay-malisya naman itong nagpatuloy.
“Madalas daw kasing babae ang ginagawang
model sa mga nudes. Ang sabi ni Paula, she wants to return the favor. This
time, she wants to pay homage to the beauty of the male body. At nagawa naman
niya, hindi ba? Buhay na buhay.”
“O-oo nga,” hiyang-hiyang sang-ayon ni
Jolen bago siya sadyang bumaling sa isa pang painting na nasa kabilang
direksiyon.
Hindi tuloy niya napansin ang pigil na
ngiting sumilay sa mga labi ng binata.
HUSTONG
alas-sais ay nagsidatingan na ang mga kaibigang kinumbida ni Jules, kasama pati
ang mga nahatak ng mga itong iba pang mga kaibigan.
Napatunayan ni Jolen na tama nga ang
sinabi sa kanya ng binata. Karamihan sa mga ipinakilala sa kanya ay mga dati
nang kaibigan ng kanyang Kuya Lyon na naging kaibigan na rin ni Gwen. At
tuwang-tuwa ang mga ito na makilala siya. Lalo pa nang malamang nakapanganak na
ang kanyang hipag. Para na rin tuloy siyang dati nang kabarkada kung ituring ng
mga ito.
Tinotoo ni Jules ang pangakong hindi
lalayo mula sa kanyang tabi. Ang nangyari tuloy ay isinama siya nito sa pag-iikot
sa mga panauhin. Madalas ay nakahawak ito sa kanyang siko habang iginigiya siya
patungo sa kung saang direksiyon.
Pero iyong inaakala ni Jolen na maiilang
siya sa karamihan ng mga taong makakasalamuha niya roon ay hindi nangyari. Sa halip,
nagulat pa siya sa init ng pagtanggap ng mga ito sa kanya, at sa naging
kaluwagan ng kanyang loob sa pagtanggap sa mga ito.
Maaari ngang marami sa mga bisita ni
Jules ay talagang kakaiba sa karaniwan.
May mga sobrang kaswal ang suot para sa
inaakala niyang medyo pormal na okasyon – naka-sando, naka-puruntong shorts,
naka-Mojo sandals, puno ng beads sa leeg, sa mga braso at sa tainga.
May mga punung-puno ng tattoo at may
hikaw pa sa iba’t ibang bahagi ng katawan – tainga, ilong, dila, labi, dibdib o
pusod.
Mayroon din namang bihis na bihis pero
hindi pa rin pangkaraniwan. Tulad n’ong naka-cowboy outfit, kumpleto mula bota
hanggang sumbrero. At iyong babaing nakabihis-belly dancer na genie.
May transgender na pagkaganda-ganda at
pagkahinhin-hinhin kumilos at magsalita. Na ang kasama nama’y transgender ring
nakabihis nang ubod nang sexy at vamp na vamp pati sa kilos at pananalita.
Ang kakatwa’y wala siyang nadamang
anumang negatibong enerhiya mula sa mga taong nakahalubilo niya nang gabing
iyon. At kung ano man iyong mga dati niyang negatibong reaksiyon sa mga taong
nakaayos nang ganoon ay parang natural na lang na nalusaw sa harap ng kanilang
magandang pakikitungo sa kanya.
Napatunayan ni Jolen na wala naman
palang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong naroroon na pangkaraniwan ang ayos at
kilos at sa mga naroroon na may kanya-kanyang pansariling estilo.
Napatunayan din niyang wala naman palang
mga “pagwawalang” nagaganap sa mga lugar na ganoon. Kainan lang. May
nag-iinuman pero hindi naman naglalasingan. At may mga inumin din para sa mga
ayaw uminom ng alak – tulad niya.
Ang pinakasentro ng pagtitipon ay ang
interaksiyon ng mga tao. Kuwentuhan. Balitaan. Palitan ng kuru-kuro. Batuhan ng
mga luma’t bagong ideya.
Nang magsidatingan ang mga buwena manong
umarkila ng mga function rooms sa pangalawa’t pangatlong palapag ng Arte’t Kape
ay nagpanhikan na ang mga panauhin para makisali o manood.
May isang grupo ng mga pintor na nagdaos
ng painting session sa isang kuwarto. Babae ang modelo pero hindi naman nakahubad
nang ganap. Nakatapi ito ng mahaba at malambot na telang puti.
Sa kabila, nagkaroon ng pottery
demonstration at mini-workshop – nakasentro sa paggawa ng mga mangkok at
plorerang yari sa clay.
Sa pangatlong silid naman ay may idinaos
na launching ng isang sipi ng mga tula. Kasabay niyon ang isang poetry-reading
session na batay sa mga nailathalang tula.
Ang kabuuan ng pangatlong palapag ay
ginamit para sa isang mini-concert ng iba’t ibang mga banda. Hinawi muna ang
mga tanggaling dibisyon ng mga silid na naroon para makalikha ng isang malaking
espasyo.
Ang book launching lang ang natapos agad
– inabot lang ng tatlong oras. Ang pottery workshop ay umabot hanggang
alas-onse ng gabi. Ang painting session naman ay natapos nang maghahating-gabi.
Pero kasalukuyan pa lang noon na nagkakasarapan ang jamming ng mga banda.
Sa gitna ng kaguluhan ay kinausap ni
Jules si Jolen.
“It’s almost twelve. Baka napapagod ka
na. Hindi ko rin alam kung may curfew ka. Ihahatid na ba kita?
“Naku, iiwan mo ang iyong mga bisita?”
sagot ni Jolen. “Huwag naman.”
“Puwede naman iyon,” sabi ni Jules.
“Priority kita, siyempre.”
Iba ang dating ng mga salitang iyon kay
Jolen. Pati na ang pagkakatitig ni Jules sa kanya. Para siyang tinamaan ng
ilang boltahe ng kuryente.
Hindi siya nagpahalata.
“Wala naman akong curfew,” sabi na lang
niya. “Tatawagan ko na lang muna si Daddy para hindi sila mag-alala.”
“Halika, sasamahan kita,” sagot ni
Jules. “Sa ibaba ka na tumawag para magkarinigan kayo. Sobra ang ingay dito.”
Nang tawagan naman ni Jolen ang ama ay
agad itong nagsabing walang problema kahit umagahin ang dalaga. Panatag naman
daw ang loob nito na nasa pangangalaga siya ni Jules.
“O, pumayag na si Daddy na tapusin ko
ito,” masiglang pagbabalita niya sa binata.
“Kaya mo pa ba?” pag-aalala ni Jules. “Hindi
ka pa inaantok? Hindi ka yata sanay magpuyat, e.”
“Nagpupuyat din naman ako,” sagot ni
Jolen. “Sa pagbabasa nga lang o panonood ng films sa bahay. Inuumaga pa nga ako
kung minsan, e.”
“Ganoon naman pala, e,” sabi ni Jules.
“Di let’s enjoy the rest of the party.”
Alas-tres na ng madaling-araw
naghiwa-hiwalay ang mga panauhin. Mag-aalas-kuwatro na nang maihatid ni Jules
si Jolen.
“Napasubo ka yata, a,” may pag-aalala
uling sabi ng binata.
“Nag-enjoy nga ako,” sagot ni Jolen. “Ang
galing ng concept ng Arte’t Kape mo. Parang maliit na cultural center na abot
na abot ng tao.”
Tumingin sa kanya si Jules.
“You really like the place?” parang
paniniguro nito. “Hindi ka na-freak out sa mga events o sa mga tao?”
Natawa si Jolen.
“Nakakapanibago,” amin niya. “Pero
eye-opener din para sa akin ang buong experience na ito. Parang mas lumawak ang
tingin ko sa paligid.”
“I’m glad,” nakangiting sabi ni Jules.
“I’m really glad.”
Pagdating nila sa bahay sa Paco,
sinamahan ni Jules ang dalaga hanggang sa makapasok ng bahay.
Lumabas sa salas si King nang maramdaman
ang pagdating nila.
“Pasensiya na kayo, Dad, inumaga kami,”
sabi ni Jules.
“Naku, bibihira namang magkaroon ng
ganyan kahalagang okasyon, e,” sagot ng matanda. “Mabuti nga’t nakakalabas na
ngayon itong si Jolen. At saka ikaw naman ang kasama kaya okay lang.”
“Thank you ho,” sabi ng binata. “Sige
ho, tutuloy na ako para makapagpahinga na rin kayo.”
“Ihahatid ko na siya sa labas, Dad,”
sabi ni Jolen.
“Sige, ikaw na rin ang mag-lock-up, ha?”
bilin ng matanda. “Papasok na uli ako.”
Sinamahan ni Jolen si Jules hanggang sa
tarangkahan.
“Thanks for your all-out-support,” sabi
ng binata bago tuluyang lumabas. “You really made the night very special.”
“Sus, stand-in nga lang ako nina Kuya,
e,” sagot niya. “Nagkaroon ka pa tuloy ng dagdag na inasikaso. In fact, ako ang
dapat mag-thank you. I really enjoyed
the whole event.”
“Kung ganoon, puwede uli kitang
makumbidahan sa Arte’t Kape?” tanong ni Jules.
“Of course,” mabilis na sagot ni Jolen.
“Any time.”
Nagtama ang kanilang paningin.
Sa sansaglit na iyon, may kakaibang
pakiramdam na lumukob sa pagkatao ng dalaga. Isang makapangyarihang puwersang
nagtutulak sa kanya na yakapin at hagkan si Jules.
Kasabay niyon ay nadama niyang ganoon
din mismo ang iniisip ng binata.
Pero kapwa sila nagbantulot. Nagpigil.
At lumipas ang kritikal na sandali.
“Tutuloy na ako,” sabi na lang ni Jules.
“Sleep tight.”
“Ingat,” bilin ni Jolen.
Pakiramdam ni Jules ay nililipad niya
ang daan pauwi sa Malate.
Bukas ay kailangang makausap niya si
Lyon.
KINABUKASAN,
kahit linggo ay sumugod din si Jolen kay Monique sa dormitoryo ng Colegio de
Sta. Maria.
Sasabog yata ang kanyang dibdib kapag
wala siyang nabahaginan ng kanyang niloloob.
Isinawalat na niya ang lahat sa
pinakamatalik na kaibigan. Katulad ng
pagkapahiya niya sa sarili dahil sa dati niyang mga panghuhusga sa sirkulo ni
Jules.
“Hindi naman pala porke mga artist ay
wala nang mga direksiyon sa buhay,” bawi niya. “Iba nga lang silang mag-isip –
pero nakakantriga. Katulad no’ng artist na gumagawa ng angel art. Ibang klase
ang kanyang vision. Nakikita niya ang likas na kabutihan at pagiging sagrado ng
bawat tao – kahit pa estranghero. At tulad din noong babaing eskultor na
lumililok ng male nudes. Ang gaganda ng mga ginawa niya. Hindi naman pala
malaswang tingnan ang ganoon kapag matino ang interpretasyon.”
Ikinuwento niya ang mga ideya ni Jules
tungkol sa Diyos at sa tao.
“Gulat na gulat ako sa kanya. Siguro,
ang ini-expect ko kasing marinig ay iyong hindi siya naniniwala sa Diyos. Iyon
pala, mas malawak pa ang kanyang pananaw kaysa sa akin. And somehow, his ideas
feel right. Dito, sa puso. Para bang kahit ngayon ko lang narinig ay dati nang
alam ng damdamin ko.”
“Lalo ka tuloy na-in love, ano?” panunukso
ni Monique.
“Ito na nga ba ito, Monique?” tanong pa
rin niya.
“Ano ba sa pakiramdam mo?” ganting
tanong ng kaibigan.
“Nakakanerbiyos, e,” sagot ni Jolen.
“Basta ang alam ko, lumalim nang husto ang paghanga ko sa kanya. Ang
pagpapahalaga ko sa kanya. Nakakabilib siya kung mag-isip. Hats off ako sa
kanyang Arte’t Kape – lahat ng konsepto niya roon. Ibang klase rin siyang
mag-relate sa mga tao. Para bang he brings out the best in people. Kasama na
ako roon.”
“Ganoon lang?” paniniyak ni Monique. “Paano
naman ‘yong sa ibang level? Iyong physical attraction.”
“Iyon pa nga ang nakakatakot, e,” amin
na ni Jolen. “I feel like I’m a different person. Kilala mo naman ako, hindi
ba? Cool na cool lang ako pagdating diyan. Hindi ako madaling ma-attract sa lalaki,
kahit gaano kaguwapo o kaganda ang physique. Pero sa kanya, iba ang reaction
ko. I’m having impure thoughts about him. Nakakahiya.”
“Luka-luka! Ba’t ka mahihiya?” saway ni
Monique. “Ngayon ka nga lang nagiging natural sa sarili mo. Normal lang ‘yan. Kahit
nga taong hindi in love, puwedeng ma-turn on. Iyon pa kayang in love?”
“Nakakaasiwa, e,” iling pa rin ni Jolen.
“Bakit ganoon? Kung anu-ano ang nararamdaman ko. Para ngang ang hirap pigilin.
Kaya pala maraming natutukso. Napakadali palang matukso.”
“Nag-guilt trip ka na naman,” ingos ni
Monique. “Juliana, kung kasalanan ang sensuwalidad, di wala na sanang
nakarating sa langit liban sa mga taong manhid at walang pakiramdam. And besides,
depende naman sa context kung magiging masama ang sexuality ng tao, e. Masama
kung may nagsasamantala’t may pinagsasamantalahan. Masama kung may nasasaktan o
naaapi. Pero kung dalawang taong nagmamahalan ang kasangkot, at walang
naaapakan, walang masama roon.”
“Pero ni hindi pa nga kami
magkaanu-ano,” tanggi ni Jolen.
“Ngayon, hindi pa,” sabi ni Monique.
“Just you wait. Hindi na rin makakatiis iyan. Magtatapat na rin.”
NANG
mga sandali ring iyon ay nagtatapat na nga si Jules – pero kay Lyon.
Nagkita ang magkaibigan sa isang coffee
shop matapos tawagan ni Jules si Lyon.
“Ano’ng problema, pare?” nag-aalalang
tanong ni Lyon. “Emergency yata ito, a.”
“Hindi problema,” sagot ni Jules.
“Kumpisal.”
At inilahad na nga nito ang lahat ng
nadarama tungkol kay Julianna.
Pero hindi lang iyon. Idinagdag na rin
ni Jules ang buong katotohanan tungkol sa naging relasyon niya kay Natasha
Gomez.
“Ayoko sanang ipagtapat kahit kanino ang
tungkol doon dahil isinasaalang-alang ko pa rin ang privacy ni Natasha,”
paliwanag ng binata. “Pero kailangan mong malaman at kailangang malaman ni Jolen
ang katotohanan. The truth is, ngayon lang talaga ako na-in love. Kay Jolen
lang. Everything else pales in comparison. Ibang-iba.”
“Naiintindihan kita, pare,” nakangiting
tango ni Lyon. “Naranasan ko na ‘yan, remember? After all my affairs, nagulat pa
rin ako sa naramdaman ko noong nagkatagpo kami ni Gwen. In fact, medyo may
napapansin na nga ako sa inyo ni Jolen, e. Naisip ko naman, kung simpleng
physical attraction lang iyon na walang patutunguhan, alam kong ikaw na mismo
ang aatras. Pero dahil kinausap mo ako ngayon, sigurado na akong sigurado ka na
rin sa nararamdaman mo.”
“So, I have your permission to court
her?” tanong ni Jules.
“Tinatanong pa ba iyon?” tumatawang sagot
ni Lyon. “Kung pupuwede nga lang na bigyan kita ng letter of recommendation,
gagawin ko.”
“Then expect me to start this
afternoon,” masayang pahayag ni Jules. “Wala nang patorpe-torpe ito, pare.”
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento