Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Abakada ng Pag-ibig: ALEXANDRA Chapter 7


FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

KAILANGANG-KAILANGAN sana ni Alexandra ng kausap nang mga oras na iyon. Para kasing sasabog na ang kanyang dibdib sa tindi ng nadarama niyang sama ng loob.

        Ang sakit-sakit naman. Buong akala niya’y konting panahon na lang ang kanyang pagtitiyagaang hintayin bago magtapat sa kanya ng pag-ibig si Edric. Iyon pala’y nag-ilusyon lang siya nang mga nagdaang taon. Wala pala siyang hinihintay. Wala siyang dapat asahan.

        Hindi siya iniibig ni Edric. Hindi tulad ng kung gaano niya ito iniibig. Mahal lang siya ng kanyang kababata bilang matalik na kaibigan o bilang kapatid pa nga siguro. Pinagmamalasakitan. Pinuprotektahan. Inirereto sa pinakamahusay na kandidato.

        Walang tigil ang pagbagsak ng luha ni Alex habang nakasubsob siya sa kama. Kapag hindi na niya kayang pigilin ang kanyang paghagulgol ay itinatago niya ang kanyang mukha sa mga unan para hindi iyon maulinigan sa labas ng kanyang silid.

        Kailangang-kailangan sana niya ang makakausap, ng mapaghihingahan ng kanyang hinanakit, pero wala siyang mapagbalingan. Hindi niya ipinagtapat kay Allana o maging kina Bianca, Catlyn at Desiree ang tungkol sa kinikimkim niyang pag-ibig kay Edric. Ngayon pa ba naman niya ito aaminin – ngayon pang alam na niyang hindi naman magkatugon ang kanilang mga damdamin? Masyado naman siyang magmumukhang kawawa. Masyado nakakapanliit.

        Mas mabuti pang sarilinin na lang niya ang pagdurusa. Wala nang dapat na makaalam pa ng tungkol sa kanyang pagkabigo. Sa pagkawasak ng lahat ng kanyang mga pangarap. Sa ganap na paglaho ng kanyang kaligayahan.

        Ayaw niyang kaawaan siya ninuman.

        Nag-iisa na lang talaga siya ngayon sa pribado niyang mundo.

        Sa labas, kailangang parang walang nagbago. Kailangang makayanan niyang magpanggap na tulad pa rin siya ng dati.

        Higit sa lahat, kailangang maging normal pa rin ang pakikitungo niya kay Edric. Hindi ito dapat na makahalata ng kahit kaunti tungkol sa kanyang pagdadalamhati.

        Iyon yata ang pinakamahirap pangatawanan – pero iyon din ang pinakamahalagang bagay na dapat niyang tupdin.

        Naisip ng dalaga na kailangang tulungan niya ang kanyang  sarili na makaalpas sa krisis na ito. Kailangang gumawa siya ng mga hakbang na muling makapagpalakas ng loob niya, na muling makapagpapabangon ng kanyang kumpiyansa sa sarili.

        Ngayon kasi ay durug-durog ang kanyang puso, nanghihina ang kanyang pagkatao at parang nangunguluntoy pati ang kanyang personalidad.

        Matayog ang tingin niya noon sa kanyang sarili dahil buong akala niya’y iniluklok siya ni Edric sa mataas na pedestal. Ikinainis pa nga niya ang pag-aakalang iyon din mismong pedestal na iyon ang dahilan kung bakit parang hindi na siya maabot ng binata. Kung bakit para siyang diyosang sinasamba lang nito mula sa malayo.

        Ang gusto niya’y makababa sa pedestal na iyon para maging kapantay ni Edric. Para maging kasama’t katuwang nito sa buhay. Kaagapay. Kahawak-kamay. Kayakap. Kaulayaw.

        Iyon pala’y wala namang pedestal. At ang pagiging malayo sa kanya ni Edric sa kabila ng kanilang pagkakalapit ay napakasimple lang ipaliwanag – hindi pala siya nito iniibig.

        Ang lalaking pinakaiibig niya’y hindi umiibig sa kanya. Walang umiibig sa kanya.

        Walang umiibig sa kanya?

        Natigilan si Alexandra.

        Ganoon na nga ba siya kamiserable?

        Oo, syempre, mahal siya ng kanyang mga magulang. Pero iba pa iyon sa hinahanap niya.

        Naalala niya ang mismong mga salita rin ni Edric.

        Si Dwight daw at si GM, kapwa humahanga sa kanya.

        Si Dwight, oo nga. Hindi naman nito ikinubli ang paghanga sa kanya. Sadya pa nga itong nagpahalata. Ayaw nga lang niya sa klase ng paghanga nito. Hindi bale na lang.

        Pero si GM – totoo nga kayang may gusto sa kanya si GM? Parang mahirap paniwalaan. Wala naman siyang nadamang ganoon sa kanilang mga paghaharap.

        Paano kung totoo nga ang sinabi ni Edric?     Kung papipiliin din lang siya kina Dwight at GM, mas pipiliin niya ang huli. Mas may tiwala siya kay GM.

        Katulad ng sinabi ni Edric, matinong lalaki si George Milan. Disenteng-disente. Maginoo at mabait. Bukod pa iyon sa pagiging guwapo nito, makisig, matalino, at maabilidad.

        Oo, hangang-hanga siya kay GM. Pero wala siyang gusto sa kanilang boss.

        Sayang. Kung sino pa iyong hindi naman niya gusto, iyon pa raw ang may gusto sa kanya.

        Sayang na pagkakataon. Sana... sana si GM na lang ang itinibok ng puso niya. Di hindi na sana siya nahihirapan nang ganito.

        May kumislap na ideya sa isip ni Alex. Si GM – may posibilidad kayang matutunan din niyang ibigin si GM?

        Parang wala. Parang malayo. Pero sayang talaga.

        Ano kaya kung subukin niya?

        Napakagat-labi si Alexandra. Hindi niya kayang lokohin ang kanyang sarili. Ngayon pa nga lang, alam na niyang ang mga ispekulasyon niyang ito ay ginagawa niya sa iisang dahilan – naghahanap siya ng panggamot sa pusong sugatan. Pangpahilom sa sarili.

        Pero kung totoong may gusto sa kanya si GM, pabor din dito kung matutunan niya itong gustuhin.

        Magagawa ba niya iyon?

        Kunsabagay, iyon na nga lang yata ang puwede niyang kapitan para siya makabangon nang kahit paano. Araw-araw, sa bahay man o sa trabaho, ay makakasama pa rin niya si Edric. Kailangang-kailangan talaga niya ng taong magbabalanse sa kirot na madarama niya sa tuwing maaalala niya ang kanyang kabiguan sa kababata.

        Pilit na tinapangan ni Alexandra ang loob niya.

        “Sige, Edric,” sabi niya, “gagawin ko ang gusto mo. Kay GM na lang ako.”

 

HANDANG-HANDA na siyang humarap sa kababata kinabukasan. Pakiramdam ni Alex ay lumalaban siya sa pagka-best actress sa isang drama festival. Internalized na internalized niya ang kanyang pag-arte.

        Para lalong maging natural, hindi siya naging masyadong sweet kay Edric. Medyo nagtaray pa nga siya – pero iyong pagtataray na may halo pang biro.

        “Talagang peace na tayo, ha?” sabi ng binata pagsakay nila sa kotse nito.

        “Basta ba hindi ka uli magkakatopak sa ulo na tulad kahapon, e,” sagot niya.

        Hindi na nga umulit si Edric. Hindi na ito bumanggit ng maski na ano tungkol kina Dwight at GM.

        Parang kaytagal ng biyahe nila para kay Alex. Pakiramdam niya, dumoble ang oras nila sa daan kaysa dati. Inip na inip na siyang makawala mula sa pagkakakulong nila ni Edric sa loob ng maliit na espasyo ng kotse nito.

        Damang-dama niya ang tensiyon sa pagitan nila. Akala niya’y sa panig lang niya iyon. Hindi niya alam na tensiyonado rin ang binata. Na tulad niya’y may pagpapanggap din itong pilit na pinangangatawanan.

        Nakahinga nang maluwag si Alexandra pagdating nila sa basement parking area ng opisina. Lalo pa nang pagpanhik nila’y nadatnan nila sa audio visual room sina Simon at Gomer.

        “Wala kayong field work?” tanong agad ng dalaga.

        “Natapos din,” sagot ni Simon. “Finally.”

        “Sa darkroom naman kami magbababad ngayon,” sabi ni Gomer.

        Medyo nadismaya na naman si Alex. Maiiwan din pala sila ni Edric sa kuwarto.

        “Simon, matagal pa ba ang gagawin mo?” tanong ni Edric. “Uupo kasi uli ang team for New Haven ngayong araw. Intensive na tayo. Next week ang ipinangako ni GM na pag-submit ng proposal sa kliyente.”

        “Hanggang ngayong umaga na lang ako sa darkroom,” sagot ni Simon. “Ipapasa ko na kay Gomer iyong ibang trabaho. Makakahabol na ako sa meeting after lunch.”

        “Good,” tango ni Edric.

        Maya-maya’y bumungad sa may pinto si GM.

        “Good morning, everyone,” masiglang bati nito.

        Biglang naging alerta si Alexandra. Lahat ng tungkol kay GM ay lihim niyang inobserbahan.

        Maganda ang boses nito. Mababa. Suwabe.

        Maliwanag ang ngiti. Maputi at pantay-pantay ang mga ngipin.

        Isa-isahin man ang bawat bahagi ng mukha nito o tingnan sa pangkalahatan ay guwapo talagang matatawag ang binata.

        Matangkad ito. Makisig. Malinis sa katawan. Masinop manamit.

        Wala siyang maipipintas kay GM. Pero bakit wala rin siyang madamang excitement sa harap nito?

        “Good morning, boss GM,” masayang bati ni Simon.

        “Good morning,” sunud-sunod ding bati nina Edric at Gomer.

        Hinintay muna ni Alex na matapos ang lahat bago siya nagsalita.

        “Hi, GM,” malambing na sabi niya.

        Kalkulado iyon. Bahagi na ng plano niya.

        “Hi,” sagot nitong nakatuon na ang atensiyon sa kanya. “Ikaw talaga ang sadya ko, e. May iaabot akong imbitasyon sa iyo. Kay aga-agang ipina-deliver.”

        “Kay Alex lang, GM?” sabi ng may kapilyuhan talagang si Simon. “Hindi kami kasali?”

        “Sorry na lang kayo, kami lang ni Alex ang kinumbida, e,” pabiro ring sagot ng presidente. “Pangalan lang namin ang nasa imbitasyon.”

        Pagkatapos, seryoso na itong bumaling na muli sa dalaga.

        “It’s a dinner invitation from New Haven,” paliwanag nito. “Isa sa mga formal dinner meetings nila with their co-investors. May mga minor na kasosyo rin naman kasi riyan si Mr. Gotiangko, although he owns three fourths of the company. Anyway, gusto nila tayong ipakilala sa investors. That’s for tomorrow night at eight sa Shangri-La Makati.”

        “Formal ba ito?” ulit ni Alex habang tinutunghayan ang imbitasyong may pangalan nga niya sa labas ng sobre. “Ano’ng attire?”

        “Hindi naman black tie dinner,” sagot ni GM. “Hindi mo kailangang mag-gown. Actually it’s more of a business dinner kaya kahit business attire, puwede na.”

        “Okay, I think I can manage that,” nakangiting tango ng dalaga.

        “Take tomorrow afternoon off para hindi ka magahol sa paghahanda,” sabi ni GM. “Susunduin na lang kita sa bahay n’yo around seven. Edric here can give me directions. Gusto ko ring ma-meet ang parents mo, e.”

        “Sige,” sang-ayon ni Alex.

        Pag-alis ni GM ay sumulyap siya kay Edric. Pero abala itong tumitipa sa kaharap na computer.

        Hindi niya alam na nagtatagis ang bagang ng binata sa paninibugho.

 

HINDI niya gusto ang kanyang gagawin pero kinumbinse ni Alexandra ang kanyang sarili na iyon ay sa ngalan ng self preservation. Na kung hindi siya babaling kay GM ay tuluyan nang mawawasak ang kanyang tiwala sa sarili.

        Tutal naman, matinong tao si GM, hindi ba? Hinahangaan niya ito at nirerespeto. Sapat na sigurong panimula iyon para unti-unti niya itong mapag-aralang mahalin.

        Ang mahalaga ay mapatunayan muna niya kung gusto nga ba siya ni GM. At kung yayabong ba ang pagkakagustong iyon sa pag-ibig. Kailangang kailangan niya ng taong iibig sa kanya. Ng taong sasagip sa kanyang puso.

        Kaya nag-ayos uli siya nang mabuti. Sinikap niyang gayahin ang pag-aayos na ginawa sa kanya nina Gerri at Charlotte.

        Hindi naman pala mahirap gawin. Inobserbahan kasi niya nang mabuti ang mga technique ni Charlotte.

        Itim din ang pinili niyang isuot na damit. Hanggang kalagitnaan ito ng kanyang hita. Sleeveless, may cowl collar, drop-waisted at A-line ang tabas. Tinernuhan niya iyon ng itim na sandalyas na ginamit niya sa pictorial. Ibinigay na iyon sa kanya, pati damit na isinuot niya. Pinahiram naman siya ni Allana ng itim na evening bag. Binigyan pa siya ng alahas.

        “Sa iyo na itong set ko ng diamond earrings at singsing,” sabi ng ina. “Wala na naman akong pinupuntahang mga pormal na okasyon. Panahon mo na ngayon.”

        “Wow, talaga, Mommy?” sagot ni Alex. “Maisusuot ko na rin ang mga ito, finally.”

        Maliit pa kasi siya ay gandang-ganda na siya sa hikaw at singsing na iyon ng Mommy niya na minana pa raw nito mula sa lola niya. Bihira nga iyong suot ni Allana – sa mga dinadaluhang mga pormal na okasyon lamang tulad ng mga kasalan.

        Nang isuot ni Alex ang mga alahas ay biglang naging napaka-elegante niyang tingnan sa kanyang simpleng make-up, hairstyle at damit.

        Ganoon na nga lang ang papuri sa kanya ni GM pagdating nito.

        “Alexandra, you’re breathtakingly beautiful,” sabi nito.

        “Dapat lang,” pabirong sagot niya. “Ang guwapo ng escort ko, e. Napaka-dashing and debonair pa.”

        “Ahem,” pabiro namang pagmamalaki kunwari ni GM.

        Pagkatapos, sabay silang nagkatawanan.

        Naisip ni Alex, kahit pala may pinaplano siyang “masama” ay hindi apektado ang pagkakumportable niya kay GM. Magandang senyales ba ito?

        Naging madulas din ang unang pagkakakilanlan nina GM, Allana at Greg. Halatang nakagaanan din agad ng loob ng mag-asawa ang binata.

        “Congratulations ho sa inyo, for having such a beautiful and intelligent daughter,” sabi pa ni GM.

        “Nagmana sa ina,” sagot agad ni Greg.

        “Naku naman,” namumula at tumatawang sabi ni Allana. “Hindi naman.”

        Nakipagkuwentuhan pa muna si GM sa mag-asawa nang sandali bago sila umalis.

        “Kasundo mo ang parents ko, a,” pansin ni Alex nang nasa kotse na sila.

        “They’re very nice,” sagot ni GM. “No wonder you turned out this way. Masuwerte ka sa kanila. Pero mas masuwerte sila sa iyo.”

        “Mapapanatag na ang loob nila ngayong nakilala ka,” sabi ng dalaga. “Iba siyempre iyong alam nila na nasa mabuting mga kamay ako. Although kahit naman noon pa, na-build up ka na nang husto ni Edric sa kanila.”

        “Ganoon ba?” natatawang sagot ni GM. “Ito talagang si Edric, oo. Laging maaasahan.”

        “Pati nga sa akin, na-build up ka na niya nang husto, e,” sabi pa ni Alex.

        “Talaga?” Sagot ni GM na sumusulyap sa kanya. “At hindi ka ba naman na-disappoint when you finally met me? Baka naman hindi ako nag-measure up sa expectations mo?”

        “Sobra pa nga, e,” sagot niya. “Hindi naman kasi nasabi ni Edric sa akin noon na bata ka pa. Tuloy, I was expecting a much older man. Akala ko, kaedad ka na ni Daddy o baka mas matanda pa.”

        “Ano?” tumatawang sabi ni GM.

        “Talaga,” tango ni Alex. “Kaya nagulat ako noong na-meet kita. At lalo akong na-impress sa accomplishments mo at your age.”

        Napahalakhak si GM.

        Lumapad din ang ngiti ni Alexandra.

        May pakiramdam siyang wala siyang magiging kahirap-hirap sa pagtuklas ng kanyang gustong mapatunayan. Bago matapos ang gabi ay magiging malinaw na kung ano nga ba ang damdamin ni GM para sa kanya. Malamang, magpahaging man lang ito.

        “Alam mo, Alex, you’re so sweet,” sabi nga ng binata matapos tumawa.

        Heto na nga, naisip niya.

        Pero hindi niya inaasahan ang idinugtong ni GM.

        “Pag kasama kita, naaalala ko ang younger sister kong si Gina. Pareho kayong maganda, matalino at sweet. Nami-miss ko na ang lokang iyon. Nasa States na kasi. Kaya ang lapit-lapit ng loob ko sa iyo, e. I feel so protective over you.”

        Napakurap si Alex.

        “G-ganoon ba?” sagot niya.

        Pero alanganin ang kanyang ngiti.

        Kung tutuusin, natutuwa siya sa sinabi ni GM. Flattered siyang maihambing sa pinakamamahal nitong kapatid.

        Pero pumalpak na naman ang kanyang mga akala.

        Iyon palang sinasabi ni Edric na pagkagusto ni GM sa kanya ay pagtinging-kapatid lang din. Kaya naman pala wala siyang madamang malisya mula rito. Kaya rin hindi maalis-alis ang pagkakumportable niya sa harap ng boss nila.

        Okay lang. Parang kuya rin naman ang tingin niya kay GM. Walang problema roon.

        Ang problema niya ay ang kanyang naunsiyaming plano.

        Sino pa ngayon ang pagbabalingan ng kanyang sugatang puso?


(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya'y Mga Lumang Mga Post na link.)


(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)