Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Linggo, Abril 16, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Julianna Chapter 3

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 3

PATAKBO ang mga hakbang ni Jules patungo sa parking lot. Naghihintay kasi si Jolen sa may entrance ng lobby ng hospital.

        Hindi akalain ng binata na susuwertehin siya sa umagang ito. Biruin mong magkaroon siya ng pagkakataon na makasarilinan si Jolen at maihatid pa sa eskuwelahan.

        Napakawalan lang niya ang kanyang tuwa nang makapasok na ng kotse – iyong wala nang makakarinig sa kanya at magkakamaling nasisiraan siya ng bait.

        “Yes!” bigay na bigay na pahayag ni Jules. Gigil na gigil.

        Pero nang daanan niya si Jolen sa tapat ng lobby, napansin agad niyang parang nag-iba na ang mood ng dalaga. Nawala ang siglang nakita niya kaninang kalong nito ang pamangkin.  Ang humalili  ay ang dati nitong pagdidistansiya. Parang itong dahon ng makahiyang nagsisimula na namang tumiklop at magsara.

        Nataranta si Jules. Kailangan niyang gumawa ng paraan para hindi maputol ang maganda sanang simula ng kanilang pagkakasama. Kailangan niyang pasiglahin ang kanilang kuwentuhan.

        “Mukhang enjoy na enjoy ka sa pagtuturo sa nursery, ano?” sabi niya nang nagsisimula nang umusad ang kotse.

        Tipid ang ngiting tumango lang si Jolen.

        “Pero napakahaba sigurado ng pasensiya mo para makapag-handle ng ganoon karaming bata at one time,” dagdag ni Jules. “Hindi ba may kakulitan sila at that age?”

        “Medyo,” sagot ni Jolen. “Pero nakakatuwa rin naman.”

        “Paano kang nagkahilig sa bata samantalang dadalawa lang naman kayo ni Lyon at wala ka pang younger siblings?” tanong ng binata. “Or is that precisely the reason why you now love being with children?”

        “Siguro,” sagot ng dalaga. “Hinahanap ko siguro ‘yung maingay at magulong childhood na hindi ko naranasan.”

        “Ang ibig sabihin ba niyan ay gugustuhin mo ng maraming anak kapag may sarili ka nang pamilya?” usisa pa ni Jules.

        “H-ha?” sagot ni Jolen. “E-ewan ko...”

        “Masuwerte ang magiging husband mo,” nakangiting sabi ng binata. “You’ll be a wonderful partner and mother to his children.”    

        Inaasahan niyang ikatutuwa ng dalaga ang kanyang papuri. Pero kabaligtaran yata ang naging epekto niyon. Parang lalong naging mailap ang dalaga. Bahagya pa nitong ibinaling sa kabilang direksiyon ang mukha, patanaw kunwari sa labas ng bintana, palayo sa kanya.

        At hindi na ito kumibo.

        “At least, ngayon, may Gwyneth ka nang mapagbubuhusan ng pansin,” habol ni Jules. “May nakuha na bang yaya si Gwen?”

        “Ayaw ni Daddy na kumuha ng yaya,” iling ni Jolen. “Ang gusto niya, siya ang mag-aalaga sa kanyang apo kung nasa trabaho sina Kuya at Gwen. Kumuha na lang daw ng dagdag na katulong para sa mga ibang gawain sa bahay. Pati nga dagdag na driver para mag-take over sa deliveries niya.”

        “Aba, the best iyon,” sang-ayon ni Jules. “Siyempre nga naman, mas masarap mag-alaga ang mismong lolo. Kaya lang, malamang na maging spoiled kay Daddy King si Gwyneth.”

        Nangiti si Jolen.

        “Sasabihin ko nga pala kay Lyon na puwede ko nang akuin ang mga deliveries para sa area ko,” dagdag ng binata. “Umiikot din lang ako sa mga outlets, di isasabay ko na ang pag-deliver. Puwede ko namang gamitin ‘yung van.”

        “Hindi na yata kasama iyon sa trabaho mo,” sagot ni Jolen.

        “Okay lang ‘yon,” pagkikibit-balikat ni Jules. “Basta ba makakatulong, e. Menos din sa overhead iyon. Tutal naman, hindi ako kailangang nakatutok palagi sa Arte’t Kape kahit bukas kami nang 24-hours.”

        Inaasahan niyang magkukomentaryo si Jolen tungkol sa kanyang pet project. Kaya nga niya ipinasok iyon sa usapan, e. Makapagyabang man lang siya nang kahit kaunti.

        Pero hindi na uli kumibo ang dalaga.

        Itinuloy na rin ni Jules ang pagkukuwento.

        “Patapos na ang Arte’t Kape, e,” sabi niya. “Finishing touches na lang. Mga kurtina. Mga seat covers. Patapos na rin ang training ng staff. Naikukuwento ba ni Lyon sa iyo ang tungkol doon?”

        Tumango lang si Jolen.

        Nataranta na talaga si Jules. Palibhasa’y hindi gaanong matrapik ay mabilis silang nakarating sa kanilang patutunguhan. Tanaw na niya ang Colegio de Sta. Maria. Maghihiwalay na sila. At ngayon pa mukhang nananabang na muli sa kanya si Jolen.

        Kailangan niyang makabawi. Kailangan niyang maituloy ang momentum ng pagkakasama nilang ito. Sayang kung babalik lang din uli sila sa kanilang pinagmulan. Iyong halos walang kibuan.

        “May happening kami next Saturday evening,” bulalas niya. “Soft opening ng Arte’t Kape. Importante sa akin na nandoon kayong lahat – ikaw, si Daddy King at sina Gwen at Lyon.”

        “N-naku... baka mahirap ‘yon...” sagot agad ni Jolen. “P-paano si Gwyneth...”

        “Kakausapin ko si Lyon tungkol kay Gwyneth,” sabi ni Jules. “Pero siguro naman, hindi ka apektado ng sitwasyon. Hindi naman ikaw ang may baby, e.”

        “Kami na lang ni Daddy ang magbabantay kay Gwyneth para makapunta sina Kuya at Gwen,” katwiran ng dalaga. “Mas sila naman talaga ang involved sa circle na iyon, hindi ba?”

        “That is, kung kakayanin na ni Gwen na mag-socialize by then,” sagot ni Jules. “I have a feeling that she’d rather stay home with her baby for the time being. Kaya ikaw na lang ang sumama.”

        “B-bahala na...” pagkikibit-balikat ni Jolen. “Makikipag-coordinate muna ako kina Kuya.”

        Sa kasamaang-palad ay kinailangan na talaga ni Jules na itigil ang kotse sa tapat ng gate ng eskuwelahan.

        Mabilis na binuksan ni Jolen ang pinto ng sasakyan. Para bang nagmamadali nang makatakas.

        “Sige, thanks for the ride, ha?” sabi nito bago umibis. “Bye.”

        “Ingat!” pahabol na bilin ng binata.

 

HALOS patakbong pumasok si Julianna sa bakuran ng Colegio de Sta. Maria. Hindi tuloy niya agad napansin ang humahabol sa kanya.”

        “Jolen! Jolen!” tawag ng isang nakauniporme ring guro.

        Saka lang tumigil at lumingon ang tinawag.

        “O, Monique,” sabi niya. “Ba’t galing ka sa labas?”

        “Bumili lang ako ng magazine sa kabila,” sagot nito na itinuturo ang hilera ng mga tindahan sa kabilang bloke. “Ang bilis-bilis mo naman kasing maglakad. Kanina pa kita kinakawayan, e. Wala kang nakikita.”

        Parehong pre-school teachers sina Julianna at Monique. Pareho rin kasi ng kursong kinuha ang matalik na magkaibang dating magkasama sa dormitoryo ng Colegio.

        Ang pagkakaiba lang ng dalawa noon ay ang pagiging paying resident ni Jolen at ang pagiging working student naman ni Monique.

        Nauna si Monique sa Colegio. Nasa first year high school pa lamang ito nang ipasok ng tiyahin bilang working student doon.

        Isa sa mga labandera ng mga madre ang tiya ni Monique. Natoka namang tumulong sa kusina ang dalagita na maagang naulila sa mga magulang.

        Nang ipasok si Julianna bilang interna sa Colegio nang sumunod na taon, dadalawa lamang silang high schoolers sa dormitoryo. Panay college students na ang iba pang mga working students at interna doon. Ganoon nagsimula ang kanilang pagiging matalik na magkaibigan – kahit pa magkaiba ang kalagayan.

        Kunsabagay, mula’t sapul ay hindi naman itinuring ni Jolen na magkaiba sila ni Monique ng kalagayan sa buhay.

        Kahit lumaki sa karangyaan, maaga siyang namulat sa katotohanang mabilis nang dumausdos ang kanilang kabuhayan. Hinihintay-hintay na nga lang niya noon na makatanggap ng pasabi na kailangan na rin siyang maging working student sa Colegio.

        Mabuti na lang at kahit paano’y may naipundar na education plan para sa kanya ang kanyang yumaong ina na hindi nagalaw ng nagwawala niyang noong daddy.

        Dahil galing lang sa education plan ang kanyang panustos sa eskuwela at kakaunting personal allowance, tipid na tipid din si Jolen. Nakaluwag-luwag lang siya noong makatuntong ng fourth year high school. Dalawampu’t isang taong gulang na kasi noon si Lyon at maaari nang humawak ng minana nilang trust fund mula sa mga yumaong Lolo’t Lola sa partido ng kanilang ina. Magmula noo’y regular na siyang pinadadalhan ng pera ng kapatid saan man ito mapadpad sa paglalayag.

        Gayunpama’y nanatili pa ring matipid at konserbatibo ang lifestyle ni Julianna – bagay na lagi nilang pinagtatalunan ng best friend niyang si Monique.

        Magkasalungat kasi sila sa pag-uugali.

        Kahit walang-wala si Monique – walang pinagmulang karangyaan at wala ring maaasahang mamanahing kahit isang kusing – ay marami itong mga pangarap. Gusto nitong yumaman. Maging bahagi ng sirkulo ng mga sosyal. Maging sikat. Fame and fortune ang pinakamimithi nitong makamtan.

        At noon pa’y lagi na nitong sinusumbatan ang kaibigan.

        “Nariyan ka na nga. Mayaman ka na. Nasa magic circle na ang apelyido mo. Jetsetter na ang kuya mo. Bakit ba ayaw mo pang pangatawanan ang iyong birthright? Kalimutan mo na ang alingasngas tungkol sa daddy mo. Bakit, sino ba sa mga rich ngayon ang walang eskandalong nakakabit sa pangalan? Basta itaas mo ang noo’t ilong mo. Huwag kang magpapasindak sa kanila. Sige na. Para naman maisama mo rin ako sa mga kasosyalan.”

        Tinatawanan na lang ni Jolen ang mga ganoong hirit ni Monique, na hanggang ngayon ay inuulit-ulit pa rin nito nang panaka-naka.

        Ganoon pa rin sila ka-close kahit hindi na sila magkasama sa tirahan. Naiwan pa rin si Monique sa dorm. Nagbabayad na ito ngayon doon bilang professional resident – may discount nga lang bilang guro ng Colegio.

        “Hoy, Miss Llamanzares, sino ‘yon, ha?” kalabit ni Monique kay Jolen habang sabay na silang naglalakad patungo sa pre-school building. “Sino ‘yung naghatid sa iyo? Maganda ang kotse niya, ha? And he’s cute! Akala mo hindi ko natitigan? Pero he looks familiar.”

        “Si Jules kasi ‘yon, ano,” sagot ni Jolen.
        Matagal na niyang naikukuwento sa kaibigan ang lalaking “umampon” sa kanyang Kuya Lyon at “nag-expose” dito sa “makasalanang mundo” ng Malate. Nakita na rin ni Monique si Jules sa kasal nina Lyon at Gwen.

        “Ayun!” sambit ni Monique. “Sinasabi ko na nga ba, I’ve seen him before. Kapag ganoon ka-cute, talagang malakas ang recall. Siya nga pala ‘yung best man noong kasal ni Kuya Lyon. That gorgeous hunk of a best man. Iyong tinatawag mong bohemyo.”

        “Iyon na nga,” sagot ni Jolen.

        “Mm-hmm, pero nagpapahatid ka na ngayon sa kanya...” panunukso ni Monique. “Ano ‘yan, ha?”    

        “Sus, tigilan mo nga ako,” sagot niya. “Galing po kasi kami sa ospital, ano? Kasi – ay, oo nga pala, this is the big news – nanganak na si Gwen!”        

“Haaa?!” patiling pakli ni Monique. “Kailan? Ano’ng anak?”

        “Kaninang madaling araw nanganak. At babae ang baby. Gwyneth ang pangalan. Ang ganda-ganda. Kamukha ni Gwen.”

        “Aaay! Gusto kong dumalaw!” sabi ni Monique.

        “Sa bahay na lang para mas kumportable,” sagot ni Jolen. “Ang sabi naman ni Gwen, baka pauwiin na sila bukas.”

        “Sige, ha, sasama ako sa iyo pag nakauwi na sila,” paniniguro ni Monique. “Gustung-gusto ko nang makita ang baby. Sigurado ngang maganda iyon. Wala naman sa inyong mapagmamanahang hindi maganda o guwapo, e. Puro kayo artistahin – maging sa pamilya nina Gwen. Bagay na bagay nga sa baby ang pangalang Gwyneth.”

        Nangiti lang si Jolen.

        “Kaya nga bagay din kayo ni Jules, e,” dagdag ni Monique. “Guwapo rin ang lokong iyon.  Ang lakas ng appeal.”

        “Crush mo yata, e,” nakataas ang kilay na pansin ni Jolen.

        “Uuy, nagseselos na!” tumatawang sagot ng kaibigan. “Hindi po. Inirereto ko nga po sa inyo. Mas type ko si Kuya Lyon – kaso lang taken na at ni hindi man lang ako pinansin mula’t sapul.”

        Natawa si Julianna.

        “Hanggang ngayon ba naman, pinagtitripan mo pa si Kuya?” sabi niya.

        “Wala, matagal na akong resigned to the fact na hindi siya magiging akin kailanman,” pa-OA na pahayag ni Monique. “He’s too old for me, anyway. At saka magmula noong nag-reform siya – at lalo na ngayong tatay na siya – wa appeal na siya sa akin. Hindi na siya exciting.”

        “Luka-luka!” tumatawa pa ring sabi ni Jolen.

        “Teka, mabalik tayo kay Jules...” untag ni Monique. “What’s the story nga ba? Bakit ka inihatid?”

        “Galing nga kami sa ospital, e,” iwas ni Jolen. “Ganoon lang.”

        “E, bakit ka namumula diyan?” tanong ni Monique. “At saka bakit halos tumatakbo ka kanina palayo sa kotse niya. Parang conscious na conscious ka. Hoy, kilalang-kilala kita, ha? Wala kang maitatago sa akin. Affected na affected ka sa kanya, e.”

        “Hindi, a,” tanggi ni Jolen.

        Pero damang-dama niya mismo ang lalo pang pag-iinit ng kanyang mukha.

        “Ay naku, masama ang tama,” iling ni Monique. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa kapipintas mo sa Jules na iyan, e. Kita mo, sa kanya ka rin pala matatapilok.”

        “Cute nga lang kasi siya, e,” pakibit-balikat na amin na rin ni Jolen. “Pero alam ko namang wala siyang kuwentang tao kaya... never mind.”

        Biglang napahinto sa paglalakad si Monique.

        “Ano?!” pataray na sabi nito. “Come again, Julianna?”

        Tumigil na rin si Jolen.

        “E hindi nga ba?” matamlay na sabi niya.

        “Hayan ka na naman, e,” pataray pa ring sumbat ni Monique. “Nag-aala-Mother Superior ka na naman sa paghuhusga sa mga tao.”

        “Hindi naman sa ganoon...” iling ni Jolen. “Pero...”

        “Pero ganoon na rin ‘yon,” pagtatapos ni Monique. “Naku, Julianna, mag-aaway na naman tayo nito, e. Kung ikaw ang pakikinggan ko, lahat na yata ng tao sa labas ng mga pader ng kumbentong ito ay puro makasalanan.”

        Iyon pa nga kasi ang isang ipinagkaiba ng matalik na magkaibigan. Kahit parehong nagdalaga sa kumbento, si Jolen lang ang naimpluwensiyahan ng pagkakonserbatibo ng Colegio de Sta. Maria. Kabaligtaran naman ang naging epekto ng kapaligirang iyon kay Monique. Lalo pa itong naging mapangahas at mapaghanap ng mga bagong ideya at karanasan.

        “Sobra ka naman kung maka-exaggerate,” sagot ni Jolen.

        “Ako pa ngayon ang eksaherada,” iling ni Monique. “E, iyon lang mismong salitang bohemyo, parang pagkasama-sama na para sa iyo. Hindi mo ba alam na pati si Rizal ay tinawag na bohemyo? Ang ibig lang namang sabihin niyon ay unconventional. Non-traditional. Not necessarily sinful or immoral.”

        “Pero alam mo naman ang mga pinaggagawa ni Kuya noon,” paalala ni Jolen.

        Ang tinutukoy niya ay ang dating lifestyle ni Lyon na kabi-kabila ang pakikipagrelasyon sa mayayamang matronang may-asawa.

        “Pero ikaw rin ang nagsabi na si Kuya Lyon lang naman ang gumagawa niyon – hindi si Jules,” paalala ni Monique.

        “Malay natin?” sagot ni Jolen. “They belong to the same circle. At saka grabe rin ang mga kuwento ni Kuya tungkol kay Jules at sa naging girlfriend niya noon na ramp model. Shocking!”

        “Binata’t dalaga naman sila, e,” sagot ni Monique.

        “Kaya nga!” giit ni Julianna. “Hindi pa sila mag-asawa, ano.”

        Natawa si Monique.

        “Naku, hopeless ka na talaga, Jolen,” iling nito. “Pero ito lang ang masasabi ko. Hinay-hinay ka muna sa iyong mga konklusyon hangga’t hind mo nakikilalang mabuti ang mga taong iyong pinararatangan ng kung anu-ano. Kung tutuusin kasi, abnormal din itong mundong kinalalagyan natin, e. Masyadong sheltered. Masyadong protected. Hindi pa rin ito ang tunay na mundo. Kailangan pa nating lumabas at ma-expose sa mas malawak na katotohanan bago tayo magkaroon ng karapatang magsalita nang mas may kredibilidad.”

        “Mahirap yata iyon,” iling ni Jolen. “Delikado...”

        “Natatakot ka lang,” sabi ni Monique.

        “Siguro nga,” amin ni Jolen. “Gaya niyan – kinukumbida ba naman ako ni Jules na sumama sa opening no’ng bago niyang Arte’t Kape. Iyon ‘yung ikinukuwento ko sa iyo na bagong hang-out na naman nila. Pinipilit akong sumama next Saturday evening. Can you imagine me in such a place?”

        “Why not?” sagot ni Monique. “This is your chance to see for yourself kung ano nga ba ang lugar na iyon. I’m sure Jules will keep you safe. At saka sigurado rin namang naroon si Kuya Lyon. Ano’ng mawawala sa iyo?”

        “Monique!” napapantastikuhang iling ni Julianna. “Ayoko! Ano’ng gagawin ko roon?”

        “Learn about the rest of the world, my dear,” sagot ni Monique. “Expand your horizons. Kung gusto mo, ituring mo na lang na parang social science research. Makakapag-obserba ka nang first hand. Hindi ka naman halatang out-of-place, e. Kung titingnan ka, mukha kang isang karaniwang woman of the nineties. Maganda. Sexy. May pagka-conservative sa pananamit pero hindi naman nalalayo sa typical Pinay. Hindi lang nila alam kung gaano ka ka-manang deep inside. Puwedeng-puwede ka na nga yatang humalili kay Mother Superior.”

        Natawa si Jolen.

        “Ayoko nga!” sagot niya. “Conservative lang ako pero ayoko namang magmadre, ano? Wala akong vocation.”

        “E ano’ng balak mo – maging single forever?” tanong ni Monique.

        Tumawa na nang tuluyan si Jolen.

        “Ay, ayoko rin,” iling niya. “Gusto kong makatagpo ang aking Prince Charming. Gusto kong ma-in love. Gusto kong maging isang fulfilled wife and mother.”

        “Hayan na nga si Prince Charming,” sabi ni Monique. “You may already be falling in love. I see the signs.”

        “Pero hindi dapat sa kanya,” pakailing-iling ni Julianna.

        “Iyan ang pilit na sinasabi ng isip mo,” sagot ni Monique. “Paano kung may sarili namang kagustuhan ang puso mo?”

        Umiling pa rin nang umiling si Jolen.

        “Hindi puwede,” giit niya. “And besides, may girlfriend na yata siya uli, e.”

        Saglit na natigilan si Monique. Pagkatapos ay bumunghalit ng tawa.

        “Hayun...” sabi nito. “Iyon pala ang pinoproblema ng ale...”

        At tumawa pa ito nang tumawa.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento