Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Sabado, Abril 15, 2023

Abakada ng Pag-ibig: IRENE Chapter 7

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

CHAPTER 7

ANG unang reaksiyon ng isip ni Irene ay ang tumalilis. Tumakas. Hindi niya yata kayang humarap kay Ding Amores. Lalo pa dahil sa napanaginipan niya kagabi.

        Pero sa paglingon pa lamang niya ay nagtama na ang kanilang paningin. At hindi umaalis ang pagkakatitig ng binata sa kanya. Siya nama’y parang naging bihag ng titig na iyon. Parang napasailalim ng kung anong kapangyarihan mula sa mga mata ni Ding. Hindi siya makatalikod. Hindi makaatras. Ni hindi makakilos o makapagbawi ng paningin.

        Hanggang sa nasa mismong harapan na niya ang binata.

        “Hello again,” sabi nito.

        Iyon pa rin ang malamig at baritonong boses nito. Suwabeng-suwabe sa pandinig.

        “Hi,” sagot ni Irene.

        “Sorry sa nangyari kahapon,” sabi ng binata. “Akala ko lang talaga...”

        “Ako rin naman,” sabad ni Irene. “Napagkamalan din kita. Sorry rin. At sorry sa naging reaksiyon ng Lolo ko. Pasensiya ka na.”

        Noon lang bahagyang napangiti ang binata.

        “Sanay na ako sa mga Castillo,” sagot nito. “Pero Castillo ka rin, hindi ba? Bakit iba ka yata?”

        “Hindi naman kasi ako lumaki dito,” paliwanag niya. “Lumaki ako sa Manila. Nagbabakasyon lang kami ni Lola Fe dito. Magpinsan sina Lola Fe at Lolo Ado.”

        “Apo ka rin nina Irenea at Dolfo Castillo,” sabi ng binata.

        Tumango siya.

        “Alam mo ba ang kuwento nila at ng Lolo Carding ko?” tanong ng binata. “Si Arcadio Amores ang lolo ko. Arcadio Amores the third naman ako. Ding ang tawag sa akin.”

        Muling tumango si Irene.

        “Nasabi nga sa akin kahapon kung sino ka,” sagot niya. “Ako naman si Irene. Ipinangalan kay Lola Irenea. At, oo, alam ko ang kuwento. Kahapon lang din ikinuwento sa akin.”

        “Mabuti at hindi ka galit sa mga Amores,” sabi ni Ding.

        “Sa tingin ko nga, ang Lolo mo pa ang may dahilang magalit sa Lolo Dolfo namin,” katwiran ni Irene. “Pero matagal na ‘yon. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pang umabot sa panahong ito ang anumang alitan na dahil doon.”

        “Iba sa bayang ito,” sagot ni Ding. “Maraming bagay ang pinananatiling buhay hanggang ngayon. Tulad na lang nitong dampa sa palayan. Napansin kong pinagmamasdan mo ito kanina.”

        Iminuwestra ni Ding ang dampa.

        Bumaling doon ang tingin ni Irene.

        “Ahm... nagtaka lang ako,” pagdadahilan niya. “Parang... parang nakakapagtaka kasi na makakita ng ganitong palayan sa gitna ng poblacion.”

        “Noong araw kasi, ang mismong poblacion ay iyon lamang simbahan at malalaking bahay na katabi niyon – kasama ang bahay ng mga Castillo at Del Cielo,” paliwanag naman ni Ding. “Itong bahaging ito, talagang palayan na. Inabot na lang ito ng pag-unlad sa paglipas ng panahon.”

        “Pero bakit naiwan pa rin dito ang palayang ito?” tanong ni Irene.

        “Ibinilin daw talaga ng Lolo Carding na panatilihing ganito ito,” sagot ni Ding. “Minimintina namin ang palayan at ang mismong dampa. At araw-araw ay dinadalhan ng bulaklak.”

        Noon lang napansin ni Irene ang mga bulaklak na hawak ni Ding. Kanina kasi ay napatuon lang ang kanyang atensiyon sa mismong mukha nito.

        “Dinadalhan ng bulaklak?” pagtataka pa rin niya.

        “Hindi kasi noon makapag-alay ng bulaklak si Lolo Carding sa puntod ng Lola Irenea mo,” paliwanag pa rin ni Ding. “Magagalit ang Lolo Dolfo mo. Kaya dito na lang daw inaalayan ni Lolo Carding ng mga bulaklak ang Lola mo. Dito kasi sila noon nagtatagpo – noong bago ikasal ang Lola mo sa Lolo mo.”

        Nayanig si Irene. Kumpirmado na naman ang kanyang napanaginipan.

        “P-pero bakit buung-buo pa ang dampa?” tanong niya. “O reconstructed na ba ‘yan?”

        “Iyan pa rin ang orihinal,” sagot ni Ding. “Iyong nipa lang ang pinapalitan kapag nabubulok na. Halika, tingnan mo sa loob.”

        “H-ha?” nangangambang sagot ni Irene.

        “Ayaw mo bang makita ang pinagtatagpuan nila noon?” sabi ng binata. “Kunsabagay, maiintindihan ko kung ayaw mo. Lolo mo rin si Dolfo Castillo.”

        “G-gusto kong makita,” bawi ni Irene.

        “Mag-iingat ka lang sa paglalakad. Maputik,” sabi ni Ding.

        At bago nakaiwas ang dalaga ay nahawakan na siya nito sa braso para alalayan sa paglalakad. Makitid at maputik nga naman kasi ang nakahawing daan sa pagitan ng mga pilapil.

        Pero hindi sa lupa nakatuon ang atensiyon ni Irene. Ang buong pandama niya’y nakasentro sa kamay ng binata na nakahawak sa kanyang braso.

        Kay-init ng kamay ni Ding. Pakiramdam niya’y may hatid iyong kuryente na tumatakbo mula sa kanyang braso patungo sa kanyang buong katawan. Para siyang napapaso na nakikiliti na hindi niya maunawaan.

        Lalo pa dahil bumabalik na naman sa kanyang isipan ang eksena sa kanyang panaginip kung saan patakbong binabagtas nila ni Carding ang mismong daan ding iyon na patungo sa dampa.

        Nang makapasok sila sa payak na silid ay nagparang mas masikip iyon kay Irene kaysa sa nasa kanyang panaginip. Kagabi kasi ay kay luwang ng espasyong iyon para sa kanila ni Carding. Ngayon nama’y nangingilag siya kay Ding.

        At naroon pa rin pala pati ang papag.

        “Orihinal pa rin ang papag na iyan,” biglang sabi ni Ding.

        “H-ha?” napakurap na sagot ni Irene.

        Pulang-pula siya. Hiyang-hiya na nahuli siyang nakatitig sa higaan.

        At kung alam lang ni Ding ang mga alaalang sumasagi sa kanyang isipan. Iyong nakahiga siya sa papag na iyon sa mga bisig ni Carding – na walang ipinagkaiba kay Ding.

        “Talagang matibay itong mga kahoy na ginamit dito,” dagdag pa ni Ding. “Materyales puwertes.”

        Pagtingin niya rito’y nakahawak ang binata sa mismong poste na pinagsandalan sa kanya ni Carding sa kanyang panaginip.

        Nakahawak ang binata sa gawing itaas ng poste. Iyon mismong lugar na kinapitan ng dalawang kamay niya habang...

        Agad na nagbawi ng tingin si Irene.

        Kaybilis na ng pintig ng kanyang pulso. Pati ang kanyang paghinga ay pabilis nang pabilis. Hindi niya mapigil.

        “E-excuse me...” sabi niya bago mabilis na lumabas ng dampa.

        Maagap naman siyang sinundan ni Ding.

        “Bakit?” tanong nito.

        “Wala,” iling niya nang makalabas na.

        Huminga siya nang malalim.

        “Naapektuhan ka ba ng dampa?” tanong pa ng binata.

        Bigla siyang napatingin dito. Nananantiya. May alam ba si Ding tungkol sa nagaganap sa kanya?

        Pero wala siyang mabasa sa mukha nito. Sa halip, parang ito pa nga ang nais makaalam sa mga itinatago niyang sekreto. Ganoon katiim kung makatitig ang binata.

        Umiwas na muli si Irene.

        “Baka hinahanap na ako sa amin,” sabi niya. “Ang sabi ko, pauwi na ako, e.”

        “Puwede kitang ihatid,” alok ni Ding.

        “No, thanks,” tanggi niya. “Baka ma-misinterpret ka na naman ng Lolo ko. Mahirap na.”

        “Oo nga pala,” sabi ni Ding.

        “Thanks for showing me this place, anyway,” sabi na lang ni Irene.

        “May bahagi ka rin naman dito, e,” sagot ng binata.

        Napatda si Irene.

        “A-ano?” sabi niya.

        Kitang-kita ang biglang pagkabalisa sa kanyang mukha.

        “Dahil Lola mo at Lolo ko ang nagtagpo dito noon, hindi ba?” paliwanag ni Ding.

        “Aaah...” tango niya.

        At agad na siyang nagpaalam nang pinal.

        “Sige, aalis na ako.”

        Hindi pa rin naman siya nakatakas sa puntong iyon dahil inihatid siya ng binata pabalik sa kalye. At hinawakan siya nitong muli sa braso habang nilalakad nila ang makitid at maputik na daan sa pagitan ng mga pilapil.

        Parang torture kay Irene ang pagtawid nila sa maikling distansiyang iyon. Conscious na conscious siya. Takot na takot na baka makaramdam si Ding sa tunay niyang nadarama.

        “Mag-iingat ka,” bilin ng binata pagbitiw nito sa braso niya.

        Nasa kalye na sila.

        “Salamat,” sagot niya. “Ikaw rin.”

 

TAMA nga ang sinabi ni Lorraine. Imposible nga yatang mawala sa loob ng poblacion ng Paraiso. Dahil kahit parang wala siya sa kanyang sarili habang naglalakad ay natagpuan na lamang ni Irene ang kanyang sarili na nasa tapat na ng bahay nila.

        Paakyat siya sa malapad na hagdan ng bahay nang maulinigan niya ang boses ni Lola Fe.

        “Bilang pinakamatandang miyembro ng pamilyang ito, I feel that it is my duty and my obligation to end this senseless feud once and for all.”

        Malakas at may katigasan ang boses ng matanda. Natigilan tuloy si Irene.

        “Gagawin kong instrumento ang aking birthday celebration para tapusin ang kalokohang ito,” pagpapatuloy ni Lola Fe. “Wala naman talaga kayong dapat na ikagalit sa mga Amores. Sa isyu nina Lola Irenea, kung tutuusin ay si Lolo Dolfo pa at ang mga magulang ni Lola Irenea ang may atraso kay Carding Amores. Si Lola Irenea nga mismo ay inapi nila. Maging sa mga sumunod na henerasyon, hindi nagkaroon ng anumang atraso sa pamilya natin ang sinuman sa mga Amores. Hindi nga nila pinapatulan ang mga panlalait ninyo. Nakakahiya tuloy tayo. Naturingan pa namang pamilya tayo ng mga teachers at educators.”

        “Yes!” gustong isigaw ni Irene. “Sige, Lola. Ganyan nga.”

        Pero siyempre, sa sarili niya lang sinabi iyon.

        “Minana mo lang mula kay Tiyo Andoy iyang galit mo,” sabi pa ni Lola Fe na halatang si Lolo Ado ang kinakausap. “Minana naman ni Tiyo Andoy iyon mula kay Lolo Dolfo. At ikaw, ipinamana mo pa sa mga anak mong lalaki. Mabuti na lang at hindi naimpluwensiyahan si Lorraine.”

        “Oo nga,” tahimik na sagot uli ni Irene. “Mas may sense kasi ang mga babae sa pamilyang ito. Nagmana kay Lola Irenea. Samantalang iyong mga lalaki, nagmana yatang lahat kay Lolo Dolfo.”

        “Kung hindi mo kayang kausapin at pagpaliwanagan sina Rodie at Ronnie, ako ang kakausap sa kanila,” dagdag ni Lola Fe. “Matatanda na sila pero pare-pareho kayong mag-aama na nagpapaka-childish pa rin sa ginagawa ninyong iyan.”

        Kamuntik nang matawa si Irene. Nasasabon pa rin pala ng lola niya ang mas nakababata nitong pinsan.

        “Matagal ko na ngang pinagsasabihan iyang si Ado, Ate,” biglang sabad ni Lola Lorena. “Matigas talaga ang ulo. Ginagatungan pa pati sina Rodie at Ronnie.”

        “Oo na. Sige na. You’ve both made your point,” sagot na ni Lolo Ado.

        “So tanggap mo na ring mali ang ginagawa ninyo?” tanong ni Lola Fe. “Itutuloy ko na ang balak ko?”

        “Bahala kayo,” sagot ni Lolo Ado. “Nagkakaisa na kayong mga babae, e. May magagawa ba kami? Outnumbered na kami ngayon.”

        “Hindi naman numbers game ito,” katwiran ni Lola Fe. “Nagkataong tama kami at mali kayo.”

        “Okay, okay,” sagot ni Lolo Ado. “Sige na’t hinihintay na siguro ako ni Mayor. Kailangan ko nang lumakad.”

        Nang marinig iyon ni Irene ay nataranta siya. Baka mahuli pa siyang nanunubok sa may hagdan. Bigla niyang itinuloy ang pagpanhik. Sinadya niyang pag-ingayin ang kanyang mga yabag. Para bang kadarating lang niya.

        Nakasalubong niya sa itaas ng hagdan si Lolo Ado. Nagmano siya rito.

        “Kaawaan ka ng Diyos, iha,” parang wala sa sariling sagot nito bago nagmamadaling nanaog.

        Nagtatawanan sina Lola Fe at Lola Lorena nang datnan ni Irene sa salas.

        “O, bakit andito ka na uli?” pagtataka ni Lola Lorena nang makita siya.

        “May biglaang order na kinailangang asikasuhin ni Lorraine, e,” sagot niya. “Naglakad-lakad na lang ako bago umuwi.”

        “May ibabalita kami sa iyo,” sabi ng kanyang Lola Fe.

        At ikinuwento nito ang tungkol sa naganap na usapang narinig na ni Irene. Pero siyempre, nagkunwari na lang ang dalaga na hindi pa niya alam iyon.

        “I agree with you a hundred percent, Lola,” sabi niya pagkatapos. “Hindi dapat pinatatagal ang mga ganyang family feud. Walang ibubungang maganda para sa lahat.”

        “Malaki ang magagawa nito sa ikapapanatag ng loob natin,” dugtong ni Lola Fe. “Kinakabahan pa rin kasi ako doon sa bersong ikaw ang tutubos sa lahat ng kapighatian. Baka ‘kako pupuwede namang sa paraang ito na natin matubos ang kung ano man ‘yon.”

        “Oo nga,” tango ni Lola Lorena. “Parang lilinisin na natin ang lahat. Buburahin ang mabibigat na karma.”

        “Mabuti naman at pumayag si Lolo Ado,” sabi ni Irene. “At mapapapayag din kaya sina Kuya Rodie at Kuya Ronnie?”

        “Aba, ngayong may back-up na ako ni Ate Fe, hindi na sila pupuwede sa akin,” sagot ni Lola Lorena.

        “Ihahanda na namin ngayong hapon ang mga invitations,” sabi ni Lola Fe. “Irene, mas mabuti siguro kung kayo ni Lorraine ang mag-approach kay Ding Amores para maghatid ng imbitasyon. Magpakilala kayo. Hindi niya kayo matatanggihan.”

        “Na-meet ko na siya, Lola,” sagot ni Irene. “Ngayun-ngayon lang, habang naglalakad akong pauwi. Nadaanan ko kasi iyong palayang nasa gitna ng poblacion. Napatigil ako. Nagkataon namang papunta siya roon. Kanila pala ‘yon. Nag-apologize nga kami sa isa’t isa dahil sa nangyari kahapon. Mabait naman siya. Bale nagkakilala na kami.”

        “Aba, good,” sabi ni Lola Fe. “Tingnan mo nga naman ang pagkakataon.”

        “Iyon palang dampa sa gitna ng palayang iyon ang dating tagpuan nina Lola Irenea at Carding Amores,” pagkukuwento niya. “Alam na ba ninyo iyon?”

        Sabay na umiling ang dalawang matandang babae.

        “Kaya nga raw ipinagbilin ni Carding Amores na i-preserve na parang shrine ang lugar na iyon,” pagpapatuloy ni Irene. “Doon daw ito noon nag-aalay ng bulaklak magmula nang mamatay si Lola Irenea. Hanggang ngayon, ipinagpapatuloy pa rin ni Ding ang tradisyong iyon araw-araw.”

        “Talaga?” manghang sambit ni Lola Fe. “Kaya pala hindi binabago ang lugar na iyon.”

        “Wow!” iling naman ni Lola Lorena.

        “So, paano, di mas madali na ninyong mapupuntahan ni Lorraine bukas si Ding Amores?” sabi ni Lola Fe. “Magkaibigan na pala kayo, e.”

        “S-sige,” sagot ni Irene.

        Kahit kinakabahan siya nang katakut-takot.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento