FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
CHAPTER 7
KUNG
dati nang nahulog ang loob ni Francesca kay Bobby, sa workshop nila ay ganap na
siyang napaibig sa binata.
Isang linggo ang live-in workshop.
Kasama nila sina Alice, Woodsy at Direk Caloy sa bahay-bakasyunan ni Bernie
Grande sa Los BaƱos, Laguna. Pinaparoonan sila ng iba’t ibang guest trainers
araw-araw, pawang mga beteranong artista, director, at acting coach.
Magkasama sila mula paggising sa umaga
hanggang bago matulog sa gabi. Magkasabay sila sa bawat pagharap sa hapag
kainan.
Nakita ni Francesca kung ano ang hitsura
ni Bobby paglabas ng kuwarto sa umaga patungo sa banyo. Iyong ni hindi pa ito
nakakapaghilamos, nakakapagsepilyo, nakakapag-ahit o nakakapagsuklay. Lalo
palang ang sexy nitong tingnan sa ganoong ayos.
Nalaman niya kung anu-ano ang mga
paborito nitong pagkain at kung gaano ito kalakas kumain.
Sa unang araw ng workshop, pinagharap
sila para ikuwento sa isa’t isa ang kanilang buong buhay.
“Lahat ng alam ninyo, naikuwento sa inyo
at ano pa mang naaalala ninyong konektado sa buhay ninyo,” bilin ni Direk
Caloy.
“Halos kabisado ko na ang buhay ni
Bobby,” sabi ni Francesca. “Nasusundan ko ang mga write-ups tungkol sa kanya
magmula noong maliliit pa kami, e. Idol ko nga kasi sina Tita Laila at Tito
Robert.”
“Hindi lahat ng nababasa mo ay totoo,”
sagot ng binata. “At hindi lahat ng totoo ay naisusulat. Iyan ang dapat mong
tandaan sa showbusiness.”
Inabot din sila ng isang buong araw sa
pagkukuwentuhan lang ng ganoon. Kung saan-saan na kasi napunta ang kanilang mga
kuwento, lalo na noong ang kinukuwento ni Bobby ay ang mga kalokohan nito sa
eskuwela mula elementarya hanggang sa kolehiyo.
“Akala ko pa naman ay napaka-good boy
mo,” tawa nang tawang sabi ni Francesca.
“Hindi rin naman talaga ako bad boy,
ano?” katwiran ni Bobby. “May kapilyuhan lang paminsan-minsan.”
“Mabuti ka pa,” hinaing ng dalaga. “Ako,
masaklap na nga ang naging buhay, boring pa.”
“Hindi na ngayon,” paalala ng kaharap.
“Sisiguruhin nating magiging masaya ang buhay mo sa showbusiness. And
definitely, it will never be boring.”
Sa pangalawang araw ng workshop,
pinaglaro naman sila ng parang truth or consequence. Pero ang mga katanungan ay
nakasulat na sa mga index cards na bubunutin nila mula sa isang basket. At walang
consequence. Lahat ng mga katanungan ay kailangan nilang sagutin.
Unang tanong pa lang ay nataranta na si
Francesca.
“Bobby, crush mo ba si Francesca? Ikaw,
Francesca, crush mo ba si Bobby?”
Namula ang dalaga.
Mabuti na lang, mabilis na sumagot si
Bobby. Napaka-casual. Walang kamali-malisya.
“Hindi pa ba obvious?” Sabi nito. “Sa
Cebu pa lang, halatang-halata na ako, e. Kaya nga ninyo naisipang gawin kaming
loveteam, hindi ba? Sino naman kasing lalaki ang hindi magkaka-crush sa
kasingganda ni Francesca?”
“Etching!” sagot niya.
“Bakit, hindi mo ba ako crush?” hamon ni
Bobby.
“Siyempre naman, ano?” pa-casual din
kunwaring sagot niya. “Naloka nga ako sa Cebu noong una kong makita in person
si Mr. Bobby Bauzon. Sino ba namang babae ang immune sa kasingguwapo mo?”
“Mm-hmm, magaling kayong sumagot, ha?”
kantiyaw ni Woodsy. “Ganyan dapat kapag kaharap ninyo ang press. Keep things
light. Iyong alangang pabiro na alangang seryoso.”
Marami pang mga tanong. Karamihan ay
nakakatawa. Marami ring masyadong personal. Pero dahil sa dami na ng mga
naikuwento nila sa isa’t isa noong nakaraang araw, hindi na sila nailang na
magtapat pa ng karagdagang mga bagay sa isa’t isa.
Naisip ni Francesca, mahusay pala talaga
ang mga nagdisenyo ng kanilang workshop. Unti-unti ngang natibag ang anumang
pader na nakapagitan sa kanila.
Pangatlong araw na sinimulan ang mga
ehersisyo sa pag-arte. Weird noong umpisa. Pinaarte sila na parang pader. O
bato. Ano raw ang kaibahan ng pagiging
pader at bato? Kasunod niyon, puno ng niyog. Pagkatapos, halamang gumagapang.
Ano ang kaibahan ng pagiging puno ng niyog at halamang gumagapang?
Bago natapos ang araw ay naunawaan naman
nina Francesca at Bobby kung gaano kahalaga at kalalim ang aral na natutunan
nila sa mga leksiyong iyon. Nagawa nilang mag-internalize ng kahit na gaano
ka-weird na papel. Nagawa nilang umarte nang hindi nagsasalita at limitado ang
pagkilos.
Externalization naman daw ang paksa ng
ikaapat na araw. Ang akala ni Francesca noong una ay kapareho iyon ng over-acting.
Paano’y kabaligtaran naman ng mga papel na ipinaganap sa kanila noong nakaraang
araw ang iniharap sa kanila.
Pinaarte sila na parang mabangis na leon
o tigreng nagwawala. Pinatawa sila nang pinatawa. Iyong para na raw silang
maiihi sa katatawa. Pinaiyak sila nang pinaiyak. Isipin daw nila ang
pinakamasakit na karanasan sa buhay nila at ilabas nila ang lahat ng kanilang
mga sama ng loob. Ihagulgol. Isigaw. Ibayo sa mga dinding. Igulong sa sahig.
Pinag-imagine sila ng horror. Kung ano iyong pinakanakakatakot para sa kanila.
At ipakita nila ang kanilang takot. Iyong halos mamatay na sila sa takot.
Nilinaw muna sa kanila na iba iyon sa
over-acting. Dahil ang dapat nilang ipakita ay iyon lamang totoo sa kanilang
nararamdaman sa mga sandaling iyon. Ang susi pa rin ay nasa wastong
pag-i-internalize. Ngayon nga lang ay kailangan nilang ipakita ang lahat ng
kanilang nadarama gamit ang iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan. Pigain nang
husto ang kanilang mga emosyon.
Nakakapagod. Pakiramdam ni Francesca ay
napiga na nga ang lahat-lahat sa kanya.
Pero nagulat siya sa mga nakayanan
niyang gawin. Hindi niya akalaing matatapatan niya si Bobby sa bawat eksena.
Kunsabagay, mas marami siyang dapat iyakan at ikagalit sa buhay kaysa sa
binata. Mas marami rin siyang mga kinatatakutan. Iyon namang sa pagtawa,
basta’t inisip na lamang niyang pagtawanan ang lahat ng kakatwang naganap at
nagaganap pa sa kanyang buhay. At pinakawalan niya ang kanyang sarili na parang
baliw.
“Exhausting, ano?” sabi ng trainer nilang
si Tommy Sablan, beteranong aktor at direktor sa entablado, pelikula’t
telebisyon. “Pero hindi lang acting exercises iyong ginawa ninyo. Mahusay ding
psychological release iyon para sa lahat ng kinikimkim ninyong galit, hinagpis,
takot at tuwa. Nakakagaan ng loob, hindi ba? Nakakabawas din ng mga
inhibisyon.”
Sa ikalimang araw, mga totoong eksena na
ang ipinaaarte sa kanila, halaw sa mga tunay sa script na pampelikula o
telebisyon. Maiikling eksena lang naman pero iba’t ibang klase. May light
comedy. May romantic. May dramatic na sumbatan. May maingay na bangayan. May
action din at horror. Kailangan daw ay mag-eksperimento sila sa lahat kahit na
malamang ay hindi naman ipagawa sa kanila sa pelikula.
Itinuloy pa iyon sa ikaanim na araw nila
roon. Mas kumplikado na nga lang ang mga eksenang ibinigay sa kanila. Mas
malalalim at challenging. Iyong tipong parang light comedy lang ang palitan
pero nakakaiyak ang sitwasyon. Iyong heavy drama na walang tumutulong luha at
kalmado lang na nag-uusap. Iyong love scene na nagkakatitigan lang at mga dulo
lang ng mga daliri ang nagtatagpo.
Mabuti na lang at pinakahuli iyong love
scene. Hindi kasi handa si Francesca sa magiging reaksiyon niya sa ganoong
eksena. Hindi niya akalaing mahahalukay nang husto ang kanyang damdamin.
Kung noong nasa Cebu pa sila ay nadala
na siya nang husto sa pag-arte ni Bobby, ngayon ay mas matindi ang nangyari.
Siguro, dahil sa lahat ng mga pinagsaluhan na nila nitong mga nakaraang araw.
Siguro rin, dahil mas marunong na siyang mag-internalize.
Ano man ang dahilan, pareho rin ang
resulta. Nalunod siya nang walang kalaban-laban sa kanyang mga emosyon.
Pakiramdam niya, hindi na siya umaarte
habang nakikipagtitigan kay Bobby. Habang unti-unting nagpapang-abot ang mga
dulo ng kanilang mga daliri.
Lahat ng nilalaman ng kanyang damdamin
ay nasasalamin sa kanyang mga mata, sa kabuuan ng kanyang mukha at maging sa
tensiyong nasa kanyang buong katawan.
Alam niyang pag-arte lang ang nakikita
niya kay Bobby pero kahit iyon man lang ay sabik na tinatanggap ng uhaw niyang
puso.
Kaysarap palang matitigan nang ganoon –
na parang mahal na mahal siya ni Bobby. Na parang sabik na sabik itong mahagkan
siya’t mayakap.
Perpekto ang eksenang kanilang
itinanghal.
Bilib na bilib tuloy si Direk Caloy at
ang bumibisitang si Bernie Grande mismo.
“Hindi nga tayo nagkamali,” sabi ng big
boss ng Grande Films. “We have a winning pair right here.”
Pero tapos na ang eksena ay kumakabog pa
rin ang dibdib ni Francesca at nanlalamig pa ring parang yelo ang kanyang mga
palad.
Naramdaman iyon ni Bobby nang kamayan
siya nito at batiin ng, “Congratulations. Malaking bagay ang mapuri nang ganoon
ni Boss Bernie.”
Humigpit ang pagkakahawak nito sa palad
niya.
“O, huwag kang masyadong tense,” payo
nito. “Masanay ka na sa ganoong mga eksena natin.”
“N-nandiyan kasi si Boss, e,”
pagdadahilan niya. “Nakakanerbiyos.”
Kasayahan na pala ang ikapitong araw
nila sa workshop. Dinayo sila roon ng staff ng Grande Films. Naroon din ang
cast at crew ng sisimulan nilang pelikula. Nag-party. Ice-breaker na rin daw
para sa pelikula.
“Bale, ngayong araw at bukas na lang ang
pahinga ninyo, ha?” paalala ni Woodsy sa magka-loveteam. “Sa makalawa, sisimulan
na ang actual shooting.”
“Matutulog lang ako nang buong araw
bukas,” sabi ni Bobby. “Ganoon din dapat ang gawin mo, Francesca. Matulog ka
nang matulog sa tuwing may pagkakataon. Alalahanin mo, target nilang tapusin
nang pitong araw ang pelikula. Chances are, wala nang tulugan iyan. Doon na
tayo titira sa mga location.”
Nangiti lang siya.
Hindi lang niya masabing nahihirapan na
siyang mapagkatulog nitong mga nakaraang araw. Pero hindi bale. Masaya na
siyang malaman na pitong araw uli silang magkakasama nang halos maghapon at
magdamag.
(Kapag hindi
lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o
kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento