Click Below to Find Titles to Read

List of Free Maia Jose Novels to Read

Miyerkules, Hulyo 26, 2023

Abakada ng Pag-ibig: Shaira Chapter 1

 

FREE TAGALOG ROMANCE NOVELS

Abakada ng Pag-ibig: Alexandra

Abakada ng Pag-ibig: Bianca

Abakada ng Pag-ibig: Catlyn 

Abakada ng Pag-Ibig: Desiree 

Abakada ng Pag-ibig: Elaine

Abakada ng Pag-ibig: Francesca

Abakada ng Pag-ibig: Gwen

Abakada ng Pag-ibig: Hiyas

Abakada ng Pag-ibig: Irene

Abakada ng Pag-ibig: Julianna

Abakada ng Pag-ibig: Krizha

Abakada ng Pag-ibig: Lorraine

Abakada ng Pag-ibig: Monique

Abakada ng Pag-ibig: Niandra

Abakada ng Pag-ibig: Odette

Abakada ng Pag-ibig: Paula

Abakada ng Pag-ibig: Queenie

Abakada ng Pag-ibig: Rhianna


ABAKADA NG PAG-IBIG: SHAIRA

by Maia Jose



 Copyright Maria Teresa C. San Diego

All Rights Reserved

 Published in print by Valentine Romances

Books for Pleasure, Inc.

First printing 2001

 ISBN: 971-824-076-4

 

Teaser:

MALIIT pa si Shaira ay nakilala na bilang gifted child. Isang genius. Kaya naman sa kanyang pagdadalaga, ang hinahangaan lang niyang mga lalaki ay iyong mga pinakamagagaling sa akademya. Hanggang sa makilala niya ang construction contractor na si Jigger - isang college dropout na umasenso sa pamamagitan ng self-study, pagsisipag at pagiging street smart. Napakarami palang maituturo ni Jigger na hindi pa alam ni Shaira.


CHAPTER 1

NAKATITIG si Shaira sa screen ng kanyang iMac, ang pinakamamahal niyang apple red personal computer. Pero sa mga sandaling iyon, hindi maintindihan ng dalaga ang mga numerong nasa screen. Sa kabila ng kanyang pagtatapos sa mga kursong B.S. Mathematics, B.S. Computer Science, M.S. Mathematics at M.S. Computer Science sa UP, sa kanyang pagkakaroon ng doctorate degree in Mathematics mula rin sa UP, at sa kanyang pagkakaroon ng Doctor of Science degree mula sa Massachusetts Institute of Technology Department of Electrical Engineering and Computer Science, hindi maintindihan ni Shaira ang formula na siya rin naman ang nagpasok sa computer.

Hindi rumerehistro sa kanyang utak ang kaharap na trabaho na bahagi ng isinusulat niyang libro. Inaagaw kasi ang kanyang atensyon ng mga sigaw at halakhak na nagmumula sa garden sa labas ng kanyang office/library.

Kung tutuusin, protektadong-protektado na sana si Shaira laban sa anumang distractions. Nakakulong siya sa isang sementadong kahon, 36 square meters ang sukat, sarado ang nag-iisang bintanang natatabingan ng makapal na drapes at naka-lock ang pinto. Insulated na dapat sa ingay ang mga dingding ng maliit na istrukturang iyon dahil punung-puno ng floor-to-ceiling shelves na halos lumulundo na sa nagsisiksikang mga libro at research papers. Malakas pa ang huni ng air conditioner na naka-set sa high cool.

        Dating art studio ng kanyang mas nakatatandang kapatid na si Paula ang maliit na gusaling iyon na nasa backyard lang ng kanilang family home. Nang mag-asawa at lumipat ng tirahan ang kilalang sculptor, ipina-renovate naman ni Shaira ang studio para sa kanyang pangangailangan. Ang naglalakihang mga bintana ay ipinasemento niya, liban sa isa. Ginawa niya iyon para may mapaglagyan ng bookshelves.

        Hindi na kasi sila magkasya ng kanyang Mommy at Daddy sa library sa main house. Palibhasa pare-pareho silang mga UP professors, araw-araw ay parami nang parami ang kanilang naiimbak na mga libro at iba pang papeles. Kinailangan na talaga niya ng sarili niyang espasyo.

        Lalo pa ngayong kailangan niyang mag-concentrate sa kanyang book project. Ito nga ang dahilan kung bakit hindi muna siya magtuturo sa susunod na sem. Naka-leave siya para sa proyektong ito. At ngayong sem break pa lang ay kailangang simulan na niya ang trabaho para maabot niya ang deadline ng kanyang boss na si Dr. Elmer Malabanot.

        Kung bakit naman kasabay ng kanyang pag-buckle down to work ay saka biglang naging refugee center ang kanilang bahay.

        Dumating mula sa States si Connie, kaisa-isang anak ng kanyang Uncle Walter — ang yumaong nakatatandang kapatid ng kanyang Daddy. Diniborsiyo ng kanyang pinsan ang asawang Amerikano at binitbit pauwi sa Pilipinas ang tatlong anak.

        Ulila na sa parehong magulang si Connie. Close ito sa kanila dahil liban sa Uncle nito ang daddy ni Shaira ay ninong pa nito sa binyag. Kaya nang kinailangan nito ng pansamantalang matutuluyan bago muling makapag-settle down sa Maynila ay sa kanila bumagsak.

        Hindi akalain ni Shaira na ganoong klase ng ingay at gulo ang kayang likhain ng tatatlong batang lalaki na may edad tatlo, apat at limang taong gulang.

        Hindi na sila sanay sa ganoong ingay sa pamilya Montelibano. Matagal nang walang bata sa bahay nila. Ang bagong-kasal na si Paula ay ni hindi pa naman naglilihi. Balak yatang magpalipas muna ng isang taon bago mag-baby.

        Tatlong magkakapatid sina Shaira. Panganay si Paula na isang kilala at premyadong sculptor ng male nudes. Panggitna siya na isang full professor sa UP College of Science Department of Mathematics. Bunso naman si Virginia na graduate ng Hotel and Restaurant Administration sa UP Asian Institute of Tourism, pero kasalukuyang walang trabaho.

        Ang Daddy nilang si Dr. William Montelibano ay propesor sa UP College of Law at may Doctor of Laws degree. Ang Mommy naman nilang si Dra. Zenaida Montelibano ay propesora sa UP College of Social Sciences and Philosophy at may dalawang doctorate degrees — sa History at sa Philippine Studies.

        Pamilya ng mga intelektuwal ang mga Montelibano. Kaya nga kahit noong mga paslit pa ang magkakapatid ay hindi matandaan ni Shaira na naging kasinlikot at kasing-ingay sila ng kanyang mga pamangking balikbayan. Para bang kahit noong mga bata pa sila’y lagi na silang seryoso at abala sa kanya-kanyang gawain.

        Lalo na siya. Wala pa kasi siyang isang taong gulang nang mapansin ng kanyang mga magulang na isa siyang gifted child. Advanced daw siya sa lahat ng bagay.

Eight months old pa lang siya ay nagawa na niyang tugtugin sa kanyang toy piano ang mga simpleng tunes na tulad ng “Twinkle, Twinkle Little Star.” Mga tatlong ulit lang daw niyang napanood at napakinggan ang pagtugtog ng kanyang Mommy sa mga iyon bago niya nagaya na gamit ang isang daliri.

        Wala pa ring one year old si Shaira ay araw-araw na siyang binabasahan ng libro ng kanyang Mommy at Daddy. Pinauupo siya ng mga ito sa kanilang  kandungan at inihaharap sa kanya ang mga children’s books. Isa-isang itinuturo ng mga ito ang mga salita habang binabasa ang mga iyon. Mataman naman daw siyang nagmamasid at nakikinig.

        Nang tumuntong siya ng isang taong gulang, nagsimula na siyang magsalita nang tuwid. Doon napatunayang kaya na niyang basahin nang malakas ang mga librong binasa sa kanya noon. Napatunayan ding hindi lang niya basta namemorya ang mga iyon dahil kapag nakita niya ang parehong mga salita sa ibang libro ay nababasa na rin niya nang malakas kahit nakapaloob sa ibang mga pangungusap.

        Sa pamamagitan ng mga scientific testing procedures ay napatunayang genius nga si Shaira. Agad siyang binigyan ng special tutorial classes.

        Nahigitan pa niya ang mga ekspektasyon ng kanyang mga mentors. Lilimang taong gulang pa lang siya nang natapos niya ang kabuuang elementary education. Sa edad na pito, natapos niya ang high school curriculum.

        Mula walo hanggang labing-isang taong gulang, binuno niya nang sabay ang B.S. Mathematics at B.S. Computer Science batay sa curriculum sa UP. Pero hindi niya iyon ginawa sa eskuwelahan. Panay tutorials lang.

        Para sa kanyang socialization, dinala siya ng kanyang mga magulang sa mga special interest courses kung saan mayroon siyang mga kaedad. Mga klase sa painting, stage acting at iba pa. Doon kasi, hindi halatang kaiba siya sa kanyang mga kaedad. Pupuwede sana siyang mag-blend in.

        Pero kahit kailan, at sa kahit na anong sitwasyon, hindi siya naging kumportable kasama ng ibang tao. Kahit hindi naman iniaanunsiyo ang kakaiba niyang pagkatao, feeling pa rin niya ay isa siyang freak. Para bang kapag tinanong na “Which of these is not like the others?” ay siguradong siya na iyong sagot.

        Sa bahay lang talaga siya kumportable, kasama ng kanyang pamilya. Doon, walang magtataka kahit maghapon siyang tahimik lang na nagbabasa o nagsusulat at kahit sanlaksang nagkakapalang mga libro ang kaharap niya. Tahimik lang din naman kasi si Paula sa pagdo-drawing o sa paglikha ng iba’t ibang figures sa pamamagitan ng play dough. Si Via naman ay malamang na naglalarong mag-isa ng bahay-bahayan, nagre-rearrange ng closet o nakikitulong sa paghihimay ng gulay sa kusina.

        Mula’t sapul ay tahimik nga ang pamamahay ng mga Montelibano. Kahit ang mga talakayan at debate nilang mag-anak tungkol sa iba’t ibang paksa sa tuwing nagkakasama-sama sila sa harap ng hapag-kainan ay nungkang nauwi sa pagtataasan ng boses. Laging kalmado.

        Kaya naman parang hinalukay ang mundo ni Shaira pagdating ng tatlo niyang mga pamangkin na pinangalanan pa man ding Alvin, Theodore at Simon katulad ng sikat na Chipmunks. Kung hindi ba naman may pagka-weird din talagang mag-isip ang kanyang pinsang si Connie.

        Palakas nang palakas ang hiyawan ng mga bata sa labas. Hindi na nakatiis si Shaira. Kaninang umaga ay wala na nga siyang nagawang trabaho dahil din sa ingay ng kanyang mga pamangkin. Hanggang ngayong hapon ba naman ay patuloy pa ring sisirain ng mga ito ang kanyang workday? Mag-a-alas-tres na’y wala pa siyang anumang natapos. Tumayo na siya at lumabas ng opisina.

        Pagbukas niya ng pinto, nakita niyang kasama ng tatlong bata si Connie. Nakikipagharutan at nakikipagbungisngisan din pala ito sa  mga anak.

        Natigilan si Shaira. Nahiya na siyang manaway.

        Napansin naman siya ng mag-iina.

        “Tita Shai! Tita Shai!” tawag ng panganay na si Alvin. “Come on! Let’s play!”

        “Let’s play! Let’s play!” parang echo na ulit ng pangalawang si Theodore.

        Nginitian naman siya nang pagkaliwaliwanag ng bunsong si Simon.

        “Oo nga naman, Shai,” sang-ayon ni Connie. “Mag-break ka naman diyan sa ginagawa mo. Sumali ka muna sa amin.”

        Ngumiti siya kahit medyo tabingi. Hindi lang niya masabi na paano naman niya kakailanganing mag-break samantalang ni hindi pa nga siya nakakapagsimulang magtrabaho nang matino?

        Tatanggi na sana siya pero sabay-sabay na lumapit ang tatlong bata. May humatak sa kanyang kanang kamay. May humatak sa kaliwa. Ang pinakabunso’y sa laylayan na lang ng shorts niya kumapit.

        “Come on, Tita Shai,” ulit ni Alvin.

        “Come...come...,” gaya naman ni Simon.

        “Let’s play tag,” hiling ni Theodore. “You’re it.”

        Hindi makapalag si Shaira. Mahirap palang kumawala sa ganoon kaliliit na mga bata. Feeling niya magiging kontrabida siya. Napilitan tuloy siyang sumunod na lang.

        Kunsabagay, hindi rin niya mapigilang matuwa sa mga pamangkin. Talaga naman kasing napaka-cute ng mga ito. Panay tabachingching. Namumutok ang mamula-mulang mga pisngi. Ang bibigat ng mga pang-upo. At ang bibilog ng mga matang parang nagmamakaawa sa kanya.

        “Okay, I’ll play,” sabi na rin ni Shaira. “But I don’t want to be it.”

        “That’s fine,” mabilis na tango ni Alvin bago bumaling sa ina. “Mom, you’re it.”

        “Ang daya mo, Shai,” tumatawang sagot ni Connie. “Sige na nga.”

        Piniringan nina Alvin at Theodore ang ina. Hirap pa ang mga ito na magbuhol ng panyo at hindi naman halos natakpan ang mga mata ni Connie pero nanatiling nakapikit ang babae. Nakikiayon sa mga anak.

        “I can’t see a thing!” kunwa’y reklamo pa nito nang sa wakas ay matapos ang mga bata.

        Tuwang-tuwa naman ang tatlong bubwit.

        “Hey, Mom,” sigaw ni Alvin. “Come and get me!”

        “Me! Me!” sigaw ni Simon.

        “You can’t catch me!” sigaw naman ni Theodore.

        Manood lang sa mga pakembot-kembot pang pagsayaw-takbo ng tatlong bata ay tawang-tawa na si Shaira. Hindi na siya ngayon nagtataka kung paanong napagtiyatiyagaan ni Connie na makipaglaro sa mga anak. Masarap nga pala.

        Maya-maya lang ay nakalimutan na niya nang tuluyan ang iniwan niyang trabaho. Malakas pa ang boses niya kaysa kay Connie. Para na rin siyang batang walang pakundangan kahit magpagulong-gulong sa lawn, lalo na nang pagtulungan siyang kilitiin ng tatlong baby monsters habang ginagatungan pa ang mga ito ng ina.

        Nasa ganoon silang kalagayan nang makita ni Shaira na nakatayo sa gawing paanan niya si Dr. Elmer Malabanot.

        Nakahalukipkip ang kanyang boss, salubong ang mga kilay. Halatang hindi aprub sa inabutang eksena.

        “S-Sir!” bulalas ni Shaira habang natatarantang bumabangon.

        Ang hirap pa namang awatin ng kanyang mga pamangkin. Mabuti na lang, napansin na rin ni Connie ang bisitang lalaki at tumulong ito sa pagpapatigil sa mga anak.

        “G-Good afternoon, Sir,” sabi ni Shaira nang makatayo na nang mahusay. “N-Nadaan ka?”

        “Busy ka yata,” maypagkasarkastikong sagot nito.

        Namula si Shaira.

        “H-Hindi naman, Sir,” sagot niya. “Oo nga pala, Sir, this is my cousin, Connie, and these are her kids, Alvin, Theodore and Simon.”

        Bumaling siya sa kanyang pinsan.

        “Connie, si Dr. Elmer Malabanot. Boss ko.”

        Hindi naglahad ng kamay si Connie. Tumango lang ito sa propesor. Pagkatapos, nagpaalam na agad ito kay Shaira.

        “Papasok na muna kami ng mga bata.”

        Bago siya nakasagot ay niyaya na nito ang mga anak.

        “Come on, guys, let’s get some ice cream.”

        May bata ba namang tatanggi sa ganoong treat? Nauna pa ang mga ito sa pagtakbo papasok sa main house.

        “Sorry about that, Sir,” sabi ni Shaira.

        Pakiramdam kasi niya, hindi binigyan ni Connie ng sapat na paggalang si Dr. Malabanot.

        “I thought you said you wanted to give this project an early start,” panunumbat pa rin ng lalaki.

        “I did,” tango ng dalaga. “I mean, I still intend to. Na-distract lang ako ng mga bata. Kadarating lang kasi nila from the States.”

        Napabuntonghininga ang boss niya.

        “Hindi conducive sa project mo ang ganitong atmosphere, Shaira,” sabi nito. “Baka hindi mo ma-meet ang deadline ko. Sabihin mo lang. I can give the project to other people. Alam mo namang maraming interesadong makipag-team-up sa akin. Binigyan lang kita ng priority.”

        “N-Naku, Sir, this won’t happen again, I promise,” natatarantang sagot niya. “I’ll meet your deadline, I assure you.”

        “Alam mo namang kailangan ko pa iyang ayusin pagkatapos ng trabaho mo. Preliminary work lang ang sa iyo. Baka ako pa ang magahol sa panahon sa pag-aayos ko niyan,” sabi pa ni Elmer Malabanot.

        “No, Sir, that won’t happen,” iling ni Shaira. “Pipilitin ko ngang mas mapaaga pa ang pag-submit ko nito.”

        “Good,” tango ng propesor. “So, I’ll leave you to your work, then. Siguro naman hindi ka na uli guguluhin ng tropang iyon. Why aren’t they in school? Hindi ba alam n’ong ina nila na kailangan ng mga bata ang early intellectual stimulation? Baka mabobo ang mga anak niya sa panay horseplay lang.”

        “Plano nga ni Connie na ihanap ng preschool ang mga bata next week,” pagtatanggol ni Shaira sa pinsan. “Nag-a-adjust pa lang kasi silang mag-iina dito. Three days ago pa lang sila dumating from the States.”

        “Well...whatever,” pagkikibit-balikat ni Dr. Malabanot. “Basta ba hindi mo na papayagang maistorbo nila ang trabaho mo, wala tayong pakialam sa family problems nila. So be a good girl and go back to work.”

        Tumango si Shaira.

        Tinalikuran na siya ni Elmer.  

(Kapag hindi lumabas ang kasunod na chapter pagkatapos nito, pindutin ang > o kaya’y ang Mga Lumang Mga Post na link.)

(Link sa listahan ng iba pang mga nobela.)