Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Abakada ng Pag-ibig: DESIREE Chapter 2

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

HINDI mapakali si Arman. Palakad-lakad ang binata paroo’t parito sa salas ng kanyang third floor apartment. Hindi mapirme sa upuan.

        Iniisip niya, baka kaya may nakakaligtaan siyang bagay – iyong mga dapat niyang ipagbilin tungkol sa iiwan niyang apartment o iyong mga dapat niyang dalhin sa biyahe pauwi sa Pilipinas. Pero ilang ulit na niyang nirepaso ang kanyang listahan at nakasisiguro siyang wala siyang nakakalimutan.        Naipagbilin na niya sa building manager na si Eddie ang lahat ng dapat asikasuhin kaugnay ng kanyang apartment. Nabili na niya’t naimpake ang lahat ng mga pasalubong niya para sa mga daratnan sa Pilipinas.

        At hindi na niya maitatanggi ang tunay na dahilan ng kanyang pagkabalisa. Ang kanya mismong pag-uwi. Ang muli nilang pagkikita ni Desiree.

        Kaytagal na niya itong pinaghandaan. Kaytagal na pinlano’t inasam. Bakit ngayo’y parang naduduwag siya?

        A, siguro’y ganito lang talaga kapag ang isang binata ay nahaharap na sa usapin ng paglagay sa tahimik.

        Kunsabagay, treinta anyos na siya. Dapat nang bumuo ng sariling pamilya.

        Handang-handa na naman siya. Sa limang taong pagtatrabaho sa labas ng Pilipinas, mula Saudi Arabia hanggang Estados Unidos, ay nakapag-ipon na rin siya ng malaki-laking halaga lalo pa’t wala naman siyang sinusuportahang mga magulang o kapatid. Buung-buong naitatabi niya ang kanyang kinikita. Matipid naman kasi siya sa sarili at halos sagot na ng kompanyang kanyang pinapasukan ang lahat ng living expenses. Kaya na niyang magpakasal nang maayos, magpatayo ng sariling bahay at magpundar ng katamtamang negosyo sa Maynila.

        At nakahanda na rin ang babaing kanyang mapapangasawa’t makakatuwang sa habambuhay.

        Halos “pinalaki” na niya si Desiree. Neneng-nene pa ito nang makilala niya’t maging girlfriend. Ilang taon na rin silang magkarelasyon.

        Ano pa ba ang hahanapin niya kay Desiree? Simpleng-simple ito. May natural na kagandahan at kahinhinan. Mababa ang loob. Mabait.

        Kung minsan nga lang, sa sobra nitong kabaitan ay nasasagasaan na tuloy ng ibang tao, maging sa sarili nitong pamilya. Kaya nga naantig noon ang kanyang damdamin sa kalagayan ng dalaga at nakadama siya ng pangangailangang “sagipin” ito’t pangalagaan.

        Nakita niya noon kung paanong parang hindi na napapansin si Desiree ng sarili nitong mga magulang at kapatid. Kung paanong laging napapag-isa ang dalaga kahit nasa piling ng pamilya.

        Sinadya niyang lapitan si Desiree para kaibiganin. Para paulanan ng pinananabikan nitong atensiyon.

        Nangiti si Arman sa alaalang iyon.

        Pakiramdam niya sa tuwing naaalala niya iyon ay parang isang knight in shining armour na sumagip sa isang damsel in distress. At nakapagpapaliyad iyon sa kanyang dibdib.

        Kakaunti lang naman kasi ang mga bagay na maaari niyang maipagmalaki. At lahat ay bunga ng kanyang pagpupursige’t pagsisikap.

        Alam na alam niya ang pakiramdam ng isang nasa kalagayan ni Desiree dahil hindi rin nalalayo roon ang kanyang pinagdaanan.

        Ulilang lubos na si Arman. Palaki siya ng kanyang tiyuhing kapatid ng yumao niyang ama. Pero nasa elementarya pa lamang siya ay pumanaw na rin ang kanyang Tiyo Carding. Naiwan siya sa kanyang Tiya Mameng na hindi naman niya kadugo.

        Sa paglaki ni Arman ay lagi siyang nahihiya sa kanyang kalagayan sa poder ng kanyang Tiya Mameng. Alam niyang pabigat siya sa biyudang may apat na anak kahit pa hindi naman ito naghihikahos at maayos ang pinansiyal nitong katayuan. Ekstrang istorbo pa rin siyang kailangan nitong asikasuhin at pag-aksayahan ng atensiyon. Kaya nga siguro malamig ang pakikitungo nito sa kanya kahit hindi naman siya diretsahang minamaltrato. At kaya rin marahil hindi napalapit sa kanya ang kanyang mga pinsan.

        Naranasan niya iyong nasa piling ng isang pamilya pero nag-iisa. Iyong parang hindi siya nakikita’t hindi naririnig. Iyong tratuhin siyang parang tau-tauhan o aninong walang personalidad.

        At nakita niya ang kanyang sarili kay Desiree.

        Kaya nang “sagipin” niya ito ay kaysarap ng kanyang pakiramdam. Isa iyon sa mga itinuturing niyang “accomplishment” na tulad ng pagpapaaral niya sa kanyang sarili bilang working student sa UP at sa pagkakapasok niya sa maayos na trabaho mula pagka-graduate.

        Hindi naman niya pinlanong ligawan ang dalaga. Basta nangyari na lang.

        Nagtaka kasi siya kung bakit noong malapit nang bumalik sa Maynila ang pamilya nito ay biglang naging malamig sa kanya si Desiree.

        Tinanong niya si Winston.

        “Galit ba sa akin si Desiree? May nagawa o nasabi ba akong ipinagdamdam ng kapatid mo? Bakit parang nag-iba siya sa akin?”

        Natawa lang sa kanya ang dati niyang kaklase.

        “Ang hina mo naman, pare,” sagot nito. “Palibhasa hindi ka sanay na manligaw sa babae. Nagsisintir po ang dalaga namin dahil panay porma ka lang, hindi mo naman nililigawan. Alam mo naman ang mga iyan. Kapag pinagpakitaan mo ng sobrang atensiyon, akala liligawan mo na. ‘Ayan, asang-asa tuloy sa iyo. Hindi rin kasi sanay na may pumapansin sa kanya na guy. Pero huwag mong problemahin at ako na’ng bahala ro’n. Matututo rin siya. Makakalimutan ka rin niya.”

        Nagulat si Arman.

        Tama naman kasi ang sinabi ni Winston. Hindi siya sanay na manligaw sa babae. Hindi niya kabisado ang mga ekspektasyon ng mga babae.

        Pero may iba pa siyang ikinagulat. Iyong kawalan ng simpatiya ni Winston sa damdamin ng sariling kapatid. Na para bang walang halaga rito kahit pa masaktan si Desiree sa pangyayari.

        Pero siya, hindi niya maatim na masaktan ang dalaga. Kaya bigla niya itong kinausap sa dalampasigan.

        At iyon ang naging simula ng kanilang relasyon.

        Na hindi naman niya pinagsisihan.

        Masuwerte na nga siya. Sa mga naririnig niyang kuwento sa kanyang mga kasamang overseas contract workers, bihira na ang mga girlfriend na pumapayag na maghintay nang ganoon katagal habang ang boyfriend ay nangingibang bansa. Kadalasan ay bumabaling ang babae sa iba dahil sa pagkabagot o pangungulila.

        Pero si Desiree niya, matiyagang naghihintay sa kanya. At walang mga kung anu-anong kahilingan o kondisyon.

        Si Desiree na nga ang tipo ng babae na gusto niyang mapangasawa. At magbibigay sa kanya ng pinapangarap niyang sariling pamilya.

        Tumunog ang buzzer sa apartment ni Arman.

        Dali-daling binuksan ng binata ang pinto. Inaasahan kasi niyang si Gerry na iyon, ang kaibigan niyang Pilipino na kasama sa trabaho at may pad din sa fifth floor ng apartment building na iyon. Casino manager ito sa kanilang cruise ship.

        Kagabi lang ay magkasama sila sa all-night diner sa kanto, nagkukuwentuhan habang nagkakape. At nangako itong gigising nang maaga para muli silang makapagpaalaman ngayong paalis na talaga siya patungong airport.

        Pero iba ang nabungaran niya nang buksan niya ang pinto.

        “Hi!” malambing na sabi ni Elaine.

        Mapang-akit ang ngiti ng seksing dalaga. Katulad din ng suot nitong sleeveless cropped top at kapiranggot na gym shorts na pinarisan ng running shoes.

        Dapat sana ay nasanay na siya sa Pilipinang fitness trainer ng kanilang cruise ship. Lagi namang tipong ganoon ang suot nito sa araw-araw. Pero lagi’t lagi pa rin siyang naiilang sa tuwing makikita niya ito. Parang hindi niya matingnan nang diretso. Para kasing tingnan lang niya ay nagkakasala na siya.

        Para namang tukso na hindi siya tinatantanan ng dalaga. Magkasama na sila sa bawat biyahe ng kanilang cruise ship, magkasama pa sila sa tinitirhang apartment building kapag wala sa laot.

        “Y-yes, Elaine? What can I do for you?” tanong ni Arman na napapakamot sa ulo. “P-paalis na ako, e. Ngayon ang flight ko pauwi sa Pilipinas.”

        “I know,” sagot ng dalaga. “That’s why I’m here.”

        “H-ha?” sabi ni Arman. “B-bakit?”

        At napalunok siya sa di mawaring kaba.

        Lagi ring ganoon kapag kausap niya si Elaine. Kinakabahan siya. Nauutal. Naglalaho ang kanyang kalmadong personalidad. Nagiging parang teenager siya na hindi sanay humarap sa babae.

        Itinaas ng dalaga ang hawak na susi ng sasakyan na nakakabit keyholder at iwinasiwas sa harap ng mukha niya.

        “Ihahatid mo ako?” nakakunot ang noong ulit ni Arman.

        “I’m volunteering my services,” sabi ni Elaine. “Kita mo naman, I gave up my usual early morning run para lang sa iyo.”

        “P-pero I never asked you to,” pahayag ng binata.

        “You don’t have to ask,” natatawang sabi ng dalaga. “Heto na nga ako, e. All yours.”

        Namula si Arman.

        “May... may ipinatawag na kasi akong cab,” sabi niya.

        “You’d rather ride a cab?” pamaktol na tanong ni Elaine.

        “P-para hindi ka na maistorbo,” sagot niya. “You can still do your morning run.”

        Bago nakasagot si Elaine ay tumunog ang telepono. Mabilis na dinampot iyon ni Arman. At halatang-halata ang kasiyahan niya nang malaman mula sa doorman na nasa tapat na ng gusali ang ipinatawag niyang taxi.

        “The cab’s downstairs,” sabi niya sa dalaga pagkababa niya sa awditibo.

        Napabuntonghininga si Elaine.

        “Are you sure you’d rather take the cab?” tanong pa nito.

        “Yes,” depinido niyang tango. “But thanks a lot, anyway.”

        “I’ll walk you down,” sabi ng dalaga. “Nasaan ang luggage mo?”

        “Ibinaba ko na kay Frank kagabi pa,” sagot niya. “Isinasakay na niya ngayon sa cab.”

        Si Frank ang doorman ng apartment building na iyon.

        “Okay,” sagot ni Elaine.

        Dinampot ni Arman ang kanyang carry-all sports bag bago siya sumunod sa dalaga palabas ng pinto ng apartment. Siniguro niyang nai-lock niya ang pinto bago niya ito iniwan.

        Dadalawa silang nasa elevator pababa.

        “I’ll miss you on our next cruise,” sabi ni Elaine.

        Pasimpleng humakbang si Arman nang paatras. Palayo sa dalaga.

        “No, you won’t,” kunwa’y pabiro na lang na sagot niya. “I’m sure, marami na namang male passengers na mangungulit sa iyo. They’ll keep you busy.”

        Laking pasasalamat ni Arman nang magbukas na ang pinto ng elevator sa lobby.

        Malalalim ang kanyang buntonghininga nang makalabas mula sa parang kaysikip na espasyong iyon.

        “Everything’s aboard, sir,” nakangiting sabi sa kanya ni Frank na ang tinutukoy ay ang kanyang nag-iisang maleta at isang balikbayan box na naikarga na nito sa taxi.

        Inabutan niya ito ng malaking tip.

        “Thanks as always, Frank,” sabi niya. “See you.”

        “Have a nice vacation, sir!” bilin ng batambata pang doorman.

        Nakasunod pa rin sa kanya si Elaine hanggang sa pasakay na siya sa taxi. Napilitan tuloy siyang tumigil para pagpaalaman ito.

        “Well, I’ve got to go, Elaine,” sabi niya. “See you later.”

        “Yeah,” sagot ng dalaga.

        At bigla siya nitong pinangunyapitan sa leeg... at hinagkan sa labi.

        Nagulat si Arman. Hindi tuloy siya nakapalag.

        Bago siya nakaporma ay nakabitiw na uli sa kanya ang dalaga.

        “’Bye,” sabi nitong nakangiti nang malungkot.

        Hindi malaman ni Arman ang kanyang sasabihin o gagawin.

        Mabuti na lang at saka naman biglang sumulpot ang kanina pa niya hinihintay na si Gerry.

        “Hey, pare, kamuntik nang hindi kita maabutan, a,” sabi nito.

        “Akala ko nga, hindi mo man lang ako ise-send-off,” sagot niyang pilit na pinapakaswal ang tinig na waring gusto nang mapiyok. “Porke wala kang ipinakikipadala, ganyan ka na.”

        “Mas maganda naman ang send-off sa iyo ni Elaine,” ganting kantiyaw ni Gerry.

        Namula na nang tuluyan si Arman.

        “Sige, I really have to go now,” sabi na lang niya. “Masama na ang tingin sa akin nitong mamang tsuper.”

        Tawanan silang tatlo palibhasa’y alam nilang hindi sila nauunawaan ng Amerikanong taxi driver.

        Parang balewalang kumaway uli si Arman sa mga kaibigan bago tuluyang umalis.

        Pero malayo na ang tinatakbo ng sinasakyan niya ay yanig pa rin ang kanyang pagkatao sa ginawang paghalik sa kanya ni Elaine.

        Ngayon lang nangyari sa kanya ang ganoon. At babae pa man din ang humalik sa kanya.

        Ni ang sarili niyang nobya ay  hindi pa niya nahahagkan sa mga labi. Nauna pa si Elaine kay Desiree.

        Shocked na shocked siya sa kapangahasan ng dalaga. Pero habang binabalikan niya ang naganap, napagtanto niyang hindi naman garapal ang ginawa nitong paghalik sa kanya. Halos dampi nga lang.

        Kahit na, nag-aalma ang damdaming pangongontra ng binata sa sarili. Garapal pa ring matatawag iyong basta na lang ito yayakap sa leeg niya para dampian siya ng halik sa mismong mga labi. Hindi naman sila magkaanu-ano.

        Oo nga’t nasa Amerika sila at balewala na ang ganoon sa mga Amerikano. Pero mga Pilipino sila. At ang hinahanap pa rin niya sa mga Pilipina ay ang mga kaugaliang Pilipino.

        Napailing si Arman.

        Ibang-iba si Elaine kay Desiree kahit pa magkaedad ang dalawa.

        Kaya nga kailangan na talaga niyang umuwi kay Desiree. Mahirap na. Baka matukso pa siya sa isang tulad ni Elaine.

        Ngayon nga’y parang hindi maalis-alis sa mga labi niya ang tatak ng mga labi nito.


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)