FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
EPILOGO
PALABAS
ng bahay sina Gwen at Lyon. Patungo sa opisina.
Tatawid lang naman sila ng mga tatlong
metro mula sa pinto ng bahay. Nasa bakuran lang din kasi ang itinayo nilang
opisina, showroom at bodega ng Regalo, Abubot, Atbp.
Sa loob ng anim na buwan ay may labindalawang
outlet na ang kanilang negosyo. Maliliit na stall lang ang mga ito pero
punung-puno ng produkto at malalakas ang benta.
Lalo tuloy ginaganahang mag-supply sa
kanila ang mga taga-Sto. NiƱo. Nagsisimula na rin silang makipag-ugnayan sa iba
pang mga munisipalidad at baranggay para sa pagtatayo ng katulad na mga proyekto.
Sa loob din ng anim ng buwan ay lumaki
na ang tiyan ni Gwen. Totoo pala ang kutob niya noong unang hinilingan niya si
Lyon ng anak. Noon din mismo’y nakabuo na sila ng panganay.
Hindi nga lang natupad ang gusto ni Lyon
na gawing kambal ang kanilang anak. Ayon sa ultrasound ay isa lang ang bata. At
hindi na muna nila inalam kung lalaki o babae. Gusto nilang masorpresa.
“Gwen!” tawag ni King na humahabol mula
sa loob ng bahay. “Sandali, iha.”
“Bakit, Dad?” lingon ng buntis.
Tumigil din si Lyon sa tabi ng asawa.
“Pupunta ako sa Bulacan para ibili ka ng
talaba,” sabi ng matanda. “Ano ba’ng gusto mo – iyong nasa shell o ‘yung
nakabukod na?”
“Sasadyain pa ninyo doon, Dad?” sabi ni
Gwen. “Ang layo niyon, a.”
“Mabuti roon at siguradong walang red tide,”
sagot ng biyenan. “Hiwalay sa dagat ang oyster farm. Alagang-alaga. Safe na
safe.”
“Naku, spoiled na spoiled ka talaga kay
Daddy,” iling ni Lyon.
“Dad, hindi na ho ako naglilihi,”
natatawang sabi ni Gwen. “Mahilig pa rin nga ako sa talaba pero hindi na ninyo
kailangang dayuhin pa sa ganoon kalayo para maibili lang ako.”
“Isasabay ko na rin naman ang pagbili ng
alimango na paborito ni Jolen,” katwiran ni King. “Sulit na sa lakad ko iyon.
Dala ko naman ang van. Sinasamantala ko na nga lang na walang delivery ngayong
araw. Bihirang mangyari ito.”
May nabili rin kasi silang maliit na
delivery van. Magkatuwang sina Lyon at King sa pagde-deliver ng mga produkto sa
kanilang mga outlet.
Hiyang ang matanda sa piling ng pamilya
at sa bago nitong gawain sa negosyo at sa bahay. Mabilis na lumusog ang
pangangatawan nito. Lumiksi ang kilos. Naging masayahin.
“Ang maitutulong ko lang sa negosyo
ninyo ay ang pagmamaneho ng van at paghahakot sa delivery,” pagpapauna na nito
noon sa mga anak. “Hanggang doon lang. Huwag ninyo akong asahang makikialam sa
iba pang aspeto niyang negosyo at baka maperhuwisyo ko pa iyang diskarte ninyo.
Alam naman ninyong palpak ako sa business. Mas gusto ko pang mamahala sa bahay.
Ako’ng bahalang mag-supervise sa katulong. Ako rin ang mag-aalaga sa mga
magiging apo ko.”
Kaya kahit nagdadalantao pa lang si Gwen
ay alagang-alaga na nga ni King ang apong nasa sinapupunan ng manugang.
“Ang daya mo naman, Dad,” kunwa’y pagtatampo
ni Lyon. “Wala ka bang bibilhin para sa akin?”
“Aba’y iyon pa nga ang isang ipupunta ko
sa Bulacan,” sagot ng matanda. “Bibili ako no’ng paborito nating dalawa na
atsarang Dampalit. Sinimot mo pala ang laman ng huling garapon kagabi, e.”
“Yes!” tuwang-tuwang sabi ni Lyon.
“Bitin na nga iyong kain ko kagabi. Kakaunti na lang ang laman no’ng garapon.”
“Mag-ingat kayo sa pagmamaneho, Dad,”
bilin ni Gwen.
“Sus, may uubra ba sa akin sa daan?”
pabirong pagyayabang ng matanda. “Ako yata ang Da King of the Road.”
Tawanan sina Gwen at Lyon.
ANG
mag-asawa ang nagbukas ng opisina. Dadalawa lang naman talaga silang tumatao
roon. Ang tanging mga empleyado nila’y ang mga nagbabantay sa kanilang
labindalawang outlet. Hangga’t maaari ay nagtitipid sila sa overhead para mapanatili
rin nilang mababa ang presyo ng kanilang paninda.
Showroom ang nasa pinakaharap ng
opisina. Ito ang nakabungad sa kalye. Pero hindi naman bukas. May malaking
salaming show window at salaming pinto na sa gabi ay parehong may bakal na panara.
Nasa likuran ng showroom ang private
office nina Gwen at Lyon. Nakabukod. May pinto. One way glass ang bintana. Mula
sa loob ng opisina ay nakikita ang showroom, pero mula sa showroom ay sariling
repleksiyon lang ang makikita ng sinuman.
Nasa likuran pa ng opisina ang bodega.
May pintong patungo roon mula sa opisina. May mas malaking pinto namang
nakabungad sa garahe sa likod, para sa mas madaling pagbababa at pagkakarga ng
produkto.
May kanya-kanyang mesa sa kanilang
opisina ang mag-asawa.
Nakaupo si Lyon nang magdaan si Gwen sa
harap nito.
“Halika nga muna,” sabi ng lalaki, sabay
hila sa kamay ng misis.
Hinatak nito si Gwen nang paupo sa
kandungan.
“Ay!” sabi niya. “Teka, ang bigat-bigat
ko na, a.”
Nagtangka siyang tumayo.
“Hindi naman, e,” tanggi ni Lyon habang
pinipigilan siya.
“Bahala ka,” sabi niyang nagre-relax na
rin. “Bakit ba?”
“Wala,” sagot ni Lyon. “Gusto lang
kitang i-cuddle. Hmm, ang bangu-bango mo, e. Bagay na bagay pati sa iyo ang
suot mong citrus green and yellow. Parang
ang sarap mong kagatin.”
“Loko mo, bombong-bombo na nga ako, e,”
natatawang ilag ni Gwen.
“Sexy ka pa rin,” giit ng asawa. “Iba
ang glow mo ngayon. At saka namimintog ka. Parang hinog na hinog. Nakakagigil.”
At dumako ang mga kamay nito sa kanyang
dibdib. Nanggigil nga.
“Lyon!” singhap ni Gwen. “Lyon, ha! Nandito
tayo sa opisina.”
“E ano,” sagot ng asawa. “Wala namang ibang tao rito. Tayo lang. Para
namang hindi natin dating gawi ito. Lagi ka na lang umaalma. Bibigay rin naman.
Napabungisngis si Gwen.
“Ikaw talaga,” sabi niya.
At bibigay na nga talaga siya uli nang tumunog
ang buzzer mula sa harap ng showroom. Lagi kasing naka-lock ang pinto roon.
“May tao,” sabi ni Gwen habang tarantang
napapatayo.
“O, dahan-dahan ka lang,” saway ni Lyon.
“Teka, ako na’ng lalabas.”
Pero sumunod na rin si Gwen sa asawa.
Ganoon na lang ang pagkabigla nila nang
mamukhaan ang dalawang taong naghihintay sa labas.
“Si Daddy at si Mommy!” singhap ni Gwen.
Noon lang nakita ni Lyon nang personal
ang mga biyenan. Nakilala lamang nito ang dalawa batay sa litratong nasa wallet
ni Gwen.
Sabay nang lumapit sa pinto ang
mag-asawa. Si Lyon ang nagbukas ng pinto pero si Gwen ang unang bumungad.
“Daddy? Mommy?” puno ng pangambang
sambit niya.
Ngumiti ang dalawang matanda.
Iyon ang naging senyal para humalik si
Gwen sa mga pisngi ng mga magulang.
“Si Lyon ho,” pagpapakilala niya sa
asawa.
Iyon din ang naging sensyal para
magtangka si Lyon na magmano kay Greg Garchitorena at humalik sa pisngi ni Nedy
Garchitorena.
Pumayag naman ang dalawang matanda.
“Tuloy kayo,” sabi ni Lyon pagkatapos.
“Teka, doon ho kaya tayo sa bahay.”
“Ito pala ang opisina ninyo,” sabi ni
Greg na sumisilip sa loob ng showroom. “Katabi rin ng bahay. Good idea.”
“Gusto n’yong tingnan muna sa loob bago
tayo magtuloy sa bahay?” pagbabagong-isip ni Lyon, halatang natataranta. “Pasok
kayo.”
Pumasok nga ang mag-asawa.
Interesadung-interesado sa mga naka-display na produkto.
“Nabisita namin ang ilan ninyong
outlets,” sabi ni Nedy. “Magaganda ang items n’yo, a.”
“Talaga, Mommy?” hindi makapaniwalang
sabi ni Gwen.
Nagsusulyapan sila ni Lyon, parahong
nagugulumihanan.
Hinarap siya ni Nedy.
“Malaki na pala ang tiyan mo,” biglang
bulalas nitong bumubulwak na ang luha.
“K-kasal na kami ni Lyon, Mommy,”
pagtatapat ni Gwen.
Sa kung anong dahilan ay biglang umiyak
na rin siya. Siguro, dala na rin ng pag-aalala sa magiging reaksiyon ng mga
magulang.
“Alam namin,” sagot ni Nedy na umiiyak
na rin nang hayagan. “At hindi man lang kami naka-attend.”
Naguluhan na talaga si Gwen.
“I’m sorry, Mommy,” sabi niya. “Pero...”
“I know,” tango ng ina na nagtataas ng
isang kamay. “It was our fault. We were too stubborn. Too biased.”
“We were plain stupid,” sabad ni Greg.
Napatingin sa matandang lalaki sina Gwen
at Lyon. Parehong napatanga.
Umiling si Greg.
“Kami ang dapat na mag-apologize sa
inyong dalawa. Gwen, Lyon,” sabi nito. “And I’m going to make a confession
right now. Pinasubaybayan namin kayo sa isang detective agency. Una, for Gwen’s
security. Takot pa rin ako sa mga kidnappers. Pero higit pa roon, para makita
namin kung ano ang nangyayari sa kanya. Sa inyo. We were expecting your
relationship to fail. To be doomed from the start. But you proved us wrong.
Lahat ng ginawa ninyo, ikinagulat namin. Ikinapahiya namin sa aming sarili. And
it took so long for the both of us to finally gather enough courage to come
here and accept our mistakes. To say we’re sorry. And to say that we want to be
part of your life. To be part of our grandchild’s life. Pupuwede ba ninyo
kaming mapatawad? Can you forgive two old fools?”
“Daddy!” paiyak na sambit ni Gwen, sabay
yakap nang humahagulgol sa ama.
Niyakap din ito ni Nedy.
Parang naulit lang ang eksena noon nina
Lyon, Julianna at King.
Si Lyon naman ngayon ang nakamasid nang
naluluha rin.
Pero hindi nagtagal at naglahad ng kamay
si Greg.
“Come here, son,” sabi nito.
Inilagay ni Lyon ang kamay nito sa kamay
ng biyenan.
Kinuha naman ni Nedy ang isa pa nitong
kamay.
Nabuo ang sirkulo ng isang masaya na
muling mag-anak.
“Sina Kuya?” tanong ni Gwen.
“Matagal na kaming pinagagalitan ng
dalawang iyon,” pagkukuwento ni Greg. “Matutuwa sila kapag nalamang we finally
came here. Matagal na nila kayong gustong puntahan. Ang sabi ko lang, huwag
nila kaming pangunahan. We’ll call them tonight. Magsama-sama tayo for dinner.”
“Dito na sa bahay,” sabi ni Gwen.
“Tamang-tama, namimili si Daddy King ng talaba at alimango sa Bulacan.
Tumingin si Greg kay Lyon.
“Nabalitaan ko ang nangyari sa inyo ng
father mo lately,” sabi nito. “Again, I apologize, son, for being one of those
people who put him down before. Pero saludo ako sa ginawa ninyong magkapatid.
You’re a better man than I am.”
“Si Gwen ho ang nag-udyok sa akin na
makipag-reconcile kay Daddy,” sagot ni Lyon. “She healed my bitterness. At noon
pa rin niya gustong makipag-reconcile sa inyo. Akala lang niya, hindi kayo
papayag.”
“Mabuti na rin at hindi kayo ang unang
lumapit sa amin,” sabi ni Greg. “Natuto
kaming tumanggap ng aming pagkakamali.”
“Hindi ko naman talaga matitiis na
tumagal pa ang pagbubuntis mo, Gwen, na wala ako sa tabi mo,” sabi ni Nedy.
“Alalang-alala na nga ako sa iyo.”
“Alagang-alaga ako nina Lyon, Daddy King
at Julianna, Mommy,” sagot ni Gwen. “Pero siyempre, sa ganitong panahon,
hinahanap kita. Ang dami kong gustong sabihin sa iyo. Itanong sa iyo.”
Muling humigpit ang pagkakayakap ni Nedy
sa anak.
“I’m here now, baby,” sabi ng ina. “I’ll
always be here from now on.”
“Tena kayo sa bahay,” sabi ni Lyon
“Oo nga. Doon na natin tawagan sina Kuya
George at Kuya Gary,” tango ni Gwen.
“Tatawagan ko rin si Daddy sa
cellphone,” sabi ni Lyon. “Padadagdagan ko ang bibilhin niyang talaba at
alimango.”
NAPUNO
ng masayang kuwentuhan at tawanan ang bahay sa Paco nang gabing iyon.
Pero sa gitna ng pagdiriwang, sandaling
nahatak ni Lyon sa isang tabi si Gwen.
“You look extra-beautiful, Sweetheart,”
bulong nito.
“Paano naman, kumpletong-kumpleto na ang
kaligayahan ko,” nagniningning ang mga matang sagot niya.
“May kulang pa,” sabi ng asawa.
“Ano?” kunot-noong tanong niya.
“Nabitin tayo kanina,” nakangiting
paalala ni Lyon. “Pero hindi bale. Dahil sa nangyari, siguradong mas maligaya
tayo mamaya. Kukumpletuhin ko nang husto ang gabi mo.”
Napabungisngis si Gwen.
“Promise, ha?” sagot niya.
WAKAS
Basahin ang kwento ng
pag-ibig ng kapatid ni Lyon sa
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento