Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: BIANCA Chapter 5

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

“GRABE ka, Bianca,” iling ni Alexandra. “Talagang ginawa mo ‘yon?”

        “At ito namang si Catlyn, kinunsinti pa,” dagdag ni Desiree.

        “Hoy, inawat ko iyan, ha?” paglilinaw ni Catlyn. “Ayaw lang talagang paawat.”

        Lunes nang alas-singko’y medya ng hapon ay nagkita-kita ang magkakaibigan sa Cravings sa Shangri-la Plaza.

        Si Catlyn ang nangulit kay Bianca para tawagan at pagtapatan ang dalawa pa nilang kabarkada. Anito’y dapat nang malaman nina Alexandra at Desiree ang mga nangyayari sa buhay niya habang maaga.

        “Kaya ko nga siya pinilit na magsabi na sa inyo para may makatulong ako sa pagpapaalala sa kanya, ano?” pagpapatuloy ni Catlyn.

        “Bakit ba?” sagot ni Bianca. “What’s the problem? Malinaw naman ang usapan namin ni Paolo. And he can be trusted.”

        “Pero totoong kasalan ang papasukin n’yo,” paalala ni Alex.

        “Kailangang totoo para talagang legal ang pagiging American citizen ko,” sagot niya. “Ayoko yatang ma-deport. Mabagsik ang Immigration Department sa States. Hindi lulusot sa kanila ang pekeng kasalan.”

        “Peke rin naman iyong gagawin n’yo, hindi ba?” sabi ni Desiree. “Oo nga’t legal and binding, pero hindi naman mako-consummate.”

        “Hindi na malalaman ‘yon,” sagot ni Bianca.  “Magaling namang umarte si Paolo. E di magpapa-sweet kami sa isa’t isa habang nagpapa-interview.”

        “Diyan nga ako kinakabahan, e,” sabad ni Catlyn. “Iyang pa-sweet-sweet na iyan. Mamaya, hindi na arte iyan. Matindi pa naman ang crush sa iyo ni Paolo.”

        “Ow?” sabi ni Desiree. “Aba, baka nga matuluyan na iyan sa happily ever after. Di ba mas magaling kung ganoon? Cute ba si Paolo?”

        “Hoy, strictly business  itong usapan namin, ano?” pagkakaila ni Bianca. “And besides, hindi talaga kami puwedeng magkatuluyan dahil gusto kong maging American citizen habang gusto naman niyang maging Filipino citizen.”

        “Ano?” naguguluhang tanong ni Alexandra.

        Nagpaliwanag si Catlyn.

        Na dinugtungan naman ni Bianca ng mga plano ni Paolo sa pagbabalik nito sa Pilipinas.

        “Magkaiba nga kayo,” sabi ni Desiree. “Mabuti pa si Paolo. He appreciates our country.”

        “Nagparinig ka na naman,” ingos ni Bianca.

        “Pero kung mayaman pala siya at hindi niya kailangan ang two thousand dollars mo, bakit siya pumatol sa alok mo?” pagtataka ni Alexandra.

        “Sinabi ko na nga sa inyo,” sagot ni Catlyn. “Tinamaan si Paolo kay Bee. Gorgeous daw itong kaibigan natin. Sexy. Hayun, nakipagkutsabahan na ang loko. Gusto ko nga tuloy silang pag-untugin, e.”

        Ngumiti si Bianca.

        “Kasalanan ko ba iyon?” pabirong sabi niya. “Hindi naman ako nagpapaganda o nagpapaseksi sa kanya, a.”

        Tawanan ang tatlo.

        Maya-maya’y tumunog ang beeper ni Bianca. Tiningnan niya iyon.

        “Si Paolo,” sabi niya.

        Agad na nakiusyoso ang tatlo.

        “I’m finished with my business for the day,” sabi ng mensahe ng binata. “Can we meet somewhere? Please call me.”

        “Uy, ha?” sabi ni Alexandra. “He’s keeping tabs on you. Parang totoo na ‘yan, a.”

        “Sige, papuntahin mo rito,” sabi naman ni Desiree. “Gusto ko siyang ma-meet. Para naman makaliskisan namin.”

        “O, gamitin mo itong phone ko,” sabi ni Alexandra habang iniaabot sa kanya ang cellphone nito. “Tawagan mo agad.”

        Tumingin si Bianca kay Catlyn.

        Nagkibit-balikat lang ang kaibigan.

        Tinawagan nga niya si Paolo. Naibigay na nito sa kanya ang numero ng celllphone na laging dala nito.

        “Bee?” sagot ng binata.

        Natawa siya.

        “Parang siguradung-sigurado ka na ako nga ito,” sabi niya.

        “Wishful thinking,” sagot ni Paolo. “I was really hoping you’d respond to my message.”

        “Kasama ko sina Catlyn, Alexandra at Desiree,” sabi ni Bianca. “Nandito kami sa Cravings sa Shangri-la Plaza. Would you like to join us? Malapit ka ba rito?”

        “Katatapos lang ng meeting ko sa stock exchange,” sagot ni Paolo. “I’m just a few blocks away. Tamang-tama. I’ll be right there.”

        “Okay. See you,” sabi niya. “’Bye.”

        Bumaling si Bianca sa mga kasama.

        “Darating siya,” sabi niya.

 

IPINAKILALA ni Bianca si Paolo kina Alexandra at Desiree pagdating ng binata.

        “Kayo pala ang magkakaibigan since childhood,” sabi ni Paolo. “Nakakainggit naman na hanggang ngayon ay magkakasama pa rin kayo. Ako, I’ve lost touch with my childhood friends.”

        “Very close pa rin kami kaya bistado na nina Alex at Des ang tungkol sa plano ninyo ni Bee,” sabi ni Catlyn. “Iyon nga ang pinag-uusapan namin magmula pa kanina.”

        Naaalarmang napatingin si Bianca sa binata. Nag-aalala siyang baka mapahiya ito sa diretsahang pananalita ng pinsan.

        Pero lumiwanag pang lalo ang ngiti ni Paolo.

        “Ganoon ba?” sagot nitong nakatingin kina Alexandra at Desiree. “So I suppose we can expect your full support then?”

        Ang dalawa pa tuloy ang nalagay sa kompromiso. Pangit naman kung tatanggihan ng mga ito ang tinuran ng binata.

        Napilitang tumango sina Alexandra at Desiree.

        Napangiti naman si Bianca.

        Siya lang pala ang kayang buskahin ng kanyang mga kaibigan. Kapag kaharap si Paolo ay tiklop na ang mga ito.

        Kunsabagay, hindi naman kasi si Paolo tulad ni Edric na asawa ni Alexandra. Kababata rin nilang lahat si Edric kaya kumportable sila rito. Puwede silang magsalita nang kahit paano sa harap nito. Kay Paolo ay naninimbang pa sila.

        “Gaano ka katagal magbabakasyon dito, Paolo?” tanong ni Alexandra.

        “I was planning on three months,” sagot ng binata. “Pero flexible iyon. Depende sa mapag-uusapan namin ni Bee.”

        At tumingin ito sa kanya nang nakangiti.

        “So, kailan n’yo balak na magpakasal?” tanong ni Desiree.

        “Iniisip ko nga kung gaanong panahon ang kailangan bago kami magsabi, e,” sagot ni Bianca.

        “In the meantime, we’re doing everything we can para mapabilis ang takbo ng mga pangyayari,” dagdag ni Paolo. “We should see each other every day and I should always take her home.”

        “Huwag kang mag-alala, two days from now aakyat na uli si Daddy sa Baguio,” sabi ni Bianca. “Hindi ka na kailangang pumapel sa kanya.”

        “Pero closely monitored tayo nina Mama,” sagot ni Paolo. “May open invitation nga pala siya for me to take you home to dinner. I-schedule natin.”

        “Okay,” sagot niya.

        “Pati nga si Mommy, sakay na sakay sa pagliligawan ninyo, e,” sabi ni Catlyn. “Nagi-guilty na nga ako a bahay tuwing kinukumusta kayong dalawa.”

        “Just tell them we’re getting to know each other better,” sagot ni Paolo. “Hindi pagsisinungaling iyon, its the truth.”

        Mga bandang alas-siyete, dumating naman si Edric. Ipinakilala nila ito kay Paolo.

        “O, paano, mauuna na kami, ha?” paalam ni Alexandra pagkatapos. “Maaga akong sinusundo nitong direktor ko dahil may location shooting kami sa Batangas bukas. Maaga kaming bibiyahe.”

        “Sasabay na ako sa inyo,” sabi ni Desiree.

        “Ako rin,” sabi ni Catlyn. “Sa akin ka na mag-hitch, Des. Ako na’ng maghahatid sa iyo.”

        May sariling kotse kasi ito.

        Sumenyas si Paolo sa waiter para ibigay ang kanilang bill.

        Pagdating niyon, kanya-kanyang bunot ng pitaka ang apat na babae.

        “Allow me to take this, ladies,” sabi ni Paolo.

        At mabilis nitong nabigyan ng kaukulang halaga ang waiter, kasama na ang tip.

        “Thanks,” halos sabay-sabay na sabi ng mga babae.

        “Don’t mention it,” sagot ni Paolo.

        Pagkatapos, bumaling ito kay Bianca.

        “I’ll take you home, okay?” sabi nito.

        “Okay,” parang napakanatural na lang na sagot niya.

        Sabay-sabay na silang nagsitayo.

        Sa seventh level ng car park naiwan ang kotse ni Catlyn. Sa fifth level naman ang kay Edric. Si Paolo, napilitan daw na sa EDSA Plaza Hotel mag-park dahli wala nang makitang bakanteng espasyo.

        Naghiwa-hiwalay sila sa elevator.

        “What did you have at Cravings?” tanong ni Paolo nang magkasarilinan sila ni Bianca.

        “Coffee lang,” sagot niya. “Alanganing oras na kasi.”

        “E di pwede mo akong sabayan sa dinner,” sabi ng binata. “Medyo gutom na ako, e.”

        “Naku, bakit hindi mo sinabi agad?” sagot ng dalaga. “Dapat pala, umorder ka na habang nasa Cravings pa tayo. Puwede naman tayong nagpaiwan doon para masamahan kitang kumain. Halika, bumalik tayo.”

        “Doon na lang tayo sa EDSA Plaza,” sabi ni Paolo. “Balita ko, masarap ang dinner buffet nila.”

        “Sige,” sagot niya. “Tatawag lang muna ako kay Daddy para makapagpaalam.”  

        “Here, use my phone,” sabi ng binata. “Hintayin mo lang muna na nasa lobby tayo para mas maganda ang reception.”

        Samantala, nagkukuwento naman si Alexandra kay Edric ng tungkol kina Bianca at Paolo.

        “Pero kinabahan din nga ako sa dalawang iyon,” pagtatapos ni Alexandra. “Parang mauuwi sa totohanang pagkakagustuhan, e.”

        “Ako, sa tantiya ko na agad kay Paolo, matindi ang tama kay Bee,” sabi ni Edric. “Hindi nga nakakapagtakang sunggaban niya ang offer na ganoon.”

        “Pero paano iyong magkaiba nilang mga plano sa hinaharap?” tanong ni Alex. “Malabo iyon.”

        “Ikaw naman,” natatawang sagot ng asawa. “May hindi ba nareresolba kapag in love?”

        Iyon din ang pinag-uusapan nina Desiree at Catlyn.

        “Alam mo, bagay na bagay sila,” sabi ni Desiree. “Guwapo pala iyong pinsan mo, Cat. At kung makatitig kay Bee, naku, mukhang gandang-ganda nga sa kanya. Hindi ako magtataka kung ma-develop din itong kaibigan natin.”

        “Kung ganoon nga lang sana kasimple iyon,” sagot ni Catlyn. “Kaso, paano namang magtatagal ang ganoong relasyon kung ang balak ni Bee ay tumira sa States at ang balak naman ni Paolo ay magbalik-Pilipinas for good?”

        “Kailangang may magparaya,” sabi ni Desiree.

        “Sino naman kaya?” tanong ni Catlyn.

        “Kapag na-in love sila nang husto sa isa’t isa, baka hindi na maging problema kung sino man iyon,” sagot ni Desiree.

        “Sana nga,” sabi na rin ni Catlyn.

 

TULAD ng sinabi ni Bianca, sa kalagitnaan ng linggo ay bumalik na si Bert sa Baguio.

        Pero sina Pilar naman ang kinailangang pagpakitaan nina Bianca at Paolo ng “pagyabong” ng kanilang “relasyon”.

        Miyerkules din ng gabi isinama ni Paolo ang dalaga sa bahay para maghapunan kasama ng pamilya nito.

         Sa pagka-espesyal pa lamang ng paghahandang ginawa ni Pilar ay halatang-halata nang botong-boto ito kay Bianca para sa anak.

        Pagpasok nila sa salas ay nakita agad ni Bianca ang mga plorera ng mga sariwang bulaklak sa maraming panig ng bahay – sa center table sa salas, sa ibabaw ng piano at sa gitna ng hapag-kainan sa komedor.

        “Ang gaganda naman ng flowers,” sabi niya matapos bumati kina Pilar at Willy.

        “Thank you,” nakangiting sagot ng matrona. “I’m glad you like them.”

        “Talagang ipinabili iyan ni Mama dahil darating ka, Ate Bee,” pagmamagaling ni Pia. “She wanted the house to look extra nice for our very special guest.”

        Namula si Bianca.

        “Halika na,” sabi ni Pilar. “Kumain na tayo habang mainit ang sopas.”

        “Panay specialties ni Mama ang iniluto niya ngayong gabi, Ate Bee,” sabi ni Whammy.

        “Naku, talaga?” sagot ni Bianca. “Mabibisto yata ngayon na magana akong kumain.”

        Tumawa si Pilar.

        “Aba, that’s a refreshing difference, iha,” sabi nito. “Iyong ibang mga dalaga ay panay diyeta ang ginagawa. Walang kuwentang ipagluto. Pero kung maganang kumain, sulit na sulit sa efforts ng cook.”

        “And you’ll fit right in dahil lahat kami rito, magaganang kumain,” dugtong ni Willy. “Pati itong si Pia.”

        At napatunayan ni Bianca kung bakit. Napakasarap pala talagang magluto ni Pilar.

        Ang inihanda nito ay sopas na macaroni na may hinimay na pitso ng manok, chef’s salad na may Italian dressing at seafood paella. Ang panghimagas ay fresh fruit salad na gawa sa seedless grapes, mansanas at melon na hinaluan ng purong katas ng ponkan.

        “Busog na busog ako,” sabi niya nang nagkakape na sila pagkatapos kumain ng fruit salad. “Ang husay mo pala talagang magluto, Tita. Ako, hindi marunong sa kusina, e. Magaling lang akong kumain.”

        “Okay lang iyon,” sabad agad ni Paolo. “Hindi rin naman ako marunong magluto. Kung gusto mo, kahit ako na lang ang mag-aaral na magluto para sa atin, e.”

        “Naku, ha?” natatawang sagot ni Bianca. “Baka sinasabi mo lang iyan ngayon.”

        “Hindi, witness ko silang lahat, o,” sabi ng binata. “Sumbatan mo pa ako pagdating ng panahon.”

        “Talagang gagawin niyan ang lahat para sa iyo, Ate Bee,” sabi ni Whammy. “Sagutin mo lang siya at pakasalan.”

        Namula na nang husto si Bianca.

        “Dalhin na nga natin sa salas itong kape,” sabi ni Pilar para masaklolohan siya. “Doon na tayo magkuwentuhan.”

        Inabot ng alas-onse si Bianca sa pakikipaghuntahan sa mag-anak. Ni hindi nga niya napansin ang pagdaraan ng oras. Masaya kasi ang pag-uusap nila. Kung saan-saan na napunta. Kumportable. Kuwentuhang pamilya.

        “Ang saya pala ng pamilya n’yo,” sabi niya kay Paolo nang inihahatid na siya nito pauwi. “Nakakainggit.”

        “Kaya nga miss na miss ko na sila,” sagot ng binata. “Doon sa States, hindi ako naging ganoon kalapit sa pamilya ng father ko. Amerikana kasi ang wife niya. Amerikano na rin siyempre ang kultura ng mga kapatid ko roon. Iba kaysa sa nakalakhan ko rito. Mas malapit pa nga ako kay Papa Willy kaysa sa tunay kong ama.”

        “Ako rin, cordial lang ang relasyon ko sa pamilya ni Daddy sa Baguio,” sabi ni Bianca. “Pati nga iyong tunay kong kapatid – si Francesca – hindi ko na nakasama sa paglaki. Wala talaga akong matatawag na pamilya. Siguro, parang sina Manang Naty na lang.”

        “Pagkatapos, iiwan mo rin sila,” sabi ni Paolo.

        Natahimik si Bianca.

        “Mas malungkot sa States, Bee,” pagpapatuloy ng binata. “Pero huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. Hindi kita iiwan doon hangga’t hindi ako siguradong settled ka na at kumportable sa ganoong lifestyle.”

        “You don’t have to do that,” mabilis na sagot niya. “Sobra-sobra na nga ang tulong na gagawin mo sa akin.”

        “Alam ko ang buhay na daratnan mo roon,” sabi ni Paolo. “At hindi maatim ng konsensiya ko na iwan ka na lang basta sa ganoong sitwasyon. Tutulong din lang ako, lulubusin ko na. At hindi mo ako mapipigil. It’s for your own good. Hindi kita iiwan doon hangga’t hindi ako siguradong doon mo na nga talaga gustong mamalagi.”

        “Let’s cross the bridge when we get there,” sabi na lang ni Bianca.

 

HUWEBES nang maagang-maaga, tumawag si Fiona. Tulad ng ipinangako ni Bianca kay Bert, kinausap na niya ang kanyang ina.

        “Bianca? Is that you?” umiiyak na sabi ng matrona. “I’m sorry, baby. Huwag ka nang magalit sa Mommy, o.”

        Sa isang iglap ay nabura ang matagal-tagal din niyang kinimkim na tampo sa ina. Biglang-biglang lumambot ang puso ni Bee. Hindi rin pala niya matitiis ang kanyang mommy.

        “Mommy, I’m sorry rin,” umiiyak na ring sagot niya. “Pasensiya ka na sa akin, ha? I was just so very disappointed. Pero... pero okay na ako ngayon.”

        “Talaga, anak?” may pag-aalala  pa ring sabi ni Fiona.

        “Naiintindihan ko na ang sitwasyon mo, Mommy,” sabi niya.

        At sa pagkakataong iyon ay taos-puso na ang mga salitang iyon para kay Bianca.

        “Oh, I’m so glad,” maemosyong sagot ng ina. “Hindi mo lang alam kung gaano kahalaga sa akin ang understanding ninyo ni Francesca, anak.”

        “Kumusta na siya?” tanong ni Bee.

        “Nagtampo rin nang kaunti, pero sandali lang,” sagot ni Fiona. “Hindi naman kasi siya masyadong interesadong pumunta sa States. Kahit nga dito sa Italy, ang gusto lang niya ay magbakasyon. Ikaw, magsabi ka lang, ia-arrange namin na makadalaw ka rito.”

        “Saka na lang siguro, Mommy,” sagot niya.

        “Tinawagan ako ng daddy mo kagabi,” sabi ng ina. “May ikinuwento siya sa akin. May masugid ka raw na manliligaw ngayon.”

        “Nakarating na sa iyo iyon?” gulat na sagot ni Bianca.

        “Sa tingin siguro ng daddy mo ay dapat kong malaman dahil mukhang seryoso na iyan,” sabi ni Fiona. “Is he right? Do you like this boy?”

        “Mommy, he’s no longer a boy,” sagot niya. “He’s twenty-seven years old and a self-made man.”

        “Hmm, you sound like you really like him,” tukso ng matrona.

        “Babalitaan na lang kita sa magiging developments, Mommy,” sabi ni Bianca.

        Sinadya niyang ibitin ang ina – pero iyong tipo ng pambibitin na may pahaging na rin. Hindi na ito magugulat sa susunod na ibabalita niya.

        At marami pa silang ibang napagkuwentuhang mag-ina. Nagulat nga si Bee na interesado pala siyang malaman ang tungkol sa love story nina Fiona at Gian.

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)