Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: CATLYN Chapter 7

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

DOON na naghintay sina Catlyn at Jake sa lugar na paglalapagan ng helicopter. Muling binuhat ng binata ang dalaga patungo roon.

        Nagpahinga sila sa lilim ng isang mayabong na puno. Dala nila ang baon ni Jake na tubig at pagkain.

        Inabot pa sila roon ng pananghalian. Nagbukas na lang sila ng de-latang vienna sausage at mga pakete ng Skyflakes.

        Habang naghihintay ay nagkakuwentuhan pa uli sila nang matagal.

        Ikinuwento ni Jake kay Catlyn ang buong buhay nito – mula nang maulila sa ina hanggang sa makapasok nga ito sa training sa pagkapulis.

        Nahiya na tuloy si Catlyn na magkuwento ng tungkol sa naging buhay niya na di hamak na mas maalwan. Pero nakumbinse pa rin siya ni Jake na magtapat. Anito’y dapat lang na magbukas din siya na tulad ng ginawa nitong pagbubukas.

        Sa ilang oras na iyon ay naging mas buo ang pagkakakilala nila sa isa’t isa.

        Mag-aalas-dos na nang marinig nila ang ugong ng papalapit na helicopter. Nang matanaw nila ito ay napansin ni Catlyn ang malalalim na pagbuntonghininga ni Jake.

        “Nagdadalawang-isip ka pa rin ba?” tanong niya rito.

        “Ninenerbiyos lang,” amin nito.

        “Kasama mo ako, Jake,” sabi ng dalaga. “Hindi kita iiwan gaya ng kung paano mo ako hindi iniwan.”

        “Kamuntik na nga kitang iwan, hindi ba?” paalala ng binata.

        “Puwes, ikaw, hindi ko talaga iiwan,” pahayag ni Catlyn. “Mark my words.”

        Lumapag ang helicopter. Unang-unang lumabas si Abe. Patakbong tinungo nito si Catlyn.    “Daddy!” sigaw ng dalaga.

        Tumayo siya sa tulong ni Jake.

        Paglapit ni Abe ay niyakap siya agad nito.

        “Are you all right?” tanong ng ama na pumipiyok ang boses at namumula ang mga matang magdamag na napuyat sa matinding pag-aalala.

        “I’m fine, Dad,” humihikbing sagot ni Catlyn.

        Pagkatapos, nakita niya ang mga sundalong kasunod ni Abe. May mga hawak na baril. Hindi nakasukbit ang mga iyon kundi nakatutok sa kinaroroonan ni Jake.

        Agad na kumalas si Catlyn sa ama. Kahit paika-ika ay mabilis siyang nakaatras patungo kay Jake. Sadyang tinakpan niya ito ng kanyang katawan.

        “Dad, bakit may mga baril sila?” pasumbat na tanong niya sa ama.

        Nilingon ni Abe ang mga sundalo.

        “Lieutenant, iyong pinag-usapan natin...” sabi nito.

        “S.O.P. lang ito, Mr. Mesias,” sagot ng pinunong may mahigit treinta anyos pa lamang. “Proteksiyon lang. Hindi pa natin alam ang sitwasyon.”

        “Walang kasalanan si Jake,” malakas na sabi ni Catlyn. “Hindi siya kasama sa mga kumidnap sa akin. Siya pa nga ang tumulong sa akin na makatakas. He saved my life.”

        “Hindi naman namin siya babarilin, Miss Mesias,” sabi ni Lt. Samson. “Hindi naman yata siya armado.”     

        Sumabad na si Jake.

        “May mga isusuko akong firearms, Lieutenant,” sabi nito. “Nandiyan sa tabi ng puno. Walang nasa katawan ko.”

        Agad na sinenyasan ng tinyente ang isang sundalo na puntahan ang lugar na itinuro ng binata. Pero ito mismo’y hindi nag-alis ng pagkakatitig kay Jake.

        Kinuha ng inutusang sundalo ang riple, handgun, granda at mga spare ammunition na pinagtabi-tabi ni Jake sa paanan ng puno.

        “Armado siya?” kunot noong sabi ni Abe. “Bakit?”

        “Ipaliliwanag namin sa iyo later, Dad,” sagot ni Catlyn. “In the meantime, trust me. Hindi siya masamang tao.”

        “Ikaw si Joaquin Lozano, hindi ba?” sabi ni Lt. Samson kay Jake.

        “Ako nga,” sagot ng binata.

        “Kailangan ka naming kapkapan,” sabi ng tinyente.

        Itinaas ni Jake nang bahagya ang dalawa nitong kamay.

        “Naiintindihan ko,” sagot nito.

        Isa pang sundalong sinenyasan ni Lt. Samson ang lumapit sa binata. Kinapkapan ito.

        “Clear, sir,” ulat nito sa pinuno.

        “May lisensiya ka ba para sa mga armas na iyan?” tanong ng tinyente kay Jake.

        “Wala,” iling ng binata. “Hindi sa akin ang mga iyan. Kinuha ko lang sa Diamond Security Agency.”

        “Kinuha?” nagdududang tanong ng tinyente.

        Si Catlyn naman ang sumabad.

        “Sumusuko nang maayos si Jake, Lieutenant,” sabi niya. “Nasa inyo na ang kanyang mga armas. He’s unarmed and not dangerous. I’m vouching for his innocence. Kukuha kami ng abugadong dedepensa sa kanya. In the meantime, he has the right to remain silent, hindi ba?”

        Tumango ang tinyente.

        “You’re right, Miss Mesias,” amin nito. “But I have a warrant for his arrest. I have to take him into custody.”

        “Kasama na ng mommy mo na naghihintay sa kampo ni Atty. Rivera, Catlyn,” singit ni Abe. “May isinama pa siyang magaling na defense lawyer para sa mga kasong ganito – si Atty. Feleo. Makakaasa kang magkakaroon ng maayos na representation ang kaibigan mo.”

        “Thanks, Dad,” sagot ni Catlyn. “Pero bakit aarestuhin na agad si Jake?”

        “Ang sabi nina Atty. Rivera at Atty. Feleo, wala tayong magagawa dahil may warrant of arrest para sa kanya,” paliwanag ni Abe. “Anyway, hindi siya pababayaan ng mga abugado natin.”

        “Espesyal ang kasong ito, Dad,” katwiran naman ng dalaga. “Lt. Samson, witness kami ni Jake laban sa grupong nagsagawa na ng sunud-sunod na krimen – ang pagkidnap sa akin dahil napagkamalan akong si Gwen Garchitorena at ang pagkakabaril kay Mang Gener, ang pagkidnap at pagpatay kay Didit Ong, at ang pagnanakaw sa Ivory Ceramics kung saan napatay ang kahero ng kompanya. Na-frame-up lang si Jake. Pareho kaming biktima. Gusto naming maging state witness pero kailangan namin ng proteksiyon. Bago ninyo arestuhin si Jake na parang isang kriminal, puwede bang pakinggan n’yo muna ang sasabihin namin in the presence of our lawyers?”

        Tumango ang tinyente.

        “Sige,” sagot nito. “Mag-usap tayo pagdating sa kampo.”

        “Tayo na,” sabi ni Abe. “Alalang-alala na ang asawa ko roon.”

        Nagmuwestra ang tinyente patungo sa helicopter.

        Nagsimulang lumapit si Abe kay Catlyn.

        Pero mabilis na bumaling ang dalaga kay Jake.

        “Buhatin mo ako, Jake,” hiling niya.

        Ginawa niya iyon para hindi siya mahiwalay sa binata. Para sa proteksiyon ni Jake.

        Tumalima naman ito.

        Napakurap na lamang si Abe at napasunod sa kanila.

        Mainit pa rin ang mga mata ni Lt. Samson kay Jake.

        “Takot akong sumakay sa helicopter,” pagtatapat ni Catlyn kay Jake pag-upo nila. “Pahawak, ha?”

        At hinawakan ng kanan niyang kamay ang isang kamay nito. Mahigpit.

        Ganoon din naman ang ginawa niya sa daddy niya na naupo sa kanyang kabilang tabi. Kabilang kamay naman niya ang mahigpit na humawak sa isang kamay nito.

        Pumikit pa si Catlyn. Mariin.

        “Sandali lang ito, anak,” sabi ni Abe.

        At inakbayan pa siya ng ama.

        Maya-maya lang ay naramdaman ng dalaga na umangat sa lupa ang kinalululanan nilang helicopter.

        “Daaad...” daing niya.

        “It’s all right,” sagot ng ama. “Safe tayo rito.”

        Pumatong din ang isa pang kamay ni Jake sa kanang kamay ni Catlyn. Kinulong nito sa mga palad ang kamay niya. Pinisil-pisil.

        Naisip ni Catlyn, dapat sana ay pagkasarap-sarap na ng pakiramdam niya sa pagitan ng dalawang lalaking kapwa niya pinahahalagahan at pinagkakatiwalaan. Sayang. Kung naiba lang sana ang sitwasyon. Kaso’y mas nananaig talaga sa kanya sa mga sandaling iyon ang matinding phobia sa paglipad.

        Parang ilang oras tuloy sa pakiwari ng dalaga ang ilang minuto lang naman nilang ibiniyahe.

        Lumapag sila sa isang kampo sa Quezon City.

        Nagpabuhat uli si Catlyn kay Jake pababa ng helicopter hanggang salubungin sila ng umiiyak na si Carol.

        Nagyakap ang mag-ina.

        “Okey na ako, Mommy,” pang-aalo ni Catlyn. “Andito na ako.”

        “Salamat sa Diyos!” paulit-ulit namang usal ni Carol sa pagitan ng mga hikbi at paulit-ulit ding paghalik sa anak.

        “Mommy, si Jake,” pagpapakilala ni Catlyn sa kasama niya.

        Pero pagbaling niya sa binata ay nakita niyang kinakabitan ito ng posas ng isang sundalo.

        “Ano ‘yan?” pang-uusig agad ng dalaga. “Bakit pinoposasan n’yo siya?”

        “S.O.P. lang din, Miss Mesias,” si Lt. Samson ang sumagot.

        “Bakit kailangan pa niyan?” tanong ni Catlyn. “Nasa loob tayo ng military camp, hindi ba? Sa tingin ba ninyo, magtatangka pa siyang tumakas mula rito? Kung gusto niyang tumakas, hindi na sana siya nakihintay sa akin nang ilang oras sa bundok hanggang sa pagdating ninyo.”

        “Sige, pagbibigyan kita uli, Miss Mesias,” pabuntonghiningang sabi ng tinyente.

        Tinanguan nito ang sundalo.Tinanggal naman nito ang posas mula sa mga kamay ni Jake.

        Siyang lapit ni Atty. Rivera kina Catlyn.

        Dati na itong abogado ng kanilang pamilya kaya kilalang-kilala na ito ng dalaga.

        “I’m glad you’re safe now, iha,” sabi ng may edad singkuwenta nang abogado.

        “Salamat, Attorney,” sagot ni Catlyn.

        “Nang sabihin sa akin ng daddy mo ang kasong ito, naisip kong isama ang kaibigan kng mahusay na defense laywer para siyang tumutok dito,” sabi pa ng abugado. “I’d like you to meet Atty. Dominic Feleo.”

        Lumapit at naglahad ng kamay si Atty. Feleo na bata lang nang ilang taon kay Atty. Rivera.

        “Pleased to meet you, Miss Mesias,” sabi nito. “Sana nga lang ay hindi sa ganitong pagkakataon tayo nagkakilala.”

        “Catlyn na lang ho ang itawag n’yo sa akin,” nakangiting sagot ng dalaga. “At ikinagagalak ko ho kayong makilala sa mismong pagkakataong ito dahil talagang kailangang-kailangan namin ang tulong ninyo ngayon. I’d like you to meet your client, si Jake.”

        “Joaquin Lozano po,” sabi ni Jake habang nakikipagkamay sa dalawang abugado.

        Naglahad din ng kamay si Carol.

        “Salamat sa pagtulong mo sa anak ko, Jake,” maemosyong sabi nito.

        “Ginawa ko lang ho ang nararapat,” sagot ng binata.

        Tinapik ni Abe sa balikat si Jake.

        Paglingon ng binata ay naglahad din ng kamay ang matandang lalaki.

        “Hindi pa rin pala ako nakapagpapasalamat sa iyo, Jake,” sabi nito. “Hindi masusukat ang utang na loob ng aming pamilya sa iyo sa ginawa mong pagtulong kay Catlyn.”

        “Naku, huwag ho ninyong ituring na utang na loob iyon,” tanggi ng binata. “Kahit naman sinong matinong tao, ganoon din ang gagawin sa ganoong sitwasyon. Nagkataon lang ho na ako ang naroon.”

        “Buweno, ayusin na lang muna natin itong sitwasyon mo ngayon,” sabi ni Abe.

        “Pumayag si Lt. Samson na pakinggan ang statements namin ni Jake in your presence,” sabi ni Catlyn kina Atty. Rivera at Atty. Feleo.

        “May karapatan kayong makipagpulong muna sa amin nang confidential bago humarap sa kanila,” sabi naman ni Atty. Feleo. “I think that would be preferable.”

        “Puwede kayong mag-usap sa isang kuwarto, Attorney,” sagot ni Lt. Samson.

        “Pero gusto ko sanang matingnan muna ng doktor si Catlyn,” singit ni Carol. “We can all see that she’s hurt.”

        “May matatawag tayong doktor,” sagot ng tinyente. “This way, please.”

        Tumuloy ang grupo sa isang gusali. Buhat uli ni Jake si Catlyn.

        Itinuro sila sa isang maliit na silid.

        “Nagpapatawag na ako ng doktor,” sabi ni Lt. Samson. “Matapos matingnan si Miss Mesias, iiwan na namin kayo. Maglalagay ako ng guwardiya sa labas but not within hearing distance. Maaari kayong mag-usap nang pribado. You have my word.”

        “Salamat, Lieutenant,” sabi ni Catlyn.

        Maya-maya nga lang ay dumating na ang isa sa mga on duty na military doctors. Babae. Si Major Marina Benitez.

        Lumabas muna ang mga lalaki mula sa silid. Naiwan lang ang manggagamot, si Catlyn at si Carol.

        “Ano ang complaints ng pasyente?” nakangiting tanong ni Major Benitez.

        “Nahulog ho ako nang padausdos sa gilid ng bundok,” sagot ni Catlyn. “Mahigit ten feet siguro ang taas at matarik. Nawalan ako ng malay pagbagsak. Paggising ko, may bukol na ako rito sa ulo at hindi ko na maiapak itong isang paa ko.”

        Ineksamen siya ni Major Benitez sa ulo at sa paa.

        “Mas magandang senyales na nagkabukol ka rito sa ulo,” paliwanag nito. “Mas nakakatakot kung walang bukol dahil maaaring internal ang injuries. Obserbahan na lang muna natin ito. Ipatawag mo ako kung sasakit nang sasakit ang ulo mo o mahilo ka sa mga susunod na oras at araw. Kapag nakaramdam ka ng nausea o ‘yung naduduwal, danger sign iyon. Kakailanganin natin ng mas extensive na test kapag nagkaganoon. In the meantime, lagyan mo muna ng ice pack. Ito namang sa ankle mo ay simpleng sprain lamang. Bibigyan kita ng tabletas para pang-alis ng pamamaga at kirot.”

        “Hindi ba siya kailangang dalhin sa ospital ngayon, Doktora?” tanong ni Carol.

        “Hindi naman,” sagot ng manggagamot. “Kailangan lang ng pahinga at observation. Pero kung gusto talaga ninyong makasiguro, puwede rin.”

        “Pag-usapan na lang natin pagkatapos ng meeting kina Attorney, Mommy,” hiling ni Catlyn. “Hindi rin ako mapapakali hangga’t hindi muna settled ang status namin ni Jake.”

        “Okey, bahala ka,” sagot ng ina.

        “Well, wala ka na bang ibang medical complaint, iha?” tanong ni Major Benitez.

        “Wala na ho,” sagot ni Catlyn.

        “Ipadadala ko na lang dito ang ice pack at gamot para sa iyong sprain, kasama na ang instructions,” sabi ng doktora.

        “Thank you very much ho,” sagot ng dalaga.

        Paglabas ng manggagamot, pumasok naman sina Abe, Jake, Atty. Rivera at Atty. Feleo.

        “O, ano raw?” tanong agad ni Abe.

        Sinabi ni Carol ang resulta ng eksaminasyon ni Major Benitez, pati na rin ang kahilingan ni Catlyn.

        “Bakit hindi na lang unahin ang pagpunta mo sa ospital?” tanong ni Jake. “Mas importante iyon, a.”

        “No,” iling ni Catlyn. “Pag-usapan na muna natin itong kaso natin. Malinaw namang hindi nire-require ni Major iyong pagpapatingin ko sa ospital. I’m fine. Really.”

        Alam ni Abe na kapag nagpasya ang anak ay sadyang mahirap baguhin kaya hindi na ito nakipagdiskusyon pa.

        “Ang mabuti pa’y simulan na agad natin ang meeting para matapos tayo agad,” sabi na lang nito.

        Naupo na silang lahat nang paikot sa isa sa mga mesang naroon. Naglabas na rin mula sa kanilang mga portfolio ng mga papel at panulat ang dalawang abugado.

        “So let’s hear your story,” sabi ni Atty. Feleo kina Catlyn at Jake.

        “Ako muna,” sabi ni Catlyn.

        Madetalyeng ikinuwento niya ang lahat ng naganap sa kanya magmula nang harangin ng dalawang van ang highway na daraanan ng van ng mga Garchitorena.

        Muli siyang napaiyak nang banggitin niya ang pagkakabaril kay Mang Gener.

        “Hindi ko nga pala nasabi sa iyo na nakaligtas si Mang Gener, anak,” biglang sabad ni Abe. “Nasa ospital pa siya pero nakatawid na sa panganib. Stable na ang lagay niya.”

        “Talaga, Dad?” tuwang-tuwang sabi ni Catlyn. “Thank God!”

        “Isa siya sa mga makukuha nating testigo,” sabi ni Atty. Rivera.

        Tumango si Catlyn.

        “Pero pareho naman kaming walang nakita sa mga mukha ng mga taong iyon,” dagdag niya. “Nakabalot ng tela ang mga ulo nila. Mga mata’t bibig lamang ang nakalabas. Pagkatapos, pinaputukan na agad si Mang Gener.”

        “A-ano’ng nangyari sa iyo, anak?” hintakot na tanong ni Carol. “Sinaktan ka ba nila?”

        Itinuloy ng dalaga ang kanyang salaysay.

        Pagdating niya sa bahagi tungkol sa pagtatapat at pagpapakawala sa kanya ni Carding, naging mas interesado si Atty. Feleo.

        “Maganda sana kung maisipan din ng taong iyon na sumuko,” sabi nito. “Mas marami siyang maisisiwalat sa korte.”

        “Alam ko kung tagasaan si Carding, Attorney,” sabad ni Jake. “Malamang ay hindi siya uuwi sa mismong baryo nila, pero puwedeng magpaimbestiga nang pasimple mula roon. Maaaring sa ibang mga kamag-anak lang din siya nagtatago, sa ibang bahagi lang ng Quezon.”

        “Good,” tango ni Atty. Feleo. “Give us the necessary information and we’ll work on it. May investigative team ako na sanay sa ganyang trabaho.”

        “Kung si Carding ang nagpakawala sa iyo, paano naman kayong nagkatagpo nitong si Jake?” tanong ni Abe sa anak.

        Ipinaliwanag ni Catlyn.

        Na dinugtungan naman ni Jake.

        Kinumpleto na ng binata ang pagsisiwalat sa sariling kasaysayan. Lahat ng ipinagtapat nito kay Catlyn ay ibinahagi rin nito sa lahat ng naroon.

        “Si Catlyn lang talaga ang nakapagpabago sa isip ko,” pagtatapos nito. “Kinumbinse niya akong makipagsapalaran sa hustisya.”

        “Mabuti at nakumbinse ka,” sabi ni Atty. Feleo. “You made the right choice, Jake. Ilalaban at ipapanalo natin ito.”

        “P-pero pinangungunahan ko na kayo, Attorney,” sabi ni Jake. “Wala pa akong maipambabayad sa inyo sa ngayon.”

        Napailing ang abugado.

        “Wala kang dapat alalahanin, Jake,” sagot nito. “After hearing your story, I’ve decided to take this case as a personal crusade. Wala kang kailangang bayaran sa serbisyo ko.”

        “That goes for me, too,” sabi rin ni Atty. Rivera.

        “Maraming salamat,” madamdaming sagot ng binata.

        “Sa tingin ba ninyo ay maganda ang tsansa natin, Attorney?” umaasang tanong ni Catlyn kay Atty. Feleo.

        “Definitely,” tango ng abugado. “Unang-una, hahanapin namin ang mag-amang magsasaka na nagligtas kay Jake at ang albularyong gumamot sa kanya. Mapapatunayan nilang sugatan na siya’t nasa kanilang poder bago pa man naganap ang nakawan sa Ivory Ceramics. Ipapaeksamen din natin sa doktor ang bakas ng kanyang bullet would. Maikukumpara iyon sa naging tama doon sa kahero at kay Mang Gener.

        “Paano naman iyong pagkuha niya ng firearms at ammunition mula sa security agency?” pag-aalala ni Catlyn. “Pagnanakaw iyon, hindi ba?”

        “Handa kong panagutan iyon,” mabilis na sagot ni Jake.

        “Well, pagnanakaw nga iyon,” sabi ni Atty. Feleo. “Pero tingnan natin. Kung makakatulong tayo nang malaki sa pagresolba ng kaso at sa pagkakahuli sa grupong ito, baka magawa natin na i-negotiate ang tungkol sa bagay na iyan.”

        “May mga impormasyon pa ako tungkol kina Hernandez na maaaring makatulong sa pagdakip sa kanila,” sabi ni Jake. “Ito iyong mga na-pick up ko noon sa mga kuwentuhang lasing noong bago naganap iyong set-up sa Ivory Ceramics. Nahirapan lang ako na magamit ang lahat ng mga impormasyong ito sa paghahanap sa kanila dahil nag-iisa lang ako noon. Sinuwerte nga lang na natiyempuhan ko sila sa Quezon. Pero kung ibibigay natin sa mga awtoridad ang iba ko pang naipong impormasyon, magagawa nilang suyurin nang sabay-sabay ang mga lugar na may koneksiyon sa bawat miyembro ng grupo. Malaki ang posibilidad na naroon sila sa isa sa mga areas na iyon.”

        “Oo nga,” tango ni Atty. Rivera.

        “Ipo-propose natin iyan ngayon kasabay ng paghiling natin na mapasailalim ka sa witness protection program bilang state witness,” sabi ni Atty. Feleo. “Dahil sa ginawa ng grupo kay Didit Ong bukod pa sa iba nilang krimen, napakalaki ng pananagutan ng grupong iyan sa batas. Ito mismong pagkidnap kay Catlyn na isa ring pagtatangkang kidnapin si Gwen Garchitorena ay pagpapatunay na aktibo ang grupo at maaaring gumawa pa uli ng panibagong krimen sa mga susunod na araw. I’m confident that the Department of Justice will grant our petition.”

        “Gusto ko ring maging state witness,” sabi ni Catlyn. “Sasamahan ko si Jake hanggang sa matapos ito. Gusto ko, lagi kaming magkasama. Nag-aalala pa rin ako na masalisihan tayo, e.”

        “Catlyn!” naaalarmang sambit ni Carol.

        “Umuwi ka na lang, Catlyn,” sabi naman ni Jake. “Witness protection program na nga iyong papasukan ko, e. Safe na ako roon.”

        “Ako naman ang hindi magiging safe kapag umuwi ako,” katwiran ng dalaga. “Malay natin kung minamanmanan na ng grupo ni Hernandez ang bahay namin. Kumpleto sila sa impormasyon tungkol sa akin dahil nakuha nila ang bag ko. Paano kung doon nila ako patayin para hindi na ako makapagsalita sa korte laban sa kanila?”

        “Oh my God!” daing ni Carol.

        “She’s right!” hintakot ding sang-ayon ni Abe. “Paano ito? What do we do?”

        “Wala pa namang nakakaalam sa nangyari liban sa inyong immediate family at sa amin, hindi ba?” paniniguro ni Atty. Rivera.

        “Inililihim namin ito tulad ng suhestiyon ng military at ng pamilya Garchitorena,” sagot ni Abe. “Walang nakakaalam na may masamang naganap liban sa dalawang pamilya at sa inyo. Of course, pati ang military.”

        “Let’s keep it that way,” sabi ni Atty. Rivera. “Let’s request a news blackout for security reasons.”

        “At tama si Catlyn,” sabi ni Atty. Feleo. “Mas mabuting huwag muna siyang uuwi. Ang alam naman ng lahat ay nasa bakasyunan siya ng mga Garchitorena. Ipagsabi muna ninyong na-extend ang stay niya roon. In the meantime, sakali ngang nagmamanman sa inyo sina Hernandez, hayaan nating isipin nila na nawawala pa rin si Catlyn at patuloy lang kayong nakikipag-coordinate sa autorities sa paghahanap sa kanya. So far, hindi nila alam na sangkot dito si Jake.”

        “Ang alam nila ay patay na ako,” sagot ng binata.

        “Good,” sabi ni Atty. Feleo. “Mas mabuting isipin nila iyon.”

        “Hindi kaya nasa panganib din ang pamilya ko?” pag-aalala ni Catlyn.

        “Sa palagay ko, hindi naman gagalawin nina Hernandez ang sinuman sa pamilya ninyo,” sagot ni Atty. Feleo. “In fact, ang mas kailangan nilang gawin ngayon ay surveillance sa pamilya n’yo para makakuha ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan mo. So let’s keep them hanging. Hayaan nating makita nila na paroo’t parito sa kampo ang daddy at mommy mo. Kunwari ay hinahanap ka pa rin.”

        “Siguro, pupuwede nang dito na rin muna kayong dalawa sa kampo magtago,” mungkahi ni Atty. Rivera. “At least, secure dito. At mas madali tayong magkakapulung-pulong kahit araw-araw. Kunwari ay nakikibalita lang kami sa paghahanap kay Catlyn.”

        “Basta magkasama kami ni Jake,” ulit ni Catlyn.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

 

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)