FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS
ALUMPIHIT si Bianca. Lakad siya nang lakad, paikut-ikot lang naman sa kanyang kuwarto. Binabantayan niya ang oras.
Sabado. Araw ng pagdalaw ni Paolo
kina Catlyn. Noong isang araw pa raw
dumating ang binata, pero hindi na sumundo sina Catlyn sa airport. Nagpasabi na
lang ang Tita Pilar nito na isasama ang anak na dumalaw makaraang makapagpalipas
ito ng jet lag.
Pananghalian at hapunan ang itinakdang
salu-salo sa bahay ng mga Mesias. Kaya naman magmula pa kaninang alas-dose ng
tanghali ay hindi na mapakali si Bee. Iniisip niya, nakausap na kaya ni Catlyn
ang pinsan nito? Ano kaya ang naging reaksiyon ni Paolo?
Alas-otso ng gabi, hindi na siya
nakatiis. Tinawagan na niya si Catlyn.
“O, ano na?” bungad agad niya nang
sumagot ang kaibigan. “Ano raw?”
“Bianca, pambihira ka naman,” halatang
balisa ring pakli ni Catlyn. “Kararating lang no’ng tao, e. Tinatantiya ko pa
nga siya. Naninibago uli ako sa kanya. Paano ko namang masasabi agad iyong
gusto mo?”
“Naman, e,” reklamo ni Bianca, na may
kasabay pang padyak. “Ibig mong sabihin, para akong tanga rito na excited na
excited magmula pa kaninang tanghali, pagkatapos wala pa palang nangyayari?
Kung pumunta na lang kaya ako riyan para maipakilala mo ako sa kanya? Ako na
lang ang magsasabi.”
“Ha?” gulat na sagot ni Catlyn.
“Oo, tama,” sabi ni Bianca. “Para hindi
mo na problemahin ang pagsasabi sa kanya, ako na lang. Basta i-build up mo na
lang ako nang husto bilang isa sa mga best friends mo na dapat niyang
pagkatiwalaan, at hindi niya dapat pagkaitan ng tulong. O, di ba?”
“Bee...” nag-aalangang sabi ni Catlyn.
“Sige na,” singit ni Bianca. “I’ll be
there in ten minutes.”
Ilang bloke lang naman kasi ang pagitan
ng mga bahay nila sa project 6. At mabilis namang magbihis si Bee.
Pinatay na niya ang cordless phone bago
pa man makatanggi si Catlyn. At agad na siyang nagbihis.
Simple lang si Bianca. Ang isinuot niya
ay maong na mini skirt at baby t-shirt na puti. Puti rin ang kanyang ballerina
flats.
Talcum powder lang ang kanyang pabango
at pang-alis ng kintab sa mukha. Pinasadahan lang niya ng suklay ang
lampas-balikat niyang buhok.
Hindi siya nag-ayos nang espesyal.
Talagang ganoon lang ang pangkaraniwan niyang bihis. Tingin kasi niya’y hindi
naman kailangang magpaganda pa siya. Wala namang kinalaman iyon sa kanyang
lalakarin.
Ang totoo niyon, natural na maganda at kabighabighani
si Bianca. Kayumanggi ang malambot at makinis niyang balat. Pilipinang-pilipina
ang ganda ng kanyang mukha.
Hindi nga lang siya matatawag na
talagang mahinhin. May kapilyahan kasi si Bianca. Madalas ay pabigla-bigla sa
mga pagpapasya. May pagkapangahas. At may katabilan. Pero liban naman doon ay
may pagka-tradisyunal pa rin siya. Sa edad na 22 ay ni hindi pa nga siya
nagkaka-boyfriend.
Ngayong gabi ay mas nangingibabaw ang
pagkapangahas ng dalaga.
Desidido siyang masimulan ang kanyang plano.
Kailangang makaharap, makilala at makausap na niya si Paolo Cordero. Kailangang
malaman na niya kung may maaasahan ba siya rito o wala.
Wala siyang alinlangan dahil pinsan
naman ni Catlyn ang binata. Sigurado siyang hindi ito masamang tao.
At wala namang mawawala sa binata sa pakiusap
na gagawin niya. Babayaran pa nga niya ito ng dalawang libong dolyar – na hindi
birong halaga. At para ano lang? Para pumirma ng marriage contract at
magpanggap na asawa niya sa loob ng maikling panahon hanggang sa makuha niya
ang inaasam niyang American citizenship. Pagkatapos, napakadali nang kumuha ng
diborsiyo sa States.
Batay sa paglalarawan ni Catlyn, tantiya
ni Bianca ay madali namang kausapin si Paolo. Kung seryoso itong tao, tahimik,
palaisip at may pagkamahiyain, sa palagay niya ay kayang-kaya niya itong
kumbinsihin sa lohika ng kanyang alok.
Pagkatapos ng kasal-kasalan ay doon na
niya patitirahin sa bahay nila si Paolo. May guest room naman itong magagamit.
At bahala na ito sa sarili sa natitirang mga araw ng bakasyon nito bago sila sabay
na lilipad patungong States.
Pagdating naman doon, siya ang
kailangang makitira muna sa tinitirhan ni Paolo hanggang sa maayos ang lahat ng
papeles niya. Handa siyang magbayad ng board and lodging sa “asawa”. Labas pa
iyon sa dalawang libong dolyar na bayad niya rito.
Pati ang anumang mga gagastusin sa
kanilang pagdidiborsiyo ay sagot niya siyempre. At syempre pa, wala siyang
hihinging alimony o sustento mula rito.
Plantsadung-plantsado na ang plano ni
Bianca.
Nakangiti siya nang lumabas ng bahay.
“PAOLO, puwede
ba kitang makausap?” natatarantang sabi ni Catlyn.
Tumaas ang kilay ng binata. Nagtataka
siya sa pagkabalisa ng pinsan.
“Of course,” mabilis na sagot niya.
“Tungkol saan?”
“Doon tayo sa balkonahe,” yaya ni Catlyn.
Nauna na itong kumilos. Sumunod si
Paolo.
Walang ibang tao sa balkonahe.
Nakakulumpon kasi ang pamilya sa family room sa sentro ng pangalawang palapag
ng malaking bahay, nagkakantahan sa videoke.
Malaking pamilya iyon. Naroon ang mga
magulang ni Catlyn na sina Carol at Abe, pati na rin ang tatlo nitong
nakatatandang mga kapatid, dalawang hipag at apat na pamangkin.
Naroon din ang ina ni Paolo na si Pilar,
ang pangalawa nitong asawa na si Willy at ang dalawang anak ng mag-asawa.
Napagbigyan na ni Paolo ng isang kanta
ang mga kaanak kaya nagawa na niyang tumakas mula sa sirkulong iyon. Disimulado
na nga siyang lumalayo nang makasalubong naman niya si Catlyn na mukhang
aburido.
“Ano’ng problema?” tanong ni Paolo nang
makaupo sila sa bangkong yari sa driftwood na nasa balkonahe.
“May... may ikukuwento lang ako sa
iyo...” panimula ni Catlyn.
At ibinulalas na nga nito ang kuwento ng
buhay ng kaibigan nitong si Bianca, pati na rin ang kakatwang alok ng dalaga.
“What?” natatawang sagot ni Paolo. “She wants
to marry me?”
“Huwag mo naman siyang pagtawanan, o,”
lalong nababalisang pakiusap ni Catlyn. “Iyan na nga ba ang inaalala ko kaya
pinangungunahan na kita, e. Baka kasi kung kay Bee mo unang marinig ang
proposal, matawa ka sa harap niya. Maiinsulto iyon. Ayoko namang masaktan ang
kaibigan ko.”
“So what do you want me to do?”
napapantastikuhang tanong ni Paolo. “Marry her? Just like that?”
“Hindi naman,” iling ni Catlyn. “Alam
kong weird ang plano niya. Of course, I know you won’t agree. Pero kung puwede
sana, if you have to turn her down, do it gently. Iyong hindi naman siya
mapapahiya o maiinsulto. Very emotional at very sensitive pa naman siya ngayon
dahil nga sa naunsiyami niyang pangarap.”
Napabuntonghininga ang binata.
“Kunsabagay,” sagot niya, “I can
understand what she’s going through. Magkahawig ang sitwasyon namin. Nag-asawa
rin si Mama noong nasa elementary pa lang ako rito, hindi ba? Pagdating ko
naman sa States, may sariling pamilya na rin si Papa. Kaya nga bumukod na agad
ako kahit habang nag-aaral pa ako sa university.”
“Strong and independent din naman si
Bee,” paliwanag ni Catlyn. “Disappointed lang talaga siya na hindi na matutuloy
ang pag-petition sa kanila ng mommy nila papuntang States. Talagang pangarap
kasi niyang maging US citizen. Kaya nga siya na mismo ang nagpipilit na gumawa
ng paraan ngayon para matupad ang kanyang pangarap.”
“US citizenship,” iling ni Paolo. “Big
deal. Kung alam lang niya kung gaano kahirap maging Pinoy na Amerikano. Mas
masarap nang di hamak ang maging Pinoy sa Pilipinas.”
“Ipaliwanag mo iyan sa kanya,” sagot ni
Catlyn. “Pero sana, sa paraang may diplomasya.”
“Okay,” tango ng binata. “For your sake,
pinsan, I’ll do my best. I’ll try to be as tactful and gentle as I can be.”
May pumarang tricycle sa harap ng
tarangkahan ng mga Mesias.
“Nandiyan na siya,” sabi ni Catlyn,
sabay tayo. “Kakakausapin ko muna siya. Dito ka lang, ha, Paolo?”
At patakbo nang pumasok ng bahay ang
dalaga para manaog.
Tumayo rin si Paolo. Dumako sa may
barandilya ng balkonahe. Hindi niya natiis na alamin kung ano ba ang hitsura ng
Bianca Fortuna na ito na gusto raw pakasal sa kanya.
Binubuksan na ng isa sa mga katulong ang
tarangkahan.
At tumambad sa paningin ni Paolo ang
dalaga.
Hindi na niya napansing napaawang ang
mga labi niya sa paghanga. Para kasi siyang namalikmata sa pagtitig kay Bianca
kahit sa ganoon kalayo.
KILALANG-KILALA
na si Bianca ng katulong na si Delia kaya agad siya nitong pinatuloy.
Nakakaisang hakbang pa lang siya sa loob ng bakuran ay heto naman si Catlyn na
hangos na sumasalubong sa kanya.
“Bee...” parang pagpigil nito habang
hinahawakan siya sa braso. “Halika, mag-usap muna tayo sa lanai.”
Nasa kanang bahagi ng bahay ang lanai.
May pintong bukas sa hardin at mayroon ding papasok sa maluwang na salas. Sa
hardin nagmula ang magkaibigan.
Ni hindi na nagawang paupuin man lang ni
Catlyn si Bianca. Basta hinatak na lamang siya nito sa isang sulok. Para bang
gusto siyang itago samantalang wala namang ibang tao roon.
“Bakit ba?” tanong ni Bee.
“Sinabi ko na kay Paolo,” pabulong na pahayag
ni Catlyn. “Para kasi hindi na siya magulat pag nagkaharap kayo at bigla mo na
lang ibulalas ang proposal mo.”
“Good,” tuwang-tuwang sagot ni Bianca.
“Ano naman ang sagot niya?”
Umiwas si Catlyn.
“Bee, iba na pala si Paolo kaysa sa
natatandaan ko,” sa halip ay sagot nito. “Nanibago nga ako sa kanya, e. Malayo
na siya sa patpating nerd na umalis dito noon. Hindi na siya mahiyain. On the contrary, napakalakas na nga ng dating
niya. Baka magulat ka.”
“Ganoon ba?” medyo may pag-aalalang
sagot ni Bianca.
Mabilis na gumana ang utak niya. Baka mas mahirap kausap
ang isang taong malakas ang dating. Pero hindi bale, susubukin pa rin niya.
Wala namang mawawala kung susubok siya.
May napansin siyang pagkilos mula sa may
likuran ni Catlyn, sa gawi ng pinto papasok sa salas. Dumako roon ang tingin ni
Bee.
At natigilan siya sa nakasalubong ng
kanyang tingin.
Isang binata – sa unang tingin pa lang
ay sigurado na siyang binata – ang nakatitig at nakangiti sa kanya. At parang
matutunaw siya sa init ng pagtitig ng mga mata nitong may kakaibang panghatak.
Ang ngiti naman nito’y parang may kapilyuhan.
Matangkad ang binata. Matangkad nang di
hamak sa kanya. Katamtaman lang ang pangangatawan nito pero siksik ang kalamnan
sa mga braso’t dibdib – bagay na lalo pang pinatingkad ng suot nito puting
t-shirt na hapit sa katawan. Halatang athletic ito at banat sa ehersisyo. Medyo
maluwang ang pantalon nitong maong na mababa ang waistline. Sandalyas na Nike
ang nakasapin sa mga paa nito. Walang medyas.
Hindi naman sinadya ni Bianca ang
pag-inspeksiyon sa binata. Kusang kumilos lang ang kanyang mga mata. Nangahas
na maglakbay sa kabuuan ng kaharap. At nang bumalik na ang kanyang paningin sa
mukha nito’y pinagsisihan niya ang kanyang ginawa. Paano’y lalong naging mapanukso
ang ngiti nito na sinabayan pa ng bahagyang pagtataas ng kilay, na para bang
tinatanong siya kung nagustuhan niya ang kanyang napagmasdan.
Namula si Bee.
Napalingon naman si Catlyn. Inaalam kung
ano ang nagpatigagal sa kanya.
Kasabay niyon, lumapit sa kanila ang
binata. Parang relaxed na relaxed ang pagkilos nito pero kaybilis namang
nakarating sa tabi nila. Bago pa man nakapagsalita si Catlyn ay naunahan na
nito.
“Hello, Bianca. I’m Paolo. And, yes, it
would be my pleasure to marry you.”
Napasinghap si Catlyn.
Parang natulala naman si Bee. Hindi siya
makapaniwala sa kanyang mga narinig. Sa tinuran ng suwabe’t baritonong tinig na
iyon.
Si Paolo pa rin ang may kontrol sa
sitwasyon.
“Catlyn, kailangang pag-usapan namin ni
Bianca ang mga detalye ng aming forthcoming wedding,” sabi nito sa pinsan. “If
you’ll leave us here to talk, puwede mo na ring simulan sa itaas ang rumor na I
fell head over heels for your friend the moment I laid eyes on her. That will
pave the way for our whirlwind courtship, right? Hindi na sila magugulat if we
announce our wedding plans one of these days.”
Bumaling naman ito kay Bianca.
“I’m sorry, but I have to insist na
hindi malaman ng ibang tao ang totoong dahilan ng pagpapakasal natin,”
pagpapatuloy nito na para bang napakaordinaryong bagay lang ang tinutukoy. “Baka
kasi hindi maintindihan ng pamilya ko. Let them believe that we fell in love. Puwede ba iyon?”
Lalong naumid si Bee.
Si Catlyn ang sumagot.
“Seryoso ka ba?” hindi makapaniwalang
tanong nito sa pinsan.
“Bakit, hindi ba seryoso ang offer?”
pakli ni Paolo na kay Bianca pa rin nakatitig.
Napilitan nang magsalita ang dalaga.
“S-seryoso iyon,” nauutal na sagot niya.
Tarantang-taranta siya pero naroon pa
rin ang kanyang determinasyong huwag bumitiw sa kanyang pangarap. Ngayon pa ba
siya aatras kung kailan heto na’t pumapayag na si Paolo?
Hindi na baleng para siyang dahong
tinatangay ng makapangyarihang ipu-ipo sa bilis ng mga pangyayari. Hindi na
baleng para siyang mahihilo sa kalituhang bumabalot ngayon sa kanyang buong
pagkatao. Kalituhan sa mga emosyong hindi niya maintindihan na rumaragasa sa
kanyang dibdib.
“S-seryoso ang offer ko,” ulit niya. “At
kasama nga talaga sa plano ang ating pagpapanggap dahil hindi rin ako papayagan
ng daddy ko na magpakasal sa ganitong dahilan.”
Bumaling si Paolo kay Catlyn.
“You heard the lady. Now come on, Cat,
do your part,” malambing na hiling nito sa pinsan.
Lumipat ang namimilog na mga mata ng
kaibigan niya kay Bianca.
Nagkibit-balikat siya.
“I... I guess tuloy na ito,” sabi niya.
Pero hindi na kasintatag nang dati ang
kanyang tinig.
Nagpalipat-lipat pang muli ang tingin ni
Catlyn kina Bianca at Paolo bago ito humugot ng malalim na buntonghininga at
tumayo.
“Bahala kayo, ha?” sabi nito bago sila
iniwan.
NIYAYA siya ni
Paolo na maupo sa sopa na nasa kabila ng lanai. Papaupo na sila nang mapansin
ni Bianca na loveseat pala iyon. Talagang pandalawahan lang. Pero huli na para
lumipat pa siya.
Hindi naman siya siniksik ng binata.
Nag-iwan ito ng puwang sa pagitan nila. Pero naupo ito nang paharap sa kanya.
At pakiramdam ni Bee ay wala siyang maitago sa nanunuot na pagtitig nito.
Inagad niya ang pagpapahayag sa kanyang
layunin.
“I’d like you to know that this
arrangement is purely business,” paglilinaw ni Bianca. “Babayaran kita nang two
thousand dollars. Sasagutin ko rin ang lahat ng gastos sa kasal, ang pamasahe
ko papuntang States, lahat ng expenses ng stay ko roon habang magkasama pa
tayo, lahat ng expenses sa pag-aayos ng papers ko and, of course, lahat ng
expenses sa divorce proceedings. The marriage will only be for the purpose of
acquiring US citizenship for me. Tutulungan mo akong matugunan ang lahat ng
requirements para doon. I suppose that means we have to live together under one
roof for a while, but with separate rooms.”
Tuluy-tuloy ang kanyang pagsasalita para
hindi maputol ang kanyang momentum. Kung titigil kasi siya kahit sandali ay
baka ganap na siyang matalo ng kaba. Lalo pa’t hiyang-hiya sana siyang
banggitin man lamang ang pinakahuli niyang kondisyon, dangan nga lamang at
kailangan. Iyon nga mismo ang pinakamahalagang mailinaw niya ngayon pa lang –
iyong walang dapat na mamagitan sa kanila bilang mag-asawa.
“Kung iyon ang gusto mo,” nakangiting
sagot ni Paolo. “Kailan tayo pakakasal?”
Parang nakakaloko ang ngiti nito.
“Payag ka talaga?” nakakunot ang noong
tanong ni Bianca. “Just like that?”
“Bakit naman hindi?” sagot ng binata. “A
beautiful lady is asking to marry me. How can I refuse?”
“Napili lang kita dahil pinsan ka ni
Catlyn,” paglilinaw uli ni Bee. “Sigurado akong hindi ka masamang tao. Hindi mo
ako lolokohin.”
“Rest assured, hindi ako masamang tao,”
sagot ni Paolo. “On the other hand, I can’t really say that I’m a hundred
percent good boy. I can only promise that I won’t do anything against your
will. Your wish is my command, my bride.”
Namula uli si Bianca.
Bakit ba kasi ganito kung magsalita ang
Paolo Cordero na ito? Parang laging may ibang kahulugan ang mga binibitiwang
pangungusap. Maging ang timbre ng boses nito’y parang may inihahatid na ibang
mensahe. Mensaheng mapanukso’t mapang-akit na tulad ng mga mata at ngiti nito.
“W-wala pa tayong gaanong alam tungkol
sa isa’t isa,” sabi ng dalaga. “I suppose dapat lang na magkaalaman muna tayo
ng mga detalye ng buhay ng bawat isa.”
“Naikuwento na sa akin ni Catlyn nang
pahapyaw ang sitwasyon mo,” sagot ni Paolo. “Halos magkapareho tayo ng family
background – with divorced parents, I mean.”
“Alam ko,” tango ni Bianca. “Naikuwento
rin sa akin iyon ni Catlyn. Pero wala na siyang masyadong alam tungkol sa iyo
lately except that you’re into computers.”
“I am,” sabi ng binata. “Naging passion
ko iyon since college. In fact, dahil nakakuha naman ako ng multiple
scholarships na siyang sumagot sa aking schooling, iyon na ang
pinagkakaabalahan ko. Nagtrabaho ako bilang waiter sa isang classy restaurant
that’s open only from six in the evening to one a.m., at ang kinita ko roon ay
halos napuntang lahat sa computer expenses. Tipid na tipid ako sa iba pa. I was
living in a one-room attic studio at ang pagkain ko ay iyong mga libreng
take-home mula sa pinagtatrabahuhan kong restaurant.”
Napakurap si Bianca. Weird para sa kanya
ang ikinuwento ng kaharap.
“P-paano mo na-afford na magbakasyon
dito?” bulalas niya.
Pagkatapos, agad din niyang naisip na napakaprangka
naman yata ng tanong na iyon.
“I-I’m sorry,” namumula na namang habol
niya. “Masyado akong maurirat.”
“That’s okay,” nakangiting sagot ni
Paolo. “Actually, nakapagbenta ako ng program na na-develop ko. I earned something
from that.”
“A, kagaya ba niyong mga tinatawag na
shareware?” sabi ni Bianca. “Nakakita na ako ng mga ganoon. May mga ganoon nga
si Catlyn at si Alex – iyong isa pa naming friend.”
“In a way, parang ganoon,” nangiti pa
ring tango ng binata.
Ang alam ni Bianca ay kakapiranggot lang
naman ang kinikita ng mga gumagawa ng shareware. Ibinibenta nga ang mga ito
nang halos kapresyo lang ng pinaglagyang CD. Parang kaligayahan na ng mga
gumagawa iyong maipalaganap ang kanilang mga nilikhang programa.
Naisip tuloy niya na talaga nga palang
computer fanatic ang lalaking ito. Nagtitiyagang magtrabaho bilang waiter kahit
graduate sa UCLA para lang matustusan ang hilig. At hindi naman pinagkakakitaan
nang malaki. Sayang lang. “Mabuti’t
nakakuha ka ng bakasyon sa pinapasukan mong restaurant,” sabi niya.
“Nag-resign na ako roon,” sagot ni
Paolo. “I’m jobless and fancy-free right now. Pero dala ko ang aking computer.
Nai-trade in ko na kasi ang aking system sa isang state-of-the-art notebook.
It’s all I need.”
Nabuo sa isip ni Bianca ang larawan ng
sitwasyon. Nangangailangan ng pera si Paolo Cordero kaya agad nitong tinanggap
ang kanyang alok. Mabuti. Madali silang magkakaintindihan.
Hindi na lang niya papansinin ang
mapanuksong personalidad nito. Talaga sigurong ganoon ang dating ng mga taong
may pagkabohemyo ang lifestyle. May kakilala siyang mga artist na ganoon din
ang dating. Sa halip nga lang na art ay computers naman ang kinahuhumalingan ni
Paolo. Kaya niyang intindihin ang pagka-weird nito.
“Tamang-tama pala sa needs mo ang alok
ko,” nakangiting sabi ni Bee. “At least, magkakaroon ka ng dagdag na panggastos
habang nagbabakasyon ka rito. At the current exchange rate, malaki na ang two
thousand dollars. Makapag-e-enjoy ka na nang husto.”
Tumawa ang binata.
“Tiyak na mag-e-enjoy ako nang husto,”
sagot nito.
(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito,
pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)