Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Abakada ng Pag-ibig: DESIREE Chapter 11

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

“GIRLS, I’m getting married!” pahayag ni Desiree.

        Siya ang nangumbida kina Alexandra, Bianca at Catlyn sa pagkikitang ito. Talagang mag-aanunsiyo siya.

        Pero hiniling ni Catlyn na doon na sila magkita-kita sa bagong bahay nito at ni Jake sa Project 6. Mahirap pa kasi nitong iwan ang dadalawang buwang anak na si Jack.

        Pumayag naman si Alex.  Puwede kasi nitong iwan ang mahigit pitong buwang anak na si Alyssandra sa mga lolo’t lola na sa Project 6 din nakatira.

Sina Bianca ay naglalagi rin naman sa bahay ng daddy niya sa Project 6 kahit na may bahay na ito at si Paolo sa Tagaytay. Habang buntis ang babae ay mas gusto ni Paolo na laging malapit sila sa ospital. Lalo pa ngayong mahigit pitong buwan na ang dinadala ni Bee.

        Walang ipinakitang anumang pagkagulat ang tatlo sa inianunsiyo ni Desiree.

        “O, kailan na nga ba?” tanong ni Alex.

        “Next month,” sagot ni Des. “Pero hindi kay Arman. Kay Brad.”

        Saka lang rumehistro sa mukha ng tatlo niyang kaibigan ang inaasahan niyang pagka-shock.

        “Brad?” parang wala sa sariling ulit ni Bianca.

        Mula nang magdalantao ito’y parang laging wala sa sarili. Lagi kasing nangangarap tungkol sa baby na darating na sa loob ng dalawang buwan.

        “Iyong best buddy mo sa trabaho na dati mong kaklase?” tanong naman ni Catlyn.

        “Mabuti’t may nakakaalala pa sa kanya,” may himig pagtatampo nang sagot ni Desiree. “Para namang hindi ko siya naikukuwento sa inyo since college. Kilalang-kilala na ninyo si Brad, a.”

        “But we’ve never met him,” pagtatanggol ni Alex sa grupo.

        “You will,” nakangiting sagot niya. “Susunduin niya ako rito mamaya, e.”

        “Mamaya?” natatarantang sabi ni Bianca. “Teka, bago mo siya iharap sa amin, magpaliwanag ka muna. Pati baby ko, nagugulat sa iyo, e. Ano’ng nangyari sa inyo ni Arman? Bakit biglang dito ka kay Brad pakakasal? Si Arman ang boyfriend mo, a.”

        “Noon,” sagot niya. “Si Brad na ngayon.”

        “Kailan pa?” tanong ni Catlyn.

        “Noong makalawa lang,” amin niya.

        “E, bakeeet?” nakataas ang mga kilay na tanong ni Bianca.

        “Nakipag-break na ako kay Arman dahil na-realize ko na hindi ko pala siya mahal at hindi rin niya ako mahal,” simpleng sagot ni Desiree. “All those years, he was in love with an image samantalang nagbabago na ako. Ako rin, akala ko, mahal ko siya. Noong kaharap ko na siya, hindi pala siya mahal ng bagong ako. I was just in love with the idea of love.”

        “Kaya bumaling ka rito kay Brad,” iling ni Alex. “Des, baka rebound lang iyan. O baka naman iniisip mo lang na inaasahan naming lahat na pakakasal ka na kaya kailangang kumuha ka ng replacement para sa groom. Hindi naman ganoon, e. Naiintindihan naman namin. Hayaan mo na iyong mga sasabihin ng ibang tao na makikitid ang isip.”

        “Oo nga,” sang-ayon ni Catlyn. “Mabuti’t tinapos mo ang relasyon ninyo ni Arman nang ma-realize mong hindi na kayo in love sa isa’t isa. That was a very brave thing to do. So, ituluy-tuloy mo na ang katapangan mo. Huwag ka nang maghanap ng panakip-butas. Kawawa rin naman si  Brad.”

        Tumawa si  Desiree.

        “No, hindi ganoon. You don’t understand. Na-realize ko nga na talagang hindi na kami puwede ni Arman noong halikan ako ni Brad.”

        “Hinalikan ka ni  Brad?” namimilog ang mga matang sabi ni Bianca. “Noong hindi pa kayo break ni Arman?”

        “Para lang patunayan sa akin na hindi siya gay,” paliwanag ni Desiree.

        “Pinagdududahan mo siyang gay?” pasinghap na sambit ni Catlyn. “E, bakit pakakasal ka sa kanya?”

        “Noon pa iyong pagdududa kong iyon,” mabilis na paglilinaw ni Desiree. “Bago niya ako hinalikan.”

        “Napatunayan mo sa isang halik lang na hindi siya gay?” kunot-noong tanong ni Alex.

        Tumango si Des.

        “Ay!” sambit ni Alex, sabay ngiti. “Ibang klase!”

        “At biglang ayaw mo na kay Arman?” nangingiti na ring tanong ni Catlyn.

        “Hindi naman. Akala ko kasi, kapag hinalikan ako ni Arman, ganoon din ang mararamdaman ko. O higit pa roon,” pagkukuwento ni Desiree. “So after akong halikan ni Brad,  nagpahalik din ako kay Arman.”

        “Mas nauna ka pang mahalikan ni Brad kaysa ni Arman?” pagtataka ni Bianca. “Aba’y si Arman nga ang may problema.”

        “Malaki rin ang naging problema ko,” tumatawang sagot ni Desiree. “Noong halikan ako ni  Brad, para akong naengkanto. Pero noong halikan ako ni Arman, wala akong naramdaman.”

        “Malinaw na si Brad nga ang love mo,” sabi ni Alex.

        Na tinanguan naman nina Bianca at Catlyn.

        “Pero naguluhan ako kaya pagkatapos kong makipagkalas kay Arman, pinuntahan ko si Brad sa bahay niya,” pagkukuwento pa ni Desiree. “Kailangan kong malaman kung bakit ganoon ang nangyari noong hagkan niya ako. So I asked him to kiss me again.”

        Napamulagat ang mga kaibigan niya.

        “And...?” tanong ni Catlyn.

        “And it was even better than the first time!” pahayag ni Desiree nang nakangiti.

        “Aaaay!” sabay-sabay na tili ng tatlo.

        “And we couldn’t stop...” pagpapatuloy pa ni Desiree. “I didn’t want him to stop.”

        “Loka, hindi ko gusto iyong ngiti mo,” may pagdududang sabi ni Alex. “Parang alam ko ang ganyang feeling.”

        “You mean...?” tanong ni Catlyn.

        Tumango si Desiree.

        “All the way,” amin niyang nakangiti nang may kapilyahan. “Round trip pa nga, e.”

        Nagtilihan uli sina Alexandra, Bianca at Catlyn. Mabuti na lang at hindi nagising ang nahihimbing na si Jack na naroon lang  sa kunang nasa isang tabi.

        “S-sorry...” sabi na lang ni Desiree.  “We got carried away.”

 

MAS nahirapan si Desiree na magpaliwanag sa kanyang pamilya.

        “Sinasabi ko na nga ba’t hindi maganda ang kalalabasan niyang may nobyo ka na’y nakikipagmabutihan ka pa sa ibang lalaki,” sabi ni Walter. “Noon pa kita dapat na pinagbawalang makipagkaibigan diyan sa Brad na iyan.”       

        Na sinegundahan naman ni Winston na hinayang na hinayang na hindi magiging bayaw ang dating kaibigan.

        “Kausapin na lang ho ninyo si Arman,” sagot ng dalaga. “Willing naman siyang magpaliwanag din sa inyo kung hindi kayo kumbinsido sa paliwanag ko. Nandoon pa rin siya sa apartelle hanggang Lunes. Martes ang flight niya pabalik sa States.”

        “Talagang kakausapin namin siya,” sabi ni Walter. “Ayokong isipin niyang walang isang salita ang pamilyang ito. Labas kami sa anumang kalokohan mo.”

        “Nakakahiya sa mga kamag-anak nating nakakaalam na ikakasal ka na kay Arman,” sabi naman ni Delia.

        Pero hindi na ininda ni Desiree ang mga komentaryo ng mga magulang at kapatid. Sapat na sa kanya na maipaliwanag sa kanila ang buong katotohanan at maipahayag ang mga plano nila ni Brad tungkol sa kanilang kasal.

        Walang anumang makapagpapalabnaw sa labis niyang kaligayahan.

 

SA UP chapel napiling magpakasal nina Desiree at Brad. May espesyal na kahalagahan sa kanilang dalawa ang campus na iyon kung saan unang nabuo at pagkatapos ay pinagtibay ng panahon ang kanilang ugnayang nagsimula sa malalim na pagkakaibigan.

        Pero tulad ng ginawa ng mga kaibigang naunang ikinasal ay sa New Haven Spa Hotel sa Makati rin nila ginanap ang reception, kahit pa napakalayo niyon sa UP. Parang naging tradisyon na kasi iyon ng grupo na ayaw sirain ni Desiree. At siyempre, nakakakuha sila ng malaking discount sa pamamagitan ng image model ng hotel na si Alexandra at sa advertising art director na si Edric.

        Maayos namang nairaos ang kasalan. Kahit paano’y nakisama rin ang pamilya ng bride. Nahiyakat nina Deborah, Diva, William at Neneth sina Walter, Delia at Winston na magpakatao para sa okasyon.

        At napunuan ng kasiyahan ng pamilya ni Brad – na nagsidating lahat mula sa Estados Unidos – ang anumang kakulangan mula sa kabilang partido. Giliw na giliw ang mga ito kay Desiree.

        “We’ve been hearing so much about you all these years,” pagtatapat ng Mama ni Brad sa bagong daughter-in-law. “We’re so glad that our prayers for his happiness were finally answered.”

        “So were my prayers,” nangingislap ang mga matang sagot ng bride.

 

SA New Haven din ang honeymoon ng mga bagong kasal.

        Pero may bago nang package ang hotel. At iyon ang agad na inialok kina Desiree at Brad nang malamang kabarkada sila nina Alexandra, Bianca at Catlyn. Wala nang kasamang tour sa package. Isang linggong paglalagi na lamang sa Honeymoon Suite ng New Haven sa Makati.

        “Alam mo ba kung bakit nabuo ang bagong package na ito?” pagkukuwento ni Desiree kay Brad noong inaayos pa lang nila ang reservations para sa kanilang honeymoon. “Kasalanan ito ng mga luka-luka kong kaibigan. Paano ba naman, hindi na nakapag-avail ng scheduled tour na kasama sa original package. Noong makapasok sa Honeymoon Suite, ayaw nang lumabas. Ayaw nang mag-tour.”

        “Oo nga naman,” tumatawang sagot ni Brad. “Bakit ba magpapakalayu-layo pa? Narito na ang paraiso, e.  Dito na rin tayo sa bagong package.”

        At sa mismong honeymoon nila, pinatunayan nga nina Desiree at Brad sa management ng hotel na tama lang ang naging desisyong magbuo ng bagong newly-weds’ package – na sa kanila’y na-extend nga lang nang hanggang dalawang linggo.

 

WAKAS

 

May sariling mga kuwento ng pag-ibig sina Alexandra, Bianca, at Catlyn.

Abakadang Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakadang Pag-ibig: Catlyn


Basahin and kwento ng pag-ibig ni Arman sa

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)